709 Hanapin ang Katotohanan Upang Magkaroon ng mga Pagbabago sa Disposisyon
1 Tanging sa paghahanap lamang sa katotohanan matatamo ng isang tao ang pagbabago sa kanyang disposisyon: Ito ay isang bagay na kailangang lubos na maintindihan at maunawaan ng mga tao. Kung wala kang sapat na pagkaunawa sa katotohanan, madali kang magkakamali at maliligaw ng landas. Kung talagang taglay mo ang katotohanan, natural na magiging tama ang landas na iyong tinatahak. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang kayabangan at kahambugan, makikita mo na imposibleng hindi sumuway sa Diyos; mapipilitan kang sumuway sa Kanya. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na kayabangan at kahambugan. Dahil sa iyong kayabangan at kahambugan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, lagi kang magpasikat, at, sa huli, papalit ka sa lugar ng Diyos at magpapatotoo para sa iyong sarili. Sa huli, gagawin mong mga katotohanan ang iyong sariling mga ideya, ang iyong sariling pag-iisip, at ang iyong sariling mga kuru-kuro para sambahin ka. Tingnan mo kung gaano kalaking kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang likas na kayabangan at kahambugan!
2 Upang malutas ang kanilang masasamang gawa, kailangan muna nilang lutasin ang problema ng kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito. Kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa tungkol sa Diyos, kapag nakikita mo ang sarili mong katiwalian at kinikilala ang pagiging kasuklam-suklam at kapangitan ng kayabangan at kapalaluan, mandidiri ka, masusuka, at mababalisa. Sadya mong magagawa ang ilang bagay upang palugurin ang Diyos at, sa paggawa nito, magiginhawahan ka. Sadya mong magagawang magpatotoo sa Diyos at, sa paggawa nito, maliligayahan ka. Sadya mong ipapakita ang iyong tunay na pag-uugali, na inilalantad ang sarili mong kapangitan, at sa paggawa nito, bubuti ang pakiramdam mo sa iyong kalooban at madarama mo sa sarili mo na mas mabuti ang kalagayan ng iyong pag-iisip. Samakatuwid, ang unang hakbang sa paghahanap ng pagbabago sa iyong disposisyon ay ang hangaring maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan magkakamit ka ng pagkahiwatig; sa pagkakaroon lamang ng pagkahiwatig mo lubusang mauunawaan ang mga bagay-bagay; sa pamamagitan lamang ng lubusang pag-unawa sa mga bagay-bagay matatalikuran mo ang laman at, sa paisa-isang hakbang, makakatahak ka sa tamang landas sa iyong paniniwala sa Diyos.
Hango sa Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao