31. Paano isagawa ang pagiging isang matapat na tao
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang sa mga nasa itaas ninyo at maglihim sa mga nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na pagtatangka lamang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble para sa inyo ang hirap nito. Maraming tao ang mas nanaisin pang maitapon sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo na maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamautak” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong masamang pag-iisip, ginagawa nitong mas simple ang gawain Ko. At yamang niyayakap ng bawat isa sa inyo sa dibdib ang mga lihim ninyo, kung gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa sakuna upang “maturuan” ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maging determinado kayong maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay tapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi kayo magiging mapagmalaki tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging “kasinglalim at kasinghirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maayos at wastong kumilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalabas nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang gayong mga tao sa hanay ng mga matapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na mahirap talakayin, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman. Kung talagang kinalulugdan mo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig kahit hindi napapansin, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at isa ka lamang matapat na tao. Kung handa kang maging prangka, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga inaaruga sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang pagsisiyasat ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginagampanan mo ang iyong gampanin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong gampanin. Kapag nagdarasal ka, kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at pagsisiyasat ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. …
Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat ay magawa mong dalhin sa Kanyang harapan ang lahat ng iyong gawa at kilos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa nasisiyasat ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay naging kongkreto sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi makatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na isa kang taong gumagawa ng masama. Mapeperpekto ba ang mga taong gumagawa ng masama? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Nangangahulugan ito na lahat ng bagay mula sa iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—pagdarasal, paglapit sa Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid, at pamumuhay ng buhay iglesia—hanggang sa iyong paglilingkod sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba, ay dapat dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang pagsisiyasat. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa mga layunin ng Diyos, nang sa gayon ay hindi ka masasadlak sa pagpapalayaw, at makapamumuhay ang puso mo sa Kanyang presensiya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang pagsisiyasat, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hanapin ang Kanyang pagsisiyasat, at maaari kang sadyang magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tumpak ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
Para hangarin ang maging isang matapat na tao, kailangan mong umasal nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos; kailangan mong sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Kapag nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saka ka lamang magiging isang matapat na tao. Ang mga taong mangmang, hangal, at totoo ay ganap na hindi matatapat na tao. Sa paghingi na maging matapat ang mga tao, hinihiling sa kanila ng Diyos na magkaroon sila ng normal na pagkatao, na iwaksi nila ang kanilang pagiging mapanlinlang at ang kanilang mga pagbabalatkayo, na hindi magsinungaling at manlansi sa iba, na gampanan nang may debosyon ang kanilang tungkulin, at magawang mahalin Siya at magpasakop sa Kanya nang tunay. Ang mga indibidwal na ito lamang ang mga tao ng kaharian ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging mabubuting sundalo ni Cristo ang mga tao. Ano ang mabubuting sundalo ni Cristo? Kailangan ay taglay nila ang katotohanang realidad at kaisa sila ni Cristo sa puso at isip. Sa anumang oras at lugar, kailangan ay kaya nilang dakilain at patotohanan ang Diyos, at kaya nilang gamitin ang katotohanan upang makipagdigma laban kay Satanas. Sa lahat ng bagay, kailangan na sila ay nasa panig ng Diyos, nagpapatotoo, at ipinamumuhay ang katotohanang realidad. Kailangan ay kaya nilang ipahiya si Satanas at magwagi ng mga kahanga-hangang tagumpay para sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng maging mabuting sundalo ni Cristo. Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay mga mananagumpay, sila ang mga nagtatagumpay laban kay Satanas. Sa paghingi na maging matapat at hindi maging mapanlinlang ang mga tao, hindi hinihingi sa kanila ng Diyos na maging hangal sila, bagkus ay magwaksi ng kanilang mapanlinlang na mga disposisyon, magtamo ng pagpapasakop sa Kanya at magdala sila ng kaluwalhatian sa Kanya. Ito ang makakamit sa pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ito pagbabago sa pag-uugali ng isang tao, hindi ito usapin ng pagsasalita nang mas madalas o mas madalang, hindi rin ito tungkol sa kung paano kumilos ang isang tao. Sa halip, tungkol ito sa intensyong nasa likod ng pananalita at mga kilos ng isang tao, ng mga kaisipan at ideya ng isang tao, ng mga ambisyon at pagnanais ng isang tao. Ang lahat ng nabibilang sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at sa kamalian ay kailangang mabago sa pinakaugat nito, upang umayon ito sa katotohanan. Para magtamo ang isang tao ng pagbabago sa disposisyon, kailangan ay makilatis niya ang diwa ng disposisyon ni Satanas. Kung kaya mong makilatis ang diwa ng isang mapanlinlang na disposisyon, na ito ay disposisyon ni Satanas at ang mukha ng mga diyablo, kung kaya mong kamuhian si Satanas at talikdan ang mga diyablo, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang tiwali mong disposisyon. Kung hindi mo alam na may mapanlinlang na kalagayan sa kalooban mo, kung hindi mo nakikilala ang mga pagbubunyag ng isang mapanlinlang na disposisyon, hindi mo malalaman kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ito, at magiging mahirap para sa iyo na baguhin ang iyong mapanlinlang na disposisyon. Kailangan mo munang makilala kung ano ang mga bagay na nabubunyag sa iyo, at kung anong aspekto ng isang tiwaling disposisyon ang mga ito. Kung ang mga ibinubunyag mo ay mula sa isang mapanlinlang na disposisyon, kamumuhian mo ba ito sa iyong puso? At kung oo, paano ka dapat magbago? Kailangan mong pungusan ang iyong mga intensyon at itama ang iyong mga pananaw. Kailangan mo munang hanapin ang katotohanan tungkol sa usaping ito para malutas ang iyong mga problema, sikaping matamo ang hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya, at maging isang taong hindi sinusubukang lansihin ang Diyos o ang ibang tao, maging iyong mga medyo hangal o mangmang. Ang tangkaing lansihin ang isang taong hangal o mangmang ay napakaimoral—ginagawa ka nitong isang diyablo. Para maging isang matapat na tao, hindi ka dapat manlansi ng sinuman o magsinungaling sa sinuman. Subalit, para sa mga diyablo at mga Satanas, kailangan mong maging matalino sa pagpili ng iyong mga salita; kung hindi, malamang ay maloko ka ng mga ito at makapagbigay ka ng kahihiyan sa Diyos. Sa matalinong pagpili sa iyong mga salita at sa pagsasagawa ng katotohanan, saka mo lamang magagawang mapagtagumpayan at maipahiya si Satanas. Ang mga taong mangmang, hangal, at matigas ang ulo ay hindi kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan; maaari lamang silang mailihis, mapaglaruan, at mayurakan ni Satanas, at sa huli, sila ay malalamon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkaalam Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Nangangahulugan ng Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao? Ito ay na dapat mong buksan ang puso mo sa Diyos. Pero ano ang ibig sabihin ng pagbubukas? Ang ibig sabihin nito ay na dapat mong sabihin sa Diyos kung ano ang iniisip mo, kung ano ang mga intensiyon mo, at kung ano ang namumuno sa iyo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan mula sa Kanya. Anuman ang sinasabi mo, ang totoo ay nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay nang may lubos na kalinawan. Kung kaya mong kausapin ang Diyos nang mula sa puso, magtapat sa Kanya at malinaw na ipahayag sa Kanya maging ang tungkol sa mga bagay-bagay na itinatago mo sa iba, nang walang itinatagong anumang bagay, at ipinapahayag ang mga kaisipan mo kung ano ang mga ito, nang walang anumang intensiyon, kung gayon ito ay pagbubukas. Kung minsan ay nasasaktan o napapasama mo ang loob ng iba sa pamamagitan ng pagsasalita nang tapat, masasabi ba ng sinuman na, “Masyado kang matapat magsalita, masyado itong nakakasakit—hindi ko matanggap ang pagkamatapat mo”? Hindi, hindi nila iyon sasabihin. Kahit na paminsan-minsan kang makakapagsabi ng isang bagay na nakakasakit sa iba, kung magagawa mong magtapat at humingi ng tawad sa kanila, inaamin na walang karunungan ang mga salita mo at na wala kang simpatiya sa mga kahinaan nila, at makikita nila na wala kang masamang intensiyon, na isa kang matapat na tao na nakikipag-usap lang sa isang prangka at direktang paraan, hindi nila ito isusumbat sa iyo, at sa mga puso nila, magugustuhan ka nila. Kapag nagkagayon, hindi ba’t mawawalan na ng mga hadlang sa pagitan ninyo? Kung walang mga hadlang, hindi lilitaw ang mga alitan, at mabilis na malulutas ang problema, at ang pamumuhay sa ganitong paraan ay napakagaan at napakalaya. Ito ang kahulugan ng “ang tanging paraan para maging masaya ay ang maging matapat na tao.” Ang pinakamahalagang parte ng pagiging matapat na tao ay na dapat mo munang buksan ang puso mo sa Diyos at matutong magtapat sa iba. Magsalita ka nang matapat, sinsero, at mula sa puso. Maging isang taong may dignidad, integridad, at karakter; huwag magsalita ng walang kabuluhang retorika o ng mga huwad na bagay, at huwag magsalita nang mapagbalat-kayo o mapanlinlang. Dagdag pa rito, may isa pang aspekto ng pagsasagawa sa pagiging isang matapat na tao, iyon ay na dapat kang magkaroon ng matapat na saloobin sa paggawa ng tungkulin mo, at gawin mo ito nang may matapat na puso. Kahit papaano, dapat kang kumilos batay sa iyong konsensiya; dapat mong pagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo, at pagsumikapan ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi maaaring magsabi ka lang ng isang bagay at iyon na iyon, at ang simpleng pagkakaroon ng isang partikular na saloobin ay hindi nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan. Nasaan ang realidad ng pagiging matapat na tao sa ganyan? Sadyang hindi puwede ang hindi pagkakaroon ng realidad at pagbibigkas lang ng mga islogan. Sinisiyasat ng Diyos ang mga tao, inoobserbahan Niya hindi lamang ang puso nila, kundi pati na ang kanilang pag-uugali, mga pagpapamalas, at mga pagsasagawa. Kung sinasabi mo na ikaw ay magiging isang matapat na tao pero kapag may nangyayari sa iyo, nagagawa mo pa ring magsinungaling at manlinlang, ito ba ang pagpapamalas ng isang matapat na tao? Hindi; ito ay pagsasabi ng isang bagay pero iba ang iniisip. Nagsasabi ka ng isang bagay pero iba ang aktuwal na ginagawa mo, palagi kang nagsasalita nang hindi sinsero para lokohin ang iba at nagbabanal-banalan ka. Tulad ka lang ng mga Pariseo, na kayang bumigkas ng mga kasulatan mula sa simula hanggang sa dulo at pabaligtad habang ipinapaliwanag ang mga ito sa mga tao, pero hindi sila nagsagawa ayon sa mga kasulatan nang may nangyari—palagi silang nagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, at sadyang ayaw nilang talikuran ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mga Pariseo ay mga mapagpaimbabaw sa ganitong paraan. Hindi tama ang landas na tinahak nila, hindi ito ang tamang landas, at kinasusuklaman ng Diyos ang kanilang uri.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Para isagawa ang pagiging matapat na tao, kailangan mo munang matutunang buksan ang puso mo sa Diyos at magsabi ng mga taos-pusong salita sa Kanya sa panalangin araw-araw. Halimbawa, kung nagsinungaling ka ngayon na hindi napansin ng ibang tao, pero wala kang lakas ng loob na ipagtapat ito sa lahat, kahit papaano, dapat mong dalhin sa harap ng Diyos ang mga kamaliang nasuri at natuklasan mo at ang mga kasinungalingang nasabi mo para mapagnilayan, at sabihin na: “O Diyos, muli akong nagsinungaling para protektahan ang sarili kong mga interes, at nagkamali ako. Pakiusap, disiplinahin Mo ako kung muli akong magsinungaling.” Tinatanggap ng Diyos ang ganitong saloobin at tatandaan Niya ito. Maaaring mangangailangan ng matinding pagsisikap para malutas mo ang tiwaling disposisyong ito ng pagsasabi ng mga kasinungalingan, pero huwag kang mag-alala, nasa tabi mo ang Diyos. Gagabayan ka Niya at tutulungan kang malampasan ang paulit-ulit na paghihirap na ito, binibigyan ka ng tapang na magbago mula sa hindi pag-amin ng iyong mga kasinungalingan tungo sa pag-amin ng iyong mga kasinungalingan at pagkakaroon ng kakayahan na lantarang ihayag ang iyong sarili. Bukod sa aaminin mo ang iyong mga kasinungalingan, magagawa mo ring ihayag kung bakit ka nagsisinungaling, at ang intensiyon at mga motibo sa likod ng iyong mga kasinungalingan. Kapag nagkaroon ka ng tapang na lampasan ang hadlang na ito, na kumawala sa kulungan at kontrol ni Satanas, at hakbang-hakbang na umabot sa punto kung saan hindi ka na magsisinungaling, unti-unti ka nang mamumuhay sa liwanag, sa ilalim ng paggabay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo ang hadlang ng mga pagpigil ng laman, at kaya mong magpasakop sa katotohanan, lantarang ibunyag ang iyong sarili, hayagang ideklara ang iyong paninindigan, at wala kang mga pag-aalinlangan, ikaw ay makakahulagpos at magiging malaya. Kapag namumuhay ka nang ganito, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, malulugod din ang Diyos. Bagamat nakakagawa ka pa rin ng mga kamalian at nakakapagsabi ng mga kasinungalingan, at paminsan-minsan ay may mga personal ka pa ring mga intensiyon, mga lihim na motibo, o mga makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali at kaisipan, matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maibubunyag ang iyong mga intensiyon, aktuwal na kalagayan, at mga tiwaling disposisyon sa harap Niya at maghahanap sa katotohanan mula sa Kanya. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag tama ang landas mo ng pagsasagawa, at kumikilos ka sa tamang direksiyon, magiging maganda at maliwanag ang kinabukasan mo. Sa paraang ito, mamumuhay ka nang panatag ang puso mo, matutustusan ang espiritu mo, at makakaramdam ka ng kasiyahan at katuparan. Kung hindi ka makalaya sa mga pagpigil ng laman, kung palagi kang napipigilan ng mga damdamin, mga pansariling interes, at mga satanikong pilosopiya, nagsasalita at kumikilos sa malihim na paraan, at palagi kang nagtatago sa mga anino, kung gayon namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayumpaman, kung nauunawaan mo ang katotohanan, nakakalaya ka sa mga pagpigil ng laman, at nagsasagawa ka sa katotohanan, unti-unti kang magtataglay ng wangis ng tao. Magiging prangka at deretsahan ka sa mga salita at gawa mo, at magagawa mong ihayag ang iyong mga opinyon, ideya, at ang mga kamaliang nagawa mo, tinutulutan ang lahat ng tao na makita nang malinaw ang mga ito. Sa huli, makikilala ka ng mga tao bilang isang bukas na tao. Ano ang isang bukas na tao? Ito ay isang taong nagsasalita nang may lubos na pagkamatapat, pinaniniwalaan ng lahat ng tao na ang mga salita niya ay totoo. Kahit na di-sinasadyang nagsisinungaling o nagsasabi siya ng maling bagay, kaya siyang patawarin ng mga tao, dahil alam nilang hindi ito sinasadya. Kung napagtatanto niya na nagsinungaling siya o nakapagsabi ng mali, humihingi siya ng tawad at itinatama niya ang kanyang sarili. Ito ay isang bukas na tao. Ang ganitong tao ay nagugustuhan at pinagkakatiwalaan ng lahat. Kailangan mong umabot sa antas na ito para makamit ang tiwala ng Diyos at tiwala ng iba. Hindi ito simpleng gampanin—ito ang pinakamataas na antas ng dignidad na maaaring taglayin ng isang tao. Ang ganitong tao ay may respeto sa sarili. Kung hindi mo makamit ang tiwala ng ibang tao, paano ka aasang makukuha mo ang tiwala ng Diyos? May mga indibidwal na namumuhay nang hindi marangal, palagi silang nag-iimbento ng mga kasinungalingan at inaasikaso nila ang mga gampanin sa pabasta-bastang paraan. Wala silang ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, tinatanggihan nila ang pagpupungos, lagi silang gumagamit ng mga nakalilinlang na katwiran at hindi sila gusto ng lahat ng taong nakakasalamuha nila. Namumuhay sila nang walang anumang pakiramdam ng hiya. Maituturing ba talaga silang mga tao? Ganap nang nawala ang pagkatao ng mga taong itinuturing ng iba na nakakainis at hindi maaasahan. Kung hindi maibigay ng ibang tao ang tiwala nila sa mga ganitong tao, mapagkakatiwalaan ba sila ng Diyos? Kung nagkikimkim ng pagkainis sa kanila ang ibang tao, magugustuhan ba sila ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos ang mga ganitong tao, kinasusuklaman Niya sila, at hindi maiiwasang matitiwalag sila. Sa pag-asal, ang isang tao ay dapat maging matapat at tumupad sa mga pangako niya. Paggampan man ng mga gawa para sa iba o para sa Diyos, dapat tuparin ng tao ang sinabi niya. Kapag nakuha na niya ang tiwala ng mga tao at kaya na niyang mapalugod at mapanatag ang Diyos, siya ay medyo matapat na tao. Kung ikaw ay mapagkakatiwalaan sa mga kilos mo, hindi ka lang magugustuhan ng iba, kundi tiyak na magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa pagiging matapat na indibidwal, mapapalugod mo ang Diyos at makapamumuhay ka nang may dignidad. Samakatwid, dapat nagsisimula sa katapatan ang sariling asal ng isang tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Upang maging isang matapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagkukunwari, palaging nagpapanggap na banal, marangal, dakila, at may mataas na karakter, itinatago ang iyong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nagpepresenta ng isang huwad na imahe sa kanila, at ipinapaniwala sa kanila na ikaw ay matuwid, dakila, mapagsakripisyo ng sarili, makatarungan, at hindi makasarili—hindi ba’t may panlilinlang at pandaraya rito? Hindi ka ba nila mahahalata sa paglipas ng panahon? Kaya, huwag maging mapagpaimbabaw o magsuot ng maskara. Sa halip, maging simple at bukas, at matutong ilantad ang iyong sarili—ilantad ang iyong puso para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang lahat ng iyong iniisip at lahat ng bagay na nais mong gawin—positibo o negatibo man ang mga ito—para makita ng iba, hindi ba’t nagiging matapat ka kung gayon? Kapag inilalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, pinapanood ka ng Diyos. Sasabihin Niya, “Dahil inilantad mo na ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na matapat ka rin sa Aking harapan.” Pero kung sa Diyos mo lang inilalantad ang iyong sarili nang lihim, subalit palagi kang nagpapanggap na dakila, marangal, at hindi makasarili sa harap ng iba, ano ang iisipin ng Diyos sa iyo? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya, “Isa kang taong lubusang mapanlinlang. Isa kang ganap na mapagpaimbabaw at tampalasan, at hindi ka isang matapat na tao.” Kokondenahin ka ng Diyos sa ganitong paraan. Ang pagiging isang matapat na tao ay nangangahulugang, nasa harap ka man ng Diyos o ng ibang tao, kaya mong magbukas sa dalisay at simpleng paraan tungkol sa iyong panloob na kalagayan at sa mga salita sa iyong puso. Madali ba itong gawin? Nangangailangan ito ng isang panahon ng pagsasanay, pati na rin ng madalas na pananalangin at pagsalig sa Diyos. Dapat mong sanayin ang iyong sarili na sabihin ang mga salita sa iyong puso nang simple at hayagan sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magkakaroon ka ng pag-usad. Kung makaranas ka ng isang malaking paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin mo ang katotohanan; kailangan mong makipagtunggali sa iyong kalooban at magtagumpay laban sa laman, hanggang sa maisagawa mo ang katotohanan. Sa pamamagitan ng unti-unting pagsasanay sa iyong sarili sa ganitong paraan, unti-unting magbubukas ang iyong puso. Ikaw ay magiging lalong dalisay at simple, at magkakaroon ng ibang epekto ang iyong mga salita at kilos kaysa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong pagsisinungaling at panlilinlang, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Kung gayon, sa diwa, ikaw ay magiging isang matapat na tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Ang pagsasanay sa sarili na maging isang matapat na tao ay pangunahing isang usapin ng paglutas sa problema ng pagsisinungaling, pati na ng paglutas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang isang susing pagsasagawa rito ay na kapag napagtanto mong nagsinungaling ka sa isang tao at nilinlang mo siya, dapat kang magbukas sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at manghingi ng tawad. Malaki ang pakinabang ng pagsasagawang ito sa paglutas ng problema ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung nilinlang mo ang isang tao o kung may karumihan o personal na intensyon sa mga salitang iyong sinabi sa kanya, dapat mo siyang lapitan at magbukas ka sa kanya, maglantad ng iyong sarili, at himayin ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa kanya: “Ang sinabi ko sa iyo ay isang kasinungalingan, nakadisenyo ito upang protektahan ang sarili kong pride. Hindi ako naging komportable matapos ko itong sabihin, kaya nanghihingi ako sa iyo ng tawad ngayon. Pakiusap, patawarin mo ako.” Mararamdaman ng taong iyon na ito ay medyo nakakapanibago. Mapapaisip siya kung paanong mayroong isang tao na, matapos magsinungaling, ay manghihingi ng tawad dahil dito. Ang gayong lakas ng loob ay isang bagay na talagang hinahangaan niya. Ano ang mga pakinabang na natatamo ng isang tao sa pagsasagawa niyon? Ang layon nito ay hindi ang matamo ang paghanga ng iba, kundi ang mas epektibong mapigilan at mahadlangan ang sarili sa pagsisinungaling. Kaya, pagkatapos magsinungaling, kailangan mong isagawa ang paghingi ng tawad sa paggawa niyon. Habang mas sinasanay mo ang iyong sarili na isagawa ang paghihimay, paglalantad sa iyong sarili, at paghingi ng tawad sa mga tao nang ganito, lalong gaganda ang mga resulta—at mababawasan nang mababawasan ang pagsisinungaling mo. Ang pagsasagawa ng paghihimay at paglalantad sa iyong sarili upang maging matapat na tao at mapigilan ang iyong sarili na magsinungaling ay nangangailangan ng lakas ng loob, at ang paghingi ng tawad sa isang tao matapos magsinungaling sa kanya ay nangangailangan ng mas higit pang lakas ng loob. Kung isasagawa ninyo ito sa loob ng isa o dalawang taon—o marahil sa loob ng tatlo hanggang limang taon—garantisadong makakakita kayo ng malilinaw na resulta, at hindi mahihirapang maiwaksi ang mga kasinungalingan sa sarili ninyo. Ang pagwawaksi ng mga kasinungalingan sa sarili ang unang hakbang tungo sa pagiging matapat na tao, at hindi ito magagawa nang walang tatlo o limang taon ng pagsisikap. Matapos malutas ang problema ng pagsisinungaling, ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng panlilinlang at panlalansi. Minsan, hindi kinakailangan ng isang taong magsinungaling para manlansi at manlinlang—maisasakatuparan ang mga bagay na ito sa pamamagitan lamang ng pagkilos. Maaaring mukhang hindi nagsisinungaling ang isang tao, ngunit nagkikimkim pa rin siya ng panlilinlang at panlalansi sa kanyang puso. Siya ang pinakanakaaalam nito, dahil napag-isipan na niya ito nang lubusan at naisaalang-alang nang mabuti. Magiging madali para sa kanya na makilala ito matapos magnilay-nilay kalaunan. Sa sandaling malutas na ang problema ng pagsisinungaling, kung ihahambing ay bahagyang mas magiging madali nang lutasin ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi. Ngunit kailangang magtaglay ang isang tao ng may-takot-sa-Diyos na puso, dahil ang tao ay pinangingibabawan ng intensyon kapag siya ay nanlilinlang at nanlalansi. Hindi ito mahihiwatigan ng iba mula sa labas, ni hindi nila makikilatis ito. Tanging ang Diyos ang makasisiyasat nito, at tanging Siya ang nakaaalam nito. Samakatwid, malulutas lamang ng isang tao ang mga problema ng panlilinlang at panlalansi sa pamamagitan ng pag-asa sa pagdarasal sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang pagsisiyasat. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan o natatakot sa Diyos sa kanyang puso, hindi malulutas ang kanyang panlilinlang at panlalansi. Maaari kang magdasal sa harap ng Diyos at umamin sa iyong mga pagkakamali, maaari kang magtapat at magsisi, o maaari mong himayin ang iyong tiwaling disposisyon—sabihin nang totoo kung ano ang iyong iniisip noong panahong iyon, kung ano ang iyong sinabi, kung ano ang iyong intensyon noon, at kung paano ka nanlilinlang. Medyo madaling gawin ang lahat ng ito. Gayumpaman, kung hihingin sa iyo na ilantad ang iyong sarili sa isa pang tao, maaaring mawala ang lakas ng loob at determinasyon mo dahil gusto mong makaiwas sa kahihiyan. Kung ganoon ay labis kang mahihirapang magsagawa ng pagtatapat at paglalantad ng iyong sarili. Marahil ay kaya mong aminin, nang pangkalahatan, na paminsan-minsan ay namamalayan mong nagsasalita o kumikilos ka batay sa mga personal mong pakay at intensyon; na mayroong antas ng panlilinlang, karumihan, mga kasinungalingan o panlalansi sa mga bagay na iyong ginagawa o sinasabi. Subalit, kapag may nangyari at kakailanganin mong himayin ang iyong sarili, ilantad kung paano nangyari ang mga bagay-bagay mula sa umpisa hanggang sa huli, ipaliwanag kung alin sa mga salitang iyong sinabi ang mapanlinlang, kung ano ang intensyon sa likod ng mga iyon, kung ano ang iniisip mo, at kung nagiging mapaminsala o masama ka man o hindi, ayaw mong maging partikular o magbigay ng mga detalye. Pagtatakpan pa nga ng ilang tao ang mga bagay-bagay, sasabihing: “Ganoon lang talaga ang mga bagay-bagay. Medyo mapanlinlang, lihim na mapanira, at hindi maaasahang tao lang talaga ako.” Ipinakikita nito ang kawalan nila ng abilidad na harapin nang tama ang kanilang tiwaling diwa, o kung gaano sila kamapanlinlang at kalihim na mapanira. Ang mga taong ito ay laging nasa kondisyon at kalagayan ng pag-iwas. Palagi nilang pinatatawad at pinagbibigyan ang kanilang sarili, at hindi nila magawang magdusa o magbayad ng halaga upang maisagawa ang katotohanan ng pagiging matapat na tao. Maraming taong ilang taon nang nangangaral ng mga salita at mga doktrina, palaging sinasabing: “Masyado akong mapanlinlang at lihim na mapanira, palaging may panlalansi sa aking mga kilos, at hindi ko talaga tinatrato nang may sinseridad ang mga tao.” Ngunit matapos iyong isigaw sa loob ng napakaraming taon, nananatili silang kasing mapanlinlang ng dati, dahil kailanman ay hindi sila mariringgan ng tunay na paghihimay o pagsisisi kapag ibinubunyag nila ang mapanlinlang na kalagayang ito. Hinding-hindi sila naglalantad ng kanilang sarili sa iba o nanghihingi ng tawad matapos magsinungaling o manlansi ng mga tao, lalong hindi sila nagbabahagi tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan ng paghihimay at pagkakilala sa sarili sa mga pagtitipon. Hindi rin nila kailanman sinasabi kung paano nila nakilala ang kanilang sarili o kung paano sila nagsisi tungkol sa gayong mga usapin. Hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito, na nagpapatunay na hindi nila kilala ang kanilang sarili at hindi sila tunay na nagsisi. Kapag sinasabi nilang sila ay mapanlinlang at gusto nilang maging matapat na tao, nagsisigaw lang sila ng mga islogan at nangangaral ng doktrina, wala nang iba. Maaaring ginagawa nila ang mga bagay na ito dahil sinusubukan nilang sumabay sa agos at sumunod sa nakararami. O, maaaring itinutulak sila ng kapaligiran ng buhay iglesia na iraos lang ang mga bagay-bagay at magpakitang-tao. Alinman doon, ang gayong mga nagsisigaw ng islogan at nangangaral ng doktrina ay hinding-hindi magsisisi nang tunay, at talagang hindi nila matatamo ang pagliligtas ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Para magsagawa ng pagiging isang matapat na tao, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang layunin. Una, lutasin mo ang problema ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring himayin kung ano ang mga intensyon at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga intensyon, at kung ano ang diwa ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang makikilatis ang problema sa pagsisinungaling, at kapag may nangyari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magpapatuloy ka nang may gayong pagsasagawa at karanasan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong: “Madaling maging isang matapat na tao. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging ‘tao’! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mabuhay nang ganoon!” Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging isang tunay na matapat na tao, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Malaking tagumpay ito. Siyempre pa, maaaring may ilan sa inyo na, kapag nagsimula kayong magsagawa, ay labis na mapapahiya pagkatapos magsalita ng matatapat na salita at maglantad ng inyong sarili. Mamumula ang inyong mukha, mahihiya kayo, at matatakot kayong mapagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na: “O Diyos, gusto kong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo akong mamuhay sa Iyong mga salita, at maging malaya at napalaya.” Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo: “Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, naging isang matapat na tao rin ako sa pagkakataong ito.” Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Gagawa ang Diyos sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang pahalagahan kung ano ang pakiramdam ng maging isang matapat na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimulang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi masasabing may pananalig sila. Mahirap para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan dito ang kanilang mga puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at paglaya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Maraming aspekto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspekto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng hungkag, may pormula, o masarap pakinggang mga salita, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao. Halimbawa, ipagpalagay na hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, at kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, sinasabi mong, “Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon.” Sa totoo lang, alam mo sa puso mo na hindi ka naging masigasig, subalit hindi mo sinasabi ang totoo. Sa halip ay nakakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsabilidad. Iyan ba ang ginagawa ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng nasa loob mo, ng mga intensyong nasa iyong kalooban, ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mabubunyag at mahihimay ang mga ito, hindi madadalisay ang mga ito—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat, “Medyo nagpapaliban ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabasta-basta ako at mapagwalang-bahala. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at nagpapasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman. Kaya, hindi epektibo ang mga pagtatangka kong gawin ang aking tungkulin. Bumubuti na ang sitwasyon nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kahusayan, at isagawa nang maayos ang aking tungkulin.” Pagsasalita ito nang taos-puso. Ang isa pang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong mapungusan, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka ng mga tao, nakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay ipinapasa mo sa iba ang responsabilidad, upang maiwasan mong mapungusan ka. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong totoo at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang matukoy at maipagkaiba ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging mabulaklak, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan o hindi nila magawang maging tapat, talagang ititiwalag sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daan tungo sa pagiging matapat? Dapat kayong matutong magsalita ng katotohanan at magawang magbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong mga kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa. Iyong mga nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay handang lahat na maghangad na maging matatapat na tao. Ang matatapat na tao lamang ang tunay na nagagalak at panatag, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan para makamit ang pagpapasakop sa Diyos matatamasa ng isang tao ang tunay na kaligayahan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang iparamdam sa kanila ang iyong tunay na puso at ang iyong sinseridad. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay pabasta-basta, may pormula, kaaya-ayang pakinggan, mapambola, iresponsable, at batay sa mga imahinasyon, o kung nagsasalita lamang siya upang makuha ang pabor ng iba, ang kanyang mga salita ay walang lamang totoo, at hindi siya taos ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Hindi ito isang matapat na tao. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: “Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!” At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: “Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.” Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya, para mas maging komportable at magaan ang loob niya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka taos na tumutulong sa kanya at diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, upang maging isang matapat na tao, ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Kailangan mong sabihin sa kanya kung ano ang nakita at natukoy mo: “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakita ko at kung ano ang naranasan ko. Ikaw ang magpasya kung ang sinasabi ko ay tama o mali. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung may sabihin ako na mahirap para sa iyo na marinig o nakakasakit sa iyo, sana ay kaya mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang layunin at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Dahil pakiramdam mo ay napahiya ka, walang nagpapadama sa iyo na importante ka, at sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, na inaatake ka, at hindi ka pa kailanman ginawan ng mali nang ganito kalaki, hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?” At pagkarinig nito, madarama niya na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung hindi ka matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, “Madalas din akong maging negatibo,” at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo, at sa huli, hindi niya iniiwan ang kanyang pagiging negatibo. Kung ikaw ay isang matapat na tao at tinutulungan mo siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Ang pagiging matapat na tao ay hinihingi ng Diyos sa tao. Ito ay isang katotohanan na kailangang isagawa ng tao. Ano, kung gayon, ang mga prinsipyong dapat sundin ng tao sa mga pakikitungo nila sa Diyos? Maging sinsero: Ito ang prinsipyo na dapat sundin kapag nakikisalamuha sa Diyos. Huwag gayahin ang pagsasagawa ng mga walang pananampalataya na paninipsip o pambobola; hindi kailangan ng Diyos ang paninipsip at pambobola ng tao. Sapat na ang maging sinsero. At ano ba ang ibig sabihin ng maging sinsero? Paano ba ito dapat isagawa? (Buksan lamang ang iyong puso sa Diyos, nang walang halong pagpapanggap o walang ikinukubling anuman o itinatagong anumang sikreto, makipag-ugnayan sa Diyos nang may matapat na puso, at magsalita nang deretsahan, nang walang anumang masamang layunin o panloloko.) Tama iyan. Upang maging sinsero, dapat mo munang isantabi ang iyong mga pansariling pagnanais. Sa halip na magtuon ng pansin sa kung paano ka itinuturing ng Diyos, dapat mong ipagtapat ang iyong sarili sa Diyos at sabihin ang anumang nasa puso mo. Huwag pagbulay-bulayan o isaalang-alang kung ano ang mga magiging kahihinatnan ng mga salita mo; sabihin kung anuman ang iniisip mo, isantabi ang mga motibasyon mo, at huwag magsalita ng mga bagay upang makamtan lamang ang ilang layunin. Mayroon kang masyadong maraming mga personal na intensyon at adulterasyon; palagi kang nagtatantiya sa paraan ng iyong pagsasalita, isinasaalang-alang ang, “Dapat ko itong sabihin, at hindi iyon, dapat akong mag-ingat tungkol sa aking sasabihin. Gagawin ko ito sa paraang makikinabang ako, at matatakpan ang aking mga pagkukulang, at mag-iiwan ng magandang impresyon sa diyos.” Hindi ba’t ito ay pagkikimkim ng mga motibo? Bago mo ibuka ang iyong bibig, puno ang isip mo ng mga tusong kaisipan, makailang beses mong binabago para itama ang gusto mong sabihin, kaya nang lumabas na ang mga salita mula sa iyong bibig hindi na napakadalisay ng mga ito, at hindi na tunay kahit bahagya man lamang, at naglalaman na ng sarili mong mga motibo at mga pakana ni Satanas. Hindi ito ang pagiging sinsero; ito ay ang pagkakaroon ng masasamang motibo at layunin. Dagdag pa rito, kapag nagsasalita ka, lagi mong pinakikiramdaman ang mga ekspresyon ng mukha ng mga tao at ang tingin ng kanilang mga mata: Kung may positibo silang ekspresyon sa kanilang mukha, tuloy ka sa pagsasalita; kung wala naman, sinasarili mo ito at wala kang sinasabi; kung hindi maganda ang tingin ng mga mata nila, at tila hindi nila nagugustuhan ang kanilang naririnig, pinag-iisipan mo itong mabuti at sinasabi mo sa iyong sarili, “Sige, may sasabihin akong isang bagay na magiging interesado ka, na makapagpapasaya sa iyo, na magugustuhan mo, at kung saan kagigiliwan mo ako.” Ganito ba ang pagiging sinsero? Hindi. May ilang tao na hindi nag-uulat kapag nakakakita sila ng isang tao na gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia. Iniisip nila, “Kung ako ang unang mag-uulat nito, maaaring mapasama ko ang loob ng taong iyon, at kung sakaling nagkamali ako, kailangan kong mapungusan. Hihintayin ko na lang ang iba na mag-ulat nito, at makikisali na lang ako sa kanila. Kahit na magkamali kami, hindi naman ito malaking usapin—hindi mo naman puwedeng hatulan ang maraming tao. Gaya ng kasabihan, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’ Hindi ako magiging ganoong ibon; isa kang hangal kung igigiit mong iunat ang iyong leeg.” Ito ba ay pagiging sinsero? Siguradong hindi. Ang gayong tao ay tuso talaga; kung siya ay magiging isang lider ng iglesia, o isang superbisor, hindi ba’t magdudulot siya ng kawalan sa gawain ng iglesia? Sigurado ito. Ang gayong tao ay hindi dapat gamitin. Kaya ba ninyong kilatisin ang gayong uri ng tao? Sabihin na natin, na may isang lider na gumawa ng ilang masamang bagay at ginulo niya ang gawain ng iglesia, pero walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa taong ito, ni hindi rin alam ng ang Itaas kung ano talaga ang pagkatao niya—ikaw lang ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa kanya. Matapat mo bang sasabihin ang isyu sa ang Itaas sa gayong mga kalagayan? Ang isyung ito ang pinakanagbubunyag sa tao. Kung itinago mo ang usaping ito at wala kang sinabi kaninuman, kahit sa Diyos, at naghintay ka hanggang dumating ang araw na ang lider na iyon ay nakagawa na ng napakaraming kasamaan na nagdulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nailantad at napangasiwaan na siya ng lahat, saka ka pa lang tatayo at magsasabing, “Alam ko na noon pa na hindi siya isang mabuting tao. Kaso iniisip ng iba na mabuti siya; kung nagsalita ako, walang maniniwala sa akin. Kaya, hindi ako nagsalita. Ngayong gumawa na siya ng ilang masamang bagay at alam na ng lahat kung sino talaga siya, puwede na akong magsalita tungkol sa tunay na nangyayari sa kanya,” iyon ba ay pagiging sinsero? (Hindi.) Kung sa tuwing may nalalantad na problema ng isang tao, o may inuulat na problema, lagi kang sumusunod sa karamihan at huli ka nang tumatayo at naglalantad sa kanila o nag-uulat ng problema, ikaw ba ay sinsero? Wala sa mga ito ang pagiging sinsero. Kung hindi mo gusto ang isang tao, o may nagpasama ng loob mo, at alam mong hindi siya isang masamang tao, ngunit dahil makitid ang isip mo, namumuhi ka sa kanya at gusto mo siyang paghigantihan, na gawin siyang katawa-tawa, maaari kang mag-isip ng mga paraan at maghanap ng mga pagkakataon na magsabi ng ilang masamang bagay tungkol sa kanya sa ang Itaas. Maaaring nagpapahayag ka lang ng mga katunayan, hindi mo naman kinokondena ang taong iyon, pero kapag ipinapahayag mo ang mga katunayang iyon, nabubunyag ang iyong hangarin: Gusto mong gamitin ang kamay ng ang Itaas o na may sabihin ang Diyos upang pangasiwaan siya. Sa pamamagitan ng pag-uulat sa ang Itaas ng tungkol sa mga problema, sinusubukan mong makamit ang iyong layon. Maliwanag na may halo itong mga personal na intensyon, at tiyak na hindi ito pagiging sinsero. Kung siya ay isang masamang tao na nanggugulo sa gawain ng iglesia, at iniulat mo ito sa ang Itaas upang maprotektahan ang gawaing iyon, at higit pa roon, ang mga problemang inuulat mo ay ganap na totoo, iba iyon sa pangangasiwa ng mga bagay sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya. Ito ay bunga ng pagpapahalaga sa katarungan at responsabilidad, at ito ang pagsasakatuparan ng iyong katapatan; ganito naipamamalas ang pagiging sinsero.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)
Kung ang isang tao ay bukas at matuwid, siya ay isang matapat na tao. Ganap na niyang binuksan ang kanyang puso at espiritu sa Diyos, at wala siyang itinatago, at walang pinagtataguan. Naibigay na niya nang lubusan sa Diyos ang kanyang puso, at naipakita na niya ito sa Diyos, na nangangahulugang naibigay na niya ang buong pagkatao niya sa Diyos. Kaya, mawawalay pa ba siya sa Diyos? Hindi na, kaya madali na para sa kanya ang magpasakop sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na mapanlinlang siya, aaminin niya iyon. Kung sinasabi ng Diyos na mayabang siya at mapagmagaling, aaminin din niya iyon, at hindi lang niya basta aaminin ang mga bagay na ito at titigil na lang doon—nagagawa niyang magsisi, magpunyagi para sa mga katotohanang prinsipyo, at ayusin iyon kapag napagtatanto niyang siya ay nagkamali, at ituwid ang kanyang mga pagkakamali. Bago pa niya malaman, naitama na niya ang marami sa kanyang mga maling gawi, at unti-unting mababawasan ang kanyang pagiging mapanlinlang, mapanloko, at pabasta-basta. Habang namumuhay siya nang mas matagal sa ganitong paraan, magiging mas bukas at kagalang-galang siya, at mas mapapalapit siya sa mithiing maging matapat na tao. Iyon ang kahulugan ng mamuhay sa liwanag. Lahat ng kaluwalhatiang ito ay sa Diyos! Kapag namumuhay ang mga tao sa liwanag kagagawan iyon ng Diyos—hindi iyon isang bagay na dapat nilang ipagyabang. Kapag namumuhay sa liwanag ang mga tao, nauunawaan nila ang bawat katotohanan, mayroon silang pusong may takot sa Diyos, alam nila kung paano hanapin at isagawa ang katotohanan sa bawat suliraning makaharap nila, at namumuhay sila nang may konsensiya at katwiran. Bagama’t hindi sila matatawag na matutuwid na tao, sa mga mata ng Diyos ay mayroon silang kaunting wangis ng tao, at kahit paano, hindi nakikipagtunggali sa Diyos ang kanilang mga salita at gawa, kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, at may puso silang nagpapasakop sa Diyos. Samakatuwid, medyo ligtas at nakasisiguro sila, at hindi posibleng pagtaksilan nila ang Diyos. Bagaman wala silang napakalalim na pagkaunawa sa katotohanan, nagagawa nilang sumunod at magpasakop, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kaya nilang umiwas sa kasamaan. Kapag binigyan sila ng gawain o tungkulin, nagagawa nila itong gawin nang buong puso at isip, at sa abot ng kanilang makakaya. Ang ganitong klase ng tao ay mapagkakatiwalaan, at may kumpiyansa ang Diyos sa kanila—ang mga taong tulad nito ay nabubuhay sa liwanag. Ang mga nabubuhay ba sa liwanag ay nagagawang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Maikukubli pa rin ba nila ang kanilang mga puso sa Diyos? Mayroon pa ba silang mga lihim na hindi nila masabi sa Diyos? Mayroon pa ba silang anumang itinatagong kahina-hinalang mga panloloko? Wala na. Lubos na nilang binuksan ang kanilang puso sa Diyos, at wala na silang anumang inililihim o itinatago. Kaya nilang magtapat sa Diyos, makipagbahaginan sa Kanya tungkol sa anumang bagay, at ipaalam sa Kanya ang lahat ng bagay. Wala silang hindi sasabihin sa Diyos at wala silang hindi ipapakita sa Kanya. Kapag naaabot ng mga tao ang pamantayang ito, nagiging madali, malaya at maluwag ang kanilang buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Maaari ka bang maging matapat na tao kung sasabihin mo lamang ito? (Hindi, kailangang mayroon kaming mga pagpapamalas ng isang matapat na tao.) Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mababa ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayumpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi kulang sa dedikasyon dito, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng pagkamatapat. Ang isa pa ay ang paggampan nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa nang maayos sa mga gampaning ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos, at pagbubuhos ng iyong puso at pagmamahal sa iyong tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nakakaunawa ka at alam mo kung ano ang gagawin, pero hindi mo ito ginagawa, kung gayon ay hindi mo ibinibigay sa tungkulin mo ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumagampan sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Hindi ginagamit ng Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumampan ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at nagpapakatamad ay pawang mapanlinlang, at lahat sila ay mga demonyo. Wala sa kanila ang tunay na nananampalataya sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang totoo, madali lang maging matapat na tao. Tungkol lang ito sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong matapat na pamahalaan ang iyong pag-uugali at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Dapat kang maging matapat na tao, dapat magkaroon ka ng pagpapahalaga sa responsabilidad kapag humaharap ka sa mga problema, at dapat mong subukan ang lahat ng paraan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Hinding-hindi ka dapat maging tusong tao. Kung ang iniisip mo lang ay ang pag-iwas sa pananagutan at paghuhugas-kamay rito kapag lumilitaw ang mga problema, makokondena ka dahil sa pag-uugaling ito kahit sa gitna ng mga walang pananampalataya, bukod pa sa sambahayan ng Diyos! Ang pag-uugaling ito ay tiyak na kinokondena at isinusumpa ng Diyos, at ito ay kinasusuklaman at tinatanggihan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat, at nasusuklam Siya sa mga taong mapanlinlang at tuso. Kung isa kang tusong tao at kumikilos nang madaya, hindi ka ba kasusuklaman ng Diyos? Hahayaan ka lang ba ng sambahayan ng Diyos na makalusot? Sa malao’t madali, pananagutin ka. Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw Niya sa mga taong tuso. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang maguluhan at gumawa ng mga kahangalan. Ang pansamantalang kamangmangan ay maaaring pangatwiranan, pero kung talagang hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, masyadong matigas ang ulo niya. Marunong humawak ng responsabilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan; iniingatan lamang nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabubuti at matatapat na puso na gaya ng mga mangkok ng malinaw na tubig kung saan makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nandadaya, laging nagpapanggap, pinagtatakpan at ikinukubli ang mga bagay-bagay, at binabalot nang husto ang sarili nila. Walang makakilatis sa ganitong uri ng tao. Hindi makilatis ng mga tao ang iyong mga saloobin, pero kaya ng Diyos na masiyasat ang mga bagay sa kaibuturan ng iyong puso. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka isang matapat na tao, na tuso ka, na hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, palaging nililinlang ang Diyos, at hindi kailanman ibinibigay ang puso mo sa Kanya—ayaw ka ng Diyos, at kinasusuklaman at inaabandona ka ng Diyos. Anong klase ng mga tao ang umuunlad sa gitna ng mga walang pananampalataya, at ang mga mahusay mambola at mabilis mag-isip? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay napakahirap na makilatis, sobrang mapanlinlang at tuso nilang lahat, sila ang mga tunay na diyablo at Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang ganitong mga tao? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong mapanlinlang at tuso—at hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Hinding-hindi kayo dapat maging ganitong uri ng tao. Yaong mga palaging nagmamasid at alerto kapag nagsasalita sila, na mabulaklak ang dila at mapanlinlang at gumaganap ng isang papel para bumagay sa sitwasyon kapag pinapangasiwaan nila ang mga usapin—sinasabi Ko sa iyo, pinakakinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao, hindi na maililigtas pa ang mga taong gaya nito. Tungkol sa lahat ng nabibilang sa kategorya ng mga mapanlinlang at tusong tao, kahit gaano pa kagandang pakinggan ang mga salita nila, lahat ng ito ay mapanlinlang, maladiyablong salita. Kapag mas magandang pakinggan ang kanilang mga salita, mas lalong mga diyablo at Satanas ang mga taong ito. Sila mismo ang klase ng mga tao na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Talagang ito ay tama. Ano ang masasabi ninyo: Makakamit ba ng mga taong mapanlinlang, madalas magsinungaling, at mahusay mambola, ang gawain ng Banal na Espiritu? Kaya ba nilang makamit ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Hinding-hindi. Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa mga taong mapanlinlang at tuso? Itinataboy Niya ang mga ito, isinasantabi Niya ang mga ito at hindi pinapansin, itinuturing Niya sila bilang kauri ng mga hayop. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mga tao ay nakabihis lamang ng balat ng tao at sa diwa, sila ay mga diyablo at Satanas, sila ay mga naglalakad na bangkay, at hinding-hindi sila ililigtas ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)
Kapag ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin o anumang gawain sa harap ng Diyos, dapat maging dalisay ang kanilang puso, tulad ng isang mangkok ng sariwang tubig—napakalinaw, walang dumi. Kaya anong uri ng pag-iisip ang tama? Iyon ay kung saan, anuman ang ginagawa mo, kaya mong makipagbahaginan sa lahat tungkol sa anumang iniisip mo at anumang mga ideya na mayroon ka. At kung may magsabi na ang iyong paraan ng pag-iisip ay hindi uubra, at mag-alok sila ng ibang ideya, na pakiramdam mo ay medyo maganda, kung gayon ay kinakaila mo ang iyong sarili, at nagsasagawa ka ayon sa sinabi nila. Sa pagsasagawa nang ganito, nakikita ng lahat na ikaw ay isang tao na kayang tumanggap ng mga suhestiyon ng iba at pumili ng tamang landas, at na ang iyong mga kilos ay may prinsipyo, lantad, at ganap na malinaw at hindi itinatago. Walang kadiliman sa iyong puso, at sa iyong mga kilos at pananalita ay kumakapit ka sa sinseridad at sa isang saloobin ng pagiging matapat. Diretso kang magsalita—ang oo ay nangangahulugang oo, at ang hindi ay nangangahulugang hindi. Hindi ka gumagamit ng mga panlalansi at wala kang itinatagong anuman, sadyang lantad ka. Hindi ba’t iyon ay isang saloobin ng pagiging matapat? Ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa mga tao, pangyayari at bagay, at kinakatawan nito ang disposisyon ng gayong tao. Sa kabilang banda, maaaring may isang taong hindi kailanman nagiging bukas at nagpaparating sa iba ng kung ano ang kanyang iniisip. At sa lahat ng kanyang ginagawa, hindi siya kailanman sumasangguni sa iba, sa halip ay pinananatili niyang sarado ang kanyang puso sa iba, na tila parati siyang nakabantay laban sa iba sa bawat pagkakataon. Mahigpit niyang ikinukubli ang kanyang sarili hangga’t maaari. Hindi ba’t ito ay isang taong mapanlinlang? Halimbawa, may ideya siya na sa tingin niya ay napakahusay, at iniisip niya na, “Sasarilinin ko muna ito sa ngayon. Kung ibabahagi ko ito, baka gamitin ninyo ito at nakawin ninyo ang karangalang para sa akin, at hindi iyon maaari. Magpipigil ako.” O kung mayroong isang bagay siyang hindi lubos na nauunawaan, iisipin niyang: “Hindi ako magsasalita sa ngayon. Kung magsasalita ako, at may sinumang magsasabi ng isang mas mataas na bagay, hindi ba’t magmumukha akong hangal? Malalantad ako sa lahat, makikita nila ang kahinaan ko rito. Hindi ako dapat magsalita ng anuman.” Anuman ang mga konsiderasyon, anuman ang pinagbabatayang motibo, natatakot siyang malantad sa lahat. Palagi niyang hinaharap ang sarili niyang tungkulin at ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay nang may ganitong uri ng perspektiba at saloobin. Anong uri ito ng disposisyon? Isang baliko, mapanlinlang, at buktot na disposisyon. Sa panlabas, tila sinabi na niya sa iba ang lahat ng sa akala niya ay kaya niyang sabihin, subalit sa likod nito, itinatago niya ang ilang bagay. Ano ang itinatago niya? Hindi siya kailanman nagsasabi ng mga bagay na may kinalaman sa kanyang reputasyon at mga interes—iniisip niyang pribado ang mga bagay na ito at hindi niya kailanman binabanggit ang tungkol sa mga ito kaninuman, kahit pa sa kanyang mga magulang. Hindi niya kailanman sinasabi ang mga bagay na ito. Problema ito! Sa palagay mo ba, kung hindi mo sasabihin ang mga bagay na ito ay hindi ito malalaman ng Diyos? Sinasabi ng mga tao na alam ng Diyos, subalit makatitiyak ba sila sa puso nila na alam nga ng Diyos? Hindi kailanman natatanto ng mga tao na “Alam ng Diyos ang lahat; iyong iniisip ko sa aking puso, kahit na hindi ko pa ito ibinubunyag, palihim na sinisiyasat iyon ng Diyos, ganap na alam iyon ng Diyos. Wala akong anumang maitatago sa Diyos, kaya’t dapat ko itong sabihin, dapat akong hayagang makipagbahaginan sa aking mga kapatid. Maganda man o hindi ang aking mga kaisipan at ideya, dapat kong sabihin ang mga ito nang tapat. Hindi ako maaaring maging baliko, mapanlinlang, makasarili, o kasuklam-suklam—dapat akong maging isang matapat na tao.” Kung kakayanin ng mga tao na mag-isip nang ganito, ito ang tamang saloobin. Sa halip na hanapin ang katotohanan, gumagamit ang karamihan ng mga tao ng maliliit na panlalansi. Nagbibigay sila ng malaking kahalagahan sa sarili nilang mga interes, pride, at sa kanilang lugar o katayuan sa isipan ng ibang tao. Ito lang ang mga bagay na pinahahalagahan nila. Mahigpit silang kumakapit sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang pinakabuhay—para naman sa kung paano tinitingnan at tinatrato ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi nila ito ikinababahala; una nilang isinasaalang-alang kung sila ba ang amo ng grupo, kung makakakuha ba sila ng isang posisyon kung saan mataas ang tingin sa kanila ng iba, at kung may sinuman ba na nakikinig sa sinasabi nila. Una nilang sinisikap na sakupin ang posisyong iyon. Halos lahat ng tao, kapag nasa isang grupo, ay naghahanap ng ganitong uri ng posisyon, ng ganitong uri ng oportunidad. Kung mataas ang kakayahan nila, siyempre sinusubukan nilang sakupin ang pinakamataas na puwesto. Kung pangkaraniwan lang sila, sinusubukan pa rin nilang magkaroon ng prominenteng posisyon sa grupo. At kung bahagi sila ng mas mabababang ranggo sa grupo, na karaniwan lang ang kakayahan at abilidad, sinusubukan din nilang gawing mataas ang tingin ng iba sa kanila; hindi nila hahayaang maliitin sila ng iba. Nasa kanilang pride at dignidad ang kanilang hangganan; iniisip nilang dapat nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Kahit pa mawala ang kanilang integridad, o hindi nalulugod sa kanila ang Diyos at hindi sila kinikilala, kailangan pa rin nilang magsikap para sa kanilang pride at katayuan; dapat nilang iwasan ang kahihiyan kahit anong mangyari. Isa itong satanikong disposisyon. Ngunit hindi nila ito napagtatanto. Iniisip nilang hindi sila puwedeng mawalan ng kaunting pride na natitira sa kanila. Hindi nila alam na kapag ganap nang naisuko at natalikuran ang mga paimbabaw na bagay na ito, saka lamang sila magiging mga tunay na tao, at na kung babantayan nila na parang sariling buhay ang mga bagay na ito na dapat itapon, mawawala ang kanilang buhay. Hindi lang talaga nila alam kung ano ang nakataya. Samakatwid, sa anumang ginagawa nila, palagi silang may reserbasyon, palagi silang kumikilos alang-alang sa pagprotekta sa sarili nilang pride at katayuan, at inuuna nila ang mga bagay na ito. Nagsasalita at gumagawa sila ng mga walang-katotohanang argumento para lamang sa kanilang sariling kapakanan—gagawin nila ang anumang bagay para sa kanilang sarili. Sumusugod sila agad sa anumang bagay na nagniningning, ipinapaalam sa lahat na naging kabahagi sila nito. Ang totoo, wala naman itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin ng ibang tao, lagi silang nangangamba na sabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng reputasyon at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging tapat. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit. Kapag lumitaw ang kamera, halimbawa, hindi magkamayaw sa pagpunta sa harapan ang mga tao; gusto nilang nakikita ang kanilang mukha sa kamera, mas matagal na makuhanan, mas mabuti; takot silang hindi magkaroon ng sapat na oras sa kamera, at magbabayad sila ng kahit anong halaga para sa pagkakataong makuha ito. At hindi ba ito kontrolado lahat ng kanilang mga satanikong disposisyon? Ito ang mga sataniko nilang disposisyon. Nakuhanan ka na—ano na ngayon? Mataas na ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman ngayon? Iniidolo ka nila—ano naman ngayon? Pinatutunayan ba ng anuman dito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga ang mga ito. Kapag kaya mong mapagtagumpayan ang mga bagay na ito—kapag wala ka nang pakialam sa mga ito, at hindi mo na nararamdamang mahalaga ang mga ito, kapag hindi na nakokontrol ng reputasyon, banidad, katayuan, at paghanga ng mga tao ang iyong mga saloobin at pag-uugali, lalong hindi ng kung paano mo gampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, lalong magiging epektibo, at mas dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, hindi masyadong magiging mahirap ang pagiging matapat na tao. Madarama mo na mas madali ito. Alam na alam ng mga mayroong personal na karanasan na ang pinakamalalaking balakid sa pagiging matapat na tao ay ang pagiging lihim na mapanira ng mga tao, ang kanilang panlilinlang, kanilang pagiging mapaminsala, at kanilang mga kasuklam-suklam na intensyon. Hangga’t nananatili ang mga tiwaling disposisyong ito, magiging napakahirap ang pagiging matapat na tao. Kayong lahat ay nagsasanay na maging matatapat na tao, kaya’t may kaunti kayong karanasan dito. Kumusta ang naging mga karanasan ninyo? (Araw-araw ay isinusulat ko ang lahat ng walang saysay at kasinungalingang nasabi ko. Pagkatapos, sinusuri at hinihimay ko ang aking sarili. Natuklasan kong may kung anong intensyon sa likod ng karamihan sa mga kasinungalingang ito, at na sinabi ko ang mga ito alang-alang sa banidad at pag-iwas sa kahihiyan. Kahit na alam kong hindi naaayon sa katotohanan ang sinasabi ko, hindi ko pa rin mapigilang magsinungaling at magpanggap.) Ito ang napakahirap sa pagiging matapat na tao. Hindi mahalaga kung may kamalayan ka man dito o wala; ang mahalagang bagay ay nagmamatigas ka pa ring ipagpatuloy ang pagsisinungaling, kahit na nalalaman mong mali ang ginagawa mo, upang maisakatuparan ang iyong mga pakay, upang mapanatili ang sarili mong imahe at reputasyon, at anumang pahayag ng kawalan ng kaalaman ay isang kasinungalingan. Ang susi sa pagiging matapat na tao ay ang paglutas sa iyong mga motibo, iyong mga intensyon, at iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang tanging paraan upang malutas ang problema ng pagsisinungaling sa ugat nito. Ang makamit ang mga personal na layon ng isang tao, ibig sabihin, makinabang nang personal, masamantala ang isang sitwasyon, mapaganda ang imahe niya, o makuha ang pagsang-ayon ng iba—ito ang mga intensyon at pakay ng mga tao kapag nagsisinungaling sila. Ang ganitong uri ng pagsisinungaling ay nagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, at ito ang pagkilatis na kailangan mo tungkol sa pagsisinungaling. Kaya, paano dapat lutasin ang tiwaling disposisyong ito? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung minamahal mo ang katotohanan o hindi. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at magsalita nang hindi isinusulong ang iyong sarili; kung kaya mong itigil ang pagsasaalang-alang sa sarili mong mga interes at sa halip ay isaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang mga layunin ng Diyos, at ang mga interes ng mga hinirang ng Diyos, ititigil mo na ang pagsisinungaling. Magagawa mong magsalita nang totoo, at tuwiran. Kung wala ang tayog na ito, hindi mo magagawang magsalita nang totoo, patutunayan nito na kulang ang tayog mo at na hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Kung kaya, ang pagiging matapat na tao ay nangangailangan ng isang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, isang proseso ng paglago ng tayog. Kapag tiningnan natin ito nang ganito, imposibleng maging matapat na tao nang walang walo hanggang sampung taon ng karanasan. Ang panahong ito ay ang proseso ng paglago sa buhay ng isang tao, ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilang tao: “Talaga bang ganoon kahirap ang paglutas sa problema ng pagsisinungaling at ang pagiging matapat na tao?” Depende iyon sa kung sino ang tinutukoy mo. Kung isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang itigil ang pagsisinungaling pagdating sa mga partikular na usapin. Ngunit kung isa itong taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ang pagtigil sa pagsisinungaling ay lalo pang magiging mahirap.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
Lubhang mahalaga ang hinihingi ng Diyos na katapatan. Ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng maraming kabiguan habang isinasagawa mo ang katapatan at nahihirapan ka nang husto rito? Dapat ka bang maging negatibo at umatras, at talikuran ang iyong pagsasagawa sa katotohanan? Ito ang pinakamalinaw na indikasyon kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Pagkatapos magsagawa ng katapatan sa loob ng ilang panahon, iniisip ng ilang indibidwal na, “Ang pagiging matapat ay masyadong mahirap—hindi ko matiis ang pinsalang ginagawa nito sa aking banidad, pride, at reputasyon!” Bilang resulta, hindi na nila gustong maging matapat. Sa realidad, dito nakasalalay ang hamon ng pagiging matapat na tao, at karamihan sa mga indibidwal ay naiipit sa puntong ito at hindi makaranas nito. Kaya, ano ang kailangan para maisagawa ang pagiging matapat na tao? Anong uri ng tao ang kayang magsagawa ng katotohanan? Una sa lahat, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan. Siya ay dapat na maging isang taong nagmamahal sa katotohanan—iyan ay tiyak. May mga taong tunay na nagtatamo ng mga resulta pagkatapos ng ilang taon ng pagdanas ng pagsasagawa ng katapatan. Unti-unti nilang nababawasan ang kanilang kasinungalingan at panlilinlang, at talagang sila ay nagiging pundamental na matatapat na tao. Maaari kaya na habang dumaranas sila ng pagsasagawa ng katapatan, hindi sila naharap sa mga paghihirap o nagdurusa? Tiyak na tiniis nila ang labis na pagdurusa. Ito ay dahil mahal nila ang katotohanan kaya nagawa nilang magdusa para isagawa ito, magpatuloy sa pagsasalita nang makatotohanan at paggawa ng mga praktikal na bagay, na maging matatapat na tao, at sa wakas ay makamit ang pagpapala ng Diyos. Para maging isang matapat na tao, dapat mahal ng isang tao ang katotohanan at magtaglay siya ng puso na nagpapasakop sa Diyos. Ang dalawang salik na ito ang pinakamahalaga. Ang lahat ng taong nagmamahal sa katotohanan ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At lalong madali para sa mga taong nagmamahal sa Diyos na isagawa ang katotohanan, at kaya nilang tiisin ang anumang uri ng pagdurusa para mapalugod ang Diyos. Kung may mapagmahal-sa-Diyos na puso ang isang tao, kapag ang kanilang pagsasagawa sa katotohanan ay naharap sa kahihiyan o mga dagok at pagkabigo, makakaya nilang tiisin ang kahihiyan at pagdurusa para mapalugod ang Diyos, basta’t nasisiyahan ang Diyos. Samakatwid, may kakayahan silang isagawa ang katotohanan. Siyempre, ang pagsasagawa ng anumang aspekto ng katotohanan ay may kasamang partikular na antas ng hirap, at mas lalong mahirap ang pagiging matapat na tao. Ang pinakamalaking suliranin ay ang hadlang ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Halimbawa, ang mga kasabihang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” o “Na hindi magagawang kamtin ang malalaking tagumpay nang hindi nagsasabi ng mga kasinungalingan.” Ang mga ito ay mga satanikong pilosopiya at mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Kailangang magsinungaling ng mga tao para tapusin ang mga bagay-bagay, magkamit ng mga pansariling pakinabang, at maisakatuparan ang mga layon nila. Hindi talaga madaling maging matapat na tao kapag taglay ng isang tao ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Dapat manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya, at laging pagnilayan ang sarili, at kilalanin ang sarili, saka lang unti-unting makakapaghimagsik ang isang tao laban sa laman, makabibitiw sa mga pansariling interes, at makabibitiw sa kanyang banidad at pride. Higit pa rito, dapat magawang tiisin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng paninirang-puri at panghuhusga bago siya maging isang matapat na tao, magsabi ng katotohanan, at umiwas sa pagsisinungaling. Sa loob ng panahon kung saan isinasagawa ng isang tao ang pagiging matapat na tao, hindi maiiwasan na maharap sa maraming kabiguan at mga sandali kung saan nabubunyag ang katiwalian ng isang tao. Maaaring may mga pagkakataon kung kailan hindi tumutugma ang mga salita at kaisipan ng isang tao, o ang mga sandali ng pagkukunwari at panlilinlang. Gayunman, ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang katotohanan at maging isang matapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito malinaw. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palagiang pagsasalita mula sa puso at pagsasabi ng katotohanan sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya at napalaya sa puso mo, at hindi ka na mapipigilan ng banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung maipapahayag mo kung ano talaga ang iniisip mo, masasabi sa iba ang nilalaman ng puso mo, at hindi ka magpapanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang matapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang katotohanan. Ano ang dapat mong gawin sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, “Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, maninindigan ako na maging isang matapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagama’t ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang katotohanan nang walang pagkukunwari o pagbabalat-kayo.” Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging matatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang matapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang katotohanan at maipahayag ang mga tunay mong damdamin, hindi mo dapat katakutan ang pangungutya at pang-aalipusta ng iba. Kahit na tratuhin ka ng iba na parang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang matapat na tao. Kung hindi mo bibitiwan ang mga kagustuhan ng laman, banidad, at pride, kung lagi mong hinahanap ang pagsang-ayon ng iba, nagkukunwaring alam mo ang hindi mo alam, at namumuhay alang-alang sa banidad at pride, kung gayon, hindi ka magiging matapat na tao—ito ay praktikal na suliranin. Kung ang puso mo ay palaging nalilimitahan ng banidad at pride, malamang magsisinungaling ka at magpapanggap. Dagdag pa rito, kapag minaliit ka ng iba o inilantad nila ang totoo mong sarili, mahihirapan kang tanggapin ito, at mararamdaman mo na nagdusa ka ng malaking kahihiyan—mamumula ang mukha mo, bibilis ang tibok ng puso mo, at mababalisa ka at hindi mapapakali. Para malutas ang problemang ito, kakailanganin mong magtiis ng kaunti pang pasakit at dumaan sa ilan pang pagpipino. Kakailanganin mong maunawaan kung saan nakasalalay ang ugat ng problema, at sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga usaping ito, magagawa mong bawasan nang kaunti ang pasakit mo. Kapag lubos mong naunawaan ang mga tiwaling disposisyong ito at kaya mong talikuran ang banidad at pride mo, magiging mas madali para sa iyo na maging isang matapat na tao. Hindi mo na iindahin kung kukutyain ka ng ibang tao kapag nagsasabi ka ng katotohanan at nagpapahayag ng iyong saloobin, at paano ka man husgahan o tratuhin ng iba, makakaya mong pasanin ito at tumugon nang tama. Pagkatapos, magiging malaya ka sa pagdurusa, at palaging magiging panatag at masaya ang puso mo, at makakamit mo ang kalayaan at liberasyon. Sa paraang ito, maiwawaksi mo ang katiwalian at maisasabuhay mo ang wangis ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Paano Lulutasin ang Problema sa Pagsisinungaling at Pandaraya?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Dapat Kang Maging Matapat Upang Maligtas
Kung Paano Ko Nilutas ang Aking Katusuhan at Panlilinlang
Kaugnay na mga Himno
Pinagpapala ng Diyos Yaong mga Matapat
Dapat Tanggapin ng mga Tao ang Pagsisiyasat ng Diyos sa Lahat ng Ginagawa Nila
Napakagalak na Maging Taong Tapat