e. Ano ang magiging kamangha-manghang patutunguhan ng sangkatauhan
Mga Salita Mula sa Bibliya
“At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na. At ako si Juan, nakita ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos, na nahahandang gaya ng isang babaeng ikakasal na nagagayakang talaga para sa kanyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, ‘Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya ay mananahan sa kanila, at sila ay magiging mga tao Niya, at ang Diyos Mismo ay sasakanila, at magiging Diyos nila. At papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng anupamang hirap: ang mga bagay noong una ay naparam na’” (Pahayag 21:1–4).
“At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag rito: sapagkat nililiwanagan ito ng kaluwalhatian ng Diyos, at ang ilaw doon ay ang Kordero. At ang mga bansa rito na mga naligtas ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon. At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw: sapagkat hindi magkakaroon doon ng gabi. At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa. At hindi papasok doon sa anumang paraan ang anumang bagay na karumal-dumal, o anumang gumagawa ng kasuklam-suklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero. At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa luklukan ng Diyos at ng Kordero. Sa gitna ng lansangang niyaon, at sa anumang dako ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba’t ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay panglunas sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: kundi ang luklukan ng Diyos at ng Kordero ay naroroon: at Siya ay paglilingkuran ng Kanyang mga tagapaglingkod: At makikita nila ang Kanyang mukha; at ang Kanyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi; at sila ay hindi mangangailangan ng kandila, ni ng liwanag man ng araw; sapagkat liliwanagan sila ng Panginoong Diyos: at sila ay maghahari magpakailan-kailan-man” (Pahayag 21:23–22:5).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Habang nagiging kumpleto ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa mundo at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nalalantad ang mga tao sa kapanglawan ng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang nakangangatog na lamig ng mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kagalakan, at lahat ng dako ay punung-puno ng pagmamalasakit ng mga tao sa isa’t isa. Ako ay naglalakad sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagtatapat ng mga problema ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay nabubuhay sa Aking harapan; bukas, iiral kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 20
Kapag ang kaharian ay ganap nang bumaba sa lupa, mababawi ng lahat ng tao ang kanilang orihinal na wangis. Kaya, sinasabi ng Diyos, “Nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagbubukas ng paghihirap ang sinuman sa Akin.” Ipinapakita nito na ang araw kung kailan natatamo ng Diyos ang ganap na kaluwalhatian ay ang araw kung kailan natatamasa ng tao ang kanyang kapahingahan; hindi na nagkukumahog ang mga tao bunga ng panggugulo ni Satanas, humihinto sa pag-usad ang mundo, at namumuhay ang mga tao sa kapahingahan—sapagkat di-mabilang na mga bituin sa kalangitan ang pinaninibago, at ang araw, buwan, mga bituin, at iba pa, at lahat ng kabundukan at mga ilog sa langit at sa lupa, ay binabagong lahat. At dahil nagbago na ang tao at nagbago na ang Diyos, gayundin, lahat ng bagay ay magbabago. Ito ang layon sa huli ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang makakamtan sa huli.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbubunyag sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 20
Sa gitna ng pagkidlat, nabubunyag ang tunay na mga anyo ng lahat ng uri ng hayop. Gayundin, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, natunaw at naging putik! Ah, buong sangkatauhan, na sarili Kong likha! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natamo nila ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pakikibaka sa putikan! Ah, ang di-mabilang na mga bagay na hawak Ko sa Aking mga kamay! Paanong hindi sila mapaninibago sa pamamagitan ng Aking mga salita? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga papel? Hindi na nakakabingi ang katahimikan at walang ingay ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagkaisa na, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa. Sa masayang okasyong ito, sa sandaling ito ng malaking kagalakan, ang Aking pagkamatuwid at ang Aking kabanalan ay umabot na sa ibabaw ng sansinukob at sa buong sansinukob, at walang humpay na ipinagbubunyi sa gitna ng lahat ng tao. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang mga kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak, at sino ang hindi naluluha? Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa, at dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit. Ang mga mukha ng lahat ng tao ay puno ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang tao sa tao, ni hindi pisikal na inaaway ng mga tao ang isa’t isa. Mayroon bang sinuman, sa Aking liwanag, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon bang sinuman, sa Aking panahon, na sinisiraang-puri ang Aking pangalan? Ang lahat ng tao ay nakatitig sa Akin nang may takot, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin. Nasiyasat Ko na ang bawat kilos nila: Sa mga taong nalinis na, walang mapaghimagsik laban sa Akin, walang humuhusga sa Akin. Ang Aking disposisyon ay tumatagos sa lahat ng tao. Lahat ng tao ay nakikilala na Ako, mas lumalapit sa Akin at hinahangaan Ako. Naninindigan Ako sa espiritu ng tao, dinadakila Ako sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang kagalakan sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa ibabaw ng lupa, malinis at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 18
Sa Aking liwanag, muling nakikita ng mga tao ang liwanag. Sa Aking salita, nakakamit ng mga tao ang mga bagay na tinatamasa nila. Nagmula Ako sa Silangan, nagsimula Ako mula sa Silangan. Kapag sumisikat ang liwanag ng Aking kaluwalhatian, naiilawan ang di-mabilang na mga bansa, lahat ay nadadala sa liwanag, wala ni isa mang bagay ang nananatili sa kadiliman. Sa kaharian, ang buhay na ipinamumuhay ng mga tao ng Diyos sa Kanyang piling ay walang kapantay ang saya. Sumasayaw sa tuwa ang mga tubig sa pinagpalang buhay ng mga tao, nagagalak ang mga kabundukan sa Aking kasaganaan kasama ng mga tao. Lahat ng tao ay nagpupunyagi, nagtatrabaho nang husto, nagpapakita ng kanilang debosyon sa Aking kaharian. Sa kaharian, wala nang pagiging suwail, wala nang paglaban; umaasa ang kalangitan at ang lupa sa isa’t isa, nagkakalapit Ako at ang sangkatauhan na may malalim na damdamin, matatamis na namumuhay nang magkakasama, sumasandal sa isa’t isa…. Sa panahong ito, pormal Kong sinisimulan ang Aking buhay sa langit. Wala na ang panggugulo ni Satanas, at nagsisimula nang magpahinga ang mga tao. Sa sansinukob, ang Aking hinirang na mga tao ay namumuhay sa loob ng liwanag ng Aking kaluwalhatian, pinagpapala nang walang katulad, hindi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng mga tao, kundi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng Diyos. Napagdaanan ng lahat ng tao ang paggawang tiwali ni Satanas, at natikman na ang pait at tamis ng buhay hanggang sa latak. Ngayon, habang nabubuhay sa Aking liwanag, paanong hindi magagalak ang isang tao? Paanong basta na lamang babalewalain ng isang tao ang magandang sandaling ito at palalagpasin ito? Kayong mga Tao! Magmadaling kantahin ang awit sa inyong puso at sumayaw nang may kagalakan para sa Akin! Magmadaling itaas ang inyong taos na puso at ialay ito sa Akin! Magmadaling paluin ang inyong mga tambol at masayang tumugtog para sa Akin! Pinasisikat Ko ang Aking kasiyahan mula sa ibabaw ng sansinukob! Inihahayag Ko sa mga tao ang Aking maluwalhating mukha! Mananawagan Ako sa malakas na tinig! Lalagpasan Ko ang sansinukob! Naghahari na Ako sa gitna ng mga tao! Dinadakila Ako ng mga tao! Nagpapatangay Ako sa bughaw na kalangitan sa itaas at lumalakad ang mga tao na kasama Ko. Naglalakad Ako sa gitna ng Aking mga tao at pinalilibutan nila Ako! Nag-uumapaw sa kasayahan ang puso ng mga tao, niyayanig ng kanilang mga matunog na awit ang sansinukob, at binabasag ang kaitaasan! Hindi na nasusukluban ng ulap ang sansinukob; wala nang naiipong putik at dumi sa imburnal. Mga banal na tao ng sansinukob! Sa ilalim ng Aking inspeksiyon, ipinapakita nila ang kanilang tunay na mukha. Hindi sila mga taong natatakpan ng dumi, kundi mga banal na kasingpuro ng jade, lahat sila ay Aking minamahal, lahat sila ay Aking kasiyahan! Lahat ng bagay ay muling nabubuhay. Lahat ng banal ay bumalik upang paglingkuran Ako sa langit, pumapasok sa Aking mainit na yakap, hindi na luhaan, hindi na nababalisa, inaalay ang kanilang sarili sa Akin, bumabalik sa Aking tahanan, at sa kanilang bayang-tinubuan, mamahalin nila Ako nang walang humpay! Hindi nagbabago sa buong kawalang-hanggan! Nasaan ang kalungkutan! Nasaan ang mga luha! Nasaan ang laman! Wala na ang mundo, ngunit ang mga kalangitan ay magpakailanman. Nagpapakita Ako sa di-mabilang na mga tao, at pinupuri Ako ng di-mabilang na mga tao. Ang buhay na ito, ang kagandahang ito, noon pa mang unang panahon hanggang sa katapusan ng panahon ay hindi magbabago. Ito ang buhay ng kaharian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Magalak Kayong Lahat na mga Tao!
“Gumagalaw Ako sa ibabaw ng di-mabilang na mga tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakahilig Ako sa ibabaw ng buong sansinukob….” Ito ang kinalabasan ng kasalukuyang gawain ng Diyos. Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay bumabalik sa kanilang orihinal na anyo, na siyang dahilan kung bakit ang mga anghel, na nagdusa nang napakaraming taon, ay pinalaya, tulad lang ng sinasabi ng Diyos na “may mukhang gaya ng sa banal na nasa puso ng tao.” Dahil gumagawa ang mga anghel sa lupa at naglilingkod sa Diyos sa lupa, at dahil lumalaganap ang kaluwalhatian ng Diyos sa buong mundo, dinadala ang langit sa lupa, at itinataas ang lupa sa langit. Samakatwid, ang tao ang kawing na nag-uugnay sa langit at lupa; ang langit at lupa ay hindi na magkabukod, hindi na magkahiwalay, kundi magkaugnay bilang iisa. Sa buong mundo, ang Diyos at ang tao lamang ang umiiral. Walang alikabok o dumi, at lahat ng bagay ay napanibago, gaya ng isang batang korderong nakahiga sa isang luntiang damuhan sa silong ng langit, nagtatamasa ng lahat ng biyaya ng Diyos. At dahil sa pagdating ng kaluntiang ito kaya sumisikat ang hininga ng buhay, sapagkat dumarating ang Diyos sa mundo upang mamuhay sa tabi ng tao sa buong kawalang-hanggan, tulad lamang ng sinabi mula sa bibig ng Diyos na “muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion.” Ito ang simbolo ng pagkatalo ni Satanas, ito ang araw ng kapahingahan ng Diyos, at ang araw na ito ay pupurihin at ipoproklama ng di-mabilang na mga tao, at tatandaan nila. Kapag nagpapahinga ang Diyos sa trono, iyon din ang panahon na tinatapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa, at iyon ang mismong sandali na lahat ng hiwaga ng Diyos ay ibinubunyag sa tao; ang Diyos at ang tao ay magkakasundo magpakailanman, hindi kailanman magkakahiwalay—gayon ang magagandang mga tagpo sa kaharian!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbubunyag sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 16
Ang bujhay na may pahinga ay nangangahulugan ng isang buhay na walang digmaan, walang karumihan, at nang walang anumang kawalan ng katuwiran. Ibig sabihin, isa itong buhay na walang mga panggugulo ni Satanas (ang salitang “Satanas” dito ay tumutukoy sa mga puwersa ng kaaway) at paggawang tiwali ni Satanas, at malaya sa panghihimasok ng anumang puwersang kumokontra sa Diyos; isa itong buhay kung saan ang lahat ay ibinukod-bukod ayon sa uri nito at maaaring sumamba sa Lumikha, at kung saan ang langit at lupa ay ganap na payapa. Ito ang buhay na maypahinga para sa mga tao. Kapag nagpahinga ang Diyos, hindi na iiral ang kawalan ng katuwiran sa mundo, ni hindi na magkakaroon ng anumang karagdagang panghihimasok mula sa mga puwersa ng kaaway, at papasok ang sangkatauhan sa isang bagong mundo—hindi na magiging isang sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas kundi isang sangkatauhang nailigtas matapos gawing tiwali ni Satanas. Ang araw ng kapahingahan ng sangkatauhan ay magiging araw din ng kapahingahan ng Diyos. Nawalan ag Diyos ng Kanyang pahinga dahil sa kawalan ng abilidad ng sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan; hindi dahil sa wala Siyang kapahingahan sa simula. Ang pagpasok sa kapahingahan ay hindi nangangahulugang ang aktibidad ng lahat ng bagay ay humihinto o na tumitigil ang pag-unlad ng lahat ng bagay, ni hindi ito nangangahulugang humihinto sa paggawa ang Diyos o na humihintong mabuhay ang mga tao. Ang tanda ng pagpasok sa kapahingahan ay na nawasak na si Satanas, na naparusahan at nalipol na ang masasamang tao na nakiisa sa kabuktutan nito, at natumigil sa pag-iral ang lahat ng puwersang mapanlaban sa Diyos. Ang pagpasok ng Diyos sa kapahingahan ay nangangahulugang hindi na Niya isasagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang pagpasok ng sangkatauhan sa kapahingahan ay nangangahulugan na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa loob ng liwanag ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, walang paggawang tiwali ni Satanas, wala nang magaganap na kawalan ng katuwiran, at ang lahat ng tao ay mamumuhay nang normal sa lupa sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos. Kapag magkakasamang pumasok sa kapahingahan ang Diyos at ang sangkatauhan, nangangahulugan ito na nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, na ganap nang nakompleto ang gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos na gumawa sa mga tao, at hindi na sila mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Dahil dito, hindi na magiging abala ang Diyos, at hindi na palaging aligaga ang mga tao; ang Diyos at ang sangkatauhan ay sabay-sabay na papasok sa kapahingahan. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang mga hantungan kung saan maninirahan ang Diyos at ang mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may hantungang para sa Diyos, at ang sangkatauhan ay may hantungang para sa sangkatauhan. Habang nagpapahinga, magpapatuloy ang Diyos sa paggabay sa lahat ng mga tao sa kanilang mga buhay sa lupa, at habang nasa Kanyang liwanag, sasambahin nila ang nag-iisang tunay na Diyos sa langit. Hindi na mamumuhay ang Diyos kasama ng sangkatauhan, at hindi rin magagawang mamuhay ng mga tao kasama ng Diyos sa Kanyang hantungan. Hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong lugar ang Diyos at ang mga tao. Sa halip, kapwa sila may kanya-kanyang mga paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ang Siyang gumagabay sa lahat ng sangkatauhan, at ang lahat ng sangkatauhan ay ang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang inaakay ay ang mga tao, at ang kanilang diwa ay hindi natutulad sa diwa ng Diyos. Ang “magpahinga” ay nangangahulugan ng pagbalik sa orihinal na lugar. Samakatwid, kapag pumasok sa pahinga ang Diyos, nangangahulugan itong bumalik na Siya sa Kanyang orihinal na lugar. Hindi na Siya mamumuhay sa mundo o makakasama ng sangkatauhan upang makibahagi sa kanilang kagalakan at pagdurusa. Kapag pumasok sa pahinga ang mga tao, nangangahulugan itong sila ay naging tunay na mga nilikha. Sasambahin nila ang Diyos mula sa lupa, at mamumuhay ng normal. Ang mga tao ay hindi na maghihimagsik laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, at magbabalik sa orihinal na buhay nina Adan at Eba. Ito ang magiging kani-kanilang buhay at hantungan ng Diyos at ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa pahinga. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan ng digmaan sa pagitan nito at ng Diyos. Tulad nito, ang pagpasok ng Diyos sa pahinga pagkatapos ng Kanyang gawain ng pamamahala at ang ganap na kaligtasan at pagpasok sa pahinga ng sangkatauhan ay mga hindi na rin maiiwasang kahihinatnan. Nasa lupa ang lugar ng pahingahan ng sangkatauhan, at nasa langit ang pahingahan ng Diyos. Habang sinasamba ng mga tao ang Diyos sa pamamahinga, mamumuhay sila sa lupa, at habang inaakay ng Diyos ang natitirang sangkatauhang sa pamamahinga, pamumunuan Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa. Ang Diyos ay mananatiling Espiritu, habang mananatiling laman ang mga tao. Namamahinga ang Diyos at ang mga tao sa magkaibang paraan. Habang nagpapahinga ang Diyos, darating Siya at magpapakita sa gitna ng mga tao. Habang nagpapahinga ang mga tao, aakayin sila ng Diyos upang dumalaw sa langit, pati na rin upang ikasiya ang buhay doon. Matapos pumasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, hindi na iiral pa si Satanas. Gayundin, titigil na rin sa pag-iral ang masasamang taong iyon. Bago magpahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, ang masasamang tao na minsang umusig sa Diyos sa lupa, pati na rin ang mga kaaway na naghimagsik laban sa Kanya doon, ay nawasak na; napuksa na sila ng malalaking kalamidad ng mga huling araw. Sa sandaling lubusang mapuksa ang masasamang taong iyon, hindi na kailanman muling mababatid ng lupa ang panggugulo ni Satanas. Doon lamang makakukuha ang sangkatauhan ng ganap na kaligtasan, at lubusang matatapos ang gawain ng Diyos. Ito ang mga paunang kinakailangan upang makapasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Kapag pumasok na ang tao sa walang-hanggang hantungan, sasambahin ng tao ang Lumikha, at sapagkat natamo na ng tao ang kaligtasan at nakapasok na sa kawalang-hanggan, ang tao ay hindi na maghahangad ng anumang mga layunin, ni, higit pa rito, kailangan niyang mag-alala na siya ay lulusubin ni Satanas. Sa panahong ito, mananatili ang bawat tao sa kanyang lugar, at gagampanan ang kanyang tungkulin, at kahit na hindi sila kinakastigo o hinahatulan, gagampanan ng bawat tao ang kanilang tungkulin. Sa panahong iyon, ang tao ay magiging isang nilikha kapwa sa pagkakakilanlan at sa katayuan. Wala nang magiging pagkakaiba ng mataas at mababa; ang bawat tao ay gaganap na lamang ng iba-ibang tungkulin. Ngunit ang tao ay mamumuhay pa rin sa isang maayos at angkop na hantungan ng sangkatauhan; gagampanan ng tao ang kanyang tungkulin para sa kapakanan ng pagsamba sa Lumikha, at ang sangkatauhang ito ang magiging sangkatauhan ng kawalang-hanggan. Sa panahong iyon, magtatamo na ang tao ng isang buhay na nililiwanagan ng Diyos, isang buhay na nasa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, isang buhay na kasama ang Diyos. Magkakaroon ang sangkatauhan ng isang normal na buhay sa lupa, at ang lahat ng tao ay papasok sa tamang landas. Lubos nang nagapi ng 6,000-taong plano ng pamamahala si Satanas, ibig sabihin nito’y nabawi na ng Diyos ang orihinal na larawan ng tao matapos siyang likhain sa lupa, at sa gayon, ang orihinal na mga layunin ng Diyos ay natugunan na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Saan ang Lugar na Inihanda ng Panginoon Para sa Atin?
Kaugnay na mga Himno
Ang Pinakadakilang Pagpapala na Ipinagkakaloob ng Diyos sa Tao
Awit ng Kaharian (III) Lahat ng Tao, Sumigaw sa Galak
Ang Kaharian ng Diyos ay Itinatatag sa Gitna ng mga Tao
Binabawi ng Tao ang Kabanalang Dati Niyang Taglay
Ang Buhay sa Kapahingahan