Ang Aking mga Pagninilay Bago Matiwalag

Marso 15, 2025

Ni Yan Xin, Tsina

Noong 2014, nagtatrabaho ako sa paggawa ng video sa iglesia. Hindi nagtagal, napromote ako bilang lider ng grupo. Para gawing maayos ang mga video, pinag-isipan kong mabuti ang mga prinsipyo, nanalangin ako at naghanap, at sineryoso ang bawat shot. Pagtagal-tagal, karamihan sa mga video na ginawa ko ay napili para gamitin at hinangaan ako ng mga kapatid. Hindi ko maiwasang maisip na kabilang ako sa pinakamahusay sa iglesia, dahil kung hindi, hindi sana ako napromote. Makalipas ang dalawang linggo, ipinamuno sa akin ng superbisor ang video production ng isa pang grupo at sinigurong sabihin sa akin na: “Gabayan mo ang mga kapatid na maranasan ang mga salita ng Diyos at masundan ang mga prinsipyo.” Hindi ko maiwasang matuwa sa sarili ko. Ang tulutan ako ng superbisor na mamuno sa iba ay nagpapakita na meron akong ilang kasanayan, at na may kakayahan ako. Pagdating ko sa grupo, nalaman ko na hindi magaling sa paggawa ng video ang dalawang brother. Medyo mahusay ang isang sister, pero bata pa siya, kaya wala siyang karanasan sa lahat ng aspeto. Ang lider ng grupo lang ang medyo magaling sa bawat aspeto. Kapag nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, hindi ko kasing-ikli magsalita o kasing-organisado ang lider, at wala siyang kasinglawak na perspektibo kapag nagtatalakay ng mga ideya para sa paggawa ng video. Kadalasan, sinasang-ayunan ng lahat ang mga mungkahi ko, kaya lalo pang tumaas ang tingin ko sa sarili ko. Sa ilang talakayan, nagpahayag ng isang ideya na naiiba sa akin ang lider ng grupo at lubos akong naging mapanghamak. Naisip ko, “Pagkatapos ng lahat ng oras ko sa tungkuling ito, hindi ko ba alam kung ano ang nararapat?” Kumapit ako sa sarili kong ideya at talagang nainis sa lider ng grupo. Minsan nung tinatalakay namin ang paggawa ng video, nagbahagi ako ng ilang ideya, at sinabi ng lider ng grupo na hindi niya gusto ang alinman sa mga ito. Nagsimulang kumulo ang dugo ko, at pakiramdam ko’y tinanggihan niya ang lahat ng ideya ko para lang pagmukhain akong hindi magaling. Palihim akong nagreklamo, “Hindi ko alam kung anong gusto niyang mangyari, siya mismo ay walang magagandang ideya, pero tinatanggihan niya ang bawat isa ng sa akin, kaya wala kaming nagawa buong umaga. Hindi ba’t inaantala lang niya ang gawain natin?” Inisip ng lahat ng kapatid na may isyu sa lider ng grupo matapos marinig ang sinabi kong ‘yon. Isang brother ang nagbahagi sa kanya, pinuna siya sa pagiging mayabang at nakakaapekto sa gawain. Nakonsensya ang lider ng grupo, at ginustong magbitiw. Medyo nakonsensya rin ako nang makita ko ‘to at pakiramdam ko’y sumobra na ako, kaya nagmadali akong humingi ng tawad sa kanya. Pero hindi ako nagnilay-nilay sa sarili pagkatapos nun.

Isang araw, dumating ang isang lider ng iglesia sa isang pagtitipon, at nagtanong tungkol sa paggawa namin ng video. Binanggit ko ang ilang saloobin, na inaprubahan ng lider, at iminungkahi niya na sundin ng lahat ang mga suhestiyon ko, at pagbutihin ang mga ito habang ginagawa ang mga ito. Naisip ko, “Ang katunayang inaprubahan ng lider ang mga ideya ko ay nagpapakita na mas may kakayahan ako kaysa sa iba, kaya dapat makinig silang lahat sa akin.” Pagkatapos nun, isinaayos ko ang lahat ng gawain ng aming grupo, at nilalapitan ako ng iba para pag-usapan ang lahat ng isyung kinakaharap nila. Itinakda ko ang sarili ko bilang ang punong suporta ng grupo. Pakiramdam ko’y ako ang lakas ng grupo, at isa lang tau-tauhan ang lider ng grupo. Nasa akin ang huling kapasyahan sa lahat ng bagay. Kapag hindi naging ayon sa gusto ko ang mga video na ginagawa nila, direkta ko lang itong papalitan ang mga ito ayon sa gusto ko. Isang beses, napansin ni Brother Wang Yi na marami-rami akong binago sa isa niyang video at tinanong ako, “Bakit ang dami mong binago? Kung sa tingin mo ay talagang may problema rito, pwede naman natin itong pag-usapan. Bakit hindi mo hiningi ang opinyon ko bago ito in-edit?” Medyo nahiya ako sa mga tanong niya, pero naisip ko na “Mas mahusay ako kaysa sa’yo at mas nauunawaan ko ang mga prinsipyo, kaya lahat ng ginawa kong pagbabago ay pagpapabuti.” Matatag akong sumagot, “Hindi ba’t lahat ng pagbabagong ginawa ko ay para mas gumanda ang mga resulta? Kung pakiramdam mo’y hindi ka sang-ayon dito, tatalakayin ko muna ito sa’yo sa susunod.” Wala siyang nagawa. Payabang ako nang payabang sa tungkulin ko pagkatapos nun. Tumatanggi akong makinig sa mga mungkahi ng ibang mga kapatid kapag tinatalakay namin ang gawain, iniisip na wala silang magagandang ideya, at na sa huli ay gagawin lang din naman namin ang gusto ko. Kung minsan, kapag may pagdududa sila sa mga plano ko, may kumpiyansa akong sumasagot: “Kung ayaw niyo sa ideya ko, meron ba sa inyo na may mas magandang plano?” Wala silang magawa, at kailangan lang nilang gawin ang sinabi ko. Nung tumagal, wala nang sinuman sa grupo ang tumututol sa anumang ideya ko. Tumatango na lang ang lahat bilang pagsang-ayon sa anumang sabihin ko.

Matagal-tagal na hindi pumasa sa ilang ulit na pagsusuri ang mga videong ginawa namin at naglalaman ang mga ito ng malilinaw na paglabag sa mga prinsipyo. Sinisi ng mga kapatid ang sarili nila, pakiramdam nila ay hindi nila nagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, pero hindi ako nagnilay-nilay. Pakiramdam ko’y nagawa ko ang lahat ng makakaya ko, pero dahil limitado ang kakayahan namin, normal lang na hindi maabot ang mga pamantayan. Pagkatapos nun, nagsimulang maging lalong nakakapagod ang tungkulin ko at lagi akong inaantok. Pinaalalahanan ako ng isang sister, “Dapat kang magnilay-nilay sa sarili. Kamakailan ay palagi mong iginigiit na gawin ng lahat ang gusto mo—hindi ba’t kayabangan ‘yon?” Nang malaman na mayabang ako, mapangdikta, at hindi nakikinig sa pagbabahagi ng iba, malupit akong inilantad at iwinasto ng aming lider. Tapos ay tinanggal niya ako nang makitang wala akong anumang kamalayan sa sarili. Naging manhid ako at hindi ko alam paano bumaling sa Diyos. Pakiramdam ko’y may mga kalakasan ako, naibabagay ko ang aking pag-iisip, at na bibigyan ako ng iglesia ng iba pang tungkulin sa lalong madaling panahon. Patuloy akong nag-aral ng paggawa ng video para manatili ang mga kasanayan ko sa paglipas ng panahon. Ngunit sa tuwing naghahanda akong gumawa ng isang video, nabablangko ang isip ko. Mataman akong nag-iisip, pero wala talaga akong maisip na ideya—magulo ang isipan ko. Akala ko’y malawak at mabilis akong mag-isip. Bakit wala akong magawang anuman ngayon? Tapos ay naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Nagbibigay ang Diyos ng mga kaloob sa mga tao, na nagbibigay sa kanila ng espesyal na mga kasanayan pati na ng talino at karunungan. Paano dapat gamitin ng mga tao ang mga bagay na ito? Kailangan mong ialay ang iyong espesyal na mga kasanayan, iyong mga kaloob, iyong talino at karunungan sa iyong tungkulin. Kailangan mong gamitin ang iyong puso at gamitin ang lahat ng nalalaman mo, lahat ng nauunawaan mo, at lahat ng makakamtan mo sa iyong tungkulin. Sa paggawa nito, pagpapalain ka. Ano ba ang ibig sabihin ng pagpalain ng Diyos? Ano ang ipinaparamdam nito sa mga tao? Na sila ay binigyang-liwanag at pinatnubayan ng Diyos, at na mayroon silang landas kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. … Kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, nagiging matalino siya at marunong, malinaw niyang nauunawaan ang lahat ng bagay, matalas din siya, alisto at masyadong magaling; magkakaroon siya ng kakayahan at magiging inspirado sa lahat ng ginagawa niya, at iisipin niya na lahat ng ginagawa niya ay napakadali at walang paghihirap na makakasagabal sa kanya—pinagpapala siya ng Diyos. Kung napakahirap ng lahat ng bagay para sa isang tao, at siya ay malamya, madaling mabaluktot, at walang kaalam-alam anuman ang kanyang ginagawa, kung hindi niya nauunawaan ang anumang sinasabi sa kanya, ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay wala siyang patnubay ng Diyos at wala siyang pagpapala ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Agad akong naimulat ng mga salita ng Diyos. Kapag nasa tamang landas tayo, pinagpapala tayo ng Diyos at hinahayaang magamit ang ating mga kaloob at kalakasan. Kapag wala tayo sa tamang landas, hindi gumagawa sa atin ang Banal na Espiritu, kaya gaano man tayo kagaling o kadalubhasa, walang saysay ang lahat. Kung walang patnubay ng Diyos, lubos na walang halaga ang mga kaloob at kalakasan ng mga tao. Nung kasisimula ko pa lang sa paggawa ng video, meron akong tamang saloobin at tumutok ako sa paghahanap ng mga prinsipyo, kaya binigyang-liwanag ako ng Diyos. Paghahasa man ito ng mga kasanayan o pagkatuto ng mga prinsipyo, iminulat Niya ako. Ngayon ko lang napagtanto na lahat pala ito ay pagpapala ng Diyos. Pero hindi ko nakilala ang gawain ng Banal na Espiritu. Nakakuha ako ng ilang resulta at inakala kong espesyal ako. Ginamit ko ang aking kakayahan at talino bilang kapital, minamaliit ang iba, at tumatangging makinig sa kanilang mga mungkahi. Naging dahilan iyon para talikuran ako ng Banal na Espiritu—nasadlak ako sa kadiliman at wala akong natamo sa aking tungkulin. Dati, pakiramdam ko’y may talento ako, pero kalaunan nakita ko na hindi ako naging mas mahusay kaysa sa iba kahit kailan. Nakagawa ako ng ilang video dahil sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu. Ngayong wala ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ako makagawa ng kahit ano. Wala man lang akong anumang ideya. Sa wakas ay nakita ko kung gaano ako kamiserable at kakaawa-awa.

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa pagninilay-nilay ko pagkatapos nun: “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang itinuturing ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa bilang mas mababa kaysa sa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang pusong may takot sa Diyos. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging hilig ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para sa kapangyarihan at kontrol sa iba. Ang ganitong tao ay walang pusong may takot sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katwiran sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at sarili pa nga nila ang kanilang pinararangalan at pinatototohanan. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inihambing ko ang sarili kong pag-uugali sa mga salita ng Diyos. Natangay ako ng pagmamalaki pagkatapos kong patuloy na mapromote. Itinuring ko ang sarili ko bilang isang talentong hindi pwedeng mawala sa iglesia. Nung ipinangasiwa sa akin ng superbisor ang paggawa ng video ng mga kapatid, lalo pa akong yumabang at pakiramdam ko’y mas magaling ako kaysa sa lahat. Nang magkaroon ng puna ang lider ng grupo sa mga ideya ko, talagang tumanggi akong tanggapin ito. Inisip ko pa nga na nung hindi siya sumang-ayon sa akin, sinasadya niya akong maliitin at pagmukhaing hindi magaling, kaya hinusgahan ko siya nang palihim, na naging dahilan para maging mapanuri sa kanya ang iba at iwasto nila siya. Naramdaman niyang napipigilan siya at hindi na nangahas tukuyin ang mga isyu ko. Ginawa ko ang gusto ko at walang nangahas kumontra sa akin. Napakayabang ko na minaliit ko ang lahat, mapangdikta at hambog ako, hindi nakikinig sa mungkahi ninuman. Dahil dun, lumihis kami sa mga prinsipyo sa mga video namin at wala kaming nagawa sa loob ng mahigit isang buwan. Isa itong malaking hadlang sa paggawa ng video ng iglesia. Hindi ito isang maliit na pagkakamali, ito ay paggawa ng masama at paglaban sa Diyos! Sa puntong ‘yon, napagtanto ko na ang mapagmataas kong disposisyon ang ugat ng paglaban ko sa Diyos. Ang mga anticristong pinaaalis sa iglesia ay mayabang lahat hanggang sa puntong nawawalan na ng katwiran, at hindi nakikinig kaninuman. Lubha nilang ginagambala ang gawain ng iglesia at talagang tumatangging magsisi. Sa huli ay pinalalayas sila. Hindi ko akalain na mamumuhay ako sa isang mayabang na disposisyon, bulag na naghahari-harian at nakakagambala sa mahalagang gawain ng iglesia. Nang hindi ko namamalayan, nasa landas na pala ako ng isang anticristo. Namuhay akong takot sa loob ng ilang araw, patuloy na nararamdamang dahil may nagawa akong napakalaking kasamaan, siguradong mapapalayas ako. Talagang nanlumo ako. Binasa sa akin ng tatay ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang umantig sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ayaw Kong makita ang sinuman na nagdaramdam na tila ba iniwan silang nag-iisa ng Diyos, na pinabayaan sila ng Diyos o tinalikuran Niya sila. Nais Ko lamang makita na lahat ay nasa daan upang hanapin ang katotohanan at naghahangad na maunawaan ang Diyos, matapang na nagpapatuloy sa paglalakad na may matibay na kalooban, na walang mga pangamba, walang dinadalang mga pasanin. Maging anumang mga kamalian ang nagawa mo, gaano man kalayo kang naligaw o gaano ka man lumabag, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad na maunawaan ang Diyos: Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang kaligtasan ng tao sa Kanyang puso; hindi ito kailanman nagbabago: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng diwa ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Nang marinig ang taos-puso at umaalong mga salita ng Diyos na nag-uumapaw sa pagkahabag, hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Namumuhay ako sa isang mayabang na disposisyon, at nakakagambala sa paggawa ng video, pero binasahan ako ng mga tao sa paligid ko ng mga salita ng Diyos, tinutulungan akong maunawaan ang Kanyang kalooban at makahanap ng landas ng pagsasagawa. Ito ay sa pagmamahal ng Diyos. Pero hindi ko naunawaan kung ano ang gusto ng Diyos at hindi ako bumaling sa Kanya. Hindi ko naunawaan at sinisi ko ang Diyos. Wala akong konsensya. Labis akong nakonsensya at sinisi ang sarili ko nang maisip ko ang kasamaang nagawa ko, pero ayokong patuloy na mapigilan ng aking mga paglabag at mamuhay sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa, kaya nanalangin ako sa Diyos, handang hangarin ang katotohanan, magsisi, at magbago. Pagkalipas ng anim na buwan, nagulat ako nang sabihin sa akin ng lider na pwede na akong magpatuloy sa paggawa ng video. Laking pasasalamat ko. Nanumpa ako sa sarili ko na sisiguraduhin kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para makabawi sa mga paglabag ko dati. Sa tungkulin ko sa pagkakataong ito, hindi na ako kasingyabang at kasingmapagmatigas gaya ng dati. Madalas ko nang tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba, naghahanap ng mga prinsipyo ng katotohanan, at kapag merong may naiibang opinyon, natutuhan kong tanggihan ang sarili ko at makinig sa kanyang mga mungkahi. Habang tumatagal ay mas nagtatagumpay ako sa aking paggawa ng video.

Pero hindi nagtatagal ang magagandang bagay. Nang makita kong mas gumagaling ako sa gawain ko sa video, di-sinasadyang umusbong na naman ang kayabangan ko. Nung panahong ‘yon, ipinareha ako sa isang sister para sa paggawa ng video, pero nakita kong masyadong makaluma ang pag-iisip niya, kaya binalewala ko lang ang mga mungkahi niya at lubusan siyang hindi pinansin. Kalaunan, binanggit niya na nararamdaman niyang hindi ako nakikipagtulungan sa kanya, kaya sa wakas pinayagan ko siyang makisali, pero nang makita kong hindi siya magaling, naging mapanghamak talaga ako. Napakasungit kong sinabi sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, kaya naramdaman niya talagang napipigilan siya. Sa isa pang pagkakataon, nang magmungkahi ang lider ng grupo para sa isang video na ginawa ko, naisip ko, “Hindi mas mahusay ang pagkaunawa mo sa mga prinsipyo kaysa sa akin, pati na rin ang kakayahan mo. Kailangan ko ba talaga ang pag-aalinlangan mo sa akin?” Kaya tinanggihan ko siya nang hindi talaga nag-iisip. Nang makitang ni hindi ako tumatanggap, ginamit ng lider ng grupo ang karanasan niya para gabayan ako na maunawaan ang aking tiwaling disposisyon, pero talagang tutol ako at ayaw tanggapin ito. Isa pang lider ng grupo ang nagbahagi at pumuna sa akin dahil kamakailan ay naging mapangdikta ako at ayaw tumanggap ng mga mungkahi ng iba. Hindi ko lang talaga matanggap ito, “Gusto mo lang akong pilitin na tanggapin ang mga ideya mo. Maayos naman ang mga ideya ko, kaya bakit kailangan kong tanggihan ang sarili ko at tanggapin ang mga mungkahi mo?” Nang nakaismid, hindi ako umimik, na nagpaasiwa talaga sa kapaligiran, at kaya dali-daling natapos ang pagtitipon. Napakayabang ko’t mapagmatigas, lubos na ayaw tanggapin ang mga mungkahi ng iba, kaya wala akong natamo sa aking tungkulin at natanggal akong muli. Nanlumo talaga ako pagkauwi ko. Napaisip ako, “Bakit ako bumalik sa dati kong gawi? Ayokong maging napakayabang, pero hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko. Mukhang ganito lang talaga ang kalikasan ko, ang diwa ko, at hindi ko ito kayang baguhin.” Sinukuan ko ang sarili ko.

Tapos, isang araw, ang nanay ko, na galing sa labas ng bayan para sa isang tungkulin, ay bumalik at nagbahagi sa akin, at tinanong ako tungkol sa pagninilay-nilay ko sa sarili ko. Pinakinggan niya ako, at pagkatapos ay umiling at sinabing, “Kinikilala mo lang ang mayabang mong kalikasan, at na gumagawa ka ng masama at lumalaban sa Diyos, pero ibig sabihin ba nun ay kilala mo talaga ang sarili mo at nagsisisi ka? Paanong nakikilala mo ang sarili mo sa mga taong ito, pero hindi man lang nagbago ang kayabangan mo? Ito’y dahil masyadong mababaw ang pagkakilala mo sa sarili mo, kaya hindi mo nakakamit ang anumang pagbabago ng disposisyon! Kailangan mong isapuso ang mga salita ng Diyos, at pagnilayan ang sarili mo mula sa ugat nito. Napagnilayan mo na ba ang landas ng pananampalataya na tinatahak mo? Sa loob ng mahigit isang dekada ng pananampalataya, kanino ka kailanman nakapagpasakop? Sino ang iginalang mo? Naging mapanlaban ka sa bawat pagkakataon, gustong makipagpaligsahan sa lahat at magpakitang-gilas lang. Bukod sa dalawa mong pagkatanggal, at nung naglingkod ka bilang lider ng iglesia, palagi mong itinataas ang sarili mo at hinihikayat ang iba na hangaan ka. At dalawang taon na ang nakalilipas, nung gumagawa ka ng mga video, minaliit mo ang lider ng grupo at hayagang nakipaglaban sa kanya. Dahil dito, walang nagawa ang grupo sa loob ng mahigit dalawang buwan. Nakapagnilay ka na ba sa sarili mo? Maraming beses kang binigyan ng puna ng iba—kahit kailan, tinanggap mo ba ito?” Tumagos sa puso ko ang sunod-sunod na tanong ng nanay ko—talagang nakasasakit ang mga ito. Alam kong totoo ang lahat, pero hindi ko alam kung paano sumagot sa sandaling ‘yon. Tapos, dismayado niyang sinabing, “Napakatagal mo nang natanggal, bakit hindi ka pa totoong nagninilay-nilay sa sarili? Hindi mo pa tinatanggap ang katotohanan. Walang kapayapaan saan ka man tumanggap ng tungkulin. Isa itong malubhang problema! Batay sa pag-uugali mo sa lahat ng taong ito bilang mananampalataya, sa mayabang mong kalikasan, sa kasamaang idinulot mo, at sa kabiguan mong tanggapin ang katotohanan at magnilay-nilay sa sarili, talagang malamang na matitiwalag ka.” Nang mabanggit ang pagtitiwalag, napaluha ako. Nakaramdam ako ng di-maipaliwanag na sakit: “Matitiwalag ba talaga ako? Magtatapos na ba talaga ang landas ko ng pananampalataya? Tuluyan na ba akong mawawalay sa iglesia magpakailanman? Napakaraming taon ko nang sinusunod ang Diyos at medyo nagdusa na ako, paanong matitiwalag ako nang ganoon lang?” Habang tumatagal ay lalo akong nakararamdam ng pagkaagrabyado at sama ng loob. Nagpatuloy sa pagbabahagi sa akin ang nanay ko, pero hindi ko na siya narinig. Ilang araw akong umiyak lang nang umiyak. Napakasakit isipin na ititiwalag ako ng iglesia. Ginugol ko ang mga araw ko na parang naglalakad na bangkay, hindi makapag-ipon ng lakas para gumawa ng kahit ano.

Minsan, bumalik ang tatay ko mula sa isang pagtitipon at tinanong ko siya, “Malapit na ba akong matiwalag?” Mahigpit niyang sinabi sa akin, “Ang mahalaga ngayon ay kung paano mo ito haharapin. Kung talagang ititiwalag ka, susunod ka pa rin ba sa Diyos? Kung tunay kang nagsisisi, magsimula ka nang magsisi, at maghangad sa katotohanan, tapos magiging isang pagliligtas para sa’yo ang pagkakatiwalag. Kung susukuan mo na ang sarili mo dahil itiniwalag ka, ganap kang malalantad at mapapalayas. Binabalak mo bang sumuko? Ayaw mo bang hangarin ang katotohanan, tunay na magsisi, at sagipin ang katapusan mo?” Talagang pinukaw ako ng mga salita ng tatay ko. Tama siya. Kahit pa itiwalag ako, hindi ba’t isa pa rin akong nilikha? Walang sinuman ang makakapagkait sa akin ng karapatang magbasa ng mga salita ng Diyos at maghangad sa katotohanan. Kailangan kong magsisi sa Diyos. Yumuko ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “Diyos ko! Humantong ako sa puntong ito ngayon ganap na dahil sa sarili kong kasalanan at sa sarili kong kabiguan na hangarin ang katotohanan.” Kalaunan, naisip ko, “Pagkatapos ng lahat ng taong ito ng pananampalataya, bakit hindi ko kailanman hinangad ang katotohanan, kundi nanatiling walang alam hanggang sa sandaling pwede na akong matiwalag? Kung nagsikap lang sana ako nang kaunti sa paghahangad ng katotohanan, hindi sana aabot sa puntong ito!” Nilamon ako ng pagsisisi at pasakit. Tapos, naisip ko ang mga taga-Ninive, na tunay na nagsisi at nagkamit ng awa ng Diyos. Mabilis kong binuksan ang aking aklat ng mga salita ng Diyos at binasa ito: “Ang ‘masamang gawi’ ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi sa masamang bukal kung saan nagmumula ang pag-uugali ng mga tao. Ang ‘Ang paglayo sa masamang gawi ng isang tao’ ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling kikilos sa masamang paraang ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga pagkilos ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang ‘iniwan’ sa ‘iniwan ang karahasan sa mga kamay ng isang tao’ ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na anyo ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive nang walang pag-aalinlangan, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Naantig din talaga ako. Tunay na nagsisi ang mga taga-Ninive at nagkamit ng awa ng Diyos. Hindi lamang pakitang-tao na pagtatapat ng kanilang mga kasalanan ang pagsisisi nila o isang pagtuon sa panlabas na pag-uugali. At saka, hindi lang ito panandaliang pagsisisi. Isa itong transpormasyon sa kung paano nila ginawa ang mga bagay-bagay, ang kanilang pinagmumulan, at ang kanilang mga motibo. Talagang isinuko nila ang kanilang mga dating hangarin. Hindi lamang nila binago ang kanilang pag-uugali, ang pinakamahalaga ay tunay silang nagsisi. Ang ganoong uri ng pagsisisi ang tanging paraan para makamit ang awa at kapatawaran ng Diyos. Tapos, nung inisip ko ang sarili ko, palagi kong sinasabi na mayabang ako, pero hindi ko kailanman nirendahan ang mayabang kong disposisyon. Alam kong gumagawa ako ng masama at gumagawa laban sa Diyos, pero hindi ko kailanman itinigil ang masama kong pag-uugali. Umabot ako sa punto ng pagkakatiwalag, hindi dahil nakagawa ako ng isa o dalawang masamang bagay, kundi dahil walang pagsisisi akong nagwawala sa landas ng kasamaan. Hindi ko kailanman isinagawa ang katotohanan o nagsisi sa Diyos. Alam kong malubha ang mayabang kong disposisyon at marami akong nagawang paglabag, pero hindi ako kailanman nagsikap na hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Paano ako tunay na magsisisi kung hindi ko kailanman nalutas ang mayabang kong disposisyon? Kung hindi ako nagpapakita ng tunay na pagsisisi, hindi ba’t panlilinlang lang ang ipinapakita kong pagkakilala sa sarili? Kailangan kong maging katulad ng mga taga-Ninive. Kailangan kong pagnilayan ang sarili ko mula sa mga ugat, motibo, paraan, at layunin sa likod ng mga kilos ko, at magsisi sa Diyos.

Naisip ko kung paanong inilantad ako ng nanay ko nitong mga huling araw, at kung paanong dalawang beses akong natanggal. Malalim ko itong pinag-isipan. “Bakit ko nakitang may mayabang akong disposisyon, pero sa sandaling may nangyari, hindi ko maiwasang umasa sa mayabang kong disposisyon at lumaban sa Diyos?” Sa mga debosyonal ko pagkatapos nun, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ito ay dahil bago pa man tanggapin ng isang tao ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos, lahat ng ideya na kanilang tinatanggap ay nagmumula kay Satanas. Ano ang ginagawa sa mga tao ng lahat ng ideya, pananaw, at tradisyonal na kulturang binuo ni Satanas? Ang ginagawa ng mga ito ay ang ilihis, gawing tiwali, igapos, at higpitan ang mga tao, na nagreresulta sa pagkakaroon ng tiwaling sangkatauhan ng makitid at labis-labis na pag-iisip, at mga pananaw sa mga bagay na may pinapanigan at may kinikilingan, maging hanggang sa punto ng pagiging katawa-tawa at walang kabuluhan—ito ang mga kahihinatnan ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa mga layunin ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan! Upang malutas ang problema ng paggawa ng masama, kailangan muna nilang resolbahin ang kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na bago ko nakamit ang katotohanan, nagmula kay Satanas ang lahat ng kaisipan at perspektibo ko. Mula pagkabata, mula sa natutuhan ko sa paaralan, kung ano ang itinuro sa akin ng mga nakatatanda, at kung anong impluwensya sa akin ng lipunan, pakiramdam ko’y kailangan kong maging sentro ng lahat. “Ako lang ang naghahari” at “Ako lang ang nangingibabaw” ang naging mga hangarin ko, at mga salitang ipinamumuhay ko. Itinuring kong mga positibong bagay ang mga satanikong pilosopiyang ito. Kahit saang grupo ako kasama, gusto kong ako ang mamuno, ang magkaroon ng huling kapasyahan, hindi ko mapigilang gustuhing manduhan ang iba, at hikayatin ang lahat na makinig sa akin. Nang makita kong hindi nakikinig sa akin ang lider ng grupo at patuloy na binibigyan ako ng mga mungkahi, nainis ako at hinusgahan ko siya sa harap ng mga kapatid. Para makinig ang lahat sa akin, ginamit ko ang mahusay kong kakayahan at kwalipikasyon para siilin sila. Masyadong napigilan ang mga kapatid kaya hindi sila nangahas na magpahayag ng kanilang mga opinyon, at sinunod lang nila ako na parang mga papet. Dahil dito, naging magulo ang tungkulin ko. Pinilit ko ang iba na gawin ang gusto ko at makinig sa akin. Hindi ako naghayag ng kaunting mayabang na disposisyon lang; kundi, sobrang yabang ko talaga. Hindi kailanman mapapanatili ng Diyos sa Kanyang sambahayan ang isang satanikong uri ng taong tulad ko. Kung ititiwalag ako ng iglesia, iyon ay ganap na pagiging matuwid ng Diyos! Nagpapasalamat ako sa Diyos at walang reklamo. Alam kong nakagawa ako ng maraming paglabag na hinding-hindi ko mababawi, at napuno ako ng pagsisisi.

Kalaunan, naisip ko ang nanay ko na nagpapaalaala sa akin na huwag lang pagnilayan ang dalawang pagkatanggal na ito, kundi isipin din ang landas na tinatahak ko sa lahat ng taon ko ng pananampalataya. Nakahanap ako ng ilang nauugnay na salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi likas na gustong palipasin ng mga anticristo ang mga araw nila nang kontento na sa kasalukuyang kalagayan ng buhay nila, nang namumuhay bilang isang ordinaryong tao; hindi nila tahimik na ginagampanan ang tungkulin nila o kumikilos na parang mga ordinaryong tao na maganda ang asal—hindi sila kontento sa ganoon. Samakatwid, paano man sila umasal sa panlabas, sa kaibuturan ng kanilang puso, palagi silang malungkot sa kasalukuyang kalagayan ng buhay nila at gagawa sila ng mga partikular na bagay. Anong mga bagay? Gagawa sila ng mga partikular na bagay na hindi kayang isipin ng mga normal na tao. Gusto nilang maging sentro ng atensiyon at hindi sila magdadalawang-isip na magtiis ng kaunting hirap at magbayad ng kaunting halaga. May isang kasabihan: ‘Ang mga bagong opisyal ay sabik magpasikat.’ Sa sandaling maging isang lider ang isang anticristo, pakiramdam niya ay dapat siyang gumawa ng ilang kahanga-hangang bagay at gumawa ng ilang ‘tagumpay sa propesyon niya’ para patunayang hindi siya ordinaryo. Ano ang pinakamalubhang problema rito? Bagama’t gumagawa siya ng mga bagay sa iglesia, at bagama’t nagpapanggap siya na ginagampanan ang tungkulin niya, hindi siya kailanman humihingi ng gabay sa Diyos kung paano gampanan ang tungkulin niya o kung paano gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, hindi rin niya taimtim na tinitiyak kung ano ang mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, o kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid, na hindi magdudulot ng kahihiyan sa Diyos, na magpapatotoo sa Diyos, na magpapahintulot sa gawain ng iglesia na umusad nang maayos, at magtitiyak na walang lilitaw na mga kapabayaang pagkakamali sa gawain niya. Hindi niya kailanman tinatanong ang tungkol sa mga bagay na ito at hindi niya kailanman inuusisa ang mga bagay na ito—wala siyang ganitong mga bagay sa puso niya, ang puso niya ay hindi puno ng mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang inuusisa niya? Ano ang laman ng puso niya? Puno ito ng mga kaisipan tungkol sa kung paano niya maipangangalandakan ang mga talento niya, at maipapakita na naiiba siya sa karamihan, at maipapabida ang estilo niya ng pamumuno sa iglesia, para makita ng ibang mga tao na haligi siya ng iglesia, at na hindi kakayanin ng iglesia kung wala siya, at na tanging kapag naroroon siya makakausad nang maayos ang lahat ng gawain ng iglesia. Kung pagbabatayan ang mga pagpapamalas ng mga anticristo, at ang motibasyon at orihinal na motibo ng kanilang mga kilos, sa anong posisyon nila inilalagay ang sarili nila? Inilalagay nila ang sarili nila nang nangingibabaw sa lahat. … Ano ang pakay nila? Hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha o isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, kundi sa halip ay para paglingkuran ang iglesia at ang mga kapatid at, habang ginagawa ito, para kontrolin ang lahat ng bagay na ito. Bakit Ko sinasabing gusto nilang kontrolin ang lahat ng bagay na ito? Dahil kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, una nilang itinatatag ang kanilang posisyon, para magkamit ng tiyak na kabantugan, lumalago ang kanilang reputasyon, nagkakaroon sila ng kapangyarihang mamahala at magdesisyon, at pagkatapos ay maaari nilang gawing palamuti na lang ang Diyos at palitan ang posisyon ng Diyos. Sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya, ginagawa nilang palamuti na lang ang nagkatawang-taong Diyos, isang sunud-sunuran, at ito ang ibig sabihin ng ‘pangingibabaw sa lahat.’ Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Ganito umasal ang mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Mahigit isang dekada na akong mananampalataya, pero hindi ako kailanman naging kontento sa pagiging ordinaryo. Saanman ako pumunta at anumang tungkulin ang gawin ko, palagi kong ninais na maging ang pinakamahusay sa lahat. Sa mga unang taon ko bilang mananampalataya, diniligan ko ang mga baguhan sa iglesia. Para patunayan ang sarili ko, nagsikap ako para sangkapan ang sarili ko ng katotohanan ng mga pangitain para malutas ang mga isyu ng mga baguhan. Umulan man o umaraw, o gaano man kalayo ang daan, hindi ako kailaman nagreklamo na mahirap. Pagkatapos maging lider ng iglesia, hinangad kong mamukod-tangi sa karamihan. Tapos, nung gumagawa na ako ng mga video, sa pagsisikap na mangibabaw, nagpuyat ako sa kakatrabaho, nagsikap sa mga prinsipyo at kasanayan at sa huli ay napromote at pinuri ng mga lider at ng iba, at kaya lalo akong natangay. Pakiramdam ko’y isa akong talento na hindi kaya ng iglesia na mawala, at walang kahihiyan ko pa ngang inisip na ako ang punong suporta ng grupo. Naging dominante at mapangdikta ako sa grupo. Pagkatapos matanggal, inamin ko lang na mayabang ako at nakagawa ako ng masama, pero hindi ko pinagnilayan ang ugali ko o ang landas na tinatahak ko. Lumitaw ang parehong mga problema nang bumalik ako sa paggawa ng mga video. Bakit ba ako palaging mayabang at ayaw magpasakop kaninuman? Bakit ba hindi ako nakikinig sa mga ideya ng iba? Bakit ba lagi kong gusto na ako ang may huling kapasyahan at na pakinggan ako ng lahat? Masyado kasi akong mayabang at ayokong maging regular na tao. Gusto kong mangibabaw sa iba, na pakinggan ng mga tao. Paano naiba ang disposisyon kong ‘yon mula sa anticristong disposisyon ng “paglalagay ng sarili sa ibabaw ng lahat” na inihahayag ng Diyos? Sa puntong iyon, nakita ko na kahit naging mananampalataya ako sa lahat ng taong iyon, hindi pa nagbago ang sataniko kong disposisyon, at meron akong matinding anticristong disposisyon. Nang mabalitaan kong ititiwalag na ako ng iglesia, pakiramdam ko’y naagrabyado ako, na para bang hindi ako dapat tanggihan ng Diyos dahil naging mananampalataya ako sa lahat ng taong iyon. Pero sa totoo lang, hindi ako isang taong naghahanap sa katotohanan. Ang hinahanap ko ay karangalan at pakinabang—maling landas ang napili ko. Kaya, kahit mahigit isang dekada na, wala pa rin akong nakakamit na katotohanan. Kaninong kasalanan ‘yon? Kasalanan ko ito mismo, sa hindi paghahangad sa katotohanan! ‘Tsaka, kung iisipin ang mga paglabag at masasamang gawa ko sa mga taong iyon, ang pagtitiwalag sa akin ng iglesia ay pagiging matuwid ng Diyos! Namumuhay ako ayon sa aking mayabang na disposisyon! Hindi ko lang lubhang nagambala ang gawain namin, kundi napigilan at nasaktan ko pa ang iba. Wala talaga akong pagkatao! Batay sa aking diwa, disposisyon, at lahat ng kasamaang nagawa ko, dapat ay itiniwalag na ako. Sa puntong ‘yon, hindi ko na inisip kung ititiwalag ba ako ng iglesia o hindi. Kailangan kong mamili, hangarin ang katotohanan at lutasin ang tiwali kong disposisyon.

Kalaunan, isinaayos ng iglesia na makipagtipon ako kasama ang dalawa pang taong ibinukod para magnilay-nilay. Nakahanap ako ng mga salita ng Diyos para ilantad at suriin ang aking katiwalian at masamang pag-uugali para ipakita sa kanila na nasa landas ako ng isang anticristo, na katulad lang ako ni Satanas, at na ang pagtitiwalag sa akin ay pagiging matuwid ng Diyos. Sinabi ko rin sa kanila, “Kailangan nating tunay na magsisi. Anuman ang kahihinatnan natin, kailangan nating sundin ang Diyos at gawin ang ating tungkulin.” Pagkatapos nun, hindi na ako naging kasingyabang ng dati. Sa mga pakikipag-ugnayan ko sa iba, hindi ko na gustong magkaroon ng huling kapasyahan. Kapag lumilitaw ang mga isyu, hinihingan ko ng mungkahi ang iba. Madalas kong pinaalalahanan ang sarili ko na dapat kong tanggihan ang sarili ko at mas tingnan ang mga kalakasan ng iba, at nang hindi man lang namamalayan, naging higit akong mapagpakumbaba. Pagkaraan ng ilang buwan, kinonsidera ng iglesia ang pag-uugali ko at natukoy na may malubha akong anticristong disposisyon, pero hindi isang anticristong diwa, kaya hindi ako itiniwalag. Kalaunan, nang makitang meron akong kaunting pagkakilala sa sarili at pagsisisi, nagsaayos muli ang iglesia ng isang tungkulin para sa akin. Napuno ako ng emosyon nang marinig ko ‘yon at nanlabo ang mga mata ko sa luha. Naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ang disposisyon ng Diyos ay mahalaga at malinaw, at binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya; hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kung paanong maaari rin Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan dahil sa kanilang mga pag-uugali. Maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari rin Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga alituntunin at gamitin ang mga ganoong alituntunin upang limitahan at bigyang-kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang makabuluhang mga ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspeto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan, at na ibinubunyag din Niya na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng nagbabagong kasiglahan. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang pagiging totoo ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal na kabaitan at Kanyang pagpaparaya(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay napakasigla at puno ng lakas. Maging ito ma’y poot, pagiging maharlika, awa, o pagmamahal, tunay lahat ito. Paunti-unting ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon, batay sa saloobin ng tao tungo sa Diyos at sa katotohanan. Nung ako’y nasa sarili kong landas, paulit-ulit na nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para ilantad ako, patamaan ako, at disiplinahin ako, pero hindi ako kailanman nagsisi, hindi kailanman nagnilay-nilay sa sarili, at nanatili akong mapagmatigas. Nung dumating na sa puntong matitiwalag na ako, saka lang ako nagising sa wakas at nagsimulang magnilay-nilay sa sarili. Nung sandaling nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa at pagkasuklam sa sarili, nung naging handa akong bitawan ang aking mga maling hangarin at bumalik sa Diyos, nagpakita ng awa ang Diyos sa akin at binigyan ako ng isa pang pagkakataong magsisi. Poot, sumpa, awa, o pagpaparaya man ito ng Diyos, lahat ito ay tunay na pagpapamalas ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ipinahahayag ang disposisyon ng Diyos sa akin batay sa saloobin ko sa Diyos at sa katotohanan. Tunay ko ring naranasan na ang disposisyon ng Diyos ay puno ng masiglang lakas. Laging nasa tabi ko ang Diyos, pinagmamasdan ang bawat salita at gawa ko. Anuman ang iniisip ko, paano man ako kumikilos, may opinyon ang Diyos. Kung hindi ako naharap sa pagkakatiwalag nung panahong ‘yon, hindi sana magbabago ang aking manhid at matigas na puso, at talagang hindi ko sana mapagninilayan ang sarili ko. Kung wala ang malupit na pagkastigo at pagdidisiplina ng Diyos, mas lalo lang akong magiging mayabang, at mas lalaban sa Diyos, at sa huli ay mapaparusahan ako. Nagdulot ng pagbabago sa buhay ko bilang isang mananampalataya ang karanasang ito. Nakita ko ang taimtim na mga layunin ng Diyos, at naramdaman ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos.

Nung nakaraang tag-araw, isinaayos ng iglesia na gumawa akong muli ng mga video. Minsan, naipit ako sa isang ideya tungkol sa isang video, at nung sandaling ‘yon, lumapit sa akin ang isang sister. Nang malaman niya ang suliranin ko, ibinahagi niya ang kanyang opinyon. Nakinig ako sa kanya at naramdaman kong malayong-malayo sa gusto ko ang sinabi niya, at medyo naging mapanghamak ako. Naisip ko, “Wala pa akong naiisip na ideya pagkatapos mag-isip nang husto, hindi mo pa nga nagawa ang tungkuling ito, kaya paano ka magkakaroon ng anumang magagandang mungkahi?” Ayoko nang makinig. Sa puntong ito, napagtanto ko na muli na namang umuusbong ang mayabang kong disposisyon, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, at naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko kamakailan: “Ang landas ng pagiging perpekto ay naaabot sa pamamagitan ng pagpapasakop mo sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi mo alam kung sa pamamagitan ng anong uri ng tao gagawa ang Diyos upang gawin kang perpekto, o sa pamamagitan ng anong tao, pangyayari, o bagay ka Niya hahayaang makamit o makita ang mga bagay. Kung makatatapak ka sa tamang landas na ito, ipinakikita nito na mayroong malaking pag-asang magawa kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo magagawa, ipinakikita nitong malungkot at walang liwanag ang kinabukasan mo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos). Nakita kong wala talaga akong katwiran. Inakala kong hindi makakapagbigay ng magagandang mungkahi ang sister kung walang karanasan sa tungkuling ito. Sariling paghusga ko lang ‘yon at hindi naaayon sa mga salita ng Diyos. Inisip kong may talino ako, na may mga kaloob ako, pero kung hindi ako ginagabayan ng Diyos, kahit anong pilit ko, hindi ako makakabuo ng ideya. Naisip ko ang mga kabiguan ko dati at hindi na nangahas na magtiwalang muli sa sarili ko. Marahil aakayin o bibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang sister na ito, kaya hindi ako pwedeng maging mayabang o limitahan siya. Sinimulan kong tanggihan ang sarili ko, maingat na makinig sa mga mungkahi ng sister, at nang hindi namamalayan, nakakuha ako ng inspirasyon mula sa pag-uusap namin at mas naging malinaw ang pag-iisip ko. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos! Habang mas lalo kong nararanasan ‘yon, mas lalo kong nararamdaman na naging napakayabang ko. Nakita ko na labis akong ginawang tiwali ni Satanas, at na napakalalim ng pagkakaugat ng mayabang kong kalikasan, at mas lalo ko pang kinamuhian ang sarili ko, pero alam kong hindi ko malulutas agad ang problema ng pagkakaroon ng mayabang na kalikasan, at na kailangan itong malutas sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghatol at pagtatabas ng Diyos. Madalas akong manalangin sa Diyos, hinihiling ang Kanyang pagkastigo at pagdidisiplina, at sumusumpa na gaano man ako magdusa, patuloy kong hahangarin ang katotohanan, gagawin ang aking tungkulin, at aaluin ang puso ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Sandali ng Pagpili

Ni Li Yang, TsinaIsinilang ako sa isang nayon na sakahan at lumaki ako sa isang mahirap na pamilya. Mga simpleng magsasaka lang ang aking...

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen