b. Sino ang inililigtas ng Diyos at sino ang Kanyang inaalis
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa panahong ito, yaong mga naghahangad at yaong mga hindi naghahangad ay dalawang ganap na magkaibang uri ng mga tao, na may labis na magkaiba ring mga hantungan. Yaong mga nagtataguyod sa kaalaman ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ang mga siyang pagdadalhan ng Diyos ng kaligtasan. Yaong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng pagwasak. Kahit yaong mga maka-Diyos na tagapaniwala ng isang malabong Diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting budhi ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Yaong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay yaong mga lumalaban sa Diyos, at kahit nagtitiis ng maraming hirap ang gayong mga tao, wawasakin pa rin sila. Yaong mga atubili na talikdan ang mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi makatiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga pagtatamasa sa laman ay masuwayin sa Diyos, at magiging mga pakay ng pagkawasak. Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay malademonyo at, higit pa rito, wawasakin sila. Yaong mga may pananampalataya ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at yaong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat yaong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong masuwayin sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at nag-uukol ng budhi at pagmamahal sa kanila, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung hindi pa rin magawa ng mga tao sa mga araw na ito na makita ang kaibhan ng mabuti at masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang layon na hangarin ang kalooban ng Diyos o magawang kupkupin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa kahulugan ng pagiging matuwid? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba masuwayin sa gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon? Yaong mga tao na naniniwala lamang kay Jesus at hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin yaong mga pasalitang inaangkin na naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay pawang anticristo, kahit hindi pa banggitin yaong mga hindi man lamang naniniwala sa Diyos. Magiging mga pakay ng pagwasak ang lahat ng taong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Inililigtas ng Diyos yaong mga kayang mabuhay, na kayang makita ang pagliligtas ng Diyos, na kayang maging tapat sa Diyos at handang hanapin ang Diyos. Inililigtas Niya yaong mga naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos at sa Kanyang pagpapakita. Kayang mabuhay ng ilang tao, at ang ilan ay hindi; nakasalalay ito sa kung kayang maligtas o hindi ang kanilang kalikasan. Maraming tao ang nakarinig na nang marami sa mga salita ng Diyos ngunit hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos, at wala pa ring kakayahang isagawa ang mga ito. Walang kakayahang isabuhay ng mga ganitong tao ang anumang katotohanan, at sinasadyang manggulo sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang gawin ang anumang gawain para sa Diyos, hindi nila maitalaga ang anumang bagay sa Kanya, at palihim din nilang ginugugol ang salapi ng simbahan at kumakain nang libre sa tahanan ng Diyos. Patay na ang mga taong ito, at hindi sila maliligtas. Inililigtas ng Diyos ang lahat ng nasa gitna ng Kanyang gawain, subalit may mga taong hindi makatatanggap ng Kanyang pagliligtas; maliit na bilang lamang ang makatatanggap ng Kanyang pagliligtas. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay masyado nang nagawang tiwali at naging patay, at hindi na sila maaari pang iligtas; ganap na silang napagsamantalahan ni Satanas, at masyadong mapaghangad ng masama ang kanilang kalikasan. Hindi rin magawa ng iilang mga taong ito na ganap na sundin ang Diyos. Hindi sila yaong mga lubos na naging tapat sa Diyos mula sa simula, o yaong mga sukdulang nagmahal na sa Diyos mula sa simula; sa halip, naging masunurin sila sa Diyos dahil sa Kanyang gawain ng panlulupig, nakikita nila ang Diyos dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal, may mga pagbabago sa kanilang disposisyon dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakikilala nila ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ang Kanyang gawain na parehong praktikal at normal. Kung wala ang gawaing ito ng Diyos, kahit gaano pa man kabuti ang mga taong ito, na kay Satanas pa rin sila, nasa kamatayan pa rin sila, at patay pa rin sila. Ang katotohanang maaaring makatanggap ng pagliligtas ng Diyos ang mga tao ngayon ay dahil lamang handa silang makipagtulungan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na naghahangad sa katotohanan at pagiging matuwid sa kanilang mga puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi nila sa kanilang puso na naghahangad sa katuwiran, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsensya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito ng mga tao, at sa pamamagitan nito, binabago Niya ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit nila ang katotohanan, upang malinis ang kanilang katiwalian, at mabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, hindi ka maliligtas. Kung sa loob mo ay walang pagmamahal sa katotohanan o pagnanais para sa pagiging matuwid at liwanag; kung sa tuwing makakatagpo ka ng kasamaan ay wala kang hangaring itakwil ang masasamang bagay ni kapasyahang dumanas ng paghihirap; kung, bukod dito, manhid ang iyong konsensya; kung ang iyong kakayahang tumanggap sa katotohanan ay namanhid din, at ikaw ay di-nakaayon sa katotohanan at sa mga pangyayaring dumarating; at kung sa lahat ng bagay ay hindi ka nakakakilatis, at sa harap ng anumang dumarating sa iyo, hindi mo nagagawang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema at palagi kang negatibo, walang paraan upang maligtas ka. Ang ganitong tao ay walang anumang mairerekomenda sa kanila, walang anuman na karapat-dapat sa paggawa ng Diyos. Ang kanilang konsensya ay manhid, ang kanilang isip ay magulo, at hindi nila minamahal ang katotohanan ni hinahangad ang pagiging matuwid sa kaibuturan ng kanilang puso, at gaano man kaliwanag o kalinaw ang paghahayag ng Diyos ng katotohanan, wala sila ni katiting na reaksyon; na para bang patay na ang kanilang puso. Hindi pa ba huli ang lahat para sa kanila? Ang isang taong may natitira pang hininga ay maaari pang mailigtas sa pamamagitan ng artipisyal na paghinga, ngunit, kung siya ay pumanaw na at lumisan na ang kanyang kaluluwa, walang magagawa ang artipisyal na paghinga. Kung, kapag naharap sa mga problema at paghihirap, umuurong ang isang tao at umiiwas sa mga ito, hindi niya talaga hinahanap ang katotohanan, at pinipili niyang maging negatibo at pabaya sa kanyang gawain, pagkatapos ay nabubunyag kung sino talaga siya. Ang gayong mga tao ay wala talagang karanasan o patotoo. Mga mapagsamantala lang sila, pabigat, walang silbi sa sambahayan ng Diyos, at tiyak na mapapahamak.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Habang ginagawa ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, bawat isang tao na maaaring iligtas ay ililigtas hangga’t maaari, at walang isa man sa kanila ang itatapon, dahil ang layunin ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay bubuksan sa mga tao ang lahat ng paraan at hiwaga na hindi nila nauunawaan, upang maunawaan nila ang kalooban at mga ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at upang mapasakanila ang mga kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik; ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas. Kung parurusahan ang sinumang kumilos nang mapanghimagsik, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas; lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng mga salita na humahatol sa tao ay upang tulutan silang makilala ang kanilang sarili at magpasakop sa Diyos; hindi ito para parusahan sila sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, malalantad ang pagkasuwail at paglaban ng maraming tao, gayundin ang kanilang pagsuway sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang yaong mga tiwali sa kaloob-looban at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa ilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Yaong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang pakitunguhan at tabasan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na pakitunguhan at tabasan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong nagpasakop na sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas. Sa unang pagsuway ng mga tao sa Diyos, wala Siyang hangad na patayin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, itatakwil sila ng Diyos. Kaya mabagal ang Diyos sa pagparusa sa ilang mga tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring mailigtas. Hinahatulan, nililiwanagan, at ginagabayan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita lamang, at hindi Siya gumagamit ng pamalo para patayin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layunin at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble ang hirap nito para sa inyo. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaari kayong maging desidido sa paniniwala ninyo sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing matagumpay na tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat nang nakakubli, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap ka nang nagpasakop sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, nananatili sa loob mo ang pagsuway, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil malayo sa pagiging tapat ang puso mo, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Inililigtas ng Diyos ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon, hindi mga perpektong taong walang mga kapintasan o iyong mga namumuhay nang nakabukod. Ang ilang tao, sa oras ng pagpapakita ng kaunting katiwalian, ay iniisip na, “Nilabanan ko na naman ang Diyos. Nananalig ako sa Diyos nang maraming taon at hindi pa rin ako nagbabago. Siguradong hindi na ako gusto ng Diyos!” Pagkatapos ay nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Sila mismo ay sumuko na sa katotohanan, at naniniwala na hindi na sila gusto ng Diyos. Hindi ba’t ito ay maling pagkaunawa sa Diyos? Ang gayong pagkanegatibo ang pinakamadaling paraan para mapagsamantalahan ni Satanas. Tinutuya sila ni Satanas, sinasabing, “Hangal ka! Nais ng Diyos na iligtas ka, ngunit nagdurusa ka pa rin nang ganito! Kaya, sumuko ka na lang! Kung susuko ka, palalayasin ka ng Diyos, na katulad lang ng pagbibigay Niya sa iyo sa akin. Pahihirapan kita hanggang kamatayan!” Sa sandaling magtagumpay si Satanas, magiging kahila-hilakbot ang mga kahihinatnan. Dahil dito, anuman ang mga paghihirap o pagkanegatibo ang kinakaharap ng isang tao, hindi siya dapat sumuko. Dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at hindi siya dapat pasibong maghintay. Sa panahon ng proseso ng paglago sa buhay at sa panahon ng pagliligtas sa tao, maaaring tumatahak minsan ang mga tao sa maling landas, lumilihis, o nagkakaroon ng mga pagkakataon kung saan nagpapakita sila ng mga kalagayan at pag-uugali ng kakulangan sa gulang ng kaisipan sa buhay. Maaaring mayroon silang mga oras ng kahinaan at pagkanegatibo, mga oras na nagsasabi sila ng mga maling bagay, nadadapa, o nakararanas ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinag-iisipan ng masama dahil dito. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mapapalugod ang Diyos, kaya’t nalulungkot sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang kahulugan ng mga sinasabi Ko sa inyo? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Upang maayos na mapangasiwaan ang sarili mong mga pagpapakita ng katiwalian, tumuon ka sa pagsasagawa ng katotohanan, at matatanggap mo ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kang may maling pagkaunawa sa Diyos, madali kang masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, “Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at makakamit ang kaligtasan.” Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagkadapa na iyong nararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kuwalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o may mga pagkakataong hindi maganda ang iyong pag-uugali, at hindi ka tinatanggap ng Diyos, o kinasusuklaman at tinatanggihan ka ng Diyos, hindi na ito mahalaga. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita
Batid mo na ba talaga ngayon kung bakit ka naniniwala sa Akin? Alam mo na ba talaga ang layunin at kabuluhan ng Aking gawain? Batid mo na ba talaga ang iyong tungkulin? Batid mo na ba talaga ang Aking patotoo? Kung naniniwala ka lamang sa Akin, ngunit walang bakas ng Aking kaluwalhatian o patotoo sa iyo, matagal na kitang inalis kung gayon. Para sa mga nakakaalam ng lahat ng bagay, sila’y lalo pang mga tinik sa Aking mata, at sa Aking tahanan, mga hadlang lamang sila sa Aking daan, sila ay mga panirang damo na dapat ay ganap na matahip palayo sa Aking gawain, wala silang silbi, wala silang halaga, at matagal Ko na silang kinasusuklaman. Madalas bumabagsak ang Aking poot sa lahat ng walang patotoo, at hindi kailanman lumilihis sa kanila ang Aking pamalo. Matagal Ko na silang ibinigay sa mga kamay ng masama; at wala na sa kanila ang Aking mga pagpapala. Kapag dumating ang araw, ang kanilang pagkastigo ay magiging mas mabigat pa kaysa sa pagkastigo sa mga hangal na babae. Ngayon, ginagampanan Ko lang ang gawaing tungkulin Kong gampanan; pagbubungkus-bungkusin ko ang mga trigo, kasama ng mga panirang damo. Ito ang Aking gawain ngayon. Itatahip ang mga panirang damo sa panahon ng Aking pagtatahip, pagkatapos ang mga butil ng trigo ay iipunin sa kamalig, at ang mga panirang damo na natahip na ay itatapon sa apoy upang sunugin hanggang maging alabok. Ang Aking gawain ngayon ay igapos lang ang lahat ng tao sa mga bigkis, iyon ay, upang ganap na lupigin sila. Saka Ko sisimulan ang magtahip upang ibunyag ang katapusan ng lahat ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?
Ang mga taong tunay na naniniwala sa Diyos ay yaong mga handang isagawa ang salita ng Diyos at handang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong tunay na nagagawang manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos ay yaon ding mga handang isagawa ang Kanyang salita at talagang kayang pumanig sa katotohanan. Wala sa lahat ng taong nanloloko at walang katarungan ang katotohanan, at nagdadala silang lahat ng kahihiyan sa Diyos. Yaong mga nagsasanhi ng mga alitan sa iglesia ay mga utusan ni Satanas, sila ang sagisag ni Satanas. Ang gayong mga tao ay nakapamalisyoso. Lahat ng walang pagkakilala at walang kakayahang pumanig sa katotohanan ay may kimkim na masasamang layon at dinudungisan ang katotohanan. Higit pa riyan, sila ay napakatipikal na mga kinatawan ni Satanas. Hindi na sila matutubos, at natural lamang na aalisin silang lahat. Hindi tinutulutan ng pamilya ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili yaong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagtitiwalag; ilalantad at aalisin lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang yaong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang katapusan ng bawat tao, yaong mga nanggugulo sa iglesia at nakakagambala sa gawain ng Diyos ay isasantabi muna sa ngayon, upang pakitunguhan kalaunan. Kapag tapos na ang gawain, ilalantad ang bawat isa sa mga taong ito, at pagkatapos ay aalisin sila. Samantala, habang ipinagkakaloob ang katotohanan, hindi sila papansinin. Kapag ibinunyag sa sangkatauhan ang buong katotohanan, dapat maalis ang mga taong iyon; iyon ang panahon kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ang walang-kuwentang mga panloloko ng mga walang pagkakilala ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, ililigaw sila ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, dahil sumusunod sila sa masasamang tao at pumapanig sa masasamang tao, at dahil nakikipagsabwatan sila sa masasamang tao at lumalaban sa Diyos. Alam na alam nila na ang mababanaag sa masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at kasuklam-suklam na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na naghahari-harian at sumusunod naman sa kanila ang iba, hindi ba pare-pareho silang likas na masuwayin sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sumisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang pagkasuwail ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ito ang wakas na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Lahat yaong mga hindi naghahangad ng pagsunod sa Diyos sa pananampalataya nila ay sumasalungat sa Kanya. Hinihiling ng Diyos na hanapin ng mga tao ang katotohanan, na mauhaw sila sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, upang makamit nila ang pagsunod sa Diyos. Kung ang mga ito ang tunay mong mga layon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang layon mo ay hindi sumunod sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—ang panalangin mo sa harap ng Diyos, at maging ang bawat kilos mo—ay magiging pagsalungat sa Kanya. Maaaring ikaw ay malumanay magsalita at may banayad na asal, maaaring mukhang wasto ang bawat kilos at pagpapahayag mo, at maaaring mukha kang isang taong sumusunod, ngunit pagdating sa mga layon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pagsalungat sa Diyos ang lahat ng ginagawa mo; kasamaan ang lahat ng ginagawa mo. Ang mga taong lumilitaw bilang masusunurin tulad ng mga tupa, ngunit nagkikimkim ang mga puso ng masasamang pakay, ay mga lobong nakadamit ng pang-tupa. Tuwiran silang nagkakasala sa Diyos, at hindi ititira ng Diyos ang kahit isa sa kanila. Ibubunyag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila at ipapakita sa lahat na yaong mga mapagkunwari ay tiyak na kamumuhian at tatanggihan ng Banal na Espiritu. Huwag mag-alala: Pakikitunguhan at itatapon ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunud-sunod.
Kung hindi mo nagagawang tanggapin ang bagong liwanag mula sa Diyos, at hindi nauunawaan ang lahat ng ginagawa ng Diyos ngayon at hindi mo ito hinahangad, o bagkus pinagdududahan mo ito, hinahatulan ito, o masusing sinisiyasat at sinusuri ito, wala kang isip na sumunod sa Diyos. Kung kapag nagpapakita ang liwanag ng dito at ngayon, ay pinahahalagahan mo pa rin ang liwanag ng kahapon at sumasalungat sa bagong gawain ng Diyos, ikaw ay walang iba kundi isang kakatuwa—isa ka sa yaong mga sinasadyang sumalungat sa Diyos. Ang susi sa pagsunod sa Diyos ay ang pagpapahalaga sa bagong liwanag, at ang magawang tanggapin ito at isagawa ito. Ito ang nag-iisang tunay na pagsunod. Yaong mga salat sa kaloobang maghangad sa Diyos ay walang kakayahang sadyang magpasakop sa Kanya, at maaari lamang sumalungat sa Diyos bilang kinalabasan ng kasiyahan nila sa nakasanayan na. Hindi kayang sumunod ng tao sa Diyos dahil sinapian siya ng dumating na dati. Ang mga bagay na dumating na dati ay nagbigay sa mga tao ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro at mga guni-guni tungkol sa Diyos, at ang mga ito ang naging larawan ng Diyos sa mga isip nila. Sa gayon, ang pinaniniwalaan nila ay ang sarili nilang mga kuru-kuro, at ang mga pamantayan ng sarili nilang guni-guni. Kung ikukumpara mo ang Diyos na gumagawa ng aktwal na gawain ngayon sa Diyos ng sarili mong guni-guni, nagmumula kay Satanas ang pananampalataya mo, at nadungisan ng mga sarili mong kagustuhan—hindi nais ng Diyos ang ganitong uri ng pananampalataya. Gaano man katayog ang mga kredensyal nila, at gaano man sila kasigasig—kahit na naglaan na sila ng habambuhay na pagsisikap sa gawain Niya, at ginawang martir ang mga sarili nila—hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinumang may ganitong pananampalataya. Pinagkakaloob lamang Niya sa kanila ang maliit na biyaya at hinahayaan silang tamasahin ito nang maikling panahon. Ang ganitong mga tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob nila, at isa-isang aalisin ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Bata man o matanda, yaong mga hindi sumusunod sa Diyos sa pananampalataya nila at mayroong mga maling layon ay yaong mga sumasalungat at gumagambala, at walang alinlangang aalisin ng Diyos ang ganitong mga tao. Yaong mga taong wala ni katiting na pagsunod sa Diyos, na kinikilala lamang ang pangalan Niya, at mayroong kaunting muwang sa kabutihan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, subalit hindi sumasabay sa mga hakbang ng Banal na Espiritu, at hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain at mga salita ng Banal na Espiritu—namumuhay ang ganitong mga tao sa gitna ng biyaya ng Diyos, at hindi Niya kakamtin o gagawing perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos
Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Yaong mga makakapagtagumpay at makakatayong saksi sa panahon nitong kapighatian ay yaong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, kinakailangan sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon sa gawain ng Diyos. Ito ang huling panahon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin itong huling pagsubok, kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Yaong mga lugmok sa kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit yaong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayong matatag sa kahuli-hulihan; sila yaong mga may angking pagkatao, at siyang mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang ginagawa ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at patuloy pa ring magsasagawa ng katotohanan nang hindi nabibigo sa kanilang patotoo. Sila yaong mga makalalampas sa matinding kapighatian sa wakas. Bagaman yaong mga naglalagay ng kanilang mga sarili sa mapanganib na sitwasyon para mabuhay ay maaari pa ring magpatuloy ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nangingisda sa maligalig na tubig, ito ang gawain ng lubos na pagpapalayas. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang uring ito ng mga hamak na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat sa kahit na anong awa. Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at “mabait” na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging tagong panganib? Ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi nakakamit pagkatapos ng kaganapan ng gawaing panlulupig. Kahit natapos na ang gawain ng panlulupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; ang gayong gawain ay matatapos lamang sa sandaling ang tao ay lubusang nagawa nang dalisay, sa sandaling yaong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling yaong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay naalis na. Yaong mga hindi nakalulugod sa Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang aalisin, at yaong mga naaalis ay pag-aari ng diyablo. Dahil hindi nila kayang paluguran ang Diyos, sila ay suwail sa Diyos, at kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “yaong mga sumunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa kabila ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Yaong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapus-katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok ng kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa pagpapasya ng tao mismo. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang tao kung kailan Niya gusto; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi mapagpapasyahan ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi pagmamalabisan ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ngayon, kung naging epektibo man o hindi ang inyong paghahabol ay nasusukat sa pamamagitan ng kung ano ang kasalukuyan ninyong taglay. Ito ang ginagamit para maalaman ang inyong kalalabasan; ibig sabihin, ang inyong kalalabasan ay nahahayag sa mga sakripisyo at mga bagay na nagawa ninyo. Ang inyong kalalabasan ay malalaman sa pamamagitan ng inyong paghahabol, inyong pananampalataya, at inyong nagawa. Sa inyong lahat, marami ang wala nang pag-asang mailigtas, sapagka’t ngayon ang araw ng paghahayag ng mga kalalabasan ng mga tao, at hindi Ako magiging lito sa Aking gawain; hindi Ko aakayin yaong mga lubos na walang pag-asang mailigtas tungo sa susunod na kapanahunan. Magkakaroon ng panahon na tapos na ang Aking gawain. Hindi Ko gagawaan yaong mababaho at walang espiritung mga bangkay na hindi man lang maililigtas; ngayon ang mga huling araw ng pagliligtas sa tao, at hindi Ako gagawa ng gawaing walang silbi. Huwag magalit sa Langit at lupa—darating na ang katapusan ng mundo. Hindi ito maiiwasan. Umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, at wala ka nang magagawa bilang tao para pigilin ang mga ito; hindi mo mababago ang mga bagay-bagay ayon sa gusto mo. Kahapon, hindi ka nagsikap na habulin ang katotohanan at hindi ka naging tapat; ngayon, dumating na ang panahon, wala ka nang pag-asang mailigtas; at bukas, aalisin ka na, at wala nang magiging palugit para sa iyong kaligtasan. Kahit malambot ang Aking puso at ginagawa Ko ang lahat ng makakaya Ko para iligtas ka, kung hindi ka nagpupunyagi o nag-iisip para sa sarili mo, ano ang kinalaman nito sa Akin? Yaong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; yaong mga mukhang naniniwala nguni’t hindi talaga naniniwala; yaong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; yaong mga walang delikadesa, gula-gulanit at nanlilimahid; yaong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; yaong mga nagmamahal sa mga suhol; yaong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; yaong mga mapagmataas at palalo, na nagpupunyagi lamang para sa personal na katanyagan at yaman; yaong mga nagkakalat ng mga salitang walang katuturan; yaong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; yaong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; yaong mga naggugrupu-grupo at naghahangad na maging malaya; yaong mga dinadakila ang kanilang sarili nang higit sa Diyos; yaong walang-kuwentang mga kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; yaong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na katanyagan at yaman at naghahabol ng personal na katayuan sa gitna ng iba; yaong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, pagmumura, at walang-katuturang mga salita ay lahat talamak sa inyo; at ang katotohanan at mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang banal na pananalita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Hentil, na sobra sa karumihan at pagkasuwail! Ano ang kalalabasan ninyo sa huli? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—paano maliligtas ang gayong mga tao? Yaong mga hindi minamahal ang daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas sa kanilang mga sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano ka na katanda o ilang taon ka nang nagtatrabaho, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahabol. Kailangan mong malaman na yaong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subali’t hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa paggala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Napakaliit ng iyong pusong may takot sa Diyos kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at sa iyong mahahalay na pagnanasa—hindi ba napakasama ng ganitong klaseng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakasuwail mo, wala ka nang pag-asang maligtas! Hindi ba ang gayong mga tao ang aalisin? Hindi ba ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Gaano karami nito ang nasunod ninyo kahit kailan? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako’y gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo’y walang iba kundi mga soro at mga aso, ginagawa ang lahat para kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin yaong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagsunod o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga taong sekswal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Kinamumuhian Ko kayong maruruming demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging haliparot ay magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Nakakadiri kayong maruruming demonyo at masasamang espiritu! Nakasusuklam kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang katotohanang ito, ang daang ito, at ang buhay na ito ay hindi umaakit sa inyo; bagkus, naaakit kayo sa pagkakasala; sa pera; sa reputasyon, katanyagan at pakinabang; sa mga kasiyahan ng laman; sa kaguwapuhan ng mga lalaki at kariktan ng mga babae. Ano ang nagbibigay ng karapatan sa inyo na pumasok sa Aking kaharian? Ang inyong larawan ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, maliban pa sa inyong kabantugan sa mga tao—naging idolo na kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba kayo naging ang arkanghel? Kapag inihahayag na ang mga kalalabasan ng mga tao, na kung kailan rin malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang alisin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7
Bawat iglesia ay may mga taong nagsasanhi ng kaguluhan para sa iglesia o nakakagambala sa gawain ng Diyos. Lahat sila ay mga Satanas na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang nakabalatkayo. Ang gayong mga tao ay mahusay umakto: Humaharap sila sa Akin nang may malaking pagpipitagan, nakayuko at kumakayod, umaasal na parang mga asong galisin, at inilalaan ang kanilang “lahat-lahat” para makamtan ang sarili nilang mga layunin—ngunit sa harap ng mga kapatid, ipinapakita nila ang kanilang pangit na panig. Kapag nakakakita sila ng mga taong nagsasagawa ng katotohanan, pinipintasan nila ang mga ito at itinutulak sa isang tabi; kapag nakakakita sila ng mga taong mas nakakatakot kaysa sa kanila, pinupuri at binobola nila ang mga ito. Nagwawala sila sa loob ng iglesia. Masasabi na ang gayong “lokal na mga maton,” ang gayong “mga sipsip,” ay umiiral sa karamihan ng mga iglesia. Sama-sama silang kumikilos nang malademonyo, nagpapahatid ng mga kindat at lihim na senyas sa isa’t isa, at walang isa man sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan. Sino man ang may pinakamakamandag na lason ay siyang “punong demonyo,” at sino man ang may pinakamataas na karangalan ay namumuno sa kanila, at iwinawagayway ang kanilang bandila. Naghuhuramentado ang mga taong ito sa loob ng iglesia, nagkakalat ng kanilang pagkanegatibo, bumubulalas ng kamatayan, ginagawa ang gusto nila, sinasabi ang gusto nila, at walang sinumang nangangahas na pigilan sila. Puno sila ng disposisyon ni Satanas. Katatapos pa lamang nilang manggulo ay pumapasok na ang simoy ng kamatayan sa iglesia. Yaong mga nasa iglesia na nagsasagawa ng katotohanan ay itinataboy, hindi magawang maibigay ang kanilang lahat-lahat, samantalang yaong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob—bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang gayong mga iglesia ay pinamumunuan ni Satanas, walang duda; ang diyablo ang kanilang hari. Kung ang mga nagtitipon ay hindi tumatayo at tumatanggi sa mga punong demonyo, sila rin sa malao’t madali ay mawawasak. Mula ngayon, kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa gayong mga iglesia. Kung hindi ito hahangarin ng mga may kakayahang magsagawa ng kaunting katotohanan, bubuwagin ang iglesiang iyon. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang maaaring tumayong saksi para sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong “paglilibing sa kamatayan”; ito ang ibig sabihin ng pagtataboy kay Satanas. Kung may ilang lokal na maton sa isang iglesia, at sinusundan sila ng “maliliit na langaw” na lubos na hindi makaintindi, at kung ang mga nagtitipon, kahit nakita na nila ang katotohanan, ay wala pa ring kakayahang tanggihan ang mga gapos at manipulasyon ng mga maton na ito, lahat ng hangal na iyon ay aalisin sa huli. Maaaring walang nagawang kakila-kilabot ang maliliit na langaw na ito, ngunit mas mapanlinlang pa sila, mas tuso at mahusay umiwas, at lahat ng kagaya nito ay aalisin. Wala ni isang matitira! Yaong mga nabibilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang yaong nabibilang sa Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; ipinapasya ito ng kanilang mga likas na pagkatao. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan yaong mga naghahanap sa katotohanan na matustusan, at nawa ay masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t nais nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang taong naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Hindi nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan ang Diyos sa mga taong lumalapastangan o kumakalaban sa Kanya, o maging sa mga naninirang-puri sa Kanya—mga taong sadyang bumabatikos, naninira, at sumusumpa sa Kanya—subalit sa halip ay mayroon Siyang isang malinaw na saloobin tungo sa kanila. Kinasusuklaman Niya ang mga taong ito, at kinokondena Niya ang mga ito sa Kanyang puso. Lantaran pa Niyang ipinahahayag ang magiging kahihinatnan nila, upang malaman ng mga tao na mayroon Siyang malinaw na saloobin tungo sa mga lumalapastangan sa Kanya, at upang malaman nila kung paano Niya tutukuyin ang kanilang kahihinatnan. Gayunpaman, pagkatapos sabihin ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi halos makita ng mga tao ang katotohanan ng kung paano pakikitunguhan ng Diyos ang mga taong iyon, at hindi nila maunawaan ang mga prinsipyo sa likod ng kinahinatnan at ng hatol na ipinalabas ng Diyos sa kanila. Ibig sabihin, hindi nakikita ng mga tao ang partikular na pakikitungo at mga pamamaraang mayroon ang Diyos sa pagharap sa kanila. May kinalaman ito sa mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ginagamit ng Diyos ang paglitaw ng mga katunayan upang makitungo sa masamang pag-uugali ng ilang tao. Ibig sabihin, hindi Niya ipinahahayag ang kanilang kasalanan at hindi Niya tinutukoy ang kanilang kahihinatnan, subalit sa halip ay ginagamit nang tuwiran ang paglitaw ng mga katunayan upang ibigay ang kaparusahan at nararapat na kagantihan sa kanila. Kapag nangyari ang mga katunayang ito, ang laman ng mga tao ang magdaranas ng kaparusahan, nangangahulugan na ang kaparusahan ay isang bagay na makikita ng mga mata ng tao. Sa pakikitungo sa masamang pag-uugali ng ilang tao, sinusumpa lang sila ng Diyos gamit ang mga salita at ang galit ng Diyos ay dumarating din sa kanila, ngunit ang kaparusahan na kanilang natatanggap ay maaaring isang bagay na hindi nakikita ng mga tao. Magkagayunman, ang ganitong uri ng kalalabasan ay maaaring mas malala pa kaysa sa mga kalalabasan na nakikita ng mga tao, gaya ng pagpaparusa o pagpatay. Ito ay dahil sa ilalim ng mga kalagayan na tinukoy na ng Diyos na huwag iligtas ang ganitong uri ng tao, na huwag nang magpakita pa ng habag o magkaroon ng pagpaparaya para sa kanila at na huwag na silang pagkalooban pa ng mga pagkakataon, ang Kanyang saloobin tungo sa kanila ay isantabi sila. … Kaya kapag kalabanin ng mga tao ang Diyos at siraan at lapastanganin Siya, kung galitin nila ang Kanyang disposisyon, o kung sagarin nila ang Diyos nang lampas sa hangganan ng Kanyang pagpaparaya, ang mga kahihinatnan ay hindi sukat akalain. Ang pinakamalalang kahihinatnan ay na ibibigay ng Diyos kay Satanas ang kanilang mga buhay at ang lahat ng tungkol sa kanila nang minsanan at magpakailanman. Hindi sila patatawarin magpakailanman. Nangangahulugan ito na ang taong ito ay naging pagkain na sa bibig ni Satanas, isang laruan sa kamay nito, at mula noon ay wala nang kinalaman ang Diyos sa kanila.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Ang lahat ng tagagawa ng masama at ang lahat ng matuwid, pagkaraan ng lahat, ay mga nilalang. Wawasakin sa huli ang mga nilalang na gumagawa ng masama, at makaliligtas ang mga nilalang na ginagampanan ang mga matuwid na gawa. Ito ang pinakaangkop na pagsasaayos para sa dalawang uri ng mga nilalang na ito. Dahil sa kanilang pagsuway, hindi maitatatwa ng mga tagagawa ng masama na bagama’t mga likha sila ng Diyos, inagaw na sila ni Satanas, at samakatuwid ay hindi maililigtas. Batay sa katunayang makaliligtas sila, ang mga nilalang na umaasal nang matuwid sa kanilang mga sarili, ay hindi makapagtatatwang nilikha sila ng Diyos subalit tumanggap na ng kaligtasan matapos magawa nang tiwali ni Satanas. Ang mga tagagawa ng masama ay mga nilalang na masuwayin sa Diyos; mga nilalang sila na hindi maililigtas at lubusan nang binihag ni Satanas. Mga tao rin ang mga taong gumagawa ng masama; mga tao silang nagawa nang tiwali sa kasukdulan, at hindi maililigtas. Dahil sila ay mga nilalang din, nagawa na ring tiwali ang mga taong matuwid ang asal, ngunit mga tao silang handang kumalas sa kanilang mga tiwaling disposisyon at nagkaroon na ng kakayahang magpasakop sa Diyos. Hindi umaapaw sa pagkamatuwid ang mga taong matuwid ang asal; bagkus, nakatanggap na sila ng kaligtasan at nakakalas na sa kanilang mga tiwaling disposisyon; makapagpapasakop sila sa Diyos. Magiging matatag sila sa katapusan, bagama’t hindi iyan pagsasabi na hindi sila kailanman nagawang tiwali ni Satanas. Pagkaraang matapos ang gawain ng Diyos, magkakaroon ng mga wawasakin at mga makaliligtas sa lahat ng mga nilikha Niya. Isa itong hindi maiiwasang tunguhin sa gawain ng pamamahala Niya; walang sinumang makapagtatatwa nito. Hindi tutulutang makaligtas ang mga tagagawa ng masama; tiyak na makaliligtas yaong mga nagpapasakop at sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan. Yayamang ang gawaing ito ay ang pamamahala sa sangkatauhan, magkakaroon ng mga mananatili at mga aalisin. Ito ang iba’t ibang kalalabasan para sa iba’t ibang uri ng mga tao, at ang mga ito ang pinakaangkop na mga pagsasaayos para sa mga nilikha ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa pagpapahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Pariseo, sapagkat pinagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang kanilang katawan ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya bumabagsak sila sa pakikipagsosyo sa mga masasama at nagiging bahagi ng kanilang magulong grupo; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman naglaan ng anumang pagsisikap nila, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos, ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian, ay ibinibilang sa mga yaong naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga nagbigay ng serbisyo na hindi umabot sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang magiging bunga ng paglilinis na mula sa gawain ng Diyos. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga di-mananampalataya—at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Kaugnay na mga Himno
Ano ang Magiging Tadhana ng Isang Tao sa Huli?
Anong Klaseng Tao ang Hindi Maliligtas?
Ang mga Pagsasaayos ng Diyos para sa mga Kahihinatnan ng Lahat ng Tao