6. Paano makilatis ang karakter ng mga anticristo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang unang pagpapamalas ng karakter ng mga anticristo ay ang palagiang pagsisinungaling, na ilalarawan natin bilang isang malademonyong kalikasan. Ang pagpapamalas ng malademonyong kalikasang ito ay na kahit saan at kahit kailan, anuman ang okasyon o sinuman ang kinakausap nila, ang mga salitang sinasabi ng mga gayong tao ay katulad ng mga sinasabi ng ahas at ng mga demonyo—hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan. Dapat maging lubhang maingat at mapagkilatis sa mga gayong tao, huwag basta-basta maniwala sa mga salita ng mga demonyo. Ang partikular na pagpapamalas ng palagian nilang pagsisinungaling ay na basta na lang lumalabas sa bibig nila ang mga kasinungalingan; hindi papasa sa deliberasyon, pagsusuri, o pagkilatis ang mga salitang sinasabi nila. Kaya nilang magsinungaling anumang oras, at naniniwala sila na sa lahat ng bagay, hindi sila puwedeng magsabi ng anumang totoo, na kailangang kasinungalingan ang lahat ng sinasabi nila. Kahit na tanungin mo ang edad nila, pinag-iisipan nila ito, iniisip nila, “Ano ang ibig nilang sabihin sa pagtatanong sa edad ko? Kung sasabihin kong matanda na ako, hahamakin kaya nila ako at hindi ako lilinangin? Kung sasabihin ko namang bata pa ako, hahamakin kaya nila ako, sasabihing kulang pa ako sa karanasan? Paano kaya ako dapat na sumagot?” Kahit sa gayong kasimpleng bagay, kaya pa rin nilang magsinungaling at tumangging sabihin sa iyo ang katotohanan, at ibabalik pa nga nila sa iyo ang tanong, “Ano sa tingin mo?” Sasabihin mo, “Limampung taong gulang?” “Malapit na.” “Apatnapu’t lima?” “Malapit na.” Binibigyan ka ba nila ng tumpak na sagot? Mula sa mga sagot nila, nalalaman mo ba kung gaano na sila katanda? (Hindi.) Iyon ang palagiang pagsisinungaling.
May isa pang pagpapamalas ng palagiang pagsisinungaling ng mga anticristo, at iyon ay na nagsisinungaling pa sila habang nagpapatotoo. Ang pagbibigay ng huwad na patotoo ay isang kasumpa-sumpang gawain na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Kahit sa usapin ng pagpapatotoo, naglalakas-loob silang mag-imbento, magsinungaling, at manlansi, na talaga namang nagpapakita ng pagiging walang pakialam sa mga kahihinatnan at ng kanilang hindi nagbabagong kalikasan! Kapag nakikita nilang nagpapatotoo ang iba batay sa karanasan at pagkaunawa samantalang hindi nila kaya, ginagaya nila ang iba, sinasabi kung anuman ang sinasabi ng ibang tao at gumagawa ng parehong mga karanasang pinagdaanan ng iba. Kung hindi nila nauunawaan ang isang bagay tulad ng pagkaunawa ng iba, sinasabi nilang nauunawaan nila ito. Kung wala silang mga gayong pagkaunawa na batay sa karanasan at kaliwanagan, iginigiit nila na mayroon sila ng mga ito. Kahit hindi pa sila dinidisiplina ng Diyos, iginigiit nila na dinisiplina na sila ng Diyos. Kaya nilang magsinungaling at mameke kahit sa usaping ito, hindi sila nagpapakita ng malasakit o interes gaano man kalala ang mga kahihinatnan. Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Bukod dito, lalansihin ng mga ganitong tao ang kahit na sino. May ilang puwedeng magtaka, “Ano’t anuman, mga tao pa rin ang mga anticristo: Hindi ba’t iiwasan nilang lansihin ang mga pinakamalapit sa kanila, ang mga tumulong sa kanila, o ang mga nakasama nila sa kanilang mga paghihirap? Hindi ba’t iiwasan nilang lansihin ang mga kapamilya nila?” Ang pagsasabing palagian silang nagsisinungaling ay nagpapahiwatig na kaya nilang lansihin ang kahit na sino, kahit ang kanilang mga magulang, anak, at, siyempre, ang mga kapatid. Sa malalaki at maliliit na bagay, kaya nilang lansihin ang mga tao, kahit sa mga bagay kung saan dapat silang magsalita nang matapat, kung saan ang pagsasabi nang matapat ay walang magiging masamang kahihinatnan o epekto sa kanila sa kahit anong paraan, at kung saan wala namang pangangailangang gumamit ng karunungan. Nilalansi rin nila ang mga tao at gumagamit sila ng mga kasinungalingan para resolbahin ang maliliit na bagay na sa pananaw ng iba ay hindi naman nangangailangan ng pagsisinungaling, kung saan magiging madali at walang kahirap-hirap para sa kanila na magsalita nang diretsahan. Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Masasabing ang palagiang pagsisinungaling ay isa sa mga pangunahing pagpapamalas ng mga diyablo at ni Satanas. Mula sa perspektibang ito, hindi ba’t masasabi natin na ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi lang hindi matapat, kundi namamarkahan din ng palagiang pagsisinungaling, kaya hindi ito mapagkakatiwalaan? (Oo, masasabi natin.) Kung gumagawa ng mali ang mga gayong indibidwal, pagkatapos ay lumuha matapos silang pungusan at punahin ng mga kapatid, sinasabi sa panlabas na may utang na loob sila sa Diyos, at nangangako silang magsisisi sa hinaharap, mangangahas ka bang maniwala sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi? Ang pinakamatibay na ebidensiya ay ang palagian nilang pagsisinungaling! Kahit pa magmukha silang nagsisisi, humahagulhol, hinahampas ang dibdib nila, at sumusumpa, huwag silang paniwalaan, dahil luha ng buwaya ang iniluluha nila, mga luha para lansihin ang mga tao. Hindi taos-puso ang malulungkot at nagsisising mga salitang sinasambit nila; mga mapagsamantalang taktika ito para makuha ang tiwala ng mga tao sa pamamagitan ng pandaraya. Sa harap ng mga tao, humahagulhol, umaamin ng kasalanan, sumusumpa, at ipinapaalam nila ang kanilang posisyon. Gayumpaman, ang mga may magandang relasyon sa kanila sa pribado, ang mga medyo pinagkakatiwalaan nila, ay nag-uulat ng ibang kuwento. Habang parang mukhang totoo sa panlabas ang pampubliko nilang pag-amin ng kasalanan at pagsumpa na magbabago, ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig ay nagpapatunay na ang sinabi nila dati ay hindi totoo kundi huwad, na idinisenyo para linlangin ang mas maraming tao. Ano ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig? Aaminin ba nila na huwad ang sinabi nila dati? Hindi, hindi nila aaminin. Magpapakalat sila ng pagkanegatibo, maglalahad ng mga argumento, at pangangatwiranan ang sarili nila. Ang pangangatwiran at pakikipag-argumentong ito ay nagpapatunay na ang kanilang mga pag-amin, pagsisisi, at panunumpa ay pawang huwad, ginawa para lansihin ang mga tao. Mapagkakatiwalaan ba ang mga gayong tao? Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Kaya pa nga nilang mag-imbento ng mga pag-amin, huwad na lumuha at mangakong babaguhin ang mga gawi nila, at maging ang panunumpa nila ay isang kasinungalingan. Hindi ba’t isa itong malademonyong kalikasan? Kahit pa sabihin nila, “Ito lang ang nauunawaan ko; hindi ko na alam ang iba, at humihingi ako ng kaliwanagan ng Diyos at umaasa ako sa tulong ng mga kapatid para unti-unti akong magkamit ng pagkaunawa,” ito ay magiging isang matapat na saloobin at pahayag. Gayumpaman, hinding-hindi makakapagsalita ng mga gayong matapat na salita ang mga anticristo. Pakiramdam nila, “Hahamakin ako ng mga tao kung magsasalita ako nang matapat: masisira ang reputasyon ko at mapapahiya ako—hindi ba’t tuluyan nang mawawala ang katanyagan ko? Sino ba ako? Puwede ba akong tumanggap ng pagkatalo? Kahit hindi ko nauunawaan, dapat magpanggap akong nakakaunawa nang husto; dapat ko munang lansihin ang mga tao at patatagin ang posisyon ko sa puso nila.” Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mga anticristo? Mula sa pinagmulan at paraan ng pananalita ng mga anticristo, pati na rin sa mga salitang binibigkas nila, malinaw na hindi kailanman magiging matapat ang mga gayong tao; hindi nila ito kaya. Dahil likas sa karakter nila ang palagiang pagsisinungaling, nais nilang lansihin ang mga tao at itago ang mga usapin sa lahat ng bagay, ayaw nilang malaman o makita ng sinuman ang mga totoong katunayan o aktuwal na sitwasyon. Labis na madilim ang kaloob-looban nila. Ang aspektong ito ng karakter ng mga anticristo ay puwedeng mailarawan nang may katiyakan bilang walang pagkatao at may taglay na malademonyong kalikasan. Kusang lumalabas ang mga kasinungalingan sa bibig nila, nang hindi na pinag-iisipan pa, hanggang sa puntong kahit sa pagtulog nila, wala silang sinasabing anumang totoo—pawang panlalansi ito, pawang kasinungalingan. Ito ang palagiang pagsisinungaling.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Paano ipinapamalas ng mga anticristo ang pagiging lihim na mapanira at malupit nila? (Sa abilidad nilang mag-imbento ng mga kasinungalingan at idiin ang iba.) Ang pag-imbento ng kasinungalingan at pagdidiin sa iba ay kinasasangkutan ng palagiang pagsisinungaling at pagiging lihim na mapanira at malupit; mahigpit na magkaugnay ang dalawang katangiang ito. Halimbawa, kung gumawa sila ng kasamaan at ayaw nilang managot dito, lumilikha sila ng huwad na anyo, nagsisinungaling, at pinapaniwala nila ang mga tao na iba ang gumawa nito, hindi sila. Ipinapasa nila ang sisi sa iba, at ipinapapasan sa iba ang mga kahihinatnan. Hindi lang ito buktot at ubod ng sama, kundi higit pa itong lihim na mapanira at malupit. Ano ang iba pang pagpapamalas ng pagiging lihim na mapanira at malupit ng mga anticristo? (Kaya nilang pahirapan, atakihin, at gantihan ang mga tao.) Kalupitan ang magawang pahirapan ang mga tao. Sinuman ang maging banta sa kanilang katayuan, reputasyon, o katanyagan, o sinumang hindi nila pinapaboran, gagawin nila ang lahat para atakihin at gantihan ang mga ito. Minsan, puwede pa nilang gamitin ang iba para manakit ng mga tao—ito ay pagiging lihim na mapanira at malupit. Sa madaling salita, ang pariralang “lihim na mapanira at malupit” ay nagpapahiwatig na partikular na mapaminsala ang mga anticristo. Hindi batay sa konsensiya ang paraan nila ng pakikitungo at pakikisalamuha sa mga tao, at hindi sila magkakasundo na namumuhay nang may pagkakapantay-pantay kasama ang iba; sa halip, sa bawat pagkakataon ay sinusubukan nilang samantalahin, kontrolin, at manipulahin ang iba para sa sarili nilang gamit. Hindi normal o tuwiran ang paraan ng pakikitungo ng mga anticristo sa iba; sa halip, gumagamit sila ng ilang gawi at pamamaraan para ilihis ang mga tao, samantalahin sila, at gawin silang sandata nang di-halata nang hindi nila namamalayan. Sa pakikitungo ng mga anticristo sa sinuman, mukha man itong maganda o masama sa panlabas, walang kahit kaunting sinseridad dito. Lumalapit sila sa mga tao na sa tingin nila ay kapaki-pakinabang at dumidistansiya sila sa mga taong itinuturing nilang walang silbi, hindi sila pinapansin ng mga anticristo. Kahit sa mga indibidwal na medyo totoo o bulnerable, nag-iisip sila ng mga paraan para gumamit ng iba’t ibang gawi at pamamaraan para ilihis at bitagin ang mga tao, ginagawang kapaki-pakinabang ang mga ito para sa kanilang sarili. Pero kapag mahina, nahihirapan, o nangangailangan ng tulong ang mga tao, ang mga anticristo ay nagbubulag-bulagan at walang malasakit sa kanila. Hindi sila kailanman nagpapakita ng pagmamahal o nag-aalok ng tulong sa mga gayong tao; sa kabaligtaran, may hilig pa silang mang-api, manlihis, at mag-isip ng mga paraan para lalo pang samantalahin ang mga tao. Kung hindi masamantala ng mga anticristo ang mga tao, isinasantabi nila ang mga ito at hindi sila nagpapakita ng pagmamahal o simpatiya para sa mga ito—mayroon bang anumang bahid ng kabaitan dito? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging mapaminsala? Ang pamamaraan at pilosopiya ng pakikisalamuha ng mga anticristo sa mga tao ay ang paggamit ng mga pakana at estratehiya para samantalahin at lansihin ang mga tao, para hindi sila makilatis ng mga tao, bagkus ay maging handa ang mga ito na magpaalipin sa mga anticristo at palaging sumunod sa kanilang kagustuhan. Puwede nilang apihin at pahirapan ang mga taong nakakakilatis sa kanila at hindi na nila masamantala. Puwede pa nilang kaswal na isisi ang kasalanan sa mga taong ito, na nagiging dahilan para talikuran ng mga kapatid ang mga ito, at pagkatapos ay pinapatalsik o pinapaalis ang mga ito ng mga anticristo. Sa madaling salita, lihim na mapanira at malupit ang mga anticristo, lubos na walang kabaitan at sinseridad. Hindi sila kailanman tunay na tumutulong sa iba, walang ipinapakitang simpatiya o pagmamahal kapag may mga taong nahaharap sa mga paghihirap. Sa mga pakikisalamuha nila, nagpapakana sila para sa sarili nilang benepisyo at kapakinabangan. Sinuman ang lumapit sa kanila o humingi ng tulong sa oras ng kagipitan, lagi silang nagkakalkula tungkol sa taong iyon, iniisip nila sa kanilang puso: “Kung tutulungan ko ang taong ito, ano ang mapapakinabangan ko sa hinaharap mula sa kanya? Matutulungan ba nila ako? Magagamit ko ba sila? Ano ba ang mapapala ko sa kanila?” Hindi ba’t makasarili at ubod ng sama na palagi silang nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito? (Oo.) Sa mga halalan sa iglesia, anong mga pamamaraan ang gagamitin ng mga anticristo? (Mamaliitin nila ang iba at iaangat ang sarili nila, pinapabagsak ang mga mas magaling kaysa sa kanila.) Ang pagmamaliit sa iba at pag-aangat sa sarili ay pagiging lihim na mapanira at malupit din.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal ay isang bagay na dapat mayroon sa normal na pagkatao; pagkakaroon ng katwiran ang ibig sabihin nito. Ano ang kabaligtaran ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal? (Walang kahihiyan.) Ang kahulugan ng pagiging walang kahihiyan ay ang pagiging makapal ang mukha. Sa madaling salita, maaari itong ibuod bilang kawalan ng pagpapahalaga sa dangal. Anong mga kilos ang ginagawa ng mga anticristo, at ano ang mga partikular na pagpapamalas o pagsasagawa na nagpapakita na wala silang pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan? Lantarang nakikipag-agawan ang mga anticristo sa Diyos para sa katayuan, na nagpapakita ng kawalan ng pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan. Tanging ang mga anticristo ang nakakagawa na lantarang makipagtunggali sa Diyos para sa katayuan at sa Kanyang hinirang na mga tao. Gusto man o ayaw ng mga tao, nais ng mga anticristo na kontrolin ang mga ito. May kapabilidad man sila o wala, nais ng mga anticristo na magsikap para sa katayuan, at pagkatapos na makuha ito, nagiging palamunin sila ng iglesia, kumakain at umiinom mula sa hinirang na mga tao ng Diyos, hinahayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na tustusan sila nang wala silang ginagawang kahit ano. Hinding-hindi sila nagbibigay ng buhay para sa hinirang na mga tao ng Diyos, subalit nais nilang mapasailalim ang mga ito sa kanilang kapangyarihan, na himukin ang mga itong makinig, maglingkod, at magpakaalipin sa kanila, at nais nilang itatag ang sarili nilang posisyon sa puso ng mga tao. Kung nagsasabi ka ng maganda tungkol sa ibang tao, kung pinupuri mo ang dakilang kabaitan, biyaya, mga pagpapala, at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, hindi sila natutuwa at nasisiyahan. Gusto nilang purihin mo sila parati, na magkaroon sila ng puwang sa puso mo, na igalang at tingalain mo sila, at dapat wala itong ibang halo. Lahat ng ginagawa mo ay dapat para sa kanila at nang may pagsasaalang-alang sa kanila. Dapat mo silang unahin sa bawat pagkakataon, sa lahat ng iyong sinasabi at ginagawa, isinasaalang-alang ang kanilang mga iniisip at damdamin. Hindi ba’t kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan? Hindi ba’t ganito kumilos ang mga anticristo? (Oo, ganito sila.) Ano pang ibang mga pagpapamalas ang mayroon? Ninanakaw at winawaldas nila ang mga handog, inaangkin nila ang mga handog sa Diyos. Wala rin itong pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan—masyado itong halata!
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Walang konsensiya at katwiran ang mga anticristo; paano pa nga ba nila ipinapamalas na wala silang pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan? Kapag gumagawa sila ng mali, hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi, at hindi sila nakokonsensiya sa puso nila. Hindi sila nagbubulay kung paano itatama ang mga pagkakamali nila o kung paano magsisisi, at naniniwala pa nga sila na makatwiran ang mga ginawa nila. Kapag nahaharap sa pagpupungos o kapag tinatanggal sila, nararamdaman nilang naagrabyado sila. Walang tigil silang nakikipagtalo at gumagamit ng mga salitang mapanlinlang—kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal. Hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain; sa bawat pagkakataon, sinesermonan nila ang iba at inililihis ang mga tao gamit ang mga walang kabuluhang teorya, na nagpapapaniwala sa iba na espirituwal sila at nakakaunawa sa katotohanan. Madalas din silang magyabang tungkol sa kung gaano karami ang kanilang nagawa at napagdusahan, sinasabing karapat-dapat nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos at ang pagpapatuloy at pangangalaga ng mga kapatid, kaya parang natural na lang na nagiging palamunin sila ng iglesia, at nais din nilang kumain at uminom ng masasarap at magtamasa ng espesyal na pagtrato. Kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan. Bukod pa rito, kahit malinaw na mahina ang kakayahan nila, na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at wala rin silang kapabilidad na gumawa ng anumang gawain, nagmamayabang sila na may kapabilidad at mahusay sila sa lahat ng bagay. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Kahit malinaw na wala silang alam, nagpapanggap silang alam nila ang lahat para pahalagahan at tingalain sila ng mga tao. Kapag may mga tao na may mga isyu pero hindi humihingi ng payo nila, at sa halip ay humihingi ng tulong sa iba, nagagalit, nagseselos, at naghihinanakit sila, naghahanap sila ng anumang posibleng paraan para pahirapan ang taong iyon. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Halatang madalas silang magsinungaling, na may iba’t iba silang tiwaling disposisyon, pero nagpapanggap sila na wala silang mga tiwaling disposisyon, na tinitingnan sila ng Diyos nang may pabor at minamahal sila ng Diyos; sa bawat pagkakataon, nagpapanggap silang napakahusay nila sa pagtitiis ng pagdurusa, na kaya nilang magpasakop, na kaya nilang tanggapin ang katotohanan at ang pagpupungos, na hindi sila takot sa mahirap na trabaho o sa pagpupuna, at na hindi sila kailanman nagrereklamo—pero sa realidad, puno sila ng hinanakit. Kahit na halata ang kawalan nila ng abilidad na magbahagi ng anumang pagkaunawa, o magtalakay ng anumang katotohanan nang malinaw, at wala silang patotoong batay sa karanasan, nagpapanggap at nagkukunwari sila, nagsasalita nang walang kabuluhan tungkol sa kaalaman nila sa sarili para isipin ng mga tao na espirituwal sila at maraming nauunawaan. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Malinaw na marami silang problema at masamang pagkatao, ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang katapatan, at umaasa lang sila sa sarili nilang talino at katusuhan sa anumang trabahong kanilang ginagawa, hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, pero naniniwala pa rin silang nagbubuhat sila ng pasanin, na napakaespirituwal nila at may kakayahan sila, at nakakahigit sila sa karamihan ng tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng kawalan ng pagkatao ng mga anticristo? Hindi ba’t madalas silang nagbubunyag ng mga gayong bagay? Malinaw na wala silang pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo, at kahit ano pa ang gawaing ginagawa nila, hindi nila mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, pero ayaw nilang maghanap o makipagbahaginan; umaasa sila sa sarili nilang katusuhan, karanasan, at talino para matapos ang gawain. Gusto pa nga nilang maging lider, utusan ang iba, at gusto nilang sumunod sa kanila ang lahat, at naiinis at nagagalit sila kapag may hindi sumusunod sa kanila. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Dahil may mga ambisyon, kaloob, at kaunting katusuhan sila, gusto nila parating mamukod-tangi sa sambahayan ng Diyos, at gusto nilang ilagay sila ng sambahayan ng Diyos sa mahahalagang posisyon at linangin sila. Kung hindi sila nililinang, sumasama ang loob nila at naghihinanakit sila, nagrereklamo na hindi patas ang sambahayan ng Diyos, na hindi nito nakikilala ang mga tao na may talento, at walang mabuting tagapaghusga ng talento sa sambahayan ng Diyos na makakatuklas sa mga pambihira nilang abilidad. Kung hindi sila nililinang, ayaw nilang magsikap nang husto sa paggawa ng mga tungkulin nila, magtiis ng kahirapan, o magbayad ng halaga; sa halip, gusto lang nilang gamitin ang katusuhan nila para makaiwas sa gawain. Sa puso nila, umaasa silang may isang tao sa sambahayan ng Diyos na magpapahalaga at magtataas sa kanila, para mahigitan nila ang iba at maisakatuparan ang mga dakila nilang plano rito. Hindi ba’t mga ambisyon at pagnanais ang mga ito? Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo? Kung talagang mayroon kang mga abilidad, dapat mong hangarin ang katotohanan, ituon ang pansin sa paggawa ng mga tungkulin mo nang maayos, at natural na papahalagahan ka ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung wala kang taglay na katotohanan at gusto mo pa rin parating mamukod-tangi, masyado na iyang walang katwiran! Kung mayroon ka ring mga ambisyon at pagnanais, at palagi mong gustong gawin ang lahat-lahat, tiyak na babagsak ka. Dahil minsan nang nagkaroon ng partikular na katayuan at katanyagan sa lipunan, gusto ng ilang tao na gamitin ang kanilang impluwensiya, magkaroon ng huling salita, at gusto nilang sumunod sa kanilang mga utos ang lahat pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos at pumasok sa Kanyang sambahayan. Gusto nilang ipakita ang kanilang mga kalipikasyon at kredensiyal, itinuturing nilang mas mababa kaysa sa kanila ang lahat at iniisip nilang dapat mapasailalim sa kapangyarihan nila ang lahat. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Oo. Kapag nagkakaroon ng ilang resulta at gumagawa ng ilang kontribusyon ang ilang tao habang ginagawa ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, gusto nila parati na tratuhin sila ng mga kapatid nang may malaking respeto, bilang nakatatanda, may matataas na ranggo, at espesyal na mga tao. Gusto pa nga nilang tingalain sila ng mga tao, sundin sila, at pakinggan sila. Nagnanais silang maging pangunahing tao sa iglesia; gusto nilang magpasya sa lahat ng bagay, magbigay ng paghusga at magkaroon ng huling salita sa lahat ng usapin. Kung walang makikinig o susunod sa sinasabi nila, gusto nilang iwanan ang kanilang gawain, at sirain at pagtawanan ang lahat ng ibang tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Bukod sa kawalan ng kahihiyan, partikular silang mapaminsala—anticristo ang mga ito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Ang mga anticristo ay walang konsensiya, katwiran, o pagkatao. Hindi lang sila walang kahihiyan, kundi mayroon pa silang isang palatandaan: Sila ay di-pangkaraniwang makasarili at ubod ng sama. Hindi mahirap maarok ang literal na kahulugan ng “makasarili at ubod ng sama.” Nangangahulugan ito na ang isang tao ay walang hinahangad kundi pakinabang. Kung may kinalaman ang isang bagay sa sarili nilang interes, ibubuhos nila ang kanilang puso rito, magdurusa sila at magbabayad ng halaga para dito, at mamumuhunan sila ng pag-iisip at lakas dito. Kung walang kaugnayan ang isang bagay sa sarili nilang interes, magbubulag-bulagan sila rito at hindi ito papansinin; hahayaan nilang gawin ng iba ang gusto nila—kahit pa may sinumang nagdudulot ng mga pagkagambala o panggugulo, babalewalain nila ito, at iisipin na wala itong kinalaman sa kanila. Kung sasabihin sa magandang paraan, inaasikaso lang nila ang sarili nilang usapin, ngunit mas tumpak na sabihing ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, mababang-uri, at kahamak-hamak—inilalarawan natin sila bilang “makasarili at ubod ng sama.” Paano naipapamalas ang pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo? Sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, nagsisikap silang gawin o sabihin ang anumang kailangan, at kusang-loob silang nagtitiis ng anumang pagdurusa. Pero pagdating sa may kinalaman sa gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, o pagdating sa may kinalaman sa gawain na kapaki-pakinabang sa paglago ng buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lubos nilang binabalewala ito. Kahit kapag ang masasamang tao ay nanggagambala, nanggugulo, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, dahilan kaya lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may nakatuklas at nag-ulat ng masasamang gawa ng isang masamang tao, sinasabi nilang wala silang nakita at nagmamaang-maangan sila. Ngunit kung may isang taong nag-ulat sa kanila at naglantad na hindi sila gumagawa ng totoong gawain at naghahangad lamang ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, bigla silang nagagalit nang husto. Mabilis na nagpapatawag ng mga pagpupulong upang talakayin kung paano tutugon, magsasagawa ng mga imbestigasyon upang malaman kung sino ang nagtataksil sa kanila, kung sino ang namuno, at kung sino ang mga sangkot. Hindi sila kakain o matutulog hangga’t hindi nila natutuklasan kung ano ang totoo at hangga’t hindi ganap na nareresolba ang isyu—magiging masaya nga lamang sila kapag napabagsak na nila ang lahat na sangkot sa pag-uulat sa kanila. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Gawain ba ng iglesia ang ginagawa nila? Kumikilos sila para sa kapakanan ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan, isinasagawa ang sarili nilang proyekto, ganoon lamang kasimple. Kahit ano pa ang gawaing pananagutan nila, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung naaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes at ang iniisip lamang nila ay ang maliit na bahagi ng gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man kasinsero ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Gaano man kalaki ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, lubos silang walang pakialam. Kahit pa nga nakalatag na sa harapan nila mismo ang isang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag direkta silang pinupungusan ng ang Itaas at inuutusan silang ayusin ang isang problema ay saka lang sila atubiling gagawa ng kaunting tunay na gawain at magpapakitang-tao para sa ang Itaas. Pagkatapos, magpapatuloy sila sa pagpapakaabala sa sarili nilang mga usapin. Pagdating sa gawain ng iglesia, sa mahahalagang usapin na may kinalaman sa kabuuang sitwasyon, hindi nila binibigyang-pansin ang alinman sa mga bagay na ito at binabalewala ang mga ito, at hindi pa nga nila pinangangasiwaan ang mga problema kapag natutuklasan nila ang mga ito. Anumang mga isyu ang banggitin ng iba, sumasagot sila nang pabasta-basta at nagpapaligoy-ligoy, tinutugunan lamang ang mga isyu nang may labis na pag-aatubili. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, lagi nilang isinasaalang-alang kung makakapagpasikat ba sila; hangga’t nakapagpapaganda ng kanilang reputasyon ang isang tungkulin, pipigain nila ang kanilang utak at susubukan nilang umisip ng lahat ng posibleng paraan upang matutunan kung paano ito gawin at isakatuparan. Hangga’t kaya nilang humigit sa iba, nasisiyahan sila. Anuman ang ginagawa o iniisip nila, ang iniisip lang nila ay ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa bawat pagkakataon. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompetensiya lang sila upang makita kung sino ang nakatataas, kung sino ang nananalo, at kung sino ang may mas malaking katanyagan. Ang pinapahalagahan lang nila ay kung ilang tao ang umiidolo at tumitingala sa kanila, kung ilang tao ang nakikinig sa kanila at sumusunod sa kanila. Hindi sila kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o lumulutas ng mga tunay na problema. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang kung paano gagawin ang kanilang tungkulin sa paraang mapangangasiwaan nila ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, ni hindi nila pinagninilayan kung mayroon silang debosyon, kung natupad ba nila ang kanilang mga responsabilidad, kung mayroon bang anumang mga paglihis, nakaligtaan, o problema sa kanilang gawain, lalong hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ang lahat ng bagay na ito kahit kaunti. Nagpapakasubsob lang sila sa kanilang gawain alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at upang bigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama? Ganap nitong inilalantad ang katunayan na ang kanilang puso ay puno ng mga ambisyon, pagnanais, at mga hindi makatwirang hinihingi, at na ang bawat kilos nila ay pinamamahalaan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Anuman ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmulan ng kanilang mga kilos ay nagmumula sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at mga hindi makatwirang hinihingi. Isa itong tipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Malinaw ang diwa ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo; partikular na prominente ang ganitong klase ng mga pagpapamalas nila. Ipinagkakatiwala sa kanila ng iglesia ang isang parte ng gawain, at kung magdudulot ito ng katanyagan at nakikinabang sila rito, at magiging daan upang maitampok ang kanilang sarili, interesadong-interesado sila, at handang tanggapin iyon. Kung ito ay gawain na walang pasasalamat o kinasasangkutan ng pagpapasama ng loob ng mga tao, o hindi magiging daan upang maitampok ang kanilang sarili o wala itong benepisyo sa kanilang kasikatan, pakinabang, o katayuan, wala silang interes, at hindi nila iyon tatanggapin, na para bang walang kinalaman sa kanila ang gawaing ito, at hindi ito ang gawaing dapat nilang gawin. Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap, walang posibilidad na hahanapin nila ang katotohanan para lutasin ang mga iyon, lalo na ang magsikap na tingnan ang buong sitwasyon at hindi sila magbibigay ng anumang pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Halimbawa, sa saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, batay sa kabuuang mga pangangailangan ng gawain, maaaring magkaroon ng ilang paglilipat ng mga tauhan. Kung malipat ang ilang tao mula sa isang iglesia, ano ang makatwirang paraan ng pagtrato ng mga lider ng iglesia sa isyu? Ano ang problema kung ang tanging inaalala nila ay ang mga interes ng sarili nilang iglesia, sa halip na ang mga pangkalahatang interes, at kung hinding-hindi sila handang ilipat ang mga taong iyon? Bakit hindi nila magawa, bilang lider ng iglesia, na magpasakop sa mga sentralisadong pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? May pagsasaalang-alang ba ang gayong tao sa mga layunin ng Diyos? Mapagmalasakit ba sila sa kabuuan ng gawain? Kung hindi nila iniisip ang kabuuan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi ang mga interes lamang ng sarili nilang iglesia, hindi ba sila masyadong makasarili at ubod ng sama? Ang mga lider ng iglesia ay dapat magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang pasubali, at sa sentralisadong mga pagsasaayos at koordinasyon ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi dapat kontrolin ng sinumang indibidwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang mga desisyon. Ang pagsunod ng hinirang na mga tao ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman ang mga pagsasaayos na ito, maliban kung gumagawa ang isang indibidwal na lider o manggagawa ng isang arbitraryong paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo, kung magkagayon ay maaaring suwayin ang pagsasaayos na ito. Kung ang isang normal na paglilipat ay isinasagawa nang ayon sa mga prinsipyo, dapat na sumunod ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang “iyo” at “akin.” Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan. Magkagayunman, ano ang tugon ng mga anticristo kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Humahanap sila ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para mapanatili ang mga naaangkop na taong ito sa kanilang tabi, at dalawang ordinaryong tao lang ang iniaalok nila, at pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan para gipitin ka, sa pagsasabing napakaabala ng gawain, o kaya naman ay kulang sila sa tauhan, mahirap makahanap ng mga tao, at kung malipat ang dalawang ito, maaapektuhan ang gawain. At tatanungin ka nila kung ano ang dapat nilang gawin, at ipaparamdam nila sa iyo na may pagkakautang ka sa kanila kung maglilipat ka ng mga tao. Hindi ba sa ganitong paraan kumikilos ang mga diyablo? Ganito kung gumawa ng mga bagay-bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga taong laging sinisikap na protektahan ang sarili nilang mga interes sa iglesia—mabubuting tao ba sila? Mga tao ba sila na kumikilos ayon sa prinsipyo? Hinding-hindi. Sila ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya. At hindi ba’t makasarili at ubod ng sama ito? Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa nasasakupan ng isang anticristo para gumawa ng ibang tungkulin, masigasig na nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais na niyang magbitiw, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng pangkat. Anong problema ito? Bakit wala siyang pagsunod sa mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang “kanang-kamay” ay makakaapekto sa mga resulta at pag-usad ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiya ang mga resulta—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nagrereklamo siya nang husto at gusto pa nga niyang isantabi ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat sentralisadong itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibidwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan. Hindi ba’t makasarili ito at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, matatanggal, at mawawala ang kanilang katayuan. Binabalewala ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pakundangan sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia. Makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsensiya: “Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsabilidad.” Ganyan ang mga kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ang katwiran na dapat taglayin ng mga nananampalataya sa Diyos. Nakikibahagi ang sambahayan ng Diyos sa pangkabuuang gawain at ang mga iglesia ay nakikibahagi sa mga parte ng gawain. Samakatwid, kapag may espesyal na pangangailangan mula sa iglesia ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga para sa mga lider at manggagawa ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsensiya at katwiran ang mga huwad na lider at anticristo. Lahat sila ay sobrang makasarili, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama! Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang magmatigas, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakawalang pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng pag-aari ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Naniniwala sila na sila ang magpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at na hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinaka-amo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos nang may mabuting asal at nang masunurin, at kumuha ng hudyat mula sa kanilang mga ekspresyon. Ito ang pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama sa karakter ng mga anticristo. Wala silang pagsasaalang-alang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit kaunti, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Ang pagkatao ng mga anticristo ay mayroon ding isang bagay na parehong kasuklam-suklam at kamuhi-muhi—iyon ay, kumakapit sila sa makapangyarihan at nang-aapi sa mahihina. Kung may ilang kilalang tao, may kapangyarihan o may katayuan sa iglesia o sa mundo, kahit sino pa sila, may walang hanggang inggit at paghanga ang mga anticristo sa kanilang puso para sa mga ito, binobola pa nga nila ang mga ito. Kapag nananampalataya sila sa Kristiyanismo, sinasabi nilang mga mananampalataya ang ilang pinuno sa politika, at kapag tinanggap nila ang yugtong ito ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, iginigiit nila na tinanggap na rin ito ng ilang pastor mula sa mga kilalang denominasyon. Anuman ang gawin nila, palagi nila itong binibigyan ng engrandeng titulo, palagi nilang iginagalang at ginagaya ang mga kilalang tao, at nasisiyahan lang sila kapag nagagawa na nilang kumapit sa isang kilalang tao kahit papaano o sa isang tao na may katayuan. Pagdating sa mga tao na may katayuan, mabuti man sila o masama, walang tigil na nagpapalakas at nambobola ang mga anticristo at sumisipsip sa mga ito. Handa pa silang maghain ng tsaa at maglinis ng arinola para sa mga ito. Sa kabilang banda, kapag nakikitungo sa mga tao na walang katayuan, kahit gaano pa katuwid, kamatapat, at kabait ang mga indibidwal na ito, inaapi at tinatapak-tapakan sila ng mga anticristo sa tuwing may pagkakataon. Madalas nilang ipinagmamalaki kung paanong si Ganito ay isang business executive sa lipunan, kung gaano kayaman ang tatay ni Ganyan, kung gaano karami ang pera ni Ganoon, at kung gaano kalaki ang pamilya o kompanya ni Ganito, binibigyang-diin ang katanyagan nito sa lipunan. Pagdating sa mga huwad na lider at sa mga anticristo sa iglesia, kahit ano pang masasamang gawa ang gawin nila, hindi sila kailanman iniuulat, inilalantad, o kinikilatis ng mga anticristo. Sa halip, mahigpit nilang sinusundan ang mga ito nang malapitan, ginagawa ang anumang sabihin sa kanila. Nagiging tagasunod, tagasuporta, at alipin sila ng kahit na anong antas ng lider na sinusunod nila. Kapag nakikitungo sa mga may kapangyarihan, impluwensiya, kayamanan, at katayuan, nagmumukha silang labis na masunurin, mababang-loob, at walang kakayahan. Labis silang masunurin at mapagpasakop, tumatango at sumusunod sa lahat ng sinasabi ng mga taong iyon. Gayumpaman, kapag nakikitungo sa mga ordinaryong tao na walang katayuan, nag-iiba ang ugali nila, nagsasalita sila nang nakatataas para makapangibabaw sa iba, gustong maging higit sa lahat, na para bang walang makakatalo sa kanila, na mas malakas at mas mataas sila kaysa sa sinuman, kaya mahirap makilatis ang anumang problema, kapintasan, o kahinaan sa kanila. Anong klaseng karakter ito? May kaugnayan ba ito sa pagiging lihim na mapanira, malupit, at walang kahihiyan? (Mayroon.) Ang pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina—hindi ba’t ito ang pangit at masamang bahagi ng pagkatao ng mga anticristo? Sa palagay ba ninyo, matuwid ba ang mga tao na may gayong pagkatao? (Hindi.) Totoo ba ang mga sinasabi nila sa mga may katayuan at mga makapangyarihan? Totoo ba ang mga sinasabi nila sa mahihina? (Walang totoo sa mga ito.) Samakatwid, may kaugnayan ang aytem na ito sa palagiang pagsisinungaling. Batay sa aytem na ito, lubhang karima-rimarim ang karakter ng mga anticristo, at mayroon silang dalawang ganap na magkaibang mukha. May palayaw ang ganitong uri ng tao—“hunyango.” Hindi nila kailanman tinatrato ang mga tao batay sa mga katotohanang prinsipyo, pagkatao, o kung hinahangad ba ng mga taong iyon ang katotohanan sa loob ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, tinatrato nila ang mga tao nang magkaiba batay lang sa katayuan at impluwensiya ng mga ito. Kapag nakikitungo sa mga tao na may katayuan at mga abilidad, ginagawa nila ang lahat para magpalakas, mambola, at makalapit sa mga ito. Kahit bugbugin o sigawan pa sila ng mga taong ito, handa nila itong tiisin nang walang anumang reklamo. Patuloy pa nga nilang inaamin ang kawalan nila ng silbi at nagpapakaalipin sila, kahit na ang kanilang tunay na iniisip sa loob-loob nila ay ganap na iba sa panlabas nilang pag-uugali. Kung magsalita ang isang tao na may katayuan at katanyagan, kahit na panlilinlang at maling pananaw ito ni Satanas na ganap na walang kinalaman sa katotohanan, pakikinggan nila ito, tatango sila sa pagsang-ayon, at tatanggapin nila ito nang paimbabaw. Sa kabilang banda, kung walang kapabilidad o katayuan ang isang tao, gaano man katama ang mga salita nito, hindi ito papansinin ng mga anticristo at mamaliitin nila ito. Kahit na umaayon sa mga prinsipyo at katotohanan ang kanyang sinasabi, hindi nila ito pakikinggan, sa halip ay pabubulaanan, kukutyain, at pagtatawanan nila ito. Isa pa itong katangian na makikita sa karakter ng mga anticristo. Batay sa kanilang mga paraan at prinsipyo ng pag-asal at pakikitungo sa mundo, maaaring tiyak na mailarawan ang mga indibidwal na ito bilang walang dudang hindi mananampalataya. Mababa, marumi, at napakababa ang mga pagpapamalas ng karakter nila.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
May isa pang pagpapamalas sa pagkatao ng mga anticristo: Mas mapaghangad sila sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao. Ibig sabihin, napakalaki ng kanilang pagnanais at hinihingi sa mga materyal na bagay—wala itong limitasyon. Puno sila ng mga hangarin para sa isang marangyang pamumuhay, at walang hangganan ang kasakiman nila. Maaaring sabihin ng ilan: “Walang ganitong pagpapamalas ang karamihan sa mga anticristo.” Ang hindi pagtataglay nito ay hindi nangangahulugang wala ito sa pagkatao nila. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga gayong tao, ano ba ang mga prinsipyo nila sa kanilang pagkain, pananamit, at hitsura? Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, dapat na makuha nila ang kanilang gusto, nakakahanap sila ng mga oportunidad, mayroon silang mga partikular na kondisyon, at nag-iiba ang pamumuhay nila. Nagiging maselan sila sa kinakain nila, binibigyang-diin ang karangyaan at luho. Ipinipilit nilang magsuot at gumamit ng mga aytem na may kilalang tatak, at ang mga tahanang tinitirhan nila at ang mga sasakyang minamaneho nila ay kailangang mataas ang kalidad at marangya. Kahit na bumibili sila ng isang praktikal na sasakyan, kailangang may mga mamahalin itong accessory. Maaaring magtanong ang ilan: “Kung wala silang pera, bakit labis silang nagpapahalaga sa mga bagay na ito?” Kahit wala silang pera, hindi ibig sabihin na hindi nila hinahangad ang mga gayong bagay o na wala ang pagnanais na ito sa pagkatao nila. Kaya naman, kapag nakakuha ng kontrol ang mga anticristo sa mga handog sa sambahayan ng Diyos, winawaldas nila ito nang walang pakundangan. Gusto nilang bilhin at tamasahin ang lahat ng bagay, hanggang sa puntong nawawalan na sila ng kahihiyan at mahirap nang mapigilan. Kailangan nilang uminom ng de-kalidad na tsaa na inihahain sa mga pinagintong tasa, ang kanilang mga pagkain ay dapat mararangyang piging, ipinipilit nilang uminom ng espesyal na klase ng ginseng, at gumagamit lang sila ng mga kompiyuter at cellphone na mula sa mga kilalang tatak na laging ang mga pinakabagong modelo. Nagkakahalaga ng libo-libong yuan ang mga salaming suot nila, gumagastos sila ng daan-daan sa pagpapa-estilo ng buhok, at nagbabayad sila ng libo o higit pa para sa mga sesyon ng masahe at sauna. Sa madaling salita, iginigiit nila na ang lahat ay maging pinakamataas na kalidad at kilalang tatak, nais nilang tamasahin anuman ang tinatamasa ng mga kilalang tao at makapangyarihang tao. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga anticristo, nahahalata na ang lahat ng pangit na bagay na ito. Sa mga pagtitipon, kung tatlo hanggang limang tao lang ang nakikinig sa pangangaral nila, hindi sila nasasapatan dito at iginigiit nila na magkaroon ng tatlo hanggang limandaang tao. Kapag sinasabi ng iba na may mga hindi paborable na kalagayan sa labas, kaya ayos na rin ang pagtitipon ng tatlo hanggang limang tao, agad silang tutugon: “Hindi ito puwede—bakit kakaunti ang nakikinig sa sermon ko? Hindi sulit ang oras ko rito. Kailangan nating bumili ng malaking gusali ng iglesia na kayang maglaman ng sampung libong tao para maging mas marangal ang sermon.” Hindi ba’t naghahanap sila ng kanilang kamatayan? Ito ang uri ng bagay na ginagawa ng mga anticristo. Hindi ba’t nagiging wala rin silang kahihiyan? Mayroon silang napakatinding di-mapigilang pagnanais at interes sa marangyang pamumuhay at mga materyal na bagay, na isa pang katangian sa karakter ng mga anticristo. Sa sandaling may magbanggit ng mamahaling pagkain, mararangyang sasakyan, mga damit na may kilalang tatak, mga de-kalidad at mamahaling aytem, nagniningning ang mga mata nila sa kasakiman, at lumilitaw ang pagnanais nila. Paano lumilitaw ang pagnanais na ito? Hindi maikakaila na isa itong pagbubunyag ng malademonyo nilang kalikasan. Maaaring kapos sa pera ang ilang anticristo, at kapag nakakakita sila ng isang tao na may suot na mamahaling alahas o isang singsing na diyamante na may dalawa o tatlong carat, nagniningning ang mga mata nila, at iniisip nila, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, makakapagsuot ako ng limang carat na singsing.” Naiisip nila na wala man lang silang isang carat na singsing, at sumasama ang loob nila at nararamdaman nilang hindi sulit ang manampalataya sa Diyos. Pero, nang mas isaalang-alang pa nila ito, naiisip nila, “Makakatanggap ako ng malalaking pagpapala sa hinaharap dahil sa pananalig ko sa diyos. Maaari akong magkaroon ng limandaang carat na diyamante at isuot ito sa ulo ko.” Hindi ba’t mayroon silang mga pagnanais? Kapag nakakakita sila ng mayayamang indibidwal sa TV na nakasuot ng mga damit na may kilalang tatak at naglalayag sa mararangyang cruise ship sa dagat, nararamdaman nila na ito ay napakasaya, romantiko, marangal, at nakakainggit. Naglalaway sila rito, sinasabi nila, “Kailan kaya ako magiging ganoong klaseng tao, isang higante sa mga tao? Kailan ko kaya matatamasa ang gayong buhay?” Pinapanood nila ito nang paulit-ulit hanggang sa maisip nila na tunay na nakakabagot ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit pagkatapos ay muli silang nagninilay, iniisip nila “Hindi ako dapat mag-isip nang ganito. Bakit ba ako nananampalataya sa diyos? ‘Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatitinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.’ Sa hinaharap, magiging mas maganda ang buhay ko kaysa sa kanila. Sumasakay sila sa mga luxury cruise, ngunit sasakay ako sa isang marangyang eroplano o sa isang marangyang flying saucer—pupunta ako sa buwan!” May kaunti man lang bang katuturan ang mga kaisipang ito? Naaayon ba ang mga ito sa normal na pagkatao? (Hindi.) Isa pa itong elemento sa pagkatao ng mga anticristo—isang labis na hindi mapigilang pagnanais para sa mga materyal na bagay at sa marangyang pamumuhay. Kapag nakuha na nila ang mga ito, nagiging walang hanggan ang kasakiman nila, na may mga titig at kalikasan na ganid, na gustong mag-angkin ng mga bagay na ito magpakailanman. Sa pagkatao ng mga anticristo, hindi lang ito tungkol sa pagkainggit sa mga makapangyarihan; ninanais din nila ang mga materyal na bagay at mataas na kalidad ng pamumuhay. Ang normal na pagkatao ay may makatwirang saklaw ng pangangailangan para sa buhay at mga materyal na bagay: Mayroon silang mga pang-araw-araw na pangangailangan, mga pangangailangan ng trabaho at kapaligiran ng pamumuhay, pati na rin ang kanilang mga pisikal na pangangailangan. Sapat nang natutugunan ang mga pangangailangang ito, at itinuturing na medyo normal ang kontrolin ang mga ito base sa kapasidad at kalagayang pang-ekonomiya ng isang tao. Gayumpaman, hindi normal at walang patid ang pangangailangan at pagpapakasasa ng mga anticristo sa mga materyal na bagay.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus
Ang palagiang pagsisinungaling, pagiging lihim na mapanira at malupit, walang pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan, pagiging makasarili at ubod ng sama, pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina, at pagiging mas mapaghangad sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao—tipikal ang mga katangiang ito ng karakter ng mga anticristo, labis na kumakatawan, at halatang-halata. Bagama’t maaaring makita ang ilan sa mga pagpapamalas na ito sa mga ordinaryong tao sa ilang antas, ang mga pagpapamalas nila ay simpleng tiwaling disposisyon o mga pagpapamalas ng hindi normal na pagkatao o ng kawalan ng pagkatao na lumilitaw mula sa pagtitiwali ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ang mga taong ito ay nagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya at abilidad na bitiwan at maghimagsik laban sa mga bagay na ito, at magsisi. Hindi gumaganap ng pangunahing papel ang mga katangiang ito sa kanila, at hindi maaapektuhan ng mga ito ang paghahangad nila sa katotohanan o ang pagganap nila ng mga tungkulin. Tanging ang mga anticristo ang tumatangging tanggapin ang katotohanan gaano man karaming sermon ang marinig nila. Hindi magbabago ang mga pag-uugali at katangian na taglay ng kanilang pagkatao, at iyon ang dahilan kung bakit kinokondena sa sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao at hindi kailanman maliligtas. Bakit hindi sila maliligtas? Hindi maliligtas ang mga taong may gayong karakter dahil tumatanggi silang tanggapin ang katotohanan, at dahil mapanlaban sila sa katotohanan, sa Diyos, at sa lahat ng positibong bagay. Wala sila ng mga kondisyon at ng pagkatao para sa kaligtasan, at dahil dito, nakatadhana ang mga taong ito na matiwalag at maipatapon sa impiyerno.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus