708 Ang Proseso ng Pagbabago ng Disposisyon
1 Ang pagbabagong-anyo ng disposisyon ng tao ay hindi pagbabago ng pag-uugali, o pakunwaring panlabas na pagbabago o pansamantalang pag-iiba na ibinunga ng sigasig; bagkus, ito ay isang tunay na pagbabagong-anyo ng disposisyon na nagdudulot ng pagbabago sa pag-uugali. Ang gayong pagbabago sa pag-uugali ay hindi katulad ng mga pagbabagong naipakikita sa mga panlabas na kilos ng isang tao. Ang pagbabagong-anyo ng disposisyon ay nangangahulugang naunawaan at naranasan mo ang katotohanan, at ang katotohanan na ang naging buhay mo. Sa nakaraan, naunawaan mo ang katotohanan ng bagay na ito, ngunit hindi mo ito naisagawa; ang katotohanan ay doktrina lamang sa iyo na hindi naisabuhay. Ngayong nagbagong-anyo na ang iyong disposisyon, hindi mo lamang nauunawaan ang katotohanan, kundi kumikilos ka rin ayon dito.
2 Nagagawa mo nang talikuran ang mga bagay na nakahiligan mong gawin noong araw, ang mga bagay na dati mong gustong gawin, ang iyong mga paglalarawan sa isip, at ang iyong mga kuru-kuro. Nagagawa mo na ngayong talikuran ang mga bagay na hindi mo nagawang talikuran noong araw. Ito ay pagbabagong-anyo ng disposisyon, at ito rin ang proseso ng pagbabagong-anyo ng iyong disposisyon. Maaaring payak sa pandinig, ngunit sa katunayan, ang sinumang nasa gitna ng prosesong ito ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap, malupig ang kanyang katawan, at talikdan ang mga aspekto ng laman na bahagi ng kanyang likas na pagkatao. Ang gayong tao ay dapat ding makaranas ng pagwawasto at pagtatabas, pagkastigo at paghatol, at mga pagsubok. Pagkaraan lamang maranasan ang lahat ng ito ay saka pa lamang bahagyang mauunawaan ng isang tao ang kanyang sariling kalikasan. Ang pagkakaroon ng kaunting pagkaunawa tungkol dito, gayunman, ay hindi nangangahulugang kaagad nagagawang magbago ng isang tao; dapat magtiis ang tao ng mga paghihirap sa proseso.
Hango sa Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao