7. Pinatototohanan mo na ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw upang lubos na linisin ang tao at iligtas ang tao, ngunit nabasa ko ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, at ang ilan sa mga ito ay lubos na matindi—kinokondena at isinusumpa nito ang tao. Hindi ba ito ang parusa ng tao? Paano ito matatawag na paglilinis at kaligtasan ng tao?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Bagama’t maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang lahat ng iyon para sa kaligtasan ng tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito sa kanila, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, ang kinakatawan ng mga ito ay hindi pa talaga nagagawa sa inyo. Naparito Ako upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t maaaring mahigpit ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at pagkasuwail. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa sakop ni Satanas; ginagamit Ko ang Aking mga salita upang iligtas ang tao. Ang Aking layunin ay hindi upang saktan ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang makamit ang mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang kanilang sarili at makakahiwalay sa kanilang suwail na disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Sa pamamagitan ng ano isinasakatuparan ang pagperpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos higit sa lahat ay binubuo ng katuwiran, poot, kamahalan, paghatol, at sumpa, at ang Kanyang pagperpekto sa tao higit sa lahat ay sa pamamagitan ng paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, “Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba parurusahan ang tao? Kung gayon paano pa siya magagawang perpekto?” Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang pagsuway ng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita at wala ni katiting na pagkasensitibo, ibinubunyag Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, ibinubunyag sa pamamagitan ng istriktong mga salitang ito kung ano yaong mahalaga sa kalooban ng tao, ngunit sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa pagsunod sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay makasalanan at kay Satanas, ito ay suwail, at siyang pakay ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, kailangan niyang sapitin ang mga salita ng paghatol ng Diyos at kailangang gamitan ito ng bawat uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, mahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, kamahalan, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang-hanggang kalaliman, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananampalataya ng tao; hindi Niya pinatay ang tao, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay yaong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katotohanang isinasagawa ng Diyos ay hindi natatapos ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang maunawaan mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang lubos na kawalang-halaga ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang kamahalan at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na nililinaw Niya sa inyong kalooban—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Bagama’t pinipino at walang-awang inilalantad ang mga tao sa pagkastigo at paghatol ng Diyos—na ang layon ay parusahan sila para sa kanilang mga kasalanan, parusahan ang kanilang laman—wala sa gawaing ito ang nilayong isumpa ang kanilang laman hanggang sa mawasak. Ang matitinding pagsisiwalat ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog, at walang pasaning ibinigay sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay parang pinahihirapan kita, at totoong palagi kang naniniwala na kaya kita kinakastigo, hinahatulan at pinagagalitan araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang dinaranas mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon. Kung hindi mo maunawaan ang mas malalim na kahulugan ng gawaing ito, imposibleng magpatuloy ka pa sa iyong nararanasan. Ang pagliligtas na ito ay dapat maghatid sa iyo ng ginhawa. Huwag kang tumangging patinuin ang iyong pag-iisip. Dahil malayo na ang iyong narating, dapat mong malinawan ang kahalagahan ng gawain ng panlulupig, at wala ka na dapat mga opinyon tungkol dito sa anumang paraan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Ngayo’y hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at pinarurusahan kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagpaparusa sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagpaparusa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang samahan ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Sinundan: 6. Sinasabi mo na ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan upang hatulan at linisin ang tao sa mga huling araw. Bumibigkas ang Diyos ng mga salitang humahatol sa sangkatauhan kapwa sa Luma at Bagong Tipan—hindi kailanman tumigil ang paghatol ng Diyos sa tao. Sinasabi mo ba na ang mga salitang ito ay walang kakayahang hatulan at linisin ang tao? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita ng paghatol na ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw, at mga salita ng Diyos na humahatol sa tao tulad ng naitala sa Biblia?

Sumunod: 8. Pinatototohanan mo na ang Makapangyarihang Diyos ay Cristo ng mga huling araw, ang pagpapakita ng Tagapagligtas, at na Siya ay nagpapahayag ng katotohanan at nagsasagawa ng gawain ng paghatol na nagsisimula mula sa sambahayan ng Diyos upang lubos na linisin at iligtas ang tao, at palayain ang tao mula sa madilim na impluwensya ni Satanas. Paano lubos na nililinis at inililigtas ng Makapangyarihang Diyos ang tao?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito