6. Sinasabi mo na ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan upang hatulan at linisin ang tao sa mga huling araw. Bumibigkas ang Diyos ng mga salitang humahatol sa sangkatauhan kapwa sa Luma at Bagong Tipan—hindi kailanman tumigil ang paghatol ng Diyos sa tao. Sinasabi mo ba na ang mga salitang ito ay walang kakayahang hatulan at linisin ang tao? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita ng paghatol na ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw, at mga salita ng Diyos na humahatol sa tao tulad ng naitala sa Biblia?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Pagdating sa salitang “paghatol,” malamang na maiisip mo ang mga salitang sinabi ni Jehova para turuan ang mga tao sa bawat rehiyon at ang mga salitang sinabi ni Jesus para tuligsain ang mga Fariseo. Bagama’t matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang na sinabi ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, sa magkakaibang konteksto. Ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinabi ni Cristo ng mga huling araw habang hinahatulan Niya ang tao. Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ang unang yugto ay ang gawain ni Jehova: ang Kanyang gawain ay ang ihanda ang isang landas upang sambahin ng tao ang Diyos sa lupa. Ito ang gawain ng pag-uumpisa upang masumpungan ang pagmumulan ng gawain sa lupa. Nang panahong iyon, tinuruan ni Jehova ang mga Israelita na sundin ang Sabbath, igalang ang kanilang mga magulang at mamuhay nang mapayapa kasama ang isa’t isa. Ito ay dahil hindi naunawaan ng mga tao nang panahong iyon kung ano ang bumubuo sa tao, at hindi rin nila naunawaan kung paano mabuhay sa lupa. Kinailangan sa unang yugto ng gawain na gabayan Niya ang mga tao sa kanilang mga buhay. Ang lahat ng sinabi ni Jehova sa kanila ay hindi pa naipaalam sa sangkatauhan sa nakaraan o nataglay man nila. Nang panahong yaon, itinaas ng Diyos ang maraming propeta upang magsalita ng mga propesiya, at lahat sila ay ginawa iyon sa ilalim ng paggabay ni Jehova. Ito ay isang bagay lamang sa gawain ng Diyos. Sa unang yugto, ang Diyos ay hindi nagkatawang-tao, kaya Siya ay nag-atas sa lahat ng tribo at bansa sa pamamagitan ng mga propeta. Nang ginawa ni Jesus ang Kanyang gawain sa panahon Niya, hindi Siya nagsalita ng kasingdami ng sa kasalukuyan. Ang yugtong ito ng gawain ng salita sa mga huling araw ay hindi pa kailanman nagawa sa nakaraang mga kapanahunan at mga henerasyon. Kahit na sina Isaias, Daniel at Juan ay gumawa ng maraming propesiya, ang kanilang mga propesiya ay ganap na naiiba mula sa mga salita na binibigkas ngayon. Ang kanilang mga binigkas ay mga propesiya lamang, ngunit ang mga salita ngayon ay hindi. Kung ginawa Kong mga propesiya ang lahat ng Aking mga sinasabi ngayon, magagawa ba ninyong maunawaan? Ipagpalagay na ang Aking sinasabi ay mga bagay pagkatapos Kong umalis, paano ka kung gayon maaaring makatamo ng pagkaunawa? Ang gawain ng salita ay hindi kailanman ginawa sa panahon ni Jesus o sa Kapanahunan ng Kautusan. Marahil ang ilan ay sasabihin, “Hindi ba nagwika rin si Jehova ng mga salita sa panahon ng Kanyang gawain? Bukod sa pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo at paggawa ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi ba nagwika rin ng mga salita si Jesus nang panahong gumagawa Siya?” May mga pagkakaiba sa mga bagay na sinasabi. Ano ang diwa ng mga salita na binigkas ni Jehova? Ginagabayan lamang Niya ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay sa lupa, na walang kinalaman sa espirituwal na mga bagay sa buhay. Bakit sinasabi na, nang nagsalita si Jehova, ito ay para lamang mag-atas sa mga tao sa lahat ng lugar? Ang salitang “mag-atas” ay nangangahulugang pagsasabi nang tahasan at pag-uutos nang tuwiran. Hindi Siya nagtustos ng buhay sa tao; sa halip, hinawakan Niya lamang ang kamay ng tao at tinuruan ang tao kung paano Siya igalang, nang wala masyadong mga parabula. Ang gawain ni Jehova sa Israel ay hindi ang pakitunguhan o disiplinahin ang tao o ang magdala ng paghatol at pagkastigo; ito ay ang gabayan siya. Inutusan ni Jehova si Moises na sabihin sa Kanyang bayan na magtipon ng mana sa kaparangan. Tuwing umaga bago ang pagsikat ng araw, sila ay dapat mag-ipon ng mana, na sapat lamang upang kainin nila sa araw na iyon. Ang mana ay hindi maaaring itabi hanggang sa susunod na araw, sapagkat ito ay aamagin. Hindi Niya tinuruan ang tao o ibinunyag ang kanilang mga kalikasan, at hindi Niya rin ibinunyag ang kanilang mga ideya at mga iniisip. Hindi Niya binago ang mga tao kundi ginabayan sila sa kanilang mga buhay. Sa panahong iyon, ang mga tao ay tulad ng mga bata, walang nauunawaan na kahit ano at nakakagawa lamang ng ilang payak na mekanikal na pagkilos, at kaya nagtalaga lamang si Jehova ng mga kautusan upang gabayan ang mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:
Ang paghatol ng Diyos sa tao sa mga huling araw ay pangunahing gumagamit ng maraming aspeto ng katotohanan para balaan ang mga tao. Kung wala ang maraming aspetong ito ng katotohanan, ang mga ito ay hindi magiging mga salita ng paghatol. Ang mga salitang sinabi ni Jehova sa lahat ng lugar at ang pagsaway ng Panginoong Jesus sa mga Fariseo ay naglalaman ba ng maraming aspeto ng katotohanan? Binigyan ba ng mga ito ang tao ng landas para magsagawa? Ibinunyag ba ng mga ito ang kalikasang diwa ng tao? Hindi, kaya ang mga ito ay hindi ang paghatol sa tao; pagsaway at pagpapayo lamang ang mga ito. Ang pagsaway at pagpapayo ay direktang pagkondena at pag-aalis, na sinusundan ng pagsumpa. Pangunahin na pagpapahayag ng maraming katotohanan ang paghatol at pagliligtas ng Diyos sa tao sa Kapanahunan ng Kaharian. Paggamit ito ng katotohanan para balaan ang mga tao, ibunyag ang kanilang mga diwa, at suriin ang kanilang mga salita at kilos. Naglalaman ang mga salitang ito ng maraming aspeto ng katotohanan. Kapag mayroon lamang katotohanan saka mayroong paghatol; kung wala ang katotohanan, walang paghatol. Kaya may malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga salita ni Cristo ng mga huling araw, at ng mga salitang sinabi ni Jehova sa lahat ng lugar sa Kapanahunan ng Kautusan, at ng pagsaway ng Panginoong Jesus sa mga Fariseo sa Kapanahunan ng Biyaya. Pangunahing nakasalalay ang pagkakaibang ito sa paggamit ni Cristo ng mga huling araw ng maraming aspeto ng katotohanan para balaan ang mga tao; hindi nagpahayag ang Diyos ng maraming aspeto ng katotohanan sa Kapanahunan ng Kautusan o sa Kapanahunan ng Biyaya. Bukod dito, mayroon ding pagkakaiba sa kalikasan ng gawain ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ang pagpapaalala at pagsaway ng Diyos sa mga sumalungat sa Kanya ay direktang pagkondena at pagsumpa. Hindi sila iniligtas ng Diyos, at hindi Niya sila kinaawaan. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay para iligtas, dalisayin at gawing perpekto ang tao. Noong Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos. Ipinangaral Niya ang daan ng pagsisisi at gumawa Siya ng ilang himala at palatandaan at kababalaghan, at hinatulan, kinondena, at nilabanan Siya ng mga Fariseo. Habang nangyayari ito, nangusap ang Panginoong Jesus ng ilang salita ng pagsaway at pagsumpa sa mga Fariseo, mga salitang naglantad lamang ng diwa ng mga kilos at pag-uugali ng mga Fariseo. Hindi inilantad ng mga salitang ito ang ugat ng kanilang pagsalungat sa Diyos, ni ang kanilang kalikasang diwa. Hindi Siya nagpahayag ng anumang nauugnay na katotohanan. Wala Siyang sinabi kung paano dapat sundin ng tao ang Diyos, kung ano ang tungkulin ng tao, o kung paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, at iba pa, at kaya ang mga salitang iyon ay hindi matatawag na paghatol. Hindi tunay na naniwala sa Diyos ang mga Fariseo. Kinasuklaman nila ang katotohanan, hindi talaga nila ito tinanggap, at lubos silang hindi karapat-dapat na tumanggap ng paghatol ng Diyos. Hindi isinagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa kanila, kaya isinumpa lamang sila ng Panginoong Jesus—hindi Niya sila iniligtas. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga salita bang naglantad sa mga kilos at pag-uugali ng mga Fariseo ay ang katotohanan?” Ang mga salitang ito ay katotohanan din, at ibinunyag din ng mga ito ang disposisyon ng Diyos na walang pinapalampas na pagkakasala ng tao. Ngunit ang paghatol ay hindi kapareho ng simpleng pagsaway at pagkondena. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng maraming aspeto ng katotohanan para balaan ang tao. Sa tuwing ipinahahayag Niya ang isang aspeto ng katotohanan, may mga tiwaling disposisyon at pagpapamalas ng tao ang nabubunyag. Ginagamit ng Diyos ang pagbubunyag ng tunay na mukha ng katiwalian ng tao at ang pagsusuri ng mga salita at kilos ng tao para ipahayag ang katotohanan. Tanging kapag ang lahat ng katotohanang kinakailangan para sa kaligtasan ng tao ay direktang naipahayag, na nagdudulot sa mga tao para makaunawa, makaranas, makaalam, at malinis—ang mga salitang nagkakamit ng gayong epekto lamang ang totoong paghatol, at ang mga ito lamang ang mga salita ng paghatol. Kung hindi, ang mga ito ay hindi mga salita ng paghatol, mga salita lamang ang mga ito na binigkas sa partikular na mga indibiduwal sa konteksto ng gawain ng Diyos sa panahong iyon.
—Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay