982 Ang mga Bunga ng mga Paglabag ng Tao
1 Habang mas marami ang nagagawa mong paglabag, mas kumakaunti ang iyong mga pagkakataong magtamo ng isang mabuting hantungan. Taliwas dito, habang mas kumakaunti ang nagagawa mong mga paglabag, mas lumalaki ang iyong pagkakataon na mapuri ng Diyos. Kung madaragdagan ang iyong mga paglabag hanggang sa puntong imposible na para sa Akin na mapatawad ka, lubusan mo nang sinayang ang iyong mga pagkakataong mapatawad. Kung magkagayon, ang iyong hantungan ay hindi magiging sa itaas kundi sa ibaba. Kung hindi mo Ako pinaniniwalaan, maging tahas ka kung gayon at gumawa ng mali, at tingnan mo kung ano ang iyong mapapala.
2 Kung ikaw ay isang tao na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakasigasig, tiyak na magkakaroon ka ng pagkakataon na mapatawad sa iyong mga paglabag, at dadalang nang dadalang ang iyong mga pagsuway. Kung ikaw ay isang tao na mabigat sa loob ang pagsasagawa ng katotohanan, ang iyong mga paglabag sa harap ng Diyos ay tiyak na madaragdagan at dadalas nang dadalas ang iyong pagsuway, hanggang marating mo ang hangganan, na siyang magiging oras ng iyong lubos na pagkawasak. Dito na mawawasak ang iyong kaaya-ayang pangarap na tumanggap ng mga pagpapala.
3 Huwag mong ituring ang iyong mga paglabag bilang mga pagkakamali lamang ng isang taong walang hustong pag-iisip o ng isang taong hangal; huwag mong gamiting dahilan na hindi ka nakapagsagawa ng katotohanan dahil ginawa itong imposible ng iyong mahinang kakayahan. Higit pa rito, huwag mong ituring ang mga nagawa mong paglabag na mga pagkilos lamang ng isang tao na kulang sa kaalaman. Kung mahusay ka sa pagpapatawad sa sarili mo at pagiging mapagbigay sa iyong sarili, sinasabi Ko, kung gayon, na ikaw ay isang duwag na hindi kailanman magkakamit ng katotohanan, at hindi ka rin titigilang multuhin ng iyong mga paglabag; hahadlangan ka nila na matugunan kailanman ang mga hinihingi ng katotohanan at magiging sanhi upang manatili kang isang tapat na kasamahan ni Satanas magpakailanman. Huwag kang magbigay-pansin lamang sa iyong hantungan habang nabibigong pansinin ang iyong mga nakatagong paglabag; seryosohin mo ang mga paglabag, at huwag kaligtaan ang alinman sa mga ito dahil sa pagmamalasakit sa iyong hantungan.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno