g. Ang layon at ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa China para magpakita at gumawa sa mga huling araw

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, iyon ang simula; ang yugto na ito ng gawain ay ang katapusan ng gawain, at ito ang kongklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga taong hinirang sa Israel, at ito ang simula ng isang bagong panahon sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at wakasan ang kapanahunan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, ang liwanag ay dadalhin, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao sa pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar na ito ay nalupig na, at kinilala nilang lahat na mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katunayang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay simboliko: Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay ganap nang magwawakas. Sa oras na ang mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Kung gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa Tsina ang nagtataglay ng makabuluhang pagsasagisag. Kinakatawan ng Tsina ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa Tsina ay kumakatawan sa lahat ng mga nasa laman, kay Satanas, at sa laman at dugo. Ang mga Tsino ang pinakaginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamababa at pinakamarumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng lahat ng tiwaling sangkatauhan. Hindi ito nangangahulugan na walang anumang problema sa ibang mga bansa; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila kilala ang Diyos, tiyak na sinasalungat nila Siya. Bakit kumontra at naghimagsik din ang mga Hudyo laban sa Diyos? Bakit kinontra rin Siya ng mga Pariseo? Bakit ipinagkanulo ni Hudas si Jesus? Sa panahong iyon, marami sa mga disipulo ang hindi nakakilala kay Jesus. Bakit, pagkatapos ipako sa krus si Jesus at muling nabuhay, ay hindi pa rin naniwala sa Kanya ang mga tao? Hindi ba’t pare-pareho lamang ang paghihimagsik ng tao? Sadyang ginagawa lamang halimbawa ang mga tao ng Tsina, at kapag sila ay nalupig, sila ay magiging mga huwaran at uliran, at magsisilbing reperensiya para sa iba. Bakit palagi Kong sinasabi na kayo ay pandagdag sa Aking plano ng pamamahala? Sa mga tao sa Tsina lubos na naipapamalas at nabubunyag ang katiwalian, karumihan, pagiging di-matuwid, pagsalungat, at paghihimagsik sa lahat ng iba’t ibang anyo nito. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay salat at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay may isinasagisag, at pagkatapos ganap na gawin itong gawain ng pagsubok, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kung matatapos ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay matitiyak. Sa oras na maisakatuparan na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang nakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob ay ganap nang nagwakas. Sa katunayan, kapag nagtagumpay na ang gawain sa inyo, ito ay magiging katumbas ng tagumpay sa buong sansinukob. Ito ang kahalagahan ng kung bakit pinakikilos Ko kayo bilang huwaran at uliran.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)

Ang Tsina ang pinakapaurong sa lahat ng bansa; ito ang lupain kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, narito ang pinakamaraming taong sumasamba sa mga diyos-diyosan at nakikibahagi sa salamangka, may pinakamaraming templo, at ito ang lugar kung saan naninirahan ang maruruming espiritu. Isinilang ka nito, tinuruan nito at nakalubog sa impluwensiya nito; nagawa ka nitong tiwali at pinahirapan nito, ngunit nang magising ka ay naghimagsik ka laban dito at lubos kang nakamit ng Diyos. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos, at ito ang dahilan kaya ang yugtong ito ng gawain ay may malaking kabuluhan. Nakagawa ang Diyos ng napakalawak na gawain, nakasambit ng napakaraming salita, at sa huli ay lubos Niya kayong makakamit—ito ay isang bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at kayo ang “mga samsam ng tagumpay” ng pakikibaka ng Diyos kay Satanas. Habang lalo ninyong nauunawaan ang katotohanan at napapabuti ang inyong buhay sa iglesia, lalong napapanikluhod ang malaking pulang dragon. Lahat ng ito ay mga bagay ng espirituwal na mundo—ito ang mga pakikibaka ng espirituwal na mundo, at kapag nagtagumpay ang Diyos, mapapahiya at babagsak si Satanas. Ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay may napakalaking kabuluhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)

Ang paggawa ng gawain ng paglupig sa mga taong tulad nito ay may pinakamalalim na kabuluhan. Kayong lahat ay nahulog sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman at labis na nasaktan. Ang layunin ng gawaing ito, kung gayon, ay bigyang-kakayahan kayo na makilala ang kalikasan ng tao at sa pamamagitan niyon ay maisabuhay ang katotohanan. Ang magawang perpekto ay isang bagay na dapat tanggapin ng lahat ng nilalang. Kung ang gawain ng yugtong ito ay kinapapalooban lamang ng pagpeperpekto sa mga tao, kung gayon maaari itong magawa sa Britain, o sa America, o sa Israel; maaari itong magawa sa mga tao ng anumang bansa. Ngunit ang gawain ng paglupig ay namimili. Ang unang hakbang ng gawain ng paglupig ay panandalian lamang; higit pa rito, ito ay gagamitin upang hiyain si Satanas at lupigin ang buong sansinukob. Ito ang panimulang gawain ng paglupig. Maaaring sabihin na sinumang nilikha na naniniwala sa Diyos ay magagawang perpekto dahil ang maging perpekto ay isang bagay na makakamit lamang pagkatapos ng mahabang-panahong pagbabago. Ngunit ang malupig ay iba. Ang uliran at huwaran na lulupigin ay dapat na siyang pinakanahuhuli sa lahat, namumuhay sa pinakamalalim na kadiliman; sila dapat ang pinakamababa, ang pinakaayaw na kumilala sa Diyos, at ang pinakamapaghimagsik sa Diyos. Ito mismo ang uri ng tao na makakapagpatotoo tungkol sa pagkalupig. Ang pangunahing layunin ng gawain ng paglupig ay talunin si Satanas, habang ang pangunahing layunin ng pagpeperpekto sa mga tao ay ang magtamo ng mga tao. Isinagawa rito ang gawain ng paglupig, sa mga taong katulad ninyo, upang bigyang-kakayahan ang mga tao na magkaroon ng patotoo pagkatapos na malupig. Ang layunin ay upang magpatotoo ang mga tao pagkatapos na malupig. Ang nalupig na mga taong ito ay gagamitin upang makamit ang layunin ng pagpapahiya kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay pagliligtas sa mga nahulog sa pinakamatinding kadiliman. Bagama’t sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila, sapagkat lahat sila noong una ay mga taong wala ang Diyos sa kanilang puso; ang idulot lamang iyong mga wala ang Diyos sa kanilang puso na magpasakop sa Diyos at mahalin Siya ang tunay na paglupig, at ang bunga ng gayong gawain ang pinakamahalaga at pinakakapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatiang nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagama’t mababa ang posisyon ng mga taong ito, na nagagawa na nila ngayong makamit ang gayon kadakilang pagliligtas ay tunay na isang pagtataas ng Diyos. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan, at sa pamamagitan ng paghatol Niya nakakamit ang mga taong ito. Hindi Niya layon na parusahan ang mga taong ito, kundi iligtas sila. Kung, sa mga huling araw, isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel, mawawalan ito ng kabuluhan; magkaroon man ito ng bunga, hindi ito magkakaroon ng halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Siya magkakamit ng buong kaluwalhatian. Ang paggawa sa inyo ay ang paggawa sa mga nahulog sa pinakamadilim sa lahat ng lugar, sa mga pinakaatrasado. Hindi kinikilala ng mga taong ito na may Diyos at hindi nalaman kailanman na may Diyos. Ang mga nilikhang ito ay nagawang tiwali ni Satanas hanggang sa antas na nalimutan na nila ang Diyos at nabulag na sila ni Satanas, hindi man lang alam na may Diyos sa langit. Sa inyong puso, lahat kayo ay sumasamba sa mga diyos-diyosan at sumasamba kay Satanas—hindi ba kayo ang pinakahamak, ang pinakaatrasadong mga tao? Kayo ang pinakahamak sa lahat ng laman, walang anumang personal na kalayaan, at dumaranas din kayo ng mga paghihirap. Kayo rin ang mga tao sa pinakamababang antas ng lipunang ito, na wala kahit ng kalayaang manampalataya. Narito ang kabuluhan ng paggawa sa inyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Sa pamamagitan lamang ng pagiging tao ng Diyos sa pinakapaurong at pinakamarumi na mga lugar maibubunyag ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang banal at matuwid na disposisyon. At paano naibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon? Naibubunyag ito sa pamamagitan ng paghatol Niya sa mga kasalanan ng tao, paghatol Niya kay Satanas, pagkasuklam Niya sa kasalanan, at pagkamuhi Niya sa mga kaaway na kumokontra at naghihimagsik laban sa Kanya. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, upang sumpain ang paghihimagsik ng tao. Ang pagiging baliko at panlilinlang ng tao, ang mga salita at gawa ng tao—lahat ng hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ay kailangang isailalim sa paghatol, at ang lahat ng paghihimagsik ng tao ay itinuturing na kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang pagsumpa sa paghihimagsik ng tao, ang paglalantad sa lahat ng pangit na mukha ng tao upang ipamalas ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang representasyon ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan, ang kabanalan ng Diyos ay ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ay ang konteksto ng mga salita ngayon—Ako ay nagsasalita at humahatol, at nagsasagawa ng gawain ng paglupig ayon sa mga ito. Ito lamang ang praktikal na gawain, at sa paraan lamang na ito lubos na mapapatingkad ang kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Sapagkat mayroon kang tiwaling disposisyon, hindi ka palalampasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito naipapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at paghihimagsik ng tao ngunit hindi Siya nagsalita o humatol sa iyo, ni hindi ka Niya kinastigo dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil wala Siyang pagkamuhi sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya Kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at paghihimagsik mo kaya Kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao, tulad ng mga baboy na naninirahan sa maruruming lugar. Dahil sa inyong karumihan at katiwalian kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol ng mga salitang ito kaya ninyo nakikita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang pagiging matuwid kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo; dahil mismo sa nakikita Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan kaya Niya ibinubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang karumihan at katiwalian ng sangkatauhan ay nagbubunyag ng Kanyang kabanalan. Sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at busilak, ngunit namumuhay sa lupain ng karumihan. …

Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng gawaing ginawa sa Israel at ng gawain sa ngayon. Ginabayan ni Jehova ang buhay ng mga Israelita, at walang gaanong pagkastigo at paghatol, dahil sa panahong iyon, napakakaunti ng naunawaan ng mga tao tungkol sa mundo at mayroon silang kaunting tiwaling disposisyon. Noon, ganap na sinunod ng mga Israelita si Jehova. Nang sabihin Niya sa kanila na magtayo ng mga altar, agad silang nagtayo ng mga altar; nang sabihin Niya sa kanila na magsuot ng mga balabal ng mga saserdote, sumunod sila. Sa mga araw na iyon, si Jehova ay parang isang pastol na nag-aalaga sa isang kawan ng mga tupa, kung saan ang mga tupa ay sumusunod sa paggabay ng pastol at kumakain ng damo sa pastulan; ginabayan ni Jehova ang buhay nila, pinapatnubayan sila kung paano sila kumain, magbihis, manirahan, at maglakbay. Hindi iyon ang panahon ng pagbubunyag sa disposisyon ng Diyos, sapagkat ang sangkatauhan noong panahong iyon ay bagong silang; may iilan na mapaghimagsik at mapanlaban, walang gaanong karumihan sa sangkatauhan, kaya nga ang mga tao ay hindi makapagsilbing isang hambingan sa disposisyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga taong nanggagaling sa lupain ng karumihan na naipapakita ang kabanalan ng Diyos; ngayon, ginagamit Niya ang karumihang ibinubunyag ng mga taong ito sa lupain ng karumihan, at Siya ay humahatol, at sa gayon ay naibubunyag kung ano Siya sa gitna ng paghatol. Bakit Siya humahatol? Kaya Niyang sambitin ang mga salita ng paghatol dahil kinapopootan Niya ang kasalanan; paanong galit na galit Siya kung hindi Niya kinapopootan ang paghihimagsik ng sangkatauhan? Kung walang pagkapoot sa loob Niya, walang pagkasuklam, kung hindi Niya pinansin ang paghihimagsik ng mga tao, patutunayan niyon na kasingdumi Siya ng tao. Nahahatulan at nakakastigo Niya ang tao dahil kinapopootan Niya ang karumihan, at ang kinapopootan Niya ay wala sa Kanya. Kung mayroon ding pagkontra at paghihimagsik sa Kanya, hindi Niya kapopootan yaong mga mapanlaban at mapaghimagsik. Kung ang gawain ng mga huling araw ay isinasagawa sa Israel, hindi ito magkakaroon ng kabuluhan. Bakit ginagawa ang gawain ng mga huling araw sa Tsina, ang pinakamadilim at pinakaatrasadong lugar sa lahat? Iyon ay upang ibunyag ang Kanyang kabanalan at pagiging matuwid. Sa madaling salita, kapag mas madilim ang isang lugar, mas naibubunyag ang kabanalan ng Diyos. Sa katunayan, lahat ng ito ay alang-alang sa gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Ang mga Tsino ay hindi kailanman naniwala sa Diyos; hindi nila napaglingkuran si Jehova kailanman, at hindi napaglingkuran si Jesus kailanman. Yumuyukod lamang sila, nagsusunog ng insenso, nagsusunog ng papel na joss, at sumasamba kay Buddha. Sumasamba lamang sila sa mga diyos-diyosan—napakamapaghimagsik nilang lahat. Kaya, kapag mas mababa ang posisyon ng mga tao, mas ipinapakita nito na ang nakakamit ng Diyos mula sa inyo ay higit pang kaluwalhatian. Maaaring sabihin ng ilan, mula sa kanilang pananaw: “O Diyos, ano ang gawaing Iyong ginagawa? Isang napakarangal na Diyos, isang napakabanal na Diyos na katulad Mo ang nagpupunta sa isang maruming lupain? Napakaliit ba ng palagay Mo sa Iyong sarili? Napakarumi namin, ngunit handa Kang makasama kami? Handa Kang mamuhay sa piling namin? Napakababa ng aming posisyon, ngunit handa Kang gawin kaming ganap? At gagamitin Mo kaming mga huwaran at uliran?” Sinasabi Ko: Hindi mo nauunawaan ang Aking mga layunin. Hindi mo nauunawaan ang gawaing nais Kong gawin ni nauunawaan ang Aking disposisyon. Ang kabuluhan ng gawaing Aking gagawin ay hindi mo kayang matamo. Maaari bang umayon ang Aking gawain sa iyong mga kuru-kurong pantao? Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, kailangan Akong maisilang sa isang magandang bansa upang ipakita na nagmula Ako sa mataas na katayuan, upang ipakita na malaki ang Aking kahalagahan, upang ipakita ang Aking karangalan, kabanalan, at kadakilaan. Kung naisilang Ako sa isang lugar na nakikilala Ako, sa isang elitistang pamilya, at kung mataas ang Aking posisyon at katayuan, tatratuhin Ako nang napakaayos. Hindi iyan makakabuti sa Aking gawain, at ibubunyag pa rin kaya ang gayon kadakilang kaligtasan kung nangyari iyon? Lahat ng nakakakita sa Akin ay magpapasakop sa Akin, at hindi sila madurungisan ng dumi. Dapat naisilang Ako sa ganitong klaseng lugar. Iyan ang inyong pinaniniwalaan. Ngunit isipin ninyo ito: Pumarito ba ang Diyos sa lupa para masiyahan, o para gumawa? Kung gumawa Ako sa gayon kadali at komportableng lugar, matatamo Ko kaya ang Aking buong kaluwalhatian? Magagawa Ko kayang lupigin ang lahat ng nilikha? Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya kabilang sa mundo, at hindi Siya nagkatawang-tao para tamasahin ang mundo. Ipapanganak Siya kung saan man ibubunyag ng gawain Niya ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan, ito man ay banal o maruming lupain. Saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t ang mga ito ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayumpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ibunyag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis lang Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito alang-alang sa pagpapatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito na ang Diyos ang pinakamataas. Ang Kanyang kadakilaan at karangalan ay mismong naipapamalas sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay hindi nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng mga nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas ibinubunyag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid, kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit nabubuhay Siyang kasama ng mga taong puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba’t ginawa ang Kanyang buong gawain para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang lahat ng Kanyang gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi! Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Sa halip na iligtas ang mga dakilang tao o ang mga anak ng mayaman at makapangyarihang mga pamilya, nakatuon Siyang iligtas iyong mga hamak at minamaliit ng iba. Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang kabanalan? Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang katuwiran? Para manatiling buhay ang buong sangkatauhan, mas gusto pa Niyang maisilang sa isang maruming lupain at magdusa ng lahat ng kahihiyan. Ang Diyos ay tunay na tunay—wala Siyang ginagawang huwad na gawain. Hindi ba ginagawa ang bawat yugto ng Kanyang gawain sa napakapraktikal na paraan? Kahit sinisiraan Siya ng lahat ng tao at sinasabi na nauupo Siya sa hapag na kasama ang mga makasalanan, kahit iniinsulto Siya ng lahat ng tao at sinasabi na namumuhay Siya sa piling ng mga anak ng karumihan, na namumuhay Siya sa piling ng pinakahamak sa lahat ng tao, iniaalay pa rin Niya nang walang pag-iimbot ang Kanyang Sarili, gayumpaman, tinatanggihan pa rin Siya ng sangkatauhan. Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang tinitiis kaysa sa inyo? Hindi ba mas malaki ang gawaing Kanyang ginagawa kaysa sa halagang inyong naibayad? Kayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, subalit nakamit ninyo ang kabanalan ng Diyos. Isinilang kayo sa isang lupain kung saan nagtitipon ang mga demonyo, subalit labis kayong naprotektahan. Ano pa ang pagpipilian ninyo? Ano ang inirereklamo ninyo? Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang natiis kaysa sa pagdurusang natiis ninyo? Naparito Siya sa lupa at hindi nagtamasa kailanman ng mga kasiyahan ng mundo ng tao. Kinasusuklaman Niya ang gayong mga bagay. Hindi pumarito ang Diyos sa lupa upang magtamasa ng mga materyal na bagay na bigay ng tao, ni upang masiyahan sa pagkain, damit, at mga palamuti ng tao. Hindi Niya pinapansin ang mga bagay na ito. Naparito Siya sa lupa upang magdusa para sa tao, hindi para magtamasa ng makamundong kayamanan. Naparito Siya upang magdusa, gumawa, at tapusin ang Kanyang plano ng pamamahala. Hindi Siya pumili ng isang magandang lugar, tumira sa isang embahada o isang magarang hotel, at wala rin Siyang mga katulong na magsisilbi sa Kanya. Batay sa inyong nakita, hindi ba ninyo alam kung naparito Siya upang gumawa o masiyahan? Hindi ba nakikita ng inyong mga mata? Gaano ba ang naibigay Niya sa inyo? Kung Siya ay naisilang sa isang komportableng lugar, magagawa kaya Niyang magtamo ng kaluwalhatian? Makakagawa ba Siya? Magkakaroon kaya ng anumang kabuluhan ang paggawa Niya niyon? Malulupig kaya Niya nang lubusan ang sangkatauhan? Maililigtas kaya Niya ang mga tao mula sa lupain ng karumihan? Itinatanong ng mga tao, ayon sa kanilang mga kuru-kuro: “Yamang ang Diyos ay banal, bakit Siya isinilang dito sa aming maruming lugar? Namumuhi at nasusuklam Ka sa amin na maruruming tao; nasusuklam Ka sa aming paglaban at aming paghihimagsik, kaya bakit Ka namumuhay sa piling namin? Ikaw ay isang kataas-taasang Diyos. Maaari Kang isilang kahit saan, kaya bakit Mo kinailangang maisilang sa maruming lupaing ito? Kinakastigo at hinahatulan Mo kami araw-araw, at alam na alam Mo na kami ay mga inapo ni Moab, kaya bakit namumuhay Ka pa rin sa piling namin? Bakit Ka isinilang sa isang pamilya ng mga inapo ni Moab? Bakit Mo ginawa iyon?” Ang mga iniisip ninyong ito ay lubos na wala sa katwiran! Ang gayong gawain lamang ang nagtutulot sa mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang kapakumbabaan at pagiging tago. Handa Siyang isakripisyo ang lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at napagtiisan Niya ang lahat ng pagdurusa para sa Kanyang gawain. Kumikilos Siya para sa kapakanan ng sangkatauhan, at higit pa riyan, para lupigin si Satanas, upang lahat ng nilikha ay magpasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ito lamang ang makahulugan at mahalagang gawain. Kung naisilang ang mga inapo ni Jacob sa Tsina, sa piraso ng lupaing ito, at sila ay kayong lahat, ano ang magiging kabuluhan ng gawaing ginagawa sa inyo? Ano ang sasabihin ni Satanas? Sasabihin ni Satanas: “Dati ay takot na sila sa Iyo, sa simula pa lamang ay nagpasakop na sila sa Iyo, at hindi Ka nila ipinagkanulo kailanman. Hindi sila ang pinakamadilim, pinakaaba, o pinakaatrasado sa sangkatauhan.” Kung ginawa nga ang gawain sa ganitong paraan, sino ang makukumbinsi nito? Sa buong sansinukob, ang mga Tsino ang pinakaatrasadong mga tao. Isinilang silang hamak, at may mababang karakter; mapurol ang kanilang isipan at manhid sila, at bastos at bulok. Lubog sila sa mga satanikong disposisyon, marurumi at mahahalay. Taglay ninyo ang lahat ng satanikong disposisyong ito. Kapag natapos na ang gawaing ito, iwawaksi ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ito at magagawa nilang lubos na magpasakop at magagawa silang ganap. Ang gayong mga bunga lamang ng gawain ang patotoo sa gitna ng mga nilikha!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Ganap na itinuon ng Diyos ang gawain Niya sa sansinukob sa grupong ito ng mga tao. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang Kanyang hinirang, patungo sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: “Sapagkat ang magaan na pagdurusa na panandalian lamang ay naghahatid sa atin ng lalong dakila at walang hanggang kaluwalhatian.” Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan ng mga ito. Ngayon, lubos ninyong namamalayan ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na inusig ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay nang nakapulupot. Inuusig ng malaking pulang dragon ang Diyos at ito ang kaaway ng Diyos, kaya nga, ang mga tao sa lupaing ito ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-uusig dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, bilang resulta. Dahil isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, ang lahat ng gawain Niya ay nahaharap sa malalaking balakid, at marami sa Kanyang mga salita ang hindi maisasakatuparan agad-agad; kaya, ang mga tao ay pinipino bilang resulta ng mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon, ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, nang sa gayon ay maibunyag Niya ang Kanyang karunungan at mga kamangha-manghang gawa, at ginagamit ng Diyos ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao sa maruming lupaing ito na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, nang sa gayon, mula rito, magkakamit Siya ng kaluwalhatian at yaong mga nagpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganoon ang buong kabuluhan ng lahat ng halagang ibinayad ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa pamamagitan ng mga kumokontra sa Kanya, at sa gayon lamang maibubunyag ang malaking kapangyarihan ng Diyos. Sa madaling salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang makapagpapatingkad sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sa maruming lupain, at sa mga yaon na naninirahan doon, nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian—iyon ang layunin ng Diyos. Katulad lang ito ng yugto ng gawain ni Jesus: Maaari lamang Siyang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga Pariseo na umusig sa Kanya; kung hindi sa pag-uusig ng mga Pariseo at sa pagkakanulo ni Hudas, hindi sana napagtawanan o nasiraang-puri si Jesus, lalong hindi sana Siya ipinako sa krus, at hindi sana Siya nagkamit ng kaluwalhatian. Kung saan gumagawa ang Diyos sa bawat kapanahunan, at kung saan Siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, doon Siya nagkakamit ng kaluwalhatian at doon Niya nakakamit yaong mga nais Niyang makamtan. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.

Sa plano ng Diyos ng ilang libong taon, dalawang bahagi ng gawain ang ginagawa sa katawang-tao: Ang una ay ang gawain ng pagpapapako sa krus, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian; ang isa pa ay ang gawain ng panlulupig at pagpeperpekto sa mga huling araw, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian. Ito ang pamamahala ng Diyos. Kaya huwag ninyong ituring na simpleng bagay ang gawain ng Diyos, o ang atas ng Diyos sa inyo. Lahat kayo ay mga tagapagmana sa sobra-sobra at walang-hanggang bigat ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito ay espesyal na itinalaga ng Diyos. Sa dalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, ang isa ay nagawang maipamalas sa inyo; ang kabuuan ng isang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos ay ipinagkaloob na sa inyo, upang siyang maging inyong pamana. Ito ang pagtataas sa inyo ng Diyos, at ito rin ang plano na matagal na Niyang paunang natukoy. Dahil sa kadakilaan ng gawaing nagawa ng Diyos sa lupain kung saan nananahan ang malaking pulang dragon, kung nalipat ang gawaing ito sa ibang lugar, matagal na sana itong nagkaroon ng maraming bunga at madaling natanggap ng tao. Bukod pa rito, naging napakadali sanang tanggapin ang gawaing ito para sa mga pastor ng Kanluran na nananampalataya sa Diyos, sapagkat ang yugto ng gawain ni Jesus ay nagsisilbing isang halimbawa. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagagawang makamit ng Diyos ang yugtong ito ng gawain ng pagkakamit ng luwalhati sa ibang lugar; kapag sinusuportahan ng mga tao at kinikilala ng estado ang gawain, hindi maipapahayag ang kaluwalhatian ng Diyos. Ito mismo ang pambihirang kabuluhang taglay ng yugtong ito ng gawain sa lupaing ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Ngayon, may mga hindi pa rin nakakaunawa kung anong bagong gawain ang nasimulan ng Diyos. Sa mga bayan ng Hentil, nagpasimula na ang Diyos ng isang bagong panimula. Nagpasimula Siya ng isang bagong kapanahunan, at nagpasimula ng bagong gawain—at ginagampanan Niya ang gawaing ito sa mga inapo ni Moab. Hindi ba ito ang Kanyang pinakabagong gawain? Wala pang sinuman sa buong kasaysayan ang nakaranas ng gawaing ito kailanman. Ni wala pang nakarinig dito, lalo nang walang nakaunawa rito. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, pagiging di-maarok, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos ay pawang naibubunyag sa yugtong ito ng gawain, ang gawain sa mga huling araw. Hindi ba ito bagong gawain, gawaing sumisira sa mga kuru-kuro ng tao? May mga nag-iisip ng ganito: “Yamang isinumpa ng Diyos si Moab at sinabi na aabandonahin Niya ang mga inapo ni Moab, paano Niya sila maaaring iligtas ngayon?” Sila iyong mga Hentil na isinumpa ng Diyos at pinaalis sa Israel; tinawag sila ng mga Israelita na “mga asong Hentil.” Sa paningin ng lahat, hindi lamang sila mga asong Hentil, kundi mas masahol pa, mga anak ng pagkawasak; na ibig sabihin, hindi sila mga taong hinirang ng Diyos. Maaaring naisilang sila sa loob ng mga hangganan ng Israel, ngunit hindi sila kabilang sa mga tao ng Israel, at pinatalsik sila sa mga bayan ng Hentil. Sila ang pinakaaba sa lahat ng tao. Ito ay dahil mismo sa sila ang pinakaaba sa sangkatauhan kaya isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paglulunsad ng isang panibagong kapanahunan sa kanila, sapagkat kinakatawan nila ang tiwaling sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos ay namimili at may pinagtutuunan; ang gawaing Kanyang ginagawa sa mga taong ito ngayon ay gawain ding isinasagawa sa lahat ng nilikha. Si Noe ay isang nilikha, gayundin ang kanyang mga inapo. Sinuman sa mundo na may laman at dugo ay mga nilikha. Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa lahat ng nilikha; hindi ito nakasalalay sa kung isinumpa ang tao matapos silang likhain. Ang Kanyang gawain ng pamamahala ay nakatuon sa lahat ng nilikha, hindi roon sa mga taong hinirang na hindi isinumpa. Dahil nais ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lahat ng Kanyang nilikha, tiyak na isasakatuparan Niya ito hanggang sa matagumpay na matapos, at gagawa Siya sa mga taong kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain. Samakatwid, binabali Niya ang lahat ng regulasyon kapag gumagawa Siya sa mga tao; para sa Kanya, ang mga salitang “isinumpa,” “kinastigo” at “pinagpala” ay walang kahulugan! Ang mga Hudyo ay mabuti, gayundin ang mga taong hinirang sa Israel; sila ay mga taong may mahusay na kakayahan at pagkatao. Sa simula, sa kanila inilunsad ni Jehova ang Kanyang gawain, at isinagawa ang Kanyang pinakaunang gawain—ngunit mawawalan ng kahulugan ang pagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kanila ngayon. Maaari din silang maging bahagi ng mga nilikha, at maaaring maraming positibo tungkol sa kanila, ngunit mawawalan ng silbi ang pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain sa kanila; hindi malulupig ng Diyos ang mga tao, ni hindi Niya makukumbinsi ang lahat ng nilikha, na siya mismong kabuluhan ng paglilipat ng Kanyang gawain sa mga taong ito sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang may pinakamalaking kabuluhan dito ay ang Kanyang paglulunsad ng isang kapanahunan, ang Kanyang pagbali sa lahat ng regulasyon at lahat ng kuru-kuro ng tao at ang Kanyang pagtatapos ng gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinakatuparan ang Kanyang kasalukuyang gawain sa mga Israelita, kapag natapos na ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, maniniwala ang lahat na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, na ang mga Israelita lamang ang karapat-dapat na magmana ng pagpapala at pangako ng Diyos. Isinasakatuparan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw sa bansang Hentil ng malaking pulang dragon ang Kanyang gawain ng pagiging ang Diyos ng lahat ng nilikha; tinatapos Niya ang kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala, at winawakasan Niya ang pinakamahalagang bahagi ng Kanyang gawain sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang diwa ng tatlong yugto ng gawain ay ang pagliligtas sa tao—iyon ay, pasambahin sa Lumikha ang lahat ng nilikha. Sa gayon, may malaking kahulugan ang bawat yugto ng gawain; walang anumang ginagawa ang Diyos na walang kahulugan o halaga. Sa isang banda, pinasisimulan ng yugtong ito ng gawain ang isang bagong kapanahunan at winawakasan ang naunang dalawang kapanahunan; sa kabilang banda, sinisira nito ang lahat ng kuru-kuro ng tao at lahat ng lumang paraan ng paniniwala at kaalaman ng tao. Ang gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan ayon sa iba’t ibang mga kuru-kuro ng tao; gayunman, ganap na inaalis ng yugtong ito ang mga kuru-kuro ng tao, sa gayon ay lubos na nalulupig ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paglupig sa mga inapo ni Moab, sa pamamagitan ng gawaing isinakatuparan sa mga inapo ni Moab, lulupigin ng Diyos ang mga tao sa buong sansinukob. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, at ito ang pinakamahalagang aspekto ng yugtong ito ng Kanyang gawain. Kahit alam mo na ngayon na aba ang iyong sariling katayuan at na mababa ang iyong halaga, madarama mo pa rin na natagpuan mo na ang pinakamasayang bagay: Nagmana ka na ng isang malaking pagpapala, tumanggap ka na ng isang dakilang pangako, at makakatulong kang isakatuparan ang dakilang gawaing ito ng Diyos. Namasdan mo na ang tunay na mukha ng Diyos, alam mo ang likas na disposisyon ng Diyos, at sinusunod mo ang kalooban ng Diyos. Ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos ay isinakatuparan sa Israel. Kung isinakatuparan din ang yugtong ito ng Kanyang gawain sa mga huling araw sa mga Israelita, hindi lamang maniniwala ang lahat ng nilikha na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, kundi mabibigo rin ang buong plano ng pamamahala ng Diyos na makamit ang nais nitong epekto. Sa panahon kung kailan isinakatuparan ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, walang bagong gawain—ni walang anumang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ang isinakatuparan sa mga bayan ng Hentil. Ang yugto ng gawain sa ngayon—ang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ay unang isinasakatuparan sa mga bayan ng Hentil, at, dagdag pa rito, pauna itong isinakatuparan sa mga inapo ni Moab, sa gayon ay inilulunsad nito ang buong kapanahunan. Sinisira ng Diyos ang anumang kaalamang nakapaloob sa mga kuru-kuro ng tao, na hindi tinutulutang manatili ang anuman dito. Sa Kanyang gawain ng panlulupig, sinira na Niya ang mga kuru-kuro ng tao, iyong mga luma at sinaunang paraan ng kaalaman ng tao. Hinahayaan Niya na makita ng mga tao na walang mga regulasyon sa Diyos, na walang anumang luma tungkol sa Diyos, na ang gawaing Kanyang ginagawa ay lubos na napalaya, lubos na malaya, at na tama Siya sa lahat ng Kanyang ginagawa. Kailangan mong lubos na magpasakop sa anumang gawaing Kanyang ginagawa sa mga nilikha. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay may kahulugan, at isinasakatuparan ayon sa Kanyang sariling mga layunin at karunungan, at hindi ayon sa mga pagpili at kuru-kuro ng tao. Kung may anumang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, ginagawa Niya iyon; at kung may hindi kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, hindi Niya iyon ginagawa, gaano man iyon kaganda! Gumagawa Siya at pumipili ng mga tatanggap at lugar ng Kanyang gawain alinsunod sa kahulugan at layunin ng Kanyang gawain. Hindi Siya kumakapit sa mga dating regulasyon, ni hindi Siya sumusunod sa mga lumang pormula. Sa halip, ipinaplano Niya ang Kanyang gawain ayon sa kabuluhan ng gawain. Sa huli, matatamo Niya ang isang tunay na epekto at ang inaasam na layon nito. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito ngayon, mawawalan ng epekto ang gawaing ito sa iyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Ang isang yugto ng gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan sa Israel, at ang isa ay isinakatuparan sa Judea. Sa pangkalahatan, alinman sa mga yugto ng gawaing ito ay hindi iniwan ang Israel, at bawat isa ay isinagawa sa unang mga taong hinirang. Dahil dito, naniniwala ang mga Israelita na ang Diyos na si Jehova ay Diyos lamang ng mga Israelita. Dahil gumawa si Jesus sa Judea, kung saan tinapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang tingin sa Kanya ng mga Hudyo ay Manunubos ng mga Hudyo. Akala nila ay Hari lamang Siya ng mga Hudyo, hindi ng sinumang iba pang mga tao; na hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Ingles, ni hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Amerikano, kundi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Israelita; at ang mga Hudyo ang tinubos Niya sa Israel. Sa totoo lang, ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha. Hindi lamang Siya Diyos ng mga Israelita, ni ng mga Hudyo; Diyos Siya ng lahat ng nilikha. Ang naunang dalawang yugto ng Kanyang gawain ay naganap sa Israel, na nakalikha ng ilang kuru-kuro sa mga tao. Naniniwala sila na ginawa ni Jehova ang Kanyang gawain sa Israel, na si Jesus Mismo ang nagsakatuparan ng Kanyang gawain sa Judea, at, bukod pa rito, na Siya ay naging tao upang gumawa—at ano’t anuman, ang gawaing ito ay hindi na lumagpas pa sa Israel. Hindi gumawa ang Diyos sa mga taga-Ehipto o sa mga Indiano; gumawa lamang Siya sa mga Israelita. Sa gayon ay nakabuo ng iba’t ibang kuru-kuro ang mga tao, at nilimitahan ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na saklaw. Sinasabi nila na kapag gumagawa ang Diyos, kailangan Niyang gawin iyon sa mga taong hinirang, at sa Israel; maliban sa mga Israelita, hindi na gumagawa ang Diyos sa iba, ni wala nang anumang mas malawak na saklaw ang Kanyang gawain. Napakahigpit nila pagdating sa pagpapasunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi nila Siya pinapayagang kumilos nang lampas sa mga hangganan ng Israel. Hindi ba mga kuru-kuro lamang ng tao ang lahat ng ito? Ginawa ng Diyos ang buong kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ginawa Niya ang lahat ng nilikha, kaya paano Niya lilimitahan ang Kanyang gawain sa Israel lamang? Kung magkagayon, ano ang silbi ng paglalang Niya sa lahat ng nilikha? Nilikha Niya ang buong mundo, at naisakatuparan Niya ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala hindi lamang sa Israel, kundi sa bawat tao sa sansinukob. Nakatira man sila sa Tsina, sa Estados Unidos, sa United Kingdom o sa Russia, bawat tao ay inapo ni Adan; lahat sila ay nilalang ng Diyos. Walang isa man sa kanila ang makakatakas sa mga hangganan ng mga nilikha, at wala ni isa sa kanila ang makakahiwalay sa bansag na “inapo ni Adan.” Lahat sila ay nilikha, at lahat sila ay supling ni Adan, at lahat sila ay mga tiwaling inapo rin nina Adan at Eba. Hindi lamang ang mga Israelita ang mga nilikha, kundi lahat ng tao; kaya lamang ay isinumpa na ang ilan, at napagpala ang ilan. Maraming kanais-nais na bagay tungkol sa mga Israelita; gumawa ang Diyos sa kanila sa simula dahil sila ang mga taong pinaka-hindi gaanong tiwali. Hindi maikukumpara ang mga Tsino sa kanila; hamak na mas mababa sila. Kaya, gumawa ang Diyos sa mga tao ng Israel sa simula, at ang pangalawang yugto ng Kanyang gawain ay isinakatuparan lamang sa Judea—na humantong na sa pagkabuo ng maraming kuru-kuro at regulasyon sa mga tao. Sa katunayan, kung kikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at sa gayon ay hindi Niya makakayang ipalaganap ang Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil, sapagkat magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at hindi Diyos ng lahat ng nilikha. Isinaad sa mga propesiya na ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bayan ng Hentil, na lalaganap ito sa mga bayan ng Hentil. Bakit ito ipinropesiya? Kung ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, sa Israel lamang Siya gagawa. Bukod pa riyan, hindi Niya palalaganapin ang gawaing ito, at hindi Siya gagawa ng ganitong propesiya. Dahil ginawa nga Niya ang propesiyang ito, siguradong ipapalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil, sa loob ng bawat bansa at lahat ng lupain. Dahil sinabi Niya ito, kailangan Niyang gawin ito; ito ang Kanyang plano, sapagkat Siya ang Panginoon na lumikha sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Gumagawa man Siya sa mga Israelita, o sa buong Judea, ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng buong sansinukob, at ang gawain ng buong sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon sa bansa ng malaking pulang dragon—sa isang bayan ng Hentil—ay gawain pa rin ng buong sangkatauhan. Maaaring ang Israel ang himpilan ng Kanyang gawain sa lupa; gayundin, maaaring ang Tsina ay himpilan din ng Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil. Hindi ba natupad na Niya ngayon ang propesiya na “ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bayan ng Hentil”? Ang unang hakbang ng Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil ay ang gawaing ito, ang gawaing Kanyang ginagawa sa bansa ng malaking pulang dragon. Salungat talaga sa mga kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupaing ito, at ang paggawa sa mga isinumpang taong ito; sila ang mga taong pinakaaba sa lahat, wala silang halaga, at sa simula ay inabandona sila ni Jehova. Maaaring talikuran ng mga tao ang ibang tao, ngunit kung inabandona sila ng Diyos, wala nang higit na walang katayuan, wala nang higit na mababa ang halaga. Para sa isang nilikha, ang maangkin ni Satanas o matalikuran ng mga tao ay isang bagay na napakasakit—ngunit ang isang nilikha na inabandona ng Lumikha ay nangangahulugan na wala nang mas mababa pa sa kanilang katayuan. Ang mga inapo ni Moab ay isinumpa, at isinilang sila sa paurong na bansang ito; walang duda, sa lahat ng taong nasa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, ang mga inapo ni Moab ang may pinakamababang katayuan. Dahil ang mga taong ito ay may pinakamababang katayuan noon pa man, ang gawaing ginagawa sa kanila ang pinaka-epektibong sumira sa mga kuru-kuro ng tao, at pinakakapaki-pakinabang din sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ang paggawa ng gayong gawain sa mga taong ito ang pinakamainam na paraan ng pagsira sa mga kuru-kuro ng tao, at sa pamamagitan nito ay inilunsad ng Diyos ang isang kapanahunan; sa pamamagitan nito ay sinisira Niya ang lahat ng kuru-kuro ng tao; sa pamamagitan nito ay tinatapos Niya ang gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang unang gawain ay isinakatuparan sa Judea, sa loob ng mga hangganan ng Israel; sa mga bayan ng Hentil, wala Siyang ginawang anumang gawain para maglunsad ng bagong kapanahunan. Ang huling yugto ng gawain ay hindi lamang isinasakatuparan sa mga Hentil, kundi lalo na sa mga taong isinumpa. Ang isang puntong ito ang katibayan na may pinakamalaking kakayahang pahiyain si Satanas, at sa gayon, ang Diyos ay “nagiging” Diyos ng lahat ng nilikha sa sansinukob, ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang pakay ng pagsamba para sa lahat ng bagay na may buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Pagpapakita at Paggawa ng Diyos sa Tsina ay Napakamakabuluhan

Kaugnay na mga Himno

Ang Kahulugan ng Gawain ng Panlulupig ng Diyos sa Tsina sa mga Huling Araw

Gumawa ang Diyos ng Isang Grupo ng mga Mananagumpay sa Tsina

Sinundan: f. Paano malalaman na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay

Sumunod: a. Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito