5. Paano kilalanin ang sarili at iwaksi ang mga tiwaling disposisyon
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nagsisimula ang pagbabago ng disposisyon ng tao sa kaalaman ng kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago. Sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, katiwalian, at lason ni Satanas. Ang tao ay iginagapos at kinokontrol ni Satanas, at dinaranas niya ang napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kabatiran, at katwiran. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kabatiran, at katwiran na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos iyong isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katwiran at kabatiran. Ang ugat na dahilan ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao, siya ay tiwali sa moral, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, dating nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay dating may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang dating katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay pawang naging manhid at sinira ni Satanas. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging abnormal ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya. Dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi katulad nito ang pagkakaroon ng abnormal na katwiran. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, lubos na alam na Siya ang Diyos; ganap na talagang walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, pero palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may abnormal na katwiran—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
Gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan para makilala ng mga tao ang kanilang sarili. Inihanda na Niya ang lahat ng uri ng kapaligiran upang ibunyag ng mga tao ang kanilang katiwalian, at unti-unti nilang makilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng karanasan. Paglalantad man ito ng mga salita ng Diyos o Kanyang paghatol at pagkastigo, nauunawaan ba ninyo kung ano ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng gawaing ito? Ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain sa ganitong paraan ay upang mabigyang-daan ang bawat taong makakaranas ng Kanyang gawain na malaman kung ano ang tao. At anong nilalaman ang nasa ilalim ng “kung ano ang tao”? Ang pagkakakilanlan at katayuan ng tao, ang kanyang tungkulin at responsabilidad. Ang pakay ng Diyos ay ang ipaalam sa iyo kung ano talaga ang tao, at ipaunawa sa iyo kung sino ka. Ito ang pangwakas na layon ng Diyos sa paggawa Niya na makilala ng mga tao ang kanilang sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Upang hangarin ang pagbabago ng disposisyon, kailangan munang makilala ng isang tao ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay kailangan ng masusing pagtingin at paghihimay sa diwa ng kanyang katiwalian, pati na rin ang pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng isang tiwaling disposisyon. Kapag malinaw na naunawaan ng isang tao ang sarili niyang mga tiwaling kalagayan at tiwaling disposisyon, saka lamang niya magagawang kasuklaman ang kanyang laman at si Satanas, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi niya makikilala ang mga kalagayang ito, at mabigong maiugnay at maitugma ang mga ito sa kanyang sarili, mababago ba ang disposisyon niya? Hindi. Ang pagbabago ng disposisyon ay nangangailangan ng pagkilala sa iba’t ibang kalagayan na dulot ng tiwali niyang disposisyon; dapat siyang makarating sa puntong hindi na siya pinipigil ng tiwali niyang disposisyon at sa punto ng pagsasagawa sa katotohanan—saka lamang magsisimula ang pagbabago ng disposisyon niya. Kung hindi niya makikilala ang pinagmulan ng mga tiwali niyang kalagayan, at pinipigilan lamang ang sarili niya ayon sa mga salita at doktrina na nauunawaan niya, kahit mayroon siyang ilang mabuting pag-uugali at nagbabago siya nang kaunti sa panlabas, hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon. Dahil ito ay hindi maaaring ituring na pagbabago ng disposisyon, ano kung gayon ang papel na ginagampanan ng karamihan ng tao sa panahon ng paggampan ng tungkulin nila? Ito ay ang papel ng isang trabahador; nagsusumikap at nagpapakaabala lamang sila sa mga gawain. Bagamat ginagampanan din nila ang tungkulin nila, kadalasan ay nakatutok lamang sila sa pagtapos ng mga bagay, hindi sa paghahanap ng katotohanan kundi sa pagsusumikap lang. Minsan, kapag maganda ang lagay ng kanilang loob, higit silang magsisikap, at minsan, kapag masama ang lagay ng kanilang loob, hindi sila masyadong magsisikap. Ngunit pagkatapos ay susuriin nila ang sarili nila at makakaramdam sila ng pagsisisi, kaya’t muli silang higit na magsisikap, sa pag-aakalang ito ay pagsisisi. Sa katunayan, ito ay hindi tunay na pagbabago, o tunay na pagsisisi. Nagsisimula ang tunay na pagsisisi sa pagkakilala sa sarili; nagsisimula ito sa pagbabago ng ugali. Kapag nagbago na ang ugali ng isang tao, at kaya na niyang maghimagsik laban sa kanyang laman, isagawa ang katotohanan, at iayon ang kanyang ugali sa mga prinsipyo, nangangahulugan ito na mayroon na ngang tunay na pagsisisi. Pagkatapos, unti-unti silang makararating sa puntong kaya na nilang magsalita at kumilos ayon sa mga prinsipyo, ganap nang umaayon sa katotohanan. Ito ang simula ng pagbabago sa buhay disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagkakilala sa Sarili ay Mahalaga sa Paghahangad ng Katotohanan
Ang susi sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay ang makilala ang sariling kalikasan, at dapat itong gawin ayon sa paglalantad ng Diyos. Sa mga salita lamang ng Diyos makikilala ng isang tao ang kanyang kasuklam-suklam na kalikasan, ang iba’t ibang lason ni Satanas na nasa loob ng kanyang kalikasan, ang kanyang kahangalan at kamangmangan, at ang marurupok at negatibong mga elemento sa kanyang kalikasan. Pagkatapos mong lubusang makilala ang mga bagay na ito, at tunay mo nang kayang kamuhian ang iyong sarili, maghimagsik laban sa laman, magpursigi sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, magpursigi sa paghahangad sa katotohanan habang ginagawa ang iyong tungkulin para makamit ang pagbabago sa disposisyon, at maging isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, matatahak mo na ang landas ni Pedro. Kung walang biyaya ng Diyos o ang kaliwanagan at paggabay mula sa Banal na Espiritu, magiging mahirap na tahakin ang landas na ito, sapagkat kung walang katotohanan, hindi kayang maghimagsik ng mga tao laban sa kanilang sarili. Ang pagtahak sa landas ni Pedro ng pagiging perpekto ay pangunahing nakadepende sa pagkakaroon ng kapasyahan, pagkakaroon ng pananalig, at pagsandig sa Diyos. Dagdag pa rito, dapat magpasakop ang isang tao sa gawain ng Banal na Espiritu at hindi kailanman lumihis mula sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang mahahalagang aspektong hindi kailanman maaaring labagin. Sa takbo ng kanilang mga karanasan, napakahirap na makilala ang sarili, at kung walang gawain ng Banal na Espiritu, walang mga resultang darating.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Para makilala mo ang iyong sarili, kailangan mong malaman ang iyong sariling mga pagbubunyag ng katiwalian, ang iyong tiwaling disposisyon, ang matinding kahinaan mo, at ang kalikasang diwa mo. Kailangan mo ring malaman, hanggang sa pinakahuling detalye, yaong mga bagay na nabubunyag sa iyong pang-araw-araw na buhay—ang iyong mga motibo, mga pananaw, at saloobin sa bawat bagay—nasa bahay ka man o nasa labas, kapag nasa mga pagtitipon ka, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, o sa bawat isyung kinakaharap mo. Sa pamamagitan ng mga aspekto na ito dapat mong makilala ang iyong sarili. Siyempre, para makilala mo nang mas malalim ang iyong sarili, kailangan mong gamitin bilang pamantayan ang mga salita ng Diyos; magkakamit ka lamang ng mga resulta kapag nakilala mo ang iyong sarili batay sa Kanyang mga salita. Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, huwag matakot na magdusa o masaktan, at bukod pa riyan, huwag matakot na tatagos ang mga salita ng Diyos sa puso ninyo at ilalantad ang mga pangit ninyong kalagayan. Lubos na kapaki-pakinabang na pagdusahan ang mga bagay na ito. Kung nananampalataya kayo sa Diyos, dapat ninyong basahin ang higit pa sa mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa mga tao, lalo na iyong mga naglalantad sa diwa ng katiwalian ng sangkatauhan. Dapat ninyong higit na ihambing ang mga iyon sa inyong praktikal na kalagayan, at dapat ninyong higit na iugnay ang mga iyon sa inyong sarili at hindi gaano sa iba. Ang mga uri ng kalagayang inilalantad ng Diyos ay umiiral sa bawat tao, at maaaring matagpuan ang lahat ng iyon sa inyo. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mong danasin iyon. Habang lalo kang dumaranas, lalo mong makikilala ang iyong sarili, at lalo mong madarama na tumpak na tumpak ang mga salita ng Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, walang kakayahan ang ilang tao na iugnay ang mga iyon sa kanilang sarili; akala nila ay hindi tungkol sa kanila ang mga bahagi ng mga salitang ito, kundi sa halip ay tungkol sa ibang mga tao. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao bilang mga babaeng jezebel at mga bayarang babae, nadarama ng ilang kapatid na babae na dahil naging tapat na tapat sila sa kanilang asawa, malamang na hindi tumutukoy sa kanila ang gayong mga salita; nadarama ng ilang kapatid na babae na dahil wala silang asawa at hindi pa nakipagtalik kailanman, malamang na hindi rin tungkol sa kanila ang gayong mga salita. Nadarama ng ilang kapatid na lalaki na para lamang sa mga babae ang mga salitang ito, at walang kinalaman sa kanila; naniniwala ang ilang tao na masyadong matindi ang mga salita ng paglalantad ng Diyos, na hindi umaayon ang mga iyon sa realidad, kaya ayaw nilang tanggapin ang mga iyon. Mayroon pang mga taong nagsasabi na sa ilang pagkakataon, hindi tumpak ang mga salita ng Diyos. Ito ba ang tamang saloobin na dapat mayroon sa mga salita ng Diyos? Malinaw na mali ito. Tinitingnan ng lahat ng tao ang kanilang sarili batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali. Wala silang kakayahang pagnilayan ang kanilang mga sarili, at makilala ang kanilang tiwaling diwa, sa gitna ng mga salita ng Diyos. Dito, ang “mga babaeng jezebel” at “mga bayarang babae” ay tumutukoy sa diwa ng katiwalian, sa karumihan, at kalaswaan ng sangkatauhan. Lalaki man o babae, may-asawa o wala, lahat ay mayroong mga tiwaling saloobin ng kalaswaan—kaya paano ito mawawalan ng kinalaman sa iyo? Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; lalaki man o babae, pareho ang antas ng katiwalian ng tao. Hindi ba totoo ito? Dapat muna nating mapagtanto na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan, at nakaayon sa mga katunayan, at na kahit gaano pa katindi ang Kanyang mga salita na humahatol at naglalantad sa mga tao, o gaano man kamalumanay ang Kanyang mga salita ng pagbabahagi ng katotohanan o paghihikayat sa mga tao, paghatol man o mga pagpapala ang Kanyang mga salita, mga pagkondena man o mga pagsumpa ang mga ito, nagbibigay man ang mga ito ng mapait o masarap na pakiramdam sa mga tao, dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ito. Iyon ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang napakarelihiyosong saloobin, isang saloobing mapagpasensiya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Medyo nalilito kayo. Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa kanilang pananalig, dapat matatag na panindigan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito nang may katwiran. Kaya man nila o hindi na kilalanin ito o aminin, ang una nilang saloobin sa mga salita ng Diyos ay dapat lubos na pagtanggap. Kung hindi inilalantad ng salita ng Diyos ang isang tao o ang lahat sa inyo, sino ang inilalantad niyon? At kung hindi iyon para ilantad ka, bakit ka sinasabihang tanggapin iyon? Hindi ba ito isang kontradiksyon? Nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan, bawat pangungusap na binigkas ng Diyos ay naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, at walang hindi kasali rito—kaya natural na kasama ka rin. Wala ni isa sa mga linya ng mga binigkas ng Diyos ang tungkol sa mga panlabas na hitsura, o uri ng kalagayan, lalo na tungkol sa mga tuntuning panlabas o sa isang simpleng klase ng pag-uugali sa mga tao. Hindi ganoon ang mga iyon. Kung sa tingin mo ay paglalantad lang ng isang simpleng uri ng pag-uugali ng tao o panlabas na pagpapakita ang bawat linyang binigkas ng Diyos, wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Nadarama ng mga tao ang kalaliman ng mga salita ng Diyos. Paano naging malalim ang mga ito? Inilalantad ng bawat salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay na mahalaga at malalim na nakaugat sa kanilang buhay. Mahalaga ang mga bagay na ito, hindi mga panlabas na hitsura, at lalo nang hindi mga ugaling panlabas. Sa pagtingin sa mga tao mula sa kanilang mga panlabas na anyo, maaaring mukhang mabubuting tao silang lahat. Ngunit bakit sinasabi ng Diyos na ang ilang tao ay masasamang espiritu at ang ilan ay maruruming espiritu? Ito ay isang bagay na hindi mo nakikita. Kaya, kailangan ay hindi tratuhin ng isang tao ang mga salita ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao, o ayon sa sabi-sabi ng tao, at lalong hindi ayon sa mga pahayag ng naghaharing partido. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan; lahat ng salita ng tao ay puro maling kaisipan. Matapos mabahaginan nang gayon, nakaranas na ba kayo ng pagbabago sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos? Gaano man kalaki o kaliit ang pagbabago, sa susunod na mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, kahit paano ay hindi ninyo dapat subukang makipagtalo sa Diyos. Dapat kayong tumigil sa pagrereklamo tungkol sa Diyos, sinasabing, “Talagang matindi ang mga salita ng paglalantad at paghahatol ng Diyos sa mga tao; hindi ko babasahin ang pahinang ito. Lalaktawan ko na lang ito. Maghahanap ako ng mababasa tungkol sa mga pagpapala at pangako, para maginhawahan ako nang kaunti.” Dapat ay hindi na ninyo basahin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpili nang ayon sa inyong sariling mga kagustuhan. Dapat ninyong tanggapin ang katotohanan at ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; saka lamang malilinis ang inyong tiwaling disposisyon, at saka lang kayo magtatamo ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan at Landas ng Paghahangad sa Katotohanan
Kung isa kang tao na naghahangad sa katotohanan, dapat mong pagnilayan at unawain ang tiwali mong disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos, sukatin ang sarili mo sa bawat pangungusap ng mga salita ng Diyos ng pagsisiwalat at paghatol, at unti-unting hukayin ang lahat ng tiwali mong disposisyon at kalagayan. Magsimula ka sa paghukay sa mga layunin at pakay ng mga salita at gawain mo, himayin at kilatisin ang bawat salita na binibitawan mo, at huwag balewalain ang anumang umiiral sa isipan mo. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng unti-unting paghihimay at pagkilatis, matutuklasan mo na ang tiwali mong disposisyon ay hindi kaunti kundi sagana, at ang mga lason ni Satanas ay hindi limitado kundi marami. Sa ganitong paraan, unti-unti mong malinaw na makikita ang mga tiwali mong disposisyon at kalikasang diwa, at mapagtatanto mo kung gaano ka kalalim na ginawang tiwali ni Satanas. Sa panahong ito, mararamdaman mo kung gaano napakahalaga ang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Malulutas nito ang mga problema ng disposisyon at kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Itong gamot na inihanda ng Diyos para sa mga tiwaling tao upang iligtas ang sangkatauhan ay lubos na mabisa, mas mahalaga pa ito kaysa sa anumang eliksir. Kaya, upang matanggap ang pagliligtas ng Diyos, kusang loob mong hinahangad ang katotohanan, higit pang pinapahalagahan ang bawat aspekto ng katotohanan, at pinagsisikapang hangarin ito nang may papatinding lakas. Kapag mayroong nararamdamang ganito ang isang tao sa kanyang puso, ibig sabihin nito ay nakamit na niya ang pag-unawa sa ilang katotohanan, at itinanim na ang sarili niya sa tunay na daan. Kung mararanasan niya ito nang mas malalim at tunay niyang mamahalin ang Diyos nang buong puso, magsisimulang magbago ang kanyang buhay disposisyon.
Madaling gumawa ng ilang pagbabago sa pag-uugali, ngunit hindi madaling baguhin ang buhay disposisyon ng isang tao. Ang paglutas sa isyu ng isang tiwaling disposisyon ay dapat magsimula sa pagkilala sa sarili. Kailangan nito ng pag-iingat, ng unti-unting pagtuon sa pagsusuri ng mga intensyon at kalagayan ng isang tao, at ng palagiang pagsusuri sa mga intensyon at nakagawiang paraan ng pananalita. At balang araw ay biglang mapagtatanto: “Palagi akong nagsasabi ng magagandang bagay upang magbalatkayo, umaasang magkakamit ng katayuan sa puso ng iba. Ito ay isang buktot na disposisyon. Hindi ito pagbubunyag ng normal na pagkatao at hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang buktot na pananalita at layuning ito ay mali, at dapat baguhin at iwaksi.” Matapos mapagtanto ito, mas malinaw mong mararamdaman ang kalubhaan ng buktot mong disposisyon. Inakala mong ang kabuktutan ay ukol lamang sa pag-iral ng buktot na pagnanasa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at pakiramdam mo na bagamat nagpakita ka ng ganoong kabuktutan, hindi ka isang taong may buktot na disposisyon. Ipinahihiwatig nito na wala kang kamalayan ukol sa buktot na disposisyon; tila alam mo ang mababaw na kahulugan ng salitang “buktot” ngunit hindi mo lubos na makilala o makilatis ang isang buktot na disposisyon; at sa katunayan, hindi mo pa rin nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng salitang “buktot.” Kapag napagtanto mo na nagpakita ka ng ganitong disposisyon, magsisimula kang pagnilay-nilayan ang sarili mo at makikilala mo ito, at sisiyasatin ang pinagmulan nito, at makikita mo na mayroon ka ngang gayong disposisyon. Ano ang dapat mong gawin pagkatapos? Dapat ay patuloy mong suriin ang mga layunin mo sa gayong katulad na paraan ng pagsasalita. Sa pamamagitan ng ganitong patuloy na pagsisiyasat, makikilala mo nang may mas higit na katapatan at katumpakan na mayroon ka ngang ganitong uri ng disposisyon at diwa. Sa araw na tunay mong aaminin na talagang mayroon ka ngang buktot na disposisyon, saka ka lamang magsisimulang magkaroon ng pagkasuklam at pagtataboy rito. Mula sa pag-aakalang siya ay mabuting tao, na may matuwid na asal, may pagpapahalaga sa katarungan, isang taong may moral na integridad, isang taong totoo, siya ay nagiging isang taong nakikilala na mayroon siyang mga kalikasang diwa katulad ng kayabangan, katigasan ng kalooban, panlilinlang, kabuktutan, at pagtutol sa katotohanan. Sa puntong iyon, masusuri na niya nang tumpak ang sarili niya at makikilala kung ano talaga siya. Ang simpleng pasalitang pag-amin o pabasta-bastang pagkilala na mayroon kang mga pagpapamalas at kalagayan na ito ay hindi magdudulot ng tunay na pagkasuklam. Ang tanging paraan upang kamuhian ng isang tao ang sarili niya ay ang pagkilala na ang diwa ng mga tiwaling disposisyong ito ay ang kasuklam-suklam na paraan ni Satanas. Anong uri ng pagkatao ang kailangan upang tunay na makilala ang sarili hanggang sa punto ng pagkasuklam sa sarili? Dapat mahalin ng isang tao ang mga positibong bagay, mahalin ang katotohanan, mahalin ang katarungan at ang katuwiran, magkaroon ng konsensiya at kamalayan, maging mabait at magawang tanggapin at isagawa ang katotohanan—ang ganitong mga tao ay tunay na makakakilala at masusuklam sa sarili nila. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nahihirapang tanggapin ito ay hindi kailanman makikilala ang sarili nila. Magsalita man sila ng ilang salita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili nila, hindi nila maisasagawa ang katotohanan, at hindi sila sasailalim sa anumang tunay na pagbabago. Ang pagkilala sa sarili ang pinakamahirap na gawain.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagkakilala sa Sarili ay Mahalaga sa Paghahangad ng Katotohanan
Kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya. Sa halip, siya ay nakatuon sa pag-arok sa katotohanan at pag-arok sa mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sinubukan din ni Pedro na unawain ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, gayundin ang kalikasang diwa, at aktuwal na mga pagkukulang ng tao, kaya madali niyang natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos upang mapalugod ang Diyos. Nagkaroon si Pedro ng napakaraming wastong mga pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok na ipinadala ng Diyos, mahigpit na ikinumpara ni Pedro ang kanyang sarili sa bawat salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa tao—at sa bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao—sinuri ang kanyang sarili, at sinikap na tumpak na unawain ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Masigasig niyang pinagbulay-bulayan ang lahat ng sinabi sa kanya ni Jesus, mahigpit na isinasaisip ang bawat salita—nagbunga ng napakagagandang resulta ang pamamaraang ito. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nagawa niyang makilala ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at hindi lang niya nagawang maunawaan ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao, kundi nalaman din niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ipinapakita nito na tunay na kilala ni Pedro ang sarili niya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Kung uunawain ng mga tao ang kanilang mga sarili, dapat nilang unawain ang tiwali nilang disposisyon at maarok ang tunay nilang mga kalagayan. Para maunawaan ang sariling kalagayan, ang pinakamahalagang bagay ay ang maarok ang sariling mga kaisipan at mga ideya. Sa bawat yugto, ang mga kaisipan at ideya ng tao ay kinokontrol ng isang pangunahing bagay. Kung maaarok mo ang iyong mga kaisipan at ideya, maaarok mo ang mga bagay na nasa likod ng mga ito. Walang makakakontrol sa sariling mga kaisipan at ideya nila. Gayumpaman, kailangan mong malaman kung saan nagmumula ang mga kaisipan at ideyang ito, ano ang mga motibo sa likod ng mga ito, paano nabubuo ang mga ito, ano ang kumokontrol sa mga ito, at ano ang kalikasan ng mga ito. Pagkatapos magbago ang disposisyon ng isang tao, ang mga kaisipan, ideya, pananaw, at mga layon na hinahangad ng isang tao na nagmumula sa nagbagong bahagi niya ay magiging ibang-iba. Sa pangkalahatan, haharapin niya ang katotohanan at magiging ayon sa katotohanan. Ang mga bagay sa loob ng mga tao na hindi nagbago, ibig sabihin, ang kanilang mga lumang kaisipan, ideya, at pananaw, pati na ang mga bagay na gusto at hinahangad nila, ay pawang marumi, marungis, at kahindik-hindik. Pagkatapos maunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilatis niya ang mga bagay na ito at malinaw na makikita ang mga ito. Samakatwid, nagagawa niyang maghimagsik laban sa mga bagay na ito at bitiwan ang mga ito. Ang ganitong mga tao ay talaga ngang sumailalim sa ilang pagbabago. Nagagawa nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at pumasok sa ilang katotohanang realidad. Hindi malinaw na makita ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ang mga tiwali o negatibong bagay na ito, at hindi nila makilatis ang mga ito. Samakatwid, hindi nila magawang isuko ang mga ito, lalo pa ang maghimagsik laban sa mga ito. Ano mismo ang nagdudulot ng kaibahang ito? Bakit lahat sila ay mananampalataya, pero ang ilan sa kanila ay nakakikilatis ng mga negatibo at maruming bagay at tinatanggihan ang mga ito, habang ang iba ay hindi makita nang malinaw ang mga bagay na ito o hindi makalaya mula sa mga ito? Ito ay tuwirang may kaugnayan sa kung ang isang tao ay nagmamahal at naghahangad sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang susi sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkilala sa iyong sarili ay ito: Kapag mas nararamdaman mo na sa mga partikular na aspekto ay mahusay o tama ang ginawa mo, at kapag mas naiisip mong natutugunan mo ang mga layunin ng Diyos o kaya mong magmalaki sa ilang aspekto, mas karapat-dapat na kilalanin mo ang iyong sarili sa mga aspektong iyon at mas karapat-dapat na laliman pa ang pagsasaliksik sa mga iyon para makita kung anong mga karumihan ang nasa sa iyo, at kung anong mga bagay sa iyo ang hindi nakatutugon sa mga layunin ng Diyos. Gawin nating halimbawa si Pablo. Si Pablo ay lubhang maalam na tao, labis siyang nagdusa nang siya ay mangaral at gumawa ng gawain, at sinamba siya nang lubos ng maraming tao. Bilang resulta, pagkatapos niyang makompleto ang maraming gawain, ipinagpalagay niya na magkakaroon ng nakalaan na korona para sa kanya. Dahil dito, lumayo siya nang lumayo pababa sa maling landas, hanggang sa huli ay pinarusahan siya ng Diyos. Kung pinagnilayan at hinimay niya ang kanyang sarili noong panahong iyon, hindi sana siya nag-isip sa ganoong paraan. Sa madaling salita, hindi nagtuon si Pablo sa paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Panginoong Jesus; naniwala lamang siya sa mga sarili niyang kuru-kuro at imahinasyon. Inakala niya na sa paggawa lamang ng ilang mabuting bagay at pagpapakita ng ilang magandang asal, siya ay sasang-ayunan at gagantimpalaan ng Diyos. Sa huli, binulag ng mga sarili niyang kuru-kuro at imahinasyon ang kanyang puso at tinakpan ang katotohanan tungkol sa kanyang katiwalian. Ngunit hindi ito nagawang matukoy ng mga tao, at wala silang kaalaman sa mga bagay na ito, at kaya bago ito inilantad ng Diyos, palagi nilang itinatakda si Pablo bilang isang pamantayang dapat abutin, isang halimbawa sa pamumuhay, at itinuring siya bilang isang idolo na hinahangad at inaasam nilang maging katulad. Ang kaso ni Pablo ay isang babala sa bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Lalo na kapag tayong sumusunod sa Diyos ay kayang magdusa at magbayad ng halaga sa ating mga tungkulin at habang naglilingkod tayo sa Diyos, nadarama natin na deboto tayo at nagmamahal sa Diyos, at sa ganitong mga pagkakataon, dapat ay mas lalo nating pagnilayan at unawain ang ating sarili hinggil sa landas na ating tinatahak, na kailangang-kailangan. Ito ay dahil ang iniisip mong mabuti ay ang matutukoy mong tama, at hindi mo pagdududahan iyon, pagninilayan iyon, o hihimayin kung may anuman doon na lumalaban sa Diyos. Halimbawa, may mga taong naniniwala na masyado silang mabait. Hindi nila kinamumuhian o sinasaktan ang iba kahit kailan, at lagi silang tumutulong sa isang kapatid na ang pamilya ay nangangailangan, upang hindi manatiling walang solusyon ang kanilang problema; napakabuti ng kanilang kalooban, at ginagawa nila ang lahat ng kaya nila upang tulungan ang lahat ng kaya nilang tulungan. Subalit hindi sila kailanman tumutuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at wala silang buhay pagpasok. Ano ang resulta ng gayong pagkamatulungin? Ipinagpapaliban nila ang sarili nilang buhay, subalit lubhang nasisiyahan sila sa kanilang sarili, at lubos silang kontento sa lahat ng nagawa nila. Bukod pa roon, ipinagmamalaki nila iyon nang husto, naniniwala sila na sa lahat ng ginawa nila, walang sumasalungat sa katotohanan, na tiyak na matutugunan nito ang mga layunin ng Diyos, at na sila ay tunay na mga mananampalataya sa Diyos. Itinuturing nila ang kanilang likas na kabaitan bilang puhunan at, sa sandaling gawin nila iyon, ipinagpapalagay na nila ito bilang ang katotohanan. Ang totoo, puro kabaitan ng tao ang ginagawa nila. Hindi talaga nila isinasagawa ang katotohanan, sapagkat ang ginagawa nila ay sa harap ng tao, at hindi sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila nagsasagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan. Samakatwid, ang lahat ng gawa nila ay walang kabuluhan. Wala sa mga ginagawa nila ang pagsasagawa sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, lalo nang hindi ito pagsunod sa Kanyang kalooban; sa halip, gumagamit sila ng kabaitan ng tao at mabuting pag-uugali upang tulungan ang iba. Bilang pagbubuod, hindi nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa Kanyang mga hinihingi. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali ng tao; para sa Diyos, ito ay dapat kondenahin, at hindi nararapat na tandaan Niya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao
Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, napungusan, o naibunyag, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man napungusan, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapatutunayan ito. Ano’t anupaman, ang mapungusan o maibunyag ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang takbo ng iyong karanasan sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kondisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa buhay pagpasok, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong ito at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nalagpasan mo na ang hangganang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Makamit ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao ng mga Aral Mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Kanyang Paligid
Lahat ng tunay na nakakakilala sa kanilang sarili ay ilang beses nang nabigo at nadapa noon, pagkatapos mangyari ang mga iyon, binabasa nila ang mga salita ng Diyos, nagdarasal sa Kanya, at pinagninilay-nilayan ang kanilang sarili, at kaya malinaw nilang nakikita ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, at nadarama na talaga ngang lubha silang naging tiwali, at talagang nawalan sila ng katotohanang realidad. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos nang ganito, at mananalangin ka sa Kanya athahanapin mo ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, unti-unti mong makikilala ang sarili mo. Pagkatapos isang araw, magiging malinaw na sa wakas ang puso mo: “Maaaring medyo mas may kakayahan ako kaysa sa iba, pero ibinigay ito sa akin ng Diyos. Palagi akong mayabang, sinisikap kong higitan ang iba kapag nagsasalita ako, at sinisikap kong pasunurin ang mga tao sa gusto ko. Tunay na wala akong katwiran—ito ay kayabangan at pagmamagaling! Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko ang sarili kong mayabang na disposisyon. Ito ay kaliwanagan at biyaya ng Diyos, at pinasasalamatan ko Siya para dito!” Mabuting bagay ba o masama ang malaman ang sarili mong tiwaling disposisyon? (Mabuting bagay.) Mula roon, dapat patuloy kang maghangad kung paano magsasalita at kikilos nang may katwiran at pagsunod, paano ka papantay sa iba, paano tatratuhin ang iba nang patas nang hindi sila pinipigilan, paano mo tatratuhin nang tama ang iyong kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at iba pa. Sa ganitong paraan, gaya ng isang bundok na unti-unting pinupukpok hanggang sa maging alikabok, malulutas ang iyong mayabang na disposisyon. Pagkatapos niyon, kapag nakipag-ugnayan ka sa iba o nakipagtulungan sa kanila na gampanan ang isang tungkulin, magagawa mong tratuhin nang tama ang kanilang mga pananaw at lubos na pagtuunan sila nang pansin habang nakikinig ka sa kanila. At kapag narinig mo silang magsabi ng isang pananaw na tama, matutuklasan mo, “Mukhang hindi ako ang may pinakamahusay na kakayahan. Ang totoo, lahat ay may sari-sariling mga kalakasan; hindi talaga sila mas mababa sa akin. Dati, lagi kong iniisip na may mas mahusay na kakayahan ako kaysa sa iba. Paghanga iyon sa sarili at kamangmangan ng isang makitid ang utak. Napakalimitado ng aking pananaw, parang palaka sa ilalim ng isang balon. Talagang walang katwiran ang pag-iisip nang gayon—kahiya-hiya ito! Ginawa akong bulag at bingi ng aking mayabang na disposisyon. Hindi ko naunawaan ang mga salita ng ibang mga tao, at inakala ko na mas mahusay ako kaysa sa kanila, na tama ako, samantalang ang totoo, hindi ako mas mahusay kaysa sa sinuman sa kanila!” Mula noon, magkakaroon ka ng tunay na kabatiran at kaalaman tungkol sa iyong mga kakulangan at sa maliit mong tayog. At pagkatapos niyon, kapag nakipagbahaginan ka sa iba, makikinig kang maigi sa kanilang mga pananaw, at matatanto mo, “Napakaraming taong mas mahusay kaysa sa akin. Katamtaman lang pareho ang aking kahusayan at kakayahang makaarok.” Sa pagkakatantong ito, hindi ba’t nagtamo ka na ng kaunting kamalayan sa iyong sarili? Sa pamamagitan ng pagdanas nito, at sa madalas na pagninilay-nilay sa sarili batay sa mga salita ng Diyos, makapagtatamo ka ng tunay na kaalaman sa iyong sarili na lalo pang lumalalim. Maiintindihan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian, ang iyong karukhaan at kasamaan, ang iyong kahiya-hiyang kapangitan, at sa oras na iyon, magiging tutol ka sa sarili mo at kamumuhian mo ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magiging madali na para sa iyo na maghimagsik laban sa iyong sarili. Ganoon mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Batay sa mga salita ng Diyos, kailangan mong magnilay-nilay sa mga pagbubunyag mo ng iyong katiwalian. Partikular na kailangan mong madalas na pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili pagkatapos mong maglantad ng tiwaling disposisyon sa anumang sitwasyon. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na makita nang malinaw ang iyong tiwaling diwa, at magagawa mong kamuhian sa puso mo ang iyong katiwalian, ang iyong laman, at si Satanas. At sa puso mo, magagawa mong mahalin at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, patuloy na mababawasan ang iyong mayabang na disposisyon, at unti-unti mo itong maiwawaksi. Makapagtatamo ka ng mas higit pang katwiran, at magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Sa mga mata ng iba, magmumukha kang mas panatag at praktikal, at tila mas obhektibo ka na kung magsalita. Magagawa mo nang makinig sa iba, at bibigyan mo sila ng pagkakataon na makapagsalita. Kapag tama ang iba, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang kanilang mga salita, at hindi gaanong magiging mahirap ang mga pakikipag-ugnayan mo sa mga tao. Magagawa mong makipagtulungan nang maayos kaninuman. Kung ganito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, hindi ba magiging makatwiran at makatao ka?
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (1)
Upang lubusang malutas ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas ito sa unang pagkakataong lumitaw ito. Dapat mong lutasin ang tiwaling disposisyon sa pag-usbong pa lamang nito, nang sa gayon ay matiyak na hindi ka makagagawa ng anumang mali at maiiwasan ang mga gusot sa hinaharap. Kung ang tiwaling disposisyon ay nag-uugat at nagiging kaisipan o pananaw ng isang tao, magagawa nitong diktahan ang tao na gumawa ng kasamaan. Samakatwid, ang pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili ay pangunahing tungkol sa pagtuklas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at mabilis na paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong malaman kung anong mga bagay ang nasa kalikasan mo, kung ano ang gusto mo, ano ang hinahangad mo, at ano ang gusto mong makamit. Dapat mong himayin ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos para makita kung ang mga ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, at sa paanong paraan walang-katotohanan ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, dapat mong lutasin ang problema ng iyong hindi normal na katwiran, ibig sabihin, ang problema ng iyong hindi makatwiran at walang patumanggang panggugulo. Hindi lamang ito problema ng iyong tiwaling disposisyon, nauugnay rin ito sa iyong kawalan ng katwiran. Lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, ang mga taong nadadala ng pansariling interes ay hindi nagtataglay ng normal na katwiran. Isa itong sikolohikal na problema, at ito rin ang matinding kahinaan ng mga tao. …
Ang mga bagay sa kalikasan ng tao ay hindi tulad ng ilang panlabas na pag-uugali, gawi, o kaisipan at ideya na maaari lamang pungusin at iyon na iyon; dapat mailantad ang mga ito nang paunti-unti. Higit pa rito, hindi madali para sa mga tao na matukoy ang mga ito, at kahit pa matukoy ang mga ito, hindi madaling baguhin ang mga ito—ang paggawa nito ay nangangailangan ng sapat na malalim na pagkaunawa. Bakit palagi nating hinihimay ang kalikasan ng tao? Hindi ba ninyo naiintindihan kung ano ang ibig sabihin nito? Saan nagmumula ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Lahat ito ay nagmumula sa kanilang kalikasan, at lahat ito ay pinangingibabawan ng kanilang kalikasan. Bawat tiwaling disposisyon ng tao, bawat kaisipan at ideya, bawat intensyon, lahat ay nauugnay sa kalikasan ng tao. Samakatwid, sa pamamagitan ng paglalantad sa kalikasan ng tao, madaling malulutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Bagama’t hindi madaling baguhin ang kalikasan ng mga tao, kung matutukoy at makikilatis nila ang mga tiwaling disposisyon na kanilang ibinubunyag, at kung mahahanap nila ang katotohanan upang malutas ang mga ito, magagawa nilang unti-unting baguhin ang kanilang mga disposisyon. Sa sandaling nakamit na ng isang tao ang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, mababawasan nang mababawasan ang mga bagay sa loob niya na lumalaban sa Diyos. Ang layon ng paghihimay sa kalikasan ng tao ay ang baguhin ang kanyang mga disposisyon. Hindi pa ninyo naaarok ang layong ito, at iniisip na sa pamamagitan lamang ng paghihimay at pag-unawa sa inyong kalikasan ay makapagpapasakop kayo sa Diyos at maibabalik na ang inyong katwiran. Ang ginagawa lang ninyo ay pikit-matang naglalapat ng mga patakaran! Bakit hindi Ko na lang ilantad ang kayabangan at pagmamatuwid sa sarili ng mga tao? Bakit kailangan Ko ring himayin ang kanilang tiwaling kalikasan? Hindi malulutas ang problema kung ilalantad Ko lamang ang kanilang pagmamatuwid sa sarili at kayabangan. Ngunit kung hihimayin Ko ang kanilang kalikasan, ang mga aspekto na saklaw nito ay napakalawak, at kabilang dito ang lahat ng tiwaling disposisyon. Ito ay higit pa sa makitid na sakop ng pagmamatuwid sa sarili, labis na pagpapahalaga sa sarili, at kayabangan. Higit pa rito ang kabilang sa kalikasan. Kaya, makabubuti kung makikilala ng mga tao kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang kanilang ibinubunyag sa lahat ng iba’t ibang hinihingi nila sa Diyos, ibig sabihin, sa kanilang labis na mga pagnanais. Sa sandaling maunawaan na ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa, magagawa na nilang kamuhian at itatwa ang kanilang sarili; magiging madali na para sa kanila na lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magkakaroon na sila ng landas. Kung hindi, hindi ninyo kailanman malalantad ang pinag-ugatan, at sasabihin lamang ninyo na ito ay pagmamatuwid sa sarili, kayabangan, o pride, o hindi pagkakaroon ng anumang debosyon. Malulutas ba ng pagtalakay lang sa gayong mabababaw na bagay ang inyong problema? May pangangailangan bang talakayin ang kalikasan ng tao?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos
Karamihan sa mga tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sarili. Hindi talaga nila malinaw na nakikilala ang mga bagay sa loob ng kanilang kalikasan. May kaalaman lamang sila sa iilang tiwaling kalagayan na ibinubunyag nila, sa mga bagay na malamang na gawin nila, o kung anong mga pagkukulang ang mayroon sila, at dahil dito ay iniisip nilang kilala na nila ang kanilang sarili. Kung susunod sila sa ilang regulasyon, titiyakin na hindi sila magkakamali sa ilang partikular na larangan, at magagawang iwasan ang paggawa ng ilang pagsalangsang, nag-aakala na silang nagtataglay sila ng realidad sa kanilang pananampalataya sa Diyos at ipinapalagay na maliligtas na sila. Ito ay pawang mga imahinasyon lamang ng tao. Kung susundin mo ang mga bagay na iyon, tunay ka bang makakaiwas sa pagsalangsang? Tunay mo bang makakamit ang pagbabago sa iyong disposisyon? Talaga bang maisasabuhay mo ang wangis ng isang tao? Tunay mo bang mapapalugod ang Diyos? Talagang hindi. Tiyak ito. Dapat magkaroon ang mga tao ng mataas na pamantayan sa kanilang pananampalataya sa Diyos: ang makamit ang katotohanan at sumailalim sa ilang pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Una itong nangangailangan na magsikap ang mga tao na kilalanin ang kanilang sarili. Kung masyadong mababaw ang pagkakilala ng isang tao sa kanyang sarili, hindi nito malulutas ang anumang problema, at tiyak na hindi magbabago ang kanyang buhay disposisyon. Dapat mong kilalanin ang iyong sarili sa isang malalim na antas. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa iyong kalikasan, at pag-alam kung anong mga elemento ang nilalaman nito, kung saan nagmumula ang mga bagay na ito, at kung saan nanggagaling ang mga ito. Dagdag pa rito, kaya mo ba talagang kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at ang iyong buktot na kalikasan? Kung tunay mong makikita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay sinusubukang isagawa ang mga salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkamit ng lakas para isagawa ang katotohanan, at hindi na ito magiging parang isang pakikibaka. Bakit maraming tao ang kumikilos ayon sa mga kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nilang napakabuti ng kanilang sarili, at pakiramdam nila na ang kanilang mga kilos ay labis na angkop at makatwiran, na walang anumang pagkakamali, at ganap na tama pa nga, kaya kumikilos sila nang may labis na tiwala sa sarili. Kapag tunay na nilang nalaman kung ano talaga ang kanilang kalikasan—kung gaano ito kapangit, kakasuklam-suklam, at kakaawa-awa—hindi na magiging masyadong mataas ang tingin nila sa sarili o hindi na sila magiging sobrang mayabang, at hindi na sila gaanong magagalak sa kanilang sarili. Iisipin nila, “Kailangan kong isagawa ang ilang salita ng Diyos nang praktikal. Kung hindi, hindi ako aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiya akong mamuhay sa presensya ng Diyos.” Tunay nilang makikita ang kanilang sarili bilang maliit at tunay na walang-halaga. Sa puntong ito, magiging madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan, at magmumukha silang medyo tulad ng dapat na wangis ng isang tao. Tanging kapag tunay na kinamumuhian ng isang tao ang kanyang sarili saka niya kayang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi niya kinamumuhian ang kanyang sarili, hindi niya kayang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Para magawa ito, may ilang bagay na dapat taglayin ng isang tao. Una, dapat magtaglay ang isang tao ng pagkakilala tungkol sa kanyang kalikasan. Pangalawa, dapat niyang makita na siya ay dukha at kaawa-awa, na siya ay napakaliit at labis na walang-halaga, at dapat niyang makita ang kanyang kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubusan na niyang nakita kung ano talaga siya—kapag nakamit na ang resultang ito—tunay siyang nagkakamit ng pagkakilala tungkol sa kanyang sarili, at masasabing tumpak na tumpak ang pagkakilala niya sa kanyang sarili. Tanging sa puntong ito niya magagawang kamuhian ang kanyang sarili, at susumpain pa nga ang kanyang sarili, tunay na nararamdaman na ang mga tao ay lubhang ginawang tiwali ni Satanas kaya’t wala na silang anumang wangis ng tao. Isang araw, kung tunay siyang maharap sa banta ng kamatayan, iisipin niya, “Ito ang matuwid na kaparusahan ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos. Nararapat akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magpapahayag ng kanyang mga hinaing, lalong hindi siya magrereklamo tungkol sa Diyos—mararamdaman lamang niya na siya ay lubhang dukha, kaawa-awa, marumi, at tiwali, at na dapat siyang itiwalag at lipulin ng Diyos, at mararamdaman niya na ang isang kaluluwang tulad ng sa kanya ay hindi karapat-dapat na mamuhay sa lupa. Samakatwid, hindi siya magrereklamo o lalaban sa Diyos, lalong hindi niya ipagkakanulo ang Diyos. Ngunit kung hindi niya kilala ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang kanyang sarili na napakabuti, kapag nalalapit na ang banta ng kamatayan, iisipin niya, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananalig. Hinangad ko nang husto ang katotohanan, napakarami kong isinakripisyo, at labis akong nagdusa, pero sa huli, hinahayaan akong mamatay ng diyos. Hindi ko alam kung nasaan ang pagiging matuwid ng diyos. Bakit niya ako hinahayaang mamatay? Kung kahit ang isang tulad ko ay kailangang mamatay, sino ang maliligtas? Hindi ba’t tapos na ang buong sangkatauhan?” Una sa lahat, magkakaroon siya ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, magrereklamo siya tungkol sa Kanya at wala siyang anumang pagpapasakop. Katulad na katulad siya ni Pablo, na hindi kilala ang sarili, kahit noong malapit na siyang mamatay. Kapag dumating na sa kanya ang kaparusahan ng Diyos, huli na ang lahat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Napakahalaga para sa bawat tao na makilala ang kanyang sarili, dahil ito ay direktang nakakaapekto sa mahalagang usapin ng kung kaya ba ng isang tao na iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon at magkamit ng kaligtasan. Huwag mong isipin na ito ay isang simpleng usapin lang. Ang makilala ang sarili mo ay hindi ang maunawaan ang iyong mga kilos o pagsasagawa, kundi ang malaman mo ang diwa ng iyong problema; ang malaman mo ang ugat ng iyong paghihimagsik at ang diwa nito, ang malaman mo kung bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, at maunawaan mo ang mga bagay na lumilitaw at gumagambala sa iyo kapag isinasagawa mo ang katotohanan. Ang mga ito ang ilan sa mga pinakamahalagang aspekto ng pagkilala sa sarili mo. Halimbawa, dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang, at na sinumang hindi mabuting anak ay isang mapaghimagsik na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng ganoong mga bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, “Mas mahalaga ang pagiging mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ako mabuting anak, hindi ako magiging mabuting tao; magiging isa akong mapaghimagsik na anak, kokondenahin ako ng pampublikong opinyon. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.” Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos ng ilang prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Ito ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga namumuhi at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananalig sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong tumututol at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinapopootan at kinamumuhian sila ng Diyos. Magagawa mo bang kapootan ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kamuhian at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manampalataya sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, “Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?” “Sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.” Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Deretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi naman siya mukhang masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili pa nga ang malapit ninyong ugnayan, na hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang nalilimitahan ng mga damdamin, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at hinahadlangan ka ng mga ito na maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyonal na mga kuru-kuro, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, hahamakin ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahin bilang hindi mabuting anak, walang konsensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat na nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang pagiging mabuting anak ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananalig at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Sa katunayan, alam mo sa puso mo na ang buhay mo ay nagmula sa Diyos, hindi mula sa iyong mga magulang, at alam mo rin na ang mga magulang mo ay hindi lamang hindi nananampalataya sa Diyos, kundi nilalabanan ang Diyos, na kinamumuhian sila ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Diyos, pumanig sa Kanya, ngunit hindi mo lang talaga magawang kamuhian sila, kahit na gusto mo. Hindi mo ito malampasan, hindi mo mapatatag ang puso mo, at hindi mo maisagawa ang katotohanan. Ano ang ugat nito? Ginagamit ni Satanas ang mga tradisyonal na kulturang ito at ang mga kuru-kurong ito ng moralidad upang igapos ang iyong puso at isipan, ginagawang baligho ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay at idinudulot na itatwa at labanan mo ang Diyos sa iyong puso, kaya hindi mo magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos; sinakop ka ng mga bagay na ito na kay Satanas, at ginawang walang kakayahang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kung nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ang mga bagay na ito ay mag-aalburuto at magdudulot ng mga kaguluhan sa loob mo, at idinudulot na labanan mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Kahit na nais mong alisin ang iyong sarili mula sa pamatok ng tradisyonal na kultura, wala kang magiging lakas na gawin ito. Pagkatapos makipagbaka nang ilang panahon, makikipagkompromiso ka. Maniniwala ka na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, at kaya’t tatanggihan o pagdududahan mo ang mga salita ng Diyos, hindi tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, at hindi mag-aalala kung makakamit mo ba ang kaligtasan, nararamdaman na, tutal naman, namumuhay ka pa rin sa mundong ito, at magkakaroon ka lamang ng paraan para umusad sa buhay sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay na ito. Dahil hindi kayang tiisin ang pagkondena ng opinyon ng publiko, pipiliin mong isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, at sa halip ay kakapit ka sa mga kuru-kuro ng moralidad ng tradisyonal na kultura, pumapanig kay Satanas at naninindigan kasama ni Satanas, mas pinipiling salungatin ang Diyos kaysa tanggapin ang katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kaawa-awa ang tao? Hindi ba’t kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos? Ang ilang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi pa rin nila makita nang malinaw ang usapin ng pagiging mabuting anak. Gaano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito maunawaan. Hindi nila kailanman mapagtagumpayan ang makamundong ugnayang ito; wala silang lakas ng loob, ni pananalig, lalo na ang determinasyon, kaya hindi nila kayang magmahal at magpasakop sa Diyos. Nagagawa ng ilang tao na makita ang higit pa rito, at talagang hindi madaling bagay para sa kanila na sabihing, “Hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko, at pinipigilan nila akong manampalataya. Sila ay mga diyablo.” Wala ni isang walang pananampalataya ang nananalig na mayroong Diyos, o na Siya ang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May iba pa nga na nagsasabi, “Ang buhay ay ibinigay sa tao ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang.” Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Nanggaling ba ito kay Satanas? Ang libo-libong taon ng tradisyonal na kultura ang nagturo at naglihis sa tao sa ganitong paraan, na nagdudulot sa kanya na itanggi ang paglikha at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi dahil sa panlilihis at pagkontrol ni Satanas sa mga tao, sisiyasatin ng tao ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nilang sila ay nilikha ng Diyos, na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang dapat nilang pasalamatan. Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, upang gugulin ang sarili niya para sa Diyos, ang taong iyon ay mas lalakas at higit na magkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan sa harap ng Diyos. Gayunman, hindi madali para sa mga tao na makawala sa gapos ng pambansang edukasyon at mga tradisyonal na ideyang pangkultura, mga kuru-kuro, at mga moral na pahayag, dahil ang mga satanikong lason at pilosopiyang ito ay matagal nang nakaugat sa puso ng mga tao, na nagbubunga ng lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon na pumipigil sa kanila na pakinggan ang mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya. Sa kaibuturan ng tiwaling puso ng tao, naroroon ang kawalan ng pangunahing kagustuhan na isagawa ang katotohanan at na sundin ang kalooban ng Diyos. Kaya, ang mga tao ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos; maaari nila Siyang ipagkanulo at talikuran anumang oras. Matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan kung ang mga tiwaling disposisyon at mga satanikong lason at pilosopiya ay umiiral sa kalooban niya? Makakamit ba ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos? Ito ay tunay ngang napakahirap. Kung hindi dahil sa gawain ng paghatol ng Diyos Mismo, ang labis na tiwaling sangkatauhan ay hindi magkakamit ng kaligtasan, at hindi malilinis ang lahat ng satanikong disposisyon nito. Kahit pa nananampalataya ang mga tao sa Diyos at handa silang sumunod sa Kanya, hindi nila kayang makinig sa Diyos at magpasakop sa Kanya, dahil nangangailangan ng labis-labis na pagsisikap mula sa mga tao upang tanggapin ang katotohanan. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay dapat na maunahan muna ng paghahangad ng isang tao na makilala ang kanyang sarili at malutas ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Saka lamang magiging mas madali na tanggapin ang katotohanan. Ang pagkilala sa sarili ay hindi isang simpleng usapin sa anumang paraan; ang mga tumatanggap lang sa katotohanan ang makakikilala sa kanilang sarili. Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng pagkilala sa sarili, at kung bakit ito isang usapin na hindi ninyo dapat balewalain.
Ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon, kaya napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at lalo nang mas mahirap para sa kanila na kilalanin ang kanilang sarili. Kung nais nilang magkamit ng kaligtasan, dapat nilang makilala ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon at ang kanilang kalikasang diwa. Saka pa lamang nila tunay na matatanggap ang katotohanan at maisasagawa ito. Ang karamihan ng tao na nananampalataya sa Diyos ay nasisiyahan nang mabigkas lang ang mga salita at doktrina, iniisip na nauunawaan nila ang katotohanan. Ito ay isang malaking pagkakamali, dahil ang mga hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay hindi nakauunawa sa katotohanan. Kaya, upang maunawaan at makamit ang katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat magtuon ang mga tao sa pagkilala sa kanilang sarili. Kailanman o nasaan man tayo, at nasa anumang sitwasyon tayo, kung makikilala natin ang ating sarili, kung mahuhukay at mahihimay natin ang ating mga sariling tiwaling disposisyon, at kung maituturing natin ang pagkilala sa ating sarili bilang ang ating pangunahing prayoridad, tiyak na may makakamit tayo, at unti-unti nating mapalalalim ang pagkakilala natin sa ating sarili. Kasabay nito, maisasagawa natin ang katotohanan, maisasagawa ang pagmamahal at pagpapasakop sa Diyos, at lalo’t lalo nating mauunawaan ang katotohanan. Ang katotohanan kung gayon ay likas na magiging ating buhay. Gayunman, kung hindi ka pumapasok sa pagkilala sa iyong sarili sa anumang paraan, mali para sa iyo ang sabihing isinasagawa mo ang katotohanan, dahil ikaw ay binubulag ng lahat ng uri ng mabababaw na penomeno. Nararamdaman mo na para bang bumuti na ang pag-uugali mo, na mas mayroon ka nang konsensiya at katwiran ngayon kaysa dati, na ikaw ay mas malumanay, mas may konsiderasyon at pagpaparaya sa iba, at mas mapagpaumanhin at mapagpatawad sa mga tao, at dahil diyan, iniisip mo na ipinamumuhay mo na ang normal na pagkatao, at na ikaw ay isang dakila at perpektong tao. Ngunit sa mata ng Diyos, napakalayo mo pa rin sa pag-abot sa Kanyang mga hinihinging pamantayan, at napakalayo mo sa tunay na pagpapasakop at pagsamba sa Kanya. Ipinapakita nito na hindi mo nakamit ang katotohanan, na wala ka ng kahit kaunting realidad, at napakalayo mo pang maabot ang mga pamantayan ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao
Kaugnay na mga Himno
Ang Wangis ng Isang Tunay ng Tao
Ang Kabiguan ay ang Pinakamagandang Oportunidad para Makilala ang Iyong Sarili
Unawain ang Iyong Sarili Alinsunod sa mga Salita ng Diyos