4. Ang Banal na Asal na Dapat Taglayin ng mga Mananampalataya sa Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Anong mga aspeto ang kabilang sa normal na pagkatao? Kabatiran, pakiramdam, konsiyensya, at pag-uugali. Kung maaari kang magkamit ng normalidad sa bawat isa sa mga aspetong ito, magiging katanggap-tanggap ang iyong pagkatao. Dapat kang maging kawangis ng isang normal na tao, at dapat kang maging kamukha ng isang nananampalataya sa Diyos. Hindi mo kailangang gumawa ng napakarami, o makibahagi sa diplomasya; kailangan mo lamang maging isang normal na tao, na may pakiramdam ng isang normal na tao, para maunawaan ang mga bagay-bagay, at makamukha man lamang ng isang normal na tao. Sapat na iyon. Lahat ng kinakailangan sa iyo ngayon ay naaayon sa iyong mga kakayahan; hindi ito pagtatangkang padapuin ang isang pato sa isang dapuan. Walang mga salita o gawaing walang kabuluhan na isasagawa sa iyo. Lahat ng kapangitang ipinahayag o ibinunyag sa iyong buhay ay kailangang maalis. Nagawa kayong tiwali ni Satanas at umaapaw sa inyo ang lason ni Satanas. Ang tanging hinihiling sa iyo ay alisin ang tiwali at napakasamang disposisyong ito. Hindi ka hinihilingang maging isang taong may mataas na ranggo, o isang sikat o dakilang tao. Walang kabuluhan iyan. Ang gawaing ginawa sa inyo ay isinasaalang-alang ang likas sa inyo. Ang hinihingi Ko sa mga tao ay itinatakda ng mga hangganan. Kung nagsasagawa ka sa paraan at tono ng pagsasalita ng mga intelektuwal, hindi ito mangyayari; hindi mo ito magagawa. Ayon sa inyong kakayahan, dapat ay magawa man lamang ninyong magsalita nang may karunungan at maingat at ipaliwanag ang mga bagay-bagay nang malinaw at nauunawaan. Iyon lamang ang kailangan para makatugon sa mga kinakailangan. Kung, kahit paano, magtamo kayo ng kabatiran at pakiramdam, puwede na iyan. Ang pinakamahalaga ngayon mismo ay itakwil ang iyong tiwali at napakasamang disposisyon. Kailangan mong itakwil ang kapangitang nakikita sa iyo. Paano ka magsasalita tungkol sa pinakadakilang pakiramdam at pinakadakilang kabatiran, kung hindi mo itatakwil ang mga ito? Maraming tao, nang makita na nagbago na ang kapanahunan, ang walang anumang kapakumbabaan o pasensya, at baka wala rin silang anumang pagmamahal o kagandahang-asal ng isang banal. Kakatwa ang ganitong mga tao! Mayroon man lamang ba silang kahit katiting na normal na pagkatao? Mayroon ba silang anumang patotoong maibabahagi? Lubos silang walang kabatiran o pakiramdam. Mangyari pa, kailangang itama ang ilang aspeto ng pagsasagawa ng mga tao na lihis at mali; ang dati nilang mahigpit na espirituwal na buhay at hindi kanais-nais na anyo, halimbawa—lahat ng ito ay kailangang baguhin. Ang pagbabago ay hindi nangangahulugan na hahayaan kang magpakasama o magpasasa sa laman, na sinasabi ang anumang naisin mo. Hindi ka dapat magsalita nang basta-basta. Ang magkaroon ng pananalita at tikas ng isang normal na tao ay ang magsalita nang may pagkakaugnay-ugnay, na sinasabing “oo” kapag “oo” ang ibig mong sabihin, at “hindi” kapag “hindi” ang ibig mong sabihin. Sabihin ang totoo at magsalita nang angkop. Huwag manloko, huwag magsinungaling. Kailangang maunawaan ang mga limitasyong maaaring maabot ng isang normal na tao tungkol sa pagbabago ng disposisyon. Kung hindi, hindi ka makakapasok sa realidad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagpapataas ng Antas ng Kakayahan ay Alang-alang sa Pagtanggap ng Pagliligtas ng Diyos

Walang kabuktutan o panlilinlang sa mga disposisyon ng normal na mga tao, normal ang relasyon ng mga tao sa isa’t isa, hindi sila nag-iisa, at ang kanilang buhay ay hindi karaniwan ni bulok. Gayundin naman, dinadakila ang Diyos sa lahat; ang Kanyang mga salita ay lumalaganap sa tao, namumuhay ang mga tao nang payapa sa piling ng isa’t isa at sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ang lupa ay puspos ng pagkakasundo, na walang panghihimasok ni Satanas, at ang kaluwalhatian ng Diyos ang itinuturing na pinakamahalaga sa tao. Ang gayong mga tao ay parang mga anghel: dalisay, masigla, hindi kailanman nagrereklamo tungkol sa Diyos, at inilalaan ang lahat ng pagsisikap nila para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 16

Napakarami Kong inaasahan. Umaasa Akong makakikilos kayo sa isang wasto at maayos na paraan, matapat na tutuparin ang inyong tungkulin, magtataglay ng katotohanan at pagkatao, magiging mga tao na matatalikdan ang lahat ng taglay nila at maging ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at iba pa. Nagmumula ang lahat ng pag-asang ito sa inyong mga kakulangan at sa inyong katiwalian at pagsuway.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Sa tingin ay parang di-makatwiran at walang normal na kaugnayan sa iba ang mga taong kinakasangkapan ng Diyos, bagama’t magalang silang magsalita, hindi sila nagsasalita nang walang ingat, at kaya nilang patahimikin palagi ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ito mismo ang klase ng tao na sapat upang kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Ang “di-makatwirang” taong ito na tinutukoy ng Diyos ay tila walang normal na kaugnayan sa iba, at wala silang pagpapahalaga sa pagpapakita ng pagmamahal o mga panlabas na pagsasagawa, ngunit kapag nagpaparating sila ng mga espirituwal na bagay nagagawa nilang buksan ang kanilang puso at bigyan ang iba ng paglilinaw at kaliwanagang natamo nila mula sa kanilang totoong karanasan sa harap ng Diyos nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Ganito nila ipinapahayag ang kanilang pagmamahal sa Diyos at pinalulugod ang kalooban ng Diyos. Kapag ang lahat ng iba pa ay sinisiraan at nililibak sila, naiiwasan nilang makontrol ng mga tao, pangyayari, o bagay sa labas, at kaya pa rin nilang manatiling tahimik sa harap ng Diyos. Ang gayong tao ay tila may sariling kakaibang mga kabatiran. Anuman ang ginagawa ng iba, hindi iniiwan ng puso nila ang Diyos kailanman. Kapag masayang nag-uusap at nagbibiruan ang iba, nananatili pa rin ang kanilang puso sa harap ng Diyos, binubulay-bulay ang salita ng Diyos o tahimik na nananalangin sa Diyos sa puso nila, hinahanap ang mga layon ng Diyos. Hindi nila pinahahalagahan kailanman ang pagpapanatili ng normal na kaugnayan sa ibang tao. Ang gayong tao ay tila walang pilosopiya sa pamumuhay. Sa tingin, ang taong ito ay masigla, kaibig-ibig, at inosente, ngunit mayroon ding diwa ng kahinahunan. Ito ang wangis ng klase ng taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang mga bagay na gaya ng pilosopiya sa pamumuhay o “normal na katwiran” ay sadyang hindi gumagana sa ganitong klaseng tao; ito ang klase ng taong itinalaga na ang kanyang buong puso sa salita ng Diyos, at tila Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Ito ang klase ng taong tinutukoy ng Diyos na “walang katwiran,” at ito mismo ang klase ng taong kinakasangkapan ng Diyos. Ang tanda ng isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay: Kailan man o saan man, ang kanilang puso ay palaging nasa harap ng Diyos, at gaano man kasama ang iba, gaano man sila nagpapalayaw sa pagnanasa at tawag ng laman, hindi iniiwan ng puso ng taong ito ang Diyos kailanman, at hindi sila sumusunod sa karamihan. Ang ganitong klaseng tao lamang ang angkop na kasangkapanin ng Diyos, at ang ganitong klaseng tao lamang ang ginagawang perpekto ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo kayang matamo ang mga bagay na ito, hindi ka karapat-dapat na matamo ng Diyos at maperpekto ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

Sa kanilang tunay na mga karanasan, ang mga taong may katotohanan ay ang mga kayang manindigan sa kanilang patotoo, manindigan sa kanilang kalagayan, tumayo sa panig ng Diyos, nang hinding-hindi umaatras, at kayang magkaroon ng normal na ugnayan sa mga taong nagmamahal sa Diyos, na sakali mang mangyari ang mga bagay-bagay sa kanila ay magagawang lubos na sumunod sa Diyos, at kayang sumunod sa Diyos hanggang kamatayan. Ang iyong pagsasagawa at mga pahayag sa tunay na buhay ay ang patotoo sa Diyos, ang mga ito ang pagsasabuhay at patotoo Diyos ng tao, at ito ang tunay na pagtatamasa sa pagmamahal ng Diyos; kapag nakaranas ka hanggang sa puntong ito, ang nararapat na bisa ay nakamit na. Nagtataglay ka ng aktuwal na pagsasabuhay, at ang bawat kilos mo ay tinitingala ng iba nang may paghanga. Pangkaraniwan ang iyong pananamit at panlabas na anyo, ngunit isinasabuhay mo ang isang buhay na may sukdulang debosyon, at kapag ipinababatid mo ang mga salita ng Diyos, ginagabayan at nililiwanagan ka Niya. Nagagawa mong sabihin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga salita, ipagbigay-alam ang realidad, at marami kang nauunawaan tungkol sa paglilingkod nang may diwa. Tapat ka sa iyong pananalita, ikaw ay disente at matuwid, ayaw sa hidwaan at maginoo, nagagawang sundin ang mga pagsasaayos ng Diyos at naninindigan sa iyong patotoo kapag may nangyayari sa iyo, at ikaw ay payapa at mahinahon anuman ang kinakaharap mo. Ang ganitong uri ng tao ay nakakita na talaga sa pag-ibig ng Diyos. May ilang tao na bata pa, ngunit kumikilos sila na tila may-edad na; may isip na sila, nagtataglay ng katotohanan, at hinahangaan ng iba—at ito ang mga taong may patotoo, at mga pagpapamalas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:

Ang isang tao na tunay na naniniwala sa Diyos ay isasagawa kahit papaano itong limang aspeto ng buhay espirituwal araw-araw: magbasa ng salita ng Diyos, magdasal sa Diyos, ipaliwanag ang katotohanan, kumanta ng mga himno at papuri, at hanapin ang lahat ng bagay. Kung mayroon ka ring buhay na laging nakikipagpulong, magkakaroon ka ng malaking kasiyahan. Kung ang isang tao ay mayroong pangkalahatang abilidad para makatanggap, ibig sabihin, kaya nilang alamin ang mga intensyon ng Diyos matapos basahin ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga sarili, naiintindihan ang katotohanan, at alam kung paano umayon sa katotohanan, maaari mong sabihin na ang naturang tao ay magiging matagumpay sa paniniwala sa Diyos. Kung ang isang tao ay wala ng naturang espirituwal na buhay, o kung ang kanyang espirituwal na buhay ay labis na hindi normal at napakabihira lang nangyayari, ang taong iyon ay ligaw at litong mananampalataya. Ang mga litong mananampalataya ay walang mga espirituwal na buhay at hindi maaaring makakuha ng malaking resulta sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Ang paniniwala sa Diyos nang walang espirituwal na buhay ay hanggang salita lamang sa paniniwala sa Diyos, ngunit walang Diyos at talagang walang takot sa Diyos sa kanilang mga puso. Paano sila posibleng magkaroon ng pagkakahawig ng isang normal na tao?

…………

May 10 bagay na dapat pagtuunan ng pansin at isagawa pagdating sa pagkilos sa kung paano dapat maging isang normal na tao:

1. Sundin ang magandang kaugalian, alamin ang mga patakaran, at irespeto ang matanda at pangalagaan ang bata.

2. Magkaroon ng naaangkop na uri ng pamumuhay; iyan ay kapaki-pakinabang sa iyong sarili at sa iba.

3. Magdamit sa marangal at maayos na paraan; ipinagbabawal ang kakaiba o marangyang pananamit.

4. Huwag, sa anumang dahilan, humiram ng pera sa mga kapatid, at huwag basta-bastang gumamit ng mga gamit ng ibang tao.

5. Kinakailangang may hangganan ang pakikipag-ugnayan sa di-kaparehong kasarian; kinakailangang marangal at maayos ang mga pagkilos.

6. Huwag makipagtalo sa mga tao; matutong makinig sa mga tao nang may pasensiya.

7. Panatilihing malinis ang inyong sarili at ang inyong kapaligiran, ngunit isaalang-alang ang mga aktuwal na kalagayan.

8. Normal na makisalamuha at makipag-ugnayan sa mga tao, matutong gumalang at maging mapagsaalang-alang sa kanila, at mahalin ang bawat isa.

9. Gawin ang maaari mong gawin para matulungan iyong mga nangangailangan; huwag kumuha o tumanggap ng mga bagay mula sa ibang tao.

10. Huwag hayaan ang mga tao na pagsilbihan ka; huwag hayaan ang iba na gawin ang gawain na dapat mong ginagawa sa iyong sarili.

Ang 10 patakaran sa itaas ay dapat maging pinakamababang susundin ng lahat ng mananampalataya sa Diyos sa kanilang pamumuhay bilang tao. Ang mga taong lalabag sa mga patakarang ito ay may mahinang karakter. Maaari mong sabihin na ito ang mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Ang madalas na sumusuway sa mga ito ay tiyak na maiisantabi.

Ang lahat ng naghahanap sa katotohanan ay kinakailangan ding sundin ang 10 katangian ng mabuting karakter ng sinaunang mga banal. Ang mga taong regular na isinasagawa at pinapanatili ang mga ito ay tiyak na makikinabang nang husto. Sila’y labis na kapaki-pakinabang.

Ang 10 prinsipyo para tumalima nang may banal na kaangkupan:

1. Magsagawa ng espirituwal na pagbuo sa umaga sa pamamagitan ng pagdadasal-pagbabasa ng salita ng Diyos nang mga kalahating oras.

2. Hanapin ang mga hangarin ng Diyos sa lahat ng bagay sa bawat araw para matulungan na isagawa ang katotohanan nang mas katumpak-tumpak.

3. Makipag-usap sa lahat ng iyong makakatagpo, natututo sa bawat isa para parehong umunlad.

4. Magkaroon ng positibong pag-uugali tungo sa buhay, at laging kumanta ng mga himno at papuri at magpasalamat sa biyaya ng Diyos.

5. Huwag makisangkot sa sekular na mundo; mas lumapit sa Diyos sa iyong puso nang regular at huwag makialam.

6. Panatilihin ang karunungan sa iyong puso at lumayo sa masama at mapanganib na mga lugar.

7. Huwag makipagtalo sa mga tao, ipaliwanag ang katotohanan, at makisama sa iba.

8. Maging handa na gawin ang lahat na maaari mong gawin para tulungan ang iba, pagaangin ang kanilang mga alalahanin, at tulungan silang lutasin ang kanilang mga problema sa pagpasok sa paniniwala sa Diyos.

9. Matuto kung paano sumunod sa mga tao, huwag pangunahan ang mga tao at huwag silang puwersahin; hayaang makinabang ang mga tao sa lahat ng bagay.

10. Laging sambahin ang Diyos sa iyong puso, hayaan Siyang maging Panginoon at pinapasaya Siya sa lahat ng bagay.

Ang nasa itaas na 10 prinsipyo ng pamumuhay ng tao at ang 10 paraan para tumalima nang may banal na kaangkupan ay lahat na mga bagay na kayang gawin ng mga tao. Maaaring isagawa ng mga tao ang mga bagay na ito kung kanilang naiiintindihan ang mga ito. Kahit pa paminsan-minsan silang nagkakasala hindi ito mahirap lutasin. Hindi kailangang pag-usapan ang mga partikular na tao na masyadong masama ang pagkatao.

—Ang Pagbabahagi mula sa Itaas

Ang karaniwang sangkatauhan ay pangunahing tumutukoy sa pagkakaroon ng konsensya at katinuan. Saklaw ng konsensya at katinuan ang pagtitiis, pagkakaroon ng pasensiya sa kapwa, pagkamatapat, pakikitungo sa kapwa nang may karunungan, at pagkakaroon ng tunay na pagmamahal sa mga kapatid. Ito ang mga katangiang dapat taglayin ng karaniwang sangkatauhan.

Ang unang katangian ay pagkakaroon ng pusong matiisin. Ano ang ibig sabihin dito ng pagtitiis? Ibig sabihin nito anumang pagkakamali ang nakikita natin sa ating mga kapatid ay dapat silang pakitunguhan nang wasto, huwag silang ibukod at huwag silang sisihin. Ang pakikitungo sa kanila nang wasto ay paghahayag ng pagtitiis at pag-unawa. Kapag nakakita tayo ng mga kapintasan o katiwaliang ibinunyag sa ibang tao dapat nating tandaan na ito’y panahon ng gawain ng pagliligtas ng Diyos, at lahat ng pinili ng Diyos ay may kapahayagan patungkol sa katiwalian. Ito ay normal at dapat nating maintindihan. Maliban doon, dapat nating tignan ang ating sariling katiwalian, ang pagbubunyag na kung saan hindi ibig sabihin na mas mababa kaysa sa ibang tao. Kung paano natin ituring ang ating sariling pagbubunyag ng katiwalian ay dapat kung paano natin ituring ang pagbubunyag ng katiwalian ng iba. Sa ganoong paraan, maaari nating pagtiisan ang iba at makamit ang epekto ng pagtitiis. Kung hindi mo kayang pagtiisan ang ibang tao, ibig sabihin may problema sa iyong katinuan at nagpapatunay na hindi mo naiintindihan ang katotohanan at hindi alam ang gawain ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng hindi pag-alam sa gawain ng Diyos? Ito’y ang hindi pagkilala na ang gawain ng Diyos ay kasalukyang hindi pa tapos, at ang taong iyon ay nabubuhay pa rin sa panahon ng gawain ng pagliligtas ng Diyos at hindi pa nakumpleto. Samakatuwid, bawat tao ay hindi maiiwasang magbubunyag ng katiwalian. Ngayon karaniwang naghahanap ang lahat ng katotohanan, inaalam ang kanilang sariling katiwalian, at nararanasan ang salita ng Diyos. Lahat ay nasa panahon ng pagpasok sa katotohanan at hindi pa ganap na nakuha ang katotohanan. Ang pagbabago ng disposisyon patungkol sa buhay ay magsisimula lamang makamit kapag natamo ng mga tao ang katotohanan. Kapag naintindihan ng mga tao ang puntong ito saka sila magkakaroon ng katinuan bilang isang karaniwang tao. Kapag ang mga tao ay may kamalayan ituturing nila ang iba nang may kahulugan. Kung ang mga tao ay walang kamalayan, sila’y hindi makikitungo nang may katinuan sa kanino man. Ito ang aspeto ng pagtitiis.

Ang pangalawang katangian ay pasensiya. Ang pagtitiis lamang ay hindi sapat; kailangan mo din maging mapagpasensiya. Minsan maaaring ikaw ay matiisin at maunawain, ngunit mahirap iwasan ang partikular na kapatid na gumagawa ng isang bagay na makasasakit o makaiinsulto sa iyo. Sa naturang sitwasyon napakadaling magalit para sa taong may tiwaling disposisyon. Gusto nating lahat na ipaglaban at ipagtanggol ang ating sariling kahambugan, lahat tayo ay makasarili at mayabang. Kaya kung ang isang tao ay nakakapagsalita ng isang bagay na nakakasakit sa iyo o gumagawa ng isang bagay na nakaiinsulto sa iyo, kailangan mong maging mapagpasensiya. Ano nga ba ang pagpapasensiya? Ang pagpapasensiya ay kasali sa saklaw ng katinuan. Kailangan natin ng katinuan para magkaroon ng pasensiya. Ngunit paano ba tayo magpapasensiya? Kung gusto mong magkaroon ng pasensiya sa iba, kailangan mo muna silang maintidihan, ibig sabihin kahit sino pa man ang magsasabi sa iyo ng isang bagay na nakakasakit, alam mo dapat mag-isip at paano ito harapin. Dapat mo munang maunawaan ito: Ang kanyang mga salita ay nakasakit sa akin. Ang kanyang sinabi ay mukhang nagbubunyag sa aking kakulangan at mukhang nakadirekta sa akin. Kung ang kanyang mga salita ay nakadirekta sa akin, ano ang ibig niyang sabihin? Sinusubukan ba niya akong sirain? Itinuturing ba niya akong kaaway? Siya ba ay galit sa akin? Siya ba ay naghahangad ng paghihiganti laban sa akin? Hindi ko siya sinaktan, kaya ang sagot sa mga katanungang ito ay hindi maaaring maging oo. Kung ganoon, ano pa man ang nasabi ng kapatid na ito, siya ay walang intensyon para ako’y saktan o ituring bilang kanilang kaaway. Sigurado iyan. Noong sinabi nila ang mga salitang ito, sila’y nagpapahayag lang kung ano ang iniisip ng isang normal na tao, sa halip na idirekta sila sa anumang partikular na tao. Maaari itong sabihin na tinatalakay nila ang katotohanan, tinatalakay ang kaalaman, ibinubunyag ang katiwalian ng mga tao, o kinikilala ang kanilang sariling tiwaling estado, tunay na hindi nila sinadyang puntiryahin ang anumang partikular na indibidwal. Magbigay ka muna ng pang-unawa, pagkatapos ang iyong galit ay mawawala, at pagkatapos ay maaari mo nang makamit ang pagpapasensiya. Pagkatapos may isang taong magtatanong: Kapag may isang taong sadyang binabatikos at pinupuntirya ako, at sadyang sinasabi lang ang mga bagay na ito para makamit ang ilang layunin, paano ako magiging mapagpasensiya? Ganito ka dapat magpasensiya: Kahit pa may taong sadyang inaatake ako, dapat maging mapagpasensiya pa rin ako. Ito’y dahil sila’y aking mga kapatid at hindi aking kaaway, at tunay na hindi ang demonyong, si Satanas. Hindi maiiwasang magbunyag ng ilang katiwalian ang mga kapatid at magkaroon ng ilang mga intensyon sa kanilang mga puso. Normal ito. Naiintindihan ko, at dapat kong maunawaan ang damdamin ng iba at maging mapagpasensiya. Sa sandaling ganito ka mag-isip, dapat kang manalangin sa Diyos at sabihin: “O Diyos, may taong nakasakit sa aking pagpapahalaga sa sarili. Hindi ko matanggap ang aking kahihiyan at nag-uudyok ito para ako’y laging magalit at atakihin sila. Ito talaga ang pagbubunyag sa katiwalian. Iniisip ko dati na may pagmamahal ako para sa iba, ngunit ngayon hindi ko matanggap na ang mga salita ng isang tao ay nanakit ng puso ko. Gusto kong bumawi. Gusto kong maghiganti. Walang pagmamahal dito! Hindi ba puro galit lamang ito? May galit pa rin sa aking puso! O Diyos, ang awa na dapat naming ibahagi sa iba ay katulad ng kung paano Ka naging maawain at mapagpatawad sa aming mga kasalanan. Hindi kami dapat magtanim ng galit. O Diyos, mangyaring protektahan Mo ako, huwag Mong hayaang lumabas ang aking likas na ugali. Nais kong sumunod sa Iyo at mabuhay sa Iyong pag-ibig. Masyado na tayong sumuway at tumutol kay Cristo at sa Diyos, ngunit pinagpapasensiyahan pa rin tayo ni Cristo. Isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito na Kanyang gawain nang may labis na pasensiya at pagmamahal. Gaano katinding paghihirap, kahihiyan at paninirang-puri ang kailangang tiisin ni Cristo? Kung kinayang magpasensiya ni Cristo dito, ang kaunting pasensiya na ating kailangan ay walang-wala! Hindi maaaring ihambing ang ano mang kailangan nating pagpasensiyahan sa ginawa ni Cristo….” Sa sandaling ikaw ay nanalangin sa ganitong paraan, mararamdaman mo na parang sobra ka nang tiwali, sobrang hindi na mahalaga, sobrang nagkukulang sa antas, at doon ka magiging mapagpasensiya, kapag hindi ka na galit at mawawala ang matindi mong galit. Doon mo makakamit ang pagpapasensiya.

Ang pangatlong katangian ay ang pagturing sa mga tao nang may katapatan. Ang pagiging matapat sa mga tao ay nangangahulugang kahit ano man ang ating gawin, pagtulong man ito sa kapwa o pagsisilbi sa ating mga kapatid o pagsasabi ng katotohanan, kailangan tayong magsalita mula sa puso. Huwag maging bulaan at huwag maging huwad. At saka, huwag mangaral nang hindi mo pa nagawa. Sa tuwing nangangailangan ng tulong ang ating mga kapatid dapat tayong tumulong. Ano man ang tungkulin na kailangan natin tapusin kailangan nating tuparin. Maging matapat at hindi bulaan o mapagkunwari. … Siyempre, ang pagiging matapat ay nangangailangan ng kaunting karunungan sa tuwing nakikitungo sa mga partikular na indibidwal. Kung nakikita mong ang taong ito ay hindi maaasahan, kung ang kanilang katiwalian ay masyadong malalim, kung hindi mo sila nakikita at hindi alam ang maaari nilang gawin, kailangan mong maging matalino at huwag sabihin ang lahat ng bagay sa kanila. Ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng mga prinsipyo. Huwag bulag na magsalita ng mga bagay na hindi mo dapat sinasabi. Dapat nating pag-usapan ang mga dapat nating pinag-usapan. Higit pa diyan, ang pagiging isang matapat na tao ay nangangailangan ng pananalita na may kadahilanan at normalidad. Huwag sabihin sa isang tao na: “Magiging tapat ako sa iyo ngayong araw at sasabihin ko ang lahat ng bagay na tungkol sa akin”. Hindi ito pagiging isang matapat na tao. Ito ay larong pambata. Kailangan mong maging normal. Sabi nila: “Nagtatrabaho ako ngayon, kaya kung walang nangyayari sa inyo, aasikasuhin ko ang aking mga gawain.” Sabi mo: “Uy, saglit lang, kailangan ko munang maging isang tapat na tao sa iyo at sabihin ang ilang mga bagay”. Sabi nila: “Wala akong oras para makinig, nagmamadali akong matapos ang mga bagay.” Sabi mo: “Hindi, kailangan ko maging tapat na tao sa iyo. Dati akong ganoon sa iyo at ngayon kailangan kong maging ganito sa iyo.” Hindi ba ito kalokohan? Ang pagiging matapat na tao ay pagiging matalinong tao at hindi isang mangmang na tao. Ito’y hinggil sa pagiging matalino, simple at bukas, at hindi nakalilinlang. Kailangan kang maging normal at may kamalayan. Ang katapatan ay gawa sa katuwiran. Ito ang ibig sabihin ng pagiging matapat kapag humaharap sa mga tao, at ang pagiging isang tapat na tao. Siyempre, ang pinakamahalagang bagay tungkol sa pagiging matapat na tao ay ang pagiging matapat sa Diyos. Hindi ba ito’y magiging isang malaking problema kung ikaw ay matapat lang na tao sa harapan ng ibang tao ngunit hindi ka matapat sa harapan ng Diyos at nililinlang Siya? Kung nais mong maging matapat na tao sa Diyos, natural kang magiging matapat sa harapan ng iba. Kung hindi mo ito kayang gawin sa harapan ng Diyos, mas lalo itong magiging mahirap gawin para sa ibang tao. Anumang aspeto ng katotohanan o positibong bagay ang iyong papasukin, kailangan mo muna itong gawin sa harapan ng Diyos. Kapag nagawa mo ito nang matagumpay sa harapan ng Diyos, natural mong maipapamuhay ito sa harapan ng ibang tao. Huwag mong pahirapan ang iyong sarili na gawin ito o iyon sa harapan ng iba at malaya mong gawin anuman ang iyong nais sa harapan ng Diyos. Hindi maaari iyon. Ang pinakamahalagang bagay ay ang paggawa nito sa harapan ng Diyos, na Siyang sumusubok sa sangkatauhan at sumasaliksik sa kanilang mga puso. Tunay kang may reyalidad kung ikaw ay pumasa sa pagsubok ng Diyos. Wala kang reyalidad kung hindi ka pumasa sa pagsubok ng Diyos. Ito ang prinsipyo kapag isinasagawa mo ang katotohanan.

Ang pang-apat na katangian ay ang pakikitungo sa mga tao nang may karunungan. Sabi ng ilang tao: “Kailangan ba ng karunungan para makasundo ang mga kapatid?” Oo, kailangan, sapagkat ang paggamit ng karunungnan ay nagdudulot ng mas malaki pang pakinabang sa iyong mga kapatid. Ang ilan ay magtatanong: “Hindi ba ang pagiging magaling sa mga kapatid ay pagiging tuso?” Ang karunungan ay hindi pagiging tuso. Sa halip, ito ay lubos na kabaliktaran ng pagiging tuso. Ang ibig sabihin ng paggamit ng karunungan ay ang pagbibigay pansin sa paraan ng pananalita sa iyong mga kapatid kapag maliit ang katayuan nila, kung sakaling hindi nila matanggap ang iyong sinasabi. At saka, sa mga taong nasa mababang katayuan, lalo na ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan at nagbubunyag ng ilang katiwalian at may ilang tiwaling disposisyon, kung ikaw ay masyadong simple at bukas at sinasabi mo ang lahat ng bagay, minsan maaari din itong maging madali para sa kanila na makakuha ng isang bagay sa iyo o para sa iyo para magamit. Hindi rin ito makabubuti. Dahil ang mga tao ay may tiwaling disposisyon, kailangan may pag-iingat ka at may ilang pamamaraan kapag nagsasalita. Ngunit ang pagiging maingat laban sa mga tao ay hindi nangangahulugang hindi sila tutulungan o walang pagmamahal sa kanila. Ibig sabihin lang nito ay ang hindi pagsabi agad ng mga importanteng bagay tungkol sa sambahayan ng Diyos, at pagpapaalam lang ng katotohanan sa kanila. Kung kailangan nila ng tulong espirituwal sa buhay at kailangang ibigay ang katotohanan sa kanila, kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya para masiyahan sila tungkol dito. Ngunit kung sila ay nagtatanong sa ganito’t sa ganyan tungkol sa sambahayan ng Diyos, o sa ganito’t sa ganyan tungkol sa mga lider at manggagawa nito, hindi na kailangang sabihin sa kanila. Kung sasabihin mo sa kanila, maaari nilang ilabas ang mga impormasyong ito at ito’y makakaapekto sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa madaling salita, kung ito ay isang bagay na hindi nila dapat malaman o isang bagay na hindi nila kailangang malaman, huwag hayaang malaman nila ang tungkol dito. Kung ito ay isang bagay na dapat nilang malaman, gawing mo ang lahat para malaman nila ang tungkol dito, buong-buo at walang pag-aalinlangan. Ano ang mga bagay na dapat nilang malaman? Ang paghahangad sa katotohanan ang dapat nilang malaman; kung anong katotohanan ang dapat nilang makuha, anong mga aspeto ng katotohanan ang dapat nilang maintindihan, anong mga tungkulin ang dapat nilang matupad, anong mga tungkulin ang angkop sa kanila para matupad, paano nila dapat matupad ang mga tungkuling iyon, paano mamuhay nang may normal na pagkatao, paano mamuhay ng buhay iglesia—ito ang lahat na dapat malaman ng mga tao. Sa kabilang banda, ang mga patakaran at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia ay hindi maaaring ibulgar sa mga tagalabas, o ni ng mga kalagayan ng iyong mga kapatid ay hindi maaaring ilantad sa mga tagalabas o mga hindi mananampalataya sa iyong pamilya. Ito ang prinsipyo na kailangang sundin sa ating paggamit ng karunungan. Ang mga pangalan at tirahan ng iyong mga lider, ay halimbawa, mga bagay na hindi dapat pag-usapan. Kung pag-uusapan ninyo ang tungkol sa mga ganitong bagay, hindi mo kailanman malalaman kung kailan maririnig ng mga tagalabas ang mga impormasyong ito, at ang mga bagay ay maaaring maging mas magulo kapag ito ay nakarating sa ilang masasamang espiya o mga lihim na ahente. Kailangan mong maging matalino sa mga bagay na ito. Kaya ko sinasabi ko na ang karunungan ay lubos na kinakailangan. Bukod dito, kapag ikaw ay nagiging simple at bukas, hindi mo maaaring sabihin nang basta-basta kung kanino man ang pribadong mga bagay. Kailangan mong pagpasyahan ang katayuan ng iyong mga kapatid para makita kung pagkatapos mong sabihin sa kanila, maaari silang maging hindi makadiyos at gawing biro ang iyong sinasabi. Magiging problema kung hahayaan nila itong makalabas; pipinsalain nito ang iyong karakter. Kaya kailangan din ng karunungan sa pagiging simple at bukas. Iyan ang pang-apat na pamantayan ng normal na pagkatao na kailangang taglayin—pakikitungo sa mga tao nang may karunungan.

Ang panglimang katangian ay ang pagkakaroon ng tunay na malasakit sa mga kapatid na totoong naniniwala sa Diyos. Kasama dito ang kaunting tunay na pag-ibig, aktuwal na pagtulong, at espiritu ng dedikasyon. Mas lalong dapat tayong makipag-usap at magbigay pa sa ating mga kapatid na naghahangad ng katotohanan, kahit pa sila’y mga bagong naniniwala o mga naniniwala na nang ilang taon. Mayroon nitong isang partikular na prinsipyo ng buhay iglesia: Mag-ingat lalo na sa mga naghahanap ng katotohanan. Mas makipag-usap sa kanila, mas magbigay sa kanila, at mas diligan sila para bumilis ang kanilang paglago, para palaguin ang kanilang mga buhay sa lalong madaling panahon. Para sa mga hindi naghahanap ng katotohanan, kapag naging kapansin-pansin na hindi nila mahal ang katotohanan pagkatapos ng panahon ng pagdidilig, kung gayon hindi na kailangang gumugol ng matinding pagsisikap sa kanila. Hindi ito kinakailangan dahil nagawa mo na ang lahat ng bagay na posibleng gawin bilang tao. Sapat na natupad mo na ang iyong responsibilidad. … Kailangan mong makita kung kanino dapat ituon ang iyong gawain. Gagawin bang perpekto ng Diyos ang mga hindi naghahangad ng katotohanan? Kung hindi ginagawa ng Banal na Espiritu, bakit mo pa ito kailangang ipagpatuloy nang pikit-mata? Hindi mo naiintindihan ang gawain ng Banal na Espiritu subalit lagi ka pa ring kumikilos nang mapagmataas—hindi ba ito ang iyong kabobohan at kamangmangan? Kaya, mas magbigay ng tulong sa mga kapatid na tunay na naghahangad ng katotohanan, dahil sila ang layon ng pagliligtas ng Diyos at Kanyang natukoy na mga pinili. Kung lagi nating sasabihin ang katotohanan sa mga taong ito nang may iisang puso at isip at tutulungan at susuplayan ang bawat isa, sa huli ay makakamtan nating lahat ang kaligtasan. Pinagkakanulo mo ang kalooban ng Diyos kung hindi ka sasali sa mga taong ito. … Ang mga taong may normal na pagkatao sa iglesia ay dapat ibilang ang kanilang mga sarili sa mga naghahanap ng katotohanan, magkakaroon ng magandang ugnayan sa mga taong ito, at dahil sa paghahangad ng katotohanan paunti-unti kayong gugugol nang magkakasama para sa Diyos nang may iisang puso at isip. Sa ganoong paraan, ang mga taong naghahangad ng katotohanan ay maliligtas at ikaw ay maliligtas din, dahil ang Banal na Espiritu ay kumikilos kasama ng mga naghahangad ng katotohanan. …

Nasabi namin sa itaas ang limang aspeto na kailangang taglayin ng normal na pagkatao. Kung ikaw ay mayroon ng lahat ng limang katangiang ito, ikaw ay magkakaroon ng magandang ugnayan sa iyong mga kapatid, mahahanap mo ang iyong lugar sa iglesia, at matutupad mo ang iyong papel sa pinakamahusay mong kakayahan.

—Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay

Sinundan: 3. Sa Pananalig sa Diyos, Dapat Kang Magbuo ng Normal na Relasyon sa Diyos

Sumunod: 5. Ang Pananampalataya sa Diyos ay Hindi Dapat na para Lamang sa Paghahangad ng Kapayapaan at mga Pagpapala

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 10: Matagal na akong nagtatrabaho para sa United Front, at napag-aralan ko na ang iba’t ibang relihiyon. Ang Kristiyanismo, Katolisismo at Eastern Orthodoxy ay pawang mga relihiyong orthodox na nananalig kay Jesus. Pero ibang-iba ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Ayon sa mga dokumento ng CCP, ang Makapangyarihang Diyos ay ni hindi kabilang ng Kristiyanismo. Nangangaral kayo ng ebanghelyo sa iba’t ibang sekta sa ilalim ng Kristiyanismo na hindi kayo kinikilalang Kristiyano. Kaya hinding-hindi ko kayo papayagang manalig sa Makapangyarihang Diyos. Maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo kung gusto nyo. Mas magaan ang pagpapahirap ng gobyerno sa ganitong paraan. Kung maaresto at mabilanggo kayo dahil sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos, manganganib ang buhay n’yo. Nakita na ng CCP na lahat ng nananalig sa Makapangyarihang Diyos ay walang salang mga alagad ni Cristo sa mga huling araw na mga disipulo at apostol ni Cristo. Ang lubhang pinangangambahan ng CCP ay ang mga pahayag at patotoo sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao na ipinahayag ni Cristo sa mga huling araw, pati na ang matatag na grupong sumusunod kay Cristo sa mga huling araw. Napag-aralan na namin ang kasaysayan ng Kristiyanismo. Ang lubhang pinangambahan ng imperyong Romano ay ang mga disipulo at apostol ni Jesus. Kaya nang hulihin ang mga taong ito, pinagpapatay sila sa iba’t ibang pamamaraan. Ngayon, kung hindi ginawa ang mga hakbang na ito para supilin at lubos na ipagbawal ang grupong ito ng mga tao na sumusunod sa Cristo ng mga huling araw, ilang taon pa lang, mapapailalim sa kanila ang lahat ng iba’t ibang relihiyon. Sa ngayon, ang ilang pangunahing grupong Kristiyano sa China ay napailalim na ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kung hindi inimbento ng CCP ang ilang opinyon ng publiko at nagpakana ng Kaso sa Zhaoyuan, darating siguro ang araw na mapapailalim ang iba’t ibang relihiyon sa mundo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Kapag napailalim sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng iba’t ibang relihiyon, lubhang makakasama ’yan sa pamamahala ng CCP. Sa gayon, matatag ang determinasyon ng Central Committee na gamitin ang lahat ng puwersa para lubos na ipagbawal ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa loob ng maikling panahon. Dapat n’yong malaman, ang paglitaw ng Kidlat ng Silanganan ay hindi lamang nabalita sa China, malaking balita rin ito sa mundo. Dahil gumawa kayo ng napakalaking hakbang, paanong hindi galit na maglulunsad ng malakihang pagsupil at pag-aresto ang CCP laban sa inyo? Kung kailangan n’yong maniwala sa Diyos, maaari lang kayong manalig sa Kristiyanismo. Talagang bawal kayong manalig sa Makapangyarihang Diyos. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hindi kabilang ng Kristiyanismo, hindi n’yo ba alam ’yan?

Sagot: Kasasabi n’yo lang ng mismong dahilan kaya sinusupil ng CCP ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pero hindi ba n’yo alam kung...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito