317 Lihim na Minamatyagan ng Diyos ang mga Salita at Gawa ng Tao
1 Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinahahalagahan sa kanyang dibdib, bagkus ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin dito. Kapag bumaba na ang Aking araw sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan, o masusumpungan ang mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na panahon na ang nakalilipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagka’t nawala na sa kanya ang ningning ng liwanag at nahulog na siya sa kadiliman. Ang inyong nakikita ngayon ay ang matalim na espada lamang ng Aking bibig. Hindi pa ninyo nakikita ang tungkod sa Aking kamay o ang ningas na ipinansusunog Ko sa tao, at kaya kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensya. Kaya nga nakikipaglaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, pinasusubalian ng dila ng tao yaong sinabi ng Aking bibig.
2 Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at bagaman patuloy siyang nakikipag-away sa Akin hanggang ngayon, wala pa rin siyang takot man lamang. Mayroon kayong dila at mga ngipin ng mga taong di-matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad niyaong sa ahas na tumukso kay Eba na magkasala. Hinihingi ninyo sa isa’t isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensya para mag-agawan ng puwesto, katanyagan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, nguni’t hindi ninyo nalalaman na palihim Kong pinagmamasdan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo makarating sa Aking presensya, natunugan Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso.
3 Ang tao ay palaging nag-aasam na tumakas sa pagkakahawak ng Aking kamay at iwasan ang pagmamasid ng Aking mga mata, nguni’t hindi Ako kailanman umilag sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang yaon na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang kasamaan ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang paghihimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nananatili sa harapan ng Aking luklukan ng paghatol, at ang Aking paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagka’t labis ang kanyang paghihimagsik. Ang Aking gawain ay ang sunugin at dalisayin ang lahat ng salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensya ng Aking Espiritu. Sa ganitong paraan, kapag nilisan Ko na ang daigdig, mapapanatili pa rin ng mga tao ang kanilang katapatan sa Akin, at maglilingkod pa rin sa Akin gaya ng ginagawa ng Aking mga banal na lingkod sa Aking gawain, na nagtutulot sa Aking gawain sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao