15. Paano lutasin ang problema ng pagiging makasarili at kasuklam-suklam
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Bago danasin ng mga tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit gusto mo ang mga di-matuwid na bagay na iyon at ang masasamang bagay na iyon? Ano ang batayan ng pagkagusto mo sa ganoong mga bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit mo gusto at tinatanggap ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na: Ang pangunahing dahilan ay dahil nasa kalooban ng tao ang mga lason ni Satanas. Kaya, ano ang mga lason ni Satanas? Paano maipapahayag ang mga ito? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang lahat ng tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang parirala lang na ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ang totoo ay ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay silang lahat para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito ang ganap na naging pundasyon para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga pakay. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala mula sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao hanggang sa ganitong antas. May satanikong kalikasan silang lahat, lahat sila ay may tendensiyang itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang hawakan ang sarili nilang mga kapalaran at subukang labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho na ng kay Satanas. Samakatwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Ang pagkamakasarili ay masasabing isang elemento ng kalikasan ng isang tao. Ang bawat tao ay mayroong elementong ito sa loob nila. Ang ilang tao ay lubhang makasarili, sukdulan ang pagkamakasarili, at sa lahat ng bagay, iniisip lamang nila ang kanilang sarili, walang hinahangad kundi pansariling pakinabang, at wala silang kahit katiting na pagsasaalang-alang para sa iba. Ang pagiging makasariling iyon ay sumasalamin sa kanilang kalikasan. May pagkamakasarili ang lahat, subalit may pagkakaiba. Kapag nakikihalubilo sa iba, nagagawa ng ilang tao na ingatan at alagaan ang iba, nagagawa nilang magmalasakit sa iba, at magsaalang-alang sa iba sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa. Gayumpaman, hindi ganito ang ilang tao. Ang mga taong ito ay talagang makasarili at makitid ang isip kapag nagpapatuloy ng mga kapatid. Ibinibigay nila sa kanilang sariling pamilya ang pinakamalalaking sandok ng pinakamasasarap na pagkain at inihahain nila sa mga kapatid ang kakaunting sandok ng mga hindi gaanong masasarap na pagkain. Kapag dumarating naman ang kanilang sariling mga kamag-anak, isinasaayos nila na maging labis na komportable ang mga ito. Gayunman, kapag bumibisita ang mga kapatid, pinatutulog nila ang mga ito sa sahig. Iniisip nila na sapat nang pinapatuloy nila ang mga kapatid kapag bumibisita ang mga ito. Kapag nagkakasakit o nakararanas ng iba pang paghihirap ang mga kapatid, hindi man lamang sila inaalala ng gayong tao, umaasta pa siya na para bang wala siyang napapansin. Walang pakialam o hindi nakararamdam ng kahit kaunting malasakit sa iba ang ganoong mga tao. Sarili lamang nila at kanilang mga kamag-anak ang kanilang pinagmamalasakitan. Ang makasariling kalikasan nilang ito ang siyang tumutukoy sa kanilang kawalang-kahandaan na magmalasakit sa iba. Nadarama nila na ang pagmamalasakit sa kapwa ay may kaakibat na pagkalugi at isang malaking abala. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi alam ng isang makasariling tao kung paano maging mapagsaalang-alang sa iba.” Hindi tama iyan. Kung hindi sila marunong magbigay ng pagsasaalang-alang sa iba, bakit mabuti ang mga makasariling tao sa kanilang sariling mga kamag-anak at nagpapakita ng lubos na pagsasaalang-alang sa mga pangangailangan ng mga ito? Bakit nila alam kung ano ang kulang sa kanila mismo at kung ano ang angkop na suotin o kainin sa isang partikular na pagkakataon? Bakit hindi nila magawang maging ganoon para sa iba? Ang totoo niyan, nauunawaan nila ang lahat ng bagay, subalit makasarili sila at kasuklam-suklam. Natutukoy ito ng kanilang kalikasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Anuman ang mangyari sa kanila o anuman ang kanilang pinakikitunguhan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling laman, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay pagbibigay-katwiran sa sarili nilang laman at pagpaplano para sa kapakanan ng sarili nilang kinabukasan. Palagi silang humihingi ng biyaya mula sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang anumang katwiran. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—nagdarasal man sila o nakikipagbahaginan o nagbibigay ng mga sermon—ang iniisip nila, at ang hinahangad at inaasam nila, ay katumbas lamang ng paghingi at paghiling ng mga bagay mula sa Diyos, umaasang mayroon silang makukuha mula sa Kanya. Sinasabi ng ilang tao na “ito au tumutukoy sa kalikasan ng tao,” na tama naman. Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na maluluhong pagnanais ay nagpapatunay na ganap na walang konsensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi at namamalimos ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang mangatwiran at maghanap ng mga dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na lubos na nagpapatunay na ang satanikong lohika na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay naging kalikasan na ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos
Gustong-gusto ng ilang tao na makalamang nang di-patas sa mga bagay-bagay, at hangad ng mga taong ito na matupad ang kanilang mga pansariling interes sa lahat ng usapin. Anumang ginagawa nila ay dapat makinabang sila, o kung hindi, hindi nila ito gagawin. Hindi nila pinagkakaabalahan ang anumang bagay maliban na lamang kung binibigyan sila ng mga ito ng ilang pakinabang, at palaging may lihim na mga motibo sa likod ng kanilang mga kilos. Nagsasalita sila nang mabuti patungkol sa sinumang pinakikinabangan nila at iniaangat nila ang sinumang nambobola sa kanila. Kahit na may mga problema ang kanilang mga paboritong tao, sasabihin nilang tama ang mga taong iyon at pagsisikapan nilang ipagtanggol at pagtakpan ang mga taong ito. Anong kalikasan mayroon ang ganoong mga tao? Ganap mong makikita nang malinaw ang kanilang kalikasan mula sa mga asal na ito. Pinagsisikapan nilang makalamang nang di-patas sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, laging nakikibahagi sa bawat sitwasyon nang may mala-transaksyong asal, at makatitiyak ka na ang kanilang kalikasan ay isa na may buong-pusong pag-iimbot sa pakinabang. Sarili lamang nila ang kanilang iniisip sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa. Hindi sila babangon nang maaga maliban na lamang kung makikinabang sila na gawin ito. Sila ang pinakamakasarili sa lahat ng tao, at lubusan silang sakim. Ang kanilang kalikasan ay naipapakita sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa pakinabang at kawalan ng anumang pagmamahal sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Ayaw pa ngang makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos kapag sila ay tinatawag; ang mga ito ay mga taong tamad na nag-iimbot ng kaginhawahan. Kapag mas hinihingi sa iyo na makipagtulungan sa iba para maglingkod, magkakaroon ka ng mas maraming karanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatwid, kung kaya mong paglingkuran nang sinsero ang Diyos, magiging mapagsaalang-alang ka sa pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo ng mga tao ay kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas isasaalang-alang mo ang pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil nagkakaroon ka ng pasanin para sa iglesia nang sa gayon ay maaari kang gawing perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng gayong mga karanasan. Samakatwid, sinuman ang nagbubuhat ng pinakamalaking pasanin para sa iglesia, sinuman ang nagbubuhat ng pasanin para sa buhay pagpasok—sila ang mga taong ginagawang perpekto ng Diyos. Malinaw mo ba itong nakita? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala at naliligalig, at nagbubulag-bulagan ka pa nga kapag hindi normal na nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, kung gayon, isa itong pagpapamalas ng hindi pagkakaroon ng pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang mga minamahal ng Diyos. Ang mga taong minamahal ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, dapat kayong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ibunyag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa di-mabilang na tao bago kayo maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalampas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na paggigiyagis. Kapag naibunyag na ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa di-mabilang na mga tao, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. Ang ilang tao ay mismong yaong mga makakakita na nagkakatotoo ang mga salitang ito sa kanilang sarili. Handa ka bang gawin ang iyong sarili na isang sakripisyo para sa mga salitang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos Para Makamit ang Pagiging Perpekto
Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay pabasta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang pakiramdam ng pasanin o responsabilidad pagdating sa paggampan ng kanilang mga tungkulin o pagpapatotoo sa Diyos. Ano ba ang iniisip nila sa tuwing may ginagawa sila? Ang una nilang isinasaalang-alang ay, “Malalaman ba ng Diyos kung gagawin ko ito? Makikita ba ito ng ibang mga tao? Kung igugugol ko ang lahat ng pagsisikap na ito at magtatrabaho ako nang masipag, ngunit hindi ito makikita ng ibang mga tao at ni ng Diyos, kung gayon ay walang saysay para gumugol ako ng ganitong pagsisikap at magdusa nang ganito.” Hindi ba’t ito ay sukdulang makasarili? Isa rin itong napakababang intensiyon. Kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, may papel bang ginagampanan ang kanilang konsensiya? Inuusig ba sila ng kanilang konsensiya? Hindi, walang nagiging papel ang kanilang konsensiya, at hindi sila inuusig nito. May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagawa nila. Hindi nila maagap na iniuulat sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nagdudulot ng mga panggagambala at panggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan ang mga ito. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit kaunti, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad kahit katiting. Kapag ginagawa ng mga taong gaya nito ang kanilang tungkulin, hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain at nagpapasasa sila sa kaginhawahan; sila ay mga mapagpalugod ng tao, nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang gumugol ng kaunting pagsisikap at lakas sa mga bagay na kapaki-pakinabang para sa kanila. Malinaw sa lahat ang mga kilos at intensyon ng isang taong katulad niyon: Lumalabas sila tuwing may oportunidad na magpapansin o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit kapag walang pagkakataong magpapansin, o kapag panahon para magdusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-aatras ng ulo nito. May konsensiya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? (Wala.) Nakadarama ba ng paninisi sa sarili ang isang taong walang konsensiya at katwiran dahil sa pagkilos nang ganito? Hindi siya nakadarama ng paninisi sa sarili; walang silbi ang konsensiya ng ganitong klaseng tao. Hindi sila kailanman nakaramdam ng paninisi ng kanilang konsensiya, kaya mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan ng Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan
Karamihan sa mga tao ay handang hangarin ang katotohanan at nais na isagawa ang katotohanan, ngunit sa maraming pagkakataon, mayroon lang silang determinasyon at pagnanais na gawin ito; gayumpaman, sa loob-loob nila, hindi pa nagiging buhay nila ang katotohanan. Kaya, kapag nakakaharap ka ng masasamang puwersa na gumugulo at sumasabotahe sa gawain ng iglesia—halimbawa, kapag nahaharap ka sa mga huwad na lider na nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang lumalabag sa mga prinsipyo at hindi gumagawa ng tunay na gawain, o sa masasamang tao at mga anticristo na gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng iglesia at sa gayon ay nagdudulot ng pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos—wala kang lakas ng loob na tumayo at magsalita. Bakit wala kang ganitong lakas ng loob? Dahil ba matakutin ka o hindi mahusay magsalita, o hindi ka ba nangangahas na magsalita dahil hindi mo nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay? Hindi ito dahil sa alinman sa mga bagay na ito; pangunahin itong bunga ng pagkakalimita sa iyo ng iyong mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyon na iyong ibinubunyag ay isang mapanlinlang na disposisyon: Kapag may nangyayari, ang una mong isinasaalang-alang ay ang sarili mong mga interes, ang mga kahihinatnan ng iyong mga kilos, at kung magiging kapaki-pakinabang ba ang mga ito sa iyo. Isa itong mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay isang makasarili at napakababang disposisyon. Iniisip mo, “Ano ang kinalaman sa akin ng pamiminsala nila sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako lider, kaya bakit ako makikialam? Walang kinalaman ito sa akin, at hindi ko ito responsabilidad.” Ang gayong mga kaisipan at salita ay hindi isang bagay na sinasadya mong isipin, kundi nabubuo nang hindi mo namamalayan—ito ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao kapag nahaharap sila sa isang isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyong ito ang iyong mga kaisipan, iginagapos ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang iyong sinasabi. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga alinlangan, at kahit pa magsalita ka, nagpapaligoy-ligoy ka at nag-iiwan ng puwang para makalusot ka, o nag-aatubili kang sabihin ang totoo at sadyang hindi mo sinasabi ang katotohanan. Nakikita ito ng mga taong may pagkilatis, at sa realidad, alam mo rin sa puso mo na hindi mo nasabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na hindi ka nagkamit ng mga resulta, na iniraraos mo lang ito, at na hindi pa nalulutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, subalit mapagmagaling mong sinasabi na natupad mo na ito, o sinasabi mong hindi mo nakita nang malinaw ang mga bagay-bagay noong panahong iyon. Umaayon ba sa mga katunayan ang mga pahayag na ito? Iyan ba talaga ang iniisip mo? Hindi ka ba ganap na nasa ilalim ng kontrol ng iyong mga satanikong disposisyon? Kahit na ang ilan sa iyong sinasabi ay naaayon sa mga katunayan, sa mahahalagang parte at sa mga napakahalagang isyu, nagsisinungaling at nanlilinlang ka ng mga tao. Sapat na ito para patunayan na isa kang sinungaling, at isang taong namumuhay ayon sa kanyang mga satanikong disposisyon. Lahat ng iyong sinasabi at iniisip ay dumadaan sa isang pansala sa isipan. Bilang resulta, ang mga bagay na sinasabi mo ay pawang mga kabulaanan, mga salitang walang kabuluhan, at mga kasinungalingan—sa realidad, lahat ng ito ay salungat sa mga katunayan, mga salitang binibigkas para bigyang-katwiran ang iyong sarili gamit ang mapanlinlang na pangangatwiran, mga salitang para sa sarili mong kapakinabangan. Kapag nailihis mo na ang lahat at napaniwala mo na sila, pakiramdam mo ay nakamit mo na ang iyong pakay. Ganito ang paraan mo ng pagsasalita, at kumakatawan din ito sa iyong disposisyon. Ganap kang kontrolado ng iyong mga satanikong disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang mga walang pananampalataya ay may isang uri ng tiwaling disposisyon. Kapag nagtuturo sila sa ibang tao ng isang partikular na propesyonal na kaalaman o kasanayan, iniisip nila, “Kapag itinuro ng maestro sa isang estudyante ang lahat ng kanyang nalalaman, mawawalan ng kabuhayan ang guro. Kung ituturo ko ang lahat ng nalalaman ko sa iba, wala nang titingala o magpapasakop sa akin, at mawawala ang katayuan ko bilang isang guro. Hindi maaari ito. Hindi ko maaaring ituro sa kanila ang lahat ng nalalaman ko, kailangang may ilihim ako. Otsenta porsiyento lamang ng nalalaman ko ang ituturo ko sa kanila at itatago ko ang iba pa bilang alas; saka ko lang maipapakita na superyor ako sa iba.” Anong uri ng disposisyon ito? Panlilinlang ito. Kapag nagtuturo kayo sa iba, tumutulong sa iba, o nagbabahagi sa kanila ng isang bagay na pinag-aralan ninyo, anong saloobin ang dapat taglayin ninyo? (Dapat kong gawin ang lahat, at huwag maglihim.) Paano nagagawa ng isang tao na hindi maglihim ng kahit ano? Kung sinasabi mo, “Wala akong inililihim na anuman pagdating sa mga bagay na natutunan ko, at wala akong problemang sabihin sa inyong lahat ang tungkol sa mga ito. Mas mataas naman talaga ang kakayahan ko kaysa sa inyo, at kaya ko pa ring maunawaan ang mas matataas na bagay”—iyan ay paglilihim pa rin at ito ay pagiging mapagpakana. O kung sinasabi mo, “Ituturo ko sa inyo ang lahat ng batayang bagay na natutunan ko, walang problema. May mas mataas pa rin akong kaalaman, at kahit na matutunan ninyo ang lahat ng ito, hindi pa rin kayo magiging kasinggaling ko”—iyan ay paglilihim pa rin. Kung ang isang tao ay masyadong makasarili, hindi siya magkakaroon ng pagpapala ng Diyos. Dapat matutunan ng mga tao na isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Dapat mong ihandog sa sambahayan ng Diyos ang mga pinakaimportante at pinakamahalagang bagay na naunawaan mo, upang ang mga ito ay matutunan ng hinirang na mga tao ng Diyos at maging dalubhasa sila sa mga ito—ito ay pinagpala ng Diyos, at pagkatapos ay ipagkakaloob Niya sa iyo ang mas marami pang bagay. Ito ang ibig sabihin ng kasabihang, “Lalo pang mapalad ang magbigay kaysa sa tumanggap.” Ilaan mo sa Diyos ang lahat ng iyong kalakasan at kaloob, at gamitin mo ang mga ito sa paggampan mo ng iyong tungkulin upang makinabang ang lahat, at magkaroon ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin. Kung iaambag mo ang lahat ng iyong mga kaloob at kalakasan, magiging kapaki-pakinabang ito sa lahat ng mga gumagawa sa tungkuling iyon, at lalo na sa gawain ng iglesia. Huwag mo lang basta sasabihin sa lahat ang ilang simpleng bagay at pagkatapos ay iisipin mong maganda ang nagawa mo o na wala kang inilihim na anuman—hindi ito katanggap-tanggap. Nagtuturo ka lang ng ilang teorya o mga bagay na literal na mauunawaan ng mga tao, ngunit ang diwa at mahahalagang punto ay hindi maunawaan ng isang baguhan. Nagbibigay ka lang ng buod, nang hindi ito pinalalawak o idinedetalye, samantalang iniisip mo pa rin sa sarili mo, “Ano’t anuman, nasabi ko na sa iyo, at wala akong sinadyang ipagkait na anuman. Kung hindi mo nauunawaan, ito ay dahil lubhang napakababa ng iyong kakayahan, kaya huwag mo akong sisihin. Tingnan na lang natin kung paano ka gagabayan ng Diyos ngayon.” Ang gayong pag-iisip ay may kasamang panlilinlang, hindi ba? Hindi ba iyon makasarili at kasuklam-suklam? Bakit hindi mo maituro sa mga tao ang lahat ng nasa puso mo at lahat ng nauunawaan mo? Bakit sa halip ay ipinagkakait mo ang kaalaman? Problema ito sa iyong mga intensyon at iyong disposisyon. Kapag ipinaaalam sa karamihan ng mga tao sa unang pagkakataon ang ilang partikular na aspekto ng propesyonal na kaalaman, kaya lamang nilang maunawaan ang literal na kahulugan nito; mangangailangan ng panahon ng pagsasagawa bago magawang maunawaan ang mga pangunahing punto at diwa. Kung naging dalubhasa ka na sa mga mas detalyadong puntong ito, dapat direkta mong sabihin ang mga ito sa iba; huwag idulot na sila ay magpaikot-ikot at magsayang ng oras sa pangangapa. Responsabilidad mo ito; ito ang dapat mong gawin. Wala kang ililihim, at hindi ka magiging makasarili, kung sasabihin mo sa kanila ang pinaniniwalaan mo na mga pangunahing punto at diwa. Kapag nagtuturo kayo ng mga kasanayan sa iba, nakikipag-usap sa kanila tungkol sa inyong propesyon, o nakikipagbahaginan tungkol sa buhay pagpasok, kung hindi ninyo kayang lutasin ang mga makasarili at kasuklam-suklam na mga aspekto ng inyong mga tiwaling disposisyon, hindi ninyo magagampanan nang maayos ang mga tungkulin ninyo, na sa ganoong kaso, hindi kayo mga taong nagtataglay ng pagkatao, o ng konsensiya at katwiran, o mga taong nagsasagawa sa katotohanan. Dapat mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at marating ang punto kung saan ikaw ay wala nang taglay na mga makasariling motibo, at isinasaalang-alang lang ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan, tataglayin mo ang katotohanang realidad. Masyadong nakakapagod kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at mamumuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon gaya ng mga walang pananampalataya. Ang kompetisyon ay laganap sa mga walang pananampalataya. Ang pagiging dalubhasa sa diwa ng isang kasanayan o isang propesyon ay hindi simpleng bagay, at kapag nalaman ito ng ibang tao, at naging dalubhasa siya mismo rito, mamimiligro ang iyong kabuhayan. Para maprotektahan ang kabuhayang iyon, napipilitang kumilos ang mga tao sa ganitong paraan—kailangan nilang maging maingat sa lahat ng oras. Ang pinagkadalubhasaan nila ang kanilang pinakamahalagang yaman, ito ang kanilang kabuhayan, ang kanilang kapital, ang pinakamahalaga sa buhay nila, at hindi nila dapat hayaang malaman ito ng iba. Ngunit nananampalataya ka sa Diyos—kung ganito ka kung mag-isip at kumilos sa sambahayan ng Diyos, hindi ka naiiba sa isang walang pananampalataya. Kung hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, at patuloy kang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon, hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kung palagi kang mayroong mga makasariling motibo at makitid ang isip mo habang ginagampanan mo ang tungkulin mo, hindi mo matatanggap ang pagpapala ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay binabatikos at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay isang malupit na disposisyon. Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga makasariling pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at hindi sila gusto ng Diyos. Kung talagang kaya mong magpakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang magsanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng isang taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magiging deboto ka sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang tanging eksepsiyon ay kung mahina ang iyong kakayahan at mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyonal na gawain, at humahantong ito sa paglitaw ng ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at pinipigilan na makamit ang magagandang resulta, ngunit ginagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya. Hindi ka kumikilos para bigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, nagbibigay ka ng palagiang pagsasalaang-alang sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid na ang puso mo; kung, dagdag pa rito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasok ka sa pamantayan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Kung gayon, ikaw ay magkakaroon ng patotoo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon
Ang mga anticristo ay walang konsensiya, katwiran, o pagkatao. Hindi lang sila walang kahihiyan, kundi mayroon pa silang isang palatandaan: Sila ay di-pangkaraniwang makasarili at ubod ng sama. Hindi mahirap maarok ang literal na kahulugan ng “makasarili at ubod ng sama.” Nangangahulugan ito na ang isang tao ay walang hinahangad kundi pakinabang. Kung may kinalaman ang isang bagay sa sarili nilang interes, ibubuhos nila ang kanilang puso rito, magdurusa sila at magbabayad ng halaga para dito, at mamumuhunan sila ng pag-iisip at lakas dito. Kung walang kaugnayan ang isang bagay sa sarili nilang interes, magbubulag-bulagan sila rito at hindi ito papansinin; hahayaan nilang gawin ng iba ang gusto nila—kahit pa may sinumang nagdudulot ng mga pagkagambala o panggugulo, babalewalain nila ito, at iisipin na wala itong kinalaman sa kanila. Kung sasabihin sa magandang paraan, inaasikaso lang nila ang sarili nilang usapin, ngunit mas tumpak na sabihing ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, mababang-uri, at kahamak-hamak—inilalarawan natin sila bilang “makasarili at ubod ng sama.” Paano naipapamalas ang pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo? Sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, nagsisikap silang gawin o sabihin ang anumang kailangan, at kusang-loob silang nagtitiis ng anumang pagdurusa. Pero pagdating sa may kinalaman sa gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, o pagdating sa may kinalaman sa gawain na kapaki-pakinabang sa paglago ng buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lubos nilang binabalewala ito. Kahit kapag ang masasamang tao ay nanggagambala, nanggugulo, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, dahilan kaya lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may nakatuklas at nag-ulat ng masasamang gawa ng isang masamang tao, sinasabi nilang wala silang nakita at nagmamaang-maangan sila. Ngunit kung may isang taong nag-ulat sa kanila at naglantad na hindi sila gumagawa ng totoong gawain at naghahangad lamang ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, bigla silang nagagalit nang husto. Mabilis na nagpapatawag ng mga pagpupulong upang talakayin kung paano tutugon, magsasagawa ng mga imbestigasyon upang malaman kung sino ang nagtataksil sa kanila, kung sino ang namuno, at kung sino ang mga sangkot. Hindi sila kakain o matutulog hangga’t hindi nila natutuklasan kung ano ang totoo at hangga’t hindi ganap na nareresolba ang isyu—magiging masaya nga lamang sila kapag napabagsak na nila ang lahat na sangkot sa pag-uulat sa kanila. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Gawain ba ng iglesia ang ginagawa nila? Kumikilos sila para sa kapakanan ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan, isinasagawa ang sarili nilang proyekto, ganoon lamang kasimple. Kahit ano pa ang gawaing pananagutan nila, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung naaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes at ang iniisip lamang nila ay ang maliit na bahagi ng gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man kasinsero ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Gaano man kalaki ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, lubos silang walang pakialam. Kahit pa nga nakalatag na sa harapan nila mismo ang isang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag direkta silang pinupungusan ng ang Itaas at inuutusan silang ayusin ang isang problema ay saka lang sila atubiling gagawa ng kaunting tunay na gawain at magpapakitang-tao para sa ang Itaas. Pagkatapos, magpapatuloy sila sa pagpapakaabala sa sarili nilang mga usapin. Pagdating sa gawain ng iglesia, sa mahahalagang usapin na may kinalaman sa kabuuang sitwasyon, hindi nila binibigyang-pansin ang alinman sa mga bagay na ito at binabalewala ang mga ito, at hindi pa nga nila pinangangasiwaan ang mga problema kapag natutuklasan nila ang mga ito. Anumang mga isyu ang banggitin ng iba, sumasagot sila nang pabasta-basta at nagpapaligoy-ligoy, tinutugunan lamang ang mga isyu nang may labis na pag-aatubili. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, lagi nilang isinasaalang-alang kung makakapagpasikat ba sila; hangga’t nakapagpapaganda ng kanilang reputasyon ang isang tungkulin, pipigain nila ang kanilang utak at susubukan nilang umisip ng lahat ng posibleng paraan upang matutunan kung paano ito gawin at isakatuparan. Hangga’t kaya nilang humigit sa iba, nasisiyahan sila. Anuman ang ginagawa o iniisip nila, ang iniisip lang nila ay ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa bawat pagkakataon. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompetensiya lang sila upang makita kung sino ang nakatataas, kung sino ang nananalo, at kung sino ang may mas malaking katanyagan. Ang pinapahalagahan lang nila ay kung ilang tao ang umiidolo at tumitingala sa kanila, kung ilang tao ang nakikinig sa kanila at sumusunod sa kanila. Hindi sila kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o lumulutas ng mga tunay na problema. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang kung paano gagawin ang kanilang tungkulin sa paraang mapangangasiwaan nila ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, ni hindi nila pinagninilayan kung mayroon silang debosyon, kung natupad ba nila ang kanilang mga responsabilidad, kung mayroon bang anumang mga paglihis, nakaligtaan, o problema sa kanilang gawain, lalong hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ang lahat ng bagay na ito kahit kaunti. Nagpapakasubsob lang sila sa kanilang gawain alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at upang bigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama? Ganap nitong inilalantad ang katunayan na ang kanilang puso ay puno ng mga ambisyon, pagnanais, at mga hindi makatwirang hinihingi, at na ang bawat kilos nila ay pinamamahalaan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Anuman ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmulan ng kanilang mga kilos ay nagmumula sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at mga hindi makatwirang hinihingi. Isa itong tipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Malinaw ang diwa ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo; partikular na prominente ang ganitong klase ng mga pagpapamalas nila. Ipinagkakatiwala sa kanila ng iglesia ang isang parte ng gawain, at kung magdudulot ito ng katanyagan at nakikinabang sila rito, at magiging daan upang maitampok ang kanilang sarili, interesadong-interesado sila, at handang tanggapin iyon. Kung ito ay gawain na walang pasasalamat o kinasasangkutan ng pagpapasama ng loob ng mga tao, o hindi magiging daan upang maitampok ang kanilang sarili o wala itong benepisyo sa kanilang kasikatan, pakinabang, o katayuan, wala silang interes, at hindi nila iyon tatanggapin, na para bang walang kinalaman sa kanila ang gawaing ito, at hindi ito ang gawaing dapat nilang gawin. Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap, walang posibilidad na hahanapin nila ang katotohanan para lutasin ang mga iyon, lalo na ang magsikap na tingnan ang buong sitwasyon at hindi sila magbibigay ng anumang pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Halimbawa, sa saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, batay sa kabuuang mga pangangailangan ng gawain, maaaring magkaroon ng ilang paglilipat ng mga tauhan. Kung malipat ang ilang tao mula sa isang iglesia, ano ang makatwirang paraan ng pagtrato ng mga lider ng iglesia sa isyu? Ano ang problema kung ang tanging inaalala nila ay ang mga interes ng sarili nilang iglesia, sa halip na ang mga pangkalahatang interes, at kung hinding-hindi sila handang ilipat ang mga taong iyon? Bakit hindi nila magawa, bilang lider ng iglesia, na magpasakop sa mga sentralisadong pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? May pagsasaalang-alang ba ang gayong tao sa mga layunin ng Diyos? Mapagmalasakit ba sila sa kabuuan ng gawain? Kung hindi nila iniisip ang kabuuan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi ang mga interes lamang ng sarili nilang iglesia, hindi ba sila masyadong makasarili at ubod ng sama? Ang mga lider ng iglesia ay dapat magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang pasubali, at sa sentralisadong mga pagsasaayos at koordinasyon ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi dapat kontrolin ng sinumang indibidwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang mga desisyon. Ang pagsunod ng hinirang na mga tao ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman ang mga pagsasaayos na ito, maliban kung gumagawa ang isang indibidwal na lider o manggagawa ng isang arbitraryong paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo, kung magkagayon ay maaaring suwayin ang pagsasaayos na ito. Kung ang isang normal na paglilipat ay isinasagawa nang ayon sa mga prinsipyo, dapat na sumunod ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang “iyo” at “akin.” Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan. Magkagayunman, ano ang tugon ng mga anticristo kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Humahanap sila ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para mapanatili ang mga naaangkop na taong ito sa kanilang tabi, at dalawang ordinaryong tao lang ang iniaalok nila, at pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan para gipitin ka, sa pagsasabing napakaabala ng gawain, o kaya naman ay kulang sila sa tauhan, mahirap makahanap ng mga tao, at kung malipat ang dalawang ito, maaapektuhan ang gawain. At tatanungin ka nila kung ano ang dapat nilang gawin, at ipaparamdam nila sa iyo na may pagkakautang ka sa kanila kung maglilipat ka ng mga tao. Hindi ba sa ganitong paraan kumikilos ang mga diyablo? Ganito kung gumawa ng mga bagay-bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga taong laging sinisikap na protektahan ang sarili nilang mga interes sa iglesia—mabubuting tao ba sila? Mga tao ba sila na kumikilos ayon sa prinsipyo? Hinding-hindi. Sila ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya. At hindi ba’t makasarili at ubod ng sama ito? Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa nasasakupan ng isang anticristo para gumawa ng ibang tungkulin, masigasig na nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais na niyang magbitiw, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng pangkat. Anong problema ito? Bakit wala siyang pagsunod sa mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang “kanang-kamay” ay makakaapekto sa mga resulta at pag-usad ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiya ang mga resulta—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nagrereklamo siya nang husto at gusto pa nga niyang isantabi ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat sentralisadong itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibidwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan. Hindi ba’t makasarili ito at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, matatanggal, at mawawala ang kanilang katayuan. Binabalewala ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pakundangan sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia. Makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsensiya: “Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsabilidad.” Ganyan ang mga kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ang katwiran na dapat taglayin ng mga nananampalataya sa Diyos. Nakikibahagi ang sambahayan ng Diyos sa pangkabuuang gawain at ang mga iglesia ay nakikibahagi sa mga parte ng gawain. Samakatwid, kapag may espesyal na pangangailangan mula sa iglesia ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga para sa mga lider at manggagawa ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsensiya at katwiran ang mga huwad na lider at anticristo. Lahat sila ay sobrang makasarili, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama! Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang magmatigas, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakawalang pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng pag-aari ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Naniniwala sila na sila ang magpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at na hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinaka-amo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos nang may mabuting asal at nang masunurin, at kumuha ng hudyat mula sa kanilang mga ekspresyon. Ito ang pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama sa karakter ng mga anticristo. Wala silang pagsasaalang-alang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit kaunti, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Kung ang ibinubunyag mo man ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili o kabaluktutan at panlilinlang, pagkamakasarili at pagiging kasuklam-suklam man o pagiging pabasta-basta at pagsisinungaling sa Diyos, dapat mong pagnilayan ang mga tiwaling disposisyong ito hanggang sa malinaw mong makita ang mga ito. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung anong mga problema ang umiiral habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at kung gaano ka kalayo sa pagkamit ng kaligtasan. Kapag malinaw mong nakikita ang sarili mong tiwaling disposisyon, saka mo lang malalaman kung nasaan ang mga paghihirap at hadlang sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka mo lang malulutas ang ugat ng mga problema. Halimbawa, sabihin nating hindi ka umaako ng responsabilidad sa paggawa ng iyong tungkulin, sa halip ay palagi kang kumikilos nang pabasta-basta, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain mo, pero inaalala mo ang reputasyon mo, kaya ayaw mong bukas na magbahagi tungkol sa kalagayan at mga paghihirap mo, o magsagawa ng paghihimay sa sarili at pagkilala sa sarili, sa halip ay palagi kang naghahanap ng mga dahilan para harapin ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Paano mo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat kang manalangin sa Diyos at magnilay-nilay sa sarili mo, sabihin mong: “O Diyos, kung nagsasalita ako nang ganoon, ito ay para lang protektahan ang sarili kong reputasyon. Ang tiwaling disposisyon ko ang nagsasalita. Hindi ako dapat magsalita nang ganoon. Dapat akong magbukas-loob tungkol sa aking sarili, ilantad ang aking sarili, at sabihin nang malakas ang mga tunay na saloobin ng aking puso. Mas gugustuhin ko pang mapahiya kaysa mabigyang-kasiyahan ang sarili kong banidad. Ang Diyos lamang ang gusto kong palugurin.” Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng paghihimagsik laban sa iyong sarili at pagsasabi nang malakas sa mga tunay na saloobin ng iyong puso, isinasagawa mo ang pagiging isang matapat na tao, at higit pa rito, hindi ka kumikilos ayon sa sarili mong kalooban o nagpoprotekta sa sarili mong reputasyon. Naisasagawa mo ang mga salita ng Diyos, naisasagawa ang katotohanan ayon sa mga layunin ng Diyos, taimtim na naisasakatuparan ang iyong tungkulin, at ganap na naisasakatuparan ang iyong mga responsabilidad. Kaya, hindi mo lamang isinasagawa ang katotohanan at ginagawa nang maayos ang iyong tungkulin, itinataguyod mo rin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nasisiyahan ang puso ng Diyos. Isa itong makatarungan at marangal na paraan ng pamumuhay, karapat-dapat na dalhin sa harap ng Diyos at ng mga tao. Napakaganda nito! Medyo mahirap ang pagsasagawa sa ganitong paraan, pero kung nakatuon sa direksyong ito ang iyong pagsisikap at pagsasagawa, kung gayon kahit na mabigo ka nang isa o dalawang beses, tiyak na magtatagumpay ka. At ano ang kahulugan sa iyo ng tagumpay? Nangangahulugan ito na kapag isinasagawa mo ang katotohanan, nagagawa mo ang hakbang na ito na nagpapalaya sa iyo mula sa pagkakagapos ni Satanas, isang hakbang na nagbibigay-daan upang maghimagsik ka laban sa iyong sarili. Nangangahulugan ito na maisasantabi mo ang banidad at prestihiyo, maititigil mo ang paghahanap sa sariling kapakinabangan, at maititigil mo ang paggawa ng mga makasarili at kasuklam-suklam na bagay. Kapag isinagawa mo ito, ipinakikita mo sa mga tao na ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, na nananabik sa katotohanan, isang taong nananabik ng katarungan at liwanag. Ito ang resultang nakakamit mo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kasabay nito, naghahatid ka rin ng kahihiyan kay Satanas. Ginawa kang tiwali ni Satanas, pinagawa nito sa iyo na unahin ang iyong sarili, ginawa ka nitong makasarili, pinagawa nito sa iyong isipin ang sarili mong prestihiyo. Ngunit ngayon, hindi ka na magagapos nitong mga satanikong bagay na ito, nakalaya ka na sa mga ito, hindi ka na kontrolado ng banidad, prestihiyo, o ng sarili mong personal na kapakinabangan, at isinasagawa mo ang katotohanan, kaya lubusan nang napahiya si Satanas, at wala na itong magagawa pa. Kung magkagayon, hindi ba’t nagtagumpay ka na? Kung matagumpay ka na, hindi ba’t makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Diyos? Hindi ka ba lumalaban ng mabuting laban? Kapag lumaban ka na ng mabuting laban, mayroon kang kapayapaan at kagalakan, at isang pagkaramdam ng kaalwanan sa iyong puso. Kung ikaw ay madalas na nakakaramdam ng akusasyon sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, ipagkakanulo ang katotohanan, at magiging makasarili at ubod ng sama; itinataguyod mo lamang ang iyong imahe, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong makasariling pagnanais, gusot, tanikala, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay alang-alang sa tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis. Yaong mga naghahangad sa katotohanan ay naiiba. Habang mas nauunawaan nila ang katotohanan, mas nagiging malaya at napalaya sila; habang mas isinasagawa nila ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng kapayapaan at kagalakan. Kapag nakamit nila ang katotohanan, ganap silang mamumuhay sa liwanag, magtatamasa ng mga pagpapala ng Diyos, at hindi magkakaroon ng anumang pasakit.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kung, sa mga oras na kailangan mong isagawa ang katotohanan, lagi kang may mga makasariling motibo at hindi mo mabitiwan ang iyong pansariling interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Kung, anuman ang sumapit sa iyo, hindi mo hinahanap ang katotohanan ni isinasagawa ito, hindi ka isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Kahit gaano karaming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia para gawin nila, palagi nilang isinasaalang-alang: “Ang paggawa ba nito ay nakabubuti o kapaki-pakinabang sa akin? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.” Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagawa ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Hinding-hindi. Kahit na sa panlabas ay hindi ka mukhang gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo minamahal ang mga positibong bagay, at anuman ang sumapit sa iyo, inaalala mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung anong mga pakinabang ang maaari mong makamit—nangangahulugan ito na ikaw ay isang taong naghahanap ng pakinabang nang higit sa lahat, at na makasarili rin at mababang-uri. Ang ganitong tao ay nananampalataya sa Diyos para makapagkamit ng isang bagay na maganda o kapaki-pakinabang sa kanya, hindi para matamo ang katotohanan o ang pagliligtas ng Diyos. Samakatwid, ang ganitong mga tao ay mga hindi mananampalataya. Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan, dahil nakikilala nila sa kanilang mga puso na si Cristo ang katotohanan, at na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos at manampalataya sa Diyos gaya ng Kanyang hinihingi. Kung nais mong isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, ngunit iniisip mo ang sarili mong reputasyon at katayuan, at isinasaalang-alang ang iyong pride, kung gayon ay magiging mahirap na isagawa ito. Sa sitwasyong gaya nito, sa pamamagitan ng pagdarasal, paghahanap, at pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay mabibitiwan kung ano ang kanilang pansariling interes o nakabubuti para sa kanila, maisasagawa ang katotohanan, at makapagpapasakop sa Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. At ano ang kinahihinatnan kapag laging iniisip ng mga tao ang sarili nilang interes, kapag lagi nilang sinusubukang protektahan ang kanilang sariling pride at banidad, kapag nagpapakita sila ng isang tiwaling disposisyon pero hindi naman nila hinahanap ang katotohanan para ayusin ito? Ito ay na wala silang buhay pagpasok, ito ay na wala silang mga tunay na patotoo batay sa karanasan. At delikado ito, hindi ba? Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung wala kang mga patotoo batay sa karanasan, pagdating ng panahon ay mabubunyag at matitiwalag ka. Ano ang silbi ng mga taong walang mga patotoong batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos? Nakatakda silang hindi magawa nang maayos ang anumang tungkulin at hindi makayang gawin nang maayos ang anumang bagay. Hindi ba’t basura lang sila? Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya; sila ay masasamang tao. Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga pagsalangsang mo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong pagsalangsang, ang maling landas na tinatahak mo, at ang matigas mong pagtanggi na magsisi ay dumadagdag sa maraming masamang gawa, at na ang kalalabasan mo ay na nararapat sa iyong mapunta sa impiyerno at maparusahan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Para sa lahat ng gumagampan ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng pagsasagawa para sa pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa bawat pagkakataon, binibitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan, at inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamababang dapat nilang gawin. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumagampan ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon paggampan ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hatiin ito sa dalawang hakbang, gumagawa ng kaunting kompromiso—hindi ba’t nararamdaman ninyo na ginagawa nitong medyo mas madali ang mga bagay-bagay? Kung magsasagawa ka nang ganito sa loob ng ilang panahon, mararamdaman mo na ang pagbibigay-kasiyahan sa Diyos ay hindi isang mahirap na bagay. Dagdag pa rito, kung magagawa mong tuparin ang iyong mga responsabilidad; tuparin ang iyong mga obligasyon at tungkulin; isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensiyon, at motibo; magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkuling dapat mong gampanan, kung gayon, pagkatapos dumanas nang ganito sa loob ng ilang panahon, mararamdaman mo na ang pag-asal sa ganitong paraan ay mabuti, na dapat mamuhay ang mga tao sa isang matapat at hayag na paraan, at na hindi sila dapat mamuhay nang walang paninindigan, marumi, at mababang-uri, kundi sa halip ay dapat silang maging marangal at makatarungan. Mararamdaman mo na ito ang wangis na dapat isabuhay ng isang tao. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon
Malulutas man o hindi ang mga tiwaling disposisyon ng pagkamakasarili, pagiging kasuklam-suklam, panlilinlang, at kasinungalingan ng mga tao ay nakadepende sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan o hindi. Lahat ng mga kayang tumanggap ng katotohanan ay namumuhi sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kinamumuhian nila ang pagkamakasarili at pagiging kasuklam-suklam, at ang kanilang panlilinlang at kasinungalingan. Ayaw nilang hayaan ang mga bagay na ito na dumihan o pigilan sila. Hangga’t nauunawaan ng mga nagmamahal sa katotohanan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, magiging madali para sa kanila na isantabi ang negatibong basura at duming ito. Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay itinuturing ang mga negatibong bagay na ito bilang kayamanan. Masyado nilang mahal ang kanilang sariling pakinabang, ayaw nilang maghimagsik laban sa laman, at masyadong matigas ang kalooban nila. Dahil dito, hindi nila kailanman nauunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos, ni hindi sila nakapagpapasakop sa Kanya. Dahil hindi minamahal o tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, kaya nananampalataya sila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang may magulong pag-iisip. Kapag dumarating ang panahon na kailangan nilang magpatotoo, nauumid ang kanilang dila, at hindi sila makapagsalita ng kahit ano. Maraming taon nang nakikinig ang mga tao sa mga sermon tungkol sa katotohanan, at palaging ipinaaalam sa kanila ang disposisyon ng Diyos, kaya ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat naunawaan na ito, pero yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi handang buksan ang kanilang sarili sa harap ng Diyos. Ayaw isuko ng puso nila ang mga kagustuhan ng laman, kaya hindi sila naglalakas-loob na bastang buksan ang kanilang sarili sa Diyos. Nais lamang nilang malayang tamasahin ang biyayang ibinibigay ng Diyos sa mga tao, pero ayaw nilang isagawa ang katotohanan para palugurin ang Diyos. Sabi ng Diyos: “Kung gusto mong makamtan ang Aking biyaya, kung nais mong makamit ang mga katotohanang ito, mayroon lamang isang kondisyon—dapat mong isuko ang sarili mong pakinabang, at ibigay sa Akin ang iyong tunay na puso.” Hindi kayang tugunan ng mga tao kahit ang isang kondisyong ito, gayumpaman, gusto pa rin nilang hingin ang biyaya ng Diyos, humingi ng kapayapaan at kagalakan, at gusto nilang makamit ang katotohanan; pero ayaw nilang ibigay ang kanilang tunay na puso sa Diyos, kaya anong uri sila ng mga tao? Hindi ba’t kauri sila ni Satanas? Magagawa ba nila ang dalawa nang sabay? Sa totoo lang, hindi nila magagawa. Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos, palaging hayagang ipinaaalam sa mga tao ang Kanyang disposisyon. Kung hindi kailanman tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, o kung nauunawaan niya ang katotohanan nang hindi ito isinasagawa, ito ay dahil masyadong matigas ang kalooban niya at hindi niya ibinigay ang puso niya sa Diyos. Kaya, hinding-hindi niya nagagawang makamit ang katotohanan, ni hindi niya nagagawang malaman ang disposisyon ng Diyos. Hindi ito dahil hindi patas ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao. Madalas na binabanggit ng mga tao ang sinabi ng Diyos na: “Magiging mapagbigay-loob at maawain ang Diyos kung kanino Niya gusto,” pero hindi nila naiintindihan ang kahulugan ng pariralang ito. Sa kabaligtaran, nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos. Iniisip nila na nagmumula ang biyaya sa Diyos, na ibinibigay Niya ito sa kung kanino Niya naisin, at na Siya ay mabuti sa kung kanino Niya nais. Totoo ba ito? Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ito ng tao? Tinatrato ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang diwa. Kapag nagagawang isaalang-alang ng mga tao ang mga layunin ng Diyos at tanggapin ang katotohanan, sila ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan at nilalabanan nila ang Diyos, magiging iba ang resulta.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan ng Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan
Ano ang pangunahing nakikita ng Diyos kapag tinitingnan Niya ang mga tao? Nakikita Niya ang kanilang puso. Lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga tao ay kontrolado ng kanilang puso. Kung matapat ang puso mo, magkakaroon ka ng mabuting pagkatao. Unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, matutugunan mo ang mga hinihingi ng Diyos sa isang antas, at magagawa mong magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kung masyadong mapanlinlang ang puso mo, sarado, at matigas ang kalooban, kung makasarili ka at sarili mo lang ang iniisip mo, walang mabuting pagkatao, at palaging naiipit sa mga kuru-kuro, ipinagpapalagay na dapat kumilos ang Diyos sa ganito o ganoong paraan, kung nagkakamali ka ng pagkaunawa sa Diyos at hindi kailanman naaarok ang Kanyang mga layunin kapag nahaharap ka sa isang bagay na hindi akma sa mga kuru-kuro mo, makakamit mo ba ang katotohanan? Hindi mo makakamit ito. Sa huli, kapag hindi mo makamit ang katotohanan, sisisihin mo ba ang sarili mo, sisisihin ang iba, o magrereklamo sa Diyos, sinasabi na hindi patas ang Diyos? (Sisisihin namin ang aming sarili.) Tama, sisisihin mo ang sarili mo. Kaya ano ang dapat gawin ng isang taong tulad nito para makamit ang katotohanan? Dapat niyang hanapin ang katotohanan at isagawa ito, at dapat siyang kumilos at magsagawa sa mga partikular na paraan. Kung nakauunawa siya nang hindi nagsasagawa, hindi pa rin niya makakamit ang katotohanan. Kapag lumilitaw sa iyo ang pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa sarili mong pakinabang, at natatanto mo iyon, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang unang bagay na dapat mong mabatid ay na sa diwa, ang pagkilos sa ganitong paraan ay isang paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, nakapipinsala ito sa gawain ng iglesia, ito ay makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali, hindi ito ang nararapat gawin ng mga tao na may konsensiya at katwiran. Dapat mong isantabi ang sarili mong mga interes at pagkamakasarili, at dapat mong isipin ang gawain ng iglesia—ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Matapos magdasal at pagnilayan ang iyong sarili, kung tunay mong natatanto na ang pagkilos nang gayon ay makasarili at kasuklam-suklam, magiging madali nang isantabi ang sarili mong pagkamakasarili. Kapag isinantabi mo ang iyong pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa pakinabang, magiging matatag ka, magiging payapa, magagalak, at madarama mo na dapat isipin ng taong may konsensiya at katwiran ang gawain ng iglesia, na hindi siya dapat magtuon sa personal niyang mga interes, na siyang magiging napakamakasarili, kasuklam-suklam, at walang konsensiya o katwiran. Ang pagiging hindi makasarili at pagkakaroon ng kakayahang isaalang-alang ang gawain ng iglesia sa mga kilos mo, at paggawa ng mga bagay-bagay na tanging para mapalugod ang Diyos ay marangal at matuwid, at magbibigay ng saysay sa iyong pag-iral. Sa pamumuhay nang ganito sa lupa, nagiging matuwid at prangka ka, isinasabuhay mo ang normal na pagkatao, at wangis ng totoong tao, at hindi lang malinis ang iyong konsensiya, kundi karapat-dapat ka rin sa lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Habang lalo kang namumuhay nang ganito, lalo kang magiging matatag, lalo kang magiging payapa at magagalak, at lalong liliwanag ang pakiramdam mo. Sa gayon, hindi ba’t makatatapak ka na sa tamang landas ng pananalig sa Diyos?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan ng Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan
Kaugnay na mga Video
Paghuhubad ng Maskara
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Mga Aral na Natutuhan Mula sa Paglalaan ng mga Iglesia
Isang Kahihiyan Mula sa Aking Nakaraan