59. Hindi Na Ako Nag-aalala na Hindi Magampanan nang Maayos ang Tungkulin Ko sa Aking Pagtanda
Noong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Hindi ko akalain na magagawa kong salubungin ang Panginoon sa mga huling araw. Sobrang saya ko na hindi ko ito mailarawan sa salita. Naramdaman ko na sa pagkakataong ito, sa wakas ay may pag-asa nang makapasok sa kaharian ng langit at makamit ang buhay na walang hanggan. Nasa 50 anyos ako noon at malakas pa ako. Sa pagseserbisyo man bilang lider ng iglesia, pangangaral ng ebanghelyo, o pagdidilig sa mga baguhan, aktibong-aktibo akong gumawa, at ang bawat araw ay lubhang kasiya-siya. Sa pagtatapos ng 2018, bigla akong nakaramdam ng pagkahilo, bumigat ang mga binti ko, at hindi ko maiangat ang mga paa ko para maglakad. Lagi akong natitisod kahit sa patag na lupa ako naglalakad, at madalas ay nagagasgasan ang mga tuhod at siko ko, at nagdurugo. Dinala ako ng anak kong babae sa ospital para magpatingin. Sabi ng doktor, mayroon daw akong lacunar infarction at seryoso niya akong binalaan, “Kailangan mong mag-ingat nang husto sa kondisyong ito! Kapag nadapa ka uli, malamang na magdulot iyan ng cerebral hemorrhage.” Medyo natakot ako nang marinig ko iyon mula sa doktor. “Kung magkakaroon talaga ako ng cerebral hemorrhage, paano pa ako makagagawa ng anumang tungkulin? Paano ako maliligtas kung hindi ko magagampanan ang tungkulin ko? Hindi ba’t masasayang lang ang maraming taon ng pananampalataya ko?” Pagkatapos, uminom ako ng gamot para gamutin ito, at unti-unti, kumalma ang kondisyon ko at bumuti ang pakiramdam ko. Alam kong proteksyon ito ng Diyos, at nagpursige ako sa paggawa ng tungkulin ko sa panahong ito. Pagkatapos kong mag-70, malinaw kong naramdaman na nagsisimula nang humina ang katawan ko sa maraming paraan. Napapagod ako kahit sa paggawa ng kaunting trabaho lang at humina na rin ang memorya ko. Noong 73 anyos ako, nagsasala ako ng mga sermon sa iglesia. Isang araw, nagdaos ng pagtitipon ang superbisor kasama kami. Napansin ko ang ilang kapatid na medyo bata pa, at nang makipagbahaginan ang superbisor tungkol sa mga prinsipyo, maliksing tumipa ang kanilang mga daliri sa mga keyboard ng kompyuter, na gumagawa ng mabibilis na takatak. Sobra akong nainggit sa kanila, at naisip ko, “Pare-pareho tayong nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin. Bakit may ganito kalaking pagkakaiba? Ang mga kabataan ay mabilis sa paggawa ng lahat ng bagay at mabilis umarok at magpakadalubhasa sa mga prinsipyo. Paano naman ako? Hindi makasabay ang mga mata ko, at mabagal na sa reaksyon ang utak ko. Malayo ang agwat sa akin ng mga kabataan. Matanda na ako ngayon, at hindi na sumusunod ang katawan ko sa gusto ko, anuman ang subukan kong gawin. Magagawa ko pa ba nang maayos ang tungkuling ito?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nasisiraan ng loob. Unti-unti, naramdaman kong para na akong isang lobong walang hangin, at wala na akong interes na gumawa ng anuman. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kapag nananalangin, at wala akong nakakamit na kaliwanagan o liwanag mula sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Napaisip ako kung aabandonahin na ba ako at ititiwalag ng Diyos. Kalaunan, napagnilayan ko, “Matanda na ako at mahina ang kakayahan. Kung hindi ako aktibong magsusumikap na umangat, hindi ba’t lalo lang akong mapag-iiwanan? Sabi nga sa kasabihan, ‘Huwag kang matakot sa mabagal na pag-usad, ang katakutan mo ay ang pagtigil; sa minsang pagtigil, mahuhuli ka nang dalawa’t kalahating milya.’ Hindi, kailangan kong magsumikap na umangat!” Noong mga araw na iyon, patuloy akong nanalangin, nagmamakaawa sa Diyos na bigyang-liwanag at gabayan ako para malutas ang negatibong kalagayan ko.
Kalaunan, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ayaw Kong abandonahin o itiwalag ang sinuman sa inyo, ngunit kung hindi nagsusumikap ang tao nang mabuti, kung gayon ay sinisira mo lamang ang iyong sarili; hindi Ako ang nagtitiwalag sa iyo, kundi ikaw mismo.” Hinanap ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Diyos: “Ayaw Kong abandonahin o itiwalag ang sinuman sa inyo, ngunit kung hindi nagsusumikap ang tao nang mabuti, kung gayon ay sinisira mo lamang ang iyong sarili; hindi Ako ang nagtitiwalag sa iyo, kundi ikaw mismo. … Ang Aking layunin ay para lahat kayo ay magawang perpekto, at kahit malupig man lamang, nang upang ang yugtong ito ng gawain ay maaaring matagumpay na makumpleto. Ang nais ng Diyos ay magawang perpekto ang bawat tao, sa kahuli-hulihan ay makamit Niya, ganap na malinis Niya, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Sinasabi Ko man na kayo ay paurong o may mahinang kakayahan, pawang totoo ang mga ito. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong abandonahin kayo, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang naghahangad, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang maaabandona. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahinang kakayahan; kung magaling ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong magaling na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong kamangmangan; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa katunayan na ikaw ay may pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod dito; kung sinasabi mong hindi mo magagawa ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, ito man ay pangangaral ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pag-aasikaso sa iba’t ibang mga pangkalahatang usapin, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan. Ang pagiging tapat, ang pagpapasakop hanggang sa pinakahuli, at ang paghahangad na magkaroon ng pinakadakilang pagmamahal sa Diyos—ito ang kailangan mong tuparin, at wala nang iba pang mas magandang mga pagsasagawa kaysa sa tatlong bagay na ito. Sa kahuli-hulihan, kinakailangang makamit ng tao ang tatlong bagay na ito, at kung makakamit niya ang mga iyon, sa gayon ay gagawin siyang perpekto. Ngunit, sa ibabaw ng lahat, dapat kang talagang maghabol, dapat kang aktibong magpatuloy nang pasulong at pataas, at huwag maging walang-kibo sa bagay na iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis na nagliwanag ang puso ko. Nais ng Diyos na maligtas at maperpekto ang lahat. Hangga’t hinahangad natin ang katotohanan, hindi tayo ititiwalag ng Diyos, at sa huli, lahat tayo ay maaaring makamit ng Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mga kahingian sa mga tao batay sa iba-iba nilang kakayahan, at hindi Niya tinatrato ang mga tao sa iisang paraan lamang. Hindi hinihingi ng Diyos sa mga matatanda ang mga pamantayang kayang abutin ng mga kabataan, ni hindi Niya sinabi na hindi na Niya ililigtas ang mga tao kapag tumanda na sila. Hangga’t handa kang hangarin ang katotohanan, may pagkakataon kang maligtas. Napakamatuwid ng Diyos! Pero hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos. Naniwala ako na dahil mabilis umarok ng mga prinsipyo ang mga kabataan at mahusay sila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, mas malaki ang pagkakataon nilang maligtas; at dahil matanda na ako, mabagal ang reaksyon, at ang kasanayan ko sa paggawa ng tungkulin ay higit na mas mababa kaysa sa mga kabataan, siguro ay isa na ako sa tinitingnan ng Diyos para itiwalag. Ito ang mali kong pagkaunawa sa Diyos. Ang paggawa ng tungkulin sa iglesia ay hindi tulad ng pagtatrabaho para sa isang amo sa mundo na kapag tumanda ka na ay wala nang tatanggap sa iyo. Hindi ganyan ang pagtrato ng Diyos sa mga tao. Dati, bulag ako sa layunin ng Diyos, at nagkamali pa ng pagkaunawa, iniisip na hindi inililigtas ng Diyos ang matatanda na, kaya nawalan ako ng sigla at nadismaya. Hindi ko dapat inisip iyon! Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, para bang sa kalmadong tubig ang naging katahimikan sa isipan ko. Dapat akong maghangad nang taimtim at aktibong magsumikap umangat tungo sa katotohanan.
Noong unang bahagi ng Pebrero 2022, pumanaw dahil sa karamdaman ang 80-taong-gulang na si Sister Liu Yi. Labis akong naapektuhan nito. Araw-araw, patanda ako nang patanda, at mayroon akong lacunar infarction. Kung aksidente akong madudulas at mababagok, maaari akong magkaroon ng cerebral hemorrhage. Isang beses, bigla akong nahilo at hindi makatayo, at hindi ako makapangahas imulat ang aking mga mata. Takot na takot ako, nangangambang bigla na lang akong magkakasakit at mamamatay. Naisip ko, “Malapit na akong mag-80, at ang nangyari kay Sister Liu ngayon ay maaaring mangyari sa akin bukas. Gusto kong samantalahin ang panahong mayroon ako ngayon para magawa nang maayos ang tungkulin ko, pero matanda na ako ngayon, hindi na ginagawa ng katawan ko ang gusto ko, at palagi pa akong nakalilimot ng mga bagay-bagay. Paano ako maliligtas kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko? Kung sana ay mas bata ako ng ilang taon!” Nang makita kong palala nang palala ang pandemya, nag-alala ako na baka isang araw ay mahawaan ako, na baka lumala ang lacunar infarction ko, at anumang oras ay maaari akong mamatay. Noong mga araw na iyon, namuhay ako sa gitna ng patuloy na pagkabagabag at pagkabalisa. Ang puso ko ay nagdurusa at naghihirap, at hindi ako makahanap ng lakas para gawin ang tungkulin ko. Gayumpaman, alam ko na anuman ang mangyari, hindi maaaring hindi ko magampanan ang aking tungkulin. Kung tatalikuran ko ang aking tungkulin, mas lalo pa iyong mapanganib. Nanalangin ako sa Diyos, “Mahal na Diyos, ngayong tumatanda na ako, pakiramdam ko ay nagsimula na ang pagbilang sa mga natitirang araw ng buhay ko, at palagi akong natatakot sa kamatayan. Mahal na Diyos, nawa’y akayin Mo akong maunawaan ang katotohanan at makaalis sa pagkabalisa at pagkabagabag.”
Isang beses, sa aking debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung papayagan ka ng Diyos na mabuhay, hindi ka mamamatay kahit na gaano pa kalala ang maging sakit mo. Kung hindi ka papayagan ng Diyos na mabuhay, kahit na wala kang sakit, mamamatay ka pa rin kung iyon ang nakatakda. Ang haba ng iyong buhay ay paunang inorden ng Diyos. Kung nakikita mo nang malinaw ang usaping ito, ipinapakita nito na nauunawaan mo ang katotohanan at mayroon kang tunay na pananalig. Kaya, basta-basta lang bang hinahayaan ng Diyos na magkasakit ang mga tao? Hindi iyon nagkataon; isang paraan iyon upang pinuhin ang kanilang pananampalataya. Paghihirap iyon na dapat na tiisin ng mga tao. Kung hahayaan Niyang magkasakit ka, huwag mong subukang takasan iyon; kung hindi naman, huwag mong hilingin iyon. Lahat ay nasa mga kamay ng Lumikha, at kailangang matutunan ng mga tao na hayaang dumaloy nang normal ang kalikasan. Ano ang kalikasan? Walang anumang bagay sa kalikasan ang nagkataon lamang; lahat ng iyon ay nagmumula sa Diyos. Ito ang totoo. Sa mga magkakapareho ang karamdaman, ang ilan ay namamatay at ang iba naman ay nabubuhay; ang lahat ng ito ay paunang inorden ng Diyos. Kung mabubuhay ka, nagpapatunay iyon na hindi mo pa natatapos ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Dapat mong pagsumikapang tapusin iyon, at pahalagahan ang panahong iyon; huwag mong sayangin iyon. Ganito iyon. Kung maysakit ka, huwag mong subukang takasan iyon, at, kung wala ka namang sakit, huwag mong hilingin iyon. Sa anumang bagay, hindi mo makukuha ang gusto mo sa paghiling lamang nito, ni hindi mo matatakasan ang anuman dahil lamang sa gusto mo. Walang sinumang maaaring magpabago sa anumang naipasyang gawin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang haba ng buhay ng isang tao ay pauna nang inorden ng Diyos. Namatay si Sister Liu sa edad na 80 dahil natapos na ang haba ng buhay niya. Ang lahat ng tao ay nakararanas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay—ito ang natural na batas ng buhay. Naisip ko ang kapitbahay kong si Xiaoshi. 34 anyos lang siya nang mamatay, at palagi namang maganda ang kalusugan noon. Hindi inaasahan, namatay siya nang bumangga siya sa isang poste ng kuryente. Napagtanto ko na nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ng lahat ng tao, at hindi natin kontrolado ang sarili nating kapalaran. Kapag natapos na ang haba ng buhay natin, mamamatay tayo kahit wala tayong sakit. Halimbawa na lang ako. Noong na-diagnose ang lacunar infarction ko, sinabi ng doktor na sa karamdamang ito sa edad ko, malaki ang panganib na magkaroon ako ng cerebral hemorrhage kapag nadapa ako. Gayumpaman, maraming beses na akong nadulas sa nagdaang mga taon, at hindi naman ako nagkaroon ng cerebral hemorrhage. Nagkaroon din ng isang pagkakataon na bigla akong nahilo at naliyo, na para bang mamamatay na ako anumang oras. Gayumpaman, pagkatapos ng isang araw ng masamang pakiramdam, gumaling ako. Kung hindi pa tapos ang misyon ko, hindi ako mamamatay kahit matanda na ako at may sakit. Kung talagang lumala nga ang sakit ko isang araw, isa itong pagdurusang dapat kong tiisan. Kapag dumating na ang panahon ng pagpanaw ko, magpapasakop ako sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwiran na dapat mayroon ako. Habang may hininga pa sa baga ko, dapat kong samantalahin ang pagkakataon ko ngayon, at gugulin ang aking oras at lakas sa paggawa ng tungkulin ko at paghahangad sa katotohanan, nagsusumikap na may makamit sa bawat araw na nabubuhay ako. Hindi ko na puwedeng gugulin ang mga araw ko sa pag-aalala at pagkabalisa, sinasayang ang mahalaga kong oras. Nang maunawaan ko ito, mas gumaan ang pakiramdam ko, at nagkaroon ako ng mas maraming lakas para gawin ang mga tungkulin ko.
Kalaunan, nahawaan ako ng COVID-19 at mas lalong humina ang kalusugan ko at ang memorya ko. Minsan, nakipagtipon sa amin ang superbisor at nagbasa ng mga salita ng Diyos. Noong oras na iyon, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na akmang-akma sa kalagayan ko, at gusto kong makipagbahaginan tungkol sa siping ito pagkatapos. Pero, habang nagpapatuloy ako sa pagbabasa, hindi ko na matandaan ang mahalagang punto noong una, at nang balikan ko para hanapin ang siping iyon pagkatapos naming magbasa, hindi ko na ito makita. Sobra akong nabalisa na nagsimula nang mamuo ang pawis sa tungki ng ilong ko. Sa huli, nakipagbahaginan ako ng ilang salita, pero hindi magkakaugnay. Hiyang-hiya ako, at medyo nanlumo at nasiraan ng loob. Naisip ko, “Ngayong matanda na ako, talagang wala na akong silbi. Mabagal ang reaksyon ng utak ko, at kahit anong pilit ko, hindi ko na kayang makasabay sa mga kabataan!” Habang mas iniisip ko iyon, mas lalo akong nagiging negatibo. Pakiramdam ko, paliit nang paliit ang tsansa kong maligtas, at lalo pang nabawasan ang pag-asa kong pagpalain. Minsan naman, ipinagkopya ako ng isang sister ng video ng pagbigkas ng mga salita ng Diyos. Kitang-kita ng dalawang mata ko na kinopya iyon ng sister para sa akin, pero pag-uwi ko at pagbukas ng kompyuter, hindi ko ito mahanap. Naisip ko, “Mukhang kailangan ko na talagang tanggapin ang pagtanda. Bakit ganito na lang kahina ang memorya ko? Kung may mangyaring apurahan, hindi ba’t ako pa ang magiging dahilan ng pagkaantala?” Sakto namang nababalisa ako, dumating ang sister at nagreklamo ako sa kanya, sinasabi, “Sobrang tanda ko na ngayon na wala na akong matandaan. Wala na ba akong pag-asa? Puwede pa rin ba akong maghangad ng katotohanan at maligtas?” Nang makitang medyo negatibo ako, inalo ako ng sister at sinabihang basahin ang kabanata ng mga salita ng Diyos na “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3).” Pagkaalis ng sister, hinanap ko ang kabanatang ito ng mga salita ng Diyos para basahin: “Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Isa ba itong katunayan? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaintindi, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, hindi maayos ang kalusugan, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin na walang pagkakaiba? Bata man o matanda ang isang tao, pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho ang kanilang mga saloobin at opinyon sa lahat ng bagay, at pare-pareho ang kanilang mga perspektiba at paninindigan sa lahat ng bagay. … Kaya, hindi totoo na wala nang magagawa ang matatanda, o hindi na nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at lalong hindi totoo na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—marami silang dapat gawin. Ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling kaisipan na naipon mo sa buong buhay mo, pati na rin ang iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga bagay na mangmang at suwail, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na baluktot na naipon mo ay nagkapatong-patong na sa puso mo, at dapat kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa mga kabataan upang hukayin, himayin, at kilalanin ang mga bagay na ito. Hindi totoo na wala kang magagawa, o na dapat kang palagiang mabagabag, mabalisa, at mag-alala—hindi ito ang iyong gampanin o responsabilidad. Una sa lahat, dapat magkaroon ng tamang pag-iisip ang matatanda. Bagama’t tumatanda ka na at medyo tumatanda na rin ang iyong katawan, dapat ay pangkabataan pa rin ang iyong pag-iisip. Bagama’t tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan. Kung ang isang tao ay nasa 70 na ngunit hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ipinapakita nito na napakababa ng kanyang tayog at hindi niya kaya ang gampanin. Samakatwid, walang kinalaman ang edad pagdating sa katotohanan…. Sa sambahayan ng Diyos at pagdating sa katotohanan, ang matatanda ba ay isang espesyal na grupo? Hindi. Ang edad ay walang kinalaman sa katotohanan, gayundin sa iyong mga tiwaling disposisyon, sa lalim ng iyong pagkatiwali, kung ikaw ay kwalipikado bang hangarin ang katotohanan, kung makakamtan mo ba ang kaligtasan, o kung ano ba ang tsansa na ikaw ay maliligtas. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos, lalo na ang mga salitang ito: “Bagama’t tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan.” Kilalang-kilala ng Diyos tayong mga matatanda. Hindi Niya itinatakwil ang mga matatanda, sa halip ay hinihikayat Niya tayong magkaroon ng positibong kaisipan, na huwag mamuhay sa pagkabagabag at pagkabalisa dahil sa ating edad, at gawin ang lahat ng ating makakaya para tuparin ang ating mga tungkulin sa abot ng ating kakayahan. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa, at nakakita ako ng kaunting pag-asa. Palagi kong pinaniniwalaan na ang mga kabataan ay may mahusay na kakayahan, mabilis maarok ang katotohanan, mahusay sa paggawa ng kanilang tungkulin, kaya mas malaki ang pag-asa nilang maligtas. Sa kabilang banda, lahat ng kakayanan ko ay humihina na habang tumatanda ako. Mahina ang memorya ko, mabagal umarok ng katotohanan, at hindi makasabay sa takbo ng anumang bagay. Sa partikular, lalong humina ang memorya ko pagkatapos akong mahawaan ng COVID-19, at mas lalo kong naramdaman na para akong walang silbi, na walang pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Namuhay ako sa mga negatibong damdamin ng pagkabagabag at pagkabalisa, na hindi lang nakahadlang sa sarili kong buhay pagpasok, kundi naging sagabal din sa aking tungkulin. Nakita kong napakamapaminsala ng mamuhay sa mga negatibong damdamin, at kailangan kong positibo at aktibong magsumikap na umangat tungo sa katotohanan. Bagama’t matanda na ako, mabagal umarok, at mahina ang memorya, hindi naman umabot sa hindi ko na kayang maunawaan ang katotohanan kahit kaunti, at hindi pa naman ako gayon katanda para hindi na maunawaan ang mga salita ng Diyos. Dapat kong pahalagahan ang limitadong oras ko at hangarin ang katotohanan para baguhin ang aking mga tiwaling disposisyon. Marami pa akong tiwaling disposisyon na hindi ko pa naiwawaksi, at marami akong mga perspektibang kailangang baguhin. Hangga’t hindi ako sumusuko sa paghahangad sa katotohanan, may pagkakataon akong maligtas. Ang katotohanan ay hindi nagtatangi ng mga tao. Nang maunawaan ko ito, napanatag ang puso ko.
Sa mga sumunod na araw, patuloy kong pinagnilayan kung bakit palagi akong natatakot na hindi ako maliligtas dahil masyado na akong matanda para gumawa ng mga tungkulin. Anong tiwaling disposisyon ang nangingibabaw sa akin? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? … Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung aalisin ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon tungkol sa kanilang motibasyon na tumanggap ng mga pagpapala, at naisantabi na nila ang motibasyong ito, at hindi na sila napamumunuan o nalilimitahan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang motibasyon pa na mapagpala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na personal na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay nadadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nakakamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayumpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kalalabasan ng mga tao, paano sila umaasal? Nahahayag ang katotohanan sa kabuuan nito. Kaya sa bandang huli, kung ang mga tao ang tatanungin, isa bang pagliligtas at pagpeperpekto ang sitwasyong ito, o isang pagbubunyag at pagtitiwalag? Isa ba itong mabuting bagay o masamang bagay? Para sa mga naghahangad ng katotohanan, nangangahulugan ito ng pagliligtas at pagpeperpekto, na isang mabuting bagay; para naman sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, nangangahulugan ito ng pagbubunyag at pagtitiwalag, na isang masamang bagay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, iniugnay ko ang mga ito sa aking sarili: Nanampalataya ako sa Diyos dahil gusto kong pagpalain ako. Pagkatapos kong tanggapin ang yugtong ito ng gawain, masigasig kong ginugol ang aking sarili at ibinigay ang lahat sa paggawa ng anumang tungkuling itinalaga sa akin ng iglesia, hindi kailanman naramdamang nagdurusa ako o napapagod. Minsan, inilipat ko ang mga aklat ng mga salita ng Diyos kahit napakadelikado, pero hindi ako natakot. Kahit noong magkaroon ako ng lacunar infarction noong 2018, hindi ako tumigil sa paggawa ng aking mga tungkulin. Inakala ko na hangga’t aktibo kong ginagawa ang aking mga tungkulin sa ganitong paraan, pagpapalain ako at magkakaroon ako ng magandang hantungan sa hinaharap. Gayumpaman, pagkatapos kong mag-70, lahat ng pisikal kong kakayanan ay nagsimulang humina at hindi na kasingtalas ng dati ang memorya ko, bukod pa sa aking lacunar infarction. Natakot ako na kung mamamatay ako, hindi ko na magagawang gawin ang aking tungkulin, at hindi ako maliligtas, kaya namuhay ako sa isang kalagayang nasisiraan ng loob. May pag-aatubili kong ginawa ang aking tungkulin, pero wala akong motibasyon. Lalo na pagkatapos akong mahawaan ng COVID-19 at makitang mas malala pa kaysa dati ang kalusugan at memorya ko, naramdaman kong wala na akong pag-asang pagpalain at hindi na ako magtatamo ng magandang hantungan, kaya namuhay ako sa pagiging negatibo at labis na kalungkutan, at wala na akong interes na gumawa ng anuman. Ayaw kong magbasa ng mga salita ng Diyos o manalangin sa Diyos, at nawalan ako ng lahat ng lakas sa paggawa ng aking tungkulin; ang puso ko ay palayo nang palayo sa Diyos. Dati, noong may pag-asa akong makatanggap ng mga pagpapala, nagawa kong tiisin ang pagdurusa at magbayad ng halaga sa aking tungkulin, na nagmumukhang tapat sa Diyos. Pero, sa katunayan, itinuring ko ang paggawa ng aking tungkulin bilang puhunan para magkamit ng mga pagpapala, at palagi kong sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, at linlangin Siya. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam, walang-wala akong pagkatao! Sa anong paraan ako naging isang tapat na mananampalataya sa Diyos? Banal ang Diyos, at hindi maaaring salungatin ang Kanyang disposisyon. Paano Niya mapagtitiisan ang mga taong sinusubukang linlangin Siya? Kahit ganito ang inaasal ko, humingi pa rin ako ng mga pagpapala sa Diyos. Paano akong naging ganito kawalang-katwiran? Napakawalanghiya ko talaga! Hindi ko binigyang-pansin ang paghahangad sa katotohanan sa lahat ng mga taon na iyon, at hindi nagbago ang disposisyon ko. Nanampalataya ako sa Diyos para lang makatanggap ng mga pagpapala. Tinatahak ko pala ang landas ni Pablo! Kung hindi inihanda ng Diyos ang kapaligirang ito para ibunyag ako, patuloy pa rin akong maghahangad ng mga pagpapala, at sa huli, tuluyan na akong ititiwalag at ipadadala sa impiyerno. Ngayon, naunawaan ko na ang maling landas na tinahak ko. Ito ang dakilang pagliligtas ng Diyos para sa akin! Nang maunawaan ko ito, talagang pinagsisihan ko na hindi ko hinangad ang katotohanan sa lahat ng mga taon na ito. Ang kasunod, kailangan kong bitiwan ang aking intensyon na makatanggap ng mga pagpapala at taimtim na hangarin ang katotohanan. Hindi ko na maaaring patuloy na biguin ang Diyos.
Kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Tinutukoy Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Malinaw na isinaad ng Diyos ang mga pamantayan sa pagtatakda ng kalalabasan ng isang tao. Itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, isinasagawa ang katotohanan, at, sa huli, kung nagkamit sila ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ito ang katuwiran ng Diyos. Dati, akala ko ay itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang edad at sa dami ng tungkuling ginagawa nila. Kung titingnan mula sa perspektiba ko, lahat ng matatanda ay ititiwalag, at lahat ng mga bata pa ay maliligtas. Kung ganoon ang mangyayari, hindi mabubunyag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Naisip ko ang mga nakababatang pinaalis sa aming iglesia. Matatalino sila at may mga kaloob, pero hindi lang talaga nila hinangad ang katotohanan, matakaw sila sa makamundong mga kasiyahan, at hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos o ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Sa huli, tinukoy sila bilang mga hindi mananampalataya at itiniwalag. Nakita ko na anuman ang edad ng isang tao, bata man o matanda, kung hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi nagbabago ang kanilang disposisyon, ititiwalag sila sa huli.
Nagbasa pa ako ng ilang salita ng Diyos, at lalo pang lumiwanag ang puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sabi ng ilang tao, ‘Animnapung taong gulang na ako. Sa loob ng animnapung taon, binabantayan ako ng Diyos, pinoprotektahan ako, at ginagabayan ako. Kung, kapag matanda na ako, hindi ko magampanan ang isang tungkulin at wala akong magawang anuman—pangangalagaan pa rin ba ako ng Diyos?’ Hindi ba’t katawa-tawang sabihin ito? Hindi lang binabantayan at pinoprotektahan ng Diyos ang isang tao at hindi lang Siya mayroong kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng isang tao sa iisang haba ng buhay. Kung tungkol lamang ito sa iisang haba ng buhay, iisang takbo ng buhay, mabibigo iyang ipamalas na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang tinatrabaho ng Diyos at ang halagang ibinabayad Niya para sa isang tao ay hindi lamang para isaayos ang gagawin ng tao sa buhay na ito, kundi ang isaayos para sa tao ang napakaraming buhay. Inaako ng Diyos ang buong responsabilidad para sa bawat kaluluwang reinkarnado. Nakatuon Siyang gumagawa, ibinabayad ang halaga ng Kanyang buhay, ginagabayan ang bawat tao at isinasaayos ang bawat buhay nila. Nagpapagal at nagbabayad ng halaga ang Diyos sa ganitong paraan para sa kapakanan ng tao, at ipinagkakaloob Niya sa tao ang lahat ng katotohanang ito at ang buhay na ito. Kung hindi gagampanan ng mga tao ang tungkulin ng mga nilikha sa mga huling araw na ito, at hindi sila babalik sa harap ng Lumikha—kung, sa bandang huli, ilang buhay at henerasyon man ang kanilang isinabuhay, hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin at nabibigo silang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t magiging napakalaki ng kanilang pagkakautang sa Diyos? Hindi ba’t hindi sila magiging karapatdapat sa lahat ng ibinayad na halaga ng Diyos? Magiging masyado silang walang konsensiya, hindi sila magiging karapatdapat na tawaging mga tao, dahil magiging napakalaki ng pagkakautang nila sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagbabayad ng Halaga Para Makamit ang Katotohanan ay Mayroong Malaking Kabuluhan). “Ano ang dapat ninyong gawin ngayon? Habang ang puso ng Diyos ay magpakapagod pa para sa sangkatauhan, habang nagpaplano pa Siya para sa sangkatauhan, habang nagdadalamhati at nag-aalala pa rin Siya sa bawat kilos at galaw ng tao, kailangan mong magpasya sa lalong madaling panahon, at itatag ang layon at direksiyon ng inyong paghahangad. Huwag hintayin na dumating ang mga araw ng pagpapahinga ng Diyos bago kayo magplano. Kung hindi ka nakadarama ng totoong panghihinayang, pagsisisi, lungkot, at pighati hanggang sa oras na iyon, magiging huli na ang lahat. Wala nang makapagliligtas sa iyo, at hindi ka rin ililigtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Palaging binabantayan at pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao, at palagi Niya silang inaakay. Napakalaki ng halagang ibinayad ng Diyos para sa kaligtasan ng tao. Halimbawa na lang ako. Isa lang akong ordinaryong maybahay. Lumaki ako sa isang mahirap na pamilya at walang tumitingala sa akin, kaya namuhay akong may mababang pagtingin sa sarili. Biniyayaan ako ng Diyos sa pagpapahintulot na matanggap ang Kanyang gawain sa mga huling araw at magampanan ang aking tungkulin sa iglesia, nagkakamit ng pagkakataong maligtas. Patuloy ring pinamamatnugutan ng Diyos ang mga kapaligiran para ibunyag ang aking katiwalian, ginagamit ang Kanyang mga salita para bigyang-liwanag ako at tulungan akong makilala ang aking sarili at maunawaan ang ilang katotohanan. Nang tumanda ako, naniwala ako na dahil masyado nang mabagal ang aking mga reaksyon at hindi ko na magawa ang anumang tungkulin, hindi na ako maliligtas, kaya namuhay ako sa isang negatibong kalagayan. Pero binigyang-liwanag pa rin ako ng Diyos para maunawaan ang katotohanan at tinulungan akong makaalis sa mga negatibong damdamin ng pagkabagabag at pagkabalisa, unti-unting ginagabayan ako patungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Napakaraming puspusang pagsisikap ang ginugol ng Diyos sa akin! Umiyak ako habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay walang-wala talaga akong konsensya at katwiran! Talagang binigo ko ang Diyos sa hindi ko taos-pusong paghahangad sa katotohanan sa loob ng maraming taon na ito, at napakarami kong pagsisisi. Ngayon, hindi pa natatapos ang gawain ng Diyos, at gumagawa pa rin Siya para iligtas ang mga tao. Dapat kong gugulin ang lahat ng aking oras at lakas sa paghahangad sa katotohanan, paglutas sa aking mga tiwaling disposisyon, at paggawa ng aking tungkulin. Dapat kong tuparin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at hindi na hayaang mag-alala at mabahala pa ang Diyos dahil sa akin.
Ngayon, responsable ako sa mga pagtitipon ng dalawang grupo. Kapag nakakikita ako ng isang kapatid na nasa masamang kalagayan o may anumang paghihirap, naghahanap ako ng mga kaugnay na salita ng Diyos para tulungan silang malutas ang kanilang mga problema. Kapag nakikita kong medyo nalulutas ang kanilang mga problema, sobrang saya ko. Kapag may oras ako, sinasanay ko rin ang sarili ko sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan at sa pangangaral ng ebanghelyo, at ginagawa ko ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Sa ganitong pamumuhay, puno ako ng kasiyahan at panatag ako araw-araw. Salamat sa Makapangyarihang Diyos para sa Kanyang pagliligtas!