Hindi Dapat Nauuna ang Pagkagiliw Kaysa sa mga Prinsipyo

Marso 15, 2025

Ni Lin Xi, USA

Mga anim na buwan na ang nakalipas, ginagampanan namin ni Ruthy ang aming mga tungkulin sa isang grupo. May pinag-aralan si Ruthy, may mahusay na kakayahan, at talagang magaling. Labis siyang pinahahalagahan sa grupo. Samantalang ako, paano mo man tingnan ito, palagi akong nagkukulang. Madalas akong mabigo sa aking tungkulin at malantad, pero hindi ako kailanman hinamak o minaliit ni Ruthy, at palagi niya akong inaalo at binibigyan ng lakas ng loob. Sa tuwing may naiisip siya, lumalapit at nakikipag-usap siya sa akin, na talagang nakakaantig sa akin at itinuring ko siyang malapit na kaibigan dahil dito. Bagamat alam kong medyo mayabang ang disposisyon niya at hindi siya marunong tumanggap ng mga mungkahi, dahil sa damdamin ko para sa kanya, hindi ko kailanman binanggit ang mga isyung ito sa kanya. Inisip ko pa nga na lahat ay may tiwaling disposisyon at hindi ito isang bagay na mabilis malutas. Sa maikling panahon, sunod-sunod na problema ang naranasan ko sa aking tungkulin, at sa aking pagkanegatibo, kung kailan gusto ko nang sumuko, maagap na nakipagpareha sa akin si Ruthy at matiyaga niya akong tinulungan sa aking mga teknikal na isyu. Nakakita ako ng ilang resulta sa aking tungkulin at sa wakas ay nakahinga ako nang maluwag. Sa pagtulong niya sa akin na malampasan ang suliraning ito, pakiramdam ko ay may tunay na habag si Ruthy sa akin, at talagang nagpapasalamat ako sa kanya. Nang maglaon, naging lider siya. Totoong masaya ako para sa kanya at madalas kong palakasin ang loob niya.

Isang gabi, habang naghahanda ako para matulog, biglang nagmensahe sa akin si Ruthy, sinasabing natanggal siya at lubos siyang nasasaktan. Sa pakikipag-usap sa kanya, nalaman kong iniulat siya ng ilan sa mga kapatid. Binasa ng lider ang mga detalye ng ulat sa kanya, na talagang mahirap para sa kanya na tanggapin at itinuring niya itong pagmamalabis sa mga katunayan. Halimbawa, sinabi nila na mayroon siyang matinding pagnanais para sa reputasyon at katayuan, at bagamat inamin niyang pinahahalagahan niya ang mga bagay na ito, itinanggi niya na katumbas ito ng matinding pagnanais. Sinabi rin ng ulat na hindi siya nakikipagtulungan nang maayos o gumagawa ng praktikal na gawain, at na kapag hindi nasusunod ang gusto niya, nagiging sumpungin siya at nagagambala niya ang gawain ng iglesia. Inamin niya na mayroon siyang ilang problema sa kanyang tungkulin, pero hindi kasinglubha ng mga ito. Habang ikinukwento niya ang kanyang mga hinanaing, napaiyak siya. Sinabi rin niya na ginawa lamang siyang masamang tao ng ulat na ito, na nagkaroon siya ng pagkiling laban sa mga nag-ulat sa kanya at sa lider na nangasiwa sa usapin, at inisip niya na nakikinig lang sa isang panig ang lider. Sinabi rin niya na bagamat may mga isyu siya sa kanyang tungkulin, walang sinumang nakipagbahaginan sa kanya sa mga bagay na ito para tumulong, at na lubos na hindi patas ang biglaan niyang pagkakatanggal. Habang mas nagsasalita siya, mas lalo niyang nararamdaman na naagrabyado siya. Medyo sumama ang loob ko nang makita siyang napakamiserable, at habang inaalo ko siya, naisip ko: “Ganoon ba talaga ka-eksaherado ang mga sinasabi sa ulat? Mali ba talaga ang pagkakatanggal niya?” Pagkatapos biglang may sinabi si Ruthy na labis kong ikinabahala. Sabi niya, “Sa nakikita ko, ang ulat na ito ay katulad lang ng pagtuligsa noong panahon ng pangkulturang rebolusyon. Gusto lang nilang magbunton ng maraming paratang sa akin para alisin at siraan ako.” Kumabog ang puso ko. Sa tingin ko ay talagang kakatwa na sabihin niya iyon. Mga seryosong isyu ang maiulat at matanggal, pero hindi siya nagninilay-nilay sa kanyang sarili, naghahanap ng katotohanan, o natututo ng anumang leksiyon. Inihambing pa nga niya ang pag-uulat at pagtatanggal sa mga pagtuligsa ng CCP. Pakiramdam niya ay sinusubukan nilang parusahan siya. Napakaseryoso ng kalikasan nito! Mabilis ko siyang pinaalalahanan na huwag sabihin ang mga ganitong bagay, at na dapat niyang pagnilayan ang kanyang sarili.

Kalaunan, narinig ko sa mga nakapareha niya na bilang isang lider, hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain o nakikipagtulungan nang maayos, at na bihira niyang asikasuhin ang gawaing dapat ay responsibilidad niya. Kapag kinukumusta ng kanyang lider ang gawain niya at nakakahanap ito ng mga isyu, nagbabahagi ito sa kanya at iwinawasto rin siya, pero lumalaban siya at hindi tumatanggap, palaging nagdadahilan, ipinapasa ang sisi, at sinasabing mga isyu ito ng iba, at ganap pa ngang pinababayaan ang kanyang mga responsibilidad. Sa impormasyong ito, nasiguro ko na totoo ang mga nilalaman ng ulat. Tapos naisip ko kung paanong sinabi ni Ruthy na parang nagmula mismo ang ulat sa isang sesyon ng labanan ng pangkulturang rebolusyon, at alam ko kung gaano ito naging seryoso. Malinaw na hindi siya gumagawa ng tunay na gawain at hindi siya tumatanggap kapag iwinawasto siya ng lider. Isa talaga siyang huwad na lider na nararapat tanggalin. Pero hindi siya nagnilay sa kanyang sarili, at inihambing ang lehitimong ulat sa isa sa mga pagtuligsa ng CCP. Hindi lang ito pagtanggi sa katotohanan, kundi pagbabaluktot din sa mga katunayan at maling paglalarawan sa realidad! Ito ay paglaban at pagdulot ng kaguluhan, at ito ay kalapastanganan laban sa mga positibong bagay. Paglabag ito sa disposisyon ng Diyos! Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong natatakot. Pakiramdam ko ay masama ang disposisyon niya, at na kung magpapatuloy siyang lumalaban nang hindi nagninilay-nilay o nagsisisi, mapapalayas siya alinsunod sa mga prinsipyo ng iglesia sa pag-aalis ng mga tao. Iniisip ko rin kung dapat ko bang iulat sa lider ang kanyang kasalukuyang kalagayan at kung ano ang sinabi niya sa akin. Pero naisip ko, “Kapag nalaman ng lider ang tungkol sa kalagayan niya at ihambing ito sa pag-uugali niya bilang lider, at pagkatapos ay nagpasyang isa siyang masamang tao na hindi tumatanggap sa katotohanan, mapapaalis ba siya sa iglesia?” Lubos akong hindi mapalagay sa pag-iisip ng mga bagay na ito. Hindi talaga ito ang uri ng kahihinatnan na gusto kong makita. Naisip ko rin ang lahat ng pinagsamahan namin, tungkol sa kung gaano siya naging mabuti sa akin, at na dapat subukan ko pa siyang tulungan at aluin. Kapag nalaman niyang iniulat ko sa lider ang lahat ng buong-tiwalang sinabi niya sa akin, masasaktan siya nang sobra. Hayagan niyang sinabi sa akin ang mga bagay na ito dahil pinagkakatiwalaan niya ako, at talagang magiging walang puso ako kung iuulat ko siya sa lider. Paulit-ulit kong pinag-isipan ang bagay na iyon, walang masabing anuman. Patuloy kong naiisip na pagtataksil sa kaibigan ko ang paggawa niyon, at na pagiging walang konsensya pa nga ito. At kaya, hindi ko binanggit ang kanyang isyu sa sinumang iba pa. Sa tuwing may oras ako, nagpapadala ako sa kanya ng mensahe para kumustahin siya o ng ilang salita ng Diyos. Umaasa ako na mababago niya ang kanyang maling kalagayan at magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin sa lalong madaling panahon. Bagamat pinoprotektahan ko ang relasyon namin, hindi ako mapalagay. Alam kong napakaseryoso ng mga problema niya, pero wala akong sinasabi. Hindi ba’t pinoprotektahan ko siya? Balisang-balisa ako. Pakiramdam ko ay inuusig ako ng konsensya ko sa hindi pagsasabi ng kahit ano, pero kung magsasalita naman ako, pakiramdam ko ay bibiguin ko si Ruthy. Naliligalig talaga ako dahil sa buong isyung ito at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako at magbigay-daan na maunawaan ko ang Kanyang kalooban sa bagay na ito at makahanap ng landas ng pagsasagawa.

Isang araw, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos. “Dapat ninyong matutuhang tukuyin kung ano ang mabuting asal, at kung ano ang kahulugan ng pagsasagawa ng katotohanan at pagbabago ng inyong disposisyon. Ang pagbabago ng inyong disposisyon ay may kalakip na pagsasagawa ng katotohanan, pakikinig sa mga salita ng Diyos, pagsunod sa Kanya, at pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita. Kaya ano ang dapat gawin ng isang tao para makapagsagawa at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos? Halimbawa, may dalawang tao na malapit na malapit na magkaibigan. Natulungan na nila ang isa’t isa noon, magkasama na nilang nalampasan ang mahihirap na sandali, at itataya nila ang kanilang buhay para iligtas ang isa’t isa. Pagsasagawa ba iyon ng katotohanan? Iyon ay kapatiran, iyon ay pagpapahalaga sa iba nang higit sa iyong sarili, mabuti iyong asal, pero hindi iyon pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay tungkol sa pagkilos ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos; ito ay ang pagsunod at pagpapalugod sa Diyos. Ang mabuting asal ay pawang tungkol sa pagsasakatuparan ng mga relasyon ng laman at pagpapanatili ng mga emosyonal na ugnayan. Kaya naman, ang kapatiran, pagprotekta sa mga relasyon, pagtulong, pagpaparaya at pagpapalugod sa isa’t isa, lahat ito ay pribado at personal na bagay at walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kaya paanong pagtrato sa iba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hinihingi ng Diyos na pakitunguhan natin ang isa’t isa nang may mga prinsipyo. Kung ang isang tao ay gumawa ng mali, isang bagay na hindi naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi tayo pwedeng makinig sa kanya, sariling ama o ina man natin siya. Dapat nating panghawakan ang mga prinsipyo ng katotohanan at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) (Hinihingi ng Diyos na magtulungan ang mga kapatid. Kung makikita natin na may problema ang isang tao, dapat natin itong tukuyin, magbahagi tungkol dito, at magkasamang hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan para lutasin ito. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito natin siya tunay na natutulungan.) Nais ng Diyos na ang pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa ay nakabatay sa pundasyon ng mga prinsipyo ng katotohanan, anuman ang relasyon nila. Anumang labas sa mga prinsipyong ito ay hindi maituturing na pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, may ginawa ang isang tao na nakapinsala sa gawain ng iglesia na pinupuna at kinokontra ng lahat. Sinasabi ng kaibigan niya, ‘Hindi ninyo siya kailangang ilantad dahil lang nagkamali siya! Kaibigan niya ako; una sa lahat, dapat akong maging maunawain sa kanya; dapat akong maging mapagparaya sa kanya at tulungan siya. Hindi ko siya pwedeng punahin gaya ng ginawa ninyo. Dapat ko siyang aluin, hindi saktan, at sasabihin ko sa kanyang hindi malaking bagay ang pagkakamali niya. Kung may sinuman sa inyo na pupunahin at pahihirapan siyang muli, ako ang makakaharap ninyo. Wala sa inyong mas malapit sa kanya kaysa sa akin. Mabuti kaming magkaibigan. Inaalagaan ng magkaibigan ang isa’t isa, at ipagtatanggol ko siya kung kinakailangan.’ Pagsasagawa ba ito ng katotohanan? (Hindi, ito ay isang pilosopiya para sa pamumuhay.) Ang pag-iisip ng taong iyon ay batay rin sa isa pang teoretikal na pundasyon: Naniniwala siya na ‘Tinulungan ako ng kaibigan ko sa pinakamahirap at pinakamasakit na sandali sa buhay ko. Inabandona ako ng lahat, siya lang ang nag-alaga at tumulong sa akin. Ngayon ay may problema siya, at ako naman ang tutulong sa kanyaa—pakiramdam ko, ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng konsiyensiya at pagkatao. Paano mo matatawag ang sarili mo na tao kung nananalig ka sa Diyos pero wala ka man lang ng ganitong katiting na konsiyensiya? Hindi ba’t ginagawa niyon na walang kabuluhang mga salita ang pananampalataya mo sa Diyos at pagsasagawa mo ng katotohanan?’ Parang tama kung pakikinggan ang mga salitang ito. Karamihan ng mga tao ay hindi natutukoy ang totoong katangian ng mga ito—kahit pa ang taong nagsabi ng mga ito, na iniisip na ang kanyang mga ikinikilos ay nagmumula sa katotohanan. Ngunit tama ba ang kanyang mga ikinikilos? Ang totoo, hindi. Tingnang mabuti, at makikitang ang bawat salitang sinasabi niya ay mula sa etika, moralidad, at konsiyensiya. Ayon sa pamantayan ng etika ng tao, ang taong ito ay matapat at mataimtim. Mabuti siyang tao dahil sa pagtatanggol sa kanyang kaibigan nang ganito. Pero may nakakaalam ba kung anong disposisyon at diwa ang nakatago sa likod ng “mabuting tao” na ito? Hindi siya tunay na mananampalataya sa Diyos. Una sa lahat, kapag may nangyayari, hindi niya tinitingnan ang sitwasyon ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi niya hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay pinipiling tingnan ang usapin ayon sa moralidad at etika at mga kasabihan sa buhay ng mga hindi mananampalataya. Itinuturing niya ang mga maling paniniwala at kabulaanan ni Satanas bilang ang katotohanan, at isinasantabi ang mga salita ng Diyos. Sa paggawa nito, kinukutya niya ang katotohanan at binabalewala ang sinasabi sa mga salita ng Diyos. Ipinapakita nito na hindi niya minamahal ang katotohanan. Pinapalitan niya ang katotohanan ng mga satanikong kasabihan sa buhay at ng mga kuru-kuro, etika, at moralidad ng tao, at kumikilos siya ayon sa mga satanikong pilosopiya. May kumpiyansa pa niyang sinasabi na ito ang pagsasagawa sa katotohanan at pagpapalugod sa kalooban ng Diyos, na ito ang matuwid na paraan ng pagkilos. Hindi ba’t ginagamit niya lang ang pagkukunwaring ito ng pagiging matuwid upang labagin ang katotohanan?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago na ang Disposisyon ng Isang Tao). Inihayag ng salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Pinagnilayan ko ang mga naiisip ko nitong nakaraang ilang araw. Kahit alam kong hindi tinatanggap ni Ruthy ang katotohanan at na lihim siyang nagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kasinungalingan, pinoprotektahan ko siya at hindi iniuulat. Ang lahat ng ito ay dahil naimpluwensyahan ako ng mga satanikong ideya tulad ng “pagsasakripisyo ng iyong sarili para sa iyong mga kaibigan.” at inakala kong wasto na unahin ang pagkagiliw at kagandahang-loob sa asal ng isang tao. Bilang isang hindi mananampalataya, nakita ko na sa TV at sa mga kuwento ang lahat ng tauhang iyon na lubos na matatapat sa kanilang mga kaibigan at labis ko silang hinangaan. Pakiramdam ko ganito ang integridad at ang paraan para maging isang tunay na mabuting tao. Sila ang mga huwaran ko. Sinabi ko sa sarili ko na magiging isang tao ako na nagpapahalaga sa katapatan at pakikipagkapwa, na kung mabait sa akin ang iba, kailangan ko silang suklian nang doble, na talagang hindi ako pwedeng gumawa ng kahit anong bibigo sa kanila, o kung hindi, magiging walang konsensya ako at kamumuhian. Pagkatapos maging isang mananampalataya, nanatili sa akin ang mga ganitong uri ng kaisipan. Kung mabait sa akin ang isang tao o nagpapakita ng anumang partikular na pagmamalasakit para sa akin, tatandaan ko ito at anuman ang mga paghihirap o problemang nararanasan niya, palagi ko siyang tutulungan at hinding-hindi ako gagawa ng anumang bagay na makakasira sa pagkakaibigan namin. Dahil gapos ako ng mga tinatawag na “moral” na ito kahit alam kong may mga problema si Ruthy at dapat kong itaguyod ang mga prinsipyo sa pamamagitan ng pag-uulat sa kanya, hindi ko talaga magawa ang hakbang ng pagsasagawa ng katotohanan. Palagi kong iniisip na kung magsasalita ako tungkol sa buong-tiwala niyang sinabi sa akin, bibiguin ko talaga siya. Kinokontrol ako ng mga satanikong pilosopiyang ito, hindi ko masabi ang tama sa mali, at iniwan akong ganap na walang prinsipyo. Habang mas nagninilay-nilay ako, mas nakikita ko kung gaano ako naging talagang hangal at lito. Bagamat nananalig ako sa Diyos at nagbabasa ng Kanyang salita, umaasa pa rin ako sa mga satanikong pilosopiya kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa akin. Nakita ko na sa wakas na tunay akong kaawa-awa at wala akong mga realidad ng katotohanan!

Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng salita ng Diyos. “Paano magkakaroon ng kabutihan sa kanila na hindi umiibig sa katotohanan? Paano magkakaroon ng katuwiran sa kanila na umiibig lamang sa laman? Hindi ba’t ang katuwiran at kabutihan ay parehong binabanggit lamang kaugnay ng katotohanan? Hindi ba’t nakalaan ang mga iyon para sa kanila na buong-pusong nagmamahal sa Diyos? Sila na hindi umiibig sa katotohanan at mga nabubulok na bangkay lamang—hindi ba ang lahat ng taong ito ay nagkakandili ng kasamaan? Sila na walang kakayahang ipamuhay ang katotohanan—hindi ba’t lahat sila ay kaaway ng katotohanan? At ano naman kayo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay). “Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang umayon kay Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang maayos, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa rin, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, naunawaan ko na ang tunay na pagiging matuwid at pagiging mabuti ay hindi ang pagiging tapat sa sinumang tao. Gaano ka man kapalakaibigan o katapat sa isang kaibigan o kapamilya, o gaano ka man tawaging mabuti ng iba o purihin ng lipunan, hindi ka matatawag na matuwid o mabuti. Ang tunay na pagiging matuwid at pagiging mabuti ay idinidikta ng katotohanan, at ito ay mga bagay na umaayon sa katotohanan. Kapag may nangyayari sa iyo, ang kakayahang magsagawa ng katotohanan, kumilos ayon sa salita ng Diyos, isantabi ang mga emosyon sa pagtataguyod ng mga prinsipyo, at protektahan ang gawain ng iglesia ay nagpapakita ng pagiging matuwid at pagmamahal sa katotohanan, at makukuha nito ang pagsang-ayon ng Diyos. Naisip ko kung paanong sa Bibliya, sa isang kritikal na sandali, nagawang ipagpalit ni Lot ang kanyang dalawang anak na babae para sa kaligtasan ng dalawang mensahero, at kung paanong itinuring ng Diyos na matuwid ang asal na ito. Naisip ko kung paanong, nang matanggap ang atas ng Diyos, gumugol si Noe ng mahigit 100 taon sa paggawa ng arka, at kung paanong sa panahong iyon ay nakaranas siya ng maraming pagdurusa, paninira, at panghuhusga, pero nagawa pa rin niyang makinig sa salita ng Diyos at matapos ang atas ng Diyos. Ito ay pagiging matuwid. Naunawaan ko na sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng Diyos, makapagsasagawa ang isang tao nang ganap na alinsunod sa Kanyang salita, at anuman ang pagdurusa o kahit na kailangang isuko ang buhay ng isang tao, kaya pa rin niyang tapusin ang atas ng Diyos at protektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito lang ang matatawag na pagiging matuwid at pagiging mabuti. Palagi kong pinoprotektahan ang mga relasyon ko at pagkagiliw sa iba. Alam kong lihim na nagpapakalat si Ruthy ng pagkanegatibo at mga kasinungalingan, pero hindi ko siya iniulat. Inuna ko ang pagkagiliw ko sa kanya at pinrotektahan ko siya kahit na mapinsala ang gawain ng iglesia. Inuna ko ang damdamin ko at nilabag ko ang katotohanan. Sa anong paraan ito naging matuwid o mabuti? Talagang lumalaban ako sa Diyos at kinondena Niya ako. Sa isiping ito, napagtanto ko ang kabigatan ng problema ko at nabalot ng takot ang puso ko. Hindi ako pwedeng patuloy na kumilos batay sa emosyon. Kailangan kong kumapit sa katotohanan at mga prinsipyo sa pamamagitan ng pag-uulat kay Ruthy. Kaya, gumawa ako ng isang nababatay sa katunayan na pagsusulat ng mga problema ni Ruthy at ipinadala ito sa lider.

Hindi nagtagal, sinabi sa akin ng lider, “Medyo malubha ang mga problema ni Ruthy. Mula nang matanggal siya, hindi pa siya nagninilay-nilay, nananatiling masuwayin at nagagalit, patuloy na nagpapakalat ng mga kuru-kuro at pagkanegatibo, at hindi pa siya kumikilos nang maayos. Kailangang malantad muli ang mga problema niya. Kung hindi niya mapagtatanto ang kabigatan ng mga problemang ito, maaaring magpatuloy siya sa pagpapakalat ng pagkanegatibo at talagang guguluhin ang buhay-iglesia!” Hiniling din sa akin ng lider na makibahagi rito. Bigla akong kinabahan at nagsimula na namang magtalo ang kalooban ko: “Kung ang pagbabahaginang ito para ilantad ang mga problema ni Ruthy ay gagawin sa harap ng maraming tao, anong iisipin niya sa akin? Kamumuhian ba niya ako? Masasaktan ba siya? Iisipin ba niya na hindi ako isang taong makakausap niya at hindi na niya ako papansinin?” Hindi ako nangahas na isipin ang eksena ng kanyang pagkakalantad at ginusto ko lang tumakbo. Nakita ng lider ang pag-aalinlangan ko at sinabing, “Kung hindi ka komportable, hindi mo kailangang dumalo. Pag-isipan mong mabuti.” Hindi ako nagsalita. Pagkatapos niyon, hindi talaga ako mapakali at nagtaka, “Bakit ba takot na takot akong harapin si Ruthy? Bakit wala akong lakas ng loob na ilantad siya? Namumuhay pa rin ako ayon sa aking mga emosyon at gusto kong protektahan ang aking mga relasyon.” Nang mapagtanto ito, labis akong nakonsensya at nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, tulungan Mo po ako. Bigyan Mo po ako ng lakas ng loob na makawala sa madilim na impluwensya ni Satanas. Gusto ko pong isagawa ang katotohanan.”

Pagkatapos kong magdasal, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos na nauugnay sa aking kalagayan. “Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at walang ingat at walang gana habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o inaabala at pinakikialaman ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at diyablong nagdudulot ng mga pagkaantala at paggambala sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong budhi. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang budhi o pakiramdam, isang walang pananalig, isang tagapagserbisyo. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang naniniwala sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, at malinaw na isa ka sa mga walang pananalig. Kung isa kang taong tunay na naniniwala sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano’y magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsiyensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsibilidad, kailangan kong ibunyag ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong itigil ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay-iglesia.’ Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Tunay Lamang na Nagpapasakop sa Diyos ang May Pusong May Takot sa Kanya). “Sa iglesia, maging matatag kayo sa inyong patotoo sa Akin, panindigan ang katotohanan; ang tama ay tama at ang mali ay mali. Huwag malito sa kung alin ang itim at puti. Makikipagdigma kayo kay Satanas at dapat ninyong lubusang magapi ito upang sa gayon ay hindi na ito kailanman babangon. Dapat ninyong ibigay ang lahat ng mayroon kayo upang pangalagaan ang Aking patotoo. Ito ang magiging layunin ng inyong mga pagkilos—huwag kalimutan ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Pagkabasa sa salita ng Diyos, labis akong naantig at napuno ng kahihiyan. Naisip ko ang aking kamakailang pag-uugali. Ako ang uri ng taong inilantad ng Diyos: taksil, hindi pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, at tinatalikdan ang katotohanan. Alam kong hindi talaga nagnilay-nilay o nagsisi si Ruthy matapos siyang matanggal, at napopoot pa nga siya sa mga nag-ulat sa kanya. Alam kong nagpapakalat siya ng mga kuru-kuro, at naging negatibo at lumalaban. Inilantad na niya ang isang kalikasan ng pagkayamot at pagkapoot sa katotohanan; sa diwa, isa siyang masamang tao. Kung ang isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at may pagkaunawa sa pagiging matuwid ay nakita ang ganitong uri ng pag-uugali, maninindigan siya para protektahan ang gawain ng iglesia at pipigilan ang mga gawa ni Satanas. Hindi niya hahayaang maabala ang buhay o gawain ng iglesia. Pero kahit na ako mismo ang unang nakakaalam, nag-aatubili ako, nag-aalinlangan, hindi naglalakas-loob na ilantad si Ruthy, natatakot na masisira ang pagkakaibigan namin. Sa mahalagang sandaling ito, hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia o hinanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Patuloy kong sinusunod ang mga satanikong pilosopiya, inuuna ang pagmamahal at pagkagiliw kasama ng diyablo, tumatayo sa panig nito sa pagtatanggol sa isang masamang tao. Ang diwa ng asal kong ito ay masama. Sa harap ng katotohanan, lahat ng kilos ko ay tunay na pasaway. Habang mas pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, mas malinaw kong nakikita ang problema ko. Naisip ko rin kung paanong pinili ako ng Diyos na pumunta sa sambahayan Niya, at kung paanong patuloy Niya akong ginagabayan at tinutustusan. Binigyan Niya ako ng pagkakataong hanapin ang katotohanan at mailigtas, pero sa mahalagang sandali, hindi ko sinunod ang Kanyang kalooban at pinili kong protektahan si Satanas. Niloko ko ang Diyos at ipinagkanulo Siya. Talagang binigo ko ang Diyos! Hindi ko na pwedeng unahin ang aking damdamin o protektahan ang aking mga relasyon. Hindi mahalaga kung mapasama mo ang loob ng mga tao; ang paglabag sa katotohanan at pagkakasala sa Diyos ay nagpapakita ng ganap na kawalan ng pagkatao! Naalala ko na sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang iyong mga kaugnayan sa mga tao ay hindi itinatatag sa laman, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos walang pakikipag-ugnayan sa laman, ngunit sa espiritu ay may pagsasamahan, pagmamahalan, kapanatagan sa isa’t isa, at paglalaan para sa isa’t isa. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng isang pusong nakakalugod sa Diyos. Ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pag-asa sa pilosopiya ng tao sa pamumuhay, kundi likas na likas na nabubuo sa pamamagitan ng pagdadala ng isang pasanin para sa Diyos. Hindi nito kinakailangan ang pagsisikap na gawa ng tao. Kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos). Ipinaunawa sa akin ng salita ng Diyos na ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay hindi dapat isinasagawa ayon sa sekular na mga pilosopiya. Sa halip, dapat mamuhay ang mga tao ayon sa salita ng Diyos. Ang pagbabahaginan sa isa’t isa sa mga usapin ng pagpasok sa buhay, pagtulong at pagsuporta sa isa’t isa, kakayahang magbahagi, tumulong, mangasiwa, at magbabala sa iba kapag nilalabag nila ang mga prinsipyo o tinatahak ang maling landas, at ang kakayahang ilantad at pigilan iyong mga gumugulo sa gawain ng iglesia—dapat makipag-ugnayan ang mga tao batay sa mga prinsipyong ito. Sa harap ng mga problema ni Ruthy, inuna ko ang damdamin at katapatan ko sa kanya. Hindi ito makatwiran at hindi naaayon sa katotohanan. Ito ay mga kilos ng isang walang pananampalataya. Hindi na nagtatalo ang kalooban ko at nagkaroon na ako ng lakas ng loob na isagawa ang katotohanan.

Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng dalawang sipi ng salita ng Diyos na naglantad sa mga pinsala ng mga ideya mula sa tradisyunal na kultura tulad ng “pagsasakripisyo sa sarili para sa mga kaibigan,” at naging mas masigla ang puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Nakapagtahi-tahi at nakapag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwentong lumilitaw sa mga aklat ng kasaysayan, na nag-iiwan ng malalalim na impresyon sa mga tao tungkol sa tradisyonal na kultura o mga pamahiin. Halimbawa, sa China ay may ‘Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,’ ‘Paglalakbay Patungong Kanluran,’ ang Jade na Emperador, ‘Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,’ at ‘Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.’ Hindi ba nakaugat nang malalim ang mga ito sa isipan ng tao? Kahit hindi alam ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalamang ito ang nakakintal sa iyong puso’t isipan, kaya hindi mo makalimutan ang mga iyon. Ito ang sari-saring mga ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noong unang panahon, at naikalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga bagay na ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa kaluluwa ng mga tao at gumagayuma nang sunud-sunod sa mga tao. Ibig sabihin ay kapag tinanggap mo na ang gayong tradisyonal na kultura, mga kuwento, o pamahiin, kapag nakatatag ang mga ito sa iyong isipan, at kapag nakakintal ang mga ito sa iyong puso, para kang nagayuma—nasasadlak at naiimpluwensyahan ka ng kultural na mga patibong na ito, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang pananaw mo sa buhay, at ang iyong paghusga sa mga bagay-bagay. Mas lalong iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad sa tunay na daan ng buhay: Isang masamang gayuma nga ito. Gaano mo man subukan, hindi mo maiwawaksi ang mga ito; tinataga mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang ibuwal ang mga ito; hinahataw mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang talunin ang mga ito. Bukod pa rito, pagkatapos sumailalim ang mga tao sa ganitong uri ng gayuma nang hindi nila alam, nagsisimula silang sumamba kay Satanas nang hindi nila alam, na itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyusan, isang bagay na sasambahin at titingalain nila, na humahantong pa sa pagturing dito bilang Diyos. Hindi nila alam na ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at gawa. Bukod dito, itinuturing mong mali ang mga kuwento at alamat na iyon noong una, kaya lamang ay kinikilala mo ang pag-iral ng mga iyon nang hindi mo alam, kaya nagiging totoong mga tao ang mga iyon at nagiging totoo at umiiral na mga bagay ang mga iyon. Wala kang kamalay-malay, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas, at mga diyus-diyusan sa sarili mong tahanan at sa sarili mong puso—isang gayuma nga ito(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga salitang ipinasa ng tinatawag na sinaunang mga santo at pantas at ang mga ideyang ipinaparating ng mga klasikong kwento na nakaimpluwensya sa sunod-sunod na henerasyon ay nanggagaling lahat kay Satanas. Ginamit ni Satanas ang mga salita at ideyang ito para kontrolin ang sangkatauhan. Malalim nang nakaugat sa puso ng tao ang mga ideyang ito at napakatindi ng impluwensya nito. Tulad ng ideya na dapat isakripisyo ng mga tao ang kanilang sarili para sa kanilang mga kaibigan; sa panlabas, pinararangalan ito bilang pagpapahalaga sa katapatan, na para bang isang marangal na bagay na itaya ang buhay ng isang tao para sa isang kaibigan. Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang ganitong uri ng ideya, kailangan nilang tulungan ang mga kaibigan nila, gumagawa man ang mga ito ng tama o mali, maging hanggang sa puntong itataya nila ang kanilang buhay para tulungan ang mga ito. Hindi ito maprinsipyo at hindi natutukoy ang tama sa mali. Kahit na may ginagawang mali ang kaibigan nila, kailangan nilang protektahan ito, hanggang puntong itataya nila ang buhay nila, at itinuturing itong pagiging matuwid at tapat. Ang totoo, hindi ito makatwiran at umaasa sa mga silakbo ng damdamin kapag umaasal. Hindi ko na itinuturing na isang dakilang bagay ang pagpapahalaga sa katapatan. Bagkus, sa tingin ko ay kaawa-awa at kalunus-lunos ang mga taong may ganitong uri ng pag-iisip. Walang halaga ang buhay nila at walang kabuluhan ang kanilang kamatayan. Naisip ko kung paanong labis akong napinsala nito. Para protektahan ang aking pagkagiliw sa mga tao, sadya kong hindi isinagawa ang katotohanan. Naisip ko pa nga na nagiging tapat ako, at mayroon akong mabuting pagkatao. Napakahangal ko talaga. Ang mga ideyang ito na pinahahalagahan ni Satanas ay mga lason. Dahil dito, hindi ako naging sigurado sa tama at mali, hindi ko natukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Ginawa nitong makitid at baluktot ang isipan ko. Pinigilan ako nitong magkaroon ng normal na mga relasyon sa mga tao. Naalala ko na sinabi ng salita ng Diyos, “Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilinlang, katiwalian, at lason ni Satanas. Ang tao ay iginagapos at kinokontrol ni Satanas, at dinaranas niya ang napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kaunawaan, at katinuan. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Dati, inamin ko lang sa teorya na labis akong nagawang tiwali ni Satanas kaya nawalan ako ng lahat ng pagkatao, pero hindi ko talaga naunawaan kung saan kusang nagpapamalas ang malalim na katiwalian ng tao. Medyo mas nauunawaan ko na ito ngayon. Ang mga lason ni Satanas at ang mga ideya ng tradisyunal na kultura ay pawang naging kalikasan na ng tao. Niyurakan at binaluktot na nito ang pag-iisip ng tao at nawalan ang tao ng kanyang normal na pagkatao at pag-iisip. Lahat ng kanyang iniisip ay lumalaban sa Diyos at lumalabag sa katotohanan. Kung wala ang mga katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos sa Kanyang gawain ng pagliligtas, kung hindi Niya isa-isang sinuri ang mga sekular na pilosopiyang ito, mga satanikong lason, at ang diwa ng tradisyunal na kultura, paano ko mauunawaan ang mga bagay na ito? Mas lalo lang sana akong nagawang tiwali at napinsala ni Satanas. Mas lalo kong naramdaman na tanging ang salita ng Diyos ang katotohanan, at na ang salita lang ng Diyos ang makapagpapabago at makapagliligtas sa mga tao. Napakahalaga ng salita ng Diyos. Ginagawang tiwali at pinipinsala ng tradisyunal na kultura at mga satanikong pilosopiyang ito ang mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paghahanap ng katotohanan sa salita ng Diyos, at sa pagtrato sa mga bagay-bagay at pagkilos nang ayon sa salita ng Diyos magiging higit na normal ang katwiran at pagkatao ng isang tao.

Pagkaraan ng ilang araw, inimbitahan ng lider si Ruthy. Sinabi ko ang tungkol sa lahat ng problemang nakita ko sa kanya nang walang pag-aalinlangan. Kalmado ang pakiramdam ko habang inilalantad ko siya. Alam kong naaayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo ang paggawa nito, at anuman ang iisipin niya sa akin pagkatapos, o kung hindi na niya ako gugustuhing makitang muli, dahil isinasagawa ko ang katotohanan, payapa ang pakiramdam ko at hinding-hindi ko pagsisisihan ang mga kilos ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Di-maiiwasang Tungkulin

Ni Glydle, Philippines Noong Setyembre ng 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos nun,...

Isang Huling Pagkamulat

Ni Lin Min, Tsina Noong 2013, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Napakasigasig ko noong panahong ‘yon....

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen