c. Iniisip ng relihiyosong mundo na ang pananalig sa Diyos ay pananalig sa Bibliya, at ang paglisan sa Bibliya ay hindi paniniwala sa Diyos; mali ang pagkaunawang ito
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa loob ng maraming taon, ang kinaugaliang paraan para maniwala ang mga tao (sa Kristiyanismo, isa sa tatlong pangunahing relihiyon sa mundo) ay ang basahin ang Bibliya. Ang paglihis mula sa Bibliya ay hindi paniniwala sa Panginoon, ang paglihis mula sa Bibliya ay paglihis sa mga panuntunan sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na magbasa pa ang mga tao ng ibang mga libro, ang paliwanag sa Bibliya ang dapat na pundasyon ng mga librong ito. Ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Bibliya, at maliban sa Bibliya, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Bibliya. Kung ginagawa mo iyon, pinagtataksilan mo ang Diyos. Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Bibliya, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang pananalig sa Bibliya. Sa halip na sabihing ang mga tao ay naniniwala sa Panginoon, mas mabuting sabihin na naniniwala sila sa Bibliya; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Bibliya, mas mabuting sabihing nagsimula na silang maniwala sa Bibliya; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Bibliya. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Bibliya na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Bibliya na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang ang turing dito ay mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Bibliya, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, parang nawalan na rin sila ng buhay. At dahil dito, sa sandaling maniwala ang mga tao sa Panginoon, inuumpisahan na nilang basahin ang Bibliya, at kabisaduhin ang Bibliya, at habang mas dumarami ang nakakabisa nila mula sa Bibliya, mas napapatunayan nito na mahal nila ang Panginoon at malaki ang kanilang pananampalataya. Ang lahat ng nakapagbasa na ng Bibliya at nakapagbabahagi nito sa iba ay mabubuting mga kapatid. Sa buong panahong ito, ang pananampalataya at katapatan ng mga tao sa Panginoon ay nasusukat ayon sa lawak ng kanilang pagkaunawa sa Bibliya. Hindi lamang talaga nauunawaan ng karamihan ng mga tao kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, o kaya ay paano maniwala sa Diyos, at wala silang ginagawa kundi pikit-matang maghanap ng mga pahiwatig upang maunawaan ang mga kabanata sa Bibliya. Hindi kailanman hinanap ng mga tao ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu; simula’t sapul, wala silang ginawa kundi desperadong pag-aralan at siyasatin ang Bibliya, at walang sinumang nakahanap ng mas bagong gawain ng Banal na Espiritu na labas sa Bibliya. Walang sinumang lumihis kahit minsan mula sa Bibliya, ni nangahas na gawin ito. Pinag-aralan ng mga tao ang Bibliya sa loob ng napakatagal na panahon, sila ay nakabuo ng napakaraming paliwanag, at nagbuhos ng napakaraming pagsisikap. Marami rin silang pagkakaiba-iba ng opinyon tungkol sa Bibliya, na walang katapusan nilang pinagtatalunan, kaya nga mahigit pa sa dalawang libong magkakaibang denominasyon na ang nabuo ngayon. Silang lahat ay nagnanais makahanap ng ilang natatanging mga paliwanag, o mas malalalim na mga misteryo sa Bibliya, nais nilang galugarin ito, at makita rito ang impormasyon sa likod ng gawain ni Jehova sa Israel, o impormasyon sa likod ng gawain ni Jesus sa Judea, o karagdagang mga misteryo na walang sinumang nakakaalam. Ang pagturing ng mga tao sa Bibliya ay isang pagkahumaling at pananampalataya, at walang sinuman ang nagbibigay ng ganap na kalinawan tungkol sa nakapaloob na kuwento o diwa ng Bibliya. Kaya ngayon ang mga tao ay mayroon pa ring di-mailarawang diwa ng kahiwagaan pagdating sa Bibliya, at mas nahuhumaling pa sila rito, at nagkakaroon pa nga ng higit na pananalig rito. Ngayon, ang lahat ay nagnanais na mahanap ang mga propesiya ng gawain sa mga huling araw sa Bibliya, nais nilang matuklasan kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw, at kung anong mga tanda ang naroon sa mga huling araw. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsamba sa Bibliya ay nagiging mas taimtim, at habang mas nalalapit ang mga huling araw, higit na bulag na pananalig ang ibinibigay nila sa mga propesiya sa Bibliya, partikular na sa mga tungkol sa mga huling araw. Sa ganito kabulag na paniniwala sa Bibliya, sa ganitong pagtitiwala sa Bibliya, wala na silang hangad na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na ang Bibliya lamang ang maaaring maghatid ng gawain ng Banal na Espiritu, sa Bibliya lamang nila makikita ang mga yapak ng Diyos, sa Bibliya lamang nakatago ang mga hiwaga ng gawain ng Diyos, ang Bibliya lamang—hindi ang ibang mga aklat o tao—ang makapaglilinaw ng lahat tungkol sa Diyos at sa kabuuan ng Kanyang gawain; ang Bibliya ay maaaring maghatid ng gawain ng langit sa lupa; at ang Bibliya ay maaaring kapwa simulan at tapusin ang mga kapanahunan. Sa mga kuru-kuro na ito, wala nang kagustuhan ang mga tao na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, gaano man kalaki ang naging tulong ng Bibliya sa mga tao noong araw, ito ay naging isang balakid sa pinakabagong gawain ng Diyos. Kung wala ang Bibliya, maaaring hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa ibang lugar, ngunit ngayon, nakapaloob na ang Kanyang mga yapak sa Bibliya, at naging doble ang hirap ng pagpapalawak ng Kanyang pinakabagong gawain, at tila isa itong paakyat na paglalakbay. Lahat ng ito ay dahil sa kilalang mga kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, at dahil na rin sa iba’t ibang mga propesiya sa Bibliya. Ang Bibliya ay naging diyos-diyosan sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang mga utak, at sadyang hindi nila kayang paniwalaang makagagawa ang Diyos ng gawaing nasa labas ng Bibliya, hindi nila kayang paniwalaan na matatagpuan ng mga tao ang Diyos nang labas sa Bibliya, at mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya sa huling gawain at magsimulang muli. Hindi ito sukat maisip ng mga tao, hindi sila makapaniwala rito, at hindi rin nila ito makita sa kanilang isipan. Ang Bibliya ay naging isa nang malaking balakid sa pagtanggap ng mga tao sa bagong gawain ng Diyos, at pagpapahirap sa pagpapalawak ng Diyos ng bagong gawaing ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magbigay-kahulugan sa Bibliya ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Bibliya: na ito’y wala nang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at na hindi ito nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Bibliya na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at ang gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na lumipas na ang dahilan kaya kasaysayan ang mga ito, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan, sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! Kaya kung iyo lamang nauunawaan ang Bibliya, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Bibliya upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na salita at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat mong hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Bibliya—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4
Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan, at kung nakain at nainom mo na ang Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya—kung naisagawa mo na kung ano ang kinailangan sa panahon ng Lumang Tipan noong Kapanahunan ng Biyaya—maaaring ikaw ay tatanggihan at kokondenahin ni Jesus; kung ginamit mo ang Lumang Tipan sa gawain ni Jesus, maaring ikaw ay naging isang Pariseo. Kung ngayon ay pinag-isa mo ang Luma at Bagong Tipan sa iyong pagkain at pag-inom, at pagsasagawa, kokondenahin ka ng Diyos ng ngayon; ikaw ay mapag-iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan! Kung kumakain at umiinom ka ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, ikaw ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu! Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Hudyo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Bibliya bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Bibliya, o kaya ay naghanap sa Bibliya ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Bibliya, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Bibliya kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Bibliya—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Bibliya, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil hindi isinaalang-alang ng Kanyang gawain kung pagbabatayan ba nito ang Bibliya; si Jesus ay pumarito lamang upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. Kaya hindi Siya nagpaliwanag ng mga propesiya ng Lumang Tipan, ni hindi Siya gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung ang Kanyang gawain ay umaayon dito o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Ipinagpatuloy lamang Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At ang Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
Noon, Lumang Tipan lang ang binabasa ng bayan ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, Lumang Tipan ang binabasa ng mga tao. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ang Kanyang gawain ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, karagdagan pa rito ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang mahigit tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, mapiling tinipon ng mga sumunod na henerasyon ang mga dokumentong ito, at noon lamang nagkaroon ng Bagong Tipan ang Bibliya. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, at sumulat si Pablo at ang iba pang mga apostol ng napakaraming sulat sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar. Pinagsama-sama ng mga taong sumunod sa kanila ang mga sulat nila, at idinagdag ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos, kung saan ipinropesiya ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Ginawa ng mga tao ang pagkakasunud-sunod na ito, na iba kaysa mga pagbigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Ikaw—sangkatauhan—ay hindi kailangang makialam; ang mga salita, na tuwirang nagmula sa Espiritu, ay isinaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pag-alam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Bibliya bilang Diyos, napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Bibliya ang tao, maaaring basahin ito ng mga tao nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sinasamba mo ang Bibliya, hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
Nagawa nang tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Mayroong mga nagsasabing kaayon Ko sila, ngunit ang ganitong mga tao ay lahat sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, silang lahat ay laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Bibliya, nililimitahan nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakita, at wala silang kakayahang makita, at inilalabas nila ito upang tingnan kung paano nila gusto. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Banal na Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagiging kaayon ng mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay, walang pagtatanging, hindi Ko gawain. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi masigasig na sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang sa puntong—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at hindi pagiging ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t na hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang pansin ang kalooban Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanalig sa Diyos, kundi mga taong nanalig sa Bibliya. Sa diwa, mga tagapagbantay sila ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, upang mapanatili ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong sila sa pagpako sa krus sa mahabaging si Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog dahil sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Kasulatan. Hindi ba’t silang lahat ay mga sunud-sunuran sa bawat salita ng Kasulatan?
At paano naman ang mga tao ngayon? Pumarito si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makapasok sila sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagparito ng katotohanan upang mapangalagaan ang kapakanan ng Bibliya, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Bibliya. Paano matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung labis na mapaghangad ng masama ang puso niya at labis na laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag itinatapat Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, lalo pa niyang ikinakaila ang pag-iral Ko. Hinahanap ng tao na maging kaayon ng mga salita at maging kaayon ng Bibliya, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sadyang walang halaga. Yaong mga naghahangad lamang na maging kaayon ng mga salita ng Bibliya at naghahangad lamang na maging kaayon ng isang malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng di-mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na ilalagay ang sarili Niya sa ilalim ng kapangyarihan ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik sa Akin—paano Ko sila magiging kaayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Ano ang Relasyon sa Pagitan ng Diyos at ng Biblia?
Ang Paniniwala ba sa Biblia ay Kapareho sa Paniniwala sa Diyos?
Kaugnay na mga Himno
Naging Balakid na ang Biblia sa Pagtanggap ng Tao sa Bagong Gawain ng Diyos
Dapat Hanapin ng mga Mananampalataya ng Diyos ang Kanyang Kasalukuyang Kalooban