a. Saan ibinabatay ng Diyos ang Kanyang pagpapasya tungkol sa kalalabasan ng isang tao
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—iyon ay, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang makakapasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos. Samakatwid, nakatakas na sa impluwensiya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa kapahingahan at nakamit na sila ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa wakas ay makakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling araw ng pahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang maaaring mabukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, sa gayon ay natutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga mananatili at ‘di mananatili. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa kanilang araw ng pahinga, at mabubuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga masama, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, ititiwalag at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi pa naililigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang mga espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng masama ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naghimagsik laban sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabubuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas ng sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang tapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Ngayon ang panahon na tinutukoy Ko ang kalalabasan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong gawaan ang tao. Isinusulat Ko sa Aking talaang aklat, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, ang kanyang landas sa pagsunod sa Akin, ang kanyang likas na klasipikasyon, at ang kanilang mga pagpapamalas sa huli. Sa ganitong paraan, anumang uri ng tao sila, walang sinumang makatatakas sa kamay Ko, at ang lahat ay mabubukod ayon sa kanilang uri batay sa Aking pagtatalaga. Tinutukoy Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong maunawaan na parurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos nang walang eksepsiyon. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao. Samakatwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan dahil sa katuwiran ng Diyos at bilang ganting-parusa sa kanilang maraming masasamang gawa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan
Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan ba o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinangad ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung maaari ba silang magpasakop sa nakikitang Diyos. Hindi nagtataglay ng katotohanan yaong mga nagtatrabaho para sa nakikitang Diyos, subalit hindi Siya nakikilala o nagpapasakop sa Kanya. Mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga taong gumagawa ng masama; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang masasamang gawa. Ang Diyos ay para sa mga tao na paniwalaan, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagpapasakop. Ang mga may pananalig lang sa malabo at di-nakikitang Diyos ay mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at hindi magawang magpasakop sa Diyos. Kung hindi pa rin magagawang maniwala ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na natapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy sa paghihimagsik at paglaban sa nakikitang Diyos na nasa katawang-tao, walang alinlangan na itong “mga tagasunod ng malabong Diyos” na ito, sa huli, ay magiging mga pakay ng pagwasak. Katulad din ito ng ilan sa inyo—ang lahat ng pasalitang kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, ay ititiwalag at lilipulin sa huli. Bukod dito, lahat ng pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos at kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya, pero naghahangad sa malabo at di-nakikitang Diyos, ay lalong magiging mga puntirya ng pagkalipol. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating makaraang natapos na ang gawain ng Diyos, hindi rin makakaya ng isang tao na katulad ng gayong mga tao na manatili hanggang sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang mga tao na sa mga demonyo ay hindi nagsasagawa ng katotohanan; paglaban at paghihimagsik sa Diyos ang diwa nila, at wala silang ni katiting na intensyon na magpasakop sa Kanya. Lilipulin ang lahat ng gayong tao. Nakasalalay sa iyong diwa, hindi sa iyong hitsura o kung paano ka magsalita o kumilos paminsan-minsan, kung taglay mo ang katotohanan o kung lumalaban ka sa Diyos. Natutukoy sa diwa ng tao kung siya ba ay lilipulin o hindi; pinagpapasyahan ito ayon sa diwang ibinubunyag ng asal niya at ng paghahangad niya sa katotohanan. Sa mga taong pawang gumagampan ng gawain at gumagawa ng parehas na dami ng gawain, ang mga may mabubuting diwa ng pagkatao na nagtataglay ng katotohanan ang siyang mga papayagan na manatili, samantalang ang mga may masasamang diwa ng pagkatao na naghihimagsik laban sa nakikitang Diyos ang siyang magiging mga pakay ng pagkalipol. Ang lahat ng gawain o mga salita ng Diyos na kaugnay sa hantungan ng sangkatauhan ay angkop na pakikitunguhan ang mga tao batay sa diwa ng bawat indibidwal; walang magaganap na kahit kaunting kamalian, at higit pa rito, walang magagawang isa mang pagkakamali. Tuwing gumagawa ng gawain ang mga tao, saka lang ito nahahaluan ng mga damdamin at intensyon. Pinakaangkop ang gawaing ginagawa ng Diyos; hinding-hindi Siya naglalabas ng mga maling paratang laban sa sinumang nilikha. Maraming tao sa kasalukuyan ang hindi malinaw na nakakakita sa hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap at hindi naniniwala sa mga salitang binibigkas Ko. Lahat ng hindi naniniwala, gayundin ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ay mga demonyo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng mga “pagpapamalas” dito? Maaaring isipin ninyo na ito ay tumutukoy sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao habang gumagawa sila ng mga bagay-bagay, subalit hindi iyon ang aktuwal na tinutukoy nito. Ang mga pagpapamalas dito ay tumutukoy sa kung isinasagawa mo ba o hindi ang katotohanan; kung deboto ka ba o hindi habang ginagawa mo ang iyong tungkulin; ang iyong perspektiba sa likod ng pananampalataya sa Diyos, ang iyong saloobin tungkol sa Diyos, ang iyong kapasyahang dumanas ng mga paghihirap; ang iyong saloobin sa pagtanggap ng paghatol, pagkastigo, at pagpupungos; ang bilang ng malulubhang pagsalangsang na iyong nagawa; at ang lawak kung hanggang saan mo makakamit ang pagsisisi at pagbabago sa huli. Ang lahat ng ito, kapag pinagsama-sama, ang bumubuo sa iyong mga pagpapamalas. Ang mga pagpapamalas dito ay hindi tumutukoy sa kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang naibunyag mo o sa kung gaano karaming masasamang bagay ang nagawa mo, kundi sa kung gaano karaming resulta ang nakamit mo at sa kung gaano kalaki ang totoong pagbabagong napagdaanan mo sa pananalig mo. Kung ang mga kalalabasan ng mga tao ay tinutukoy sa kung gaano karaming katiwalian sa kanilang kalikasan ang naibunyag, walang sinuman ang makakapagkamit ng kaligtasan, sapagkat ang lahat ng tao ay labis na tiwali, may satanikong kalikasan, at lumalaban sa Diyos. Nais ng Diyos na iligtas ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan at magpasakop sa Kanyang gawain. Gaano man karaming katiwalian ang kanilang ibinubunyag, hangga’t kaya nilang tanggapin sa huli ang katotohanan, kamtin ang tunay na pagsisisi, at sumailalim sa tunay na pagbabago, sila ay mga taong iniligtas ng Diyos. Ang ilang tao ay hindi ito makilatis at iniisip nilang ang sinumang nagsisilbing lider ay magbubunyag ng higit pang mga tiwaling disposisyon, at ang sinumang magbunyag ng higit pang katiwalian ay tiyak na ititiwalag at imposibleng makakaligtas. Tama ba ang pananaw na ito? Bagama’t ang mga lider ay nagbubunyag ng higit pang katiwalian, kung sila ay naghahangad sa katotohanan, kalipikado silang makaranas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, matatahak nila ang landas ng pagiging naligtas at naperpekto, at sa huli ay makapagbibigay sila ng magandang patotoo para sa Diyos. Ito ang mga taong tunay na nagbago. Kung ang mga kinalalabasan ng mga tao ay tinutukoy batay sa kung gaano karami ang ibinubunyag nilang tiwaling disposisyon, kung gayon, ang nagsisilbing mga lider at manggagawa ay mas mabilis na mabubunyag. Kung ganito nga, sino ang mangangahas na maging lider o manggagawa? Sino ang aabot sa punto ng pagiging ginamit at ginawang perpekto ng Diyos? Hindi ba labis na katawa-tawa ang pananaw na ito? Pangunahing tinitingnan ng Diyos kung matatanggap at maisasagawa ng mga tao ang katotohanan, kung mapaninindigan nila ang kanilang patotoo, at kung sila ay tunay nang nagbago. Kung ang mga tao ay may tunay na patotoo at sumailalim na sa tunay na pagbabago, sila ay sinasang-ayunan ng Diyos. May ilang tao na tila nagbubunyag ng kaunting katiwalian, ngunit wala silang tunay na patotoong batay sa karanasan at hindi sila tunay na nagbago. Hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos.
Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa mga pagpapamalas at diwa nito. Dito, ang mga pagpapamalas ay tumutukoy sa kung ang isang tao ay tapat sa Diyos, kung siya ay may pagmamahal para sa Diyos, kung isinasagawa niya ang katotohanan, at ang antas ng pagbabago ng kanyang disposisyon. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa mga pagpapamalas na ito at sa diwa ng taong ito, hindi sa kung gaano nito ibinubunyag ang tiwaling disposisyon nito. Kung iniisip mo na tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa kung gaano karaming katiwalian ang ibinubunyag nito, mali ang pakahulugan mo sa mga layunin ng Diyos. Sa realidad, magkakapareho ang tiwaling diwa na taglay ng mga tao, at ang mga pagkakaiba lang ay kung ang kanilang pagkatao ay mabuti o masama, at sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Gaano mo man ibinubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, ang Diyos ang pinakanakakaalam kung ano ang nasa kaibuturan ng iyong puso. Hindi mo ito kailangang itago. Pinagmamasdan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Ito man ay isang bagay na ginagawa mo sa harap ng iba o nang hindi nila nakikita, o ito man ay isang bagay na nais mong gawin sa puso mo, ang lahat ng ito ay nakalantad sa harap ng Diyos. Paanong hindi namamalayan ng Diyos ang mga ginagawa ng mga tao nang patago? Hindi ba’t ito ay panlilinlang sa sarili? Ang totoo, gaano man kamapanlinlang ang kalikasan ng isang tao, gaano man karaming kasinungalingan ang sabihin niya, gaano man siya kahusay sa pagbabalatkayo at panlilinlang sa iba, alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Kilalang-kilala ng Diyos ang mga lider at manggagawa, kaya hindi ba’t makikilala rin Niya nang lubos ang Kanyang mga ordinaryong tagasunod? Iniisip ng ilang tao, “Ang sinumang nagseserbisyo bilang isang lider ay hangal at mangmang at nagdudulot ng sarili niyang pagkawasak, sapagkat kapag ang isang tao ay nagseserbisyo bilang isang lider, hindi naiiwasang nagbubunyag siya ng katiwalian sa harap ng Diyos. Napakarami bang katiwalian ang mabubunyag kung hindi niya ginawa ang gawaing ito?” Napakakatawa-tawang ideya! Sa tingin mo ba ay hindi ka magbubunyag ng katiwalian kung hindi ka kikilos bilang isang lider? Ang hindi pagiging lider, kahit na nagbubunyag ka ng mas kaunting katiwalian, ay nangangahulugan ba na maliligtas ka? Batay sa argumentong ito, ang lahat ba ng mga hindi naglilingkod bilang mga lider ang siyang mananatiling buhay at maliligtas? Hindi ba’t ang pahayag na ito ay lubos na katawa-tawa? Ang mga taong naglilingkod bilang mga lider ay gumagabay sa hinirang na mga tao ng Diyos upang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at upang maranasan ang gawain ng Diyos. Nakataas ang hinihinging pamantayang ito, kaya hindi maiiwasan na ang mga lider ay magbubunyag ng ilang tiwaling kalagayan kapag nagsisimula pa lang silang magsanay. Ito ay normal, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Hindi lamang ito hindi kinokondena ng Diyos, kundi binibigyang-liwanag, tinatanglawan, at ginagabayan rin Niya ang mga taong ito, pinagkakalooban ang mga ito ng mga pasanin. Hangga’t kaya nilang magpasakop sa patnubay at gawain ng Diyos, mas mabilis silang uunlad sa buhay kaysa sa mga ordinaryong tao. Kung hinahangad nila ang katotohanan, matatahak nila ang landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Ito ang bagay na pinakapinagpala ng Diyos. Hindi makita ng ilang tao ang pagiging matuwid ng Diyos, ni hindi nila makita na ang Diyos ay patas at matuwid sa bawat tao, at binabaluktot pa nga nila ang mga katunayan. Ayon sa pagkaunawa nila, gaano man nagbabago ang mga tao sa mga namumunong papel, hindi ito titingnan ng Diyos, at titingnan lang Niya kung gaano karaming katiwalian ang ibinubunyag ng mga lider at manggagawa, at kokondenahin Niya sila batay lang dito; at para sa mga hindi lider at manggagawa, dahil kaunting katiwalian lamang ang ibinubunyag nila, kahit hindi sila magbago, hindi sila kokondenahin ng Diyos. Hindi ba’t ito ay katawa-tawa? Hindi ba’t ito ay kalapastanganan laban sa Diyos? Kung napakalubha mong nilalabanan ang Diyos sa puso mo, maliligtas ka ba? Hindi. Pangunahing tinutukoy ng Diyos ang mga kinalalabasan ng mga tao batay sa kung taglay nila ang katotohanan at tunay na patotoo, at ito ay pangunahing nakasalalay sa kung hinahangad nila ang katotohanan. Kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, kahit na sumalangsang siya at maharap sa paghatol at pagkastigo, kaya niyang tunay na magsisi. Hangga’t hindi siya nagsasalita o kumikilos sa mga paraang lumalapastangan sa Diyos, tiyak na makakamit niya ang kaligtasan. Ayon sa inyong mga imahinasyon, lahat ng ordinaryong mananampalataya na sumusunod sa Diyos hanggang sa wakas ay makakamit ang kaligtasan, habang ang mga nagsisilbing lider ay pawang ititiwalag. Kung kayo ay hihilingin na maging lider, iisipin ninyo na hindi magiging ayos na hindi ito gawin, ngunit kung kayo ay magsisilbing lider, patuloy kayong magbubunyag ng katiwalian nang hindi ninyo napipigilan, at habang mas matagal kayong naglilingkod, mas maraming katiwalian ang ibubunyag ninyo, hanggang sa huli ay kokondenahin at ititiwalag kayo ng Diyos. Mararamdaman ninyo na para kayong naghihintay na lang na mabitay. Hindi ba’t ito ay ganap na dulot ng inyong mga maling pagkaunawa sa Diyos? Kung ang mga kinalalabasan ng mga tao ay tinutukoy ng katiwaliang kanilang ibinubunyag, walang sinuman ang maliligtas. Kung ganoon nga, ano ang magiging silbi ng paggawa ng Diyos sa gawain ng pagliligtas? Kung ganito nga talaga, nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos? Hindi makikita ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Samakatwid, lahat kayo ay mali ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, na nagpapakita na kayo ay walang tunay na pagkakilala sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao sa paghusga ng ibang mga tao; ang gma may mabuting pag-uugali ay matuwid, samantalang ang mga may kasuklam-suklam na pag-uugali ay masasama. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o sa Kanya o hindi ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay isang kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa para magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang tao na gumamit ng magagandang salita upang makakuha ng magandang hantungan. Maling naniniwala ang lahat na tinutukoy ng Diyos ang kinalabasan ng mga tao batay sa kanilang pag-uugali o sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais na samantalahin ito para makakuha ng panandaliang biyaya para sa kanilang sarili. Ang mga taong mananatiling buhay sa darating na panahon ng kapahingahan ay pawang nakapagtiis na sa araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tumupad sa kanilang mga tungkulin at mga kusang nagpasakop sa Diyos. Iyong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon ng pagseserbisyo para maiwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi mananatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pagsasaayos ng kinalabasan ng bawat indibidwal; hindi Siya basta lang gumagawa ng mga kapasyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, ni hindi Niya ginagawa ang mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang yugto ng panahon. Tiyak na hindi Siya magiging maluwag pagdating sa lahat ng masamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, ni hindi Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil iginugugol nito ang sarili para sa Kanya sa ilang panahon. Walang sinuman ang makaiiwas sa retribusyon para sa kanilang kasamaan, at walang sinuman ang makakapagkubli ng kanilang masasamang gawa at sa gayon ay makaiiwas sa pagdurusa ng pagkalipol. Kung tunay na kayang tuparin ng mga tao ang sarili nilang mga tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang tapat sila sa Diyos at hindi sila naghahanap ng mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa ng kaabahan. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakakakita sila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi sila nakakakita ng anumang pagpapala, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat para sa Diyos—ay hindi pa rin makapagpatotoo sa Diyos o makapagpatupad sa mga tungkuling nakaatang sa kanila sa huli, kung gayon, magiging mga pakay pa rin ng pagkalipol ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi mananatiling buhay magpakailanman ang masasamang tao, ni hindi sila makapapasok sa kapahingahan; tanging ang mga matuwid ang mga master ng kapahingahan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Tumatanggap man ng mga pagpapala ang isang tao o nagdurusa sa kasawian ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, at hindi ayon sa anumang karaniwang diwang maaaring ibahagi ng isang tao sa iba. Wala na nga lamang puwang sa kaharian ang ganoong uring kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawang makaligtas ng isang tao, ito ay dahil natugunan nila ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi nila magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging mapaghimagsik sila sa Diyos at hindi natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat, na natutukoy ayon sa diwa ng bawat tao, at ganap na walang kinalaman sa ibang mga tao. Ang masasamang gawa ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, ni hindi maibabahagi sa mga magulang ang pagiging matuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang masasamang gawa ng isang magulang, hindi rin maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagiging matuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kaniyang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kaniyang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao; ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay dapat tumanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magbayad ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong pananaw ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay; hindi ito pananaw ng Diyos. Natutukoy ang kinalabasan ng lahat ayon sa diwa ng kanilang mga gawa, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nagpapahiwatig na makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga anak, ni ang masunuring pagkamagiliw ng isang anak sa kanyang mga magulang ay nangangahulugang makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang, “Kung gayon ay magkakaroon ng dalawa sa batawan; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. Maggigiling sa kiskisan ang dalawang babae; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa mga ito, ni hindi madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa matutuwid nitong gawa. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Ang mga gumagawa ng katuwiran ay mga gumagawa ng katuwiran sa huli, at ang mga taong gumagawa ng masama ay mga taong gumagawa ng masama sa huli. Magagawa ng mga gumagawa ng katuwiran na manatiling buhay sa huli, samantalang wawasakin ang mga taong gumagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila madumi. Ang madudumi ay madudumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong wawasakin ay ang lahat ng masasama, at ang mga makaliligtas ay ang lahat ng mga matuwid—kahit pa ang mga anak ng masasama ay tagagawa ng matutuwid na gawa, at kahit pa ang mga magulang ng matutuwid ay tagagawa ng masasamang gawa. Walang ugnayan sa pagitan ng isang nananampalatayang esposo at ng isang di-nananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga nananampalatayang anak at mga di-nananampalatayang magulang; hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, ang mga tao ay may pagmamahal sa laman, sa pamilya, ngunit sa sandaling pumasok sila sa pamamahinga, wala nang magiging anumang pagmamahal sa laman, sa pamilya. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay likas na mga kaaway ng mga yaong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga namumuhi sa Kanya ay likas na magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga mawawasak na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay makakapagpatuloy na mamuhay, habang yaong mga hindi gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng pagkawasak; higit pa rito, magtatagal ito hanggang sa kawalang-hanggan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa paghatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na sang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na ni hindi karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, lalo pa, ng isang kaparusahang pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawan ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat na huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng barkadahan ng mga samu’t saring imoral, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang humarap sa Kanya nang pabasta-basta. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay wawasakin, kasama na iyong mga ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa ng puso at isip ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at pati na iyong mga pauna nang itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang bunga ng gawain ng Diyos. Patungkol sa iyong mga hindi maaaring iklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Anong Uri ng mga Tao ang Maaaring Makapasok sa Kaharian ng Diyos?
Kaugnay na mga Himno
Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kinalalabasan ng Tao Batay sa Kung Taglay Niya ang Katotohanan
Tanging Landas ng Sangkatauhan Upang Makapasok sa Kapahingahan
Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kalalabasan ng mga Tao Ayon sa Kanilang Diwa