7. Paano makilatis ang kalikasang diwa ng mga tiwaling tao

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa loob ng ilang libong taon ng katiwalian, ang mga tao ay pawang naging manhid at mapurol ang isip; silang lahat ay naging masasamang demonyo na sumasalungat sa Diyos, hanggang sa punto na ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos ay naisulat sa mga talaan ng kasaysayan, at na maging ang mga tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong salaysay ng kanilang mapaghimagsik na pag-uugali—sapagkat sila ay malalim na ginawang tiwali ni Satanas, at iniligaw ni Satanas kung kaya’t hindi na nila alam kung saan babaling. Kahit ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng mga tao ang Diyos. Kapag nakikita nila ang Diyos, ipinagkakanulo nila Siya, at kapag hindi nila nakikita ang Diyos, ipinagkakanulo rin nila Siya. Mayroon pa ngang mga taong, matapos masaksihan ang mga sumpa ng Diyos at ang Kanyang poot, nagkakanulo pa rin sa Kanya. Kaya sinasabi Ko na ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong tungkulin, at na ang konsensiya ng tao ay nawalan na rin ng orihinal nitong silbi. Sa Aking mga mata, ang mga tao ay pawang mga hayop na nakadamit-tao at makamandag na mga ahas. Gaano man kakaawa-awa nila subukang magpakita sa harap ng Aking mga mata, hindi Ako kailanman magiging mahabagin sa kanila, sapagkat wala silang anumang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, at walang sinuman sa kanila ang nakauunawa sa pagkakaiba ng katotohanan at ng hindi katotohanan. Ang kanilang katwiran ay napakamanhid, ngunit nagnanais pa rin silang magtamo ng mga pagpapala; ang kanilang pagkatao ay napakahamak, ngunit nagnanais pa rin silang mamuno bilang mga hari at humawak ng kapangyarihan. Sino ang maaari nilang pagharian, nang may gayong katwiran? Paano sila makakaupo sa mga trono nang may gayong pagkatao? Ang mga tao ay tunay na walang kahihiyan! Sila ay mga walang-kwenta na labis ang pagtingin sa sarili! Iminumungkahi Ko na kayong nagnanais na magtamo ng mga pagpapala ay humanap muna ng salamin at tingnan ninyo ang sarili ninyong pangit na repleksiyon. Mayroon ka ba ng kinakailangan para maging isang hari? Mayroon ka ba ng mga katangian ng mukha ng isang makatatanggap ng mga pagpapala? Walang kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo naisagawa ang anumang katotohanan, ngunit nagnanais ka pa rin ng isang napakagandang bukas. Isa itong ganap na kahibangan! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang nagkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang nagkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong walang ni isang taong nagkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at wala silang hilig na maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng anumang puwang sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang ugat na dahilan ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao, siya ay tiwali sa moral, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, dating nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay dating may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang dating katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay pawang naging manhid at sinira ni Satanas. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging abnormal ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya. Dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi katulad nito ang pagkakaroon ng abnormal na katwiran. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, lubos na alam na Siya ang Diyos; ganap na talagang walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, pero palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may abnormal na katwiran—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ay ang masasama na lumalaban at naghihimagsik laban sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng masamang diyablo, diyablong itinaboy Ko noon pa man, na naging hindi mapagkakasundong kaaway Ko simula noon. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng isang nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at madidilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. At saanman sa mundo ng mga tao paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama. Ang mga anak ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga panahon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, sa simula pa lamang ay naging isang artistang taglay ang larawan ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang pagsasakatawan ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na nagpapatotoo kay Satanas, nang napakalinaw. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, gayong pangkat ng masama’t kasuklam-suklam, gayong supling ng tiwaling pamilyang ito ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Saan maaaring magsimula ang isang tao na banggitin ang Aking patotoo? Sapagkat ang kaaway, dahil nagawa nang tiwali ang sangkatauhan, ay kinakalaban Ako, naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao

Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at nagpapasakop sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, naghihimagsik laban sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagkakanulo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)

Walang ibang pinagmumulan ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang mapurol niyang konsensiya, ang mapaminsala niyang kalikasan, at ang katwiran niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katwiran ng tao, magiging angkop siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katwiran ng tao, na hindi kailanman naging maayos, ay patuloy na mas pumupurol anupa’t lalo pang nagiging mapaghimagsik ang tao sa Diyos, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at itinatakwil sa labas ng kanyang tahanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw, at kinokondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging napakalupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katwiran, hindi siya magiging masyadong malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ngunit hindi niya magawang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at para bang salungat siya rito at tutol dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, ang Diyos, sa madaling sabi, ay matiyaga nang nagpapatuloy sa Kanyang gawain noon pa man—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at walang taros na humihiling sa Kanya. Naging sukdulang mapaminsala na ang disposisyon ng tao, naging lubos na mapurol na ang kanyang katwiran, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal nang tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay may pagkasuklam pa nga siya sa Diyos dahil sa pagkakaloob sa kanya ng katotohanan; dahil hindi interesado ang tao sa katotohanan kaya may pagkasuklam siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Diyos, at humihingi ng interes na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Ganito ang konsensiya at katwiran ng mga tao, pero wala pa rin silang nakikitang mali rito, at naniniwala pa rin na masyado na nilang iginugol ang sarili nila para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanila. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, humihiling na magbayad Ako ng renta para sa maraming gabi. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na mga buhong kayo! Ang ganitong uri ng pagkatao sa tao at ganitong uri ng konsensiya sa tao ang dahilan kung bakit nagpapagala-gala sa buong lupain ang nagkatawang-taong Diyos, na walang mahanap na lugar para masilungan. Silang mga tunay na nagtataglay ng konsensiya at pagkatao ay dapat sumamba at buong pusong maglingkod sa nagkatawang-taong Diyos hindi dahil sa dami ng gawaing nagawa na Niya, ngunit kahit na wala Siyang ginawang anumang gawain. Ito ang dapat gawin ng mga may maayos na katwiran, at ito ang tungkulin ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Kung ginagamit ninyo ang mga sarili ninyong kuru-kuro upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung ganap na nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Bibliya at ikulong Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinatulan na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Hudyo sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng sangkatauhan ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, hinahatulan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Inosente ang Diyos sa anumang paglabag, ngunit tumanggi ang tao na hayaan Siyang mabuhay, at nagpumilit na hatulan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at nililimitahan Siya batay lamang sa iisang aklat, ang Bibliya, na tila ba may perpektong pagkaunawa ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay mahilig sa eksaherasyon. Gaano man kadakila ang kaalaman mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isa na pinakatumututol sa Diyos, at na hinatulan mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang magpasakop sa gawain ng Diyos at lumalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kailanman kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t napakarami niyang kuru-kuro, at sapagka’t ang kanyang kaalaman sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa anumang paraan sa realidad, ngunit sa halip ay inuulit-ulit lang ang parehong tema nang walang pagbabago at ginagamit ang parehong paraan sa bawat sitwasyon. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus. Malupit na sangkatauhan! Ang pang-iintriga at pagpapakana, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa kasikatan at pakinabang, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, kinabukasan, katayuan, hungkag na kaluwalhatian, at pera, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan? Kaya, ang Diyos ay sapilitang hinatulan na ng kamatayan nang hindi mabilang na beses, at di-mabilang na malulupit na hukom ang humatol na sa Diyos at minsan pang ipinako Siya sa krus. Gaano karami ang natatawag na matuwid dahil talagang kumikilos sila para sa kapakanan ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan

Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; ang kaalaman sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay lumalaban sa Kanya, at ang nakaunawa sa pakay ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin nagsisikap na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang itinuturing na lumalaban sa Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at bumibigkas nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay mga taong walang halaga, ubod ng sama, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong nagdadala ng bandila ng Diyos ngunit sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng bansag na nananampalataya sa Diyos habang kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa pagtahak ng mga tao sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa paghahanap ng mga tao sa Diyos. Sila ay tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga itinataas ang kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat habang sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay pawang walang patotoo sa Diyos, lahat sila ay mapagmataas at palalo. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang pagkakilala sa Diyos, sa kabila ng kanilang praktikal na karanasan at praktikal na pagkakilala sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang ganitong mga tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit lumalaban sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay sadyang nakikibahagi sa paghihimagsik, ay mga lumalaban sa Diyos. Ang mga naghuhusga sa Diyos ay mga lumalaban sa Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay isang taong lumalaban sa Diyos. Kaya hinihimok Ko kayo: Kung tunay ngang mayroon kayong pananalig na makakaya ninyong tahakin ang landas na ito, ipagpatuloy ang pagsunod dito. Ngunit kung hindi ninyo kayang umiwas sa paglaban sa Diyos, pinakamabuting lumayo na kayo bago maging huli ang lahat. Kung hindi, ang posibilidad na makasama sa inyo ang mga bagay-bagay ay lubhang mataas, sapagkat ang inyong kalikasan ay talagang labis na tiwali. Wala kayong kahit karampot o katiting na katapatan o pagpapasakop, o pusong uhaw sa pagkamakatuwiran at katotohanan, o pag-ibig para sa Diyos. Maaaring sabihin na ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay lubos na magulo. Hindi ninyo magawang sumunod sa nararapat ninyong sundin, at hindi ninyo kayang sabihin ang nararapat ninyong sabihin. Nabigo kayong isagawa ang nararapat ninyong isagawa. At ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan, hindi ninyo nakayanang gampanan. Wala kayong katapatan, konsensiya, pagpapasakop, o kapasyahan na dapat ay mayroon kayo. Hindi pa ninyo natiis ang pagdurusa na nararapat ninyong tiisin, at wala kayo ng pananalig na nararapat ninyong taglayin. Sa madaling sabi, lubos ang kawalan ninyo ng anumang halaga: Hindi ba kayo nahihiya na patuloy na mabuhay? Hayaan ninyong kumbinsihin Ko kayo na mas mabuti pang isara ninyo ang inyong mga mata sa walang hanggang kapahingahan, upang makaiwas ang Diyos mula sa pag-aalala sa inyo at sa pagdurusa para sa inyong kapakanan. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo nalalaman ang Kanyang mga layunin, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ngunit hindi ninyo nagagawang sundin ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Nananampalataya kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo Siya kilala, at nananatili kayong buhay na walang layuning pinagsisikapan, walang anumang mga pagpapahalaga, walang anumang kahulugan. Nabubuhay kayo bilang tao ngunit wala ni katiting na konsensiya, integridad, o kredibilidad—matatawag ninyo pa rin ba ang inyong mga sarili na tao? Nananampalataya kayo sa Diyos ngunit nililinlang ninyo Siya; bukod pa rito, kinukuha ninyo ang salapi ng Diyos at kinakain ang mga alay na para sa Kanya. Gayunman, sa huli ay bigo pa rin kayong magpakita ng kahit man lamang katiting na pagsasaalang-alang para sa damdamin ng Diyos o kaunting konsensiya tungo sa Kanya. Maging ang pinakasimpleng hinihingi ng Diyos ay hindi ninyo matugunan. Matatawag ninyo pa rin bang tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang hanging ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, ngunit, sa huli, wala kayo ni kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Bagkus, kayo ay naging mga walang silbing lumalaban sa Diyos. Hindi ba kayo nagiging hayop na mas mababa pa sa isang aso dahil dito? Sa lahat ng mga hayop, mayroon bang sinuman na mas mapaminsala kaysa sa inyo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos

Ang pinakamalaking suliranin sa tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi nakikita o nahahawakan, mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha at hindi lubos na mawari ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal lamang. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga bagay na ito, lalong susuriin ang mga ito ng mga tao, at hinahangad pa ang mga iyon ng mga tao na walang pakialam sa ibang mga bagay, walang saysay na umaasang makamtan ang mga iyon. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga iyon, lalong malapitang bubusisiin at sisiyasatin ng mga tao ang mga iyon, na aabot pa nga sa paggawa ng mga sarili nilang puspusang kaisipan tungkol sa mga ito. Taliwas dito, habang higit na makatotohanan ang mga bagay, higit na hindi ito binibigyang-pansin ng mga tao; minamaliit lamang at hinahamak pa nga nila ang mga ito. Hindi ba’t ito ang inyong tunay na saloobin sa makatotohanang gawain Ko ngayon? Habang higit na makatotohanan ang gayong mga bagay, higit na kumikiling kayo laban sa mga ito. Hindi ninyo tinutulutan maging ang kahit kaunting pagkakataon para sa pagsusuri sa mga iyon, sa halip ay hindi na lamang ninyo pinapansin ang mga iyon; hinahamak ninyo ang ganitong mga pangangailangan na makatotohanan at may mababang pamantayan, at nag-iingat pa nga kayo ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos na pinakapraktikal, at talagang wala kayong kakayahang tanggapin ang Kanyang pagiging praktikal at normal. Sa ganitong paraan, hindi ba’t isang malabong paniniwala ang inyong pinanghahawakan? Mayroon kayong hindi natitinag na paniniwala sa malabong Diyos ng nakalipas na panahon, at walang pagkawili sa praktikal na Diyos ng kasalukuyan. Hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon at ang Diyos ng kasalukuyan ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi rin ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon ay ang mabunying Diyos ng kalangitan, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Dagdag pa, hindi ba’t ito ay dahil sa ang diyos na sinasamba ng tao ay ang siyang kinatha ng mga kuru-kuro nito, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay pisikal na katawang-tao na iniluwal sa lupa? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kasalukuyan ay masyadong makatotohanan kaya’t hindi Siya hinahangad ng mga tao? Sapagkat ang hinihingi sa mga tao ng Diyos ng kasalukuyan ay iyong sadyang pinakaayaw gawin ng mga tao, at iyong nakapagpaparamdam sa kanila ng kahihiyan. Hindi ba’t ginagawa lamang nitong mahirap para sa mga tao ang mga bagay? Hindi ba nito inilalantad ang mga pilat ng mga tao? Sa ganitong paraan, maraming tao ang hindi hinahanap ang makatotohanang Diyos, ang praktikal na Diyos, kaya naman nagiging kaaway sila ng nagkatawang-taong Diyos, na ang ibig sabihin, ay mga anticristo sila. Hindi ba’t ito ay isang malinaw na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos, ikaw marahil ay naging isang relihiyosong tao o isang debotong mananampalataya. Pagkaraang magkatawang-tao ang Diyos, marami sa gayong mga debotong mananampalataya ang naging mga anticristo nang hindi nila namamalayan. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nahuhumaling sa mga di-tunay na bagay—hindi ba’t ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong pakikipag-alitan sa Diyos na nagkatawang-tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang mga Nagpapalugod sa Diyos

Ayaw ng taong hangarin ang Diyos, ayaw gugulin ang kanyang mga ari-arian para sa Diyos, at ayaw maglaan ng habambuhay na pagsisikap para sa Diyos; sa halip, sinasabi niyang sumobra na ang Diyos, na napakaraming tungkol sa Diyos ang salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Sa ganitong uri ng pagkatao, hindi pa rin ninyo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos kahit na kayo ay walang humpay sa inyong mga pagsisikap, bukod pa sa katunayan na hindi ninyo hinahanap ang Diyos. Hindi ba ninyo alam na kayo ang depektibong produkto ng sangkatauhan? Hindi ba ninyo alam na walang pagkatao ang mas mababa pa kaysa sa inyo? Hindi ba ninyo alam kung ano ang bansag sa inyo ng iba upang parangalan kayo? Tinatawag kayo ng mga tunay na umiibig sa Diyos na ama ng lobo, ina ng lobo, anak ng lobo, at apo ng lobo; kayo ang mga inapo ng lobo, ang mga tao ng lobo, at dapat ninyong malaman ang sarili ninyong pagkakakilanlan at huwag itong kalimutan kailanman. Huwag ninyong isiping kayo ay kung sinong nakahihigit na tao: Kayo ang pinakamalupit na pangkat ng mga hindi-tao sa piling ng sangkatauhan. Hindi ba ninyo alam ang alinman dito? Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking panganib ang sinuong Ko na sa paggawa sa piling ninyo? Kung hindi muling makababalik sa normal ang inyong katwiran, at hindi gumagana nang normal ang inyong konsensiya, hindi ninyo kailanman maiwawaksi ang bansag na “lobo,” hindi ninyo kailanman matatakasan ang araw ng sumpa at hindi kailanman matatakasan ang araw ng inyong kaparusahan. Isinilang kayong mas mababa, isang bagay na walang anumang halaga. Kayo ay likas na pangkat ng gutom na mga lobo, isang tumpok ng latak at basura, at, hindi kagaya ninyo, hindi Ako gumagawa sa inyo alang-alang sa personal na pakinabang, kundi dahil sa pangangailangan ng gawain. Kung magpapatuloy kayo sa pagiging mapaghimagsik sa ganitong paraan, ititigil Ko ang Aking gawain, at hindi na kailanman gagawang muli sa inyo; sa kabaligtaran, ililipat Ko ang Aking gawain sa isang grupo na gusto Ko, at sa ganitong paraan ay iiwan kayo magpakailanman, sapagkat ayaw Kong makita ang mga salungat sa Akin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Napakaganda ng pananalig ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo sa ngalan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katunayan na ubod ng sama ang aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga reputasyon nila. Nawasak na ang mga reputasyon ninyo, mababang-uri ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay lumubog na sa napakababang kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtawaran kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na hanggang sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na sa Akin ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy na makasalanan kayo. Ang mga saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay sapat na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng mga disposisyon ninyo ay sapat na upang matukoy na kayo ay marurungis na kaluluwang puno ng mga karumal-dumal na bagay. Ang mga pagpapamalas ninyo at kung ano ang ibinubunyag ninyo ay sapat na upang sabihing kayo ay mga taong nakainom ng labis na dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayo na kung ano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok sa pultahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakapasok kayo sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna sinusubok ang sarili ninyong mga salita at gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko na ang buhay ninyo bilang ay buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman ng maruruming espiritu na iyon sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, naging partikular na masama ang pag-uugali ninyo, kaya paanong hindi Ko kayo maituturing na kasuklam-suklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karungisan ng maruruming espiritu: Nanunuyo, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya nila na nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya nila na nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom sa dugo ng mga hindi matuwid. Lubhang di-matuwid ang lahat ng mga pagpapahayag ng tao, kaya paano mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang mga matuwid? Iniisip mo bang maibubukod ka ng iyong kasuklam-suklam na pag-uugali bilang isang banal mula sa mga hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at nagsasagawa ng mga karumal-dumal na bagay, at ang mga kamay mong iyan na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din sa huli ang kaluluwa mo sa impiyerno. Kung gayon, bakit hindi ka lumulukso sa pagkakataong ito para linisin ang mga kamay mong puno ng dungis? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito na putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng mga hindi matuwid na salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Sinisiyasat Ko nang may dalawang mata ang puso ng di-mabilang na mga tao, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang nakilatis ang mga puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli para makatakas sila mula sa pagsunog ng Espiritu Ko?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!

Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas mapaminsala kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasingganda maging ng mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, pero hindi mas mabuti ang puso mo kaysa sa kanila, at tiyak na hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi lamang ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang mga hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas sa anumang paraan kaysa sa inaasahan Ko sa mga banal na tao; sadyang nakararamdam Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawa ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang iwaksi ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang suliranin upang makapamukod-tangi sila mula sa mga hindi matuwid at mamuhay at maging banal kasama ng mga matuwid. Kayo ay nasa parehong sitwasyon tulad Ko, pero kayo ay nababalot ng dumi; ni wala man lang kayong katiting na orihinal na wangis ng mga taong nilikha noong simula. Higit pa rito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang wangis ng maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng parte ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang parte ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong makadurog-puso! Namumuhay kayo sa ganitong mundo ng mga kabayo at baka, pero sa totoo lang ay hindi kayo nakararamdam ng pagkabagabag; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa paligid ng mabahong tubig na iyon, pero hindi ninyo talaga napagtatantong nahulog na kayo sa ganoong suliranin. Bawat araw, nakikisama kayo sa maruruming espiritu at nakikisalamuha sa “mga tae,” at talagang bulgar ang buhay ninyo; hindi mo talaga namamalayan na talagang hindi ka namumuhay sa mundo ng tao at na hindi ikaw ang may kontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang karakter mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa makalupang paraiso, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na namuhay ka ng isang buhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na magkasama kayong umiral sa lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kabuluhan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, pero wala ka talagang ideya na ang mga sumisilo sa iyo ay iyong mga magulang ng maruruming espiritu na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod dito, wala kang malay na ang lahat ng dungis mo sa katunayan ay ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lang ay na maaari ka nilang bigyan ng “kasiyahan,” hindi ka nila kinakastigo, ni hindi ka nila hinuhusgahan, at lalong hindi ka nila isinusumpa. Hindi pa kailanman sila pumutok sa galit sa iyo, kundi tinatrato ka nila nang may paggiliw at kabaitan. Ang mga salita nila ay bumubusog sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa malito ka at, nang hindi ito namamalayan, ikaw ay nahigop at handa nang maglingkod sa kanila, nagiging labasan ng sama ng loob at alipin nila. Wala kang anumang reklamo, kundi handa kang gumawa para kanila tulad ng mga aso, tulad ng mga kabayo; nailihis ka nila. Sa kadahilanang ito, ganap na wala kang mga reaksiyon sa gawaing ginagawa Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na makakuha ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Nakikita mo nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan sa lahat, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang ideya kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay kung paano Ako dayain—pero hindi mo alam na hindi Ko kukunsintihin ang anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon para paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na napopoot sa kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa altar, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang amo. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa altar Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-bastang gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakapanunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring lumipas ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa huli, kokondenahin Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayumpaman, naniniwala kayo na magagawa ninyong makitungo sa Akin nang pabasta-basta sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa marurumi at masasamang espiritu ang puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang poot Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong nandaraya sa Akin? Dapat Kong isagawa ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “maka-Diyos” na mayroong pananalig sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at magmakaawa sa Aking pagkakatay. Ipapapulot Ko sa iyo ang iyong mga dating resolusyon at muli mo akong paglilingkuran. Hindi Ko kukunsintihin ang anumang nilikhang nandaraya sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang pakundangang gumawa ng mga kahingian at magsinungaling sa harap Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko kailanman pahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako nang ganoon?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!

Magtatanong ang ilang tao, “Ano ba talaga ang isang tao?” Wala sa mga tao ngayon ang tao. Kung hindi sila mga tao, ano sila? Masasabi mong sila ay mga hayop, halimaw, mga Satanas, o mga diyablo; sa anumang kaso, sila ay nakakubli lamang sa balat ng tao, ngunit hindi sila matatawag na mga tao, dahil hindi nila taglay ang normal na pagkatao. Ang tawagin silang mga hayop ay medyo malapit-lapit, ngunit nagtataglay ang mga tao ng wika, isip at mga kaisipan, at kaya ng mga tao na lumahok sa agham at paggawa, kaya maaari lamang silang maituring na matataas na antas ng mga hayop. Gayumpaman, masyado nang malalim ang pagkakatiwali ni Satanas sa mga tao, matagal na silang nawalan ng konsensiya at katwiran, at hindi man lamang sila nagpapasakop o natatakot sa Diyos. Sadyang ganap na naaangkop na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Dahil ang kanilang kalikasan ay kay Satanas, at naghahayag sila ng mga satanikong disposisyon, at nagpapahayag sila ng mga satanikong pananaw, mas nababagay na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Masyado nang malalim ang pagkatiwali ng mga tao at wala na silang gaanong wangis ng tao. Tulad sila ng mga halimaw at hayop, sila ay mga diyablo. Sa ngayon, hindi isang bagay o iba pa ang mga tao, hindi sila kamukha ng mga tao o demonyo, at wala silang tunay na wangis ng tao. Pagkatapos ng maraming taon ng karanasan, ang ibang matatagal nang nananampalataya ay napapalapit nang kaunti sa Diyos, at humigit-kumulang ay nauunawaan nang kaunti ang Diyos, at humigit-kumulang ay inaalala ang mga bagay na inaalala ng Diyos, at humigit-kumulang ay iniisip ang mga bagay na iniisip ng Diyos—ibig sabihin nito ay mayroon silang kaunting anyo ng tao, at sila ay bahagyang nabuo. Hindi pa nararanasan ng mga bagong nananampalataya ang makastigo at mahatulan, o ang maraming pagpupungos, hindi nakarinig ng maraming katotohanan, nakabasa pa lamang sila ng mga salita ng Diyos, ngunit wala pa silang tunay na karanasan. Dahil dito, malaki pa rin ang kanilang pagkukulang. Ang lalim ng karanasan ng isang tao ang tutukoy kung gaano kalaki ang kanyang pagbabago. Habang mas kaunti ang karanasan mo sa mga salita ng Diyos, mas hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Kung wala ka man lamang karanasan, ikaw ay isang buo at buhay na Satanas, at ikaw ay isang diyablo, ganoon kasimple. Naniniwala ka ba rito? Isang araw ay mauunawaan mo ang mga salitang iyon. Mayroon bang sinumang mabubuting tao sa ngayon? Kung walang wangis ng tao ang mga tao, paano natin sila matatawag na mga tao? Lalong hindi sila matatawag na mabubuting tao. Mayroon lamang silang balat ng tao, ngunit wala silang pagkataong diwa, hindi pagmamalabis kung tatawagin silang mga halimaw na nakadamit ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Bago danasin ng mga tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit gusto mo ang mga di-matuwid na bagay na iyon at ang masasamang bagay na iyon? Ano ang batayan ng pagkagusto mo sa ganoong mga bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit mo gusto at tinatanggap ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na: Ang pangunahing dahilan ay dahil nasa kalooban ng tao ang mga lason ni Satanas. Kaya, ano ang mga lason ni Satanas? Paano maipapahayag ang mga ito? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang lahat ng tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang parirala lang na ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ang totoo ay ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay silang lahat para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito ang ganap na naging pundasyon para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga pakay. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala mula sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao hanggang sa ganitong antas. May satanikong kalikasan silang lahat, lahat sila ay may tendensiyang itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang hawakan ang sarili nilang mga kapalaran at subukang labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho na ng kay Satanas. Samakatwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas. Sa katunayan, ang mga motto at kasabihang pinanghahawakan ng mga tao ay kumakatawan sa kalikasan ng tao at sumasalamin sa tiwaling diwa ng tao. Ang mga bagay na pinipili ng mga tao ay sumasalamin sa sarili nilang mga kagustuhan, at kumakatawan ang lahat ng iyon sa mga disposisyon at hinahangad ng mga tao. Sa bawat salitang sinasabi ng isang tao, at sa lahat ng ginagawa niya, gaano man iyon ibalatkayo, hindi matatakpan ng pagbabalatkayong ito ang kanyang kalikasan. Halimbawa, karaniwang maganda ang pangangaral ng mga Pariseo, pero nang marinig nila ang mga sermon at katotohanang ipinahayag ni Jesus, sa halip na tanggapin ang mga iyon, kinondena nila ang mga iyon. Inilalantad nito ang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan ng mga Pariseo. Ang ilang tao ay labis na magandang magsalita at mahusay magpanggap, pero matapos silang makahalubilo sandali ng iba, nakikita ng iba na labis na mapanlinlang ang kalikasan ng mga nila, at hindi matapat kahit kaunti. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pakikihalubilo sa kanila, natutuklasan ng iba ang kanilang kalikasang diwa. Sa huli, nabubuo ng iba ang sumusunod na kongklusyon: Hindi sila kailanman nagsasabi ng totoong salita, at sila ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang kalikasan ng gayong mga tao at ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasang diwa. Ang pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo ay ang huwag magsabi ng katotohanan sa kaninuman, at huwag ding magtiwala kaninuman. Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming satanikong pilosopiya at lason. Minsan, hindi mo mismo namamalayan ang mga ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo kayang kilatisin ang mga satanikong disposisyon. Gayumpaman, namumuhay ka ayon sa mga satanikong disposisyon sa bawat minuto ng bawat araw, at inaakala mong ito ay lubos na tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na itong nagpapakita na kapag namumuhay ka ayon sa mga satanikong pilosopiya, namumuhay ka ayon sa mga satanikong disposisyon, at na ang mga satanikong pilosopiya at disposisyon ay naging iyong kalikasan. Napakadalas na namumuhay ang mga tao ayon sa mga satanikong pilosopiya ngunit iniisip pa rin nilang medyo mabuti ito, at wala silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Samakatwid, patuloy nilang ibinubunyag ang kanilang satanikong kalikasan sa bawat pagkakataon, at patuloy silang namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya sa bawat pagkakataon. Ang kalikasan ni Satanas ang buhay ng tao, at ito ang kalikasang diwa ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Sa pangkalahatan, bilang isang taong isinilang sa daigdig na ito, may nagawa ka nang isang bagay na maituturing na paglabag sa katotohanan, kung naaalala mo man na nakagawa ka kailanman ng isang bagay upang ipagkanulo ang iba pang tao, o kung ipinagkakanulo mo na ang iba nang maraming beses. Dahil ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iba, at higit pa rito, ikaw ay may kakayahang magkanulo sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinasusuklaman Ko. Sa ibang salita, ang pagkakanulo ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit isang bagay na hindi kaayon ng katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagkakanulo ay kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang malaking kalaban ng pagiging kaayon sa Akin ng bawat tao.

Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagkakanulo. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagkakanulo. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagkakanulo. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagkakanulo. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo. Ang lahat ng ito ay mga gawain ng pagkakanulo na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Maaaring wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagkakanulo sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking kalamidad, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Iniisip ninyong ang ilang gawaing pagkakanulo ay paminsan-minsang pangyayari lang, hindi ang inyong namimihasang pag-uugali, at hindi nararapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, sa isang paraang pumipinsala sa inyong kapurihan. Kung talagang ganito ang iniisip ninyo, kulang kayo sa katinuan. Ang mag-isip nang ganito ay ang maging isang uliran at halimbawa ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagkakanulo. Kung kaya mong gumawa ng isang bagay upang ipagkanulo ang isang kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)

Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sakapangyarihan ni Satanas. Iyon lamang mga naniniwala kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na nabubuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Gayumpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na ipagkakanulo ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay mahirap kontrolin. Ngayon, lahat kayo ay nagdaraan sa mga paghihirap hangga’t makakaya ninyo habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit bawat isa sa inyo ay may kakayahang ipagkanulo Ako at bumalik sakapangyarihan ni Satanas, sa kampo nito, at bumalik sa dati ninyong buhay—hindi maikakaila ang katotohanang ito. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagiging tao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, higit pa riyan, masasadlak kayo sa walang hanggang pagkapahamak, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magkakatawang-tao. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang malaking problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mabuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mabubuhay nang payapa ang iyong laman. Kung pinoprotektahan Ko ang iyong laman, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong laman at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang kalagayan mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw ay walang epekto sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, at hahayaan ito na pag-ibayuhin ang pagpapahirap na ipinapataw sa inyo hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagkakanulo sa Akin ay hindi na magbabago kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)

Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at sa tunay na Diyos?” Ang dugo ng pusong ibinuhos Ko para sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang bawat kilos ng tao sa Aking harapan ay nagpapatunay sa diwa nito ng pagkapoot sa katotohanan at pagsalungat sa Akin. Sa lahat ng panahon, Ako ay nag-aalala sa lahat ng sumunod sa Akin, ngunit sa anumang sandali, hindi kayang tanggapin ng mga sumusunod sa Akin ang Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila kayang tanggapin. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinumang nakaunawa sa Akin kahit kailan, higit pa rito, walang sinuman ang nagawang tumanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay taos-puso at ang Aking mga salita ay malumanay. Sinusubukan ng bawat isa na gawin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanila alinsunod sa kanilang sariling mga ideya; hindi nila hinahanap ang Aking mga layunin, at lalong hindi nila itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanila. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang silang lahat ay naghihimagsik laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na itinatatwa at tinatanggihan. Kasabay nito, kinikilala Ako ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit naniniwala din sila na Ako ay isang tagalabas na hindi ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman; Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan; ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda batay sa kung kinikilala at tinatanggap ba ng sangkatauhan ang mga ito, kundi batay sa diwa ng mismong mga salita; at kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik laban, nagpapabulaan, o lubos na nanghahamak sa Aking mga salita, ang Aking saloobin ay ito lamang: Hayaan ang panahon at mga katunayan ang maging saksi Ko at magpatunay na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang patunayan ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at na ito ang dapat na taglayin ng tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layon sa Aking mga salita, at ang mga hindi makatanggap sa biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ng Aking mga salita, ay ang mga kinokondena ng Aking mga salita; higit pa rito, ang mga ito ang nawalan ng biyaya ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman hihiwalay ang Aking tungkod sa kanila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Sinundan: 6. Ang mga tiwaling disposisyon na taglay ng mga tao

Sumunod: 8. Paano makilatis ang mga pilosopiya at iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito