16. Bakit sinasabing ang paggampan ng mga tungkulin ang pinakamahusay na nagbubunyag sa mga tao
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay nagsasanay na ngayon na gumanap sa kanilang mga tungkulin, at ginagamit ng Diyos ang pagganap ng mga tao sa kanilang tungkulin para gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao at itiwalag ang isa pa. Kaya, ang pagganap ng tungkulin ang naglalantad sa bawat uri ng tao, at ang bawat uri ng mapanlinlang na tao, hindi mananampalataya, at masamang tao ay nabubunyag at natitiwalag sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ang mga gumaganap nang tapat sa kanilang mga tungkulin ay matatapat na tao; ang mga palaging pabasta-basta ay mapanlinlang, tusong mga tao, at sila ay mga hindi mananampalataya; at yaong mga nagiging dahilan ng mga paggambala at kaguluhan sa paggawa ng kanilang mga tungkulin ay masasamang tao at mga anticristo. Ngayon, umiiral pa rin ang napakaraming problema sa marami sa mga gumaganap ng mga tungkulin. Ang ilang tao ay laging napakapasibo sa kanilang mga tungkulin, laging nakaupo at naghihintay at umaasa sa iba. Anong uri ng pag-uugali iyan? Pagiging iresponsable. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng isang tungkulin, ngunit ilang araw mo itong pinag-iisipan nang walang natatapos na anumang kongkretong gawain. Hindi ka nakikita sa trabaho, at hindi ka nahahanap ng mga tao kapag mayroon silang mga problemang kinakailangang lutasin. Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa gawaing ito. Kung magtatanong ang isang lider tungkol sa gawain, ano ang sasabihin mo sa kanya? Hindi ka gumagawa ng anumang uri ng gawain ngayon. Alam na alam mo na responsabilidad mo ang gawaing ito, pero hindi mo ito ginagawa. Ano ba ang iniisip mo? Hindi ka ba gumagawa ng anumang gawain dahil wala kang kakayahan dito? O sakim ka lang sa kaginhawahan? Ano ang saloobing mayroon ka sa iyong tungkulin? Nagsasalita ka lang tungkol sa mga salita at doktrina at sinasabi mo lang ang mga bagay na masarap pakinggan, ngunit wala kang ginagawang aktuwal na gawain. Kung ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat kang magbitiw. Huwag kang manatili sa iyong posisyon at walang anumang gawin doon. Hindi ba’t sa paggawa nito ay pinipinsala mo ang mga taong hinirang ng Diyos at ikinokompromiso ang gawain ng iglesia? Sa paraan ng iyong pagsasalita, tila nauunawaan mo ang lahat ng klase ng doktrina, pero kapag hiniling sa iyo na gampanan ang isang tungkulin, pabaya ka, at hindi matapat kahit kaunti. Iyan ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? Hindi ka sinsero pagdating sa Diyos, pero nagkukunwari kang may sinseridad. Kaya mo ba Siyang linlangin? Sa paraan ng iyong karaniwang pagsasalita, tila mayroong malaking pananalig; gusto mong maging haligi ng iglesia at maging sandigan nito. Ngunit kapag ginagampanan mo ang isang tungkulin, mas wala kang silbi kaysa sa isang palito ng posporo. Hindi ba’t ito ay lantarang panlilinlang sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa iyo sa pagtatangkang linlangin ang Diyos? Itataboy at ititiwalag ka Niya! Lahat ng tao ay nabubunyag sa pagganap sa kanilang mga tungkulin—italaga lang ang isang tao sa isang tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag kung siya ba ay isang matapat na tao o isang mapanlinlang na tao at kung siya ba ay nagmamahal sa katotohanan o hindi. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay kayang taos-pusong gampanan ang kanilang mga tungkulin at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos ni bahagya, at iresponsable sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Agad itong malinaw sa mga taong may matalas na pang-unawa. Walang sinumang hindi maayos ang pagganap sa tungkulin ang nagmamahal sa katotohanan o isang matapat na tao; ang mga gayong tao ay lahat mabubunyag at matitiwalag. Para magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, dapat magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at pasanin ang mga tao. Sa paraang ito, tiyak na magagawa nang maayos ang gawain. Nakakabahala lang kapag may isang taong walang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad, kapag kailangan siyang himukin na gawin ang lahat ng bagay, kapag palagi siyang pabasta-basta, at sinusubukan niyang ipasa ang sisi sa iba kapag lumilitaw ang mga problema, na humahantong sa pagkaantala ng kanyang pagpapasya. Kung gayon, magagawa pa rin kaya nang maayos ang gawain? Maaari kayang magbunga ng anumang resulta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin? Ayaw nilang gawin ang alinmang gampanin na isinaayos para sa kanila, at kapag nakikita nila ang ibang tao na nangangailangan ng tulong sa gawain, hindi nila pinapansin ang mga ito. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inutusan sila, kapag kinakailangan na talaga nilang kumilos, at wala silang magawa. Hindi ito paggampan sa tungkulin—ito ay may bayad na pagtatrabaho! Ang isang bayarang trabahador ay nagtatrabaho para sa isang amo, gumagawa ng isang araw na trabaho para sa isang araw na sahod, isang oras ng trabaho para sa isang oras na sahod; naghihintay siyang mabayaran. Natatakot siyang gumawa ng anumang trabahong hindi nakikita ng kanyang amo, natatakot siyang hindi mabayaran sa anumang ginagawa niya, nagtatrabaho lamang siya bilang pakitang-tao—na ang ibig sabihin ay wala siyang katapatan. Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Ang ilan sa inyo ay nasangkot sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain o pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, dapat may nalalaman ka kahit papaano, sapagkat kayong lahat ay naging kabahagi sa gawaing ito. Kaya bakit walang sinasabi ang karamihan sa mga tao? Posibleng hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—na hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay lubos kayong walang pakialam, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga bagay na ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang gawaing dapat tapusin. At ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa ganitong mga bagay. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang nakisangkot, magkakaroon ka ng pananaw at perspektiba sa lahat ng bagay. Ang kawalan ng perspektiba o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at kawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsabilidad. Hindi ka masigasig sa tungkuling ginagampanan mo, hindi ka humahawak ng anumang responsabilidad, hindi ka handang magbayad ng halaga o makisangkot. Hindi ka naglalaan ng kahit anong pagsusumikap, ni hindi ka handang gumugol ng mas maraming lakas; nais mo lamang maging tauhan, na walang ipinagkaiba sa kung paano nagtatrabaho ang isang walang pananampalataya para sa kanyang amo. Ang ganitong paggampan sa tungkulin ay hindi gusto ng Diyos at hindi ito nakalulugod sa Kanya. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao
Nabubunyag sa pagganap ng tungkulin ng isang tao kung siya ay tunay na may pananampalataya sa Diyos. Upang matukoy kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, obserbahan ninyo kung ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang may prinsipyo. Ang ilang tao ay walang anumang prinsipyo kapag gumaganap ng tungkulin nila. Palagi nilang sinusunod ang sarili nilang mga hilig at kumikilos sila nang pabasta-basta. Hindi ba’t pagpapakita ito ng pagiging pabaya? Hindi ba’t nililinlang nila ang Diyos? Kahit kailan ba ay naisaalang-alang na ninyo ang mga kahihinatnan ng gayong pag-uugali? Hindi kayo nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pagganap ninyo sa tungkulin. Wala kayong pakundangan at hindi kayo epektibo sa lahat ng inyong ginagawa, wala kayong buong-pusong dedikasyon at pagsisikap. Matatamo ba ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos sa ganitong paraan? Maraming tao ang gumaganap sa kanilang tungkulin nang may pag-aatubili, at hindi nila kayang magpursige. Hindi nila matiis ang kahit katiting na pagdurusa at lagi nilang nararamdaman na naagrabyado sila nang husto, hindi rin nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga paghihirap. Masusundan ba nila ang Diyos hanggang sa huli sa pagganap ng kanilang tungkulin sa ganitong paraan? Ayos lang ba na maging pabaya sa anumang ginagawa nila? Magiging katanggap-tanggap ba ito sa konsiyensiya? Kahit na sukatin ayon sa mga pamantayan ng tao, hindi katanggap-tanggap ang gayong asal—kaya pwede ba itong maituring na kasiya-siyang pagganap sa tungkulin? Kung gagampanan mo ang tungkulin mo sa ganitong paraan, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan. Hindi magiging kasiya-siya ang pagtatrabaho mo. Kung magkagayon, paano mo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos? Maraming tao ang takot sa paghihirap kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin, masyado silang tamad at nagnanasa ng kaginhawahan ng katawan. Hindi sila kailanman nagsusumikap na matutunan ang mga kasanayan na pang-espesyalista o mapagnilay-nilayan ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang pagiging pabasta-basta sa ganitong paraan ay nakakabawas ng abala. Hindi nila kailangang magsaliksik pa o humingi ng payo kaninuman. Hindi nila kailangang gamitin ang utak nila o mag-isip nang malalim. Dahil dito ay hindi na nila kailangan pang magsumikap nang husto at hindi na nahihirapan ang kanilang katawan, at nagagawa pa rin nilang matapos ang gawain. At kung pupungusan mo sila, nagiging mapanlaban sila at nakikipagtalo sila: “Hindi ako tamad o walang ginagawa, natapos na ang gawain—bakit naghahanap ka pa ng maipipintas? Hindi ba’t hinahanapan mo lang ako ng mali? Maayos na ang paggawa ko sa ganitong pagganap sa tungkulin ko. Paanong hindi ka pa nasisiyahan?” Tingin ba ninyo ay makakausad pa ang ganitong mga tao? Palagi silang pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at palagi silang maraming palusot. Kapag may lumilitaw na mga problema ay ayaw nilang tukuyin ito ng sinuman. Anong klase ng disposisyon ito? Hindi ba’t ito ang disposisyon ni Satanas? Magagampanan ba ng mga tao ang kanilang tungkulin nang katanggap-tanggap kapag gayon ang kanilang disposisyon? Mapapalugod ba nila ang Diyos? Ganito ba ninyo gampanan ang inyong tungkulin? Sa panlabas ay mukhang abala kayo, nakikipagtulungan nang maayos sa iba nang walang anumang pagtatalo. Gayunpaman, wala sa inyo ang nagsusumikap sa inyong tungkulin, pinag-iisipan ito nang matindi, o nag-aabala rito. Wala sa inyo ang nawawalan ng ganang kumain o napupuyat dahil hindi ninyo nagampanan nang mabuti ang inyong tungkulin. Wala sa inyo ang naghahanap sa katotohanan o sumusunod sa mga prinsipyo upang lutasin ang mga problema. Lahat kayo ay nakararaos lamang, pabasta-bastang gumagawa nang wala sa loob. Kakaunti lang sa inyo ang umaako ng tunay na responsabilidad sa inyong tungkulin. Anuman ang mga paghihirap na dumarating, hindi kayo nagtitipon-tipon upang taimtim na magdasal o hindi ninyo hinaharap ang mga problema at nilulutas ang mga iyon nang sama-sama. Walang pagsasaalang-alang para sa kalalabasan. Tinatapos lamang ninyo basta ang isang gawain, pagkatapos ay malalaman ninyo na kailangan itong ulitin. Ang paggawa nang ganito sa inyong tungkulin ay pagkilos lamang nang pabasta-basta at walang kaibahan sa paggawa ng mga walang pananampalataya sa kanilang mga trabaho. Ito ang saloobin ng isang taong trabahador. Sa pagganap sa inyong mga tungkulin sa ganitong paraan, hindi ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi rin ninyo taos-pusong iginugugol ang inyong sarili para sa Diyos. Kung hindi ninyo babaguhin ang pag-iisip na ito, sa huli ay mabubunyag at maititiwalag lang kayo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Isang Tao na Maayos na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos
May ilang tao na ilang taon nang nagtatrabaho nang hindi man lang nagbabago. Madalas pa rin silang nagiging negatibo, nagrereklamo, at nagpapakita ng kanilang mga tiwaling disposisyon kapag nahaharap sila sa mga paghihirap. Kapag pinupungusan sila, bumabaling sila sa pakikipagtalo at pakikipagdebate, hindi matanggap ang kahit kaunting katotohanan at talagang hindi nagpapasakop sa Diyos. Sa huli, napagbabawalan silang gumanap sa kanilang mga tungkulin. May ilang taong nakasisira sa gawain kapag gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin pero hindi sila tumatanggap ng pamumuna, sa halip, walang-kahihiyan nilang sinasabi na wala silang nagawang mali at hindi man lang sila nagsisisi. At sa wakas, kapag binawi ng sambahayan ng Diyos ang kanilang mga tungkulin at pinaalis sila, umiiyak at nagrereklamo silang umaalis sa lugar ng kanilang tungkulin. Sa ganitong paraan sila natitiwalag. Ito ang paraan kung saan lubusang nabubunyag ng mga tungkulin ang mga tao. Kadalasan, ang mga tao ay magaling magsalita at malakas sumigaw ng mga salawikain, ngunit bakit kapag gumaganap sila ng tungkulin ay hindi sila kumikilos bilang mga tao bagkus ay nagiging mga diyablo? Ito ay dahil ang mga taong walang pagkatao ay mga diyablo saanman sila pumunta; at kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan, hindi sila makapaninindigan kahit saan. May ilang taong madalas ay pabasta-basta kung gumanap sa kanilang mga tungkulin, at sinusubukan nilang makipagtalo at mangatwiran kapag pinupungusan sila. Matapos mapungusan nang paulit-ulit, nakararamdam sila ng kaunting pagnanais na magsisi, kaya nagsisimula silang gumamit ng mga pamamaraan ng pagpipigil sa sarili. Gayunman, sa huli, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, at kahit pa maaaring manumpa sila at sumpain nila ang kanilang sarili, wala itong maitutulong, at hindi pa rin nila malulutas ang problema ng pagiging pabasta-basta nila, ni ang problema ng pakikipagtalo at pakikipagdebate nila. Pagkatapos kasuklaman at punahin ng lahat kalaunan ang taong ito ay saka lamang siya napipilitang aminin sa wakas na, “May mga tiwaling disposisyon nga ako. Gusto kong magsisi ngunit hindi ko ito magawa. Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes, ang sarili kong dangal at reputasyon, na nagdudulot sa aking madalas na maghimagsik laban sa Diyos. Gusto kong isagawa ang katotohanan, ngunit hindi ko mabitiwan ang mga layunin at pagnanais ko; hindi ko mapaghimagsikan ang mga iyon. Palagi kong ninanais na gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa sarili kong kalooban, bumubuo ako ng mga pakana upang makaiwas sa gawain, at ninanasa kong maglibang at magsaya. Hindi ko kayang tumanggap ng pagpupungos at palagi kong sinusubukang makipagtalo upang makatakas dito. Sa tingin ko ay sapat nang nagpakapagod at nagtiis ako ng mga paghihirap, kaya bumabaling ako sa pakikipagtalo at pakikipagdebate kapag sinusubukan akong pungusan ninuman, hindi kumbinsido sa aking puso. Napakahirap ko talagang pangasiwaan! Paano ko ba dapat hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problemang ito?” Sinisimulan nilang pagnilayan ang mga bagay na ito. Ibig sabihin nito ay may kaunti silang pagkaunawa sa kung paano dapat kumilos ang mga tao, pati na rin kaunting katwiran. Kung sa isang punto ay simulang asikasuhin ng isang trabahador ang nararapat niyang gawain at pagtuunan niyang baguhin ang kanyang disposisyon, at matanto niyang siya man ay may mga tiwaling disposisyon, na siya man ay mapagmataas at walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at na hindi siya pwedeng magpatuloy nang ganito—kapag sinimulan niyang pag-isipan at subukang intindihin ang mga bagay na ito, kapag kaya niyang hanapin ang katotohanan upang harapin ang mga problemang kanyang natutuklasan—hindi ba’t kung gayon ay masisimulan na niyang baguhin ang kanyang landas? Kung sisimulan niyang baguhin ang kanyang landas, may pag-asa siyang magbago. Ngunit kung kailanman ay hindi niya nilalayong hangarin ang katotohanan, kung wala siyang pagnanais na pagsumikapan ang katotohanan at ang alam lamang niya ay magpakapagod at gumawa, naniniwalang ang pagtapos sa kasalukuyan niyang gawain ay pagsasakatuparan na sa kanyang gawain at pagtapos na sa atas ng Diyos—kung naniniwala siyang ang pagsisikap ay nangangahulugang nagawa na niya ang kanyang tungkulin, nang hindi niya kailanman isinasaalang-alang kung ano ba ang mga hinihingi ng Diyos o kung ano ba ang katotohanan, o kung isa ba siyang taong nagpapasakop sa Diyos, at hindi siya kailanman sumusubok na alamin ang alinman sa mga bagay na ito—kung ganito niya harapin ang kanyang tungkulin, makapagtatamo ba siya ng kaligtasan? Hindi. Hindi siya nakatahak sa landas ng kaligtasan, hindi siya nakatapak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at hindi siya nakabuo ng kaugnayan sa Diyos. Nagpapakapagod at nagtatrabaho pa rin lamang siya sa sambahayan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Kung matapat kang gumugugol para sa Diyos at may-takot-sa-Diyos na puso, paano mo tatratuhin ang mga gawaing marurumi, mabibigat, o mahihirap? Magiging iba ang iyong mentalidad: Pipiliin mong gawin ang anumang mahirap at hahanapin mo ang mabibigat na pasanin. Tatanggapin mo ang mga gawaing ayaw tanggapin ng ibang tao, at gagawin mo ito dahil lamang sa pagmamahal sa Diyos at para mapalugod Siya. Mapupuno ka ng galak sa paggawa nito, nang walang anumang bahid ng reklamo. Ang mga gawaing marurumi, mabibigat at mahihirap ang nagpapakita kung ano ang mga tao. Paano ka naiiba sa mga taong tinatanggap ang magagaan at mga kapansin-pansin na gawain lamang? Wala kang masyadong ipinagkaiba sa kanila. Ganyan nga ba? Ganito mo dapat tingnan ang mga bagay na ito. Kung gayon, ang pinakanagbubunyag sa mga tao kung ano sila ay ang kanilang pagtupad sa kanilang tungkulin. Madalas, nagsasabi ng matatayog na bagay ang ilang tao, nagpapahayag na handa silang mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya, ngunit kapag nakaharap sila ng hirap sa paggampan ng kanilang tungkulin, pinawawalan nila ang lahat ng uri ng reklamo at mga negatibong salita. Halatang-halata na sila ay mga ipokrito. Kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, kapag siya ay nahaharap sa hirap sa pagtupad sa kanyang tungkulin, magdarasal siya sa Diyos at hahanapin ang katotohanan habang masigasig na ginagampanan ang kanyang tungkulin kahit pa hindi ito angkop na naisasaayos. Hindi siya magrereklamo, kahit pa nahaharap sa mabibigat, marurumi o mahihirap na gawain, at magagawa niya nang maayos ang kanyang mga gawain at magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Nakadarama siya ng malaking kasiyahan sa paggawa nito, at ikinaaaliw ng Diyos na makita ito. Ito ang uri ng tao na nakukuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung ang isang tao ay nagiging masungit at bugnutin sa sandaling nakaharap siya ng marurumi, mahihirap o mabibigat na gawain, at hindi siya pumapayag na punahin siya ninuman, ang ganoong tao ay hindi isang taong matapat na ginugugol ang sarili niya para sa Diyos. Maaari lamang siyang ibunyag at itiwalag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang bagay na pinakakapansin-pansing sumasalamin sa ugnayang nagdurugtong sa iyo sa Diyos ay kung paano mo ituring ang mga bagay na ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos at ang tungkuling iniaatas Niya sa iyo, at ang saloobing mayroon ka. Ang pinakakapuna-puna at pinakapraktikal ay ang usaping ito. Naghihintay ang Diyos; gusto Niyang makita ang iyong saloobin. Sa pinakamahalagang sandaling ito, dapat mong bilisang ipaalam sa Diyos ang iyong paninindigan, tanggapin ang Kanyang atas, at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kapag naunawaan mo ang napakahalagang puntong ito at natupad ang gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos, ang relasyon mo sa Diyos ay magiging normal. Kung, sa pagkakatiwala sa iyo ng Diyos ng isang gawain, o pagsasabi sa iyo na gampanan mo ang isang tiyak na tungkulin, ang iyong ugali ay pabaya at walang pakialam, at hindi mo ito sineseryoso, hindi ba ito mismo ang kabaligtaran ng pagbibigay ng buong puso at lakas? Magagampanan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin sa ganitong paraan? Siguradong hindi. Hindi mo magagampanan nang sapat ang iyong tungkulin. Kaya, napakahalaga ng iyong saloobin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pati na ang pamamaraan at landas na iyong pinipili. Gaano man karaming taon silang nananalig sa Diyos, ang mga hindi nagagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin ay ititiwalag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang pinakamahalagang usaping dapat lutasin ngayon ay kung paano dapat tratuhin ang tungkulin ng isang tao. Dahil ang pagganap sa tungkulin ang pinakanaghahayag kung tunay ba o huwad ang pananampalataya ng isang tao, kung minamahal niya ba o hindi ang katotohanan, kung tama ba o maling landas ang pinipili niya, at kung nagtataglay ba siya o hindi ng konsiyensiya at katwiran. Mabubunyag ang lahat ng isyung ito sa pagganap sa tungkulin. Upang matugunan ang tanong na kung paano dapat tratuhin ang tungkulin ng isang tao, una sa lahat ay kailangan mong maunawaan kung ano ba ang tungkulin, pati na kung paano ito gagampanan nang maayos at kung ano ang gagawin kapag naharap ka sa paghihirap habang ginagampanan mo ito—kung ano-anong mga prinsipyo ang dapat sundin at isagawa alinsunod sa kung aling mga katotohanan. Kailangan mong maunawaan kung ano ang gagawin kapag mali ang naging pagkaunawa mo sa Diyos at kapag hindi mo mabitiwan ang iyong mga intensyon. Dagdag pa rito, habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, kailangan ay madalas mong pagnilayan ang mga maling kaisipan sa iyong puso na mga kaisipan at pananaw na nabibilang kay Satanas, na nakaiimpluwensiya at nakahahadlang sa pagtupad mo ng iyong tungkulin; na makapagdudulot sa iyong maghimagsik laban sa Diyos at ipagkanulo Siya habang gumagawa ka ng iyong tungkulin; at na nagdudulot sa iyong mabigo sa kung ano ang ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos—kailangan mong malaman ang lahat ng ito. Mahalaga ba ang tungkulin sa isang tao? Napakahalaga nito. Ngayon ay kailangang malinaw na sa inyo ang pangitaing ito: Napakahalaga sa pananampalataya sa Diyos ang paggampan sa inyong tungkulin. Ang pinakamahalagang aspeto ng pananampalataya sa Diyos ngayon ay ang pagganap sa tungkulin. Kung hindi magagampanan nang mabuti ang inyong tungkulin, hindi magkakaroon ng realidad. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at unti-unti silang magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, unti-unting natutukoy ng mga tao ang kanilang mga problema, at nakikilala ang kanilang tiwaling disposisyon at diwa. Kasabay niyon, sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa kanilang sarili, unti-unting matutuklasan ng mga tao kung ano talaga ang hinihingi sa kanila ng Diyos. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano talaga ang sinasampalatayaan ninyo kapag sumasampalataya kayo sa Diyos? Sa katunayan, isa itong pananampalataya sa katotohanan, isang pagtatamo ng katotohanan. Tinutulutan ng pagganap sa tungkulin ang pagtatamo ng katotohanan at buhay. Hindi matatamo ang katotohanan at buhay kung wala ang pagganap sa tungkulin. Magkakaroon ba ng realidad kung sumasampalataya ang isang tao sa Diyos nang hindi gumaganap ng tungkulin? (Hindi.) Hindi magkakaroon ng realidad. Kaya, kung hindi mo ginagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa sandaling ikaw ay matiwalag, ipakikita nitong nabigo kang sumampalataya sa Diyos. Kahit pa sinasabi mong sumasampalataya ka sa Kanya, nawalan na ng kabuluhan ang iyong pananampalataya. Isa itong bagay na kailangang lubus-lubusang maintindihan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
Ngayon na ang oras para pagpangkat-pangkatin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ito ang oras kung kailan ibinubunyag at itinitiwalag ng Diyos ang mga tao. Kung tunay kayong mananampalataya ng Diyos, dapat ninyong masikap na hangarin ang katotohanan at mahusay na gampanan ang inyong tungkulin. Kung makapagbabahagi ka ng ilang patotoong batay sa karanasan, pinatutunayan nitong isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at na nagtataglay ka ng ilang katotohanang realidad. Subalit kung hindi ka makapagbabahagi ng anumang patotoong batay sa karanasan, isa kang trabahador at nanganganib kang matiwalag. Kung ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin at responsable ka at tapat, isa kang tapat na trabahador at maaari kang manatili. Sinumang hindi isang tapat na trabahador ay dapat itiwalag. Samakatuwid, tanging sa maayos na pagganap lamang ng iyong tungkulin ka makapananatili nang matatag sa sambahayan ng Diyos, at maililigtas mula sa kalamidad. Napakahalaga ng maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Kahit papaano man lang, ang mga tao ng sambahayan ng Diyos ay mga tapat na tao. Sila ay mga taong mapagkakatiwalaan sa kanilang tungkulin, na kayang tanggapin ang ibinigay na gawain ng Diyos, at na kayang gampanan nang tapat ang kanilang tungkulin. Kung ang mga tao ay walang tunay na pananampalataya, konsensiya, at katwiran, at kung wala silang pusong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, hindi sila naaangkop na gumanap ng mga tungkulin. Kahit pa ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, pabara-bara nila itong ginagawa. Sila ay mga trabahador—mga taong hindi pa talaga nagsisi. Ang mga trabahador na tulad nito ay ititiwalag kalaunan. Tanging ang mga tapat na trabahador ang pananatilihin. Bagaman walang katotohanang realidad ang mga tapat na trabahador, nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran, nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang taos-puso, at pinahihintulutan sila ng Diyos na manatili. Ang mga nagtataglay ng katotohanang realidad, at ang mga matunog na makapagpapatotoo sa Diyos ang Kanyang mga tao, at pananatilihin at dadalhin din sila sa Kanyang kaharian.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran