d. Bakit lilipulin ng Diyos ang masasamang tao na lumalaban sa Kanya
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inilagay sila sa lupa, at inakay Niya sila magmula noon. Sila ay iniligtas Niya pagkaraan at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang unang wangis. Ito ang gawaing sinangkutan Niya sa simula pa lamang—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa una nitong larawan at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipanunumbalik ang unang wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng sangnilikha. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang magkaroon ng takot. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Masasama at tiwaling mga tao! Kailan kita lululunin? Kailan kita ibabaon sa lawa ng apoy at asupre? Napakaraming beses na Akong itinaboy mula sa inyong grupo, napakaraming beses na Akong ininsulto, tinuya at hinamak ng mga tao, at napakaraming beses na Akong lantarang hinatulan at nilabanan ng mga tao. Bulag na mga tao! Hindi ba ninyo alam na kayo ay isang dakot na putik lamang sa Aking mga kamay? Hindi ba ninyo alam na kayo ay layon lamang ng Aking paglikha? Ang Aking poot ay pinakakawalan ngayon, at walang sinumang makakapagtanggol laban dito. Maaari lamang na paulit-ulit na magmakaawa ang mga tao. Gayunman, dahil ang Aking gawain ay nakasulong hanggang sa antas na ito, walang sinumang makakapagbago nito. Ang mga nilikha ay dapat bumalik sa putik. Hindi ito dahil Ako ay di-matuwid, kundi kayo ay masyadong tiwali at walang pakundangan, at ito ay dahil sa kayo ay naagaw na ni Satanas at naging mga kasangkapan nito. Ako ang banal na Diyos Mismo; hindi Ako maaaring marumihan, at hindi Ako maaaring mag-angkin ng maruming templo. Mula ngayon, ang Aking nagngangalit na pagkapoot (mas matindi kaysa galit) ay magsisimulang bumuhos sa lahat ng bansa at tao, at kakastiguhin ang lahat ng pasaway na nagmumula sa Akin ngunit hindi nakakakilala sa Akin. Kinamumuhian Ko ang mga tao hanggang sa kasukdulan, at hindi na Ako maaawa; sa halip, ay magpapaulan ng lahat ng Aking mga sumpa. Walang-pasubaling hindi na magkakaroon ng kahabagan at pag-ibig, lahat ay susunugin tungo sa kawalan, at ang kaharian Ko lamang ang matitira, nang sa gayon ay pupurihin Ako ng Aking mga tao sa Aking sambahayan, bibigyan Ako ng luwalhati, at pasasayahin Ako magpakailanman (ito ang tungkulin ng Aking mga tao). Magsisimula ang Aking kamay na opisyal na kastiguhin ang mga kapwa nasa loob at nasa labas ng Aking sambahayan. Walang mga gumagawa ng masama ang makakatakas sa Aking pagsunggab at paghatol; ang lahat ay dapat sumailalim sa pagsubok na ito at sambahin Ako. Ito ang Aking pagiging maharlika, at higit pa rito, ito ay isang atas administratibo na Aking ipinahahayag sa mga gumagawa ng masama. Walang sinumang makakapagligtas sa iba. Maaari lamang nilang lingapin ang mga sarili nila mismo, ngunit anuman ang gawin nila, hindi nila kayang takasan ang Aking kamay ng pagkastigo. Ang dahilan kaya nasabing ang Aking mga atas administratibo ay marahas ay ibinubunyag dito; ito ay isang katotohanan na makikita ng sinuman gamit ang kanilang sariling mga mata.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 109
Ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ay ang masasama na lumalaban at sumusuway sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng diyablo, na tinanggihan Ko nang may pagkamuhi noong unang panahon, na naging kaaway Ko na hindi Ko nakasundo simula noon. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga pagkakataon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang sagisag ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at larawan, na puno ng lakas, puno ng sigla, at, bukod pa riyan, kapiling ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao, kaya nga ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at puno ng Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na isinilang mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking larawan. Sa gayon ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha, pinuspos ng Aking mahalagang lakas, pinuspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at larawan, may espiritu at hininga. Siya lamang ang nilalang, may angking espiritu, na may kakayahang kumatawan sa Akin, taglayin ang Aking larawan, at tanggapin ang Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking naitalaga, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilalang na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at bukod pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking larawan, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking larawan. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao, may espiritu, laman, at buto, ang Aking ikalawang patotoo gayundin ang Aking ikalawang larawan sa sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang dalisay at mahalagang kayamanan ng tao, at, nagmula sa una at buhay na mga nilalang na pinagkalooban ng espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang supling ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at ginawa ito upang hindi na maniwala ang supling sa Aking pag-iral. Mas kasuklam-suklam pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inaagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na ibinibigay Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo sa puso na Aking ginugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, at naiwala na ng mga tao ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng lahat ng nilalang? Paano sila patuloy na maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na kinatakutan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay lubos na “inilahad” sa masama ang kaluwalhatian, ang larawan, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa sa pag-iral; at, lubos silang hindi nag-aalala sa presensya ng masama, at ibinibigay ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba ito mismo ang pinagmulan ng titulong “basura”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayong kasasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga anyo ni Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo na umiiral sa mga tao, at lahat ng dating Akin at ibinigay Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang sangkatauhan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga banal na tao na taglay ang Aking larawan at Aking kaluwalhatian. Hindi sila nabilang kay Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinaka-kaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya nga, ipinapaalam Ko sa sangkatauhan na ang tanging nais Ko ay yaong nilikha ng Aking kamay, ang mga banal na Aking minamahal at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang. Bukod pa riyan, malulugod Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian. Gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na nabibilang kay Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatiang umiiral sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang natitira sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang pagbubuo ng Aking sarili, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking kalooban.
Sampu-sampung libong taon ng kasaysayan ang kinailangan upang marating ng sangkatauhan ang kinalalagyan nila ngayon, subalit ang sangkatauhang nilikha Ko sa simula ay matagal nang nabaon sa pagkabulok. Ang sangkatauhan ay hindi na ang sangkatauhang hangad Ko, at sa gayon, sa Aking paningin, ang mga tao ay hindi na karapat-dapat na tawaging sangkatauhan. Sa halip, sila ang basura ng sangkatauhan na nabihag ni Satanas, ang bulok na mga bangkay na naglalakad na sinasapian ni Satanas at ginagamit nitong bihisan. Walang tiwala ang mga tao sa Aking pag-iral, ni hindi sila sumasalubong sa Aking pagdating. Tumutugon lamang nang may pagkainis ang sangkatauhan sa Aking mga kahilingan, pansamantalang sumasang-ayon sa mga iyon, at hindi taos-pusong nakikibahagi sa mga kagalakan at kalungkutan Ko sa buhay. Dahil ang tingin ng mga tao ay mahiwaga Ako, pinakikitaan nila Ako ng nakakainis na ngiti, ang pag-uugali nila ay magpaginhawa roon sa may kapangyarihan, sapagkat walang alam ang mga tao tungkol sa Aking gawain, lalo na sa Aking kalooban sa kasalukuyan. Magtatapat Ako sa inyo: Pagdating ng araw, ang paghihirap ng sinumang sumasamba sa Akin ay magiging mas madaling tiisin kaysa sa inyo. Ang laki ng inyong pananampalataya sa Akin, sa totoo lang, ay hindi nakahihigit kaysa kay Job—kahit ang pananampalataya ng mga Pariseong Hudyo ay nakahihigit sa inyo—kaya nga, kung dumating ang araw ng apoy, magiging mas matindi ang inyong paghihirap kaysa sa mga Pariseo nang sawayin sila ni Jesus, kaysa roon sa 250 pinunong kumontra kay Moises, at kaysa roon sa Sodoma sa ilalim ng nakakapasong apoy ng pagkawasak nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Ang sangkatauhan ay naging tiwali nang sukdulan. Hindi nila kilala kung sino ang Diyos o kung saan sila mismo nagmula. Kapag binanggit mo ang Diyos sa kanila, sila ay mang-aatake, maninirang puri, at manlalapastangan. Kahit na dumating ang mga lingkod ng Diyos upang ipalaganap ang Kanyang babala, hindi lamang nagpakita ng kawalan ng mga tanda ng pagsisisi ang mga tiwaling taong ito at hindi iniwan ang kanilang masamang asal, bagkus, walang pakundangan nilang sinaktan ang mga lingkod ng Diyos. Ang kanilang ipinahayag at ibinunyag ay ang kanilang kalikasang diwa ng masidhing pagkapoot sa Diyos. Makikita natin na ang paglaban ng mga tiwaling taong ito sa Diyos ay higit pa sa isang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, gaya ng pagiging higit pa nito sa isang pagkakataon ng paninirang-puri o panunuya na umusbong lamang mula sa kakulangan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi ang kahangalan ni kamangmangan ang nagdulot ng kanilang masamang pag-uugali; hindi ito dahil sa sila ay nalinlang, at tiyak na hindi ito dahil sa sila ay napaniwala sa mali. Ang kanilang pag-uugali ay nakaabot na sa antas ng pagkagarapal at walang pakundangang paglaban, pagsalungat at pagtutol sa Diyos. Walang dudang ang ganitong uri ng pag-uugali ng tao ay makapagpapagalit sa Diyos, at makapagpapagalit sa Kanyang disposisyon—isang disposisyon na hindi dapat malabag. Samakatuwid, tuwiran at lantarang pinakawalan ng Diyos ang Kanyang poot at ang Kanyang pagiging maharlika; isa itong tunay na paghahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nahaharap sa isang lungsod na nag-uumapaw sa kasalanan, naghangad ang Diyos na wasakin ito sa pinakamabilis na paraang maaari, upang lipulin ang mga mamamayan sa loob nito at ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa pinakaganap na paraan, upang mapatigil sa pag-iral ang mga mamamayan ng lungsod na ito at upang mapigilang lumaganap ang kasalanan sa lugar na ito. Ang pinakamabilis at pinakaganap na paraan ng pagsasagawa nito ay ang tupukin ito ng apoy. Ang ginawa ng Diyos sa mga taga-Sodoma ay hindi pagpapabaya o pagsasawalang-bahala; sa halip, ginamit Niya ang Kanyang poot, pagiging maharlika at awtoridad upang parusahan, pabagsakin at lubos na wasakin ang mga taong ito. Ang Kanyang naging pagtrato sa kanila ay hindi lamang pisikal na pagwasak kundi pagwasak din ng kaluluwa, isang walang hanggang pagkapuksa. Ito ang tunay na ipinahihiwatig ng pakahulugan ng Diyos sa “tumigil sa pag-iral.”
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagpapaubaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nakatago sa mas nakararaming pagkakataon at sa mas nakararaming pangyayari, at hindi ito nalalaman ng tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang poot, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag humaharap na ang tao sa huling gawain at hakbang ng pagpapaubaya at pagpapatawad sa tao ng Diyos—iyan ay kapag ang huling pagkakataon para sa awa ng Diyos at ang huling babala Niya ay dumapo sa sangkatauhan—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga paraan upang salungatin ang Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali at tanggapin ang Kanyang awa, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya at pasensya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong nakagagamit Siya ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.
Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Higit pa sa kanilang pisikal na katawan ang winasak ng pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspeto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na paghahayag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa paghahayag ng anumang awa o mapagmahal na kabaitan, ni hindi na Siya nagpapakita pa ng Kanyang pagpapaubaya o pasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, walang isa mang sandali ng pag-aalinlangan, ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, ginagawa kung ano ang Kanyang nais. Isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga kagustuhan. Ito ang paraan kung paano ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, na hindi dapat labagin ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, nakikita ang Kanyang pagiging maharlika o nadarama ang Kanyang kawalang-paraya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang isang sangkatauhan, ang Kanyang matinding galit sa pagkawasak ng tao at ang Kanyang pagiging maharlika ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti ng pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; at lalong hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat na talagang mabatid ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagka-mapanghimagsik at mga masasamang gawa ni Satanas—pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan—sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng paggawa ng kasalanan bilang paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan—isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Sa mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensiya sa katiwalian ng tao, sa karumihan, karahasan, at pagsuway ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa”? Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay, kasama na ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga tumatawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos—sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng katiwalian at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya nanatiling gaano kahaba ang pasensya ng Diyos sa tao at sa katiwalian ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng tao, maging mga sumusunod sa Diyos o hindi mananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa ang tao ay hindi lang tiwali ang moralidad at puno ng kasamaan, ngunit wala na ring naniniwalang may Diyos, lalo nang wala ang naniniwala na ang mundo ay pinaghaharian ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at ng tamang landas. Hanggang sa ang tao ay nasuklam sa pag-iral ng Diyos at hindi pinayagang umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang katiwalian ng tao, hindi na ito matagalan ng Diyos. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng poot ng Diyos at kaparusahan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi makatarungan, negatibo at masasamang bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang mithiin ng galit ng Diyos ay hindi ang protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang matinding galit ng Diyos ay talagang nararapat, likas at tunay na pahayag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na hangarin sa Kanyang matinding galit, ni panlilinlang man o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, malisya, karahasan, kasamaan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, naramdaman na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pakahulugan at mga kongklusyon. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag at mapusok; tiyak na may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga hindi karaniwang kalagayan ng pamumuhay; at ang lahat ng bagay na matuwid, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikhang nilalang ay masisira o maaaring tuluyang mawasak. Mula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging maharlika, ang lahat ng masasamang tao, mga bagay at gamit, at lahat ng bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marurumi at masasamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alagad ni Satanas sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamatuwid na mga layon sa gitna ng sangkatauhan ay hindi kailanman nawasak.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim-na-libong taon, at Ako ay nangako na ang pagkontrol ng masama sa buong sangkatauhan ay hindi rin tatagal nang higit sa anim-na-libong taon. At ngayon, tapos na ang oras. Hindi Ko na ipagpapatuloy o ipagpapaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking lulupigin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na kabilang sa Akin upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay maaaring makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu na nagkokontrol-ng-lahat. Ako ay gagawa lamang ng isang bagay sa lupa: Huhubugin Kong muli ang sangkatauhan, isang sangkatauhan na banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Nguni’t alamin ninyo na hindi Ko lilipulin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Iingatan Ko yaong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging nagmamahal sa Akin at lubusan Kong nalulupig, at sila ay Aking gagawing mabunga at mapagparami sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan, binubusog sila ng masaganang mga tupa at baka at lahat ng kasaganaan ng lupa. Ang sangkatauhang ito ay mananatili sa Akin magpakailanman, nguni’t hindi ito ang magiging karumal-dumal na maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na natipon mula sa lahat niyaong Aking mga natamo. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magagambala, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na mananatili sa mundo pagkatapos Kong nagtagumpay laban kay Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalulupig Ko na ngayon at nagtatamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalulupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na maliligtas at magtatamo ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipaglaban kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking naililigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas, at ang tanging pagkakabuu-buo at bunga ng Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat bansa at denominasyon, mula sa bawat lugar at bayan, sa buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Hindi magtatagal, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas. Yaong mga nasa gitna ng sangkatauhan na hindi Ko nailigtas at nalupig ay tahimik na lulubog sa kailaliman ng dagat, at masusunog ng Aking tumutupok na apoy nang walang-hanggan. Lilipulin Ko itong luma at sukdulan ang karumihang sangkatauhan, kagaya ng paglipol Ko sa mga panganay na anak at mga baka sa Ehipto, itinira lamang ang mga Israelita, na kumain ng karne ng tupa, uminom ng dugo ng tupa, at nagtatak ng dugo ng tupa sa hamba ng kanilang mga pinto. Hindi ba’t ang mga taong Aking nalulupig at mula sa Aking pamilya ay siya ring mga taong kumakain ng laman ng Cordero na Ako at umiinom ng dugo ng Cordero na Ako, at Aking natubos at sumasamba sa Akin? Hindi ba sila ang mga uri ng tao na laging sinasamahan ng Aking kaluwalhatian? Hindi ba yaong mga wala ng laman ng Cordero na Ako, ay tahimik nang nakalubog sa kailaliman ng dagat?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot
Kaugnay na mga Himno
Ipapanumbalik ng Diyos ang Kahulugan ng Kanyang Paglikha ng Tao
Mga Simbolo ng Tagumpay ng Diyos
Ang Sangkatauha’y Hindi Na Tulad ng Nais ng Diyos