15. Ang paggampan nang maayos sa tungkulin ay tunay na patotoo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Dapat maunawaan ng lahat ng nananalig sa Diyos ang mga layunin Niya. Tanging ang mga gumaganap nang maayos sa mga tungkulin nila ang makakapagpalugod sa Diyos, at sa pamamagitan lang ng pagtupad sa atas ng Diyos magiging pasok sa pamantayan ang paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin. May isang pamantayan para sa pagsasakatuparan ng atas ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.” Ang “pag-ibig sa Diyos” ay isang aspekto ng hinihingi ng Diyos sa mga tao. Saan dapat ipamalas ang hinihinging ito? Na dapat mong tapusin ang atas ng Diyos. Sa praktikal na pananalita, ito ay pagtupad ng iyong tungkulin nang maayos bilang isang tao. Kaya ano ang pamantayan para sa pagtupad nang maayos sa iyong tungkulin? Hinihingi ng Diyos na gampanan mo ang iyong tungkulin nang maayos bilang isang nilikha nang buong puso, kaluluwa, isipan, at lakas mo. Dapat madali lang itong maunawaan. Para maabot ang hinihingi ng Diyos, pangunahin mong kailangang ilagay ang puso mo sa iyong tungkulin. Kung kaya mong ilagay ang puso mo rito, magiging madali para sa iyong kumilos nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin sa pamamagitan lang ng pagsandig sa mga imahinasyon ng iyong isipan, at sa pagsandig sa iyong mga kaloob, maaabot mo ba ang mga hinihingi ng Diyos? Tiyak na hindi. Kaya, ano ang pamantayan na dapat maabot para matupad ang atas ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin nang deboto at maayos? Ito ay ang gampanan mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung susubukan mong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin nang walang mapagmahal-sa-Diyos na puso, hindi ito uubra. Kung ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso ay lumagong lalo pang mas malakas at mas totoo, likas mong magagawang gampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Kung Ano ba Talaga ang Ipinamumuhay ng mga Tao
Kung talagang mayroon kang konsensiya, kailangan kang magkaroon ng pasanin, at makadama ng responsabilidad. Kailangan mong sabihing: “Lulupigin man ako o gagawing perpekto, kailangan kong magpatotoo nang maayos sa hakbang na ito.” Bilang isang nilikha, maaaring ganap na malupig ng Diyos ang isang tao, at sa huli, nagagawa niyang mapalugod ang Diyos, na tinutumbasan ang pagmamahal ng Diyos ng isang mapagmahal-sa-Diyos na puso at sa ganap na paglalaan ng sarili sa Diyos. Ito ang responsabilidad ng tao, ito ang tungkuling dapat gampanan ng tao, at ang pasaning dapat dalhin ng tao, at kailangang kompletuhin ng tao ang atas na ito. Saka lamang siya tunay na nananampalataya sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (3)
Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pagmamahal at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pagmamahal, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging mga kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Magpapakita ka ba ng debosyon sa iyong gampanin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang isakatuparan ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano maisasakatuparan ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananalig sa Akin. Marami na Akong nagawa; paano Ako susuko sa kalagitnaan ayon sa iyong palagay? Malawak na ang gawaing nagampanan Ko; paano Ko iyon mawawasak? Sa katunayan, naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito. Ito ay totoo, ngunit higit pa rito, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, upang magsimula ng bagong gawain, at, higit sa lahat, upang palaganapin ang ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang gawain ngayon ay para lamang simulan ang isang kapanahunan, at upang ilatag ang pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas sa kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasingsimple ng iniisip mo, hindi rin ito kasing walang halaga o walang kahulugan gaya ng pinaniniwalaan mo. Samakatwid, dapat Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ibigay ang iyong buhay sa Aking gawain, at bukod dito, dapat mong italaga ang iyong sarili sa Aking kaluwalhatian. Matagal Ko nang hinahangad na magpatotoo ka sa Akin, at higit Kong hinahangad na palaganapin mo ang Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?
Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang tanging eksepsiyon ay kung mahina ang iyong kakayahan at mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyonal na gawain, at humahantong ito sa paglitaw ng ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at pinipigilan na makamit ang magagandang resulta, ngunit ginagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya. Hindi ka kumikilos para bigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, nagbibigay ka ng palagiang pagsasalaang-alang sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid na ang puso mo; kung, dagdag pa rito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasok ka sa pamantayan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Kung gayon, ikaw ay magkakaroon ng patotoo.
Ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan. Lagi silang namumuhay ayon sa laman, nag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, laging pinagpapakasasa ang kanilang mga makasariling pagnanais. Ilang taon man silang manampalataya sa Diyos, hindi sila kailanman makapapasok sa katotohanang realidad. Ito ang tanda ng pagbibigay-kahihiyan sa Diyos. Sinasabi mo, “Wala naman akong anumang ginagawa para labanan ang Diyos. Paano ako nakapagbigay ng kahihiyan sa Kanya?” Lahat ng ideya at iniisip mo ay buktot. Ang mga intensyon, layon at motibong nasa likod ng iyong mga ginagawa, at ang mga kahihinatnan ng iyong mga pagkilos ay palaging binibigyang-kasiyahan si Satanas, ginagawa kang katatawanan nito, at hinahayaan itong may panghawakan sa iyo. Wala kang naibigay na patotoo na dapat mayroon ang isang Kristiyano. Ikaw ay kay Satanas. Nagbibigay-kahihiyan ka sa pangalan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi ka nagtataglay ng tunay na patotoo. Tatandaan ba ng Diyos ang mga nagawa mo? Sa huli, anong kongklusyon ang mabubuo ng Diyos tungkol sa lahat ng iyong ikinilos, inasal at mga tungkulin na iyong ginampanan? Hindi ba’t kailangang may kalalabasan iyon, isang uri ng pahayag? Sa Bibliya, sinasabi ng Panginoong Jesus, “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Bakit ito sinabi ng Panginoong Jesus? Bakit naging mga taong gumagawa ng masama ang napakarami sa mga nangaral, nagpalayas ng mga demonyo, at nagsagawa ng maraming himala sa pangalan ng Panginoon? Ito ay dahil hindi nila tinanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, hindi nila sinunod ang Kanyang mga utos, at hindi minahal ang katotohanan sa kanilang puso. Ginusto lang nilang ipagpalit ang gawaing ginawa nila, ang mga paghihirap na tiniis nila, at ang mga sakripisyong ginawa nila para sa Panginoon para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Sa ganito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos, at sinusubukan nilang gamitin at linlangin ang Diyos, kaya kinasawaan, kinamuhian, at kinondena sila ng Panginoong Jesus bilang mga taong gumagawa ng masasama. Ngayon, tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pero naghahangad pa rin ng reputasyon at katayuan ang ilan, at lagi nilang ninanais na mamukod-tangi, laging gustong maging mga lider at manggagawa at magtamo ng reputasyon at katayuan. Bagama’t sinasabi nilang lahat na nananampalataya at sumusunod sila sa Diyos, at tumatalikod sila sa mga bagay at gumugugol sila para sa Diyos, ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin para magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lagi silang may mga sarili nilang pakana. Hindi sila mapagpasakop o tapat sa Diyos, kaya nilang walang pakundangang gumawa ng masasamang bagay nang hindi pinagninilayan ang kanilang sarili ni kaunti, kaya nga sila ay naging mga taong gumagawa ng masama. Kinasusuklaman ng Diyos ang masasamang taong ito, at hindi sila inililigtas ng Diyos. Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ibinubunyag, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang taong gumagawa ng masama. Ano ang tingin ng Diyos sa mga taong gumagawa ng masama? Sa paningin ng Diyos, ang mga iniisip at mga panlabas mong kilos ay hindi nagpapatotoo para sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng pagsira ng dangal Niya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni isinasakatuparan ang mga responsabilidad at obligasyon mo alang-alang sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng “para sa iyong sariling kapakanan”? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t mawawalan ng saysay sa huli ang gayong pananampalataya?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon
Anumang mga pagsubok ang kaharapin mo, dapat kang lumapit sa Diyos—tama ito. Kailangan mong pagnilayan ang iyong sarili habang hindi ipinagpapaliban ang pagganap sa iyong tungkulin. Huwag mo lamang pagnilayan nang hindi ginagampanan ang iyong tungkulin, nang pinapabayaan ang mahalaga para pagtuunan ang hindi mahalaga—kahangalan iyan. Anumang pagsubok ang sumapit sa iyo, kailangan mong ituring ito na isang pasaning bigay sa iyo ng Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakasakit nang malubha—hindi makayanan ang pasakit nila, at ang ilan ay nahaharap pa sa kamatayan. Paano nila dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Sa maraming pagkakataon, ang mga pagsubok ng Diyos ay mga pasaning ibinibigay Niya sa mga tao. Gaano man kabigat ang pasaning inilagay sa iyo ng Diyos, iyan ang pasaning dapat mong buhatin, sapagkat nauunawaan ka ng Diyos, at alam Niyang kaya mong tiisin ito. Ang pasaning bigay sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit sa iyong tayog o sa mga limitasyon ng iyong pagtitiis, at walang duda na makakayanan mong tiisin iyon. Anumang uri ng pasanin ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, anumang uri ng pagsubok, tandaan mo ang isang bagay: Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos at binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka man o hindi ng Banal na Espiritu pagkatapos mong manalangin, dinidisiplina o binabalaan ka man ng Diyos sa pagsubok na ito o hindi, hindi mahalaga kung hindi mo ito nauunawaan—basta’t hindi ka nagpapaliban sa paggawa ng iyong tungkulin at tapat mong napanghahawakan ang iyong tungkulin, malulugod ang Diyos, at maninindigan ka sa iyong patotoo. Habang nakikitang nagdurusa sila mula sa malubhang karamdaman at mamamatay na, iniisip ng ilang tao sa kanilang sarili: “Nagsimula akong manampalataya sa Diyos para maiwasan ang kamatayan—ngunit lumalabas na kahit pagkatapos ng maraming taong ito ng paggampan sa aking tungkulin, hahayaan Niya akong mamatay. Dapat kong pangasiwaan ang sarili kong kapakanan, gawin ang mga bagay na matagal ko nang gustong gawin, at tamasahin ang mga bagay na hindi ko pa natatamasa sa buhay. Maaari kong ipagpaliban ang aking tungkulin.” Anong saloobin ito? Ilang taon mo nang ginagawa ang iyong tungkulin, nakinig ka na sa lahat ng sermon na ito, at hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Ibinabagsak ka, pinaluluhod ka, at inilalantad ka ng isang pagsubok. Karapat-dapat bang pangalagaan ng Diyos ang gayong tao? (Hindi siya karapat-dapat.) Ganap siyang walang katapatan. Kaya ano ang tawag sa tungkuling ilang taon na nilang ginagampanan? Tinatawag itong “pagtatrabaho,” at iginugugol lang nila ang kanilang sarili. Kung, sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, “Itulot man ng Diyos ang karamdaman o anumang hindi kaaya-ayang pangyayari na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilikha. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gawin. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,” hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng determinasyon at ganitong uri ng kalagayan, magrereklamo ka pa rin ba tungkol sa Diyos? Hindi, hindi ka magrereklamo. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, “Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa lahat ng taong ito, inilayo Niya ako sa labis na pasakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, mababa ang tayog ko, hindi ko alam ang mas makakabuti, at palagi akong gumagawa ng mga bagay na nakakasakit sa Diyos. Maaaring wala na akong mga pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na mayroon ako, at ialay sa Diyos ang lahat ng aking makakaya, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng pagtustos Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga, at nang sa gayon ay makapaghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.” Ano ang tingin mo roon? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, “Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gawin ang aking tungkulin at maging deboto. Paano ako magiging deboto kapag may karamdaman ako? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilikha?” Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gawin ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi magbigay ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing “Oo” ngayon, pero kapag tunay na sumapit sa iyo ang karamdamang ito, sasabihin mong “Hindi ito madali.” Kaya, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at higit na pagnilayan kung paano mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos, paano mo masusuklian ang pagmamahal ng Diyos, at paano mo matutupad ang tungkulin ng isang nilikha.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Maaaring Magkaroon ng Landas na Susundin
Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang pungusan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka dapat magpaapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man kanegatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang gumagampan sa iyong mga tungkulin nang pasok sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sila sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magpunyagi sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na pasok sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi ang kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gampanin nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang patahimikin ang puso nila sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat ng makakaya para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi nalilimitahan ng anumang lagay ng loob o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong tapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang buhay pagpasok at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinakakahindik-hindik na krimen, kung saan kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at magtangkang makipagkompetensiya sa Kanya. Ano ang halaga ng gawing perpekto ang gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang makonsensiya at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kamuhian ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagiging mapaghimagsik at katiwalian, at higit pa rito, dapat nilang ibigay ang lahat sa Diyos, maging ang buhay nila. Saka lamang sila magiging mga nilikha na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng ipinagawa sa inyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakakilatis ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nasuri na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensiya sa inyong kalooban? Kanino maaaring maging karapat-dapat ang inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Wala Akong ibang pagpipilian at buong-puso na Akong naging tapat sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng mga buktot na intensyon at hindi buo ang puso ninyo sa Akin. Iyan ang tungkuling nagampanan ninyo, ang kakarampot na papel na pinaglingkuran ninyo. Hindi ba’t ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha? Paano kayo maituturing bilang isang nilikha? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi naihanda para sa mga walang-silbi at mababang-uri na katulad ninyo, kundi para sa mga iyong walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang-kakayahan, ay lubos na hindi karapat-dapat na matamasa ang biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa inyong mga araw! Kung hindi ninyo kayang maging deboto sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kalalabasan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan! Hindi lamang hindi sinisikap ng mga mangmang at mayayabang ang kanilang makakaya, ni hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin, nakalahad pa ang kanilang mga palad para sa biyaya, na para bang karapat-dapat sila sa kanilang hinihingi. At kung bigo silang matamo ang kanilang hinihingi, lalo pa silang nagiging hindi matapat. Paano maituturing na nagtataglay ng katwiran ang gayong mga tao? Mahina ang inyong kakayahan at wala kayong katwiran, ganap kayong walang kakayahang tuparin ang tungkuling dapat ninyong gawin sa gawain ng pamamahala. Bumagsak na ang inyong kahalagahan. Ang kabiguan ninyong suklian Ako sa pagpapakita sa inyo ng gayong biyaya ay isa nang pagpapakita ng sukdulang paghihimagsik, na sapat upang kayo ay kondenahin at nagpapamalas ng inyong karuwagan, kawalan ng kakayahan, pagiging mababang uri, at karumihan. Ano ang karapatan ninyong patuloy na ilahad ang inyong mga kamay? Na hindi ninyo magawang tumulong kahit kaunti sa Aking gawain, hindi ninyo kayang maging deboto, at hindi kayang manindigan sa inyong patotoo para sa Akin ay ang inyong mga maling gawa at kabiguan, ngunit sa halip ay tinutuligsa ninyo Ako, nagsasabi kayo ng kasinungalingan tungkol sa Akin, at nagrereklamo kayo na hindi Ako matuwid. Ito ba ang bumubuo sa inyong katapatan? Ito ba ang bumubuo sa inyong pagmamahal? Ano ang iba pang gawaing magagawa ninyo na higit kaysa rito? Paano kayo nakatulong sa lahat ng gawaing nagawa? Gaano kalaki ang inyong nagugol? Nagpakita na Ako ng malaking pagpaparaya sa pamamagitan ng hindi Ko paninisi sa inyo, subalit patuloy pa rin kayong hindi nahihiyang mangatwiran sa Akin at magreklamo tungkol sa Akin nang lihim. Mayroon ba kayong kahit katiting na bahid ng pagkatao? Bagama’t ang tungkulin ng tao ay nadudungisan ng maraming kaisipan at kuru-kuro ng tao, kailangan mong gawin ang iyong tungkulin at maging deboto. Ang mga karumihan sa gawain ng tao ay isang isyu ng kanyang kakayahan, samantalang, kung hindi ginagawa ng tao ang kanyang tungkulin, nagpapakita ito ng kanyang pagiging mapaghimagsik. Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o dahilan. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin alang-alang sa pagtanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik. Sa pamamagitan ng proseso ng paggampan ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas ginagampanan mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan ang makakamit mo, at magiging mas praktikal ang iyong pagpapahayag. Iyong mga pabasta-basta sa paggampan ng kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi gumagampan ng kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi nagsasagawa ng katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila iyong mga nananatiling hindi nagbabago at magdurusa sa kasawian. Hindi lamang hindi dalisay ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Kaugnay na mga Himno
Tuparin Mo ang Iyong Tungkulin at Maninindigan Ka sa Iyong Patotoo