f. Paano malalaman na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).

“Ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay” (Juan 6:63).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat pareho kang isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging mayroon sila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang mga bagay-bagay, at hindi naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kung gayon, hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Hindi mapipigilan at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa luma at naghihintay na dumating na lang sa iyo ang mga bagay. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano nito maipapakita na ang Diyos na kinakapitan mo ay ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salita lamang na makapagbibigay ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo; ang mga ito ay hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, ang mga ito ay lalong hindi ang landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba’t binibigyan ka nito ng kabatiran sa mga misteryong nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Hinihikayat kita, kung gayon, na tumigil na sa pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang magkamit ng katotohanan ay tiyak na hindi magkakamit ng buhay. Kung wala ang patnubay, pagsuporta, at pagtustos ng katotohanan, ang tanging makakamit mo ay mga salita lamang, mga doktrina, at, higit pa rito, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at bukod sa mga imahinasyon at mga kuru-kuro, ang iyong buong pagkatao ay maglalaman ng walang iba kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi maituturing na buhay ang mga bastang salita ng mga aklat, hindi maaaring idambana bilang ang katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at ang mga regulasyon sa nakaraan ay hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga kasalukuyang salita ng Diyos, at tanging ang mga salitang ipinahayag ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ang siyang katotohanan, buhay, mga layunin ng Diyos, at Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at nagliligtas ng tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang lahat ng tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ng mga salita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain, at makamtan ang mga resulta ng Kanyang gawain. Hindi Siya gumagawa ng mga kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala, kundi ginagawa lamang ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga salita. Dahil sa mga salitang ito, napapalusog at natutustusan ang lahat ng tao, at nagkakamit ng kaalaman at tunay na karanasan. Sa Kapanahunan ng Salita, ang tao ay lubhang napagpala. Hindi siya nagdaranas ng pisikal na sakit at nagtatamasa lamang ng saganang panustos ng mga salita ng Diyos; nang hindi na kinakailangang pikit-matang maghanap o maglakbay, sa gitna ng kanyang kaginhawaan, nakikita niya ang pagpapakita ng Diyos, naririnig niya Siyang mangusap sa sarili Niyang bibig, tinatanggap niya yaong Kanyang ibinibigay, at personal Siyang tinitingnan sa paggawa ng Kanyang gawain. Ito ang mga bagay na hindi natamasa ng mga tao noong nakaraang mga kapanahunan, at ito ay mga pagpapalang hindi nila kailanman natanggap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Hindi pinatutunayan ng pag-iisip at pananabik sa Diyos na nilupig ka na ng Diyos; nakasalalay iyon sa kung naniniwala ka na Siya ang Salita na nagkatawang-tao, kung naniniwala ka na ang Salita ay nagkatawang-tao, at kung naniniwala ka na ang Espiritu ay naging Salita, at ang Salita ay nagpakita sa katawang-tao. Ito ang pinakamahalagang patotoo. Hindi mahalaga kung paano ka sumusunod, ni kung paano mo ginugugol ang iyong sarili; ang pinakamahalaga ay kung nagagawa mong matuklasan mula sa normal na pagkataong ito na ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay nagkatotoo sa katawang-tao—na lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, ay naparito na sa katawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay naparito na sa katawang-tao. Bagama’t, sa tingin, mukhang naiiba ito mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito nagagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, bukod pa rito, ang Salita ay nagkatawang-tao na at ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao. Nagagawa mong maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: “Nang pasimula Siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan na ang Salita sa ngayon ay ang Diyos, at masdan na ang Salita ay naging tao. Ito ang pinakamagandang patotoong maibibigay mo. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos na naging tao—hindi mo lamang nagagawang makilala Siya, kundi nababatid mo rin na ang landas na iyong tinatahak sa ngayon ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Salita ay sumasa Diyos”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking katunayan na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa kahulugan sa loob ng “ang Salita ay naging tao,” nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula Siya ang Salita.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, ibinubunyag Niya nang mas lalong malinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang Salita—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung ano ang pagkaunawa mo sa katawang-tao at sa Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibigay, iyong kailangang malaman ng lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (4)

Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman; Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan; ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda batay sa kung kinikilala at tinatanggap ba ng sangkatauhan ang mga ito, kundi batay sa diwa ng mismong mga salita; at kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik laban, nagpapabulaan, o lubos na nanghahamak sa Aking mga salita, ang Aking saloobin ay ito lamang: Hayaan ang panahon at mga katunayan ang maging saksi Ko at magpatunay na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang patunayan ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at na ito ang dapat na taglayin ng tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layon sa Aking mga salita, at ang mga hindi makatanggap sa biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ng Aking mga salita, ay ang mga kinokondena ng Aking mga salita; higit pa rito, ang mga ito ang nawalan ng biyaya ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman hihiwalay ang Aking tungkod sa kanila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng katotohanan ng Diyos, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagama’t hindi mo makita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagiging puno ng poot ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang tao na kumilala, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao ngayon ay isang Diyos na katulad ng tao, isang Diyos na mayroong ilong at dalawang mata, at isang labis na hindi kapansin-pansing Diyos, sa huli, ipakikita sa inyo ng Diyos na kung hindi umiral ang taong ito, sasailalim ang langit at ang lupa sa napakatinding pagbabago; kung hindi umiral ang taong ito, magdidilim ang kalangitan, masasadlak sa kaguluhan ang lupa, at mamumuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung hindi pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw upang iligtas kayo, matagal na sanang winasak ng Diyos ang buong sangkatauhan sa impiyerno; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging mga pangunahing makasalanan kayo magpakailanman, at magiging mga bangkay kayo habang panahon. Dapat ninyong malaman na kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging imposible para sa sangkatauhan na matakasan ang isang malaking kalamidad, at magiging imposible para dito na makatakas sa mas matinding kaparusahang ipapataw ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, lahat sana kayo ay nasa kalagayan kung saan nagsusumamo kayo para sa buhay nang walang kakayahang mamuhay at magmakaawa para sa kamatayan nang hindi namamatay; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, hindi ninyo makakamit ang katotohanan at makakapunta sa harap ng trono ng Diyos ngayon, kundi sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa mabibigat ninyong kasalanan. Alam ba ninyong kung hindi dahil sa pagbabalik sa katawang-tao ng Diyos, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; at kung hindi dahil sa pagparito ng katawang-taong ito, matagal na sanang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan? Dahil dito, tatanggihan pa rin ba ninyo ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang napakalalaking pakinabang ang matatamo ninyo sa karaniwang taong ito, bakit hindi ninyo Siya malugod na tatanggapin?

… Ang katunayang nakarating kayo sa kasalukuyan ay dahil sa katawang-taong ito. Dahil nabubuhay ang Diyos sa katawang-tao kaya kayo may pagkakataong mabuhay. Nakamit ang lahat ng pagpapalang ito dahil sa ordinaryong taong ito. Hindi lamang ito, ngunit sa huli, sasamba ang di-mabilang na mga bayan sa ordinaryong taong ito, magbibigay din ng pasasalamat at magpapasakop sa hamak na taong ito, dahil ang katotohanan, ang buhay, at ang daan na dala Niya ang nagligtas sa buong sangkatauhan, nagpahupa sa hidwaan sa pagitan ng tao at Diyos, nagpaikli sa agwat sa pagitan nila, at nagbukas ng ugnayan sa pagitan ng mga saloobin ng Diyos at tao. Siya rin ang nakakuha ng higit pang kaluwalhatian para sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat sa tiwala at pagsamba mo ang ordinaryong taong gaya nito? Hindi ba nararapat na tawaging Cristo ang ganitong ordinaryong katawang-tao? Maaari bang ang ganitong ordinaryong tao ay hindi maging pagpapahayag ng Diyos sa gitna ng mga tao? Hindi ba karapat-dapat ang ganitong tao, na nagligtas sa sangkatauhan mula sa sakuna, sa pagmamahal at pagnanais ninyong kumapit sa Kanya? Kung tinatanggihan ninyo ang mga katotohanang ipinahayag mula sa Kanyang bibig at kinamumuhian ang Kanyang pag-iral kasama ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa huli?

Ginagawa sa pamamagitan ng ordinaryong taong ito ang lahat ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ipagkakaloob Niya ang lahat ng bagay sa iyo, at higit pa rito, nagagawa Niyang pagpasyahan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa iyo. Maaari bang ang ganitong tao ay tulad ng pinaniniwalaan ninyong Siya: isang taong napakapayak na hindi karapat-dapat banggitin? Hindi ba sapat ang katotohanan Niya upang lubos kayong makumbinsi? Hindi ba kayo magawang kumbinsihin ng pagkakita sa Kanyang mga gawa gamit ang sarili ninyong mga mata? O hindi ba karapat-dapat na tahakin ninyo ang landas kung saan inaakay Niya ang mga tao? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang nagdudulot sa inyo na makaramdam ng pagkasuklam sa Kanya at itakwil Siya at iwasan Siya? Ang taong ito ang nagpapahayag ng katotohanan, ang taong ito ang nagbibigay ng katotohanan, at ang taong ito ang nagbibigay sa inyo ng landas na susundan. Maaari kayang hindi pa rin ninyo nahahanap ang mga bakas ng gawain ng Diyos sa loob ng mga katotohanang ito? Kung wala ang gawain ni Jesus, hindi makabababa ang sangkatauhan mula sa krus, ngunit kung wala ang nagkatawang-taong Diyos ng kasalukuyan, hindi kailanman makakamit ng mga bumaba mula sa krus ang pagsang-ayon ng Diyos o makapapasok sa bagong kapanahunan. Kung wala ang pagparito ng ordinaryong taong ito, hindi kayo kailanman magkakaroon ng pagkakataon na makita ang tunay na mukha ng Diyos, ni hindi kayo magiging kalipikado, dahil lahat kayo ay mga pakay na matagal nang dapat winasak.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng Tao

Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinisiyasat Niya ang buong daigdig, at pinaghaharian ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita, gawa, at kilos ng tao. Pinatutupad Niya ang Kanyang pamamahala nang may plano at mga hakbang, nang tahimik at hindi nakapagpapayanig sa langit at lupa, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang luklukan ng paghatol ay itinatag sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating kalagitnaan. Napakamaharlika ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa kalagitnaan natin na maraming tao. Siya ang karunungan, Siya ang pagiging matuwid at pagiging maharlika, at tahimik Siyang bumababa sa gitna natin, na taglay ang awtoridad at puno ng mapagmahal na kabaitan at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at, higit pa rito, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang buhay ng tao ay nagpapatuloy tulad ng dati, hindi nagbabago ang kanyang puso, at lumilipas ang mga araw tulad ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa piling natin, tulad ng isang ordinaryong tao, bilang isa sa pinakahindi kapansin-pansin na mga tagasunod at isang ordinaryong mananampalataya. Mayroon Siyang sarili Niyang mga paghahangad, sarili Niyang mga layon, at, higit pa rito, mayroon Siyang pagka-Diyos na hindi taglay ng ordinaryong mga tao. Walang sinumang nakapansin sa pag-iral ng Kanyang pagka-Diyos, at hindi nahiwatigan ng sinuman ang pagkakaiba sa pagitan ng Kanyang diwa at ng diwa ng tao. Namumuhay tayo na kasama Siya, malaya at walang takot, sapagkat sa ating paningin Siya ay isa lamang hindi kapansin-pansin na mananampalataya. Minamasdan Niya ang bawat kilos natin, at lahat ng ating mga iniisip at ideya ay nakalantad sa Kanyang harapan. Walang sinumang may interes sa Kanyang pag-iral, walang sinumang nakakaisip ng anuman tungkol sa papel na Kanyang ginagampanan, at, higit pa rito, walang sinumang may kahit katiting na hinala tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan. Ipinagpapatuloy lamang natin ang ating mga paghahangad, na para bang wala Siyang kinalaman sa atin …

Nagkataon, nagpapahayag ng sipi ng mga salita ang Banal na Espiritu “sa pamamagitan” Niya, at kahit parang hindi ito inaasahan, magkagayunman ay kinikilala natin ito bilang isang pagbigkas na nagmumula sa Diyos at malugod itong tinatanggap mula sa Diyos. Iyon ay dahil, sinuman ang nagpapahayag ng mga salitang ito, basta’t nagmumula ito sa Banal na Espiritu, dapat nating tanggapin ang mga ito at hindi natin maaaring tanggihan ang mga ito. Ang susunod na pagbigkas ay maaaring dumating sa pamamagitan ko, o sa pamamagitan mo, o sa pamamagitan ng ibang tao. Sinuman iyon, lahat ay biyaya ng Diyos. Subalit sinuman iyon, hindi natin maaaring sambahin ang taong ito, sapagkat anuman ang mangyari, hindi posibleng ang Diyos ang taong ito, ni hindi tayo mamimili sa anumang paraan ng isang ordinaryong taong kagaya nito na maging ating Diyos. Ang ating Diyos ay lubhang dakila at kagalang-galang; paano Siya maaaring palitan ng isang labis na hindi kapansin-pansin na tao? Bukod pa riyan, naghihintay tayong dumating ang Diyos at dalhin tayo pabalik sa kaharian ng langit, kaya paano makakaya ng isang labis na hindi kapansin-pansin na tao ang gayon kahalaga at kahirap na gawain? Kung muling pumarito ang Panginoon, kailangan ay sakay Siya ng puting ulap, para makita Siya ng di-mabilang na mga tao. Napakaluwalhati niyon! Paano Siya posibleng palihim na makakapagtago sa isang grupo ng ordinaryong mga tao?

Subalit ang ordinaryong taong ito, na nakatago sa gitna ng mga tao, ang gumagawa ng bagong gawain upang iligtas tayo. Hindi Siya nagbibigay sa atin ng anumang mga paliwanag, ni hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya naparito, kundi ginagawa lamang Niya ang gawaing layon Niyang gawin nang ayon sa Kanyang plano at proseso. Ang Kanyang mga salita at pagbigkas ay lalo pang nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, panghihikayat, pagpapaalala, at pagbabala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang mahigpit at maharlika—lahat ng ito ay nagpaparamdam sa tao ng labis na awa at pagkatakot. Lahat ng Kanyang sinasabi ay tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan; ang Kanyang mga salita ay tumutusok sa ating mga puso, tumutusok sa ating mga espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan, na halos hindi natin malaman kung saan tayo magtatago. Nagsisimula tayong magkaroon ng mga pagdududa kung talagang mahal tayo ng Diyos na nasa puso ng taong ito at kung ano talaga ang balak Niyang gawin. Marahil ay maaari lamang tayong madala paitaas matapos magtiis ng mga pagdurusang ito? Sa ating isipan, nagtutuos tayo … tungkol sa ating hantungan at tungkol sa ating kapalaran sa hinaharap. Gayunman, tulad ng dati, walang sinuman sa atin ang naniniwala na nagkatawang-tao na ang Diyos upang gumawa sa gitna natin. Kahit nasamahan Niya tayo sa matagal na panahon, kahit nagsalita na Siya ng napakaraming salita sa ating harapan, ayaw pa rin nating tanggapin ang gayong ordinaryong tao bilang Diyos ng ating hinaharap, at lalong ayaw rin nating ipagkatiwala ang pagkontrol sa ating hinaharap at ating kapalaran sa hindi kapansin-pansin na taong ito. Mula sa Kanya nagtatamasa tayo ng walang-katapusang panustos ng tubig na buhay, at sa pamamagitan Niya ay namumuhay tayo ng isang buhay ng tao at Diyos nang harap-harapan. Ngunit nagpapasalamat lamang tayo sa biyaya ng Panginoong Jesus sa langit, at hindi natin binigyang-pansin kailanman ang damdamin ng ordinaryong taong ito na nagtataglay ng pagka-Diyos. Tulad ng dati, patuloy Niyang ginagawa ang Kanyang gawain na mapagkumbabang nakatago sa katawang-tao, na ipinapahayag ang tinig ng Kanyang puso, na para bang hindi Niya nadarama ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, na para bang walang-hanggang pinatatawad ang kawalan ng hustong gulang at kamangmangan ng tao, at magpakailanmang mapagparaya sa walang galang na saloobin ng tao sa Kanya.

Nang hindi natin namamalayan, inakay na tayo ng hindi kapansin-pansin na taong ito sa sunod-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Dumaranas tayo ng di-mabilang na pagsubok at ng napakaraming pagtutuwid, at sinusubok tayo ng kamatayan. Nalalaman natin ang matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos, natatamasa rin natin ang Kanyang mapagmahal na kabaitan at awa, napagtatanto ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at namamasdan ang sabik na layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Sa mga salita ng ordinaryong taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, nalalaman ang kalikasang diwa ng tao, at nakikita ang landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagiging sanhi upang tayo ay “mamatay,” at nagiging sanhi upang tayo ay “ipanganak na muli”; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng ginhawa, at nagdudulot din sa atin ng matinding pagkakonsensiya at pakiramdam ng pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng kagalakan at kapayapaan, ngunit pati na ng walang-katapusang pasakit. Kung minsan ay para tayong mga kordero sa Kanyang mga kamay, kakatayin kung gusto Niya; minsan ay pinaka-itinatangi Niya tayo, at tinatamasa natin ang Kanyang magiliw na pagmamahal; kung minsan ay para tayong kaaway Niya, at sa ilalim ng Kanyang titig ay nagiging abo tayo dahil sa Kanyang poot. Tayo ang sangkatauhang iniligtas Niya, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na araw at gabi ay determinado Niyang hanapin. Maawain Siya sa atin, kinapopootan Niya tayo, ibinabangon Niya tayo, inaaliw at hinihikayat Niya tayo, ginagabayan Niya tayo, binibigyang-liwanag Niya tayo, itinutuwid at dinidisiplina Niya tayo, at isinusumpa pa nga tayo. Gabi’t araw, hindi Siya tumitigil sa pag-aalala tungkol sa atin, at pagpoprotekta at pag-aalaga sa atin, hindi kailanman umaalis sa ating tabi. Ibinubuhos Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya at ibinabayad ang buong halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas ng hindi kapansin-pansin at ordinaryong katawang-tao na ito, natamasa natin ang kabuuan ng Diyos at namasdan ang hantungang naipagkaloob sa atin ng Diyos. Sa kabila nito, nagdudulot pa rin ng gulo ang banidad sa ating puso, at labag sa loob pa rin natin na aktibong tanggapin ang isang taong tulad nito bilang ating Diyos. Bagama’t nabigyan Niya tayo ng napakaraming manna, napakaraming matatamasa, wala sa mga ito ang makakaagaw sa lugar ng Panginoon sa ating puso. Iginagalang natin ang espesyal na identidad at katayuan ng taong ito nang may malaking pag-aatubili. Basta’t hindi Siya nagsasalita upang hilingin sa atin na kilalanin na Siya ang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusang kilalanin Siya bilang ang Diyos na malapit nang dumating subalit matagal nang gumagawa sa gitna natin.

Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at ng maraming perspektiba upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin, habang kasabay nito, ipinapahayag ang tinig ng nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, binibigyan tayo ng mga ito ng daang dapat nating sundan, at nagbibigay-kakayahan sa atin na maarok kung ano ba mismo ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magbigay-pansin sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi namamalayan, sinisimulan nating pansinin ang tinig ng puso ng hindi kapansin-pansing taong ito. Ibinubuhos Niya ang Kanyang puso at kaluluwa para sa atin, hindi makatulog at hindi makakain alang-alang sa atin, umiiyak para sa atin, bumubuntong hininga para sa atin, at dumaraing sa sakit para sa atin; nagtitiis Siya ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan; at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at paghihimagsik. Walang ordinaryong tao ang may pagiging ganito at ganitong mga pag-aari, at walang tiwaling tao ang maaaring magkaroon o magkamit ng mga ito. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na mayroon ang sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o makakakilala nang lubos sa ating kalikasan at diwa, o makakahatol sa paghihimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o makakakausap sa atin at makakagawa sa atin nang gaya nito nang kumakatawan sa Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at dignidad ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay lumalabas nang buong-buo sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagsisiwalat ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa panggagapos ni Satanas at sa ating sariling mga tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos; Ipinapahayag Niya ang boses ng puso ng Diyos, ang mga panghihikayat ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagbukas na Siya ng isang bagong kapanahunan, ng isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, naghatid Siya sa atin ng pag-asa, at winakasan Niya ang ating pamumuhay sa isang malabong kalagayan, at binigyang-kakayahan Niya ang ating buong pagkatao na ganap na mamasdan ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at nakamit ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamit ng kamalayan ang ating puso, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hindi kapansin-pansin na taong ito, ang taong ito na namumuhay kasama natin at tinatanggihan natin sa loob ng napakahabang panahon—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating inaasam-asam gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tinulutan Niya tayo na muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglalaboy-laboy. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Paano Malalaman na si Cristo ang Katotohanan, ang Daan at ang Buhay

Kaugnay na mga Himno

Mga Salita ng Diyos ang Katotohanang Kailanma’y Di-nagbabago

Walang Nakababatid sa Pagparito ng Diyos

Si Cristo ng Mga Huling Araw ay Naghahatid ng Daan ng Walang-Hanggang Buhay

Ang Cristo ng mga Huling Araw ang Pasukan ng Tao sa Kaharian

Sinundan: e. Bakit sinasabi na kinukumpleto ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao

Sumunod: g. Ang layon at ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa China para magpakita at gumawa sa mga huling araw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito