1022 Nabawi ng Sangkatauhan ang Kabanalang Dati Nilang Tinaglay
1 Sa isang paghaginit ng kidlat, nabubunyag ang tunay na anyo ng bawat hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naglaho sa putikan! Ah, buong sangkatauhan, na sarili Kong likha! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natagpuan nila ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pakikibaka sa putikan! Ah, ang napakaraming bagay na nilikha na hawak Ko sa Aking mga kamay! Paanong hindi sila mapaninibago sa pamamagitan ng Aking mga salita? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga tungkulin? Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagkaisa na, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa.
2 Sa masayang pagkakataong ito, sa sandaling ito ng malaking katuwaan, ang Aking pagkamatuwid at ang Aking kabanalan ay umabot na sa buong sansinukob, at walang humpay na pinupuri iyon ng buong sangkatauhan. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang mga kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak, at sino ang hindi nananangis? Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa, at dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit. Ang mukha ng sangkatauhan ay puno ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang tao sa tao, ni hindi sinasaktan ng mga tao ang isa’t isa. Mayroon ba, sa Aking liwanag, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon ba, sa Aking panahon, na nagbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan?
3 Mapitagang nakatingin sa Akin ang lahat ng tao, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin. Nasiyasat Ko na ang bawat kilos ng sangkatauhan: Sa mga taong nalinis na, walang sumusuway sa Akin, walang humuhusga sa Akin. Buong sangkatauhan ay puno ng Aking disposisyon. Lahat ng tao ay nakikilala na Ako, mas lumalapit sa Akin, at sinasamba Ako. Naninindigan Ako sa espiritu ng tao, dinadakila Ako sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang masayang pagbubunyi sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa balat ng lupa, masigla at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 18