4. Ano ang tunay na pagkilala sa sarili

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao’y manhid at mapurol ang isip; siya’y naging demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpeksiyon ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang piyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang makilala ang sarili mo ay ang makilala ang bawat salita at gawa mo, at ang bawat kilos; ito ay ang makilala ang mga kaisipan at ideya mo, ang mga layunin mo, at ang mga haka-haka at imahinasyon mo. Dapat mo ring malaman ang mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikutungo, at ang lahat ng iba’t ibang lason ni Satanas, gayundin ang kaalaman tungkol sa tradisyonal na kultura. Dapat mong hanapin ang katotohanan at malinaw na kilatisin ang mga bagay na ito. Sa ganoong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at tunay mong makikilala ang sarili mo. Bagamat ang isang tao ay maaaring nakagawa ng maraming mabubuting gawa buhat nang magsimula siyang manalig sa Diyos, hindi pa rin niya makita nang malinaw ang maraming bagay, lalo na ang maunawaan ang katotohanan. Gayunman, dahil sa marami niyang mabubuting gawa, ang pakiramdam niya ay isinasagawa na niya ang katotohanan, na nagpasakop na siya sa Diyos, at na labis na niyang napalugod ang mga layunin ng Diyos. Kapag walang nangyayari sa iyo, nagagawa mo ang anumang sabihin sa iyo, wala kang anumang pag-aalinlangan tungkol sa pagtupad sa anumang tungkulin, at hindi ka lumalaban. Kapag sinabihan kang ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ka nagrereklamo at kaya mong tiisin ang paghihirap na ito, at kapag sinabihan kang maging abala at magtrabaho, o na gumawa ng isang gampanin, ginagawa mo ito. Dahil dito, pakiramdam mo ay isa kang taong nagpapasakop sa Diyos at tunay na naghahangad sa katotohanan. Ngunit kung ikaw ay seryosong tatanungin, “Ikaw ba ay isang tapat na tao? Ikaw ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong nagbago na ang disposisyon?”—kung ang bawat tao ay ikukumpara sa katotohanan ng mga salita ng Diyos—maaaring sabihin na walang sinuman ang nakaabot sa pamantayan, at na walang sinuman ang may kakayahang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ang buong tiwaling sangkatauhan ay dapat na pagnilayan ang kanilang sarili. Dapat nilang pagnilayan ang mga disposisyon na kanilang ipinamumuhay, at ang mga satanikong pilosopiya, lohika, mga maling pananampalataya at maling paniniwala na pinanggagalingan ng lahat ng kanilang kilos at gawa. Dapat nilang pagnilayan ang ugat na dahilan kung bakit inihahayag nila ang kanilang tiwaling disposisyon, kung ano ang diwa ng kanilang pagkilos nang sutil, kung para saan at para kanino sila nabubuhay. Kung ito ay ihahambing sa katotohanan, ang lahat ng tao ay kokondenahin. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil labis nang ginawang tiwali ang tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at lahat sila ay namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Wala sila ni katiting na pagkakilala sa sarili, palagi silang nananalig sa Diyos alinsunod sa kanilang mga sariling haka-haka at imahinasyon, palagi nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin batay sa mga sarili nilang kagustuhan at pamamaraan, at palagi nilang sinusunod ang mga relihiyosong teorya sa kung paano sila maglingkod sa Diyos. Higit pa riyan, iniisip pa rin nila na punong-puno sila ng pananampalataya, na ang kanilang mga kilos ay napakamakatwiran, at sa huli, pakiramdam nila ay marami na silang nakamit. Walang kamalayan nilang naiisip na sila ay kumikilos na nang naaayon sa mga layunin ng Diyos at na natugunan na nila ang mga ito nang lubos, at na naabot na nila ang mga hinihingi ng Diyos at sila ay sumusunod na sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung iniisip mo na nakaani ka na ng ilang bunga sa ilang taon mo ng pananalig sa Diyos, lalo kang dapat manumbalik sa harapan ng Diyos upang siyasating mabuti ang sarili mo. Dapat mong tingnan ang landas na nilakaran mo sa loob ng mga taon mo ng pananampalataya upang makita mo kung ang lahat ng kilos at gawa mo sa harap ng Diyos ay lubos bang naaayon sa Kanyang mga layunin. Siyasatin mo kung alin sa mga pag-uugali mo ang salungat sa Diyos, kung alin ang nakapagpasakop sa Kanya, kung ang mga kilos mo ba ay nakaabot at nakatupad sa mga hinihingi ng Diyos. Dapat mong linawin ang lahat ng ito, dahil saka mo pa lamang makikilala ang sarili mo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Ang ibig sabihin ng pagkakilala sa sarili ay ang malaman kung aling mga bagay sa ating mga kaisipan at pananaw ang pangunahing hindi tumutugma sa katotohanan, at nabibilang sa isang tiwaling disposisyon, at laban sa Diyos. Madaling magkamit ng pagkaunawa sa mga tiwaling disposisyon ng tao, gaya ng kayabangan, pagmamagaling, pagsisinungaling, at panlilinlang. Malalaman mo ang mga ito nang kaunti sa pamamagitan ng pagbabahagi lang tungkol sa katotohanan nang ilang ulit, o sa pamamagitan ng madalas na pagbabahaginan, o ng pagtukoy ng iyong mga kapatid sa iyong kalagayan. Bukod pa rito, ang kayabangan at panlilinlang ay matatagpuan sa bawat tao, magkakaiba lamang ang antas, kaya ang mga ito ay medyo madaling malaman. Ngunit ang pagkilatis kung ang mga kaisipan at pananaw ng isang tao ay naaayon ba sa katotohanan ay mahirap, at hindi kasingdali ng pagkilala sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Kapag ang pag-uugali o mga panlabas na pagsasagawa ng isang tao ay bahagyang nagbago, ang pakiramdam ng taong iyon ay na para bang siya ay nagbago, ngunit ang totoo, ito ay isa lamang pagbabago sa pag-uugali, at hindi ito nangangahulugang ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay ay tunay nang nagbago. Sa kaibuturan ng puso ng mga tao, marami pa ring kuru-kuro at imahinasyon, sari-saring kaisipan, mga pananaw, at mga lason ng tradisyonal na kultura, at maraming bagay na laban sa Diyos. Ang mga bagay na ito ay nakatago sa kalooban nila, hindi pa naisisiwalat. Ang mga ito ang pinagmulan ng mga pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang mga ito ay nagmumula sa loob ng kalikasang diwa ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag may ginawa ang Diyos na hindi naaayon sa mga haka-haka mo ay lalabanan mo Siya at sasalungatin. Hindi mo maiintindihan kung bakit kumilos nang gayon ang Diyos, at bagamat alam mong mayroong katotohanan sa lahat ng ginagawa ng Diyos at nais mong magpasakop, hindi mo iyon magawa. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Ano ang dahilan sa iyong pagsalungat at paglaban? Ito ay dahil maraming bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao ang laban sa Diyos, laban sa mga prinsipyo sa pagkilos ng Diyos at laban sa Kanyang diwa. Mahirap para sa mga tao ang magkamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Ano ang mga aspekto ng pagkakilala sa sarili? Ang una ay ang kaalaman sa kung anong mga tiwaling disposisyon ang nabubunyag sa pananalita at mga kilos ng isang tao. Minsan, ito ay pagmamataas, kung minsan naman ito ay pagiging mapanlinlang, o marahil ay kabuktutan, pagmamatigas, o pagkakanulo, at iba pa. Bukod pa roon, kapag may nangyayari sa isang tao, dapat niyang suriin ang kanyang sarili para makita kung mayroon siyang anumang layunin o motibo na hindi naaayon sa katotohanan. Dapat din niyang suriin kung mayroong anuman sa kanyang pananalita o mga kilos na lumalaban o naghihimagsik laban sa Diyos. Sa partikular, dapat niyang suriin kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa pasanin at kung matapat ba siya sa tungkulin niya, kung sinsero niyang iginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos, at kung nagiging transaksyonal o pabasta-basta siya. Ang pagkakilala sa sarili ay nangangahulugan din ng pagkaalam kung ang isang tao ay may mga kuru-kuro at imahinasyon, mga labis-labis na kahilingan, o mga maling pagkaunawa at karaingan tungkol sa Diyos, at kung handa siyang magpasakop. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung kaya ng isang tao na hanapin ang katotohanan, tumanggap mula sa Diyos at magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos kapag humaharap sa mga sitwasyon, tao, usapin, at pangyayari na Kanyang pinamamatnugutan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran at kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan. Nangangahulugan ito ng pagkaalam kung ang isang tao ay nagpapasakop o sinusubukang makipagtalo kapag may mga bagay na nangyayari sa kanya, at kung ang isang tao ay umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon o sa paghahanap sa katotohanan sa kanyang pamamaraan sa mga bagay na ito. Lahat ng ito ay ang saklaw ng pagkakilala sa sarili. Dapat pagnilayan ng isang tao kung minamahal ba niya ang katotohanan at kung mayroon ba siyang tunay na pananalig sa Diyos batay sa kanyang saloobin sa iba’t ibang sitwasyon at tao, pangyayari, at bagay. Kung malalaman ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at makikita kung gaano katindi ang kanyang paghihimagsik laban sa Diyos, siya ay lumago na. Bukod diyan, pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa pagtrato niya sa Diyos, dapat na pagnilayan ng isang tao kung mayroon siyang mga kuru-kuro, takot, o pagpapasakop sa pagtrato niya sa pangalan ng Diyos at sa pagkakatawang-tao, at lalo na sa kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa katotohanan. Dapat ding malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang tayog, at kung taglay niya ang katotohanang realidad, pati na kung ang kanyang paghahangad at ang landas na kanyang tinatahak ay tama at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat malaman ng mga tao. Sa pagbubuod, ang iba’t ibang aspekto ng pagkakilala sa sarili, sa esensya, ay binubuo ng mga sumusunod: kaalaman sa kung mataas o mababa ang kakayahan ng isang tao, kaalaman sa karakter ng isang tao, kaalaman sa mga layunin at motibo sa mga kilos ng isang tao, kaalaman sa tiwaling disposisyon at kalikasang diwa na ibinubunyag ng isang tao, kaalaman sa mga kagustuhan at paghahangad ng isang tao, kaalaman sa landas na tinatahak ng isang tao, kaalaman sa mga opinyon ng isang tao sa mga bagay-bagay, kaalaman sa pananaw ng isang tao sa buhay at mga pagpapahalaga, at kaalaman sa saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan. Ang pagkakilala sa sarili ay pangunahing binubuo ng mga aspektong ito.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2

Para makilala mo ang iyong sarili, kailangan mong malaman ang iyong sariling mga pagbubunyag ng katiwalian, ang iyong tiwaling disposisyon, ang mga mapanganib na kahinaan ng iyong sarili, ang disposisyon mo, at ang kalikasang diwa mo. Kailangan mo ring malaman, hanggang sa pinakahuling detalye, yaong mga bagay na nahahayag sa iyong pang-araw-araw na buhay—ang iyong mga motibo, mga pananaw, at saloobin sa bawat bagay—nasa bahay ka man o nasa labas, kapag nasa mga pagtitipon ka, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, o sa bawat isyung kinakaharap mo. Sa pamamagitan ng mga aspekto na ito dapat mong makilala ang iyong sarili. Siyempre, para makilala mo nang mas malalim ang iyong sarili, kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng mga salita ng Diyos; magkakamit ka lamang ng mga resulta kapag nakilala mo ang iyong sarili batay sa Kanyang mga salita.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito

Hinangad ni Pedro na kilalanin ang kanyang sarili at suriin kung ano ang naibunyag sa kanya sa pamamagitan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at sa loob ng iba’t ibang pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos. Nang totoong mangyari na makilala niya ang sarili, natanto ni Pedro kung gaano kalalim ang pagkatiwali ng mga tao, kung gaano sila kawalang halaga at hindi karapat-dapat sa paglilingkod sa Diyos, at na hindi sila nararapat na mabuhay sa harapan ng Diyos. Nang magkagayon ay nagpatirapa si Pedro sa harap ng Diyos. Dahil napakaraming naranasan, nadama ni Pedro sa huli na, “Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalagang bagay! Kung mamamatay ako bago ko Siya makilala, magiging kalunos-lunos ito. Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalaga, pinakamakahulugang bagay na mayroon. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, wala siyang karapatang mabuhay, kapareho siya ng mga hayop, at wala siyang buhay.” Nang umabot na sa ganitong punto ang karanasan ni Pedro, nalaman na niya ang kanyang sariling kalikasan at nakapagtamo na siya ng mabuti-buting pag-unawa rito. Bagama’t marahil ay hindi niya magagawang ipaliwanag ito nang kasinglinaw na magagawa ng mga tao ngayon, sadyang naabot na ni Pedro ang kalagayang ito. Samakatuwid, ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng pagperpekto ng Diyos ay nangangailangan ng pagkakilala sa sariling kalikasan ng isang tao mula sa loob ng mga pahayag ng Diyos, gayundin ng pag-unawa sa iba’t ibang aspeto ng kalikasan ng isang tao at wastong paglalarawan nito sa mga salita, nang malinaw at payak na nagsasalita. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at tanging sa paraang ito mo matatamo ang resultang hinihingi ng Diyos. Kung ang iyong kaalaman ay hindi pa umabot sa puntong ito, subalit sinasabi mo na naunawaan mo ang iyong sarili at sinasabing nagtamo ka ng buhay, hindi ba’t nagyayabang ka lamang? Hindi mo kilala ang iyong sarili, o hindi mo alam kung ano ka sa harap ng Diyos, kung totoo mang naabot mo ang mga pamantayan ng pagiging tao, o gaano karami ang mga malasatanas na elementong taglay pa rin ng iyong loob. Hindi pa rin malinaw sa iyo ang tungkol sa kung kanino ka nabibilang, at wala ka man lamang ng anumang pagkakilala sa sarili—kaya’t paano ka magtataglay ng katwiran sa harap ng Diyos? Nang naghahangad si Pedro ng buhay, nakatutok siya sa pag-unawa sa kanyang sarili at pagbabago ng kanyang disposisyon sa gitna ng mga pagsubok sa kanya, at nagsikap siya na makilala ang Diyos. Sa huli, naisip niya, “Dapat maghanap ang mga tao ng pagkaunawa sa Diyos sa buhay; ang makilala Siya ang pinakakritikal na bagay. Kung hindi ko kilala ang Diyos, kung gayon ay hindi ako makapagpapahinga nang payapa kapag namatay ako. Sa sandaling makilala ko Siya, at nilayon ng Diyos na mamatay na ako, makadarama ako ng labis na pasasalamat. Hindi ako magrereklamo nang bahagya man, at mapupuspos ang buong buhay ko.” Hindi nagawa ni Pedro na matamo ang antas na ito ng pag-unawa o kagyat na marating ang dakong ito pagkaraang masimulan niya na maniwala sa Diyos; sa halip ay sumailalim siya sa napakaraming pagsubok. Kinailangan munang umabot ang kanyang karanasan sa isang tiyak na pag-unlad, at kinailangan niyang ganap na maunawaan ang sarili, bago niya madama ang halaga na makilala ang Diyos. Samakatuwid, ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at landas ng pagtatamo ng buhay at magawang perpekto. Ito ang aspeto na pangunahing pinagtuunan ng kanyang tiyak na pagsasagawa.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Kung ang iyong kaalaman sa sarili ay mayroon lamang pahapyaw na pagkakilala sa mabababaw na bagay—kung sasabihin mo lang na mayabang at mapagmatuwid ka, na naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos—kung gayon, hindi ito tunay na kaalaman, kundi doktrina. Dapat mong isama ang mga katunayan dito: Dapat mong isiwalat ang alinmang mga usapin na may pinanghahawakan kang mga maling intensiyon at pananaw o mga baluktot na opinyon para sa pagbabahagi at pagsusuri. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi ka dapat magkaroon ng pagkaunawa sa iyong sarili batay lamang sa iyong mga kilos; dapat mong maarok kung ano ang susi at lutasin ang ugat ng problema. Sa sandaling lumipas ang isang panahon, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili at ibuod kung aling mga problema ang nalutas mo, at kung alin ang nananatili pa rin. Kaya, dapat mo ring hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problemang ito. Hindi ka dapat maging pasibo, hindi mo dapat palaging kailangan ang iba na hikayatin o himukin ka na gawin ang mga bagay-bagay, o kontrolin ka pa nga; dapat mayroon kang sariling landas para sa buhay pagpasok. Dapat madalas mong suriin ang iyong sarili para makita kung anong mga bagay na nasabi at nagawa mo ang salungat sa katotohanan, kung alin sa mga intensiyon mo ang mali, at anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo. Kung palagi kang nagsasagawa at pumapasok sa ganitong paraan—kung mataas ang hinihingi mo sa iyong sarili—kung gayon, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, at magkakaroon ng buhay pagpasok. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, makikita mo na isa ka lang talagang hamak na tao. Una, mayroon kang malubhang tiwaling disposisyon; pangalawa, malaki ang kakulangan mo, at hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanan. Kung darating ang araw na tunay ka nang magtataglay ng gayong kaalaman sa sarili, hindi ka magiging mapagmataas, at sa maraming usapin, magtataglay ka ng katinuan, at makakaya mong magpasakop. Ano ang pangunahing isyu ngayon? Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri sa diwa ng mga kuru-kuro, naunawaan na ng mga tao ang dahilan kung bakit sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro; nagagawa nilang lutasin ang ilang kuru-kuro, pero hindi ito nangangahulugan na nakikita nila nang malinaw ang diwa ng bawat kuru-kuro, nangangahulugan lamang ito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili, pero hindi pa sapat na malalim o malinaw ang kanilang kaalaman. Sa madaling salita, hindi pa rin nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling kalikasang diwa, ni hindi nila nakikita kung anong mga tiwaling disposisyon ang nag-ugat sa puso nila. May limitasyon sa kung gaano kalaki ang makakamit na kaalaman ng isang tao sa kanyang sarili sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na, “Alam ko na masyadong mayabang ang disposisyon ko—hindi ba’t nangangahulugan ito na kilala ko ang sarili ko?” Masyadong mababaw ang gayong kaalaman; hindi nito malulutas ang problema. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili, bakit hinahangad mo pa rin ang pansariling pagsulong, bakit ninanais mo pa rin na magkaroon ng katayuan at maging katangi-tangi? Ibig sabihin, hindi pa napupuksa ang mayabang mong kalikasan. Kaya, dapat magsimula ang pagbabago mula sa mga kaisipan at pananaw mo, at sa mga intensiyon sa likod ng iyong mga salita at kilos. Kinikilala ba ninyo na karamihan sa mga sinasabi ng mga tao ay may tinik at kamandag, at na mayroong elemento ng pagmamayabang sa tonong ginagamit nila? Nasa kanilang mga salita ang kanilang mga intensiyon at personal na opinyon. Makakakilala yaong mga may kabatiran kapag naririnig nila ito. Ang ilang tao ay madalas na may partikular na paraan ng pagsasalita at may partikular na mga ekspresyon kapag hindi nabubunyag ang kanilang kayabangan, pero ang kanilang pag-uugali ay ibang-iba kapag nabubunyag ang kanilang kayabangan. Kung minsan ay patuloy silang nagdadaldal tungkol sa kanilang tila mga importanteng ideya, kung minsan ay nananakot sila at nagmamalaki. Iniisip nila na sobrang importante nilang tao, at nalalantad dito ang pangit na mukha ni Satanas. Lahat ng uri ng intensiyon at tiwaling disposisyon ay nasa loob ng bawat tao. Katulad lang ng kung paanong kumikindat ang mga mapanlinlang na tao kapag nagsasalita sila, at palihim na sumusulyap sa mga tao—may tiwaling disposisyon na nakatago sa mga kilos na ito. Ang ilang tao ay nagsasalita nang hindi tuwiran, at talagang hindi malaman ng iba ang ibig nilang sabihin. Palaging may mga nakatagong kahulugan at panlalansi sa loob ng kanilang mga salita, pero sa panlabas, sila ay napakakalmado at panatag. Ang ganitong mga tao ay mas mapanlinlang at mas lalong mahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Napakahirap nilang iligtas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan

Kapag pinagbabahaginan ng ilang tao ang pagkakilala nila sa kanilang sarili, ang unang lumalabas sa kanilang mga bibig ay, “Isa akong diyablo, isang buhay na Satanas, isang taong lumalaban sa Diyos. Naghihimagsik ako laban sa Kanya at pinagtataksilan Siya; isa akong ulupong, isang masamang tao na dapat sumpain.” Tunay ba itong pagkakilala sa sarili? Pangkalahatang ideya lang ang sinasabi nila. Bakit hindi sila nagbibigay ng mga halimbawa? Bakit hindi nila inilalantad ang mga nakakahiyang bagay na ginawa nila para himayin ang mga ito? Naririnig sila ng ilang taong hindi marunong kumilatis at iniisip, “Aba, tunay na pagkakilala iyon sa sarili! Ang makilala ang kanilang sarili bilang isang diyablo, si Satanas, at sumpain pa ang kanilang sarili—napakataas naman ng naabot nila!” Madaling malihis ng ganitong pananalita ang maraming tao, lalo na ang mga bagong mananampalataya. Akala nila dalisay at may espirituwal na pang-unawa ang taong nagsasalita, na isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, at kwalipikadong maging lider. Subalit, sa sandaling makasalamuha na nila siya nang ilang panahon, nalalaman nilang hindi pala ganoon, na hindi pala gaya ng inisip nila ang taong iyon, kundi ubod ng huwad at mapanlinlang, mahusay sa pagkukunwari at pagpapanggap, na talaga namang nakakadismaya. Sa anong batayan kaya masasabi na talagang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi mo pwedeng isaalang-alang lang ang sinasabi nila—ang susi ay tukuyin kung naisasagawa at natatanggap nila ang katotohanan. Para sa mga tunay na nakauunawa sa katotohanan, hindi lamang sila may tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, ang pinakamahalaga, naisasagawa nila ang katotohanan. Hindi lamang nila sinasabi ang kanilang tunay na pagkaunawa, kundi nagagawa rin talaga nila ang sinasabi nila. Ibig sabihin, ganap na magkaayon ang kanilang mga salita at kilos. Kung maliwanag at kaaya-ayang pakinggan ang sinasabi nila, pero hindi nila ito ginagawa, hindi ito isinasabuhay, kung gayon sa bagay na ito ay naging mga Pariseo sila, mapagpaimbabaw sila, at tiyak na hindi mga taong tunay na nakakikilala sa kanilang sarili. Napakaliwanag pakinggan ng maraming tao kapag ibinabahagi nila ang katotohanan, pero hindi nila napapansin kapag nagkakaroon sila ng mga pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Kilala ba ng mga taong ito ang kanilang sarili? Kung hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, sila ba ay mga taong nakakaunawa sa katotohanan? Ang lahat ng hindi nakakikilala sa sarili ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, at lahat ng nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita ng pagkakilala sa sarili ay may huwad na espirituwalidad, sila ay mga sinungaling. Kung pakikinggan ay mahusay magsalita ang ilang tao ng mga salita at doktrina, pero ang kalagayan sa kanilang mga espiritu ay manhid at hangal, hindi matalas ang kanilang pakiramdam, at hindi sila tumutugon sa anumang isyu. Masasabi na manhid sila, pero minsan, kapag napapakinggan silang magsalita, tila medyo matalas ang kanilang mga espiritu. Halimbawa, pagkatapos na pagkatapos ng isang insidente, nagagawa nilang makilala kaagad ang kanilang sarili: “Ngayon-ngayon lang naging malinaw sa akin ang isang ideya. Pinag-isipan ko ito at napagtanto ko na ito ay mapanlinlang, na nililinlang ko ang Diyos.” Naiinggit ang ilang taong hindi marunong kumilatis kapag naririnig nila ito, sinasabing: “Napagtatanto kaagad ng taong ito kapag mayroon siyang pagbubunyag ng katiwalian, at nagagawa rin niyang ipagtapat at ibahagi ang tungkol dito. Napakabilis ng reaksyon niya, matalas ang kanyang espiritu, mas mahusay siya kaysa sa atin. Tunay ngang isa itong taong naghahangad ng katotohanan.” Tumpak na paraan ba ito ng pagsukat sa mga tao? (Hindi.) Kaya ano ba ang dapat na maging batayan sa pagsusuri kung talaga bang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi lang ito dapat kung ano ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Dapat mo ring tingnan kung ano talaga ang naipapamalas sa kanila. Ang pinakasimpleng paraan ay ang tingnan kung naisasagawa ba nila ang katotohanan—ito ang pinakamahalaga. Pinatutunayan ng abilidad nilang isagawa ang katotohanan na tunay nilang kilala ang kanilang sarili, dahil ang mga tunay na nakakikilala sa kanilang sarili ay nagpapamalas ng pagsisisi, at kapag nagpapamalas ng pagsisisi ang mga tao saka lamang nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Halimbawa, maaaring alam ng isang tao na siya ay mapanlinlang, na marami siyang mga walang kapararakang pakana at balak, at maaari din niyang mahalata kapag naghahayag ng panlilinlang ang iba. Kaya dapat mong suriin kung tunay niyang pinagsisisihan at iwinawaksi ang kanyang panlilinlang matapos niyang aminin na siya ay mapanlinlang. At kung muli siyang maghayag ng panlilinlang, suriin kung makararamdam ba siya ng pagsisisi at kahihiyan sa paggawa nito, kung taimtim ba siyang nagsisisi. Kung wala siyang kahihiyan, lalo nang walang pagsisisi, ang kanyang kamalayan sa sarili ay pahapyaw at basta-basta lang. Iniraraos lang niya ang mga bagay-bagay; wala siyang tunay na kamalayan. Hindi niya nararamdaman na ang panlilinlang ay napakasamang bagay o na ito ay malademonyo, at tiyak na hindi niya nararamdaman kung gaano kawalanghiya at kahindik-hindik na pag-uugali ang panlilinlang. Iniisip niya, “Mapanlinlang ang lahat ng tao. Tanging ang mga hangal ang hindi mapanlinlang. Hindi ka magiging masamang tao sa kaunting panlilinlang. Wala akong ginawang masama; hindi ako ang pinakamapanlinlang na tao.” Kaya bang tunay na makilala ng gayong tao ang sarili niya? Tiyak na hindi. Ito ay dahil wala siyang kamalayan sa mapanlinlang niyang disposisyon, hindi niya kinamumuhian ang panlilinlang, at lahat ng sinasabi niya tungkol sa pagkakilala sa sarili ay mapagkunwari at hungkag. Ang hindi pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon ay hindi tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi tunay na nakikilala ng mga mapanlinlang na tao ang mga sarili nila, dahil para sa kanila, hindi madaling tanggapin ang katotohanan. Kaya, gaano man karaming mga salita at doktrina ang nasasabi nila, hindi talaga sila magbabago.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan

Ang pag-alam sa diwa ng iyong tiwaling disposisyon ay hindi madali. Ang pagkilala sa sarili mo ay hindi pagsasabi nang pangkalahatan na “Isa akong tiwaling tao; isa akong diyablo; ako ang supling ni Satanas, ang inapo ng malaking pulang dragon; lumalaban at galit ako sa Diyos; kaaway Niya ako.” Ang gayong pananalita ay hindi naman nangangahulugan na mayroon kang tunay na kaalaman tungkol sa iyong sariling katiwalian. Maaaring natutuhan mo ang mga salitang iyon mula sa ibang tao at hindi mo gaanong kilala ang sarili mo. Ang tunay na pagkakilala sa sarili ay hindi batay sa nalalaman o mga panghuhusga ng tao, batay ito sa mga salita ng Diyos—ito ay ang makita ang mga bunga ng mga tiwaling disposisyon at ang pagdurusa na naranasan mo dahil sa mga ito, ang madama na hindi lang ikaw ang napipinsala ng isang tiwaling disposisyon, kundi pati na rin ang ibang tao. Ito ay ang maintindihan ang katunayan na ang mga tiwaling disposisyon ay nagmumula kay Satanas, na ang mga ito ay lason at pilosopiya ni Satanas, at na ganap na salungat ito sa katotohanan at sa Diyos. Kapag naunawaan mo na ang problemang ito, malalaman mo na ang iyong tiwaling disposisyon. Matapos aminin ng ilang tao na sila ang mga diyablo at mga Satanas, hindi pa rin nila tinatanggap ang mapungusan. Hindi nila inaamin na may nagawa silang mali o nilabag nila ang katotohanan. Ano ba ang problema sa kanila? Hindi pa rin nila kilala ang sarili nila. Sinasabi ng ilang tao na sila ang mga diyablo at mga Satanas, subalit kung tatanungin mo sila ng, “Bakit mo sinasabi na ikaw ay isang diyablo at Satanas?” hindi sila makasasagot. Ipinapakita nito na hindi nila alam ang kanilang tiwaling disposisyon, o ang kanilang kalikasang diwa. Kung makikita nila na ang kanilang kalikasan ay ang kalikasan ng diyablo, na ang kanilang tiwaling disposisyon ay disposisyon ni Satanas, at aaminin nila na sila, samakatwid, ay isang diyablo at Satanas, nakilala na nila ang sarili nilang kalikasang diwa. Ang tunay na kaalaman sa sarili ay nakakamtan sa pamamagitan ng paglalantad, paghusga, pagsasagawa, at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakakamtan ito sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, anuman ang sabihin niya tungkol sa kaalaman niya sa kanyang sarili, hungkag ito at hindi praktikal, dahil hindi nila mahanap at maunawaan ang mga bagay na nasa ugat at mahahalaga. Para makilala ang sarili, kailangang aminin ng isang tao, sa partikular na mga pagkakataon, kung aling mga tiwaling disposisyon ang kanilang ipinakita, ano ang kanilang layon, paano sila umasal, sa ano sila napápasamâ, at bakit hindi nila matanggap ang katotohanan. Kailangang masabi nila nang malinaw ang mga bagay na ito, saka lamang nila makikilala ang kanilang sarili. Kapag naharap ang ilang tao sa pagpupungos, inaamin nila na tutol sila sa katotohanan, na may mga hinala at maling pag-unawa sila tungkol sa Diyos, at na nag-iingat sila sa Kanya. Kinikilala rin nila na ang lahat ng salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao ay makatotohanan. Ipinapakita nito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili. Ngunit dahil wala silang kaalaman tungkol sa Diyos o sa Kanyang gawain, dahil hindi nila nauunawaan ang Kanyang layunin, medyo mababaw ang kaalaman nila sa sarili. Kung kinikilala lamang ng isang tao ang kanyang sariling katiwalian ngunit hindi pa natatagpuan ang ugat ng problema, malulutas ba ang kanilang mga hinala, maling pagkaunawa, at pag-iingat patungkol sa Diyos? Hindi. Ito ang dahilan kaya ang kaalaman sa sarili ay higit pa sa basta pagkilala lamang sa katiwalian at mga problema ng isang tao—kailangan niya ring maunawaan ang katotohanan at malutas ang ugat ng problema ng kanyang tiwaling disposisyon. Iyon lamang ang tanging paraan upang maunawaan ng isang tao ang katotohanan ng kanyang katiwalian at tunay siyang makakapagsisi. Kapag iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikilala ang kanilang sarili, nagagawa rin nilang hanapin at unawain ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga problema. Ang ganitong uri lamang ng kaalaman sa sarili ang nagkakaroon ng mga resulta. Tuwing nababasa ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang isang parirala ng mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa tao, bago ang lahat, may pananampalataya siya na ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa tao ay totoo at tunay, at na ang mga salita ng Diyos na humahatol sa tao ay ang katotohanan at na kumakatawan ang mga ito sa Kanyang pagiging matuwid. Kailangan na ang mga nagmamahal sa katotohanan, kahit papaano, ay nakikilala ito. Kung ang isang tao ay hindi man lang naniniwala sa mga salita ng Diyos, at hindi naniniwala na ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa mga tao ay mga katunayan at ang katotohanan, makikilala ba niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? Siguradong hindi—kahit na gustuhin niya, hindi niya ito magagawa. Kung kaya mong maging matatag sa iyong paniniwala na lahat ng salita ng Diyos ay katotohanan, at maniwala sa lahat ng iyon, anuman ang sabihin ng Diyos o ang paraan ng pagsasalita Niya, kung nagagawa mong maniwala at tanggapin ang Kanyang mga salita kahit hindi mo nauunawaan ang mga ito, magiging madali para sa iyo na pagnilay-nilayan at kilalanin ang sarili mo sa pamamagitan ng mga ito. Ang pagninilay sa sarili ay kailangang batay sa katotohanan. Walang kaduda-duda iyan. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan—wala ni isa sa mga salita ng tao at wala ni isa sa mga salita ni Satanas ang katotohanan. Ginagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan gamit ang lahat ng uri ng pag-aaral, turo, at teorya sa loob ng libu-libong taon, at naging lubhang manhid na ang mga tao at mapurol ang utak kaya hindi lamang wala sila ni katiting na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, kundi sinasang-ayunan pa nila ang mga maling pananampalataya at kamalian at ayaw nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong katulad nito ay hindi matutubos. Yaong mga may tunay na pananampalataya sa Diyos ay naniniwala na ang Kanyang mga salita lamang ang katotohanan, at nagagawa nilang kilalanin ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at sa gayon ay natatamo nila ang tunay na pagsisisi. Ang ilang tao ay hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan; ibinabatay lamang nila ang kanilang pagninilay tungkol sa kanilang sarili sa natutuhan ng tao, at wala silang inaamin kundi ang makasalanang pag-uugali lamang, samantala, hindi nila nauunawaan ang sarili nilang tiwaling diwa. Ang gayong kaalaman sa sarili ay isang walang-saysay na pagsisikap at wala itong ibinubunga. Kailangang ibatay ng isang tao ang kanyang pagninilay sa sarili sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos magnilay-nilay, unti-unti niyang malalaman ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita niya. Kailangan masukat at malaman ng isang tao ang kanyang mga kakulangan, ang kanyang pagkataong diwa, kanyang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay, kanyang pananaw at pagpapahalaga sa buhay, batay sa katotohanan, at pagkatapos ay magkaroon ng isang tumpak na pagtatasa at hatol sa lahat ng bagay na ito. Sa ganitong paraan, unti-unti siyang magtatamo ng kaalaman tungkol sa kanyang sarili. Ngunit mas lumalalim ang kaalaman sa sarili habang mas dumarami ang karanasan niya sa buhay, at bago niya matamo ang katotohanan, magiging imposible para sa kanya na ganap na maunawaan ang kanyang kalikasang diwa. Kung tunay na kilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita niya na ang mga tiwaling nilalang ay tunay ngang supling at mga pagsasakatawan ni Satanas. Madarama niya na hindi siya nararapat na mabuhay sa harap ng Diyos, na hindi siya karapatdapat sa Kanyang pagmamahal at pagliligtas, at magagawa niyang ganap na magpatirapa sa Kanyang harapan. Yaon lamang mga kayang magkaroon ng gayong antas ng kaalaman ang tunay na nakakakilala sa kanilang sarili.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

Mayroon na kayo ngayong kaunting pagkakilala sa tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag. Kapag malinaw na ninyong nakikita kung aling mga tiwaling bagay ang nanganganib pa rin ninyong regular na ibunyag, at kung anong mga bagay ang malamang pa rin ninyong gawin na taliwas sa katotohanan, magiging madali na ang paglilinis ng tiwaling disposisyon ninyo. Bakit hindi makontrol ng mga tao ang kanilang mga sarili sa maraming bagay? Dahil sa lahat ng oras, at sa lahat ng aspeto, nakokontrol sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, na pumipigil at umaabala sa kanila sa lahat ng bagay. Kapag maayos ang lagay ng lahat ng bagay, at hindi sila nadapa o naging negatibo, palaging nadarama ng ilang tao na mayroon silang tayog, at wala lang sa kanila kapag nakakakita sila ng isang masamang tao, isang huwad na lider, o isang anticristo na nabubunyag at itinitiwalag. Magyayabang pa sila sa harap ng lahat na, “Ang sinumang iba pa ay maaaring madapa, pero hindi ako. Ang sinumang iba pa ay maaaring hindi nagmamahal sa Diyos, pero mahal ko ang Diyos.” Iniisip nila na kaya nilang panindigan ang kanilang patotoo sa anumang sitwasyon o kalagayan. At ang resulta? Dumarating ang araw na sinusubok sila at nagrereklamo at umaangal sila tungkol sa Diyos. Hindi ba’t pagkabigo ito, hindi ba’t pagkadapa ito? Wala nang nakapagbubunyag sa mga tao nang higit pa kaysa kapag sinusubok sila. Sinisiyasat ng Diyos ang nasa pinakakaibuturan ng puso ng tao, at hindi dapat nagyayabang ang mga tao anumang oras. Anuman ang kanilang ipinagyayabang, doon sila madarapa balang araw, sa malao’t madali. Kapag nakikita nila na nadarapa o nabibigo ang iba sa ilang partikular na sitwasyon, hindi nila ito iniintindi, at iniisip pa nga nila na sila mismo ay hindi makagagawa ng anumang pagkakamali, na magagawa nilang manindigan—ngunit sila rin, ay nadarapa at nabibigo sa parehong mga sitwasyon. Paano ito nangyari? Ito ay dahil hindi lubos na nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa; kulang pa rin sa lalim ang kanilang kaalaman tungkol sa mga problema sa kanilang sariling kalikasang diwa, kaya napakahirap para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang tao ay lubos na mapanlinlang, at hindi matapat sa kanilang mga salita at gawa, ngunit kung tatanungin mo sila kung sa anong aspeto pinakamatindi ang kanilang tiwaling disposisyon, sasabihin nila, “Bahagya akong mapanlinlang.” Sasabihin lamang nila na sila ay bahagyang mapanlinlang, subalit hindi nila sasabihing ang mismong kalikasan nila ay mapanlinlang, at hindi nila sinasabi na sila ay isang mapanlinlang na tao. Ang kanilang kaalaman tungkol sa sarili nilang tiwaling kalagayan ay hindi gaanong malalim, at hindi nila ito tinitingnan nang kasingseryoso, o kasinglubusan, tulad ng ginagawa ng iba. Mula sa pananaw ng ibang tao, ang taong ito ay napakamapanlinlang at napakabuktot, at may panlalansi sa lahat ng sinasabi niya, at ang kanyang mga salita at kilos ay hindi kailanman matapat—subalit hindi nagagawa ng taong iyon na malalim na makilala ang kanyang sarili. Mababaw lamang ang anumang kaalaman na mayroon siya. Sa tuwing nagsasalita at kumikilos siya, nagbubunyag siya ng ilang bahagi ng kanyang kalikasan, ngunit hindi niya ito namamalayan. Naniniwala siya na ang pagkilos niya nang ganoon ay hindi isang paghahayag ng katiwalian, iniisip niya na naisagawa na niya ang katotohanan—pero para sa mga nag-oobserba, ang taong ito ay lubos na buktot at mapanlinlang, at ang mga salita at kilos niya ay labis na hindi matapat. Na ibig sabihin, ang mga tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sariling kalikasan, at may napakalaking pagkakaiba sa pagitan nito at ng mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa kanila. Hindi ito isang pagkakamali sa kung ano ang inilalantad ng Diyos, kundi, ang mga tao ay walang sapat na malalim na pagkaunawa sa sarili nilang likas na pagkatao. Ang mga tao ay walang pangunahin o malaking pagkaunawa sa kanilang mga sarili; sa halip, itinutuon at inilalaan nila ang kanilang lakas sa pagkilala sa kanilang mga kilos at panlabas na pagpapahayag. Kahit na ang ilang tao ay paminsan-minsang nagagawang magsalita nang kaunti tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, hindi ito magiging napakalalim. Walang tao ang nag-isip kailanman na siya ay isang partikular na uri ng tao o na mayroon siyang partikular na uri ng kalikasan dahil gumawa siya ng isang partikular na uri ng bagay o nagbunyag ng isang partikular na bagay. Nailantad na ng Diyos ang likas na pagkatao at diwa ng tao, subalit ang nauunawaan ng mga tao ay na ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay at kanilang mga paraan ng pananalita ay may kapintasan at depektibo; bilang resulta, medyo nakapapagod na gawain para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Iniisip ng mga tao na ang kanilang mga pagkakamali ay pansamantalang mga pagpapamalas lamang na nabubunyag nang walang ingat, sa halip na mga pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Kapag ganito mag-isip ang mga tao, napakahirap para sa kanila na talagang makilala ang mga sarili nila, at napakahirap para sa kanila na maunawaan at maisagawa ang katotohanan. Dahil hindi nila alam ang katotohanan at hindi nauuhaw rito, kapag isinasagawa ang katotohanan, sumusunod lamang sila sa mga regulasyon sa pabasta-bastang paraan. Hindi itinuturing ng mga tao ang kanilang sariling likas na pagkatao na napakasama, at naniniwala na hindi naman sila masama sa puntong dapat silang wasakin o parusahan. Ngunit ayon sa mga pamantayan ng Diyos, lubos na tiwali ang mga tao, malayo pa sila sa mga pamantayan para sa kaligtasan, dahil nagtataglay lamang sila ng ilang pamamaraan na sa panlabas ay hindi mukhang lumalabag sa katotohanan, at sa katunayan, hindi sila nagsasagawa ng katotohanan at hindi mapagpasakop sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at buktot na kalikasan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, mamumuhi ka sa iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinasagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang hindi naniniwala na mahirap ito. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at praktikal sa pagsasagawa ng ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinamumuhian ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili, hindi nila magagawang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Mayroong ilang bagay na dapat matagpuan sa kanila: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang itiwalag at wasakin ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Samakatuwid, hindi irereklamo o lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Tinatawag na Pagkakilala sa Sarili

Kaugnay na mga Himno

Unawain ang Iyong Sarili Alinsunod sa mga Salita ng Diyos

Sinundan: 3. Paano danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos

Sumunod: 5. Paano kilalanin ang sarili at iwaksi ang mga tiwaling disposisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 15: Tinawag ng mga pambansang lider ang Kristiyanismo at Katolisismo bilang mga kulto, at ang Banal na Biblia ay tinawag nilang aklat ng kulto. Kinikilala ng lahat ang mga katotohanang ito. Kung bakit naman binansagan ng sentrong gobyerno ang mga Kristiyanong bahay-iglesia, at sa partikular Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos bilang mga kulto, sa pagkaintindi ko at ayon sa pagsisiyasat, ganito ang pakiwari ko dyan: Lahat ng magpatunay na ang Diyos ang lumikha sa lahat, ang magsabing ang Diyos ang Tagapaglikha, na Siya ang lumikha sa sangkatauhan, ang magpatotoong Siya ang naghahari sa lahat ng bagay, ang magsabing ang Diyos ang Panginoon ng sansinukob, at nagkokontrol sa sanlibutan, at sinumang magsasabi sa sangkatauhan na ang Diyos lamang ang tingalain, sa Diyos lamang magpailalim, at Diyos lamang ang sambahin, ang lahat ng ito ay mga kulto. Lahat ng nagpapatunay na ang Diyos ay makatwiran, banal at dakila, at sumasaksi sa pag-ibig at pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kumukondena kay Satanas bilang demonyong nagpapasama sa mga tao, at bilang masamang pwersa na naghahari sa mundo, lalo na yung direktang umaatake at bumabatikos sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagsasabing nagbalik na ang Panginoong Jesus, at sumasaksi para kay Cristong nagkatawang-tao, at nagsasabi ng mga salita at gawain ng ordinaryong tao na parang yun ang pagpapakita at gawain ng Tagapagligtas, at nagpapakalat, at nagpapatunay na ang mga salitang inihayag ni Cristo ang katotohanan, yung tumatawag sa mga, tao para tanggapin ang Diyos, para lumapit sa Kanya, at magpaubaya, at yung hindi sumusunod sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagpapatunay na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at pinakamataas sa lahat, at nagsasabing, ang Banal na Bibilia, ang salita ng Diyos at Ang, Salita ay Nagpakita sa Katawang-tao ang katotohanan, at yung kumikilos para kalabanin ang Marxismo-Leninismo at ang ideyolohiya at teorya ng Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagtuturo at sumasaksi para kay Cristo ng mga huling araw, lahat ng nangangaral na nagbalik na ang Diyos, na dahilan para tanggapin ng tao ang pagliligtas ng Diyos, at yung tumatawag sa tao para iwan ang lahat at sumunod sa Kanya bilang tanging daan para makapasok sa kaharian ng langit, kulto ang lahat ng ito. Ito ang aking pagkaunawa sa pagbabansag ng sentrong gobyerno sa lahat ng Kristiyanong bahay-iglesia, partikular na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, bilang mga kulto. Sa Tsina, ang Partido Komunista ang may kontrol. Ang Partido Komunista ay Marxista-Leninista, at ateistang partido politikal na sumasalungat sa lahat ng teismo. Dinedeklara ng Partido Komunista na mga kulto ang lahat ng relihiyosong grupo na naniniwala sa Diyos. Ipinakikita nito ang ganap na awtoridad ng Partido Komunista. Ang Partido Komunista lang ang dakila, kapuri-puri, at ang tama. Ang kahit na anong kumakalaban o sumasalungat sa Marxismo-Leninismo ay maituturing na mali; Yun ang isang bagay na gustong ipagbawal ng Partido Komunista. Sa bansang Tsina, dapat kilalanin ang Marxismo-Leninismo at ang Partido Komunista bilang dakila. Meron bang hindi tama sa sinasabi kong ito? Kayong mga taga-Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, ay lantarang nagkakalat na nagbalik na ang Diyos, ang Diyos ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos. Pinatutunayan n’yo rin na naghahayag ng katotohanan ang Makapangyarihang Diyos para dalisayin ang tao, para iligtas ang tao, na dumating na sa lupa ang kaharian ng langit. Nagresulta ito ng pagkakagulo at paghihiwalay ng mga relihiyosong grupo, at pinamumunuan ang maraming tao, para mapalapit sa Makapangyarihang Diyos. Nagdulot ito ng pambihirang sensasyon sa Tsina, at nagdala ng matinding kalituhan at pagkabalisa sa lipunan. Sa ginagawa n’yo, ginugulo n’yo ang publiko hindi ba? Kaya idineklara ng sentrong gobyerno, na may sala Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa pagiging isang kulto, at nagsasagawa ng pag-atake at panunupil. Naloko kayong lahat at naligaw ng landas. Umaasa ang gobyerno na wala kayong sasayanging oras, sa pagsisisi, sa paglayo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at pagsali sa Iglesia ng Three-Self. Sa ganitong paraan, hindi na kayo ituturing na mga kriminal ng gobyerno.

Sagot: Malinaw n’yong naipaliwanag ang basehan ng Partido Komunista sa pagbabansag sa mga kulto. Pero nadarama ko na ang pagkalaban ng...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito