Paano ko Nabago ang Aking Mapagmataas na Sarili
Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay ginagawang perpekto ang tao, at talagang angkop. Hindi kailanman nakagawa ng gawain ang Diyos sa lumipas na mga kapanahunan na kagaya nito; sa ngayon, gumagawa Siya sa inyong kalooban kaya napahalagahan ninyo ang Kanyang karunungan. Bagama’t nagtiis na kayo ng kaunting pagdurusa sa inyong kalooban, matatag at payapa ang inyong puso; inyong biyaya ang matamasa ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Anuman ang magagawa ninyong makamit sa hinaharap, lahat ng inyong nakikita sa gawain ng Diyos sa inyo sa ngayon ay pag-ibig. Kung hindi nararanasan ng tao ang paghatol at pagpipino ng Diyos, ang kanyang mga kilos at sigla ay laging mananatiling paimbabaw, at ang kanyang disposisyon ay laging mananatiling hindi nagbabago. Maibibilang ba ito na nakamit ka na ng Diyos? Sa ngayon, bagama’t matindi pa rin ang kayabangan at kapalaluan sa kalooban ng tao, mas matatag na ang disposisyon ng tao kaysa rati. Pinakikitunguhan ka ng Diyos upang iligtas ka, at bagama’t maaari kang makadama ng kaunting pasakit sa panahong iyon, darating ang araw na magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Sa oras na iyon, aalalahanin mo ang nakalipas at makikita mo kung gaano karunong ang gawain ng Diyos, at sa oras na iyon ay magagawa mong tunay na maunawaan ang kalooban ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Inakala ko dati na matatamo ng pagiging masigasig at kahandaang magsakripisyo sa aking tungkulin ang pagsang-ayon ng Diyos. Hindi ako nagtuon sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita o ng paghahangad na magbago ng disposisyon. Ginawa ko lang ang tungkulin ko nang may kayabangan at sa pagiging diktador. Hinigpitan at sinaktan ko ang mga kapatid, at sinira ko ang gawain ng iglesia. Kalaunan ay nakita ko na kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi malilinis at mababago ang aking tiwaling disposisyon at hindi ko magagawa nang mabuti kailanman ang aking tungkulin para mapalugod ang Diyos. Talagang naranasan ko na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ang ating kaligtasan.
Noong 2016 ibinigay sa akin ang tungkulin ng isang set designer. Natuwa ako, at nag-isip, “Nag-aral ako ng interior design at mahigit apat na taon ang karanasan ko sa larangan. Kakailanganin kong gamitin nang lubos ang mga propesyonal kong kasanayan para magawa itong mabuti at mapalugod ang Diyos.” Pagkatapos noon, natuto ako ng mga kasanayan kasama ng mga kapatid at nagbahagi kami tungkol sa mga prinsipyo. Paglaon ay nagsimula akong makakita ng kaunting resulta sa aking tungkulin. Nang marinig kong sabihin ng isang tao na, “Ang galing ng ginawa ninyo sa set na ito. Talagang makatotohanan,” kahit sumagot ako na dahil iyon sa patnubay ng Diyos, ang naisip ko ay, “Aba siyempre, hindi mo ba alam kung sino ang nagdisenyo niyan? Propesyonal ako!” Nagsimula akong maglakad nang taas-noo at magsalita nang mas malakas. Kapag may nakita akong kaunting pagkakamali sa tungkulin ng iba pang mga miyembro ng team, hinahamak ko sila. Hindi ko na sila kinakausap tungkol sa mga pag-aayos sa set. Naisip ko na dahil nag-aral ako ng design, hindi na kailangan iyon, na pagsasayang lang ng oras iyon dahil susunod lang naman sila sa mga ideya ko. Mag-isa kong bubuuin ang plano at pagkatapos ay tatalakayin ko iyon sa direktor.
Matapos akong ma-promote bilang team leader, lalo akong naging mapagmataas sa mga kapatid. Minsan nang bumubuo kami ng isang eksena sa restawran, sinabi ni Brother Zhang sa team, “Kulang sa taas ang pintuan sa harap, hindi magandang tingnan.” Hindi ko iyon pinakinggan. Inisip ko, “Napakarami ko nang dinisenyong eksena sa restawran. Sa palagay mo ba talagang hindi ko alam kung gaano kataas dapat ang pintuan? Hindi ka pa nakagawa ng maraming set, nakapag-aral ng design, at nagkaroon ng praktikal na karanasan, pero gusto mo nang magmarunong.” Yamot kong tinanggihan ang suhestyon niya at sinabi ko sa lahat na huwag baguhin ang pagkakaayos ko. Nang makita iyon ng cameraman, sinabi niya na napakababa ng pintuan at matatakpan nito ang kuha. Hindi niya iyon makukuhanan nang ganoon. Wala kaming nagawa kundi gumawa ng bagong pintuan. Kalaunan, kinailangan naming gumawa ng platera, kaya ipinagawa ko iyon kay Brother Chen ayon sa drowing na ginawa ko. Sabi niya, “Masyadong malapad sa gitna. Hindi maganda. Kitiran kaya natin nang kaunti?” Naisip ko, “Ang dami kong materyal na tiningnan online at ito ang tamang sukat. Sundin mo ang sinasabi ko at hindi ka magkakamali.” Ipinilit ko ang gusto ko, sabi ko, “Ano ang pinagsasabi mo? Gayahin mo lang ang idinrowing ko!” Sa huli, sinabi ng lahat na masyadong malapad ang gitna at hindi magandang tingnan. Kinailangang gumugol ng mas maraming oras ni Brother Chen para baguhin iyon, na nakaantala sa progreso ng pagsasapelikula. Hindi pa rin ako nagmuni-muni o nagsikap na kilalanin ang sarili ko, kundi binalewala ko lang iyon. Naisip ko, “Sino ba ang hindi nagkakamali kung minsan? Maliit na bagay lang naman ang kaunting oras at materyales na aayusin.”
Minsan pagkatapos ng isang pagtitipon, sinabi sa akin ni Brother Zhang ang komentong ito: “Napansin ko na medyo naging dominante ka sa pakikipagtulungan sa iba nitong huli. Hindi ka nakikinig sa mga suhestyon namin, at hindi mo tinatanggap ang ilang lubos na magagawa. Nagsasalita ka nang may kasupladuhan at nasasakal ang mga tao, lagi mong ipinipilit na gawin namin ang mga bagay-bagay sa iyong paraan. Lahat ng ito ay pagpapakita ng kayabangan.” Sumang-ayon ako rito sa salita pero inisip ko, “Mayabang ako, pero hindi iyon malaking problema.” Makalipas ang ilang araw, hinarap din ako ni Brother Liu tungkol sa kayabangan ko, na sinasabi na ayaw kong makinig sa iba at nasasakal ko sila. Ipinagtanggol ko ang sarili ko bago pa siya matapos. Naisip ko, “Wala kayong binatbat sa akin. Bakit ang lakas ng loob ninyong harapin ako?” Habang lalo kong iniisip iyon, lalong hindi ko iyon matanggap. Nangangatwiran din ako pati na sa mga panalangin ko sa Diyos. Nang lalo kong gawin iyon, lalong nagdilim at nalungkot ang aking espiritu. Nawalan ako ng direksyon sa mga disenyo ko sa set, pero hindi pa rin ako nagmuni-muni tungkol sa sarili ko. Isang araw nabangga ang binti ko sa isang upuang metal, at nagkaroon ako ng napakahabang hiwa. Pito ang naging tahi ko sa ospital. Alam na alam ko na hindi ito aksidente, kundi kalooban ng Diyos. Sa wakas ay pinayapa ko ang puso ko at talagang nagmuni-muni ako. Tuwing may mga suhestyon o makakatulong na mga payo ang mga kapatid, hindi ako kumbinsido at tumututol ako. Hindi man lang ako marunong tumanggap o sumunod. Masyado akong matigas. Nasasaisip ito, nagdasal ako sa Diyos, na hinihiling sa Kanya na gabayan ako para malaman ko ang sarili kong tiwaling disposisyon.
Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos sa mga debosyonal ko sa umaga: “Kung itinuturing mong mas hamak ang iba kaysa sa iyo, ikaw ay mapagmagaling, palalo, at walang pakinabang sa iba” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 22). “Huwag mong isipin na likas kang matalino, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na mas hangal ka kaysa sinumang iba pang mga tao sa lupa na may katwiran, sapagkat napakataas ng tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka sa iba; tila nahihiwatigan mo ang pinakamaliit na detalye ng Aking mga kilos. Sa katunayan, isa kang tao na walang katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang Aking gagawin, at lalo kang walang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. Kaya sinasabi Ko na hindi ka kapantay ng isang matandang magsasaka na nagtatrabaho sa lupain, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nagbubungkal ng lupa. Hindi ka nag-uukol ng kahit isang segundo para pag-isipan ang iyong buhay, wala kang alam na dapat ipagbunyi, at lalo nang wala kang alam tungkol sa sarili mo. Masyado kang ‘mapagmataas’!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang: Hindi Ba Sila mga Hayop?). Labis akong nalungkot pagkabasa ko nito. Pakiramdam ko inilalantad ako sa bawat salita. Mula nang maging set designer ako, akala ko walang makakapalit sa talento ko dahil alam ko ang industriya at may karanasan ako. Mayabang ako sa mga kapatid, at inisip ko na ako ang propesyonal, kaya wala nang ibang karapat-dapat na pag-ukulan ko ng panahon. Ako palagi ang nasusunod at ayaw kong talakayin ang trabaho sa iba. Inakala ko na pagsasayang ng oras iyon dahil wala naman silang anumang alam sa pagdidisenyo. Nang atubili kong talakayin ang isang bagay, inisip ko na mas marami akong alam kaya mas nauunawaan ko ang mga bagay-bagay. Hindi ko pinag-isipan kailanman ang anumang suhestyon nila, kundi tinanggihan ko lang ang mga iyon. Wala ako ni katiting na respeto sa iba. Nang sabihin ng mga kapatid na mayabang ako at hinimok akong magmuni-muni, hindi ko rin matanggap iyon, kundi nanatili akong palaban. Nakita ko na wala akong ipinakitang iba kundi kayabangan. Sa pamumuhay nang may kayabangan, hinamak ko lang ang iba at wala akong ginawa kundi sakalin at saktan ang mga kapatid. Mayabang at diktador ako sa gawain ko, na pinipilit ang iba na makinig sa akin, kaya paulit-ulit nilang ginagawa ang mga bagay-bagay at naaantala ang gawain ng iglesia. Talagang masama ang ginagawa ko! Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, medyo natakot ako. Nagdasal ako at nagsisi sa Diyos. Ayaw ko nang gawin ang mga bagay-bagay nang may kayabangan.
Sa tungkulin ko pagkatapos noon, sadya kong kinalimutan ang sarili ko at pinakinggan ang mga suhestyon ng ibang mga tao para makabawi sa mga pagkukulang ko. Kung minsan ay nagdodrowing ako ng isang disenyo at nagbibigay ng napakaraming suhestyon ang mga kapatid na naiiba sa mga ideya ko. Tatanggihan ko na sana ang mga iyon, pagkatapos ay natatanto ko na nagiging mayabang na naman ako. Taos-puso akong nagdasal sa Diyos, na hinihiling sa Kanya na gabayan akong talikuran ang aking sarili at hindi na mamuhay ayon sa aking tiwaling disposisyon. Gusto kong sundin ang suhestyon ng kahit sino na pinaka-makakatulong sa gawain ng bahay ng Diyos. Nang simulan kong tanggapin ang mga ideya ng iba, nakita ko na ang props namin ay mas umubra, mas magagamit, praktikal, at mas mabilis gawin. Natikman ko ang tamis ng isagawa ang mga salita ng Diyos. Pero hindi ko talaga naunawaan ang likas na kayabangan ko at wala akong kamalayan sa sarili. Makalipas ang ilang buwan, nakita ko na tanggap na tanggap ng lahat ang mga set namin at medyo naging matagumpay ako sa aking tungkulin. Bago ko pa nalaman, muli na namang lumalabas ang kayabangan ko.
Minsan habang binubuo namin ang isang set ng bahay ng isang mayamang tao, naisip ko, “Primera-klase ang mga gamit ng isang taong katulad noon para ipakita ang katayuan nila.” Ipinaayos ko ang set sa mga kapatid ayon sa gusto ko. Sabi ni Brother Zhang, masyado raw moderno iyon at hindi angkop sa henerasyon ng bidang tauhan. Hindi ako natuwa nang marinig ko iyon. Naisip ko, “Ano ba ang alam mo? Ang tawag dito ay pag-angkop. Kailangan natin itong idisenyo ayon sa katayuan niya nang hindi ito nililimitahan sa isang tiyak na panahon. Sa tingin ko, wala ka lang alam kung anong klaseng estilo ang nararapat sa mga bahay na ito. Masyadong makaluma ang mga ideya mo.” Ang sinabi ko sa kanya ay, “Alam ko kung anong panahon ito. Magtiwala ka na lang sa akin.” Hindi nagtagal, sinabi rin ni Brother Chen na masyadong moderno ang mga bintana. Inis na inis ako, at nagtataka kung bakit masyado silang makaluma at hindi marunong umangkop. Pinigilan ko ang galit ko at ipinilit ang pananaw ko. Hindi na nagsalita pa si Brother Chen. Nang matapos ang set, nagulat ako nang sabihin ng direktor na hindi makatotohanan ang disenyo namin, na masyado iyong magarbo at hindi bagay sa henerasyon ng bidang tauhan. Kinailangan naming baguhin iyon. Pero hindi ko pa rin iyon matanggap. Pakiramdam ko hindi lang nila maintindihan iyon. Pero dahil sinabi na ng lahat na hindi iyon umuubra, atubili akong sumang-ayon na baguhin ang set.
Kalaunan, kinailangan namin ng estilong 80’s na kang bed-stove para sa isang set. Naisip ko na kakailanganin namin ng malaking halaga para doon, pero sabi ni Brother Zhang, makakatipid kami nang malaki kung kami mismo ang gagawa noon at may naisip na siyang detalyadong plano. Pero nasuklam lang ako sa ideyang iyon. Makakatipid kami kung kami mismo ang gagawa noon, pero hindi iyon magiging kasintibay. Hindi ba masasayang lang ang pagod namin? Sinabi ko rin sa direktor na hindi talaga uubra ang ideya ni Brother Zhang. Sinabi ng direktor na masyadong malaki ang badyet ko, kaya inalis na lang niya ang eksena na may kang. Pagkatapos ay may suhestyon ulit si Brother Zhang at pinangaralan ko siya, sa pag-aakala na hindi niya naunawaan iyon at matigas ang ulo niya. Nakita ng isa pang sister na pinipigilan ko siya at sinabi na mayabang ako. Hindi ko iyon tinanggap. Kahit sa pagtalakay sa direktor tungkol sa mga pag-aayos ng set, nanatili akong mayabang at matigas ang ulo. Dahil dito, ang mga set kung minsan ay hindi ang kailangan namin at kinailangan pang baguhin. Nakaantala ito sa pagsasapelikula.
Hindi nagtagal at tinanggal ako sa tungkuling iyon. Sabi sa akin ng lider, “Sabi ng mga kapatid, mayabang ka raw, ginagawa mo ang mga bagay ayon sa sarili mong paraan at ikaw palagi ang nasusunod sa huli. Pinangangaralan mo ang mga tao nang may kasupladuhan. Umaakto ka na parang ikaw ang amo at mga tauhan mo sila. Nasasakal silang lahat sa iyo.” Nagulat ako nang marinig ko ito. Hindi ko inakala kailanman na mukhang napakayabang ko at wala sa katwiran para sa iba. Ang sama-sama ng loob ko na wala na akong ibang narinig na sinabi ng lider. Ilang araw akong naging miserable. Hindi ako makakain o makatulog nang maayos. Naisip ko ang isang linya ng mga salita ng Diyos habang nagmumuni-muni ako: “Dapat suriing muli ng bawat isa sa inyo kung paano kayo naniwala sa Diyos sa buong buhay ninyo” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita). Pinagnilayan ko ito, na iniisip na, “Limang taon na akong naniniwala sa Diyos, pero hindi ko pa talaga napagmuni-muni o nakilala ang sarili ko. Malaking kayabangan ang naihayag ko nang hindi ko namamalayan. Totoo talagang kailangan kong magmuni-muni tungkol sa sarili ko.” Ito ang idinalangin ko sa Diyos: “Diyos ko, gabayan at liwanagan Mo sana ako para malaman ko ang aking tiwaling disposisyon, at magawa kong kamuhian at talikuran ang sarili ko. Handa akong magsisi.” Isang araw pumunta ako sa lokasyon na pinagkukunan ng pelikula para sa isang gawain kung saan nakakita ako ng kang na estilong 80’s na nagawa ayon sa suhestyon ni Brother Zhang. Wala pang kalahati iyon ng halaga ng unang badyet ko. Marami ring nagawang props sina Brother Zhang mula sa karton. Maganda ang kinalabasan ng mga iyon, tipid sa oras at pagod, at mas kakaunti ang materyales na ginamit. Napahiya ako nang makita ko ito. Nakita ko kung gaano ako kayabang at kung gaano kaseryoso ko naantala ang pagkuha namin ng pelikula. Nagsimula akong magtanong sa sarili, “Bakit ba napakayabang ko, lagi kong ipinipilit na makinig sa akin ang mga tao? Ano ba talaga ang ugat nito?”
Sa mga debosyonal ko isang umaga, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kung talagang nasasaloob mo ang katotohanan, natural na magiging tama ang landas na iyong tinatahak. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang kayabangan at kahambugan, makikita mo na imposibleng hindi sumuway sa Diyos; mapipilitan kang sumuway sa Kanya. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na kayabangan at kahambugan. Dahil sa iyong kayabangan at kahambugan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, lagi kang magpasikat, at, sa huli, papalit ka sa lugar ng Diyos at magpapatotoo para sa iyong sarili. Sa huli, gagawin mong mga katotohanan ang iyong sariling mga ideya, ang iyong sariling pag-iisip, at ang iyong sariling mga kuru-kuro para sambahin ka. Tingnan mo kung gaano kalaking kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang likas na kayabangan at kahambugan!” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahabol sa Katotohanan Nakakamit ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakonsiyensya ako nang mabasa ko ito. Alam ko na ang kayabangan ko pero wala akong alam tungkol sa mga kahihinatnan ng kayabangan. Sa huli ay nakita ko mula sa inihayag ng mga salita ng Diyos at sa pagmumuni-muni tungkol sa aking mga salita at gawa na inuudyukan ako nitong gumawa ng masama at labanan ang Diyos. Itinulak ako ng aking likas na kayabangan na taasang masyado ang tingin ko sa sarili ko, kaya binalewala ko ang iba dahil may kaunti akong kasanayan. Akala ko laging tama ang opinyon ko sa mga bagay-bagay at wala akong kapantay, na kailangan nilang gawin ang sinasabi ko. Kapag sinabi kong “kaliwa,” walang puwedeng kumanan, at walang puwedeng magbigay ng ibang suhestyon. Pinagalitan ko ang sinumang hindi nakinig sa akin, at matigas ang ulo ko at diktador ako. Nangongontrol ako at tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Ang mga salitang ito mula sa Diyos, “Dahil sa iyong kayabangan at kahambugan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga,” ay lalong nagpaisip sa akin kung paano ako naging mapagmayabang sa tungkulin ko. Hindi ko hinangad ang kalooban ng Diyos o ang mga prinsipyo ng katotohanan kailanman. Kapag may suhestyon ang iba, hindi ko inisip kailanman kung nanggaling iyon sa Diyos, kung patnubay iyon ng Diyos. Kung hindi ko iyon ideya, hindi ko na lang pinakinggan iyon. Nakita ko na wala man lang akong anumang pagpipitagan sa Diyos. Masyado akong mayabang na tinrato ko ang iba nang may paghamak at walang puwang ang Diyos sa puso ko. Sa pagsampalataya, dapat akong magpasakop sa katotohanan at sa gawain ng Banal na Espiritu. Anuman ang suhestyon ng isang kapatid, angkop man iyon sa sarili kong ideya o hindi, posibleng nanggaling iyon sa Banal na Espiritu. Dapat ko iyong tanggapin at suriin nang may pusong nagpapasakop at may takot sa Diyos. Kung umaayon iyon sa katotohanan at makakatulong sa gawain ng bahay ng Diyos, dapat kong sundin at ipatupad iyon. Kung tatanggihan ko ang isang bagay mula sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, paghadlang iyon sa gawain ng Espiritu at paglaban sa Diyos. Pagkakasala iyon sa disposisyon ng Diyos. Ginawa ko ang tungkulin ko dala ng kayabangan at naging diktador ako, na nakasakal sa mga kapatid at lubos na nagsantabi sa magagandang ideya. Nakagambala ito sa gawain ng iglesia. Ang matanggal ay matuwid na disposisyon ng Diyos sa akin. Iniisip ang lahat ng pinsalang nagawa ko sa mga kapatid at mga pagkaluging nagawa ko sa gawain ng iglesia, napuno ako ng pagsisisi at nakonsiyensya. Talagang kinamuhian ko ang aking katiwalian. Kasabay nito, napuno ako ng pasasalamat sa Diyos, dahil kung hindi ako malupit na nahatulan at nakastigo dahil sa aking kayabangan at katigasan ng ulo, hinding-hindi ko makikilala ang sarili ko. Patuloy ko sigurong nilalabanan ang Diyos.
Kalaunan ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kadalasan, ang mga kaisipan, kilos, at pag-iisip ng mga taong may talento at angking galing ay salungat sa katotohanan, ngunit sila mismo ay hindi ito namamalayan. Iniisip pa rin nila, ‘Tingnan ninyo kung gaano ako katalino; napakatalino nang nagawa kong mga pagpapasiya! Napakatalinong mga desisyon! Hindi ako kayang pantayan ng sinuman sa inyo.’ Nabubuhay sila kalagayan ng narcisismo at pagpapahalaga-sa-sarili. Nahihirapan silang patahimikin ang kanilang puso at magmnuni-muni sa hinihiling sa kanila ng Diyos, kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga prinsipyo ng katotohanan. Nahihirapan silang pumasok sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at nahihirapan silang matagpuan o maunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan, at pumasok sa katotohanang realidad” (“Kung Ano Talaga ang Inaasahan ng Mga Tao Para Mabuhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na kung aasa tayo sa ating mga talento at kalakasan sa buhay, lalo tayong magiging mayabang at nasisiyahan sa sarili at iisipin natin na totoo ang mga bagay na iyon nang hindi hinahangad ang mga prinsipyo ng katotohanan. Akala ko may kaunti akong kasanayan, kaya hindi magagawa ng mga kapatid ang mga disenyo at props sa set nang wala ako, pero ang totoo, ginampanang mabuti ng ilan sa kanila ang kanilang tungkulin nang walang propesyonal na karanasan, mas magaling pa nga silang gumawa ng props kaysa sa akin. Akala ko marami akong alam, bihasa ako, at may magagandang ideya, pero pinagulo ko ang mga bagay-bagay. Hindi nakatulong ang mga bagay na ginawa ko at madalas ay kinailangang ulitin ang mga iyon, kaya nasayang ang oras, pagod, at pera. Nakita ko na sa pag-asa sa aking mga talento at kalakasan nang hindi hinahangad ang mga prinsipyo ng katotohanan, wala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu, kaya hindi ko magampanang mabuti ang tungkulin ko. Kung nasa tama ang puso ng isang tao, liliwanagan at gagabayan sila ng Diyos. Nagkakaloob ng karunungan ang Diyos na hindi maiisip ng tao. Napagtanto ko na walang halaga ang mga talento at kasanayang labis kong ipinagmalaki. Talagang mayabang at walang katwiran na gawin kong puhunan ang mga bagay na iyon. Hiyang-hiya ako habang iniisip ko iyon. Pagkatapos ay idinalangin ko ito sa Diyos: “Ayaw ko nang mabuhay ayon sa aking kayabangan. Nais kong matibay na hangarin at isagawa ang katotohanan, at gampanang mabuti ang tungkulin ko.”
Kalaunan ay tinanggap ko ang tungkulin ng pagdidilig sa mga bagong mananampalataya at naging mas mapagpakumbaba kapag nakikipagtulungan ako sa iba. Sadya kong hinangad ang kalooban ng Diyos kapag may nangyari at mas nakinig ako sa mga suhestyon ng iba. Isang araw ay sinabi sa akin ng isang brother sa team, “Medyo istrikto ang estilo ng pagdidilig at pagsuporta mo sa mga kapatid. Hindi iyon gaanong epektibo. Mas makakabuti kung itutuon mo ang pagdidilig mo sa indibiduwal na mga kahinaan ng mga tao.” Hindi ako gaanong kumbinsido. Pakiramdam ko ginagamit ko lahat ng karanasan ko, kaya paano ako magkakamali sa ginagawa ko? Tatanggihan ko na sana siya nang mapagtanto ko na lumabas na naman ang kayabangan ko. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, pagkatapos ay naalala ko ang siping ito ng Kanyang mga salita: “Kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—ano ang maisasagawa mo para maiwasang maging di-makatwiran at pabasta-basta? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang magbahagi ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan, una sa lahat, ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi mo pagkapit sa sarili mong opinyon, nagdarasal ka. Dahil hindi mo alam ang kaibhan ng tama at mali, hinahayaan mong ihayag at sabihin sa iyo ng Diyos kung ano ang pinakamainam at pinakaangkop na gawin. Habang sumasali ang lahat sa pagbabahagi, naghahatid ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu sa inyong lahat” (Pagbabahagi ng Diyos). Naging masyado akong mayabang at matigas ang ulo noong araw, at nasakal ang iba at nagambala ang gawain ng bahay ng Diyos. Alam kong hindi ako puwedeng magpatuloy sa gayong paraan, na nasasakal ko ang mga tao, nilalabanan ko ang Diyos, kundi kinailangan kong makinig sa mga suhestyon ng ibang mga tao. Dapat ko munang tanggapin iyon at magpasakop ako, pagkatapos ay hangarin ang kalooban ng Diyos. Iyon lang ang paraan para matanggap ang patnubay ng Diyos. Kaya, matiyaga kong pinakinggan ang brother na ito at napagtanto ko na may kailangan pa akong pagbutihin sa mga pamamaraan ko. Ang paraang iminungkahi niya ay mas angkop at maluwag. Isinagawa ko iyon at natuklasan ko na talagang epektibo iyon. Nang payuhan ako ng mga kapatid pagkatapos noon, hindi na ako palaban, kundi tinanggap at sinuri ko ang mga iyon, at tinalakay ko ang mga bagay sa iba para makahanap ng mas mabuting landas ng pagsasagawa. Kalaunan ay sinabi ng lahat na marami silang natutuhan mula sa gayong klaseng pagdidilig. Nakadama ako ng tunay na kapayapaan. Alam kong ito ang patnubay ng Diyos, at wala akong ibang nagawa kundi pasalamatan at purihin Siya. Naranasan ko rin ang mga pagpapala ng Diyos na nagmumula sa pagsasagawa ng mga prinsipyo ng katotohanan sa halip na paggawa ng tungkulin ko nang may kayabangan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.