1. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Darating Siyang Sakay ng mga Ulap”
Batay sa Bibliya, napagpapasyahan ng mundo ng relihiyon na sa pagbabalik ng Diyos sa mga huling araw, paparito Siyang sakay ng mga ulap. Halimbawa, nakikita nila na sinasabi ng Bibliya na, “Narito, Siya ay pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya. Tunay nga, Amen” (Pahayag 1:7). “Pagkatapos na pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng liwanag nito, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at yayanig ang mga kapangyarihan ng mga langit: At sa gayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:29–30). Inuunawa nila ito nang labas sa konteksto, at napagpapasyahan na babalik ang Panginoon sa anyo ng espirituwal na katawan, na paparito sakay ng mga ulap at hayagang magpapakita sa lahat nang may dakilang kaluwalhatian, at na mayayanig ang langit at lupa, sa isang engrandeng palabas.
Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya
“Kaya’t kung hindi ka magpupuyat ay paririyan Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan Ako sa iyo” (Pahayag 3:3).
“Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw” (Pahayag 16:15).
“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagkat paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip” (Mateo 24:44).
“Kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:37).
“Sapagkat gaya ng kidlat, na kumikislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay, at itakwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25).
“At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya’” (Mateo 25:6).
“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).
“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).
“Sapagkat Ako ay nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon man ay nagsisampalataya” (Juan 20:29).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Hudyo, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng pagsalangsang ng tao at iligtas ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na iyon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang magpakita sa harap ng di-mabilang na mga tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang wangis at pananamit ng mga Hudyo. Matapos magpakita sa kanila, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa di-mabilang na mga tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Sa kabila ng lahat ng pagkagiliw at pagmamahal ng banal na Tagapagligtas na si Jesus sa tao, paano Siya makagagawa roon sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at maruruming espiritu? Bagama’t hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng mga di-matuwid, umiinom ng dugo ng mga di-matuwid, at nagsusuot ng mga damit ng mga di-matuwid, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nanghuhuthot sa Kanya? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng pagmamahal at nag-umaapaw sa habag, at na Siya ang handog para sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagiging matuwid, pagiging maharlika, pagkapoot, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanyang mga panalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
Kung, katulad ng ipinapalagay ng tao, si Jesus ay muling darating at tatawagin pa ring Jesus sa mga huling araw, at darating pa rin na nakasakay sa puting ulap, bumababa sa mga tao sa larawan ni Jesus: hindi ba ito isang pag-uulit ng Kanyang gawain? Kaya ba ng Banal na Espiritu na manatili sa luma? Ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao ay mga kuru-kuro, at ang lahat ng nauunawaan ng tao ay ayon sa literal na kahulugan, at ayon din sa kanyang likhang-isip; ang mga ito ay hindi tumutugma sa mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi gagawa ang Diyos sa ganoong paraan; hindi hangal at mangmang ang Diyos, at ang Kanyang gawain ay hindi kasingpayak ng iyong iniisip. Ayon sa lahat ng naguguni-guni ng tao, darating si Jesus na nakasakay sa isang ulap at bababa sa kalagitnaan ninyo. Mapagmamasdan ninyo Siya na, sakay ng puting ulap, magsasabi sa inyo na Siya si Jesus. Mapagmamasdan din ninyo ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, at inyong malalaman na Siya si Jesus. At kayo ay muli Niyang ililigtas, at Siya ang inyong magiging makapangyarihang Diyos. Kayo ay Kanyang ililigtas, at bibigyan ng bagong pangalan, at ang bawat isa sa inyo ay bibigyan Niya ng isang puting bato, pagkatapos nito, kayo ay pahihintulutan na makapasok sa kaharian ng langit at tatanggapin sa paraiso. Hindi ba’t ang mga paniniwalang ito ay mga kuru-kuro ng tao? Gumagawa ba ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao o Siya’y gumagawa nang salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay nagmumula kay Satanas? Hindi ba’t ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tao? Kung ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ba’t Siya ay magiging si Satanas? Hindi ba’t magiging kapareho lang Niya ng uri ang mga nilikha? Dahil ang mga nilikha ay nagawa na ngayong napakatiwali ni Satanas, na ang tao ay naging pagsasakatawan na ni Satanas, kung gagawa ang Diyos ayon sa mga bagay ni Satanas, hindi ba’t magiging kakampi Siya ni Satanas? Paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Kaya, hindi kailanman gagawa ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Siya kailanman gagawa sa mga paraan na iyong ipinapalagay. Mayroong mga nagsasabi na sinabi ng Diyos Mismo na Siya ay darating na nasa ulap. Totoo na sinabi ito ng Diyos Mismo, ngunit hindi mo ba alam na walang tao ang makaaarok sa mga hiwaga ng Diyos? Hindi mo ba alam na walang tao ang lubusang makakapagpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Ikaw ba ay nakatitiyak nang walang bahid ng pagdududa na binigyang-liwanag at tinanglawan ka ng Banal na Espiritu? Tiyak na hindi sa ipinakita sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Ang Banal na Espiritu ba ang nagturo sa iyo ng mga ito, o ang mga sarili mong kuru-kuro ang nagdulot sa iyo na isipin ito? Sinabi mo, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang ating mga sariling kuru-kuro at pag-iisip upang sukatin ang mga salita ng Diyos. Para naman sa mga salita ni Isaias, kaya mo bang ipaliwanag nang may buong katiyakan ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka naglalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit ka nangangahas na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas mataas, si Jesus o si Isaias? Yamang ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang Kanyang gawain nang pauna? Wala ni isang nilikha ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Sa pagtatapos ng Kapanahunan ng Biyaya, ang huling kapanahunan ay dumating na, at pumarito na si Jesus. Paano pa Siya matatawag na Jesus? Paano pa Niya magagawang pumarito sa gitna ng mga tao sa wangis ni Jesus? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay isa lamang wangis ng isang Nazareno? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay ang Manunubos lamang ng sangkatauhan? Paano Niya aakuin ang gawain ng paglupig at pagperpekto sa tao sa mga huling araw? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap—ito ay katunayan—ngunit paano Siya makababalik sakay ng isang puting ulap sa gitna ng mga tao at tatawagin pa ring Jesus? Kung Siya ay talagang dumating sakay ng isang ulap, paano Siya hindi makikilala ng tao? Hindi ba’t makikilala Siya ng mga tao sa buong mundo? Kung magkagayon, hindi ba magiging Diyos si Jesus nang mag-isa? Kung magkagayon, ang magiging wangis ng Diyos ay nasa kaanyuan ng isang Hudyo at bukod pa rito ay mananatiling gayon magpakailanman. Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis, ngunit nalalaman mo ba ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga salita? Maaari kayang nasabi Niya sa pangkat ninyong ito? Nalalaman mo lamang na Siya ay darating kung paano Siya umalis, nakasakay sa isang ulap, ngunit nalalaman mo ba kung paano talaga ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Kung talaga ngang nakikita mo, paano maipaliliwanag ang mga salitang binigkas ni Jesus? Sinabi Niya: Kapag dumating ang Anak ng tao sa mga huling araw, Siya Mismo ay hindi makakaalam, hindi malalaman ng mga anghel, hindi malalaman ng mga sugo sa langit, at hindi malalaman ng buong sangkatauhan. Tanging ang Ama ang makakaalam, ibig sabihin, ang Espiritu lamang ang makakaalam. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi nakaaalam, ngunit ikaw ay nakakikita at nakaaalam? Kung may kakayahan kang makaalam at makakita gamit ang iyong sariling mga mata, hindi ba’t ang pagbigkas ng mga salitang ito ay mawawalan ng kabuluhan? At ano ang sinabi ni Jesus nang panahong iyon? “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon walang taong makaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Aking Ama lamang. At tulad noong panahon ni Noe, magiging ganito rin ang pagparito ng Anak ng tao. … Kaya nga kayo’y magsihanda rin; sapagkat darating ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo naiisip.” Kapag dumating na ang araw na iyon, mismong ang Anak ng tao ay hindi ito malalaman. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, na isang normal at karaniwang tao. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi alam, kaya paano mo malalaman? Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis. Kapag pumarito Siya, maging Siya Mismo ay hindi nakaaalam, kaya maaari ba Niyang ipaalam sa iyo nang mas maaga? Nakikita mo ba ang Kanyang pagdating? Hindi ba iyon isang biro?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng katotohanan ng Diyos, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagama’t hindi mo makita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagiging puno ng poot ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang tao na kumilala, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng Tao
Hindi mahirap na suriin ang gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman muna ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dinadala Niya ang gawaing nilalayon Niyang gawin, at dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ito ng buhay, at ituro ang daan para rito. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung nilalayon ng tao na suriin kung ito ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kailangan itong tukuyin ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, para tukuyin kung ito nga ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan makilala ang kaibahan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, ang susi sa kung ito ba o hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakasalalay sa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung sinusuri ng tao ang Kanyang panlabas na anyo lamang, at dahil dito ay hindi pinapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita nito na ang tao ay hangal at mangmang. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang hitsura at pananamit ay hindi nakapagpakita ng Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba’t kinontra ng mga Pariseo noon si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila maingat na tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahanap sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan, at hindi magiging isang Pariseo ng makabagong panahon at muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong pag-isipan nang mabuti kung paano sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsabilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap. Dapat nating linawin ang ating espirituwal na mga mata at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng pantasya. Dapat nating pag-isipan ang makatotohanang gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspekto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, palaging umaasa na biglang bababa ang Panginoong Jesus sa gitna ninyo nang nakasakay sa ulap, at dalhin kayong mga hindi kailanman nakakilala o nakakita sa Kanya, at hindi nakakaalam kung paano sumunod sa Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mga mas makatotohanang bagay!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinahangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin nakipag-ugnayan sa Kanya, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga Pariseo ng panahon na iyon, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilatis ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo lalabanan si Cristo? Magagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung lalabanan mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay pawang may kakayahang kalabanin, tanggihan, at siraan si Jesus. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang tanggihan at laitin. Higit pa riyan, kaya nilang ituring na panlilihis ni Satanas ang pagbabalik ni Jesus, at karamihan ng taong ito ang kokondena kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang makakamit ninyo kay Jesus kung gulong-gulo ang inyong pag-iisip? Paano ninyo mauunawaan ang gawaing ginagawa ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng puting mga ulap, ay tiyak na yaong lumalapastangan sa Banal na Espiritu, at tiyak na sila ang kategoryang pupuksain. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa ninyo kailanman nasunod ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo kailanman natanggap ang katotohanang sinambit ni Jesus nang bumalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang sinseridad ba sa inyong paulit-ulit na pagkakasala, at pagkatapos ay sa paulit-ulit ding pagtatapat? Ano ang iaalay ninyo bilang sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang kapital ba ng maraming taon ng paggawa kung saan itinataas ninyo ang inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang mayabang na kalikasan, na hindi nagpapasakop sa anumang katotohanan?
… Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano matakot kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilihis ng tao. Ang alam mo lamang ay kondenahin ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kababang-loob? Nasaan ang iyong pagpapasakop? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong saloobin na hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na ang kategoryang pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang wawasakin magpakailanman. Maraming tao ang maaaring walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat diumano’y banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ninyo mismo si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging panahon ng pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding pananabik para sa iyo. Gayumpaman, dapat mong malaman na sa sandaling masaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit, iyon din ang sandali ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan, ang panahon kung kailan ang katapusan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay naproklama na, at kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat nagwakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Ang mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nadala na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagkakaloob ng buhay at ng tunay na daan. Kaya nga maaari lamang silang pakitunguhan ni Jesus kapag hayagan na Siyang nagbalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang mga gayong basura? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong arbitraryong gumawa ng agarang kongklusyon; higit pa riyan, huwag kayong maging kaswal at pabasta-basta sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Ganito Pala ang Pagbalik ng Panginoon
Ang Hiwaga ng Pagdating ng Anak ng Tao
Kaugnay na mga Video
Maikling Dula “Ang Panginoon Ay Kumakatok”
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Paano Ko Dapat Salubungin ang Panginoon
Kaugnay na mga Sermon
Talaga bang Magbabalik ang Panginoon na Sakay ng Isang Ulap?
Kaugnay na mga Himno
Ang Tagapagligtas ay Nagbalik na Sakay ng “Puting Ulap”
Ang mga Tumanggi kay Cristo ng mga Huling Araw ay Paparusahan Magpakailanman