3. Sa Pananalig sa Diyos, Dapat Kang Magbuo ng Normal na Relasyon sa Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa paniniwala sa Diyos, kahit paano ay kailangan mong lutasin ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, nawawalan ng kabuluhan ang iyong paniniwala sa Diyos. Ang pagtatatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos ay lubos na nakakamtan sa pagkakaroon ng pusong tahimik sa presensya ng Diyos. Ang pagkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ay nangangahulugan ng kakayahang hindi pagdudahan o tanggihan ang anuman sa Kanyang gawain at magpasakop sa Kanyang gawain. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga tamang layunin sa presensya ng Diyos, hindi paggawa ng mga plano para sa sarili mo, at pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito ng pagtanggap sa pagsusuri ng Diyos at pagsunod sa mga plano ng Diyos. Kailangan mong magawang patahimikin ang iyong puso sa presensya ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. Kahit hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo pa ring tuparin ang iyong mga tungkulin at responsibilidad sa abot ng iyong makakaya. Kapag nabunyag na sa iyo ang kalooban ng Diyos, kumilos ayon dito, at hindi na magiging huli ang lahat. Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Lahat ay itinatatag sa pundasyon ng mga salita ng Diyos. Kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, pagkatapos ay isagawa ang mga kinakailangan ng Diyos, itama ang iyong mga pananaw, at iwasang gumawa ng anuman upang kalabanin ang Diyos o gambalain ang iglesia. Huwag gumawa ng anumang hindi mapapakinabangan sa buhay ng iyong mga kapatid, huwag magsalita ng anumang hindi nakakatulong sa iba, at huwag gumawa ng anumang kahiya-hiya. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring mahina ang laman kung minsan, kailangan mong magawang unahin ang mga interes ng pamilya ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, at kailangan mong makakilos nang matuwid. Kung makapagsasagawa ka sa ganitong paraan, magiging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?
Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, talikuran mo ang mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali. Ang maliliit na bagay ay maaaring ibunyag ang mga layunin at tayog ng isang tao, kaya nga, para makapasok ang isang tao sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, kailangan muna nilang ituwid ang kanilang mga layunin at ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Kapag ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, saka ka lamang Niya magagawang perpekto; saka lamang makakamtan ng pakikitungo, pagpupungos, pagdidisiplina, at pagpipino ng Diyos ang epektong nilayon ng mga ito sa iyo. Ibig sabihin, kung nagagawa ng mga tao na laging isapuso ang Diyos at hindi maghangad ng personal na pakinabang o isipin ang sarili nilang mga personal na inaasam (sa makamundong kahulugan), kundi sa halip ay dinadala nila ang pasanin ng pagpasok sa buhay, ginagawa nila ang lahat upang patuloy na hangarin ang katotohanan, at nagpapasakop sila sa gawain ng Diyos—kung magagawa mo ito, ang mga layunin na patuloy mong pinagsisikapan ay magiging tama, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal. Ang pagtatama sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos ay maaaring tawaging unang hakbang sa pagpasok sa espirituwal na paglalakbay. Bagama’t ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos at itinatakda ng Diyos, at hindi mababago ng tao, maaari ka mang gawing perpekto ng Diyos o maangkin Niya ay nakasalalay sa kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Maaaring may mga bahagi kang mahina at masuwayin—ngunit basta’t tama ang iyong mga pananaw at iyong mga layunin, at basta’t tama at normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, karapat-dapat kang gawing perpekto ng Diyos. Kung hindi tama ang kaugnayan mo sa Diyos, at kumikilos ka para sa kapakanan ng laman o ng iyong pamilya, gaano ka man magsikap sa trabaho, mawawalan iyon ng saysay. Kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, lahat ng iba pa ay malalagay sa lugar. Wala nang ibang tinitingnan ang Diyos, kundi kung tama ang iyong mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos: sino ang iyong pinaniniwalaan, para kaninong kapakanan ka naniniwala, at bakit ka naniniwala. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang mga bagay na ito at isinasagawa mo nang nasa tama ang iyong mga pananaw, susulong ka sa buhay mo, at garantisado ka ring makakapasok sa tamang landas. Kung hindi normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, at lihis ang mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos, walang-saysay ang lahat ng iba pa, at gaano katatag ka man naniniwala, wala kang mapapala. Matapos maging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, saka ka lamang magtatamo ng papuri mula sa Kanya kapag ikaw ay tumatalikod sa laman, nagdarasal, nagdurusa, nagtitiis, nagpapasakop, tumutulong sa iyong mga kapatid, gumugugol ng sarili mo nang higit pa para sa Diyos, at iba pa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?
Pinaniniwalaan, minamahal, at pinalulugod ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng paghaplos sa Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay pagkakamit ng Kanyang kaluguran, at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga salita ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay pagkaantig nila ng Espiritu ng Diyos. Kung nais mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay at magtatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kailangan mo munang ibigay ang iyong puso sa Kanya. Pagkatapos mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan at maibuhos ang buong puso mo sa Kanya, saka mo lamang unti-unting magagawang magkakaroon ng isang normal na espirituwal na buhay. Kung hindi ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos sa kanilang pananalig sa Kanya, at kung ang kanilang puso ay wala sa Kanya at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nila, lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, isang tipikal na kilos ng mga taong relihiyoso, at hindi makatatamo ng papuri ng Diyos. Walang mapapala ang Diyos sa ganitong klaseng tao; ang ganitong klaseng tao ay maaari lamang magsilbing hadlang sa gawain ng Diyos, kagaya ng isang palamuti sa tahanan ng Diyos, isang bagay na kalabisan at walang silbi. Hindi kinakasangkapan ng Diyos ang ganitong klaseng tao. Sa gayong tao, hindi lamang walang pagkakataon para sa gawain ng Banal na Espiritu, wala ring anumang halaga para gawin silang perpekto. Ang ganitong klaseng tao, sa totoo lang, ay isang naglalakad na bangkay. Walang taglay na anuman ang mga taong ganito para maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, kundi taliwas dito, silang lahat ay naangkin na at malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Lilipulin ng Diyos ang mga taong ito. Sa kasalukuyan, sa pagkasangkapan sa mga tao, hindi lamang ginagamit ng Banal na Espiritu ang mga bahagi nilang iyon na kanais-nais upang magawa ang mga bagay-bagay, pineperpekto at binabago rin Niya ang mga bahagi nilang hindi kanais-nais. Kung maibubuhos ang puso mo sa Diyos at mananatiling tahimik sa Kanyang harapan, magkakaroon ka ng pagkakataon at mga kwalipikasyong maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, upang matanggap ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at bukod pa riyan, magkakaroon ka ng pagkakataon para makabawi sa Banal na Espiritu sa iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo ang puso mo sa Diyos, ang maganda, makakatamo ka ng mas malalim na pagpasok at makakatamo ka ng mas mataas na kabatiran; ang hindi maganda, mas mauunawaan mo ang iyong sariling mga pagkakamali at pagkukulang, magiging mas masigasig kang hangarin na mapalugod ang kalooban ng Diyos, at hindi ka magiging balintiyak, kundi aktibo kang papasok. Sa gayon, magiging isa kang tamang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos
Kung nais mong magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang bumaling ang puso mo sa Diyos. Sa pundasyong ito, magkakaroon ka rin ng normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magsumikap o gaanong lakas man ang iyong ibuhos, tutukoy lamang ang lahat ng ito sa isang pilosopiya ng tao sa pamumuhay. Pinananatili mo ang iyong katayuan sa mga tao sa pamamagitan ng isang pananaw ng tao at isang pilosopiya ng tao upang purihin ka ng mga tao, ngunit hindi mo sinusunod ang salita ng Diyos para magtatag ng mga normal na kaugnayan sa mga tao. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao kundi magpapanatili ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kung handa kang ibigay ang puso mo sa Diyos at matututong sundin Siya, natural lamang na magiging normal ang iyong mga kaugnayan sa lahat ng tao. Sa ganitong paraan, hindi itinatatag ang mga kaugnayang ito sa laman, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos walang pakikipag-ugnayan sa laman, ngunit sa espiritu ay may pagsasamahan, pagmamahalan, kapanatagan sa isa’t isa, at paglalaan para sa isa’t isa. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng isang pusong nakakalugod sa Diyos. Ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pag-asa sa pilosopiya ng tao sa pamumuhay, kundi likas na likas na nabubuo sa pamamagitan ng pagdadala ng isang pasanin para sa Diyos. Hindi nito kinakailangan ang pagsisikap na gawa ng tao. Kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos. Handa ka bang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos? Handa ka bang maging isang taong “walang katwiran” sa harap ng Diyos? Handa ka bang ibigay nang lubusan ang puso mo sa Diyos at balewalain ang iyong katayuan sa mga tao? Sa lahat ng taong nakakasalamuha mo, kanino ka may pinakamagagandang kaugnayan? Kanino ka may pinakamasasamang kaugnayan? Normal ba ang mga kaugnayan mo sa mga tao? Tinatrato mo ba nang pantay-pantay ang lahat ng tao? Pinananatili mo ba ang iyong mga kaugnayan sa iba ayon sa iyong pilosopiya sa pamumuhay, o nakatatag ba ang mga ito sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos? Kapag hindi ibinibigay ng isang tao ang kanyang puso sa Diyos, ang kanyang espiritu ay nagiging mapurol, manhid at walang malay. Hindi mauunawaan ng ganitong klaseng tao ang mga salita ng Diyos kailanman at hindi magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos kailanman; ang disposisyon ng ganitong klaseng tao ay hindi kailanman magbabago. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay ang proseso ng lubusang pagbibigay ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, at ng pagtanggap ng kaliwanagan at paglilinaw mula sa mga salita ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay maaaring pahintulutan ang isang tao na aktibong makapasok, at tulungan din silang alisin ang kanilang mga negatibong aspeto pagkatapos malaman ang mga ito. Kapag umabot ka sa punto ng pagbibigay ng puso mo sa Diyos, mahihiwatigan mo ang bawat banayad na pagkilos sa iyong espiritu, at malalaman mo ang bawat kaliwanagan at paglilinaw na natatanggap mula sa Diyos. Kumapit dito, at unti-unti kang papasok sa landas ng pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kapag mas tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, magiging mas sensitibo at maselan ang iyong espiritu at mas mahihiwatigan ng iyong espiritu kung paano ito inaantig ng Banal na Espiritu, at sa gayon ay magiging mas normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Ang isang normal na kaugnayan sa pagitan ng mga tao ay itinatatag sa pundasyon ng pagbibigay ng kanilang puso sa Diyos, at hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanilang puso, ang mga kaugnayan sa pagitan ng mga tao ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, kundi sa halip ay pagpapalayaw sa pagnanasa ng laman. Mga kaugnayan ang mga ito na kinamumuhian ng Diyos, na Kanyang kinasusuklaman. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay naantig, ngunit gusto mo palaging makisalamuha sa mga taong gusto mo, sa sinumang tinitingala mo, at kung may ibang taong naghahangad ngunit hindi mo sila gusto, at mayroon ka pang ayaw sa kanila at ayaw mo silang pakisamahan, dagdag na patunay ito na maramdamin ka at ni wala ka man lang normal na kaugnayan sa Diyos. Tinatangka mong linlangin ang Diyos at ikubli ang sarili mong kapangitan. Kahit may maibabahagi kang kaunting pagkaunawa subalit mali ang iyong mga layon, lahat ng ginagawa mo ay mabuti lamang ayon sa mga pamantayan ng tao. Hindi ka pupurihin ng Diyos—kumikilos ka ayon sa laman, hindi ayon sa pasanin ng Diyos. Kung nagagawa mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos at mayroon kang normal na pakikipag-ugnayan sa lahat ng nagmamahal sa Diyos, saka ka lamang angkop na kasangkapanin ng Diyos. Sa ganitong paraan, gaano ka man nakikisalamuha sa iba, hindi ito magiging ayon sa isang pilosopiya sa pamumuhay, kundi magiging sa harap ng Diyos, pamumuhay sa isang paraan na nagsasaalang-alang sa Kanyang pasanin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos
Basahin ang bawat pahayag ng Diyos at isagawa ang mga ito sa sandaling maunawaan mo ang mga ito. Marahil ay may mga pagkakataon na mahina ang iyong laman, o naging suwail ka, o lumaban ka; paano ka man kumilos noong araw, maliit na bagay lamang iyan, at hindi nito mahahadlangan ang paglago ng iyong buhay ngayon. Basta’t maaari kang magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ngayon, may pag-asa. Kung may pagbabago sa iyo tuwing babasahin mo ang mga salita ng Diyos, at masasabi ng iba na naging mas mabuti na ang iyong buhay, ipinakikita nito na normal na ang iyong kaugnayan sa Diyos, na naitama na ito. Hindi tinatrato ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang mga paglabag. Kapag nakaunawa ka na at nagkaroon ng kamalayan, basta’t makakatigil ka sa pagsuway o paglaban, mahahabag pa rin ang Diyos sa iyo. Kung taglay mo ang pagkaunawa at matibay na pagpapasiya na patuloy na hangaring magawang perpekto ng Diyos, magiging normal ang iyong kalagayan sa presensya ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, isaalang-alang ang mga sumusunod habang ginagawa mo ito: Ano ang iisipin ng Diyos kapag ginawa ko ito? Makikinabang ba rito ang aking mga kapatid? Magiging kapaki-pakinabang ba ito sa gawain ng tahanan ng Diyos? Sa pagdarasal man, sa pagbabahagi, sa pananalita, sa gawain, o sa pakikisalamuha sa iba, suriin ang iyong mga layunin, at tingnan kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Kung hindi mo mahiwatigan ang sarili mong mga layunin at saloobin, ibig sabihin ay wala kang pagtatangi, na nagpapatunay na kakaunting katotohanan lamang ang iyong nauunawaan. Kung nagagawa mong maunawaan nang malinaw ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at nahihiwatigan mo ang mga bagay-bagay alinsunod sa Kanyang mga salita, pumapanig sa Kanya, magiging tama na ang iyong mga pananaw. Samakatuwid, ang pagtatatag ng mabuting kaugnayan sa Diyos ang pinakamahalaga sa sinumang naniniwala sa Diyos; dapat itong tratuhin ng lahat bilang isang gawaing napakahalaga at napakalaking kaganapan sa kanilang buhay. Lahat ng iyong ginagawa ay nasusukat sa kung ikaw ay may normal na kaugnayan sa Diyos. Kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos at tama ang iyong mga layunin, kumilos. Para mapanatili ang normal na kaugnayan sa Diyos, huwag kang matakot na makaranas ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes; hindi mo maaaring tulutang manaig si Satanas, hindi mo maaaring tulutan si Satanas na maangkin ka, at hindi mo maaaring tulutan si Satanas na gawin kang katawa-tawa. Ang pagkakaroon ng gayong mga layunin ay isang tanda na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal—hindi para sa kapakanan ng laman, kundi para sa kapayapaan ng espiritu, ito ay para matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, at para mapalugod ang kalooban ng Diyos. Para makapasok sa tamang kalagayan, kailangan mong magtatag ng mabuting kaugnayan sa Diyos at itama ang iyong mga pananaw tungkol sa iyong paniniwala sa Diyos. Ito ay upang maangkin ka ng Diyos, at upang maipakita Niya ang mga bunga ng Kanyang mga salita sa iyo at liwanagan at pagliwanagin ka pa. Sa ganitong paraan, makakapasok ka na sa tamang paraan. Patuloy na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa ngayon, pumasok sa kasalukuyang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos sa ngayon, huwag sundin ang makalumang mga pamamaraan ng pagsasagawa, huwag kumapit sa dating mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at pumasok sa kasalukuyang paraan ng paggawa sa lalong madaling panahon. Sa gayon, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging ganap na normal at makakapasok ka na sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?