1. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Bagama’t maraming tao ang nananampalataya sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung paano sila mismo dapat kumilos upang maging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t alam ng mga tao ang salitang “Diyos” at mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na ang lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay naguguluhan sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong nakakapanibago para sa kanila. Sa ganitong paraan, nagkukulang sila sa mga hinihingi ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila magiging angkop na gamitin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang “pananampalataya sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto ng pananampalataya sa Diyos. Higit pa rito, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananampalataya sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, at sa gayon ay iwinawaksi ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay ang maaaring tawaging “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos bilang isang labis na simple at walang-kabuluhang bagay. Kapag ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, nawawalan ito ng kahulugan, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Ang mga nananampalataya sa Diyos hanggang ngayon sa gitna ng mga salita at mga hungkag na doktrina ay hindi pa rin nakakaalam na wala silang diwa ng pananampalataya sa Diyos, at na hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila na pagpalain sila ng Diyos ng kapayapaan at sapat na biyaya. Patahimikin natin ang ating puso at mag-isip nang husto: Maaari kaya na ang pananampalataya sa Diyos ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay natutugunan ang mga layunin ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang pananalig sa Diyos ay ang manampalataya na may Diyos. At batay sa pundasyong ito, ang sundan Siya, magpasakop sa Kanya, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot, at pagsasaayos, sumunod sa Kanyang mga salita, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, gawin ang lahat ayon sa Kanyang mga salita, maging isang totoong nilikha, at matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan—ito lamang ang totoong pananalig sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit, sa iyong puso, hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pinagdududahan mo pa rin ang mga ito, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot, at pagsasaayos, at palagi kang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ginagawa Niya, at nagrereklamo ka tungkol dito, palaging hindi nakokontento; at kung palagi mong sinusukat at tinatrato ang ginagawa Niya gamit ang sarili mong mga kuru-kuro at mga imahinasyon; at kung palagi kang may mga sariling iniisip at pagkakaunawa—magdudulot ito ng problema. Hindi iyan pagdanas sa gawain ng Diyos, at hindi iyan ang paraan para tunay Siyang masunod. Hindi ito ang pananalig sa Diyos.

Ano ba mismo ang pananalig sa Diyos? Ang paniniwala ba sa relihiyon ay katumbas ng pananalig sa Diyos? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagsunod kay Satanas; ang pananampalataya sa Diyos ay pagsunod sa Diyos—at ang mga sumusunod lamang kay Cristo ang tunay na nananampalataya sa Diyos. Ang isang taong hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos ni kaunti bilang kanyang buhay ay hindi isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Siya ay hindi mananampalataya, at ilang taon man siyang manampalataya sa Diyos, wala itong saysay. Kung ang isang mananampalataya sa Diyos ay nakikibahagi lamang sa mga panrelihiyong ritwal, ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, hindi siya isang mananampalataya sa Diyos, at hindi siya kinikilala ng Diyos. Ano ang kailangan mong taglayin upang kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod? Alam mo ba ang mga pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao? Sinusuri ng Diyos kung ginagawa mo ba ang lahat ayon sa Kanyang mga hinihingi, at kung nagsasagawa ka ba at nagpapasakop sa katotohanan batay sa Kanyang mga salita. Ito ang pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao. Ang pagsukat ng Diyos ay hindi nakabatay sa kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, gaano kalayo na ang iyong nilakbay, gaano karaming mabubuting kilos ang mayroon ka, o ilang salita at doktrina ang nauunawaan mo. Sinusukat ka Niya batay sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan at ano ang landas na pinipili mo. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang ipinapahayag Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang siyang ginagawa ng mga normal na tao, na ganito mapapangalagaan ng isang tao ang kanyang sarili, at na ganito mamuhay nang may halaga sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa mga Ritwal na Panrelihiyon

Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay hindi tungkol sa pananampalataya sa Kanya para lamang maligtas, at lalong hindi pananampalataya sa Kanya para lamang maging isang mabuting tao. Hindi rin ito usapin lang ng pananampalataya sa Kanya para lamang magtamo ng wangis ng tao. Sa katunayan, ang pananaw ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay hindi lang dapat paniniwala na may Diyos, at na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at na iyon na iyon. Hindi rin ito tungkol lamang sa pagkilala sa Diyos, at paniniwalang Siya ang may Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, na Siya ay makapangyarihan sa lahat, na nilikha Niya ang mundo at lahat ng bagay, na Siya ay natatangi, at na Siya ang pinakamataas. Hindi lang ito tungkol sa paniniwala sa mga katunayang ito, at iyon na iyon. Ang layunin ng Diyos ay na ang iyong buong pagkatao at puso ay dapat ibigay sa Kanya at magpasakop sa Kanya. Ibig sabihin, dapat kang sumunod sa Diyos, magamit Niya, at maging handa pa ngang magserbisyo para sa Kanya—wasto lang na gawin mo ang anumang bagay para sa Diyos. Hindi totoo na iyon lamang mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos ang dapat manampalataya sa Kanya. Ang totoo, ang buong sangkatauhan ay dapat sumamba sa Diyos, sundin Siya at magpasakop sa Kanya, dahil ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Kung alam mo na ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay ang makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, niloloko mo ang iyong sarili, hindi ba? Kung nauunawaan mo lang ang doktrina ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, makakamit mo ba ang katotohanan? Ang pinakamalaking bahagi ng pananampalataya sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Sa bawat katotohanan, dapat hanapin, pagbulayan, at siyasatin ng mga tao kung ano ang panloob na kahulugan nito, pati na rin kung paano isagawa at pasukin ang aspektong iyon ng katotohanan. Kailangang maunawaan at taglayin ng mga mananampalataya ang mga bagay na ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Dahil naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung naniniwala ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o nakakagawa ng anumang realidad, hindi ito tinatawag na pananampalataya sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahangad na makinabang hangga’t nais.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at mababaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: hindi bumubuo ang mga ito ng paniniwala sa Diyos, at talagang hindi mo naarok ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na makaakyat sa langit, paniniwala ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang naniniwala sa Diyos? Sa anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-angkin ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtugon sa Kanyang mga layunin ay nakakamit na lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, magagawang perpekto ang sangkatauhan. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Sasambitin ng bibig ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang mga salita ng Diyos, na nananatiling babad sa mga salita ng Diyos kapwa sa loob at sa labas. Sa ganito magagawang perpekto ang sangkatauhan. Yaong mga tumutugon sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo sa Kanya, ito ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Ang pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay dapat maitama, at dapat mong hangaring makamit ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at sa partikular, kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring danasin ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang maiwaksi nila ang kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon. Kapag naiwaksi na ang lahat ng karumihan at pagiging hindi matuwid sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling intensyon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananalig sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananalig mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong pananampalataya sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka nananampalataya sa Kanya? Yamang nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananalig sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng lakas sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang pananampalataya sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na magpasakop sa harap ng Diyos sa iyong pananalig. Nananampalataya ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at gusto mong iligtas ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananalig sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon at hindi sila naghahangad ng pagkilala sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananalig na nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong paninindigan; hindi iyan tunay na pananalig sa Diyos. Upang manampalataya sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at ng determinasyon na isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kondisyong ito, walang bisa ang kanilang pananalig sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahangad sa katotohanan, sa pagkakilala sa Diyos, at sa buhay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Kung nananampalataya ka sa Diyos, kailangan mong magpasakop sa Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapungusan, madisiplina, at mahatulan, kung ang kaya mo lamang ay tamasahin ang Diyos ngunit hindi mo nararamdaman kapag dinidisiplina o pinupungusan ka ng Diyos—hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, nagagawa mong manindigan, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay hindi tumitigil kailanman at walang katapusan. Ang tingin ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling makatamo sila ng ilang praktikal na karanasan, napagtatanto nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong magtataglay sila ng mapagmahal-sa-Diyos na puso, at lalong mabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanila. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang tataglayin niyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanya. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas malalim ang magiging paglago ng kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananalig sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na iyong mga tao na sumasailalim sa labis na pagpipino at pagdurusa, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may masidhing pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na pagkakilala sa Diyos, at ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na pagkakilala. Ang masasabi lamang nila ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang matamasa nila Siya.” Kung naranasan ng mga tao na mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas dakila ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas dakila ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Ano ang praktikal na pananampalataya sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad mo, pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita, at sa gayon ay nagkakamit ng tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang pananampalataya sa Diyos ay upang magpasakop ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat isakatuparan ng isang nilikha. Ito ang layunin ng pananampalataya sa Diyos. Dapat mong makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, kung gaano kakarapat-dapat ang Diyos sa paggalang, at kung paanong ang gawaing ginagawa ng Diyos sa Kanyang mga nilikha ay ang pagliligtas at paggawang perpekto sa kanila—ito ang mga pangunahing kinakailangan ng iyong pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos, at mula sa pamumuhay sa katiwalian tungo sa pamumuhay sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos; ito ay upang magawa mong magpasakop sa Diyos sa halip na sa laman, nang sa gayon ay makamit ng Diyos ang iyong buong puso at magawa kang perpekto, at nang sa gayon ay mapalaya ka mula sa mga satanikong tiwaling disposisyon. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing upang ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay maipamalas sa iyo, nang sa gayon maaari kang makasunod sa kalooban ng Diyos, nang sa gayon ay maisakatuparan ang plano ng Diyos, at nang sa gayon ay magawa mong magpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi ito dapat alang-alang sa iyong sariling laman. Tungkol ito dapat sa paghahangad sa pagkilala sa Diyos, kakayahang magpasakop sa Diyos, at, tulad ni Pedro, magpasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Ang pangunahing layunin ay ang kamtin ito. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makakapagpasakop ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito lang ang layong dapat taglayin ng tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad ng isang tao. Kapag ang mga salitang binigkas ng Diyos ay isinasagawa ng mga tao at naisasakatuparan sa kanila, sa gayon ay natutupad ang layunin ng Diyos. Sa pananampalataya sa Diyos, dapat hangarin ng mga tao na maperpekto ng Diyos, na makapagpasakop sa Diyos, at makamit ang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung makakapagpasakop ka sa Diyos nang hindi dumaraing, isasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, kung gayon, iyon ang magiging hudyat na natamo mo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamit ka na ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Naisasakatuparan ng Salita ng Diyos

Kaya ano ba talaga ang pananalig sa Diyos? Ang pananalig sa Diyos ay ang proseso talaga ng pagtatamo ng pagliligtas ng Diyos, gayundin ang proseso ng pagbabago mula sa isang taong ginawang tiwali ni Satanas tungo sa kung ano ang sa paningin ng Diyos ay isang tunay na nilikha. Kung patuloy na namumuhay ang isang tao ayon sa kanyang satanikong disposisyon at kalikasan, sa paningin ng Diyos, pasok ba siya sa pamantayan bilang isang nilikha? (Hindi.) Sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, kinikilala mo ang Diyos, kinikilala mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at kinikilala na ibinibigay ng Diyos ang lahat sa iyo, ngunit isinasabuhay mo ba ang mga salita ng Diyos? Namumuhay ka ba alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos? Sinusundan mo ba ang daan ng Diyos? Magagawa ba ng isang nilikha na katulad mo na lumapit sa harap ng Diyos? Magagawa mo bang mabuhay sa piling ng Diyos? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Katugma ba sa Diyos ang isinasabuhay mo at ang landas na tinatahak mo? (Hindi.) Kaya ano ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos? Nakapasok ka na ba sa tamang landas? Ang iyong pananampalataya sa Diyos ay sa anyo at salita lamang. Nananampalataya ka at kinikilala mo ang pangalan ng Diyos, at kinikilala mo na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang May Kataas-taasang Kapangyarihan, subalit hindi mo pa tinatanggap sa diwa mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o ang mga pamamatnugot ng Diyos, at hindi mo kayang maging lubusang kaayon ng Diyos. Ibig sabihin, ang kahulugan ng iyong pananalig sa Diyos ay hindi pa lubos na nagkakatotoo. Bagama’t nananalig ka sa Diyos, hindi mo pa naiwawaksi ang iyong katiwalian at hindi mo pa natatamo ang kaligtasan, at hindi ka pa nakakapasok sa katotohanang realidad na dapat mong pinasukan sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ito ay tunay na iyong pagkakamali. Sa pagtingin dito sa ganitong paraan, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang simpleng bagay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Yamang naniwala ka na sa loob ng maraming taon, taglay mo ba ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay? Mayroon na bang pagbabago sa iyong dating tiwaling disposisyon? Nalalaman mo ba, alinsunod sa mga pinakabagong salita ng Diyos, kung ano ang magkaroon ng buhay, at kung ano ang hindi magtaglay ng buhay? Ito ba ay malinaw sa inyo? Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga pinakabagong salita ng Diyos: Maging ikaw man ay naghahangad ng buhay pagpasok o na tugunan ang mga layunin ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos. Kung ang iyong ibinabahagi at hinahangad na pasukin ay hindi nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na walang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, hindi ito gusto ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila sasang-ayunan. Sa ngayon, lahat ng sumusunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga pinakabagong salita ng Diyos ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Ang mga sumusunod sa Diyos ay dapat man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila. Minsang sinabi ng Diyos sa Bibliya, “Sinuman sa inyo na hindi tumatalikod sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano ang ibig sabihin ng pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao? Ang ibig sabihin nito ay talikuran ang pamilya, talikuran ang trabaho, talikuran ang lahat ng makamundong pagkagapos. Madali ba itong gawin? Napakahirap nito. Kung walang determinasyong gawin ito, hinding-hindi ito maisasakatuparan. Kapag ang isang tao ay may determinasyong tumalikod, natural na taglay niya ang determinasyong magtiis ng paghihirap. Kung hindi kayang magtiis ng paghihirap ang isang tao, hindi niya magagawang talikuran ang anuman, kahit na gustuhin pa niya. May ilan naman na, dahil tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya at nilayuan ang kanilang mga mahal sa buhay, ay nangungulila matapos nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa loob ng ilang panahon. Kung talagang hindi nila ito matitiis, maaaring palihim silang umuwi upang sumilip, at pagkatapos ay bumalik para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan na umalis sa kanilang mga tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin ay hindi maiwasang hanap-hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon at iba pang mga kapistahan, at kapag ang iba ay natutulog na sa gabi, sila ay palihim na umiiyak. Kapag tapos na sila, nananalangin sila sa Diyos at bumubuti ang kanilang pakiramdam, pagkatapos ay ipinagpapatuloy nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagawa ng mga taong ito na talikuran ang kanilang mga pamilya, hindi nila kayang magtiis ng matinding pasakit. Kung hindi man lang nila maiwawaksi ang kanilang mga damdamin para sa mga relasyong ito ng laman, paano nila magagawang tunay na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos? Nagagawa ng ilang tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila at sundin ang Diyos, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho at pamilya—ngunit ano ang kanilang layon sa paggawa nito? Ang ilang tao ay nagsisikap na makakuha ng biyaya at mga pagpapala, at ang ilan ay tulad ni Pablo, na naghahangad lamang ng korona at gantimpala. Iilan lamang ang mga taong tumatalikod sa lahat ng mayroon sila upang makamit ang katotohanan at buhay, at matamo ang kaligtasan. Alin sa mga paghahangad na ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Siyempre, ito ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng buhay. Ito ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang bahagi ng pananampalataya sa Diyos. … Ikaw ay makakapasok lamang sa kaharian ng Diyos kung magagawa mong talikuran ang lahat ng pinakamahalaga sa iyo upang sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin, at hangarin ang katotohanan at makamit ang buhay. Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kaharian ng Diyos? Nangangahulugan ito na kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka at sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito na Siya ay naging Panginoon at Diyos mo. Sa Diyos, nangangahulugan ito na nakapasok ka sa Kanyang kaharian, at anumang mga kalamidad ang dumating sa iyo, tataglayin mo ang Kanyang proteksyon at mananatili kang buhay, at ikaw ay magiging isa sa mga tao ng Kanyang kaharian. Kikilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod, o kaya ay aalukin ng Kanyang pangako na gagawin ka Niyang perpekto—ngunit bilang unang hakbang mo, dapat kang sumunod kay Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang magkakaroon ng gagampanang bahagi sa pagsasanay ng kaharian. Kung hindi ka susunod kay Cristo at nasa labas ka ng kaharian ng Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos. At kung hindi ka kikilalanin ng Diyos, kahit na nais mong maligtas at makamit ang pangako ng Diyos at ang Kanyang pagpeperpekto, makakamit mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat ay maging kalipikado ka muna na makapasok sa Kanyang kaharian. Kung kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka para mahangad mo ang katotohanan, kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung kaya mong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kung mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, kalipikado kang makapasok sa kaharian ng Diyos at makatanggap ng Kanyang pangako. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat ng mayroon ka para sundan ang Diyos, hindi ka kalipikadong makapasok man lang sa Kanyang kaharian, at wala kang karapatan sa Kanyang pagpapala at sa Kanyang pangako. Maraming tao ngayon ang tumalikod sa lahat ng mayroon sila at gumaganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi nangangahulugang makakamit nila ang katotohanan. Kailangang mahalin ng isang tao ang katotohanan at magawa niya itong tanggapin bago niya ito makakamit. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito makakamit. Lalo na ang mga gumaganap ng kanilang tungkulin sa libre nilang mga oras—ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay napakalimitado kung kaya’t magiging mas mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin o kaya ay hindi niya hinahangad ang katotohanan, mawawalan siya ng kamangha-manghang pagkakataon na makamit ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na nananampalataya sila sa Diyos, ngunit hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at hinahangad nila ang mga makamundong bagay. Ito ba ay pagtalikod sa lahat ng mayroon sila? Kung ganito manalig sa Diyos ang isang tao, magagawa ba niyang sundan ang Diyos hanggang sa wakas? Tingnan ninyo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: kabilang sa kanila ay mga mangingisda, magsasaka, at maniningil ng buwis. Noong tinawag sila ng Panginoong Jesus at sinabihan na, “Sundan ninyo Ako,” iniwan nila ang kanilang mga trabaho at sumunod sila sa Panginoon. Hindi nila inisip ang isyu ng kanilang trabaho, o ang problema na kung magkakaroon ba sila ng landas para patuloy na mabuhay sa mundo pagkatapos, at agad-agad silang sumunod sa Panginoong Jesus. Buong-pusong inalay ni Pedro ang kanyang sarili, tinupad ang atas ng Panginoong Jesus hanggang sa wakas at pinanindigan ang kanyang tungkulin. Sa buong buhay niya, hinangad niya ang pagmamahal ng Diyos, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Mayroong ilang tao ngayon na hindi man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila, ngunit nais pa rin nilang makapasok sa kaharian. Hindi ba sila nananaginip?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng sinusundan ang Diyos? Kung walang mga pangitain, anong landas ang iyong lalakaran? Sa gawain sa kasalukuyan, kung wala kang mga pangitain, hinding-hindi ka magagawang ganap. Kanino ka ba naniniwala? Bakit ka naniniwala sa Kanya? Bakit ka sumusunod sa Kanya? Tingin mo ba ang iyong pananampalataya ay isang uri ng laro? Hinaharap mo ba ang iyong buhay na parang isang uri ng laruan? Ang Diyos ng kasalukuyan ang pinakadakilang pangitain. Gaano karami ang alam mo tungkol sa Kanya? Gaano karami ang nakita mo na tungkol sa Kanya? Yamang nakita mo na ang Diyos ng kasalukuyan, matibay ba ang pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos? Sa palagay mo ba ay magtatamo ka ng kaligtasan basta’t sumusunod ka sa paraang ito nang naguguluhan? Palagay mo ba ay makakahuli ka ng isda sa maputik na tubig? Ganoon ba iyon kasimple? Gaano na ba karaming kuru-kurong may kinalaman sa mga salitang ipinapahayag ngayon ng Diyos ang naiwaksi mo na? May pangitain ka ba ng Diyos ng kasalukuyan? Saan nakabatay ang iyong pagkaunawa sa Diyos ng kasalukuyan? Lagi kang naniniwala na matatanggap mo Siya[a] sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o makita mo lang Siya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong makilala ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng determinasyon na magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Magiging mali ka! Kung hindi maitataya ng isa ang kanyang buhay upang sumunod sa Kanya, at kung hindi matatalikuran ng isang tao ang lahat ng panlabas na bagay upang sumunod, tiyak na hindi niya makakayang sumunod hanggang sa huli! Kailangang mga pangitain ang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang kagipitan, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong basta sabihin kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan, maaaring kayo ay tulad ng mga haligi ng templo, darating ang isang sandali kung kailan lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahangad. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya? Sa pagsunod sa Diyos, kailangan ninyong malaman itong pinakadakilang pangitain na ang “Diyos”: Ito ang pinakamahalagang usapin. Isa pa, huwag ninyong ipagpalagay na sa paghihiwalay mula sa mga makamundong tao bilang banal, tiyak na mapapabilang kayo sa pamilya ng Diyos. Sa panahong ito, ang Diyos Mismo ang gumagawa sa gitna ng mga nilikha; Siya ang naparito sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang sariling gawain—hindi ang magsagawa ng mga kampanya. Sa inyo, wala ni isang dakot ang nagagawang malaman na ang gawain sa kasalukuyan ay ang gawain ng Diyos sa langit na nagkatawang-tao. Hindi ito tungkol sa paggawa sa inyo na maging mga pambihirang taong may talento; ito ay upang tulungan kayong malaman ang kabuluhan ng buhay ng tao, malaman ang hantungan ng mga tao, at makilala ang Diyos at ang Kanyang kabuuan. Dapat mong malaman na isa kang nilikha na nasa mga kamay ng Lumikha. Ang dapat mong maunawaan, ang dapat mong gawin, at kung paano ka dapat sumunod sa Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang mga katotohanang kailangan mong maunawaan? Hindi ba’t ang mga ito ang mga pangitaing dapat mong makita?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “Siya.”

Sa karamihan ng mga tao, kapag wala silang mga problema, kapag lahat ay maayos ang takbo sa kanila, nararamdaman nilang dakila ang Diyos, at matuwid, at kaibig-ibig. Kapag sinusubok sila ng Diyos, pinupungusan sila, itinutuwid sila, at dinidisiplina sila, kapag hinihingi Niya sa kanila na isantabi ang kanilang mga pansariling interes, na maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan, kapag gumagawa ang Diyos sa kanila, at pinamamatnugutan at pinaghaharian ang kanilang mga kapalaran at buhay, lumilitaw ang paghihimagsik nila, at pagkatapos ay nagkakaroon ng paghihiwalay sa pagitan nila at ng Diyos; na lumilikha ng sigalot at malaking distansya sa pagitan nila at ng Diyos. Sa ganoong mga panahon, sa kanilang mga puso, ang Diyos ay hindi kaibig-ibig nang kahit kaunti; Siya ay hindi talaga makapangyarihan, dahil ang ginagawa Niya ay hindi nakatutupad ng kanilang mga hiling. Pinalulungkot sila ng Diyos; inaaburido Niya sila; nagdadala Siya ng sakit at dusa sa kanila; ipinadarama Niya sa kanila ang kawalang-kapanatagan. Kung kaya hindi man lang sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay naghihimagsik laban sa Kanya at nilalayuan Siya. Sa paggawa nito, isinasagawa ba nila ang katotohanan? Sinusunod ba nila ang daan ng Diyos? Sinusunod ba nila ang Diyos? Hindi. Gaano man karami ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at paano ka man kumilos dati ayon sa iyong sariling kalooban at naghimagsik laban sa Diyos, kung lubos mong hinahangad ang katotohanan, at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at ang mapungusan ng mga ito; kung, sa lahat ng pinamamatnugutan Niya ay nagagawa mong sumunod sa daan ng Diyos, sundin ang Kanyang mga salita, matutunang arukin ang Kanyang mga layunin, magsagawa ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, at nagagawa mong magpasakop sa pamamagitan ng paghahanap, at kung mabibitiwan mo ang lahat ng iyong sariling kagustuhan, pagnanais, pagsasaalang-alang, intensyon, at hindi mo kakalabanin ang Diyos, kung gayon ay sumusunod ka sa Diyos. Maaaring sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit kung lahat ng ginagawa mo ay ayon sa sarili mong kagustuhan, at may sarili kang mga layon at plano, at hindi mo ipinagpapasa-Diyos ang mga ito, ang Diyos pa rin ba ang iyong Diyos? Hindi, hindi Siya. Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, kung gayon, kapag sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, hindi ba ito mga hungkag na salita? Ang mga ganitong salita ba ay hindi pagtatangkang lokohin ang mga tao? Maaaring sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit kung ang lahat ng iyong mga kilos at gawa, ang iyong pananaw sa buhay, at mga pagpapahalaga, at asal at mga prinsipyo na ginagamit mo sa pagharap at pagdadala sa mga bagay ay nanggaling lahat kay Satanas—kung pinangangasiwaan mo ang lahat ng ito nang ganap na nakaayon sa mga batas at lohika ni Satanas, isa ka bang tagasunod ng Diyos kung gayon? (Hindi.) … Kung ang isang tao ay sa panlabas lang tinalikdan ang lahat at ginampanan ang kanyang tungkulin, tila sinusunod ang Diyos, subalit lahat ng kanyang iniisip at kilos ay ayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas, siya ba ay tunay na tagasunod ng Diyos? (Hindi.) Hindi, dahil palagi siyang naghihimagsik laban sa Diyos, hindi niya isinasagawa ang katotohanan, at hindi nagpapasakop sa Diyos. Bakit siya naniniwala sa Diyos kung gayon? Ano nga ba ang tunay na gusto niyang makamit? Napakahirap nitong maunawaan. Siya ba ay tunay na mananampalataya sa Diyos? Hindi; sa mas magandang pananalita, siya ay naniniwala sa relihiyon. Maaaring sinasabi niya na may pananalig siya sa Diyos, ngunit hindi siya kinikilala ng Diyos. Ituturing siya ng Diyos na taong gumagawa ng masama, at hindi Niya ililigtas ang gayong tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa mga Ritwal na Panrelihiyon

Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Iyong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok sa kanilang gawain, samantalang iyong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Sa malao’t madali, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay bang naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lamang na matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong itinatakda ng tao. Hindi itinatakwil ng Diyos ang sinumang tao nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakakumbinsi sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makakakumbinsi sa tao. Kung ang pananampalataya ba ng tao ay tunay o hindi, ay napapatunayan ng mga katunayan at hindi maitatakda ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Ano ba ang Ibig Sabihin ng Tunay na Pananalig sa Diyos?

Ang Pagsisikap ba ay Katulad ng Tunay na Pananalig sa Diyos?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Pagsubok ng Isang Mahirap na Sitwasyon

Kaugnay na mga Himno

Dapat Sambahin ng Buong Sangkatauhan ang Diyos

Dapat Mong Hangaring Magkaroon ng Tunay na Pagmamahal sa Diyos

Mga Pagpapahayag ng Pananampalataya sa Diyos

Sinundan: 12. Paano harapin at pangasiwaan ang mga anticristo

Sumunod: 2. Bakit kailangang tanggapin ng mga mananampalataya sa Diyos ang Kanyang paghatol at pagkastigo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito