3. Ang Kuru-kuro ng Mundo ng Relihiyon na: “Sa Pagbabalik ng Panginoon, Kaagad Niyang Babaguhin ang Anyo ng mga Tao at Gagawin Silang Banal”
Dahil sinasabi ni Pablo sa Bibliya: “Sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta: sapagkat tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay pababangunin nang walang katiwalian, at tayo’y mababago” (1 Corinto 15:52), naniniwala ang mundo ng relihiyon na sa pagparito ng Diyos, kaagad Niyang babaguhin ang kanilang anyo, gagawin silang banal, at direkta silang dadalhin sa kaharian ng langit.
Mga Salita Mula sa Bibliya
“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).
“Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin” (Mga Hebreo 10:26).
“Ang kaharian ng langit ay nagdurusa ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas” (Mateo 11:12).
“Mapapalad ang mga naglilinis ng kanilang mga roba, na baka sila ay magkaroon ng karapatan sa punongkahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga tarangkahan” (Pahayag 22:14).
“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
“Hindi Ko idinadalangin na alisin Mo sila sa daigdig, kundi na ilayo Mo sila mula sa masama. … Gawin Mo silang banal sa pamamagitan ng Iyong katotohanan: ang salita Mo’y katotohanan. … At alang-alang sa kanila’y ginagawa Kong banal ang Aking sarili, upang sila rin ay magawang banal sa pamamagitan ng katotohanan” (Juan 17:15, 17, 19).
“Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:48).
“Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghatol sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17).
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, kapag ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Kaya naman, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa sumailalim sa pagbabago o sa pagpeperpekto ng Diyos—makakaayon ka ba sa mga layunin ng Diyos? Para sa iyo, na katulad pa rin ng dati, totoong ikaw ay iniligtas ni Jesus, at hindi ka nabibilang sa kasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay walang kasalanan o karumihan. Paano ka magagawang banal kung hindi ka sumailalim sa pagbabago? Sa loob, puno ka ng mga karumihan, at makasarili at mababang-uri ka, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananampalataya sa Diyos; natubos ka pa lang, ngunit hindi pa sumailalim sa pagbabago. Para makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain para baguhin at linisin ka; kung hindi, natubos ka lamang at hindi ka maaaring magawang banal. Sa ganitong kaso, hindi ka kalipikado na tamasahin ang magagandang pagpapala kasama ang Diyos, dahil napag-iwanan ka ng isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na siyang pangunahing hakbang sa pagbabago at pagperpekto ng tao. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang tumanggap ng pamana ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan
Sa gawain sa mga huling araw, ang kapangyarihan ng salita ay mas higit kaysa sa pagpapamalas ng mga tanda at mga kababalaghan, at nahihigitan ng awtoridad ng salita ang mga tanda at mga kababalaghan. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Hindi mo matutuklasan ang mga ito nang mag-isa. Kapag ang mga ito ay nailantad ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; kakailanganin mong ibigay ang iyong pagkilala, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba’t ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang lubos na ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay kay Satanas pa rin at ang tiwaling satanikong disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, ang hindi pa nadadalisay ay nauukol pa rin sa kasalanan at karumihan. Makakamit ng Diyos at magiging banal ang tao pagkatapos lamang na malinis ang tao sa pamamagitan ng salita. Noong ang mga demonyo ay napalayas sa tao at siya ay natubos, ito ay nangangahulugan lamang na siya ay naagaw mula sa mga kamay ni Satanas at naibalik sa Diyos. Subalit kung hindi siya nadalisay o nabago ng Diyos, siya ay nananatiling tiwaling tao. Sa loob ng tao ay umiiral pa rin ang kalaswaan, paglaban, at paghihimagsik; ang tao ay nakabalik lamang sa Diyos sa pamamagitan ng pagtubos, ngunit wala siya ni katiting na pagkakakilala sa Diyos at may kakayahan pa rin siyang lumaban at magkanulo sa Kanya. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa kaibuturan ng puso ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Praktikal na gawain ang gawain ng Diyos sa panahon ng mga huling araw. Noong kapanahunan ni Jesus, hindi Siya naparito upang gawing perpekto ang tao, kundi upang tubusin ang tao, at sa gayon ay nagpakita Siya ng ilang himala upang mapasunod Niya ang mga tao sa Kanya. Sapagkat pangunahing naparito Siya upang kumpletuhin ang gawain ng pagpapapako sa krus, at hindi bahagi ng gawain ng Kanyang ministeryo ang pagpapakita ng mga tanda. Ang ganoong mga tanda at mga kababalaghan ay mga gawain na ginawa upang gawing mabisa ang Kanyang gawain; ang mga iyon ay dagdag na gawain, at hindi kumakatawan sa gawain ng buong kapanahunan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, nagpakita rin ang Diyos ng ilang tanda at mga kababalaghan—subalit praktikal na gawain ang gawain ng Diyos ngayon, at tiyakang hindi Siya magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan ngayon. Kung nagpakita Siya ng mga tanda at mga kababalaghan, mapapatapon sa kaguluhan ang praktikal Niyang gawain, at hindi na Siya makakagawa pa ng anumang karagdagang gawain. Kung sinabi ng Diyos na gamitin ang salita upang gawing perpekto ang tao, ngunit nagpakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan, maibubunyag ba niyon kung tunay bang nananampalataya o hindi ang tao sa Kanya? Kaya, hindi gumagawa ang Diyos ng ganoong mga bagay. Sadyang napakarami ng relihiyon sa loob ng tao; naparito ang Diyos sa mga huling araw upang alisin ang lahat ng relihiyosong mga kuru-kuro at mga bagay na higit-sa-karaniwan sa loob ng tao, at ipaalam sa tao ang pagiging praktikal ng Diyos. Naparito Siya upang alisin ang isang wangis ng Diyos na malabo at hindi makatotohanan, at masasabing hindi talaga umiiral. At sa gayon, ang tanging bagay na mahalaga ngayon ay ang magkaroon ka ng kaalaman sa pagiging praktikal! Nananaig sa lahat-lahat ang katotohanan. Gaanong katotohanan ang taglay mo ngayon? Ang lahat ba ng nagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan ay Diyos? Makapagpapakita rin ng mga tanda at mga kababalaghan ang masasamang espiritu, ang lahat ba ng mga iyon ay Diyos? Sa kanyang pananampalataya sa Diyos, ang hinahanap ng tao ay ang katotohanan, ang hinahanagad niya ay buhay, sa halip na mga tanda at mga kababalaghan. Ito ang dapat maging mithiin ng lahat niyaong naniniwala sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Naisasakatuparan ng Salita ng Diyos
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at pumupungos Siya nang pangmatagalan. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang tiyak na hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Binibigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, gayundin na matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nalalabag, at ni hindi magagawang palitan ng tao ng bagong pagkakilala ang dati nitong pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang malaman ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
Dapat ninyong makita ang mga layunin ng Diyos, at dapat ninyong makita na ang gawain ng Diyos ay hindi kasingsimple ng paglikha sa langit at lupa at lahat ng bagay. Iyan ay dahil ang gawain sa ngayon ay ang pagbabago ng mga yaong nagawang tiwali, na naging labis na manhid, iyon ay para dalisayin yaong mga nilikha ngunit naproseso ni Satanas. Hindi iyon ang paglikha kay Adan o kay Eba, lalong hindi iyon ang paglikha ng liwanag, o ang paglikha ng lahat ng halaman at hayop. Dinadalisay ng Diyos ang mga bagay na nagawang tiwali ni Satanas at pagkatapos ay muli silang nakakamit; nagiging mga bagay sila na pag-aari Niya, at nagiging Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito kasingsimple ng paglikha sa langit at lupa at lahat ng bagay, tulad ng inaakala ng tao, at hindi ito tulad ng gawain ng pagsumpa kay Satanas sa walang-hanggang hukay, na tulad din ng inaakala ng tao; ito ang gawaing baguhin ang tao—ang mga bagay na negatibo at hindi sa Kanya ay ginagawang mga bagay na positibo at Kanya nga. Ito ang tunay na kuwento sa likod ng yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong maunawaan, at iwasan ang sobrang pagpapasimple ng mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang pagiging kamangha-mangha at karunungan nito ay hindi kayang isipin ng tao. Hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa yugtong ito ng gawain, ngunit hindi rin Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at dinadalisay ang lahat ng bagay na narungisan ni Satanas. Kaya nga sinisimulan ng Diyos ang isang napakahalagang proyekto. Ito ang buong kabuluhan ng gawain ng Diyos. Nakikita mo ba sa mga salitang ito na talagang napakasimple ng gawain ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Agad ba Tayong Magbabagong-Anyo at Madadala sa Kaharian ng Langit Pagbalik ng Panginoon?
Paano Nililinis ng Diyos ang Tiwaling Disposisyon ng Tao?
Kaugnay na mga Himno
Ang Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Diyos sa mga Huling Araw
Ang Paghatol sa Pamamagitan ng Salita ay Mas Mahusay na Kumakatawan sa Awtoridad ng Diyos
Ano ang Maaaring Gawin Upang Baguhin ang Makasalanang Kalikasan ng Tao?