Ni Vladhia, France
Nahalal ako bilang lider ng iglesia noong 2021. Ilang panahon akong nagkaproblema sa aming gawain ng pagdidilig. Ang ilang tagapagdilig ay hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon, at kapag dumadalo sila, halos hindi sila nagbabahagi. Hindi ko alam kung paano tugunan ang isyu, kaya sinabi ko kay Sister Lucy, na isang lider, ang tungkol sa suliraning ito. Isang araw, isinali niya ang isang mangangaral, na si Brother Matthew, sa aming grupo ng pagtitipon. Alam kong mas nauunawaan ni Brother Matthew ang katotohanan kaysa sa akin, at tinulungan niya ako sa gawain ko noon. Pero hindi ako masyadong nasiyahan na makita siyang sumali sa grupo namin, at ang una kong naisip ay kung pumarito ba siya para pangasiwaan ang gawain ko. Nag-alala ako na kung may matutuklasan siyang mga isyu at ilalantad niya ako, maaari akong mapahiya, at hindi na ako gaanong igagalang ng iba bilang lider, kaya ayokong mangasiwa siya sa gawain ko. Kalaunan, napansin ko na isinali ni Sister Lucy si Brother Matthew sa ilang iba pang malalaking grupo sa iglesia, at nagpadala ng mga mensahe ang lahat ng kapatid para salubungin siya. Lalong sumama ang loob ko rito. Pakiramdam ko’y malamang na pumarito siya para pumalit sa pwesto ko.
Nung gabing ‘yon, dumalo si Brother Matthew sa isang pagtitipon para sa mga bagong mananampalataya. Mataman silang nakinig sa kanyang pagbabahagi at sabik na nakisalamuha sa kanya, pero tila hindi sila interesado sa pagbabahagi ko. Nainggit talaga ako kay Matthew at ayoko nang magsalita pa. Pakiramdam ko’y hindi na ako kailangan ninuman kapag nandoon siya. Masayang-masaya ang lahat matapos marinig ang pagbabahagi ni Matthew at paulit-ulit silang nagpasalamat sa Diyos. Sinabi pa nga ng ilan na hindi pa sila kailanman nakaramdam ng ganoong kaliwanagan sa mga pagtitipon noon, at marami silang nakuha sa pagbabahagi ni Matthew. Nainis talaga ako nang marinig na sinabi ‘yon ng mga kapatid at pakiramdam ko’y hindi nila ako pinansin, na para bang wala akong anumang naibahagi sa kanila. Napahiya ako, at sumama pa nga ang loob ko sa mga kapatid, pakiramdam ko’y nakalimutan na nila ang lahat ang ibinahagi ko. Habang tinatapos ang pagtitipon, ibinuod ni Matthew ang ilang bagay para sa amin. Ayokong magsalita, at ayoko talagang marinig na pinupuri siya ng lahat. Gusto kong tapusin kaagad ang pagtitipon hangga’t maaari at lumayo sa lahat ng ito. Tapos bigla akong tinanong ni Matthew kung ano ang tingin ko sa pagtitipon. Ayokong sumali sa talakayan, kaya pabasta-basta lang akong nagsabi ng ilang bagay. Tapos, tinalakay ni Matthew ang ilang isyu na natuklasan niya. Sinabi niyang medyo malawak at hindi malinaw ang pagbabahagi ko, na hindi ito naunawaan ng iba at walang tumugon dito, at na hindi nagbubunga ang ganoong uri ng pagtitipon. Tutol talaga ako nang marinig siyang sabihin ‘yon. Bakit pa niya kailangang isiwalat ang mga problema ko? Siguro dumating siya para puntiryahin talaga ako. Kung tatanggalin niya ako, dapat sabihin niya na lang nang diretso! Nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Matthew.
Kalaunan, iminungkahi ni Brother Matthew na maghanap ng mga sipi ng mga salita ng Diyos na nauugnay sa mga isyu ng mga bagong mananampalataya para sa mga pagtitipon. Maaari kaming higit na makaangkop kapag nagbabahagi, at gumamit ng ilang halimbawa o magbahagi ng maiikling anekdota para tulungan silang maunawaan ang mga salita ng Diyos. Naisip ko na masyadong madetalye ang pagbabahagi nang ganoon at hindi ako sang-ayon dito, pero talagang nagustuhan ng lahat ng iba ang kanyang mga mungkahi. Pagsapit ng gabi, nag-cohost kami ng isa pang pagtitipon, at nag-alala akong pupunahin na naman ako ni Matthew. Naisip ko na puwede akong magtala ng mga problema sa pagbabahagi niya at banggitin ang mga ito kapag patapos na ang pagtitipon. Pero sa gulat ko, nagustuhan ng mga bagong mananampalataya ang ganoong uri ng pagtitipon, at ang pagbibigay ng mga halimbawa sa pagbabahagi ay nakatulong sa kanila na mas maunawaan ang mga salita ng Diyos. Isa itong mabungang pagtitipon. Wala akong mahanap na mali. Pero nang tanungin ni Matthew ang mga dumalo, ang ilan sa kanila ay hindi sumagot, kaya naging asiwa ang sandaling ‘yon. Nasiyahan talaga ako at pakiramdam ko, sa wakas ay nakahanap ako ng problema niya. Tinandaan ko ang pagkukulang niyang ito para mapuna ko rin siya. Nang oras ko nang magbahagi, gusto kong gawin ang aking makakaya para ibahagi ang mga pangunahing punto ng kung ano ang naunawaan ko, na gawin ang aking makakaya para malampasan si Brother Matthew at tingalain ako ng iba. Pero nang hindi ko namamalayan, nagbabahagi na pala ako tungkol sa ibang paksa. Pakiramdam ko’y mahalaga talaga ito at isang bagay na kailangan nilang maunawaan, kaya nagpatuloy lang ako. Pagkatapos ng pagtitipon, inilantad muli ni Brother Matthew ang mga isyu ko, sinasabing lumayo ako sa paksa sa pagbabahagi ko, kaya nahirapan ang lahat na maunawaan ang pangunahing paksa ng pagtitipon sa araw na iyon. Pinaalalahanan din niya akong pag-isipang mabuti ang paksa ng aming pagtitipon. Sinabi rin ng isang sister na masyadong mahaba ang pagbabahagi ko, at hindi niya naunawaan ang pangunahing punto. Naging miserable ako nang marinig ang lahat ng ito at ‘di ko napigilang umiyak. Iniisip ko, bakit patuloy niyang tinatalakay ang mga pagkakamali ko? Ano na lang ang iisipin ng iba sa akin pagkatapos nun? Igagalang pa rin ba nila ako? Galit na galit talaga ako kay Brother Matthew noon at pakiramdam ko’y sinasadya niyang pahirapan ako, na gusto niyang makita ng lahat ang mga kapintasan ko. Gusto ko siyang paalisin, na hindi na siya isali sa mga pagtitipon namin. Pero meron akong kaunting kamalayan na hindi ako dapat mag-isip nang gano’n. Nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, alam kong may aral akong matututunan dito, pero galit talaga ako kay Brother Matthew. Napakahirap para sa akin na tanggapin ang mga mungkahi niya. Paano ko dapat unawain ang sitwasyong ito? Diyos ko, pakiusap tulungan Mo akong manatiling kalmado at patnubayan Mo po akong makilala ang sarili ko, na huwag gumawa ng anumang bagay na magkakasala ako sa Iyo.”
Kinabukasan, naghanap ako ng mga salita ng Diyos para tugunan ang problema ko. Binasa ko ang dalawang sipi. “Mayroong ilan na palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay at mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay pahahalagahan habang sila ay pinababayaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Malisyoso ito! Iniisip lamang ang sariling mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sariling mga hangarin, hindi nagpapakita ng konsiderasyon sa iba o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang ganitong klase ng mga tao ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o sa maaaring magbigay sa kanila ng exposure—halimbawa, kapag naririnig ng mga tao na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng sari-saring talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at makilala. Lahat ng tao ay nais na lumaban para sa katayuan at reputasyon; at ikinahihiya nila ito, pero masama rin ang pakiramdam nila kung hindi nila gagawin. Naiinggit at namumuhi sila kapag may nakikita silang taong namumukod-tangi, at nasusuklam sila, at nadaramang hindi ito patas, iniisip na, ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang nakakakuha ng karangalan? Bakit hindi ako kahit kailan?’ At pagkatapos nilang makaramdam ng pagkasuklam, sinusubukan nila itong pigilin, ngunit hindi nila magawa. Nagdarasal sila sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam sandali, ngunit kapag naharap silang muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin nila ito madaig. Hindi ba iyan nagpapakita ng tayog na kulang pa sa gulang? Kapag nalulubog sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao. Kung naiwaksi na ng isang tao ang mga tiwaling disposisyong ito, hindi ba siya noon malaya at napakawalan na? Pag-isipan mo: para hindi ka mahulog sa mga kalagayan ng pakikipag-unahan sa katanyagan at pakinabang—para mapalaya ang iyong sarili sa mga tiwaling kalagayang ito, palayain ang iyong sarili mula sa mga alalahanin at tanikala ng katayuan at reputasyon—aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan? Aling mga realidad ng katotohanan ang kailangan mong taglayin para magtamo ng kalayaan at pagpapalaya? Una, kailangan mong makita na si Satanas ay gumagamit ng katayuan at reputasyon para gawing tiwali ang mga tao, bitagin sila, abusuhin sila, hamakin sila at ilublob sila sa kasalanan; bukod pa riyan, sa pagtanggap lamang sa katotohanan maaaring talikdan at isantabi ng mga tao ang reputasyon at katayuan. … Kailangan mong matuto na hayaan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling manamantala sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataong mamukod-tangi o magkamit ng karangalan. Dapat mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit huwag mong ipagpaliban ang pagsasagawa ng iyong tungkulin. Maging isang taong gumagawa nang patago, at hindi nagpapasikat sa iba habang matapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Kapag lalo mong binitiwan ang iyong kasikatan at katayuan, lalo mong bibitiwan ang sarili mong mga interes, mas mapapayapa ka, mas magkakaroon ng liwanag sa loob ng puso mo, at mas bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mo at makikita mo! Kung gusto mong baligtarin ang ganitong klase ng tiwaling kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, at pagkatapos ay isantabi ang mga ito, isuko ang mga ito. Kung hindi, habang nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang paligid mo, at lalo kang makakaramdam ng inggit at pagkamuhi, at lalong titindi ang hangarin mong magtamo. Habang mas tumitindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong hindi matatamo, at dahil hindi ka makapagtamo, mas nadaragdagan ang pagkamuhi mo. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Kapag lalong nagdilim ang iyong kalooban, lalo mong hindi magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin; kapag lalo mong hindi nagagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, lalo kang mawawalan ng silbi sa sambahayan ng Diyos. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang ititiwalag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Napakalinaw na inilalarawan ng mga salita ng Diyos ang mainggitin at mapanaghiling mga pag-uugali. Ang mga tao ay naiinggit, tumatanggi, at nakikipaglaban sa sinumang mas mahusay kaysa sa kanila. Isa iyong satanikong disposisyon. Ganyan ako mismo—napakamainggitin. Nang makitang laging sumasang-ayon ang iba sa pagbabahagi at mga mungkahi ni Brother Matthew, ginusto kong makipagkumpitensya sa kanya. Inilagay ako nun sa isang masamang kalagayan, na ginagawa akong miserable at isinadlak ako sa kadiliman. Bago dumating si Brother Matthew, lagi kong pinamumunuan ang mga pagtitipon. Pinupuntahan ako ng mga tagapagdilig tungkol sa mga problemang nararanasan nila, at lahat sila ay humahanga sa akin. Tinatanong nila ang opinyon ko sa kung ano ang ibabahagi sa mga pagtitipon, at pinananabikan nila ang pagbabahagi ko sa mga pagtitipon, upang tulungan silang lumutas ng mga problema. Pero kalaunan, hindi na nalulutas ng pagbabahagi ko ang mga problema nila, kaya hindi nila nagawang bumuti sa kanilang pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Naging negatibo sila at ayaw makipag-usap sa mga pagtitipon. Nang dumating si Brother Matthew at binigyan sila ng tunay na patnubay sa kanilang pagdidilig at ipinakita sa kanila ang isang landas ng pagsasagawa, nakakuha sila ng aktwal na tulong at nakinabang doon. Gusto nilang lahat na marinig ang pagbabahagi niya. Dapat ay naging masaya ako tungkol doon. Nagamit ko sana iyon para pagnilayan ang aking mga problema at pagkukulang. Pero sa halip, hindi lang ako nabigong pagnilayan ang aking sarili, patuloy lang din akong lumaban para sa karangalan at katayuan. Malinaw na marami akong pagkukulang at hindi ako nakagawa ng praktikal na gawain, pero ayoko ng pagdidilig at suporta ninuman. Gusto kong ako lang ang lider sa iglesia para tingalain ako ng lahat, at sa akin lamang sila makinig. Nakatuon lang ako sa sarili kong karangalan at katayuan, pero hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Lubusang inilantad ng sitwasyong ‘yon ang pagnanais ko ng katayuan at ang katiwalian ko. Nanalangin ako, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng kaliwanagan para tunay na magnilay sa sarili.
Nagulat ako nang may mangyaring katulad nun pagkaraan ng tatlong buwan. Sa isang pulong sa gawain, tinanong ako ni Brother Matthew kung kumusta ang mga bagong miyembro ng iglesia. Medyo nagalit ako. Naisip ko na bilang isang mangangaral, dapat ay pamilyar siya sa bawat sitwasyon ng iglesia, kaya bakit niya ako tinatanong? At sa paghiling sa akin na magsalita sa harap ng napakaraming tao, hindi ba’t sinasadya niya akong hiyain, para aminin kong hindi ko magawa nang maayos ang gawain ng pagdidilig? Mabilis at marahas kong sinagot ang tanong niya nang hindi nagbabahagi ng anumang mga detalye, at siniguro kong banggitin ang ilang paghihirap, at tanungin siya kung paano haharapin ang mga ito. Pero pinagsisihan ko ito matapos kong magsalita. Sinasadya kong pahirapan si Brother Matthew, at isang kahiya-hiyang bagay na gawain ‘yon. Napaisip ako kung bakit hindi ko mapigilan ang sarili ko nang ilantad niya ang mga pagkukulang ko sa harap ng iba, bagkus sumama ang loob ko sa kanya, at ginusto pang tandaan ang mga problema niya sa pagbabahagi para ilantad siya sa harap ng lahat, para maghiganti. Alam kong mapanganib ang kalagayang iyon, pero hindi ko alam kung bakit galit na galit ako kay Brother Matthew. Isang gabi, Nabasa ko ang isang sanaysay ng patotoo na tinatawag na “Ang Mapuna ay Naglantad sa Akin.” binanggit dito ang ilan sa mga salita ng Diyos, at binigyan ako nito ng higit na pagkaunawa dito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ano ang pangunahing layunin ng isang anticristo kapag binabatikos at inihihiwalay niya ang isang hindi sumasang-ayon? Hangad niyang gumawa ng sitwasyon sa iglesia kung saan walang tinig na kokontra sa kanya, kung saan ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang pagka-lider, at ang kanyang mga salita ang siya lamang nakapangyayari. Dapat siyang pakinggan ng lahat, at kahit may pagkakaiba sila ng opinyon, hindi nila dapat ipahayag iyon, kundi hayaan iyong mabulok sa kanilang puso. Lahat ng nangangahas na hayagang sumalungat sa kanya ay nagiging kaaway ng anticristong iyon, at iisip siya ng anumang paraan para mapahirap niya ang mga bagay-bagay para sa kanila, at hindi siya makapaghintay na mapaalis sila. Ito ang isa sa mga paraan na inaatake at ibinubukod ng mga anticristo ang isang hindi sumasang-ayon para mapatatag ang kanilang katayuan at maprotektahan ang kanilang kapangyarihan. Iniisip nila, ‘Mabuti para sa iyo na magkaroon ng ibang mga opinyon, subalit hindi ka maaaring mag-ikut-ikot na nagsasalita tungkol sa kanila gaya ng gusto mo, at lalong huwag mong ikompromiso ang aking kapangyarihan at katayuan. Kung mayroon kang bagay na sasabihin, maaari mo itong sabihin sa akin nang sarilinan. Kung sasabihin mo ito sa harapan ng lahat at mapahiya ako, paghiling ito na huwag kang pansinin at kakailanganin kong harapin ka.’ Anong uri ng disposisyon ito? Hindi pinahihintulutan ng mga anticristo ang iba na malayang makapagsalita. Kung mayroon silang opinyon—tungkol man ito sa anticristo o sa anumang bagay—kailangan nila itong kimkimin sa sarili nila; kailangan nilang isaalang-alang ang reputasyon ng anticristo. Kung hindi, ituturing silang kaaway ng anticristo, at babatikusin at ihihiwalay sila. Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang kalikasan ng isang anticristo. At bakit nila ginagawa ito? Hindi nila hinahayaan ang iglesia na magkaroon ng anumang mga alternatibong opinyon, hindi nila pinapayagan ang sinumang hindi sumasang-ayon sa iglesia, hindi nila hinahayaan ang mga taong hinirang ng Diyos na hayagang ibahagi ang katotohanan at tukuyin ang mga tao. Ang labis nilang kinatatakutan ay ang malantad at matukoy ng mga tao; palagi nilang sinisikap na patatagin ang kanilang kapangyarihan at ang katayuan nila sa puso ng mga tao, na sa pakiramdam nila ay hindi dapat mayanig. Hinding-hindi nila maaaring palampasin ang anumang nagbabanta o nakakaapekto sa kanilang pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan at halaga bilang isang lider. Hindi ba nito ipinapakita ang mapanirang kalikasan ng mga anticristo? Dahil hindi sila kuntento sa kapangyarihang taglay na nila, pinalalakas at pinatitibay nila ito at hinahangad nila ang walang hanggang pananakop. Hindi lamang nila gustong kontrolin ang pag-uugali ng iba, kundi maging ang kanilang mga puso. Ang modus operandi ng mga anticristo ay lubos na para maprotektahan ang kanilang kapangyarihan at katayuan, ganap itong resulta ng kanilang pagnanasang kumapit sa kapangyarihan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). Ang kalagayan ko ay katulad mismo ng inilantad ng Diyos. Nang ihayag ni Matthew ang mga pagkakamali at pagkukulang ko, gusto ko siyang pabulaanan at gantihan. Iyon ay mga anticristong pag-uugali. Inamin ko na na mahal ko ang katayuan at mayabang ako, pero wala akong anumang tunay na pagkakilala sa sarili. Sa kaibuturan ng puso ko, akala ko ang pagiging lider ng iglesia ay nangangahulugan na mahusay ako at may kakayahan, at kahit may mga pagkukulang sa tungkulin ko, nagagawa ko pa rin ang gawain ng iglesia, at hindi ako matatanggal. Nang makita kong isali si Brother Matthew sa sunud-sunod na mga grupo ng pagtitipon, pakiramdam ko’y nanganganib ang posisyon ko, na parang may biglang lumitaw na karibal na papalit sa akin. Kinamuhian ko siya, at tinanggihan ko siya. Wala ako ni katiting na pakialam sa kung ano ang kailangan ng mga kapatid, at hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Palihim lang akong nakipaglaban kay Brother Matthew para masiguro ang posisyon ko. Isa ‘yong masamang disposisyon. Tinukoy niya ang mga problema ko, hindi ko ‘yon matanggap, kaya lumaban ako sa kanya. Ginusto ko pang maghiganti sa kanya at pagmukhain siyang masama. Napahiya ako nang pinuna na naman niya ang mga kamalian ko at galit na galit ako sa kanya, ginusto ko pa ngang mapaalis siya. Pero ang totoo, isinasagawa niya ang katotohanan. May mga pagkalingat naman talaga sa gawain ko, at maraming prinsipyo na hindi ko naunawaan. Kaya niya ako tinuturuan ng mas magandang paraan ng paggawa. Pero sa halip na tanggapin siya, patuloy kong sinubukang hanapin ang mga problema niya para mapuna ko siya sa harap ng lahat. Hindi ako nagbabahagi ng anumang mga detalye sa kanya kapag nagtatanong siya tungkol sa gawain ko, bagkus sadya akong nagtatanong para pagmukhain siyang masama. Dati, akala ko naiinggit lang ako sa kanya. Pero napagtanto ko sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos na nagpapakita ako ng anticristong disposisyon. Gusto ko siyang atakihin at gantihan para protektahan ang karangalan at katayuan ko. Malamang na mas malala pa ang nagawa ko kung may pagkakataon ako. Nang makita ko ang aking anticristong disposisyon, kapwa ako nagulat at natakot. Alam kong kung magpapatuloy ako nang gano’n, tiyak na palalayasin ako ng Diyos, dahil hindi ililigtas ng Diyos ang mga anticristo. Nanalangin ako sa Diyos sa pagsisisi, “Makapangyarihang Diyos, hindi ko nagawa nang maayos ang gawain ng isang lider. Buong puso kong ipinaglaban ang sarili kong karangalan at katayuan at nakaya ko pa ngang gumawa ng kasamaan, tulad ng pag-atake at paghihiganti. Ginagampanan ko ang papel ni Satanas sa aking pag-uugali. Diyos ko, gusto ko pong magsisi.”
Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos nun na nakatulong sa akin na makita nang medyo mas malinaw ang aking tiwaling disposisyon. “Ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang katayuan at reputasyon ay higit pa sa mga normal na tao, at nasa loob ng kanilang disposisyon at diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng isang anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at wala nang iba. Para sa isang anticristo, ang katayuan at reputasyon ang kanyang buhay, at ang kanyang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanyang ginagawa, ang una niyang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanyang iniisip, na sapat na patunay na mayroon siyang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi niya isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa isang anticristo, ang katayuan at reputasyon ay hindi ilang karagdagang pangangailangan, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng katayuan o reputasyon; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang katayuan at reputasyon ay malapit na konektado sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang pinagsisikapan sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ay ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang pinagsisikapan, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Inihayag ng siping ito ng mga salita ng Diyos kung ano ang hinahangad ko noon pa man, at ang kalikasan at diwa ko. Ang pinakamahalaga sa akin ay ang sarili kong karangalan at katayuan. Sa pakikisalamuha ko sa iba at sa lahat ng aking ginawa, lagi kong iniisip na mag-iwan ng magandang impresyon, para makuha ang respeto ng iba. Ganyan ang itinuro sa’kin mula nung maliit pa ako, at palagi kong sinisikap na maging pinakamahusay. Nung hayskul, palagi akong nakikipagkumpitensya sa iba sa pagsisikap na maging ang pinakamagaling, ang pinakanamumukod-tanging estudyante sa klase ko, para hangaan at tingalain ako ng iba. Pagkatapos sumapi sa iglesia, ganap pa rin akong nakatuon sa aking reputasyon at katayuan, laging gusto na hangaan ng iba. Akala ko itinalaga ng iglesia ang isang tungkulin sa akin dahil meron akong mga espesyal na kakayahan, at mabilis at maayos kong nagagawa ang mga bagay-bagay. Nang maging lider ako kalaunan, lalo pa akong naging mayabang at labis na mapagpahalaga sa sarili. Palagi kong nais na ipakita ang mga abilidad ko sa pamamagitan ng pagbabahagi, pero hindi ako nakatuon na matutunan ang mga pagkakamali ko sa aking tungkulin at makabawi para sa mga ito. Nang tukuyin ni Brother Matthew ang mga pagkukulang ko, pakiramdam ko’y napahiya ako, at nawala ang paghanga sa akin ng mga kapatid. Hindi ko matanggap ‘yon, kaya gusto ko siyang atakihin at gantihan. Nakita ko mula sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos na lahat ng nagawa ko ay para protektahan ang karangalan at katayuan ko, na kasuklam-suklam sa Diyos. Hiniling ko sa Diyos na iligtas ako mula sa tiwaling disposisyong iyon.
Pinadalhan ako ng mga kapatid ng ilang salita ng Diyos pagkatapos nun. “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang isinasaalang-alang ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa na mas mababa kaysa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang takot sa Diyos sa kanilang mga puso. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kapamahalaan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging nadarama ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para magkaroon ng kapangyarihan sa iba. Ang ganitong tao ay hindi iginagalang ang Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, o bantog at marangal, o namumukod sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Laging iniisip na namumukod ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanya, o maging mas mahusay sa kanya—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na maging mas mataas o mas malakas kaysa sa sarili niya—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanya, at kapag nagkaroon sila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay magagawa kang protektahan ang iyong reputasyon, hindi magawang tanggapin ang patnubay ng iba, hindi magawang harapin ang sarili mong mga pagkukulang, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging padaskol ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo. Kung nagagawa ninyo, unti-unti, na siyasatin nang husto ang lahat ng detalyeng ito, na magtamo ng mga tagumpay sa mga ito, at magkamit ng pagkaunawa tungkol sa mga ito; at kung pagkatapos ay nagagawa ninyong unti-unting talikdan ang mga kaisipang ito, at talikdan ang mga maling kuru-kuro, pananaw at maging mga asal na ito, at hindi kayo napipigil ng mga ito; at kung, sa pagtupad ng inyong tungkulin, ay nagagawa ninyong matagpuan ang tamang katayuan para sa inyo, at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at tuparin ang tungkulin na kaya at dapat ninyong gawin; kung gayon, sa pagdaan ng panahon, magagawa ninyong tuparin ang inyong mga tungkulin nang mas mahusay. Ito ay pagpasok sa realidad ng katotohanan. Kung kaya mong pumasok sa realidad ng katotohanan, magmumukha ka sa iba na nagtataglay ng isang wangis ng tao, at sasabihin ng mga tao, ‘Ang taong ito ay umaasal ayon sa kanyang katayuan, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin sa isang maayos na paraan. Hindi siya umaasa sa pagiging likas, sa pagiging mainitin ng ulo, o sa kanyang tiwali at satanikong disposisyon upang gawin ang kanyang tungkulin. Kumikilos siya nang may hinahon, may puso siyang gumagalang sa Diyos, may pagmamahal siya sa katotohanan, at ang kanyang asal at mga pahayag ay nagpapakita na natalikdan na niya ang kanyang sariling laman at mga kagustuhan.’ Lubhang kahanga-hanga ang umasal nang ganoon! Sa mga pagkakataon na binabanggit ng iba ang iyong mga pagkukulang, nagagawa mong hindi lamang tanggapin ang mga ito, kundi umasa sa mabuti, hinaharap ang mga pagkukulang at kapintasan mo nang may tatag. Lubhang normal ang lagay ng isip mo, malaya sa mga kasukdulan, malaya sa mainit na dugo. Hindi nga ba’t ganito ang magtaglay ng isang wangis ng tao? Tanging ang mga ganitong tao ang may katinuan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang ugat ng problema. Marami sa ating katiwalian ay nagmumula sa isang mayabang na kalikasan. Ang mayabang kong disposisyon ang dahilan kung bakit ako naiinggit at mapanlaban kay Brother Matthew, at hindi tinatanggap ang kanyang mga mungkahi. Namumuhay ako sa pagmamataas at hindi nakikita ang sarili kong mga pagkakamali. Kahit na kapaki-pakinabang sa akin ang mga mungkahi niya, hindi ko ito tinatanggap. Ayokong tanggapin ang tulong at patnubay niya, sa pagsisikap na protektahan ang aking karangalan at katayuan. Hindi ko na inisip kung ano ang dapat kong gawin para magawa ko nang maayos ang tungkulin ko. Malinaw na may ilang suliranin sa gawain at hindi ako gumagawa ng magandang trabaho, pero mayabang ako at mapanlaban. Wala talaga akong kamalayan sa sarili. Tinukoy ni Brother Matthew ang ilang praktikal na isyu na pawang mga kapintasan sa tungkulin ko. Ayokong tanggapin ‘yon o pagnilayan ang sarili ko, bagkus ay hinanapan ko siya ng mali. Pero ang totoo, talagang praktikal ang pagbabahagi niya at nakatutulong sa pag-unawa ng mga bagong mananampalataya sa katotohanan, mas nakakatulong at kapaki-pakinabang iyon sa kanila kaysa sa mga pagtitipon na pinangunahan ko noon. Nang maharap sa mga katunayan, hindi ko maamin na mas mahusay si Brother Matthew kaysa sa akin, bagkus ay nainis ako sa kanya at nainggit ako. Talagang mayabang ako, labis na mapagpahalaga sa sarili, at hindi makatwiran. Masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko. Palagi kong nais na maging pinakamahusay sa lahat, at purihin ng iba. Iyon ang disposisyon ng arkanghel at ito ay labag sa Diyos. Nanalangin ako sa puso ko, handang hangarin ang katotohanan at baguhin ang aking tiwaling disposisyon, para maging isang makatwirang tao.
Kalaunan sa aking mga debosyonal, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ito ang uri ng kapaligirang dapat na mayroon sa loob ng iglesia—ang lahat ay nakatuon sa katotohanan at nagsusumikap na ito ay makamit. Hindi mahalaga kung gaano katanda o kabata ang mga tao, o kung sila man ay matatagal nang mananampalataya o hindi. Ni hindi mahalaga kung mahusay ang kanilang kakayahan o hindi. Ang mga bagay na ito ay walang halaga. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay. Ang mga bagay na kailangan mong tingnan ay kung sino ang nagsasalita nang tama at naaayon sa katotohanan, kung sino nag-iisip sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung sino ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nakakaunawa nang mas malinaw sa katotohanan, na may diwa ng pagiging matuwid, at handang magdusa. Ang gayong mga tao ay dapat suportahan at palakpakan ng kanilang mga kapatid. Ang kapaligirang ito ng katuwiran na nagmumula sa paghahangad na matamo ang katotohanan ang kailangang mamayani sa loob ng iglesia; sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu, at pagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala at patnubay. Kung ang kapaligirang namamayani sa loob ng iglesia ay ang pakikipagtsismisan, pakikialam sa isa’t isa, pagtatanim ng sama ng loob sa isa’t isa, paninibugho sa isa’t isa, at pakikipagtalo sa isa’t isa, tiyak ngang hindi gagawa sa inyo ang Banal na Espiritu. Ang pakikipag-alitan sa isa’t isa at palihim na awayan, pandaraya, panlilinlang, at pagbabalak ng masama laban sa isa’t isa—ito ay kapaligiran ng kasamaan! Kung ang gayong kapaligiran ang namamayani sa loob ng iglesia, tiyak ngang hindi gagawin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Isang Tao na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos). “Ngayon, lahat ng hindi matanggap ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na masamang tao ka. Mapeperpekto ba ang masasamang tao? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, kung paano ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ang pakikipagbahaginan mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong paglilingkod na bilang magkatuwang ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang masusing pagsusuri. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng ginhawa at ng isang landas ng pagsasagawa. Hinihingi ng Diyos na huwag tayong mainggit o makipagkumpitensya sa iglesia, kundi tumuon sa paghahangad sa katotohanan. Dapat nating pakinggan ang sinuman na may mga salitang naaayon sa katotohanan. Inilantad ni Brother Matthew ang mga pagkukulang ko para tulungan akong gawin nang maayos ang gawain ng pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Hindi niya pinoprotektahan ang mga ugnayan ng mga tao. Nagbabahagi siya kapag nakakakita siya ng problema, ginagabayan niya ang mga tao na makilala ang kanilang sarili. Kapag nagpapakita siya ng katiwalian, prangka siya tungkol dito, hindi sinusubukang hikayatin ang mga tao na hangaan siya. Nagawa niyang hangarin ang katotohanan at itaguyod ang gawain ng iglesia, at dapat akong matuto sa kanya para makabawi sa aking mga kapintasan, hindi maging mainggitin, mapanlaban, at hanapan pa nga siya ng mali para makapaghiganti. Nakita ko rin na ang pagtanggap ng mga payo at ang mapuna ay proteksyon at pagliligtas ng Diyos para sa akin, tinutulungan akong malaman ang sarili kong katiwalian at maitama ang aking mga pagkakamali. Binabantayan tayo ng Diyos, umaasang gagawin natin ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga prinsipyo. Nadama kong handa na akong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, suriin ang aking katiwalian at gumawa agad ng pagbabago, at kumilos ayon sa prinsipyo.
Hindi na ako naiinggit kay Brother Matthew. Nagagawa kong tanggapin ang pagbabahagi at mga payo niya. Sa mga pagtitipon kapag nagtatanong ako sa iba, inaayos ko ang gusto kong sabihin para mas malinaw sa mga kapatid. Kapag tahimik sila at hindi aktibong lumalahok sa pagbabahaginan, mas nagtutuon ako sa interaktibong pakikipag-usap sa kanila. Upang gawing mas epektibo ang mga pagtitipon, mas nakikipag-usap ako sa iba bago magtipon para malaman kung ano ang kanilang mga praktikal na problema, upang matugunan ang mga ito sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos. Sa pangkalahatan, sinisikap ko ring higit pang basahin ang mga salita ng Diyos at sangkapan ang sarili ko ng katotohanan upang mas makatulong sa paglutas ng kanilang mga paghihirap. Ang maliit na pagbabagong ito na ginawa ko ay pagliligtas ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!