45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos
Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na pamumuhay. Kung, sa paniniwala sa Diyos, hindi makilala ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpasok sa tunay na pamumuhay, at kung hindi sila makapamuhay nang normal bilang tao sa tunay na pamumuhay, mabibigo sila. Yaong mga sumusuway sa Diyos ay pawang mga taong hindi makakapasok sa tunay na pamumuhay. Sila ay pawang mga taong nagsasalita tungkol sa pagiging makatao, ngunit isinasabuhay ang likas na pagkatao ng mga demonyo. Sila ay pawang mga taong nagsasalita tungkol sa katotohanan, ngunit sa halip ay isinasabuhay ang mga doktrina. Yaong mga hindi makayang isabuhay ang katotohanan sa tunay na pamumuhay ay yaong mga naniniwala sa Diyos, ngunit kinasusuklaman at inaayawan Niya. Kailangan mong isagawa ang iyong pagpasok sa tunay na pamumuhay, alamin ang iyong mga kakulangan, pagsuway, at kamangmangan, at alamin ang iyong abnormal na pagkatao at mga kahinaan. Sa gayong paraan, ang iyong kaalaman ay mapag-iisa sa iyong aktwal na kalagayan at mga paghihirap. Ang klaseng ito lamang ng kaalaman ang tunay at maaaring magtulot sa iyo na tunay na maunawaan ang iyong sariling kalagayan at mabago ang iyong disposisyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagtalakay sa Buhay Iglesia at sa Tunay na Buhay). “Sa paghahangad na makapasok sa buhay, kailangang suriin ng isang tao ang kanyang sariling mga salita, mga gawa, mga kaisipan, at mga ideya sa bawat bagay na nakakaharap niya sa pang-araw-araw na buhay. Kailangang maunawaan ng isang tao ang kanyang sariling mga kalagayan, at pagkatapos ay ikumpara ang mga ito sa katotohanan, hangarin ang katotohanan, at pumasok sa realidad ng katotohanang kanyang nauunawaan. Sa proseso ng pagpasok sa realidad ng katotohanan, kailangang maunawaan ng isang tao ang kanyang sariling mga kalagayan, at madalas na humarap sa Diyos upang manalangin at magsumamo sa Kanya. Kailangan ding madalas na makibahagi ang isang tao sa ibang mga kapatid nang bukas ang puso, maghanap ng landas papasok sa realidad ng katotohanan, at hangarin ang mga prinsipyo ng katotohanan. Sa bandang huli, malalaman ng isang tao kung anong mga disposisyon ang kanyang ibinubunyag sa pang-araw-araw na buhay, kung nagagalak ba ang Diyos sa mga ito o hindi, kung tumpak ba ang isinasagawa niyang landas o hindi, kung nasuri na ba niya o hindi ang mga kalagayang matatagpuan sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanyang sarili kumpara sa mga salita ng Diyos, kung nasuri na ba nang tumpak ang mga ito o hindi, kung naaayon ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos o hindi, at kung tunay ba siyang nagtagumpay at talagang nakapasok na pagdating sa mga kalagayang iyon na naaayon sa mga salita ng Diyos. Kapag madalas kang namumuhay nang napapaloob sa mga kalagayang ito, sa mga kundisyong ito, unti-unti, magkakaroon ka ng pangunahing pagkaunawa sa ilang katotohanan at sa iyong totoong mga kalagayan” (“Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ibinubunyag ng mga salitang ito ang tamang landas sa pagpasok sa buhay, na siyasatin ang lahat ng kaisipan at kilos sa nangyayari sa tunay na buhay, at saka isaalang-alang natin ang mga paghahayag ng mga salita ng Diyos, pagnilayan ang mga tiwali nating disposisyon at saka hanapin ang katotohanan. Ito lang ang paraan upang makilala natin ang sarili natin at makapasok sa mga salita ng Diyos.
Kamakailan, ibinahagi ni Brother Chen ang karanasan niya sa isang pagtitipon. Nang matapos siya, naisip ko na naging matigas ang ulo niya at walang prinsipyo sa kanyang tungkulin, kaya tinabasan at pinakitunguhan siya. Hindi siya nangangatwiran para sa sarili niya, at lumabas na nagpasakop siya. Ngunit kung tungkol sa kung bakit naging matigas ang ulo niya, kung ano ang kanyang tiwaling disposisyon o ang pinakadahilan, hindi niya sinubukang unawain ito, o hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang pagkamasunurin niya’y pagsunod lang sa mga tuntunin. Hindi iyon tunay na pagpapasakop. Naisip ko sa sarili ko, “Hindi ba’t dapat kong ipaalam sa kanya ang pagkukulang na ito?” Pero naisip ko rin na, “Mas matagal na siyang mananampalataya kaysa sa akin, daig ng karanasan niya ang sa akin. Kung magmumungkahi ako sa kanya, magiging para akong nagmamarunong. Magmumukha akong mapagmataas. Wala na lang akong sasabihin.” Nang matapos na siya sa pagbabahagi, hiniling niyang sabihin sa kanya ang anumang mga pagkukulang na maaaring napansin namin. Gusto kong ituro ang isyu niya, ngunit hindi ko magawa ito. Naisip ko, “Talagang lubos na mas matanda siya kaysa sa akin. Kung sasabihin kong hindi siya tunay na nagpasakop at sumusunod lang siya, lubha siyang mapapahiya at malalagay ko siya sa alanganin. Kung hindi niya ito tatanggapin at sasabihin na mapagmataas ako, o na sadyang wala akong karanasan, mapapahiya ako. Hindi ko siya lubusang kilala, at hindi sulit isapalarang maging masama ang palagay niya sa akin.” Matagal akong nag-atubili, at sinabi ko, “Mayroon kang karanasan at praktikal din ang pagkaunawa mo.”
Hindi ako mapalagay pagkasabi nito. Nakikita ko ang mga problema niya pero hindi ko siya sinabihan dito. Magaganda lang ang sinabi ko na salungat sa konsensya ko. Wala namang tapat o totoo tungkol sa sinabi ko. Naisip ko kung ano ang madalas na pinag-uusapan namin sa aming mga pagtitipon sa loob ng panahong iyon. Dapat naming pagnilayan at kilalanin ang sarili araw-araw, upang makita ang mga kasinungalingan o malabnaw na katotohanang nabibigkas namin, kung mga personal na layunin ang naging motibo ng sinabi namin, at kung anong mga bagay ang sinabi o ginawa namin na salungat sa katotohanan. Napagtanto ko noon na nagsinungaling lang ako kay Brother Chen. Alam kong paulit-ulit tayong hinihimok ng Diyos na maging matapat, na makikita sa mga kasabihan tulad ng huwag magpaligoy-ligoy, at magsalita nang tahasan. At gayon man, hindi ko naisagawa ang pinakabatayang pangangailangan na ito. Sa puntong iyon, nadismaya talaga ako. Nagmadali akong humarap sa Diyos, at nanalangin para makilala ang sarili ko. Pagkatapos, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “May pinag-aralan kayong lahat. Binibigyang-pansin ninyong lahat ang pagiging pino at pinababa sa inyong pananalita, at maging sa paraan ng inyong pagsasalita: Maingat kayong magsalita, at natuto na kayong hindi sirain ang paggalang sa sarili at ang dangal ng iba. Sa inyong mga salita at kilos, tinutulutan ninyo ang mga tao na makakilos nang maayos. Ginagawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mapanatag ang mga tao. Hindi ninyo inilalantad ang kanilang mga pilat o pagkukulang, at sinisikap ninyong huwag silang masaktan o mapahiya. Gayon ang prinsipyong pinagbabatayan ng kilos ng karamihan sa mga tao. At anong klaseng prinsipyo ito? Ito ay tuso, madulas, mapanlinlang, at mapanira. Nakatago sa likod ng nakangiting mukha ng mga tao ang maraming malisyoso, mapanira, at kasuklam-suklam na bagay. Halimbawa, kapag nakikihalubilo sa iba, ang ilang tao, pagkakita na may kaunting katayuan ang taong iyon, ay magsisimulang magsalita sa isang suwabe, maganda sa pandinig, at nakapupuri na paraan para mapanatag ang taong iyon. Ngunit iyon nga kaya ang talagang iniisip nila? Tiyak na nagkikimkim sila ng mga layon at lihim na motibo. Ang gayong mga tao ay may kasamaan sa kanilang puso at lubhang kasuklam-suklam. Ang paraan ng pagkilos sa buhay ng gayong mga tao ay kasuklam-suklam at karima-rimarim” (“Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Hindi ako matapat sa mga salita ko. Paligoy-ligoy ako. Paikot-ikot ang sinasabi ko para hindi ako makasakit ng damdamin ng iba. Kung titingnan mula sa labas, nagmukhang iniisip ko ang iba, pero ang mga motibo ko’y para maganda ang sabihin ng iba sa akin at para protektahan ang sarili kong katayuan. Sa pakikinig sa kanyang mga karanasan, alam kong labis ang pagsunod ni Brother Chen sa mga tuntunin, at alam ko na hindi rin ito nakakatulong para sa pagpasok niya sa buhay. Ngunit mapapahiya siya, at magiging masama ang palagay niya sa akin kung babanggitin ko ito sa kanya, kaya patuloy akong nanahimik. Sa katunayan, kahit noong hiningian niya kami ng mga mungkahi, hindi ako naging diretsahan. Sa halip, labis-labis ko siyang pinuri at nilinlang. Sobra akong tuso at mapanlinlang! Hiniling ni Brother Chen na ituro namin sa kanya ang mga mali niya, dahil gusto niyang bumawi sa mga pagkukulang niya. Nabigo ako sa responsibilidad kong tulungan siya, sa huwad na mga pamumuri at panlilinlang ko sa kanya. Noon ko lang napagtanto na habang mukha akong nakikisama at walang nasasaktang damdamin, hindi ko isinagawa ang katotohanan. Hindi iyon pagiging mabuting tao, kundi pagiging tuso at mapanlinlang. Dati itinuring ko ang sarili ko na walang muwang at walang karanasan at nalalaman sa mga paraan ng mundo. Nakita ko lang na tuso ako noong naharap na sa mga katunayan at nagsimula akong kamuhian ang sarili ko. Hindi ko gustong maging lubos na mapanlinang. Kaya nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi, sabihin ang katotohanan, at maging matapat gaya ng iniaatas Niya.
Nagpasya ako na sulatan si Brother Chen tungkol sa kung ano’ng natuklasan ko sa kanya pero nag-atubili ako habang nagsusulat. Nag-alala ako na baka mali ang pagkakasabi ko, na baka hindi niya tanggapin nang mabuti iyon, at isipin niyang walang saysay ang sinasabi ko. At dahil nanahimik ako noon, kung bigla na lang akong may sasabihin sa kanya ngayon, hindi ba’t babalewalain niya lang iyon? “Siguro, hindi ngayon ang tamang oras. Sa susunod na nga lang.” Pero nadismaya ulit ako sa inisip kong iyon. Hindi isinaayos ng Diyos ang pagkakataong ito para lang makilala ko ang sarili ko. Inaasahan Niyang tatanggapin ko ang mga salita Niya at isasagawa ang mga ito. Kung magpapatalo ako at pagpapasyahan kong hayaan ito, hindi ba’t pandaraya iyon sa Diyos? Nanalangin ulit ako, at sinabing, “Hindi ko na gustong mag-alala tungkol sa pagmamataas ni Brother Chen o kung ano ang iisipin ng iba sa akin. Tulungan Mo akong isagawa ang katotohanan.” Pagkatapos, inisip ko ang karanasan ni Brother Chen at natagpuan ang ilang angkop na mga salita ng Diyos. Isinulat ko ang napansin kong mga isyu at kaunti ng sarili kong pagkakaunawa, at ipinadala ito kay Brother Chen. Mas palagay ang pakiramdam ko sa pagsasagawa sa ganoon. Nakakuha ako sa kanya ng sagot kinabukasan. Sinulat niya na lubos siyang naantig nang mabasa niya ang liham ko, at nagmula ang isinulat ko sa pag-ibig ng Diyos. Nabigo siyang magtuon sa paghahanap ng katotohanan noong may nangyaring ilang problema, at noong tinabasan siya, hindi niya ito pinagdaanan nang maayos. Gusto niyang tugunan kung paano niya naranasan ang mga bagay. Lubos akong naantig nang mabasa ko ang sagot niya. Hindi ko na kailangang mag-alala nang lubos sa pakikipag-ugnayan ko sa iba. Kailangan ko lang ng tamang motibo pag may tinuturo akong problema, at matatanggap nila ito. Imahinasyon ko lang ang pag-aalala ko; mula ito sa tiwaling disposisyon ko. Naunawaan ko ring ang mga ugnayan sa iglesia ay hindi nakadepende sa mga pilosopiya sa buhay o mga mapanlinlang na kilos, kundi nakabatay sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at sa katapatan.
Lubos akong ginawang tiwali ni Satanas, at nakaugat na nang malalim ang tiwali kong disposisyon, na kapag may banta sa pangalan at mga interes ko, nahihirapan akong isagawa ang katotohanan.
Pagkatapos niyon, may napansin akong kapatid na madalas nagbabasa ng nobela. Bumilis agad ang tibok ng puso ko. Naisip ko, “Karamihan sa mga nobela sa Internet ay mga kathang-isip na gawa ng tao. Kung mapupuno ang isip niya nito, hindi na niya gugustuhing basahin ang mga salita ng Diyos. Maiwawaglit niya ang gawain ng Banal na Espiritu, at magiging malaking kawalan iyon sa buhay niya. Dapat kong sabihin ang isyu sa kanya.” Pero nang magsasalita na ako, pinanghinaan ako: “Maiinis ba siya dahil dito, at iisipin niyang nakikialam ako? Kung hindi maganda ang reaksiyon niya, magiging asiwa kaming makita ang isa’t isa sa buong araw. Siguro’y dapat ko na lang iulat ito sa pinuno ng iglesia at hayaan ang pinuno na magbahagi sa kanya.” Pero alam kong hindi tama ang pag-iisip na ito. Ako ang nakatuklas nito, kaya ako dapat ang magbahagi sa kanya. Hindi ko dapat ipasa ang responsibilidad sa iba. Pagkatapos niyon, ilang beses ko ring inisip na sabihin ito, pero hindi ko mailabas ang mga salita. Hindi ko alam kung saan magsisimula. Nagpatuloy ito sa pagdaan ng araw hanggang tinanong sa akin ng pinuno ng iglesia ang tungkol sa kalagayan ng kapatid. Noon ko lang binanggit ang lahat ng iyon. Sa gulat ko, sinabi ng pinuno na abala siya at hiniling niyang kausapin ko ang kapatid. Napagtanto kong isinaayos ng Diyos ang sitwasyong ito upang makita kung maisasagawa ko ba ang katotohanan. Nagsimula kong isipin na medyo matagal-tagal na rin akong nababalisa. Sa bawat oras na nakikita ko siya, naiisip ko noong hindi ko siya kinausap. Hindi ko siya minahal o inako ang responsibilidad, at nagdusa ang konsensya ko. Batid kong mabuti ang mga dalang panganib ng mga nobela sa Internet. Ginagamit ni Satanas itong masasamang uso na ito upang linlangin niya at gawing tiwali ang mga tao, upang kontrolin sila, at palayuin sila sa Diyos, upang lalo silang maging masama hanggang sa lamunin sila nito. Hindi ko man lang naisip kung paano puwedeng masira ang buhay ng kapatid na iyon dahil doon, o na kung siya’y nagagambala nang husto sa tungkulin niya, puwede niyang mapinsala ang gawain ng iglesia. Natakot akong masaktan ko ang damdamin niya, kaya naging maingat ako para mapanatili ang ugnayan namin. Makasarili at kamuhi-muhi iyon!
Pagkatapos, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Maraming tao ang naniniwala na ang pagiging mabuting tao ay talagang madali, at kailangan lang dito na bawasan ang pagsasalita at dagdagan ang paggawa, magkaroon ng mabuting puso, at huwag maghangad ng masama. Naniniwala sila na titiyakin nito na uunlad sila saanman sila pumunta, na magugustuhan sila ng mga tao, at na sapat na ang maging gayong klaseng tao. Ni ayaw na nga nilang hangarin ang katotohanan; nasisiyahan na sila sa pagiging mabuting tao. Iniisip nila na ang paghahangad ng katotohanan at paglilingkod sa Diyos ay napaka-kumplikado; iniisip nila na kailangan dito ang pag-unawa sa maraming katotohanan, at sino ang makagagawa niyon? Nais lang nilang tumahak sa mas madaling landas—maging mabubuting tao at gampanan ang kanilang mga tungkulin—at iniisip nila na sapat na iyon. Makatwiran ba ang posisyong ito? Talaga bang napakadaling maging mabuting tao? Makakakita kayo ng maraming mabubuting tao sa lipunan na napakatayog magsalita, at kahit sa tingin ay tila wala silang nagawang anumang malaking kasamaan, sa kanilang kalooban sila ay mapanlinlang at tuso. Nakikita nila lalo na kung ano ang direksyon ng ihip ng hangin, at suwabe at makamundo silang magsalita. Sa tingin Ko, ang gayong ‘mabuting tao’ ay isang huwad, isang ipokrito; ang gayong tao ay nagkukunwari lamang na mabuti. Lahat ng nananatili sa isang masayang kalagayan ang pinakamasama. Sinisikap nilang huwag saktan ang damdamin ninuman, pinapasaya nila ang mga tao, sumasabay sila sa agos, at walang makaunawa sa kanila. Ang gayong tao ay isang buhay na Satanas!” (“Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Naiwawaksi Mo ang Mga Tali ng Isang Tiwaling Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tumagos sa puso ko ang mga salitang ito ng Diyos. Nakita ko na isa akong “palasang-ayon” na tao, na palagi lang akong nasa gitna, ayaw makasakit o pumuna ng iba, gaya ng sabi ng salita ng Diyos. Kung magsalita man ako, isinaalang-alang ko muna ang sitwasyon. Hindi ako handang ilagay sa panganib ang pagkakaibigan o hayaan silang hanapan ako ng mali. Napansin kong may problema ang kapatid na ito at ginusto kong kausapin siya, ngunit kapag iniisip kong baka masaktan ang damdamin niya, paulit-ulit ko itong iniwasan, at ipinasa ang responsibilidad sa pinuno ng iglesia. Napagtanto ko na sarili ko lang ang iniisip ko, na wala akong ginawa na makakasakit sa sinuman, at ayokong malagay sa panganib ang mga interes ko. Malinaw na naging gayon ang pag-uugali ko sa mga kapatid ko. Tuwing may napapansin akong ilang senyales ng katiwalian sa iba, magbubulag-bulagan na lang ako, at hindi ko babanggitin ito. Sa panlabas, parang kasundo ko ang lahat. Parang napakamaunawain ko. Pero ang totoo, huwad na pagpapanggap lang iyon. Tinago ko ang damdamin ko at hindi ko ibinahagi ang iniisip ko. Nagkukunwari lang ako. Isa talaga akong mapanlinlang na ipokrita! Nilinlang ko ang mga kapatid ko, ngunit kasabay nito, gusto ko ring mabuti ang isipin nila sa akin. Lubha akong walang kahihiyan! Nakita kong ako’y walang iba kundi mapanlinlang at tusong palasang-ayon. Isa akong huwad.
Pagkatapos ay binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang likas na pagkatao ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa likas na pagkataong iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katungkulan? Bakit ka mayroong gayon katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban mo ang lason ni Satanas. Tungkol naman sa kung ano ang lason ni Satanas, lubos itong maipapahayag sa mga salita. Halimbawa, kung tatanungin mo ang ilang masamang tao kung bakit sila gumawa ng kasamaan, sasagot sila: ‘Dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Maaari silang gumawa ng mga bagay-bagay para sa ganito at ganoong layunin, ngunit ginagawa lamang nila iyon para sa kanilang sarili. Iniisip ng lahat ng tao na dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili at bahala na ang iba, dapat mabuhay ang mga tao para sa sarili nilang kapakanan, at gawin ang lahat ng makakaya nila para magkaroon ng magandang posisyon alang-alang sa pagkain at marangyang pananamit. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang likas na pagkatao. Ang mga salitang ito ang mismong lason ni Satanas, at kapag isinapuso ito ng mga tao, nagiging kalikasan na nila ito. Ang kalikasan ni Satanas ay inilalantad sa pamamagitan ng mga salitang ito; lubos itong kinakatawan ng mga ito. Ang lasong ito ay nagiging buhay ng mga tao at nagiging pundasyon din nila sa buhay, at ang sangkatauhang ginawang tiwali ay patuloy nang pinangingibabawan ng lasong ito sa loob ng libu-libong taon” (“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Natulungan ako nitong maunawaan ang pinakadahilan ng pagiging palasang-ayon ko, iyon ay dahil ang mga pilosopiya at lason ni Satanas ay malalim na nakaugat sa akin. Dahil sa mga lason tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka,” Sarili ko lang ang iniisip ko, ang sarili kong reputasyon at katayuan. Hinanap ko ang pagsang-ayon ng ibang tao sa akin. Para dito, magiging makasarili at mapanlinlang ako. Higit pa rito mula pagkabata ko, sinabi ng mga magulang kong mas makinig ako kaysa magsalita. Huwag daw akong lubos na tahasan dahil hindi iyon magugustuhan ng mga tao. Namuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya, at bihira akong maging matapat sa iba. Ganito rin ako sa matatalik kong kaibigan. Bihira akong nagtatapat para ituro ang mga mali nila, takot na mapasama ko ang loob nila, at masira ang tingin nila sa akin. Sumasakay lang ako sa nararamdaman nila at pinupuri ko sila, ngunit kasinungalingan ang lahat ng iyon. Pagkatapos ay napagtanto kong ang pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya ay ginagawa lang akong huwad, tuso, makasarili, at nakaririmarim. Sariling mga interes ko lang ang inisip ko, at hindi ko man lang inisip ang iba. Wala akong pagmamahal sa iba, at hindi ako matapat. Talagang imposible sa akin na makatulong o makabuti sa sinuman sa anumang paraan. Walang katuturang maging malapit sa akin. Ang mga satanikong pilosopiyang ito’y tunay na hindi makatwiran, at hindi ito dapat maging mga prinsipyo ng asal. Ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito ay gagawin lang tayong mas tiwali at mas nagkukulang sa pagkatao. Sa tuwing binabalewala ko ang isang problema, nakakaramdam ako ng pagkakonsensya na kalaunan, hindi ko na malampasan. Alam ko ang totoo pero hindi ko maisagawa ito. Duwag ako at walang dignidad o integridad. Sa aking edad, hindi ko magawang maging disente at hindi alam ang mga prinsipyo para sa pagkikipag-ugnayan ng tao. Sa halip, sinusunod ko ang mga pilosopiya sa buhay na itinuro’t pinalaganap ni Satanas. Sa sandaling iyon, talagang kinamuhian ko ang sarili ko. Ayoko nang mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito. Gusto ko lang na kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos.
Hindi nagtagal, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa ng pagiging matapat na tao? Ito ay ang kailangan na maging bukas ang iyong puso sa Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin ng ‘bukas’? Ang ibig sabihin nito ay pagbibigay sa Diyos ng malinaw na pagkakita sa lahat ng iniisip mo, kung ano ang iyong mga layon, at ano ang kumokontrol sa iyo. Ang sinasabi mo ay kung ano ang nasa puso mo, nang wala ni katiting na pagkakaiba at walang anumang pagtatago, walang masamang bahagi, nang hindi na kailangan pang manghula at malalim na manuri ang ibang tao sa pamamagitan ng pagtatanong, at nang hindi mo na kailangang magpaliguy-ligoy pa, sa halip ay basta sinasabi mo ang iniisip mo, nang walang iba pang layon, ibig sabihin nito ay bukas ang puso mo. Kung minsa’y nasasaktan at hindi natutuwa ang iba sa iyong kaprangkahan. Gayunman, may magsasabi ba ng, ‘Masyado ka namang tapat magsalita at talagang nasaktan mo ako; hindi ko matatanggap ang katapatan mo’? Wala; walang magsasabi noon. Kahit nasasaktan mo ang mga tao paminsan-minsan, kung kaya mong maging bukas sa kanila at hihingi ka ng paumanhin, aaminin na nagsalita ka nang hindi nag-iisip at hindi inaalintana ang kanilang mga kahinaan, makikita nila na wala kang sama ng loob, na ikaw ay isang matapat na tao, at na hindi mo lang talaga pinapansing masyado ang iyong pananalita at napakaprangka mo lang talaga; walang magdaramdam sa iyo. … Ang pinakamahalagang bahagi ng pagiging isang matapat na tao ay na ang iyong puso ay kailangang maging bukas sa Diyos. Pagkatapos, matututo kang maging bukas sa ibang tao, magsalita nang tapatan at totoo, sabihin ang nasa puso mo, maging isang taong may dangal, integridad, at pagkatao, at hindi magsalita nang mayabang o nang mali o gumagamit ng mga salita para pagtakpan ang sarili mo o linlangin ang iba” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Pagiging Matapat Maaaring Makapamuhay na Tulad ng Isang Tunay na Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Habang pinagninilayan ko ito, labis akong naantig. Ramdam kong inakay ako ng Diyos at tinuruan akong maging tao. Upang maging matapat, magsalita at kumilos nang may katapatan, maging ganap na bukas ang puso sa Diyos, maging totoo sa iba, at tumangging gamitin ang mga taktika o manlinlang—hindi nakakapagod ang mabuhay nang ganito. Kalaunan, kinausap ko ang kapatid na iyon tungkol sa aking inaalala, at nagbahagi kami sa mga panganib ng mga nobela sa Internet. Noong una kaming nagsimula, aaminin ko na mukhang hindi siya masaya, at siyempre, nakakaasiwa iyon, ngunit sa pagbabahagi ko sa kanya, nagawa niyang mapagtanto na talagang nasa panganib siya. Sinabi rin niyang hindi na siya magbabasa ng mga ito, at pagtutuonan na niya ang kanyang tungkulin. Nang marinig ko siya, lumuwag ang pakiramdam ko sa wakas, pero sinisi ko rin ang sarili ko. Kasi, kung mas maaga akong nagsalita, marahil ay mas maagang naitama ang kalagayan niya. Dahil lamang humanap ako ng pagsang-ayon at naghintay ako nang matagal sa pagsasagawa ng katotohanan, kaya’t nagpatuloy ito. Talagang nakakasira ang pagiging palasang-ayon. Pagkatapos niyon, tuwing mahihiwatigan ko ang isang isyu sa mga tungkulin ng mga kapatid, nag-aalala pa rin ako na mapasama ang loob nila, ngunit sa pananalangin sa Diyos at pagsasagawa ng katotohanan upang maging matapat, nalaman kong kaya kong tapat na ituro ang problema kalaunan. Sa gabay ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay natutuhan ko kung paano makipag-ugnayan sa ibang tao. Nakita ko kung gaano kahalaga ang salita ng Diyos. Ito ang mga prinsipyo para sa mga kilos natin. Sa tungkulin man natin o asal, lagi nating kailangan ang mga salita ng Diyos. Kung hinahanap natin ang katotohanan ay may landas tayong susundan.
Kung aalalalahin, sa teorya lang ako sumang-ayon na mapanlinlang nga akong tao, ngunit hindi ko kinumpara ang sarili ko sa mga salita Niya upang siyasatin ang tiwali kong disposisyon. Bihira ko ring hinanap ang mga salita Niya para sa landas ng pagsasagawa, kung kaya’t walang naging pagbabago sa mapanlinlang kong disposisyon. At isa pa, kahit na nakaranas lang ako ng ilang mababaw na usapin sa buhay, kapag sinisiyasat ko ang sarili ko at hinahanap ang katotohanan sa salita ng Diyos, umaani ako ng bunga at kaliwanagan. Nakakaramdam din ako ng totoong kapayapaan at nagtatamo ng kaunti sa landas ng pagpasok sa buhay. Ang pagdating sa pagkaunawang ito at pag-ani sa bungang ito ay dahil lahat sa gabay ng mga salita ng Diyos sa akin! Salamat sa Diyos!