2. Bakit kailangang tanggapin ng mga mananampalataya sa Diyos ang Kanyang paghatol at pagkastigo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa loob ng ilang libong taon ng katiwalian, ang mga tao ay pawang naging manhid at mapurol ang isip; silang lahat ay naging masasamang demonyo na sumasalungat sa Diyos, hanggang sa punto na ang kanilang paghihimagsik laban sa Diyos ay naisulat sa mga talaan ng kasaysayan, at na maging ang mga tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong salaysay ng kanilang mapaghimagsik na pag-uugali—sapagkat sila ay malalim na ginawang tiwali ni Satanas, at iniligaw ni Satanas kung kaya’t hindi na nila alam kung saan babaling. Kahit ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng mga tao ang Diyos. Kapag nakikita nila ang Diyos, ipinagkakanulo nila Siya, at kapag hindi nila nakikita ang Diyos, ipinagkakanulo rin nila Siya. Mayroon pa ngang mga taong, matapos masaksihan ang mga sumpa ng Diyos at ang Kanyang poot, nagkakanulo pa rin sa Kanya. Kaya sinasabi Ko na ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong tungkulin, at na ang konsensiya ng tao ay nawalan na rin ng orihinal nitong silbi. Sa Aking mga mata, ang mga tao ay pawang mga hayop na nakadamit-tao at makamandag na mga ahas. Gaano man kakaawa-awa nila subukang magpakita sa harap ng Aking mga mata, hindi Ako kailanman magiging mahabagin sa kanila, sapagkat wala silang anumang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, at walang sinuman sa kanila ang nakauunawa sa pagkakaiba ng katotohanan at ng hindi katotohanan. Ang kanilang katwiran ay napakamanhid, ngunit nagnanais pa rin silang magtamo ng mga pagpapala; ang kanilang pagkatao ay napakahamak, ngunit nagnanais pa rin silang mamuno bilang mga hari at humawak ng kapangyarihan. Sino ang maaari nilang pagharian, nang may gayong katwiran? Paano sila makakaupo sa mga trono nang may gayong pagkatao? Ang mga tao ay tunay na walang kahihiyan! Sila ay mga walang-kwenta na labis ang pagtingin sa sarili! Iminumungkahi Ko na kayong nagnanais na magtamo ng mga pagpapala ay humanap muna ng salamin at tingnan ninyo ang sarili ninyong pangit na repleksiyon. Mayroon ka ba ng kinakailangan para maging isang hari? Mayroon ka ba ng mga katangian ng mukha ng isang makatatanggap ng mga pagpapala? Walang kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo naisagawa ang anumang katotohanan, ngunit nagnanais ka pa rin ng isang napakagandang bukas. Isa itong ganap na kahibangan! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang nagkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang nagkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong walang ni isang taong nagkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at wala silang hilig na maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng anumang puwang sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa kaibuturan ng puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, kapag ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Kaya naman, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang malaman ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng tao sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong mga satanikong tiwaling disposisyon ng tao? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, itinaas mo ang iyong kamay mas mataas kaysa iba, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging isang kapalagayang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Nawa ay ang malaking pulang dragon ay tuluyan nang bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa ay gawin tayong ganap ng Diyos!” Sumigaw ka nang pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa ay nabunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon. Tumigil ang iyong mga sigaw, at nawala ang iyong determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; ito ay isang bagay na mas malalim kaysa kasalanan, isang bagay na itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at pumupungos Siya nang pangmatagalan. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang tiyak na hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Binibigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, gayundin na matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga, at palagi mong sinusubukang iwasan ang mga ito, o naghahanap ka sa labas ng mga ito ng isang bagong daan palabas, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananalig sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay bagay na nabibilang sa hinaharap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay nabubuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan; namumuhay sila nang walang inaalala, para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na hanapin ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensiya ni Satanas. Kahit na nananampalataya ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagkontrol ng impluwensiya ni Satanas. Sa mga nakalipas na mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaarok dito. Sa gayon, bagaman kinamumuhian ng tao si Satanas, at kinamumuhian ang laman, hindi niya alam kung paano makaalpas sa masamang impluwensiya ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t nasa ilalim pa rin kayo ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ninyo pinagsisisihan ang inyong mga ginawang paghihimagsik, at lalong hindi ninyo nararamdaman na kayo ay marumi at mapaghimagsik. Pagkatapos na salungatin ang Diyos, mayroon pa rin kayong kapayapaan ng isipan at nakadarama ng lubhang katahimikan. Ang katahimikan mo ba ay hindi dahil sa ikaw ay tiwali? Ang kapayapaan bang ito ng iyong isipan ay hindi nagmumula sa iyong pagiging mapaghimagsik? Ang tao ay nabubuhay sa isang pantaong impiyerno, nabubuhay siya sa madilim na impluwensiya ni Satanas; sa buong lupa, ang mga multo ay naninirahan kasama ng tao, nanghihimasok sa laman ng tao. Sa lupa, hindi ka nabubuhay sa isang magandang paraiso. Ang dako na kinaroroonan mo ay ang teritoryo ng mga diyablo, isang pantaong impiyerno, isang daigdig ng mga patay. Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay sa karumihan; kung hindi siya pinoprotektahan at kinakalinga ng Diyos, kung gayon siya ay nananatili pang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, kung gayon hindi siya magkakaroon ng daan upang makalaya sa paniniil ng madilim na impluwensiya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at ang mapaghimagsik na pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahatulan at nakastigo, kung gayon, ang iyong buong pagkatao ay nasa mahigpit na pagkakahawak pa rin ng kapangyarihan ni Satanas, ang iyong isipan ay kontrolado ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay manipulado ni Satanas, at ang buong pagkatao mo ay nasa mga kamay ni Satanas. … Sa katayuan ng mga bagay-bagay ngayon, maraming tao ang hindi hinahangad ang buhay, ibig sabihin ay hindi nila pinapahalagahan ang pagiging nalinis, o ang pagpasok sa mas malalim na karanasan sa buhay. Kung gayon ay paano sila magagawang perpekto? Iyong mga hindi hinahangad ang buhay ay walang pagkakataong magawang perpekto, at iyong mga hindi naghahangad ng kaalaman sa Diyos, hindi naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, ay hindi kayang makatakas mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas. Hindi sila seryoso sa kanilang kaalaman sa Diyos at sa kanilang pagpasok sa mga pagbabago sa kanilang disposisyon, katulad ng mga naniniwala sa relihiyon, na sumusunod lamang sa ritwal at dumadalo sa mga regular na serbisyo. Hindi ba’t walang silbi iyan? Kung, sa pananampalataya ng tao sa Diyos, siya ay hindi seryoso tungkol sa mga bagay-bagay ng buhay, hindi hinahangad ang pagpasok sa katotohanan, hindi naghahangad ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at lalong hindi naghahangad ng isang kaalaman sa gawain ng Diyos, kung gayon hindi siya magagawang perpekto. Kung gusto mo na magawang perpekto, kung gayon ay dapat mong maunawaan ang gawain ng Diyos. Sa partikular, dapat mong maunawaan ang kabuluhan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, at bakit ang gawaing ito ay isinasagawa sa tao. Kaya mo bang tanggapin ang gawaing ito? Sa panahon ng ganitong uri ng pagkastigo, kaya mo bang makamit ang mga karanasan at kaalaman na kapareho ng kay Pedro? Kung naghahangad ka ng kaalaman sa Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu, at kung naghahangad kang magkaroon ng mga pagbabago sa iyong disposisyon, kung gayon mayroon kang pagkakataon na magawang perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga pag-aari ni Satanas. Kung hindi sila inililigtas ng Diyos at hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos, hindi makakatakas ang mga tao sa impluwensiya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging mga buhay na tao. Hindi makakapagpatotoo sa Diyos ang mga ganitong taong patay, ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihingi Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nakakaunawa sa mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi nagsasagawa sa katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ginagamit ni Satanas. Ipinapamalas ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, walang awa, malupit, tuso, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, sila ay mga naglalakad na bangkay lang, mga humihingang patay na tao. Lubos na walang kakayahang matugunan ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na nagpapasakop sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang ipinapamuhay nila ay ganap na mga pagbubunyag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at makita ng Diyos na karapat-dapat, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagpupungos ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Ang mga buhay ay yaong mga nailigtas na ng Diyos; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang ilaan ang kanilang sarili at masayang ibigay ang kanilang buhay para sa Diyos, at malugod nilang igugugol ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay ang maaaring magpalaganap ng gawain ng ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at tanging ang mga buhay ang tunay na mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro: Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos maaaring magising ang tao at kamuhian nito ang laman, kamuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng mukha ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at ginagawa akong mamuhay nang may pagdurusa, at magpataw sa akin ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nagpoprotekta sa akin. Ang biyaya na Iyong ipinagkakaloob sa akin ngayon ay pagbubunyag ng Iyong matuwid na disposisyon, at pagkastigo at paghatol; bukod diyan, ito ay isang pagsubok, at, higit pa riyan, ito ay isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang isantabi ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na proteksyon, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensiya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala para sa tao, at walang mas dakilang biyaya o mas mahusay na proteksyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nagagawang makita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo itong pinakamalalim na kaligtasan, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang ginagawa, tunay na mapagmahal ang Diyos sa inyo. Wala Siyang masamang intensyon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang magawa ninyong pagnilayan ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking kaligtasan na ito. Lahat ng gawaing ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at sadyang wala Siyang pagnanais na ganap na lipulin ang mga taong Kanyang nilikha gamit ang sarili Niyang mga kamay. Ngayon, naparito Siya sa gitna ninyo upang gumawa; hindi ba’t mas maituturing ito na pagliligtas? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain at personal kayong gagabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masasamang intensyon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatunay. Dahil lamang mapaghimagsik ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi, magiging imposible pa rin na iligtas sila. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay ng buhay ninyo at wala kayong malay kung paano mamuhay, at dahil kayo ay namumuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahahalay at maruruming diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong lalong masadlak, hindi Niya matiis na makita kayong namumuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na niyuyurakan ni Satanas kung naisin nito, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang makamit ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—ito’y para sa kaligtasan. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, kung gayon, maging mabuti: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t sa tao, ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay pagpipino, walang-awang paglalantad, at mga bagay na isinasakatuparan para sa layon ng pagpaparusa sa kanya para sa kanyang mga kasalanan at pagpaparusa sa kanyang laman, wala sa gawaing ito ang naglalayong kondenahin ang kanyang laman hanggang sa mawasak. Ang matinding paglalantad ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktuwal na tayog, at walang pasaning ipinipilit sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay tila pinapahirapan kita, at palagi mong iniisip na ang dahilan kung bakit ka kinakastigo, hinahatulan at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang tinanggap mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (4)
Sa katotohanan, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nauugnay sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagamat ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Kapag nagdurusa kayo ng kaunting pagpipigil o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinakastigo, hinahatulan, at isinusumpa kayo kaya nabibigyan kayo ng proteksyon. Dahil kayo ay nagdusa na nang husto kaya kayo ay pinoprotektahan. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi ito sadyang pagpapahirap ng mga bagay para sa inyo—ang kalikasan ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayo ng konsensiya o katwirang tinaglay ni Pablo, ni hindi ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang gipitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para magising ang inyong mga espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, dapat ay mayroon ding pagkastigo ng mga katunayang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na susuko. Ang inyong kalikasan ay ganito na kung walang pagkastigo at pagsumpa, hindi ninyo gugustuhing yumuko, hindi gugustuhing sumuko. Kung hindi ninyo nakikita ang mga katunayan, walang magiging epekto. Masyadong aba at walang halaga ang inyong karakter! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap na malupig kayo, at mahirap mapagtagumpayan ang inyong kawalan ng katuwiran at inyong pagsuway. Ang inyong dating kalikasan ay nakaugat nang napakalalim. Kung inilagay kayo sa trono, hindi ninyo malalaman ang inyong lugar sa sansinukob, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Lumikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga pagsumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano katindi kayong yayabang, o kung gaano kayo magiging kabulok. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong pag-iral. Kung “tinuturuan” pa rin kayo gamit ang kaparehong mga pamamaraan tulad ng sa inyong “ama,” sino ang nakakaalam kung anong mundo ang inyong papasukin! Wala talaga kayong abilidad na kontrolin at pagnilayan ang inyong sarili. Para sa mga taong kagaya ninyo, kung susunod at magpapasakop lamang kayo nang hindi nagsasanhi ng anumang paggambala o panggugulo, makakamtan ang Aking mga layon. Hindi ba dapat mas paghusayan ninyo ang pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano pang ibang pagpipilian ang mayroon kayo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (6)
Hindi mababago ng mga tao mismo ang mga disposisyon ng mga tao; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa mga pagsubok at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagkakapungos at pagdidisiplina ng Kanyang mga salita. Saka lamang sila magkakamit ng pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at hindi na magiging pabasta-basta sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng pagsisiwalat, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na magagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain. Kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, magagawa nilang bitiwan ang mga kuru-kurong ito at kusang magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy sa paghihimagsik laban sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan, at pag-aalis sa sarili ng mga makalamang kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay pagpapasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating batay-sa-kuru-kurong kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, at makapagtatamo sila ng tunay na pagkilala at pagpapasakop sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapamalas ng isang pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang malaman ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa paghatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na sang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na ni hindi karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, lalo pa, ng isang kaparusahang pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawan ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat na huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng barkadahan ng mga samu’t saring imoral, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang humarap sa Kanya nang pabasta-basta. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay wawasakin, kasama na iyong mga ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa ng puso at isip ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at pati na iyong mga pauna nang itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang bunga ng gawain ng Diyos. Patungkol sa iyong mga hindi maaaring iklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Bakit Kailangang Sumailalim ang mga Mananampalataya sa Paghatol at Pagkastigo ng Diyos?
Paano Maging Tunay na Masunurin sa Diyos at Maligtas Niya
Kaugnay na mga Sermon
Bakit Ginagawa ng Diyos ang Gawain ng Paghatol sa mga Huling Araw?
Kaugnay na mga Himno
Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ay ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao
Ang Kahulugan ng Gawain ng Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw
Protektado Ka Dahil Ikaw ay Nakastigo at Nahatulan