31. Paano lutasin ang problema ng pagtahak sa landas ng mga anticristo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Dapat mong malinaw na makita ang mga anticristo at makilala sila nang tama. Dapat malaman mo kung paano makilatis ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo at, gayundin, dapat mong malinaw na malaman na maraming bagay sa iyong sariling kalikasang diwa ang may pagkakatulad sa mga anticristo. Ito ay dahil lahat kayo ay kabilang sa sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, at ang tanging kaibahan ay na ganap na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas ang mga anticristo, at sila ay naging mga kasabwat ni Satanas at nagsasalita para dito. Kabilang ka rin sa tiwaling sangkatauhan, subalit nagagawa mong tanggapin ang katotohanan at may pag-asa kang makamit ang kaligtasan. Gayumpaman, maraming bagay pagdating sa diwa na may pagkakatulad ka sa mga anticristo, at pareho ang inyong mga pamamaraan at motibo. Iyon lang na, sa sandaling narinig mo na ang katotohanan at nakinig ka sa mga sermon, magagawa mong magbago ng landas, at ang kakayahang magbago ng landas ang makatutukoy na may pag-asa kang magkamit ng kaligtasan—ito ang pagkakaiba sa pagitan mo at ng mga anticristo. Samakatwid, kapag inilalantad Ko ang mga anticristo, dapat mo ring ipagkumpara at kilalanin kung anong mga bagay ang may pagkakatulad kayo ng mga anticristo, at kung aling mga pagpapamalas, disposisyon, at aspekto ng diwa ang may pagkakatulad ka sa kanila. Sa paggawa nito, hindi mo ba magagawang mas makilala ang iyong sarili? Kung palagi kang nakakaramdam ng paglaban, naniniwalang hindi ka isang anticristo, nakakaramdam ng matinding pagkamuhi sa mga anticristo, at ayaw mong gawin ang pagkukumparang ito o pagninilay tungkol sa iyong sarili at pag-unawa kung anong landas ang iyong sinusundan, ano ang magiging kahihinatnan? Sa pagkakaroon ng isang satanikong disposisyon, malamang sa malamang na magiging isang anticristo ka. Ito ay dahil walang anticristo ang sadyang naghahangad na maging isang anticristo at pagkatapos ay nagiging gayon nga; ito ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at natural na humahantong sila sa pagsunod sa landas ng isang anticristo. Hindi ba’t mga anticristo ang lahat ng iyon sa relihiyosong mundo na hindi nagmamahal sa katotohanan? Ang bawat tao na hindi pinagninilayan at inuunawa ang kanilang sariling kalikasang diwa at na nananampalataya sa Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ay isang anticristo. Kapag nagsimula ka na sa landas ng isang anticristo, sa sandaling nagkamit ka ng katayuan, at isama pa ang katunayang may kaunti kang kaloob at pagkatuto, at hinahangaan ka ng lahat, habang ang oras na iyong ginugugol sa pagtatrabaho ay humahaba, nagkakaroon ka ng lugar sa puso ng mga tao. Habang lumalawak ang saklaw ng trabaho na iyong responsabilidad, parami nang parami ang taong iyong pinamumunuan, parami nang parami ang kapital na iyong makakamit, at pagkatapos ay magiging isang tunay ka nang Pablo. Nakasalalay ba ang lahat ng ito sa iyo? Wala kang planong sundan ang landas na ito, subalit paanong hindi mo namalayan na tinahak mo na ang landas ng isang anticristo? Isang mahalagang dahilan nito ay na kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, tiyak na hahangarin mo ang katayuan at katanyagan, isasakatuparan mo ang sarili mong proyekto, hanggang sa huli, nang hindi mo namamalayan, sinusundan mo na pala ang landas ng isang anticristo. Kung ang mga taong sumusunod sa landas ng isang anticristo ay hindi magbabago ng landas nang maagap, kapag nagkamit sila ng katayuan ay malamang na malamang na magiging mga anticristo sila—hindi maiiwasan ang resultang ito. Kung hindi nila malinaw na nakikita ang bagay na ito, nasa panganib sila, dahil nagtataglay ang lahat ng mga tiwaling disposisyon at nagmamahal ang lahat sa reputasyon at katayuan; kung hindi nila minamahal ang katotohanan, napakadali nilang mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang lahat ay susunod sa landas ng isang anticristo at mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan, at ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ng sinuman. Sinasabi mo na, “Mayroon lang ako ng mga pagbubunyag na ito paminsan-minsan; mga pansamantalang pagpapamalas lang ang mga ito. Bagaman may katulad akong diwa sa mga anticristo, naiiba pa rin ako sa mga anticristo dahil wala ako ng gayong kalalaking ambisyon na tulad ng sa kanila. Gayundin, habang ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi kong pinagninilayan ang aking sarili, nagsisisi ako, at naghahanap sa katotohanan, at kumikilos ako alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung huhusgahan ang aking pag-uugali, hindi ako isang anticristo at hindi ko nais na maging anticristo, kaya hindi ako maaaring maging isang anticristo.” Maaaring hindi ka isang anticristo sa ngayon, subalit matitiyak mo ba na hindi mo susundan ang landas ng isang anticristo at hindi ka magiging isang anticristo? Magagarantiyahan mo ba iyon? Hindi, hindi mo iyon magagarantiyahan. Kaya, paano mo magagarantiyahan iyon? Ang isa at tanging paraan para gawin ito ay ang hangarin ang katotohanan. Kung gayon, paano mo dapat hangarin ang katotohanan? May paraan ka ba para gawin ito? Una, dapat mong kilalanin ang katunayan na may katulad kang disposisyong diwa sa mga anticristo. Bagaman hindi ka isang anticristo sa ngayon, para sa iyo, ano ang pinakanakamamatay at mapanganib na bagay? Ito ay na nagtataglay ka ng katulad na kalikasang diwa sa mga anticristo. Mabuting bagay ba ito para sa iyo? (Hindi.) Tiyak na hindi. Nakamamatay ito para sa iyo. Samakatwid, habang pinakikinggan mo ang mga sermong ito na naglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, huwag mong isiping walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo; maling taglayin ang saloobing ito. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin para tanggapin ang mga katunayan at pagpapamalas na ito? Ikumpara mo ang iyong sarili sa kanila, kilalanin na mayroon kang kalikasang diwa ng isang anticristo, at pagkatapos ay suriin ang iyong sarili para malaman kung alin sa iyong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang kapareho sa mga anticristo. Una, kilalanin mo ang katunayang ito—huwag subukang ibalatkayo o ibalot ang sarili mo. Ang landas na tinatahak mo ay ang landas ng isang anticristo, kaya alinsunod sa mga katunayan na sabihing ikaw ay isang anticristo; kaya lang ay hindi ka pa inilarawan ng sambahayan ng Diyos bilang gayon at binibigyan ka ng pagkakataong magsisi, iyon lang. Nauunawaan mo ba? Una, tanggapin at kilalanin mo ang katunayang ito, at pagkatapos ang kailangan mong gawin ay lumapit sa Diyos at hingin sa Kanya na disiplinahin ka at pigilan ka. Huwag kang umalis sa liwanag ng presensiya ng Diyos o huwag mong iwan ang Kanyang proteksiyon, at sa paraang ito ay mapipigilan ka ng iyong konsensiya at katwiran kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, at magkakaroon ka rin ng mga salita ng Diyos para tanglawan ka, akayin ka, at pigilan ka. Bukod dito, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu para gabayan ka, para isaayos ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo para magsilbing babala sa iyo at para disiplinahin ka. Paano ka binabalaan ng Diyos? Kumikilos ang Diyos sa maraming paraan. Minsan, idudulot ng Diyos na magkaroon ka ng isang malinaw na pakiramdam sa iyong puso, na magbibigay-daan para malinaw mong mapagtanto na dapat kang pigilan, na hindi ka dapat kumilos nang ayon sa iyong kagustuhan, na kung kumilos ka nang mali, magbibigay ka ng kahihiyan sa Diyos at gagawin mong hangal ang iyong sarili, at kaya pipigilan mo ang iyong sarili. Hindi ba pagprotekta ito sa iyo ng Diyos? Isang paraan ito. Minsan, sasawayin ka ng Diyos sa kaibuturan mo at magpapakita Siya sa iyo ng malilinaw na salita para sabihin sa iyo na ang pagkilos sa ganoong paraan ay kahiya-hiya, na kinasusuklaman Niya ito, na isinumpa ito, ibig sabihin, gumagamit Siya ng malilinaw na salita para sawayin ka upang ikumpara mo ang mga iyon sa iyong sarili. Ano ang pakay ng Diyos sa pagsaway sa iyo sa ganitong paraan? Ginagawa Niya ito para may maramdaman ang iyong konsensiya, at kapag may nararamdaman ka na, isasaalang-alang mo ang epekto, kahihinatnan, at ang iyong kahihiyan, at magpipigil ka sa iyong mga kilos at gawi. Kapag nagkaroon ka na ng maraming gayong karanasan, makikita mo na bagaman nakaugat ang mga tiwaling disposisyong ito sa kalooban ng mga tao, kapag nagkaroon na ng abilidad ang mga taong tanggapin ang katotohanan at malinaw na makita ang katotohanan ng kanilang sariling mga tiwaling disposisyon, magagawa nilang sadyang maghimagsik laban sa kanilang laman; kapag naisasagawa ng mga tao ang katotohanan, nalilinis at nababago ang kanilang satanikong disposisyon. Ang satanikong disposisyon ng tao ay hindi nasisira o nababago—kapag nagagawa mo nang tanggapin ang katotohanan at naisasagawa mo ang katotohanan, natural na mawawasak at mapapalitan ang iyong satanikong disposisyon. Kapag natikman mo na kung gaano katamis isagawa ang katotohanan, iisipin mo na, “Napakawalang-hiya ko noon. Gaano man kawalang-hiya ang mga salita ko o paano ko man itinataas ang aking sarili para sambahin ako ng iba, hindi ako nakaramdam ng kahihiyan at wala akong kamalayan pagkatapos. Ngayon, nararamdaman kong mali ang pagkilos sa ganoong paraan at nawalan ako ng dangal, at nararamdaman kong tila maraming mga mata ang nakatutok sa akin.” Gawa ito ng Diyos. Binibigyan ka Niya ng isang pakiramdam, at mararamdaman mo na tila sinasaway mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay hindi ka gagawa ng kasamaan o mananatili sa sarili mong landas. Nang hindi namamalayan, ang mga paraan mo ng pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili ay paunti na nang paunti, lalo kang magpipigil sa iyong sarili, at lalo mong mararamdaman na sa ganitong pagkilos ay kalmado ang iyong puso at payapa ang iyong konsensiya—ito ay pamumuhay sa liwanag, at hindi na kailangang maging balisa o gumamit ng mga kasinungalingan o magagandang salita para ikubli ang iyong sarili. Dati, nagsinungaling ka at ipinagpatuloy mo ang mga kasinungalingan araw-araw para protektahan ang iyong reputasyon. Sa tuwing magsisinungaling ka, kinailangan mong ipagpatuloy ang kasinungalingang iyon, sa sobrang takot na baka mabunyag mo ang iyong sarili. Ang resulta nito ay ang pagsisinungaling pa nang pagsisinungaling, at nang maglaon ay kinailangan mong magpursigi at mag-isip nang mabuti para maipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan; namuhay ka sa isang buhay na hindi katulad ng sa tao o ng sa mga demonyo, at sobrang nakakapagod! Ngayon, hinahangad mo na maging isang matapat na tao, at maaari mong buksan ang iyong puso at magsalita ka ng mga bagay na totoo. Hindi mo na kailangang magsinungaling at ipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan araw-araw, hindi ka na napipigilan ng mga kasinungalingan, mas kaunti na ang dinaranas mong paghihirap, namumuhay ka na nang mas maluwag, malaya, at napalaya, sa kaibuturan ng puso mo ay nadarama mo ang kapayapaan at kagalakan—nalalasap mo ang tamis ng buhay na ito. At habang ninanamnam mo ang tamis ng buhay na ito, ang iyong panloob na mundo ay hindi na mapanlinlang, buktot, o huwad. Sa halip, handa ka na ngayong lumapit sa Diyos, nagdarasal ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan kapag mayroon kang isyu, nagagawa mo itong talakayin sa iba kapag mayroon kang isyu, at hindi ka na kumikilos nang nag-iisa o nang arbitraryo. Lalo mong nararamdaman na ang paraan ng paggawa mo noon ng mga bagay-bagay ay kasuklam-suklam at ayaw mo nang gawin ang mga bagay na tulad niyon. Sa halip, kumikilos ka sa alinmang paraan na naaayon sa katotohanan, sa katwiran, at sa mga layunin ng Diyos; nagbago ang paraan ng iyong pagkilos. Kapag nagagawa mong makamit ang mga bagay na ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon na nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo? At kapag nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo, hindi ba’t ibig sabihin niyon na tinatahak mo na ang landas ng kaligtasan? Kapag tinatahak mo na ang landas ng kaligtasan at madalas ka nang lumalapit sa Diyos, ang iyong saloobin, intensyon, perspektiba, ang mga layon at ang direksyon mo sa buhay ay hindi na sumasalungat sa Diyos, nagsisimula ka nang mahalin ang mga positibong bagay, at nagsisimula ka nang mahalin ang pagiging patas, pagiging matuwid, at ang katotohanan. Kapag nangyari ito, nagsisimulang magbago ang kaibuturan ng iyong puso at ang iyong mga iniisip. Kapag tinahak mo na ang landas ng kaligtasan, maaari ka pa rin bang maging isang anticristo? Maaari mo pa rin bang sadyaing labanan ang Diyos? Hindi, hindi mo magagawa iyon, at wala ka na sa panganib ngayon. Sa pagpasok lang sa kalagayang ito mapupunta ang mga tao sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at sa paghahanap at pagtanggap lang sa katotohanan sa ganitong paraan nila maiwawaksi ang mga problema, pagkontrol, at kaguluhan na dulot ng kanilang satanikong kalikasan at anticristong kalikasan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Paano malulutas ang problema ng pagtahak sa landas ng mga anticristo? (Sa isang aspekto, dapat magkaroon ng kaalaman ang isang tao sa usaping ito, at dapat silang lumapit sa Diyos para magdasal kapag nagbubunyag sila ng mga kaisipan at ideya ng pakikipag-agawan para sa katayuan. Dagdag pa rito, dapat silang magbukas at maglantad ng kanilang sarili sa mga kapatid, at pagkatapos ay sadya silang maghimagsik laban sa mga di-wastong kaisipan at ideyang ito. Dapat din nilang hilingin sa Diyos na hatulan, kastiguhin, pungusan, at disiplinahin sila. Pagkatapos, magagawa na nilang tumahak sa tamang landas.) Napakagandang sagot niyan. Gayumpaman, hindi ito madaling makamit; sa partikular, para sa mga taong mahal na mahal ang reputasyon at katayuan, lalo itong mas mahirap makamit. Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—makakamit lang ito ng mga tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan nila makikilala ang kanilang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikita nang malinaw ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang matatalikuran ng mga tao ang katayuan at reputasyon kapag tunay na nilang nakilala ang kanilang sarili. Hindi madaling iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Kung inaamin mo na hindi mo taglay ang katotohanan, na masyado kang maraming kakulangan, at na nagbubunyag ka ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, na mali mong pinaniniwala ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, ilalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na babangga ka sa pader at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagbubunyag ka ng katiwalian, at nagtataglay ng lahat ng uri ng kakulangan. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o omnipotente, at kailangan mong kilalanin iyan. Kapag hinahamak o tinutuya ka ng ibang mga tao, huwag kaagad tumugon nang may pagkasuklam dahil lamang sa hindi kaaya-aya ang sinasabi nila, o tumutol dito dahil naniniwala kang mayroon kang kapabilidad at perpekto ka—hindi dapat ganito ang iyong saloobin sa gayong mga salita. Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “May mga pagkakamali ako, tiwali at may kapintasan ang lahat ng bagay tungkol sa akin, at isang ordinaryong tao lamang ako. Anuman ang kanilang paghamak at panunuya sa akin, may katotohanan ba rito? Kung parte ng sinasabi nila ay totoo, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos.” Kung may ganito kang saloobin, katunayan ito na kaya mong tratuhin nang tama ang katayuan, reputasyon, at mga sinasabi ng ibang tao patungkol sa iyo. Hindi madaling isantabi ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong medyo may kaloob, medyo mahusay ang kakayahan, o nagtataglay ng kaunting karanasan sa gawain, mas mahirap isantabi ang mga bagay na ito. Bagama’t minsan ay sinasabi nila na isinantabi na nila ang mga ito, hindi nila magawa ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila. Sa sandaling pinahihintulutan ng sitwasyon at mayroon silang pagkakataon, magpapatuloy silang magsumikap para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan gaya ng dati, dahil mahal ng lahat ng tiwaling tao ang mga bagay na ito, sadyang medyo mas mahina lang ang pagnanais ng mga walang kaloob o talento na maghangad ng katayuan. Ang mga may taglay na kaalaman, talento, magandang hitsura, at espesyal na kapital, ay talagang may matinding pagnanais para sa reputasyon at katayuan, hanggang sa puntong puno na sila ng ambisyon at pagnanais na ito. Ito ang pinakamahirap para sa kanila na isantabi. Kapag wala silang katayuan, ang pagnanais nila ay nasa yugtong nag-uumpisa pa lamang. Kapag nagkaroon na sila ng katayuan, kapag pinagkakatiwalaan na sila ng sambahayan ng Diyos ng ilang mahahalagang gampanin, at lalo na kung nakapagtrabaho na sila nang maraming taon at malawak na ang kanilang karanasan at malaki na ang kanilang kapital, ang pagnanais ay hindi ngayon lang sumisibol, kundi nag-ugat na ito, namukadkad, at malapit nang magbunga. Kung ang isang tao ay palaging may pagnanais at ambisyon na gumawa ng mga dakilang bagay, maging sikat, maging isang dakilang tao, kung gayon, sa sandaling gumawa siya ng malaking kasamaan, at magkaroon ng epekto ang mga kahihinatnan nito, ganap na magiging katapusan na niya, at siya ay matitiwalag. Kaya, bago pa ito humantong sa malaking kalamidad, dapat niyang baligtarin kaagad ang sitwasyon habang may oras pa. Sa tuwing ginagawa mo ang anumang bagay, at sa anumang konteksto, dapat mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang pagiging isang taong matapat at masunurin sa Diyos, at isantabi ang paghahangad ng katayuan at reputasyon. Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang kahihinatnan ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malulutas. Kaya huwag magsayang ng oras, hanapin ang katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa sa katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, matatandaan at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa. Kaya ano ang sinusubukan Kong bigyang-diin? Ito iyon: Dapat alisin mo sa iyo ang mga pagnanais at ambisyon mo bago mamulaklak at magbunga ang mga ito at mauwi sa matinding kalamidad. Kung hindi mo lulutasin ang mga ito habang maaga pa, mapapalampas mo ang isang magandang oportunidad; at sa sandaling nauwi na ang mga ito sa matinding kalamidad, huli na ang lahat para lutasin ang mga ito. Kung wala ka man lang determinasyon para maghimagsik laban sa laman, magiging napakahirap para sa iyo na makatungtong sa landas ng paghahangad sa katotohanan; kung may nasasagupa kang mga dagok at kabiguan sa paghahangad mo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka natatauhan, mapanganib ito: May posibilidad na matitiwalag ka. Kapag naharap ang mga nagmamahal sa katotohanan sa isa o dalawang kabiguan at dagok pagdating sa kanilang reputasyon at katayuan, malinaw nilang nakikita na wala talagang anumang halaga ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Nagagawa nilang lubos na talikuran ang katayuan at reputasyon, at pagpasyahan na, kahit hindi sila kailanman nagtataglay ng katayuan, patuloy pa rin nilang hahangarin ang katotohanan at gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at ibabahagi ang kanilang patotoong batay sa karanasan, at nang sa gayon ay matamo ang resulta ng pagpapatotoo sa Diyos. Kahit mga ordinaryong tagasunod sila, may kakayahan pa rin silang sumunod hanggang wakas, at ang tanging gusto nila ay matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga taong ito lamang ang tunay na nagmamahal sa katotohanan at may determinasyon. Marami nang anticristo at masasamang tao ang naitiwalag ng sambahayan ng Diyos, at ang ilang naghahangad sa katotohanan, matapos makita ang kabiguan ng mga anticristo, ay nagninilay-nilay sa landas na tinahak ng mga taong iyon, at pinagninilay-nilayan din nila at kinikilala ang kanilang sarili. Mula rito, nagkakamit sila ng pagkaunawa tungkol sa layunin ng Diyos, nagpapasya na maging mga ordinaryong tagasunod, at nagtutuon sa paghahangad sa katotohanan at paggampanan nang maayos sa kanilang tungkulin. Kahit pa sinasabi ng Diyos na sila ay mga tagapagserbisyo o mabababang tao na walang kabuluhan, ayos lang sa kanila. Susubukan lang nilang maging mabababang tao, maliit at hamak na mga tagasunod sa mga mata ng Diyos, na sa huli ay tatawagin ng Diyos na mga pasok sa pamantayan na nilikha. Ang mga taong tulad nito ang mabubuti at sila ang mga sinasang-ayunan ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)

Natatakot ba kayong tumahak sa landas ng mga anticristo? (Oo.) May silbi ba ang matakot lamang? Wala—hindi malulutas ng takot lamang ang problema. Normal lamang ang matakot na matahak ang landas ng mga anticristo. Nagpapakita ito na ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, isang taong handang magsikap na matamo ang katotohanan at handang hangarin ito. Kung matatakutin kayo sa puso ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at ang landas ng pagsasagawa. Kailangan ninyong magsimula sa pamamagitan ng pagkatutong makipagtulungan sa iba nang magkakasundo. Kung may problema, lutasin ito gamit ang pagbabahaginan at talakayan, upang malaman ng lahat ang mga prinsipyo, gayundin ang partikular na pangangatwiran at programa patungkol sa resolusyon. Hindi ba’t pinipigilan ka nitong kumilos nang arbitraryo at nang ikaw lang ang nagdedesisyon? Bukod pa riyan, kung ikaw ay mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, likas mong makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Ngunit dapat mo ring matutuhang tanggapin ang pangangasiwa ng hinirang na mga tao ng Diyos, na nangangailangan na magkaroon ka ng malawak na isipan at maging mapagparaya ka. Kung may makita kang isang taong pinangangasiwaan ka, iniinspeksyon ang trabaho mo, o sinisiyasat ka nang hindi mo alam, at kung uminit ang ulo mo, ituring ang taong ito na parang kaaway at hamakin siya, at atakihin at pakitunguhan pa siya gaya ng isang ahas sa damuhan, at gaya ng isang traydor, inaasam-asam na mawala na siya, problema nga ito. Hindi ba’t lubhang napakasama nito? Ano, kung gayon, ang ipinagkaiba mo sa isang diyablong hari? Patas na pagtrato ba ito sa mga tao? Kung kikilos ka sa paraang matapat at matuwid, dapat bang katakutan ang pagsusubaybay sa iyo ng mga tao? Kung ikaw ay natatakot, ibig sabihin nito ay may itinatago ka. Kung alam mo sa iyong puso na may problema ka, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ipinapakita nito na may katwiran ka. Kung alam mong may problema ka, pero hindi mo hinahayaan ang sinuman na pangasiwaan ka, inspeksyunin ang trabaho mo, o siyasatin ang problema mo, lubha kang walang katwiran, ikaw ay isang taong naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, at sa kasong ito, mas malala pa ang problema mo. Kung kikilatisin ka ng mga hinirang ng Diyos na isang masamang tao o isang hindi mananampalataya, lalo pang magiging problema ang mga kahihinatnan nito. Kung kaya, ang mga kayang tumanggap ng pangangasiwa, pagsusuri, at pagsusubaybay sa kanila ng iba ang siyang mga pinakanagtataglay ng katwiran; mayroon silang lawak ng isipan at normal na pagkatao. Kapag nadiskubre mong mali ang pamamaraan mo o na nagbubunyag ka ng tiwaling disposisyon, kung nagagawa mong magbukas at makipag-usap sa mga tao, tutulungan nito ang mga nasa paligid mo na mapangasiwaan ka. Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos, umasa sa Kanya, at palagiang suriin ang iyong sarili. Lalo na kapag maling landas ang tinahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag akmang kikilos ka na nang arbitraryo at diktatoryal, at tinukoy ito ng isang tao sa paligid mo at binalaan ka, dapat mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba pinoprotektahan nang hindi mo nalalaman? Para sa iyo, ito ay isang uri ng proteksyon. Samakatwid, hindi ka dapat palaging maging mapagbantay laban sa iyong mga kapatid o sa mga tao sa paligid mo. Huwag palaging magbalatkayo o magkubli ng sarili, nang hindi tinutulutan ang iba na maunawaan ka o makita kung sino ka. Kung ang iyong puso ay palaging mapagbantay laban sa iba, maaapektuhan nito ang paghahanap mo sa katotohanan, at magiging madali para sa iyo na mawala ang gawain ng Banal na Espiritu, gayundin ang maraming mga pagkakataon na magawa kang perpekto. Kung palagi kang mapagbantay laban sa iba, magkakaroon ka ng mga sikreto sa iyong puso, at hindi mo magagawang makipagtulungan sa mga tao. Magiging madali para sa iyo na gawin ang mga maling bagay at tahakin ang maling landas, at matitigilan ka kapag nakagawa ka ng mga pagkakamali. Ano ang iisipin mo sa oras na iyon? “Kung alam ko lang, nakipagtulungan sana ako sa mga kapatid ko sa paggampan sa aking tungkulin sa simula pa lang, at tiyak na hindi sana ako magkakaroon ng anumang problema. Pero dahil palagi akong natatakot na makilatis ng iba, naging mapagbantay ako laban sa iba. Ngunit sa huli, walang ibang nagkamali—ako ang nakagawa ng unang pagkakamali. Kahiya-hiya at kahangalan ang bagay na ito!” Kung magagawa mong tumuon sa paghahanap sa katotohanan, at maging bukas sa pakikipagbahaginan kasama ang iyong mga kapatid kapag nahihirapan ka, matutulungan ka ng iyong mga kapatid, at maaalalayan kang maunawaan ang tamang landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Mapangangalagaan ka nito mula sa pagtahak sa maling landas kapag ginagampanan ang iyong tungkulin, para hindi ka mabigo o madapa, o itaboy at itiwalag ng Diyos. Sa halip, makatatanggap ka ng proteksiyon, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano’t napakalaki ng mga pakinabang na nakakamit ng mga tao sa magkakasundong pakikipagtulungan!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo

Dahil hindi ninyo taglay ngayon ang realidad ng mga salita ng Diyos bilang buhay ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa sandaling magkaroon kayo ng katayuan at opisyal na mga titulo? Tatahakin ba ninyo ang landas ng mga anticristo? (Hindi iyon sigurado.) Ito ang pinakamapanganib na panahon. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? Sabihin ninyo sa Akin, mapanganib ba ang maging isang lider o isang manggagawa? (Mapanganib.) Sa kabila ng kaalaman sa panganib na ito, handa pa rin ba kayong gampanan ang tungkuling ito? (Oo.) Ang kahandaang ito na gampanan ang inyong tungkulin ay determinasyon ng tao, at isa itong positibong bagay. Gayumpaman, sapat na ba ang positibong bagay na ito upang maisagawa ninyo ang katotohanan? Magagawa ba ninyong maghimagsik laban sa mga kagustuhan ng laman? Sa pag-asa sa mabubuting layunin ng tao at kalooban ng tao, at sa pag-asa sa mga pagnanais at adhikain ng tao, magagawa ba ninyong tuparin ang inyong resolusyon? (Hindi.) Kung gayon, dapat ninyong pag-isipan kung ano ang dapat ninyong gawin upang ang iyong mga kahilingan, mga adhikain, at mga resolusyon ay maging realidad mo at tunay mong tayog. Hindi iyon masyadong problema talaga. Ang tunay na problema ay na dahil sa kasalukuyang kalagayan at tayog ng tao, at dahil sa kanyang karakter, malayong matugunan niya ang mga kondisyon ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang karakter ninyo ay nagtataglay ng hindi hihigit sa katiting na konsensiya at katwiran, hindi ng determinasyong hangarin ang katotohanan. Kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, maaaring ninanais ninyo na huwag maging pabaya, o huwag subukang lansihin ang Diyos, ngunit gagawin ninyo ito. Batay sa inyong kasalukuyan, tunay na kalagayan at tayog, kayo ay nanganganib na. Itinataguyod pa rin ba ninyo na ang pagkakaroon ng katayuan ay mapanganib, at ang kawalan nito ay nangangahulugan na ligtas kayo? Sa katunayan, ang kawalan ng katayuan ay mapanganib din. Hangga’t namumuhay kayo sa isang tiwaling disposisyon, nasa panganib kayo. Ngayon, totoo ba na delikado lamang ang maging isang lider, samantalang ligtas naman ang mga hindi lider? (Hindi.) Kung isa kang taong hindi naghahangad sa katotohanan at hindi nagtataglay ng katiting na katotohanang realidad, nanganganib ka, ikaw man ay lider o hindi. Kaya, paano mo dapat hangarin ang katotohanan para makatakas sa panganib na ito? Naisip na ba ninyo ang katanungang ito? Kung mayroon ka lamang kaunting pagnanais at sumusunod lamang sa ilang patakaran, gagana ba iyon? Makakatakas ka ba talaga sa panganib sa ganitong paraan? Maaaring gumana ito sa maikling panahon, ngunit hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa pagtagal-tagal ng panahon. Kaya, ano ang dapat gawin? Sinasabi ng ilang tao na ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamainam na paraan. Ganap itong tama, ngunit sa anong paraan dapat maghangad ang isang tao upang makapasok sa katotohanang realidad? At upang lumago ang kanyang buhay? Hindi simpleng usapin ang mga ito. Una, dapat mong maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay dapat mo itong isagawa. Hangga’t nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kalahati ng mga problemang ito ay nalutas na. Magagawa niyang pagnilayan ang sarili niyang kalagayan at makita ito nang malinaw. Mararamdaman niya ang panganib na kanyang kinalalagyan. Kusa niyang maisasagawa ang katotohanan. Ang gayong pagsasagawa ay likas na umaakay sa isang tao tungo sa pagpapasakop sa Diyos. Ligtas na ba sa kapahamakan ang isang taong nagpapasakop sa Diyos? Kailangan mo ba talaga ng sagot? Ang mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay hindi na magrerebelde o lalaban sa Diyos, lalong hindi na Siya ipagkakanulo ng mga ito. Natitiyak ang kanilang kaligtasan. Hindi ba’t ganap na ligtas na sa panganib ang gayong tao? Samakatwid, ang pinakamainam na paraan ng paglutas ng mga problema ay ang pagiging seryoso ng isang tao sa katotohanan at ang pagsisikap ng isang tao sa katotohanan. Sa sandaling tunay na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, lahat ng problema ay malulutas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Kapag nagtatrabaho ang mga lider at manggagawa, minsan ay nabibigyang-liwanag at natatanglawan sila ng Banal na Espiritu, makapagsasalita sila ng ilang tunay na karanasan, at natural na magkakaroon sila ng mga taong tumitingala at sumasamba sa kanila, natural na magkakaroon sila ng mga taong sumusunod sa kanila, na hindi maihihiwalay sa kanila tulad ng sarili nilang anino—sa mga panahong tulad nito, paano nila dapat harapin ang mga bagay na ito? Ang lahat ay may kanya-kanyang hilig, lahat ay banidoso; kung maririnig ng mga tao ang iba na nagsasalita nang may pagsang-ayon at papuri sa kanila, lubos silang masisiyahan. Isa itong normal na bagay na maramdaman at hindi isang malaking bagay. Gayumpaman, kung itataas nila ng ranggo ang sinumang kayang magbigay ng sobrang papuri sa kanila, at bobolahin sila, at inilalagay nila ang isang tulad nito sa isang napakahalagang katungkulan, mapanganib iyon. Ito ay dahil ang lahat ng mga taong mahilig mambola at labis-labis na pumupuri sa iba ay sobrang tuso at mapanlinlang, at hindi sila matapat o totoo. Sa sandaling magkamit ng katayuan ang gayong mga tao, wala silang pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos o sa gawain ng iglesia. Ang mga taong ito ay tuso, at sila ang pinakamay-kakayahang guluhin ang mga bagay-bagay. Iyong mga taong medyo matuwid ay hindi kailanman nagbibigay ng labis-labis na papuri sa iba. Kahit pa sinasang-ayunan ka nila sa kanilang puso, hindi nila ito sasabihin nang malakas, at kung natuklasan nilang mayroon kang mga kapintasan o na nakagawa ka ng pagkakamali, ipapaalam nila ito sa iyo. Ang ilang tao, gayumpaman, ay ayaw ng mga prangkang tao, at kapag may nagsabi ng kanilang mga kapintasan o sinasaway sila, sinisikil at ibinubukod nila ang taong iyon, at gagamitin pa ang mga kapintasan at pagkukulang ng taong iyon para patuloy siyang husgahan at kondenahin. Sa paggawa nito, hindi ba’t pinagmamalupitan at sinasaktan nila ang mabubuting tao? Ang paggawa ng mga bagay na tulad nito at pang-uusig sa gayong mabubuting tao ay mga bagay na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Ang pang-uusig sa mabubuting tao ay isang napakasamang bagay na gawin! At kung ang isang tao ay umuusig sa napakaraming mabuting tao, isa siyang diyablo. Dapat tratuhin ng mga lider at manggagawa ang lahat nang patas at may pagmamahal, at dapat nilang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Lalo na kapag may mga taong nambobola at sumisipsip at umaali-aligid sa iyo, dapat mo silang tratuhin nang tama, tulungan sila nang may pagmamahal, at udyukan silang tuparin ang kanilang mga nararapat na gawain at hindi mambola ng mga tao tulad ng ginagawa ng mga walang pananampalataya; sabihin nang malinaw ang iyong posisyon at perspektiba, iparamdam sa kanila ang pagkapahiya at kahihiyan para hindi na nila ito ulitin. Kung kaya mong sundin ang mga prinsipyo at tratuhin nang patas ang mga tao, hindi ba’t mapapahiya ang mga kasuklam-suklam na payasong ito na kauri ni Satanas? Mapapahiya nito si Satanas, at mapalulugod nito ang Diyos. Iyong mga mahilig mambola sa iba ay naniniwala na gusto ng lahat ng lider at manggagawa ng mga taong nambobola sa kanila, at sa tuwing may nagsasabi ng anumang pambobola o paninipsip sa kanila, natutugunan ang kanilang banidad at pagnanais para sa katayuan. Hindi gusto ng mga taong nagmamahal sa katotohanan ang lahat ng ito, at labis nilang kinasusuklaman itong lahat at nasusuya sila sa lahat ng ito. Tanging ang mga huwad na lider lang ang nasisiyahang bolahin. Maaaring hindi sila pinapalakpakan o pinupuri ng sambahayan ng Diyos, subalit kung pinapalakpakan at pinupuri sila ng hinirang na mga tao ng Diyos, lubos silang nalulugod at labis nila itong ikinasisiya, at kalaunan ay nakakukuha sila ng kaunting pampalubag-loob mula rito. Mas ikinasisiya ng mga anticristo ang binobola, at ang bagay na pinakaikinasisiya nila ay kapag ang ganitong mga tao ay lumalapit sa kanila at umaali-aligid sa kanila. Hindi ba’t problema ito? Ganito ang mga anticristo; gusto nila na may mga taong pumupuri at pumapalakpak sa kanila, sumasamba at sumusunod sa kanila, samantalang iyong mga naghahangad sa katotohanan at medyo matuwid ay ayaw ang anuman sa mga ito. Dapat kang maging malapit sa mga taong kayang makipag-usap nang totoo sa iyo; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito sa tabi mo ay lubos na malaking kapakinabangan sa iyo. Sa partikular, ang pagkakaroon ng gayong mabubuting tao sa paligid mo tulad ng mga iyon na, kapag natutuklasan nila ang isang problema sa iyo, ay may lakas ng loob na sawayin ka at ilantad ka, mapipigilan kang maligaw ng landas. Wala silang pakialam kung ano ang iyong katayuan, at sa sandaling matuklasan nilang gumawa ka ng isang bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sasawayin at ilalantad ka nila kung kinakailangan. Ang gayong mga tao lang ang matutuwid na tao, mga taong may pagpapahalaga sa katarungan. Gaano ka man nila ilantad at sawayin, ang lahat ng ito ay nakakatulong sa iyo, at ang lahat ng ito ay tungkol sa pangangasiwa sa iyo at pagtulak sa iyo pasulong. Dapat kang mapalapit sa gayong mga tao; nang may gayong mga tao sa tabi mo para tumulong sa iyo, magiging mas ligtas ka—ganito ang pagkakaroon ng pagprotekta ng Diyos. Ang pagkakaroon ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan at nagtataguyod ng mga prinsipyo sa tabi mo araw-araw na nangangasiwa sa iyo ay lubhang kapaki-pakinabang sa paggawa mo ng iyong tungkulin at gawain nang maayos. Wala ka talaga dapat niyong mga tuso at mapanlinlang na mga tao na sumisipsip sa iyo at nambobola sa iyo bilang iyong mga katulong; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito na nakadikit sa iyo ay tulad ng pagkakaroon ng mababahong langaw sa iyo, malalantad ka sa napakaraming bakterya at virus! Ang gayong mga tao ay malamang na guguluhin ka at makakaapekto sa iyong gawain, maaari silang maging sanhi ng pagkahulog mo sa tukso at pagkaligaw ng landas, at maaari silang magdala ng sakuna at kalamidad sa iyo. Dapat kang lumayo sa kanila, mas malayo ay mas mabuti, at kung makikilatis mo na mayroon silang diwa ng mga hindi mananampalataya at mapapaalis sila sa iglesia, mas mabuti. Kapag nakita ng isang matuwid na tao na naghahangad sa katotohanan na mayroon kang problema, sasabihin niya sa iyo ang katotohanan anuman ang iyong katayuan, anuman ang iyong magiging pagtrato sa kanya, at kahit na tanggalin mo pa siya. Hinding-hindi niya ito susubukang pagtakpan o ipaliligoy-ligoy. Sobrang kapaki-pakinabang na magkaroon ng mas maraming tao na tulad nito sa paligid mo! Kapag gumawa ka ng bagay na labag sa mga prinsipyo, ilalantad ka nila, magbibigay sila ng mga opinyon sa iyong mga isyu, at tutukuyin nila ang iyong mga problema at pagkakamali nang deretsahan at matapat; hindi ka nila susubukang tulungang hindi mapahiya, at ni hindi ka nila bibigyan ng pagkakataong maiwasan ang kahihiyan sa harap ng maraming tao. Paano mo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Dapat mo ba silang pahirapan, o dapat kang maging malapit sa kanila? (Maging malapit sa kanila.) Tama iyan. Dapat mong buksan ang iyong puso at makipagbahaginan ka sa kanila, sinasabi na, “Tama ang isyung mayroon ako na tinukoy mo sa akin. Noong panahong iyon, napuno ako ng banidad at pag-iisip ng katayuan. Naramdaman kong naging lider ako sa loob ng maraming taon, subalit bukod sa hindi mo man lang sinubukang tulungan akong hindi mapahiya, kundi itinuro mo rin ang mga problema ko sa harap ng napakaraming tao, kaya’t hindi ko matanggap ito. Subalit, nakikita ko na ngayon na talagang salungat ang ginawa ko sa mga prinsipyo at sa katotohanan, at hindi ko dapat ginawa iyon. Ano ba talaga ang saysay ng posisyon ng lider? Hindi ba’t tungkulin ko lang ito? Lahat tayo ay gumagawa ng ating tungkulin at lahat tayo ay pantay-pantay sa katayuan. Ang pinagkaiba lang ay nagpapasan ako ng medyo mas maraming responsabilidad, iyon lang. Kung may matutuklasan kang anumang problema sa hinaharap, sabihin mo kung ano ang dapat mong sabihin, at hindi magkakaroon ng personal na sama ng loob sa pagitan natin. Kung magkaiba tayo sa ating pagkaarok sa katotohanan, maaari tayong magbahaginan nang magkasama. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos at ng katotohanan, dapat tayong magkaisa, hindi magkakahiwalay.” Ito ay isang saloobin ng pagsasagawa at pagmamahal sa katotohanan. Ano ang dapat mong gawin kung gusto mong iwasan ang landas ng isang anticristo? Dapat kang magkusang maging malapit sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, mga taong matuwid, maging malapit sa mga taong kayang tukuyin ang iyong mga isyu, na kayang magsalita ng totoo at sawayin ka kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema, at lalo na sa mga taong kaya kang pungusan kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema—ito ang mga taong pinakakapaki-pakinabang sa iyo at dapat mo silang pahalagahan. Kung ibubukod at aalisin mo ang gayong mabubuting tao, mawawala sa iyo ang pagprotekta ng Diyos, at unti-unting darating sa iyo ang sakuna. Sa pagiging malapit sa mabubuting tao at mga taong nakakaunawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan, at maiiwasan mo ang sakuna; sa pagiging malapit mo sa mga taong ubod ng sama, mga walang-hiyang tao, at mga taong nambobola sa iyo, manganganib ka. Hindi ka lang madaling malilinlang at maloloko, kundi maaari pang dumating sa iyo ang sakuna anumang oras. Dapat malaman mo kung anong uri ng tao ang magiging pinakakapaki-pakinabang sa iyo—ito ang mga makakapagbabala sa iyo kapag may ginagawa kang mali, o kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili at nililigaw ang iba, na maaaring maging pinakakapaki-pakinabang sa iyo. Ang paglapit sa gayong mga tao ang tamang landas na dapat tahakin.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Upang makuha ang pabor ng mga tao at matiyak ang muling pagkakahalal bilang isang lider, may ilang lider ng iglesia na nagsasagawa ng mga demokratikong prinsipyo sa lahat ng kanilang ginagawa sa ilalim ng pagpapanggap na hindi sila mapandikta. Ginagamit nila ito bilang isang paraan upang makuha ang loob ng mga tao, ngunit ang totoo ay ginagawa nila ito upang patatagin ang sarili nilang katayuan. Hindi ba’t pag-uugali ito ng isang anticristo? (Oo.) Tanging isang anticristo lamang ang kikilos nang ganito. Ginagawa rin ba ninyo ang ganitong mga bagay? (Minsan.) At pinagninilayan ba ninyo kung anong mga intensyon ang namamahala sa mga kilos na ito? Maiintindihan ito kung kasisimula pa lamang ng tao na magsanay sa gawain ng pamumuno at hindi nakauunawa sa mga prinsipyo. Ngunit kung naging lider o manggagawa na siya nang ilang taon at pilit pa rin niya itong ginagawa, kawalan na ito ng mga prinsipyo. Isa itong huwad na lider at hindi isang taong naghahangad ng katotohanan. Kung ang isang tao ay may sariling intensyon at mithiin at pilit na ginagawa ito sa ganitong paraan, isa siyang anticristo. Paano ninyo tinitingnan ang ganitong usapin? Ano ang isinasagawa ninyo kapag nahaharap kayo sa ganitong isyu? Kung may sarili kayong mga intensyon at hangarin, ano ang dapat ninyong gawin upang lutasin ang mga ito? (Napansin kong may kinikimkim akong ilang intensyon sa loob ko. Minsan, natatakot akong sasabihin ng mga kapatid na hindi ako bukas at malinaw sa mga kilos ko, na mag-isa akong gumagawa ng mga desisyon nang hindi sinasabi sa kanila. Kapag ganito ang naiisip ko, tatalakayin at lulutasin ko ang mga usapin kasama ng mga kapatid. Hindi ako gagawa ng mga desisyon nang ako lang.) Katanggap-tanggap na kumonsulta sa iba. Naaangkop na tiyaking nasabihan ang lahat; ito ay pagtanggap sa pangangasiwa ng mga kapatid sa iyong gawain, na nakatutulong sa iyo na gawin ang iyong tungkulin. Gayumpaman, sa mga talakayan mo, dapat ka ring sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung lilihis ka sa mga katotohanang prinsipyo, maaaring mag-iba ang paksa ng talakayan o masayang ang oras, at hindi ka makararating sa mga wastong kongklusyon. Kaya kapag sinisimulan ang talakayan, dapat manguna ang mga lider at manggagawa sa pagbabasa ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, makapagbabahaginan ang lahat ayon sa Kanyang mga salita. Ang ganitong pagbabahaginan ay makapagbibigay ng landas at makapagdudulot ng magagandang resulta. Hindi ka puwedeng tumayo na lamang sa gilid at hayaang magbahaginan ang lahat kung paano man nila gusto. Kung walang sinuman ang may malilinaw na paninindigan, at hindi nila hinahanap ang katotohanan, walang saysay ang ganitong paraan ng pagbabahaginan, gaano kahaba man ninyo ito gawin. Hindi nito kailanman makakamit ang wastong kahihinatnan. …

… dapat mong maunawaan na ang mga tungkuling ginagampanan mo at ang gawaing isinasagawa mo ay mga atas na mula sa Diyos, at dapat mong isagawa ang iyong gawain alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Sa paggawa nito, magkakaroon ka ng layunin at direksyon sa iyong isipan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at hanapin ang landas sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay dapat mong pamunuan ang lahat upang magbahaginan tungkol sa mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos at bigyan sila ng daan upang makapagbahaginan tungkol sa katotohanan ayon sa Kanyang mga salita, upang magkaroon ng higit pang kaliwanagan sa mga salita ng Diyos, upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay pagtahak sa tamang landas. Sa diwa, ang gawain ng iglesia ay ang akayin ang mga hinirang ng Diyos sa pag-unawa at pagpasok sa lahat ng katotohanang ipinahahayag ng Diyos. Ito ang pinakapundamental na gawain ng iglesia. Kaya, anumang problema ang nilulutas, walang pagtitipon ang maihihiwalay sa pagbabasa ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos o sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa huli, kung makakapagbahaginan ka tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyo ng pagsasagawa hanggang sa malinaw na ang mga ito, mauunawaan ng lahat ang katotohanan at malalaman nila kung paano ito maisasagawa. Alinmang aspekto ng katotohanan ang kinakain at iniinom mo sa isang pagtitipon, dapat kang magbahaginan sa ganitong paraan at hanapin ang katotohanan batay sa mga usaping kinahaharap mo. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ang siyang dapat manguna sa pagbabahaginan, at iyong mga naliwanagan na ay maaari nang magpatuloy ng pagbabahaginan. Sa ganitong paraan, habang mas nagbabahaginan sila, mas kikilos sa kanila ang Banal na Espiritu, at habang mas nagbabahaginan sila sa katotohanan, mas higit na kalinawan ang makakamit nila. Kapag nauunawaan ng lahat ang katotohanan, makakamit nila ang ganap na liberasyon at kalayaan at magkakaroon sila ng landas na susundan. Ito ang pinakamainam na resultang makakamit ng isang pagtitipon. Kapag pinag-uusapan ng lahat ang patungkol sa katotohanang realidad hanggang sa maging malinaw ito sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagbabahaginan, hindi ba’t mauunawaan nila ang katotohanan? (Oo.) Matapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, natural nilang malalaman kung paano ito mararanasan at maisasagawa. Kapag kaya nilang isagawa ang katotohanan sa tamang paraan, hindi ba’t nakamit na nila ang katotohanan? (Oo.) Kapag nakamit na ng isang tao ang katotohanan, hindi ba’t nakamit na niya ang Diyos? Kung nakamit ng isang tao ang Diyos, hindi ba’t natamo na rin niya ang pagliligtas ng Diyos? (Oo.) Kung, sa gawain mo bilang isang lider o manggagawa, makakamit mo ang resultang ito, magagawa mo nang maayos ang iyong gawain, matutupad mo ang iyong tungkulin sa paraang nakaabot sa pamantayan, at matatanggap mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag nauunawaan ng lahat ng hinirang ng Diyos ang katotohanan, sasambahin, titingalain, at susundin ka pa rin kaya nila? (Hindi.) Pupurihin at igagalang ka lang ng mga tao, magiging handang makipag-ugnayan at makisalamuha sa iyo, handang makinig sa iyong pagbabahagi upang makinabang sila rito. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ang siyang maaaring tunay na maging ilaw at asin. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha, at ng maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagkaroon sila ng mas malapit na relasyon sa Diyos, magiging kaayon sila ng Diyos, hindi na sila maghihimagsik, magkakamali ng pagkaunawa, o lalaban sa Kanya, at magagawa nilang dakilain at patotohanan ang Diyos anumang usapin ang kanilang harapin. Kung, bilang isang lider o manggagawa, nagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong gaya ng mga ito, bago mo pa mamalayan, nadala mo na ang mga tao sa harapan ng Diyos. Magagawa rin ng mga taong inaakay mo na isagawa ang katotohanan, pumasok sa realidad, at dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Kanya. Sa ganitong paraan, magagawa rin ng mga taong inaakay mo na masang-ayunan at makamit ng Diyos. Kaya, kapag may isang lider na tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, ganap na alinsunod ito sa mga layunin ng Diyos. Hangga’t umaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang ginagawa ng mga tao, paganda lamang ng paganda ang mga resulta ng kanilang mga kilos, nang walang ni isang masamang epekto, at makakamit nila ang pagpapala at proteksyon ng Diyos sa bawat bagay. Kahit na magdulot sila ng ilang paglihis kung minsan, bibigyang-kaliwanagan at aakayin sila ng Diyos, at matatagpuan nila ang pagwawasto sa mga salita ng Diyos. Kapag tinahak ng mga tao ang tamang landas, makukuha nila ang pagpapala at proteksyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Gustong-gusto ng tiwaling tao na hangarin ang katayuan at tamasahin ang mga pakinabang nito. Totoo ito para sa sinumang tao, kasalukuyan ka mang may katayuan o wala: Napakahirap talikuran ang katayuan at alisin ang mga tukso nito. Nangangailangan ito ng labis na kooperasyon ng tao. Ano ang kaakibat ng naturang pakikipagtulungan? Ang pangunahin, ang paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at malinaw na pag-arok sa diwa ng mga problema. Magkakaroon ng pananalig ang isang tao na madaig ang tukso ng katayuan kapag mayroon siya ng mga bagay na ito. Dagdag pa rito, dapat kang mag-isip ng mabibisang paraan para maiwaksi mo ang tukso at matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng mga landas ng pagsasagawa. Pananatilihin ka nito sa tamang landas. Kung walang mga landas ng pagsasagawa, madalas kang mahuhulog sa tukso. Bagama’t gugustuhin mong tahakin ang tamang landas, hindi gaanong magtatagumpay ang iyong mga pagsusumikap sa huli, gaano ka man magsikap. Kaya, ano ang mga tukso na madalas ninyong nakahaharap? (Kapag nagkamit ako ng kaunting tagumpay sa paggampan ng aking tungkulin at nakuha ko ang mataas na paggalang ng mga kapatid, nasisiyahan ako sa aking sarili at labis akong nasisiyahan sa pakiramdam na ito. Minsan, hindi ko namamalayan ito; minsan natatanto ko na mali ang kalagayang ito, ngunit hindi pa rin ako makapaghimagsik laban dito.) Iyan ay isang tukso. Sino pa ang magsasalita? (Dahil isa akong lider, minsan ay binibigyan ako ng espesyal na pagtrato ng mga kapatid namin.) Tukso rin iyan. Kung wala kang malay sa mga tuksong nakahaharap mo, pero hindi mo maayos na napangangasiwaan ang mga ito at hindi ka nakakagawa ng mga tamang pagpapasya, ang mga tuksong ito ay magdudulot sa iyo ng pighati at pagdurusa. Bilang halimbawa, sabihin nating ang espesyal na pagtrato ng mga kapatid sa iyo ay may kasamang mga materyal na pakinabang na tulad ng pagpapakain sa iyo, pagbibihis sa iyo, pagpapatira sa iyo, at pagbibigay ng iyong pang-araw-araw na mga pangangailangan. Kung ang tinatamasa mo ay mas maganda kaysa sa mga ibinibigay nila sa iyo, hahamakin mo ito, at maaaring tanggihan mo ang kanilang mga regalo. Gayumpaman, kung makakilala ka ng isang mayamang tao at binigyan ka niya ng magagandang damit, at sinabing hindi niya isinusuot ito, makapaninindigan ka ba sa harap ng gayong tukso? Maaaring pag-iisipan mo ang sitwasyon, sasabihin sa iyong sarili na, “Mayaman siya, at balewala sa kanya ang mga damit na ito. Hindi naman niya isinusuot ang mga ito. Kung hindi niya ibibigay ang mga ito sa akin, itatambak na lamang niya ito sa kung saan. Kaya, tatanggapin ko ang mga ito.” Ano ang tingin mo sa desisyong iyon? (Tinatamasa na nila ang mga pakinabang ng katayuan.) Bakit ito pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Dahil tinanggap nila ang magagandang bagay.) Pagtatamasa ba sa mga pakinabang ng katayuan ang tanggapin lang ang magagandang bagay na inaalok sa iyo? Kung inalok sa iyo ang isang ordinaryong bagay, pero talagang ito ang kailangan mo at kaya tinanggap mo ito, maituturing din ba itong pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo. Sa tuwing tinatanggap nila ang mga bagay mula sa iba upang tugunan ang kanilang mga makasariling pagnanais, maituturing ito.) Mukhang hindi malinaw sa iyo ito. Ni minsan ba ay naisip mo ito: Kung hindi ka isang lider at wala kang katayuan, iaalok pa rin ba niya ang regalong ito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Isa kang lider kaya niya ibinibigay ang regalong ito sa iyo. Nagbago na ang kalikasan ng bagay na ito. Hindi ito karaniwang kawanggawa, at narito ang problema. Kung tatanungin mo siya, “Kung hindi ako lider, kundi isang ordinaryong kapatid lamang, bibigyan mo ba ako ng gayong regalo? Kung kailangan ng isang kapatid ang bagay na ito, ibibigay mo ba ito sa kanya?” Sasabihin niyang, “Hindi. Hindi ako pwedeng basta-basta na lang magbigay ng mga bagay-bagay kahit kanino. Ibinibigay ko ito sa iyo dahil ikaw ang lider ko. Kung wala kang ganitong espesyal na katayuan, bakit kita bibigyan ng gayong regalo?” Ngayon, tingnan mo kung paano ka nabigong unawain ang sitwasyon. Naniwala ka sa kanya noong sinabi niyang hindi niya ginagamit ang magandang damit na iyon, pero nililinlang ka niya. Ang layon niya ay tanggapin mo ang kanyang regalo upang, sa hinaharap, magiging mabuti ka sa kanya at bibigyan mo siya ng espesyal na pagtrato. Ito ang intensyon sa likod ng kanyang regalo. Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi ka niya bibigyan ng gayong regalo kung wala kang katayuan, ngunit tinanggap mo pa rin ito. Sa salita, sinasabi mong “Salamat sa Diyos. Natanggap ko ang regalong ito mula sa Diyos, ito ay kabutihan ng Diyos sa akin.” Hindi mo lamang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, kundi tinatamasa mo rin ang mga bagay ng mga hinirang ng Diyos, na para bang karapat-dapat ka sa mga ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? Kung ang tao ay walang konsensiya at walang anumang kahihiyan, kung gayon ay iyon ang problema. Isa lang ba itong usapin ng pag-uugali? Mali lang ba talaga na tanggapin ang mga bagay mula sa iba at tama ba na tanggihan ang mga ito? Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa gayong sitwasyon? Dapat mong tanungin ang nagreregalo kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang ginagawa niya. Sabihin sa kanya na, “Hanapin natin ang patnubay mula sa salita ng Diyos o ang mga atas administratibo ng iglesia at tingnan kung ang ginagawa mo ay naaayon sa mga prinsipyo. Kung hindi, hindi ko matatanggap ang regalong iyon.” Kung maipababatid ng mga sangguniang iyon sa nagreregalo na lumalabag ang kilos nito sa mga prinsipyo ngunit nais pa rin nitong ibigay sa iyo ang regalo, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi ito kayang mapagtagumpayan ng mga ordinaryong tao. Nananabik silang mabigyan ng iba ng higit pa, at nais nilang matamasa ang higit na espesyal na pagtrato. Kung ikaw ay isang tamang tao, dapat kang magdasal kaagad sa Diyos kapag naharap sa gayong sitwasyon, sabihin mo na, “O Diyos, ang kinakaharap ko ngayon ay tiyak na naglalaman ng Iyong mabubuting layunin. Isa itong aral na inihanda Mo para sa akin. Handa akong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo.” Masyadong matindi ang mga tuksong kinakaharap ng mga may katayuan, at sa sandaling may dumating na tukso, mahirap ngang malampasan ito. Kailangan mo ang proteksyon at tulong ng Diyos; dapat kang manalangin sa Diyos, at dapat mo ring hanapin ang katotohanan at madalas na pagnilayan ang iyong sarili. Sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang pakiramdam mo. Gayumpaman, kung hinihintay mong makatanggap ng gayong mga regalo bago magdasal, makakaramdam ka pa rin ba ng gayong kapanatagan at kapayapaan? (Hindi na.) Ano ang iisipin ng Diyos sa iyo kung gayon? Malulugod ba ang Diyos sa mga kilos mo, o masusuklam Siya? Kasusuklaman Niya ang mga kilos mo. Isa lang ba itong problema ng kung tinatanggap mo ba ang isang bagay? (Hindi.) Kung gayon, nasaan ang problema? Ang problema ay matatagpuan sa mga opinyon at saloobin na pinanghahawakan mo kapag kinakaharap ang gayong sitwasyon. Nagpapasya ka ba nang ikaw lang o hinahanap mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang pamantayan ng konsensiya? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso kahit kaunti? Nagdarasal ka ba sa Diyos sa tuwing nakakaharap mo ang sitwasyon? Hinahangad mo bang matugunan muna ang mga sarili mong pagnanais, o nagdarasal ka ba at hinahangad muna ang mga layunin ng Diyos? Nabubunyag ka sa bagay na ito. Paano mo dapat pangasiwaan ang gayong sitwasyon? Dapat mayroon kang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Una, sa panlabas, dapat mong tanggihan ang mga espesyal na materyal na pabor na ito, ang mga tuksong ito. Kahit na inalok ka ng isang bagay na talagang gusto mo o siyang mismong bagay na kailangan mo, dapat mo ring tanggihan ito. Ano ang ibig sabihin ng mga materyal na bagay? Ang pagkain, damit, at tirahan, at ang mga bagay na gamit sa pang-araw-araw ay kasama lahat. Ang mga espesyal na materyal na pabor na ito ay dapat tanggihan. Bakit kailangan mong tanggihan ang mga ito? Ang paggawa ba niyon ay isang usapin lamang ng kung paano ka kumilos? Hindi; usapin ito ng iyong nakikipagtulungang saloobin. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, palugurin ang Diyos, at iwasan ang tukso, kailangan mo munang magkaroon ng ganitong matulungin na saloobin. Sa ganitong saloobin, magagawa mong iwasan ang tukso, at magiging payapa ang konsensiya mo. Kung iaalok sa iyo ang isang bagay na gusto mo at tatanggapin mo ito, medyo mararamdaman ng puso mo ang pagsaway ng iyong konsensiya. Gayumpaman, dahil sa mga palusot mo at pangangatwiran sa sarili, sasabihin mo na dapat kang mabigyan ng bagay na ito, na nararapat ito sa iyo. At pagkatapos, ang kirot ng iyong konsensiya ay hindi magiging tumpak o malinaw. Kung minsan, maaaring maimpluwensiyahan ng mga partikular na katwiran o kaisipan at pananaw ang iyong konsensiya, kaya hindi halata ang kirot nito. Kaya, isa bang maaasahang pamantayan ang iyong konsensiya? Hindi. Isa itong pang-alerto na nagbababala sa mga tao. Anong uri ng babala ang ibinibigay nito? Na walang seguridad sa pag-asa sa mga nararamdaman lamang ng konsensiya; dapat ding hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang mapagkakatiwalaan. Kung walang katotohanang pipigil sa kanila, maaari pa ring mahulog sa tukso ang mga tao, nagbibigay ng iba’t ibang dahilan at palusot para magpasasa sa mga pakinabang ng katayuan. Samakatwid, bilang lider, dapat mong sundin sa puso mo ang isang prinsipyong ito: Palagi kong tatanggihan, palaging iiwasan, at ganap na tatanggihan ang anumang espesyal na pagtrato. Ang ganap na pagtanggi ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan. Kung taglay mo ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan, ikaw ay medyo nasa ilalim na ng proteksyon ng Diyos. At kung mayroon kang gayong mga prinsipyo ng pagsasagawa at pinanghahawakan mo ang mga ito, isinasagawa mo na ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos. Tinatahak mo na ang tamang landas. Kapag tinatahak mo ang tamang landas at nabibigyang-kasiyahan mo na ang Diyos, kakailanganin pa rin bang suriin ang iyong konsensiya? Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo at pagsasagawa ng katotohanan ay mas mataas kaysa sa mga pamantayan ng konsensiya. Kung ang isang tao ay may determinasyong makipagtulungan at kaya niyang kumilos nang ayon sa mga prinsipyo, napalugod na niya ang Diyos. Ito ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Ang ilang tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, at hindi nila alam kung paano nagliligtas ang Diyos o kung sino ang inililigtas Niya. Nakikita nila na ang lahat ng tao ay taglay ang disposisyon ng mga anticristo at maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo, at kaya nararamdaman nila na ang gayong mga tao ay tiyak na walang pag-asang mailigtas. Sa huli, ilalarawan silang lahat bilang mga anticristo. Hindi sila maliligtas at dapat silang mamatay lahat. Tama ba ang gayong mga kaisipan at pananaw? (Hindi.) Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Una, kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang tiwaling tao ang inililigtas ng Diyos. Ang tiwaling tao ay maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo at lumaban sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos. Kaya, paano tunay na makakasunod ang tao sa Diyos, sa halip na tumahak sa landas ng mga anticristo? Kailangan niyang maunawaan ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, alamin ang sarili niyang tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan. Pagkatapos, kailangan niyang hanapin ang katotohanan at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon. Sa gayon mo lang masisiguro na hindi mo matatahak ang landas ng mga anticristo, maiiwasang maging isang anticristo mismo, at maiiwasan na maging isang taong itinataboy ng Diyos. Ang Diyos ay hindi gumagawa sa mga supernatural na paraan. Sa halip, malalim Siyang nagsisiyasat sa puso ng mga tao. Kung palagi mong tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, sasawayin ka lang ng Diyos. Ipapaunawa Niya sa iyo ang pagkakamaling ito upang pagnilayan mo ang iyong sarili at malaman na hindi ito nakaayon sa katotohanan at hindi nakalulugod sa Diyos. Kung mapagtatanto mo ito, at mapagninilayan at makikilala ang iyong sarili, hindi ka mahihirapang lutasin ang problema. Ngunit kung matagal kang namumuhay sa ganoong kalagayan, palaging nagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, hindi nagdarasal sa Diyos o hindi pinagninilayan ang sarili mo, at hindi hinahanap ang katotohanan, kung gayon, walang gagawin ang Diyos. Aabandonahin ka Niya, para hindi mo maramdaman na kasama mo Siya. Ipapaunawa sa iyo ng Diyos na, kung magpapatuloy ka nang ganito, tiyak na magiging isa kang taong kinasusuklaman ng Diyos. Ipapaalam ng Diyos sa iyo na mali ang landas na ito, na mali ang pamumuhay mo. Ang layon ng Diyos sa pagbibigay ng gayong kabatiran sa mga tao ay upang ipaalam sa kanila ang mga tama at maling pagkilos, upang gumawa sila ng tamang pagpili. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na piliing tahakin ang tamang landas ay nakasalalay sa kanyang pananalig at pakikipagtulungan. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ginagabayan ka Niya tungo sa pag-unawa sa katotohanan, ngunit higit pa riyan, ipinapaubaya Niya sa iyo ang kapangyarihan ng pagpili, at nakasalalay iyon sa kung tinatahak mo ba ang tamang landas. Kailanman ay hindi ka pinipilit ng Diyos. Kailanman ay hindi ka Niya sapilitang kinokontrol o inuutusan na gumawa ng isang bagay, na ipinapagawa sa iyo ang kung ano-ano. Hindi gayon kumikilos ang Diyos. Hinahayaan ka Niyang pumili nang malaya. Sa gayong mga pagkakataon, ano ang dapat gawin ng isang tao? Kapag napagtanto mo na mali ang iyong ginagawa, na mali ang iyong pamumuhay, makapagsasagawa ka ba kaagad alinsunod sa mga tamang pamamaraan? Magiging napakahirap niyon. Mayroong labanan dito, dahil ang mga bagay na minamahal ng tao ay ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas, na sumasalungat sa katotohanan. Kung minsan, alam mo kung ano ang magiging tama at kung ano ang magiging mali, at may labanan sa puso mo. Sa panahon ng gayong labanan, dapat kang magdasal nang madalas, hayaan ang Diyos na gabayan ka, at hayaan Siyang sawayin ka, para malaman mo ang mga bagay na hindi mo dapat gawin. Pagkatapos ay aktibong maghimagsik, umiwas, at lumayo sa gayong mga tukso. Nangangailangan ito ng iyong kooperasyon. Sa panahon ng labanan, magkakaroon ka pa rin ng mga paglihis, at madaling tumahak sa maling landas. Bagama’t maaaring piliin mo ang tamang direksyon sa iyong puso, hindi natitiyak na tatahakin mo ang tamang landas. Hindi ba’t ganito talaga ang mga bagay-bagay? Sa isang sandali ng kapabayaan, tatahakin mo ang maling landas. Ano ang ibig sabihin dito ng “isang sandali ng kapabayaan”? Nangangahulugan ito na masyadong malakas ang isang tukso. Para sa iyo, maaaring sanhi ito ng mga pagsasaalang-alang sa reputasyon, o sa iyong mood, o sa ilang espesyal na konteksto o espesyal na kapaligiran. Sa katunayan, ang pinakaseryosong salik ay ang iyong tiwaling disposisyon, na nangingibabaw at kumokontrol sa iyo. Ito ang dahilan kung bakit mahirap para sa iyo na sundin ang tamang landas. Maaaring may kaunti kang pananalig, ngunit pabaling-baling ka pa rin kahit saan at naiimpluwensiyahan ng sitwasyon. Hangga’t hindi ka pinupungusan, hangga’t hindi ka itinutuwid at dinidisiplina, hangga’t hindi nagkakalat sa daan mo ang mga balakid at wala kang nakikitang daang pasulong, hindi mo mapagtatanto na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay hindi ang tamang daan, kundi ito ay isang bagay na kinasusuklaman at isinusumpa ng Diyos, na ang pagtahak lamang sa landas na hinihingi ng Diyos ang tamang daan sa buhay, at na kung hindi mo itatakda ang iyong determinasyon sa pagtahak sa landas na ito, tuluyan kang ititiwalag. Ang mga tao ay hindi lumuluha hangga’t hindi nila nakikita ang sarili nilang libingan! Gayumpaman, sa takbo ng labang ito, kung may matibay na pananalig ang isang tao, isang malakas na determinasyon na makipagtulungan, at determinasyon na hangarin ang katotohanan, magiging mas madali para sa kanya na madaig ang mga tuksong ito. Kung ang matinding kahinaan mo ay ang partikular na pag-aalala sa dignidad at pagmamahal sa katayuan, ang kasakiman para sa kasikatan at pakinabang at mga kasiyahan ng laman, at ang mga ito ay napakalakas sa loob mo, mahihirapan kang magtagumpay. Ano ang ibig sabihin nito, na mahihirapan kang magtagumpay? Nangangahulugan ito na magiging mahirap para sa iyo na piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kaya sa halip ay maaaring piliin mo ang maling landas, na magiging sanhi upang kasuklaman at abandonahin ka ng Diyos. Gayumpaman, kung palagi kang maingat at mapaghanda, at madalas kayang humarap sa Diyos para masaway at madisiplina ng Diyos, at kung hindi mo tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, o nagnanasa ng kasikatan, pakinabang, o mga kaginhawaan ng laman, at kung, kapag mayroon kang gayong mga kaisipan, umaasa ka sa Diyos para maghimagsik ka laban sa mga ito gamit ang iyong buong lakas at magdasal sa Diyos at maghanap sa katotohanan, bago magdulot ng aksiyon ang mga ito, at anuman ang mangyari, sa huli ay nakakatahak ka sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan at nakapapasok sa realidad na iyon, hindi ba’t mas malamang na pipiliin mo ang tamang direksyon kapag naharap ka sa matinding tukso? (Oo.) Depende ito sa mga karaniwang naipon mo sa paglipas ng panahon. Sabihin mo sa Akin: Kung nahaharap ang isang tao sa isang malaking tukso, lubos ba niyang matutugunan ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang kasalukuyang tayog, sa sarili niyang determinasyon, o sa kanyang karaniwang naipon? (Hindi.) Maaari ba niya itong matugunan nang bahagya? (Oo.) Maaaring matugunan ito ng tao nang bahagya, ngunit kapag naharap siya sa matitinding paghihirap, kinakailangan ang interbensiyon ng Diyos. Kung nais mong isagawa ang katotohanan, ang umasa lamang sa pagkaunawa ng tao sa katotohanan at kalooban ng tao ay hindi makapagbibigay sa iyo ng ganap na proteksyon, ni hindi mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos at ganap na maiiwasan ang kasamaan. Ang susi ay na dapat magkaroon ng determinasyon ang tao na makipagtulungan, at umasa sa mga gawain ng Diyos sa iba pang bagay. Ipagpalagay na sasabihin mong, “Nagsikap ako nang husto para makamit ang layong ito at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Anumang tukso o sitwasyon ang mararanasan ko sa hinaharap, limitado lang ang tayog ko, at limitado lang ang magagawa ko.” Kapag nakikita kang kumikilos nang ganito, ano ang gagawin ng Diyos? Poprotektahan ka ng Diyos mula sa mga tuksong ito. Kapag pinoprotektahan ka ng Diyos mula sa mga tuksong ito, maisasagawa mo ang katotohanan, magiging mas matatag ang pananalig mo, at unti-unting lalago ang tayog mo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Sinundan: 30. Paano lutasin ang problema ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos ng mga tao

Sumunod: 32. Paano unawain at lutasin ang problema ng kalikasan ng pagkakanulo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito