4. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, ang mga Tao ay Direktang Dadalhin sa Mga Ulap at Makikita Siya sa Langit”

Batay sa mga salita ng Panginoong Jesus, “Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon(Juan 14:2–3), at sa mga salitang ito ni Pablo mula sa Bibliya, “Pagkatapos, tayong mga buhay at mga natira ay dadalhin kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid: at sa gayon ay makasasama na natin ang Panginoon magpakailanman” (1 Tesalonica 4:17), naniniwala ang mundo ng relihiyon na sa pagbabalik ng Panginoon, sila ay dadalhin diretso sa mga ulap, at makakatagpo nila Siya sa kalangitan.

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Gaya ng kidlat na kumikislap sa silanganan, at nagliliwanag hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:27).

“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagkat paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip” (Mateo 24:44).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).

“At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya’” (Mateo 25:6).

“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).

“Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan Mo. Dumating nawa ang kaharian Mo. Gawin nawa ang kalooban Mo, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa” (Mateo 6:9–10).

“Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya ay mananahan sa kanila, at sila ay magiging mga tao Niya, at ang Diyos Mismo ay sasakanila, at magiging Diyos nila” (Pahayag 21:3).

“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa Kanyang Cristo: at Siya’y maghahari magpakailan-kailanman” (Pahayag 11:15).

“At ako ay lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako ay lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto; At sa gitna ng pitong kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi” (Pahayag 1:12–16).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

“At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi sumasampalataya, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng gabay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng mga tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas dakila pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang disposisyon nito na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa sumailalim sa pagbabago o sa pagpeperpekto ng Diyos—makakaayon ka ba sa mga layunin ng Diyos? Para sa iyo, na katulad pa rin ng dati, totoong ikaw ay iniligtas ni Jesus, at hindi ka nabibilang sa kasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay walang kasalanan o karumihan. Paano ka magagawang banal kung hindi ka sumailalim sa pagbabago? Sa loob, puno ka ng mga karumihan, at makasarili at mababang-uri ka, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananampalataya sa Diyos; natubos ka pa lang, ngunit hindi pa sumailalim sa pagbabago. Para makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain para baguhin at linisin ka; kung hindi, natubos ka lamang at hindi ka maaaring magawang banal. Sa ganitong kaso, hindi ka kalipikado na tamasahin ang magagandang pagpapala kasama ang Diyos, dahil napag-iwanan ka ng isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na siyang pangunahing hakbang sa pagbabago at pagperpekto ng tao. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang tumanggap ng pamana ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at pumupungos Siya nang pangmatagalan. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang tiyak na hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Binibigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, gayundin na matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. …

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa sangkatauhan sa pamamagitan ng katotohanan, hindi mapag-aalinlangan na muling nagpapakita ang Diyos sa mga tao bilang nagkatawang-taong wangis upang gampanan ang gawaing ito. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito sa lupa una sa lahat upang magpahayag ng mga salita. Nang pumarito si Jesus, ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Winakasan Niya ang Kapanahunan ng Kautusan at tinanggal ang lahat ng luma. Winakasan ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya; winakasan ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kapanahunan ng Biyaya. Pumarito Siya pangunahin upang ipahayag ang Kanyang mga salita, gamit ang mga salita para gawing perpekto ang tao, tanglawan at bigyang-liwanag ang tao—at sa gayon ay inaalis ang puwang ng malabong Diyos sa puso ng tao. Nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang yugtong ito ng gawain. Nang pumarito Siya, nagsagawa Siya ng maraming himala, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Bunga nito, sa mga kuru-kuro ng mga tao, naniniwala sila na ganito dapat ang Diyos. Sapagkat nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang gawaing tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao; nang pumarito Siya, ipinako Siya sa krus, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, inaalisan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw ang puwang na hawak ng malabong Diyos sa mga kuro-kuro ng tao, kaya wala na ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang mga praktikal na salita at gawain, ang Kanyang paggalaw sa lahat ng lupain, at ang natatanging praktikal at normal na gawaing ginagawa Niya sa tao, ipinapaalam Niya sa tao ang pagiging praktikal ng Diyos, at inaalisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Sa isa pang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Kanyang katawang-tao para gawing ganap ang tao, at maisakatuparan ang lahat ng bagay. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos

Sa mga huling araw, kapag nagkatawang-tao ang Diyos, pangunahin Niyang ginagamit ang salita upang isakatuparan ang lahat at ibunyag ang lahat. Sa Kanyang mga salita mo lamang makikita kung ano Siya; sa Kanyang mga salita mo lamang makikita na Siya ang Diyos Mismo. Kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa lupa, wala Siyang ibang ginagawa kundi ang mangusap ng mga salita—kaya hindi na kailangan ang mga katunayan; sapat na ang mga salita lamang. Yaon ay sapagkat pangunahing naparito Siya upang gawin ang gawaing ito, upang pahintulutan ang tao na mamasdan ang Kanyang dakilang kapangyarihan at ang pagiging kataas-taasan sa Kanyang mga salita, upang hayaan ang tao na makita ang Kanyang kababang-loob at pagiging tago sa Kanyang mga salita, at hayaan ang tao na malaman ang Kanyang kabuuan sa Kanyang mga salita. Ang lahat ng mayroon Siya at ang lahat ng kung ano Siya ay nasa Kanyang mga salita. Ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha ay nasa Kanyang mga salita. Sa ganito mo makikita ang maraming pamamaraan kung paano binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita. Napakatagal na panahon nang gumagawa ang Diyos; ito ay pangunahin para sa pagtutustos, para ilantad o pungusan ang tao. Hindi basta-basta sinusumpa ng Diyos ang isang tao, at kahit na ginagawa pa Niya, ito ay sa pamamagitan ng salita. At sa gayon, sa kapanahunang ito ng Diyos na naging tao, huwag mong subukang makita ang Diyos na muling nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo, at itigil mo ang palagiang paghahanap ng mga tanda—wala itong saysay! Hindi magagawang perpekto ang tao ng mga tandang iyon! Sa malinaw na pananalita: Ngayon, ang praktikal na Diyos Mismo na nagkatawang-tao ay hindi kumikilos; nangungusap lamang Siya. Ito ang katotohanan! Gumagamit Siya ng mga salita upang gawin kang perpekto, at gumagamit ng mga salita upang pakainin at diligan ka. Gumagamit din Siya ng mga salita upang gumawa, at gumagamit Siya ng mga salita sa halip na mga katunayan upang ipaalam sa iyo ang pagiging praktikal Niya. Kung may kakayahan kang mahiwatigan ang paraang ito ng gawain ng Diyos, mahirap na sa gayong maging negatibo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na negatibo, dapat ninyong pagtuunan ng pansin yaong mga positibo lamang—na ibig sabihin, natutupad man o hindi ang mga salita ng Diyos, o mayroon man o walang pagdating ng mga katunayan, nagsasanhi ang Diyos na matamo ng tao ang buhay mula sa Kanyang mga salita, at ito ang pinakadakila sa lahat ng tanda; at lalong higit pa, ito ay isang di-mapapasubaliang katunayan. Ito ang pinakamainam na katibayan na magagamit sa pagkilala sa Diyos, at mas dakila pang tanda kaysa mga tanda. Tanging ang mga salitang ito ang makakagawang perpekto sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Naisasakatuparan ng Salita ng Diyos

Sa katunayan, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao at nakakamit sila, ipinaaalam Niya sa kanila ang mga gawa ng praktikal na Diyos; ginagamit Niya ang gawain ng praktikal na Diyos upang ipakita sa mga tao ang aktwal na kabuluhan ng pagkakatawang-tao, upang ipakita sa kanila na talagang nagpakita na sa tao ang Espiritu ng Diyos. Kapag ang mga tao ay nakamit at nagawang perpekto ng Diyos, nangangahulugan ito na nalupig na sila ng mga pagpapahayag ng praktikal na Diyos, at na—sa pamamagitan ng mga salita ng praktikal na Diyos—sila ay nabago at ginawan sila ng Kanyang buhay, pinupunan sila ng kung ano Siya (maging ito man ay kung ano Siya sa Kanyang pagkatao o kung ano Siya sa Kanyang pagka-Diyos), pinupunan sila ng diwa ng Kanyang mga salita, at ipinasasabuhay sa mga tao ang Kanyang mga salita. Kapag kinakamit ng Diyos ang mga tao, pangunahing ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita at mga pagbigkas ng praktikal na Diyos bilang isang paraan upang pungusan ang mga kakulangan ng mga tao, at upang hatulan at ilantad ang kanilang mapanghimagsik na disposisyon, na nagdudulot na makamit nila ang kanilang kinakailangan at ipinakikita sa kanila na ang Diyos ay dumating na sa gitna ng tao. Pinakamahalaga sa lahat, ang pagliligtas sa bawat tao mula sa impluwensya ni Satanas, pag-aalis sa kanila mula sa lupain ng karumihan, at pagwawaksi sa kanilang tiwaling disposisyon ang gawaing ginagawa ng praktikal na Diyos. Ang pinakamalalim na kabuluhan ng pagiging nakamit ng praktikal na Diyos ay ang kakayahang isabuhay ang normal na pagkatao, kasama ang praktikal na Diyos bilang halimbawa at huwaran, kakayahang magsagawa ayon sa mga salita at mga hinihingi ng praktikal na Diyos nang walang kahit katiting na paglihis o pag-alis, pagsasagawa ayon sa anumang sinasabi Niya, at kakayahang matamo ang anumang hinihingi Niya. Sa ganitong paraan, makakamit ka na ng Diyos. Kapag nakamit ka na ng Diyos, hindi mo lamang taglay ang gawain ng Banal na Espiritu; sa pangunahin, naisasabuhay mo ang mga hinihingi ng praktikal na Diyos. Ang pagkakaroon lamang ng gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nangangahulugang mayroon ka nang buhay. Ang pinakamahalaga ay kung kaya mo bang kumilos ayon sa mga hinihingi ng praktikal na Diyos sa iyo, na kaugnay sa kung makakamit ka ba ng Diyos. Ito ang mga pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng praktikal na Diyos sa katawang-tao. Ito ay upang sabihin na nakakamit ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao sa pamamagitan ng tunay at aktwal na pagpapakita sa katawang-tao at ng pagiging maliwanag at makatotohanan, pagiging nakikita ng mga tao, aktwal na paggawa sa gawain ng Espiritu sa katawang-tao, at sa pagkilos bilang isang huwaran para sa mga tao sa katawang-tao. Ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao ay pangunahin upang bigyang-daan ang mga tao na makita ang mga praktikal na gawa ng Diyos, upang magmateryalisa sa katawang-tao ang Espiritu na walang hugis, at upang tulutan ang mga tao na makita at mahipo Siya. Sa ganitong paraan, yaong mga ginagawa Niyang ganap ay isasabuhay Siya, makakamit Niya, at makakaayon sa Kanyang mga layunin. Kung sa langit lamang nagsalita ang Diyos at hindi aktwal na pumarito sa lupa, hindi pa rin makakaya ng mga tao na makilala ang Diyos; maipangangaral lamang nila ang mga gawa ng Diyos gamit ang hungkag na teorya at hindi tataglayin ang mga salita ng Diyos bilang realidad. Pumarito ang Diyos sa lupa pangunahin upang magsilbing isang halimbawa at huwaran para sa yaong mga kakamtin Niya; sa ganito lamang talagang makikilala ng mga tao ang Diyos, mahihipo ang Diyos, at makikita Siya, at saka lamang sila tunay na makakamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo

Ang “madala paitaas” ay hindi nangangahulugan na madadala mula sa isang mababang lugar patungo sa isang mataas na lugar, gaya ng maaaring iniisip ng mga tao; malaking pagkakamali iyan. Ang “madala paitaas” ay tumutukoy sa Aking paunang pagtatadhana at pagkatapos ay pagpili. Nakaukol ito sa lahat ng Aking paunang itinadhana at pinili. Lahat ng dinala paitaas ay ang mga taong nagkamit ng katayuan ng pagiging mga panganay na anak, o ang bayan ng Diyos. Lubha itong hindi tugma sa mga kuru-kuro ng mga tao. Sila na magkakaroon ng bahagi sa Aking bahay sa hinaharap ay ang lahat ng dinala paitaas sa Aking harapan. Ito ay walang pasubaling totoo, hindi nagbabago kailanman, at hindi maaaring pabulaanan. Ito ang Aking ganting-atake laban kay Satanas. Sinumang Aking paunang itinadhana ay madadala paitaas sa harap Ko.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 104

Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa personal na pagparito ng Diyos sa lupa para gumawa, bumababa sa gitna ng sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan gamit ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa paraang likas sa Kanya. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang uri ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong pangrelihiyon. Sa halip, ito ay isang tunay at aktuwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang pabasta-basta, o alang-alang sa isang uri ng panandaliang gawain. Sa halip, ito ay alang-alang sa isang yugto ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na “pagpapakita” rito ay tiyak na naiiba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, pumapatnubay, at binibigyang-liwanag ang tao. Sa tuwing nagpapakita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao noon. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang mas bago at mas mataas na yugto ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan; higit pa rito, ito ay gawain na umaakay sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kahalagahan ng pagpapakita ng Diyos.

… yamang hinahanap natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga bakas ng yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga bakas ng yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Kung mananatiling nakatali ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit hindi taglay ang daan ng buhay na magtutulot sa kanila na makilala ang Diyos o mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na makakamit kailanman sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng pananampalataya. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga pagnanais na taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang manampalataya sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga nakapagpapasakop sa katotohanan at nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagkakamit ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at pati na rin ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako ay lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako ay lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto; At sa gitna ng pitong kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na maipahayag nang malinaw gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha. Na ibig sabihin ay lahat ng nagpahalaga sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakita na ang tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagkat napakadakila ng Diyos at hindi maaaring lubos na mabigkas nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao. Kapag naranasan na ng tao ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang banggitin niya ang Anak ng tao sa gitna ng mga ilawan: “Ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi.” Sa panahong iyon, malalaman mo nang walang anumang pagdududa na ang ordinaryong katawan na ito na napakaraming nasabi ay hindi maikakailang ang pangalawang Diyos na nagkatawang-tao. Bukod pa riyan, madarama mo talaga kung gaano ka kapalad, at madarama mo sa sarili mo na ikaw ang pinakamapalad. Hindi ka ba handang tanggapin ang pagpapalang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, inilagay Niya sila sa lupa at inakay sila magmula noon, kalaunan, sila ay iniligtas Niya at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa huli—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Nawala sa sangkatauhan ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at sumailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal nilang wangis at tanggalin sa sangkatauhan ang kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niya silang iligtas mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipapanumbalik ang orhinal nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian Niya. Ang ganap na pagkawasak ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay para din sa kapakanan ng pagtutulot sa mga tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya na nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Ang Kaharian ba ng Diyos ay Nasa Langit o Nasa Lupa?

Saan ang Lugar na Inihanda ng Panginoon Para sa Atin?

Kaugnay na mga Sermon

Ano Talaga ang Marapture?

Kaugnay na mga Himno

Nadala Kami sa Harap ng Luklukan

Ang Pinakadakilang Pagpapala na Ipinagkakaloob ng Diyos sa Tao

Mga Simbolo ng Tagumpay ng Diyos

Pasasalamat at Papuri sa Makapangyarihang Diyos

Ang Lahat ng Tao ng Diyos ay Pinupuri Siya Nang Lubos

Sinundan: 3. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Kaagad Niyang Babaguhin ang Anyo ng mga Tao at Gagawin Silang Banal”

Sumunod: 5. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Ang Diyos na Sinasampalataya ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay Isang Regular na Tao”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito