81. Ang Aral na Natutuhan Ko Nang Paalisin ang mga Kapamilya Ko
Nagsimula akong manampalataya sa Panginoon kasama ng mga magulang ko noong 17 anyos ako. Noong 2001, tinanggap ng buong pamilya namin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at pagkatapos niyon, sinimulan na ng bawat isa sa amin na gawin ang aming mga tungkulin. Inakala ko na basta’t patuloy lang kaming gumugugol para sa Diyos at ginagawa ang aming mga tungkulin, at sinusunod ang Makapangyarihang Diyos hanggang sa wakas, dahil matuwid naman ang Diyos, kapag natapos na ang gawain Niya, maliligtas ang buong pamilya namin at makapapasok sa kaharian ng Diyos.
Sa pagtatapos ng 2012, inaresto ako ng CCP habang nangangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos kong mapalaya, umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko sa ibang lugar para maiwasang maaresto ulit. Noong 2014, nakita ko ang tatay ko sa lugar kung saan ako gumagawa ng tungkulin. Nang makita ko siyang aktibong ginagawa ang tungkulin niya, at nang malaman kong ginagawa rin ng kapatid kong babae ang tungkulin niya sa iglesia, napakasaya ko. Binalikan ko sa isip ko kung paanong, sa loob ng mahigit sampung taon, ginagawa ng bawat isa sa pamilya namin ang kani-kaniyang tungkulin, at naramdaman kong basta’t patuloy kami sa paggawa ng aming tungkulin at pagsunod hanggang sa wakas, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, maliligtas at makapapasok sa kaharian ng Diyos ang pamilya namin. Pero ang talagang ikinagulat ko ay nang isang araw noong 2015, dumating ang mga lider ng distrito para makipag-usap sa amin tungkol sa gawain, at nabanggit nila ang isang sulat mula sa iglesia sa amin, na nagsasabing sa mga pagtitipon ay palaging hinahanapan ng butas ng tatay ko ang lider, at gaano man karaming pagbabahaginan ang gawin sa kanya, hindi siya bumubuti. Sinabi pa raw ng tatay ko na walang anumang nauunawaan ang lider at nagmungkahi na humanap ng isang eksperto para makipagbahaginan sa kanya. Ginulo nito ang mga kapatid at hindi sila nakapagtipon nang payapa. Sinabi ng mga lider ng distrito na plano nilang alamin ang mga detalye ng sitwasyon at pagkatapos ay maayos na makipagbahaginan sa tatay ko. Nagpanggap akong kalmado at sinabi ko, “Paano naging napakasama ang kalagayan ng tatay ko?” Pero sa loob-loob ko, galit ako at nababagabag, iniisip na, “Ano ba ang problema niya? Mahigit sampung taon na siyang nananampalataya sa Diyos, pero hindi niya ginagawa nang maayos ang tungkulin niya at nanggugulo pa?” Noong oras na iyon, gustung-gusto ko nang makita ang tatay ko sa lalong madaling panahon, para makausap ko siya, at subukang hikayatin siya na huwag nang gumawa pa ng gulo. Pero alam ko rin na may mapagmataas na disposisyon ang tatay ko, na hindi siya sumusuko kapag iniisip niyang tama siya, at walang maitutulong ang mga pagtatangka kong hikayatin siya. Kung patuloy siyang manggugulo nang hindi nagsisisi, magiging napakaseryoso ng kaso niya, at mapaaalis siya. Mula nang matagpuan niya ang Panginoon hanggang sa tanggapin niya ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, halos dalawampung taon nang nananampalataya ang tatay ko, at sa panahong ito, marami siyang tiniis, at nagpatuloy pa nga sa paggawa ng kanyang mga tungkulin sa mga mapanganib na sitwasyon. Kung mapaalis siya, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng taon ng pagdurusa niya? Tuluyan nang matatapos ang buhay-pananalig niya. Sa pag-iisip nito, sinabi ko sa mga lider, “Kung makikita ko lang ang tatay ko at susubukan kong kausapin siya nang maayos, baka sakaling magbago ang kalagayan niya.” Sinabi ng isa sa kanila, “Masyado kang emosyonal ngayon, kaya kung makikita mo ang tatay mo, kikilos ka lang dahil sa init ng ulo o kaya dahil sa pagmamahal. May sarili kang tungkulin na dapat gawin. Kami na ang pupunta para makipagbahaginan sa tatay mo. Magtuon ka na lang muna sa tungkulin mo.” Naisip kong tama ang sinabi ng lider, at mas mabuting hayaan na lang sila na makipagbahaginan sa kanya. Sa mga sumunod na ilang araw, sobra akong naguluhan sa sitwasyon ng tatay ko kaya hindi ako makatulog, walang ganang kumain, at gulung-gulo ang isip ko, at hindi ako makapagtuon sa mga tungkulin ko. Umaasa ako na sa pamamagitan ng kanilang pagbabahaginan, magbabago ang tatay ko, at kahit papaano, hindi siya paaalisin. Naramdaman ko na basta’t kaya pa niyang magtrabaho sa sambahayan ng Diyos, may pag-asa pa rin siyang maligtas. Kaya araw-araw, sabik akong naghihintay ng magandang balita tungkol sa tatay ko.
Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga kapatid na responsable sa gawain ng pag-aalis, na humihiling sa akin na magbigay ng ulat tungkol sa palagiang pag-uugali ng tatay ko at ng ebalwasyon sa kanya. Nang mabasa ko ang sulat, nakaramdam ako ng di-maipaliwanag na kirot sa puso ko, at napaluha ako. Talagang napakahirap para sa akin na tanggapin ang katotohanang ito, at naisip ko, “Mukhang malubha na ang problema ng tatay ko. Kung masama ang pag-uugali niya, paaalisin siya, at kapag napaalis siya, mapuputol ang ugnayan niya sa sambahayan ng Diyos magpakailanman. Kung gayon, tuluyan nang magwawakas ang buhay-pananalig niya, at mawawalan na talaga siya ng pag-asang maligtas.” Sa panlabas, sinabi kong hindi naman talaga maganda ang pagkatao ng tatay ko, at ang pagpapaalis sa kanya ay magiging katuwiran ng Diyos, pero sa kaibuturan, patuloy akong nag-aalala, “Kung talagang mapaalis ang tatay ko, kakayanin niya kaya iyon? Nasa mga sesenta na siya; paano siya makapagpapatuloy na mabuhay kung mapaalis siya?” Mabilis akong lumuhod para manalangin sa Diyos, “O Diyos, napakasakit makita na nahaharap sa pagpapaalis ang tatay ko. Pakiusap, protektahan Mo po ang puso ko para hindi ako magreklamo o magkamali ng pagkaunawa sa Iyo, at para makapagpasakop ako.” Paulit-ulit akong nanalangin. Habang isinusulat ko ang ebalwasyon sa tatay ko, naisip ko kung paanong hindi maganda ang pagkatao ng tatay ko, at kung paanong muntik siyang nakagawa ng matitinding bagay habang nasa mundo. Kung isusulat ko ang tungkol sa mga aspektong ito ng pag-uugali ng tatay ko at susuriin ng iglesia ang palagian niyang asal, hindi kaya magpasya silang paalisin siya? Mula pagkabata, napakabait na sa akin ng tatay ko. Noong bata ako, mahina ang katawan ko at palagi akong nagkakasipon, at pagkatapos ng mga iniksyon, ayaw kong maglakad, kaya kinakarga niya ako pauwi. Sa mga taon na malayo ako sa bahay para gawin ang tungkulin ko, nagtipid ang mga magulang ko para makapag-ipon ng pera para sa akin, at malaki ang naitulong nila sa akin. Ilang beses na gumawa ng gulo ang mga biyenan ko sa bahay namin, at madalas na nag-aalala ang tatay ko dahil sa mga problema ko. Kaya naramdaman ko na siguro hindi ko na dapat isulat ang tungkol sa masamang pagkatao ng tatay ko, at sa halip, isusulat ko na lang kung paano siya masigasig na gumugol. Sa ganoong paraan, kapag nakita ng mga kapatid na naging maganda ang dating pag-uugali ng tatay ko, baka bigyan nila siya ng pagkakataong magsisi at hayaan siyang manatili para magtrabaho, at magkakaroon pa ng pag-asang maligtas ang tatay ko. Sa sumunod na ilang araw, sobrang nabagabag ako sa usaping ito, at hindi ako makapagtuon sa paggawa ng tungkulin ko. Sa aking pagdurusa, naalala ko ang isang linya mula sa salita ng Diyos: “Kung may sinumang gumagawa ng isang bagay na nakakapinsala sa iglesia, kahit na ang mga magulang mo ito, hindi iyon katanggap-tanggap!” Kaya hinanap ko ang sipi kung saan lumabas ang linyang ito. Sabi ng Diyos: “Dapat kang magpakita ng lakas at katigasan ng loob, at manindigan sa iyong patotoo sa Akin; bumangon ka at magsalita sa ngalan Ko, at huwag kang matakot sa sasabihin ng ibang tao. Tugunan mo lamang ang Aking mga layunin, at huwag mong hayaan ang sinuman na limitahan ka. … Ako ang iyong suporta at ang iyong kalasag, at lahat ay nasa Aking mga kamay. Ano, kung gayon, ang iyong ikinatatakot? Hindi ba’t masyado kang nagiging sentimental? Dapat mong iwaksi ang iyong mga damdamin sa lalong madaling panahon; hindi Ako kumikilos ayon sa mga damdamin, sa halip ay isinasakatuparan Ko ang katuwiran. Kung may sinumang gumagawa ng isang bagay na nakakapinsala sa iglesia, kahit na ang mga magulang mo ito, hindi iyon katanggap-tanggap!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 9). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagkabagabag at sama ng loob. Ang layunin ng Diyos ay ang manindigan ako sa panig ng katotohanan kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, hindi kumilos batay sa pagmamahal, panindigan ang mga katotohanang prinsipyo, at itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero nang malaman kong kailangan kong magbigay ng mga detalye ng palagiang pag-uugali ng tatay ko, hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa halip, ginunita ko kung gaano kabait ang tatay ko sa akin mula pagkabata, at nawala ang paninindigan ko at mga prinsipyo ko. Naisip ko pa ngang puntahan ang tatay ko para kausapin siya, para pigilan siyang gumawa pa ng gulo. Sa ganoong paraan, hindi siya paaalissin, at makakapanatili siya para magpatuloy sa pagtatrabaho, at magkakaroon siya ng pagkakataong maligtas. Kung mayroon lang sana akong kaunting konsensiya at katwiran, dapat ay nanindigan ako sa punig ng Diyos at itinaguyod ang gawain ng iglesia at matapat na isinulat ang tungkol sa pag-uugali niya na alam ko, pero nagpakita ako ng paboritismo sa tatay ko batay sa pagmamahal ko, at gusto ko lang bigyang-diin ang magagandang pag-uugali niya habang pinaliliit o hindi isinasama ang masamang pag-uugali niya. Paano ko masasabing mayroon akong may-takot-sa-Diyos na puso? Nang mapagtanto ito, matapat kong isinulat ang lahat ng pag-uugali ng tatay ko na alam ko, at pagkatapos ay ibinigay ko ang ulat sa mga kapatid.
Pagkaraan ng ilang panahon, nakita ko ang abiso ng pagpapaalis sa tatay ko. Hindi lang pala hinahanapan ng butas ng tatay ko ang lider, kundi hindi rin niya talaga tinatanggap ang katotohanan. Gnagamit din niya ang mga salita ng Diyos sa labas ng tamang konteksto, kinokondena at inaakusahan ang sinumang nakikipagbahaginan sa kanya. Patuloy niyang ginugulo ang buhay iglesia, at talagang ayaw niyang magsisi, kaya sa huli ay pinaalis siya. Batay sa palagiang pag-uugali ng tatay ko, talagang kakatwa siya, walang espirituwal na pang-unawa, at ang kalikasan niya ay lubhang tutol at namumuhi sa katotohanan. Ang pagpapaalis sa kanya ay tunay ngang pagiging matuwid ng Diyos. Nang mapagtanto ito, binitiwan ko na ang pagmamahal ko sa tatay ko.
Isang araw noong Marso 2022, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga lider ng iglesia ng kapatid kong babae, na sinasabing hindi na siya dumadalo sa anumang pagtitipon mula noong Agosto 2021. Ayon sa prinsipyo ng iglesia, iyong mga matagal nang hindi nakikipagtitipon, hindi naghahangad ng katotohanan, o hindi gumagawa ng kanilang mga tungkulin ay dapat paalisin, at hiniling nila sa akin na isulat agad ang tungkol sa palagiang pag-uugali ng kapatid kong babae. Pagkabasa nito, nakaramdam ako ng makadurog-pusong sakit, at hindi ko matanggap ang katotohanang ito. Gulung-gulo ang isip ko at hindi ako makapagtuon sa pakikipag-usap sa mga sister tungkol sa gawain, kaya napabaluktot na lang ako at humagulgol habang hawak ang ulo ko. Nakita ako ng mga sister na ganito at mabilis silang lumapit para tulungan ako sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan, pero hindi tumalab sa akin ang mga sinabi nila. Naisip ko, “Paano nangyari ito? Kailan lang, nagpadala pa ng sulat ang kapatid ko na may kasamang panggastos. Paanong sa loob lang ng ilang buwan ay nawalan na siya ng ugnayan sa iglesia? May nangyari kaya sa bahay? Naaalala ko na laging masigasig ang kapatid kong babae sa paggugol sa kanyang sarili sa pananalig niya at aktibo sa kanyang mga tungkulin. Bakit hindi na siya nakikipag-ugnayan sa iglesia kamakailan? Siguradong may malaking nangyari sa bahay. Dapat bang bigyan siya ng iglesia ng isa pang pagkakataong magsisi?” Nang araw na iyon, nalaman ko rin na nangangalap lang pala ng impormasyon ang iglesia tungkol sa palagiang pag-uugali ng kapatid kong babae, at na kung taos-puso siyang magsisisi at handang manampalataya nang tapat sa Diyos, bibigyan pa rin siya ng pagkakataong magsisi. Pero nag-alala pa rin ako, “Paano kung hindi bumalik sa mga pagtitipon ang kapatid ko sa lalong madaling panahon?” Nang gabing iyon, pabiling-biling ako sa kama, hindi makatulog. Ang magagandang alaala ng aming pamilya na lahat ay nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng aming mga tungkulin ay parang pelikulang umikot sa isip ko. Mula pagkabata, palagi akong inaalagaan ng ate ko. Kapag masama ang kalagayan ko, sinusuportahan niya ako, at kapag gumagawa ako ng tungkulin sa ibang lugar, madalas niya akong padalhan ng panggastos. Ilang taon na ang nakalilipas, napaalis ang tatay ko, at ngayon kung paaalisin din ang ate ko, mangangahulugan ito na ang mga taon nila ng pananalig ay nasayang lang, at wala na silang pag-asang maligtas. Sa pag-iisip nito, nakaramdam ako ng biglaang lungkot, at isang pakiramdam ng pagkabagabag ang bumalot sa puso ko. Sa mga sumunod na araw, lubha akong pinino dahil sa ate ko, napakasama ng kalagayan ko, at hindi ko mapakalma ang puso ko sa aking mga tungkulin. Naisip ko, “Kailangan kong umuwi at kausaping mabuti ang ate ko. Basta’t bumalik siya sa iglesia at gawin ang lahat ng makakaya niya sa kanyang mga tungkulin, hindi siya paaalisin.” Pero naisip ko, “Tinutugis ako dahil sa pananampalataya sa Diyos, may rekord ako sa pulisya, at kung padalos-dalos akong umuwi at mahuli, hindi ko magagawa ang mga tungkulin ko, at ilalagay ko sa panganib ang mga kapatid. Hindi ko kayang isipin ang mga kahihinatnan.” Magulo ang isipan ko at hindi ko alam ang gagawin. Pagkalipas ng tatlong araw, nahilo ako, bumilis ang tibok ng puso ko, at nanikip ang dibdib ko at kinapos ako sa hininga. Noong una, inakala kong sipon lang ito, at gagaling ako kapag nagpahinga at uminom ng gamot, pero pagkatapos uminom ng gamot, hindi lang sa hindi bumuti ang kalagayan ko, kundi lalo pa itong lumala, at pakiramdam ko ay matutumba ako anumang sandali habang naglalakad. Saka lang ako lumapit sa Diyos sa panalangin, “Diyos ko, ano po ang nangyayari sa akin? May nagawa po ba akong hindi naaayon sa mga layunin Ninyo, kaya dinidisiplina Ninyo ako? Diyos ko, dalangin ko po na bigyan Ninyo ako ng kaliwanagan at gabayan Ninyo ako para maunawaan ko ang layunin Ninyo sa pagkakasakit na ito.” Kalaunan, bigla kong napagtanto na sa usaping dumating sa akin kamakailan tungkol sa ate ko, namumuhay ako sa pagmamahal ko at palaging gustong isantabi ang mga tungkulin ko para suportahan siya, at sa usaping ito, hindi ko kailanman hinanap ang layunin ng Diyos.
Pagkatapos, nanalangin ako sa Diyos at naghanap ng Kanyang mga salita para tugunan ang mga alalahanin ko. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga intensyon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang intensyon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Bawat isa sa mga tanong ng Diyos ay pumuno sa akin ng kahihiyan. Tinanong ko ang sarili ko, “Gusto kong isantabi ang mga tungkulin ko at umuwi para kausapin ang ate ko, pero naaayon ba ito sa mga layunin ng Diyos? Isinasaalang-alang ko ba ang mga layunin ng Diyos dito? Hindi, nabahiran ng pagmamahal ang pagnanais na ito.” Nagpapasalamat ako sa gabay ng mga salita ng Diyos, na pumigil sa padalos-dalos kong mga kahangalan, kung hindi, isinantabi ko na sana ang mga tungkulin ko at umuwi dahil sa pagmamahal, at hindi ko kayang isipin ang mga kahihinatnan kung naaresto ako.
Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga kapatid na nangangasiwa sa gawain ng pag-aalis, na humihiling sa akin na magbigay ng ulat tungkol sa palagiang pag-uugali ng ate ko. Ang isiping baka mapaalis ang ate ko ay medyo nagpalungkot sa akin. Ibinahagi ko ang kalagayan ko sa isang sister na kasama ko sa bahay, at binasahan niya ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa sister, naunawaan ko na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan at katuwiran, at na hindi kailanman gagawan ng masama ng sambahayan ng Diyos ang isang mabuting tao, ni hahayaang hindi maparusahan ang isang taong gumagawa ng masama. Dahil tinitipon ng iglesia ang isang talaan ng pag-uugali ng ate ko, ito ay nasa ilalim ng pahintulot ng Diyos, at bagama’t hindi ko ito lubos na nauunawaan, dapat muna akong magpasakop at ibigay kung ano ang alam ko tungkol sa kanyang pag-uugali, at anuman ang kahinatnan nito, tatanggapin ko ito mula sa Diyos. Kalaunan, nakita ko ang talaan ng pag-uugali ng ate ko na ibinigay ng mga kapatid, at nabanggit dito na nitong mga nakaraang taon, nagtuon lang ang ate ko sa pagkakakitaan ng pera para suportahan ang paghahanda ng anak niya sa unibersidad, at wala siyang anumang pasanin para sa kanyang mga tungkulin. Sa kanyang mga tungkulin, palagi siyang pabasta-basta, ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa gusto niya, nagpapaliban sa kanyang mga tungkulin, iresponsable, at lubhang nakaantala sa gawain ng iglesia. Kahit na paulit-ulit na itinuro ng mga kapatid ang kanyang mga problema at tinulungan siya, nanatili siyang ganoon, walang pagkakonsensiya o pagsisisi. Sa bahay, bihirang-bihira siyang kumain o uminom ng mga salita ng Diyos o manood ng mga video na gawa ng sambahayan ng Diyos, at nagtuon lang siya sa pagtatrabaho para kumita ng pera, at sa huli, halos hindi na siya dumadalo sa mga pagtitipon. Isang sister ang pumunta para suportahan siya, pero sinabi niya, “Noong may sakit si mama, gumaling siya pagkatapos manampalataya sa Diyos, kaya sumunod ako sa kanya at naniwala. Pero ngayong bumalik na ang sakit niya, bakit hindi ko maramdaman ang pag-iral ng Diyos?” Pagkasabi nito, umalis siya. Pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, ang mga pananaw niya sa mga bagay-bagay ay katulad pa rin ng sa isang walang pananampalataya. Nagtuon lang siya sa pagsunod sa masasamang kalakaran, at ayaw niyang dumalo sa mga pagtitipon o gawin ang kanyang mga tungkulin. Pagkakita sa mga pag-uugaling ito, galit na galit ako, at kasabay nito, nakilatis ko ang diwa ng ate ko bilang isang hindi mananampalataya. Noong mga unang taon ng kanyang pananampalataya, mukha siyang masigasig sa paggugol ng kanyang sarili, kaya inakala kong tunay siyang nananampalataya sa Diyos, pero ngayon napagtanto ko na mali ang kanyang orihinal na mga intensyon at layunin sa kanyang pananalig. Pagkakita lamang niya sa mahabang karamdaman ni mama na himalang gumaling sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos at kung paano unti-unting bumuti ang buhay ng aming pamilya, saka lang siya nagsimulang manampalataya sa Diyos, dahil nasaksihan niya ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Kalaunan, nang magkasakit muli si mama, nakita ng ate ko na hindi niya nakukuha ang mga pakinabang na gusto niya mula sa pananampalataya sa Diyos, at nawasak ang kanyang pagnanais para sa mga pagpapala, kaya kinalaban niya ang Diyos, itinanggi Siya, at nagreklamo tungkol sa Kanya, at siya ay ganap na iresponsable sa kanyang mga tungkulin. Nagdulot siya ng pinsala sa kanyang mga tungkulin pero hindi siya nagpakita ng anumang pagkakonsensiya o pagsisisi. Mula sa pag-uugali ng ate ko, halatang-halata na hindi niya talaga hinahangad ang katotohanan, at hindi siya isang tunay na mananampalataya sa Diyos, at ang kanyang diwa ay sa isang hindi mananampalataya.
Kalaunan, nagnilay-nilay ako: Palagi kong iniisip na dahil nananampalataya ang buong pamilya namin sa Diyos, basta’t nagsakripisyo kami, gumugol ng sarili para sa Diyos, at sumunod sa Diyos hanggang sa wakas, maliligtas kami sa huli. Pero tama ba talaga ang pananaw na ito? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kondisyon sa mga hinihingi Ko sa tao, at iyong Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo nang taglay ang mga ito; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung nakasunod ka sa mga salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, ‘Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang nakakamit, nagsusumikap ako; tiyak na tatandaan Niya ako.’ Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, ‘Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?’ Kaya tinatanong kita, ‘Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?’ Ang pagiging matuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na ‘lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas’: Lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila iyong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kondisyon ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakasunod sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensyon na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at hinangad ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isang disposisyon ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama; ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng kahihiyan. Hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa panlabas na anyo, pero tinitingnan ng Diyos ang diwa ng isang tao. Hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano karami ang isinakripisyo ng isang tao, kung gaano siya nagdusa, o ang tagal niya sa pananampalataya. Ang susi ay kung sinusunod ba ng isang tao ang daan ng Diyos, kung isinasagawa ba nila ang katotohanan at kung nagbago ba ang kanilang disposisyon. Sa mga bagay na ito natutukoy ang kalalabasan ng isang tao. Pero naniwala ako na tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng isang tao sa pamamagitan ng kung kaya ba niyang sumunod hanggang sa wakas, kung gaano na siya katagal nananampalataya, at kung gaano karami ang kanyang tiniis o ginawang paggugol ng sarili. Inakala ko na kung kami bilang isang pamilya ay nananampalataya sa Diyos, basta’t nagsakripisyo kami at ginugol ang sarili namin at sumunod sa Diyos hanggang sa wakas, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, ang buong pamilya namin ay magkakaroon ng pag-asang maligtas ng Diyos, at dadalhin sa kaharian ng Diyos para tamasahin ang Kanyang mga pagpapala. Pero mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang pala ang mga ito. Naunawaan ko rin na ang maligtas matapos sumunod hanggang sa wakas ay nangangahulugang kaya ng isang taong hangarin ang katotohanan at baguhin ang kanyang disposisyon, at kayang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, sa huli ay malilinis ang kanilang tiwaling disposisyon, at na sa gitna ng iba’t ibang pagsubok at pagpipino, hindi nila ipinagkakanulo o itinatanggi ang Diyos at kaya pa rin nilang sumunod at magpasakop sa Diyos. Ang gayong mga tao lamang ang maliligtas ng Diyos sa huli at madadala sa Kanyang kaharian. Iyong mga hindi naghahangad ng katotohanan, iyong ang tiwaling disposisyon ay hindi nagpapakita ng pagbabago, at naghihimagsik pa rin at lumalaban sa Diyos, ay ang mga kinasusuklaman ng Diyos. Sa pagninilay sa dalawang beses na hinarap ko ang isyu ng pagpapaalis sa mga kapamilya ko, hindi ko nakilatis ang kanilang mga diwa. Hindi ko alam kung anong uri ng mga tao ang inililigtas o itinitiwalag ng Diyos, at pumanig ako sa pagmamahal sa laman, gustong umuwi para makipagkita sa kanila at kausapin sila. Inakala ko na basta’t nakipagbahaginan ako sa kanila at hindi na sila nanggulo pagkatapos, hindi na sila paaalisin. Inakala kong kung mananatili sila sa sambahayan ng Diyos at magtatrabaho, magkakaroon sila ng pag-asang maligtas. Pero ang pag-iisip ko ay ganap na hindi naaayon sa mga salita ng Diyos. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagpropesiya kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga diyablo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23). Pinag-isipan ko, “Bakit hindi natanggap ng mga nagsakripisyo at gumugol ng kanilang sarili para sa Panginoon ay hindi nakatanggap ng pagsang-ayon ng Panginoong Jesus, at sa halip, pinarusahan at isinumpa pa sila ng Panginoon?” Ayon sa pananaw ko, sinumang sa panlabas ay nagsasakripisyo at gumugugol, nagdurusa nang malaki, at sumusunod sa Diyos sa loob ng maraming taon ay tiyak na maliligtas. Kung gayon, bakit ang mga Pariseo na naglingkod kay Jehova taun-taon sa templo, ay hindi lang nabigong maligtas ng Diyos, kundi sa halip ay isinumpa at kinondena pa ng Diyos, tinawag na mga mapagpaimbabaw, isang pangkat ng mga ulupong, at sinabihang kahabag-habag sila? Ito ay dahil, bagama’t sa panlabas ay nananampalataya sila sa Diyos, wala silang mga pusong may-takot-sa-Diyos, hindi nila kailanman sinunod ang daan ng Diyos, at itinanggi pa nila at nilabanan ang Panginoong Jesus, at ipinako Siya sa krus. Lubha nilang sinalungat ang disposisyon ng Diyos, na nagresulta sa pagpaparusa at pagsumpa sa kanila ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, inakala ko na kung ang pamilya namin ay nananampalataya sa Diyos, nagsakripisyo at gumugol para sa Diyos, at sumunod sa Diyos hanggang sa wakas, kami ay maliligtas at makakapasok sa kaharian ng langit. Pero lahat ng ito ay pawang mga pangarap, kuru-kuro, at imahinasyon ko lamang. Ito ay kakatwa at walang katuturan, at walang anumang basehan sa realidad! Gumagawa ako ng mga ebalwasyon batay sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon, gusto pa ngang panatilihin ang pamilya ko sa iglesia para magtrabaho, iniisip na sa huli, bibigyan sila ng Diyos ng magandang kalalabasan at hantungan. Talagang napakahangal ko at bulag! Batay sa kanilang diwa at sa landas na kanilang tinahak, sila mismo ang mga pansirang-damo na ibinunyag ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Wala silang pagmamahal sa katotohanan at hindi nila ito tinanggap, at kahit na atubili silang manatili sa sambahayan ng Diyos, hindi sila maliligtas at ititiwalag pa rin sila ng Diyos.
Nagpatuloy ako sa pagninilay, “Kapag nahaharap sa pagpapaalis sa mga kapamilya ko, hindi ako kailanman makapanig sa Diyos. Sa ugat nito, ano ba ang kumokontrol sa akin?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga ugnayan ng laman, at pagkiling; ito ang mga damdamin. Ano ang mga posibleng kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga tao ng mga damdamin at pamumuhay ayon sa mga ito? Bakit pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao? Ang ilang tao ay palaging nalilimitahan ng kanilang mga damdamin, hindi nila maisagawa ang katotohanan, at bagama’t nais nilang magpasakop sa Diyos, hindi nila magawa, kaya pakiramdam nila ay pinahihirapan sila ng kanilang mga damdamin. Maraming tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito maisagawa; ito rin ay dahil nalilimitahan sila ng mga damdamin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). “Lubhang sentimental ang ilang tao. Araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa kung paano sila umasal at mangasiwa ng mga bagay, namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin. Nakararamdam sila ng mga bagay-bagay para sa taong ito at sa taong iyon, at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pag-aasikaso ng mga usapin ng mga ugnayan at damdamin. Sa lahat ng kanilang kinakaharap, nabubuhay sila sa mundo ng mga damdamin. Kapag namatay ang di-nananampalatayang kamag-anak ng gayong tao, iiyak siya nang tatlong araw at hindi pumapayag na ilibing ang bangkay. May mga damdamin pa rin siya para sa namatay at masyadong nangingibabaw ang kanyang mga damdamin. Masasabi na ang mga damdamin ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Nililimitahan siya ng kanyang mga damdamin sa lahat ng bagay, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas na siya ay malamang na maghimagsik laban sa Diyos. Ang mga damdamin ang pinakamatindi niyang kahinaan, ang kanyang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kaya siyang sirain at ipahamak ng kanyang mga damdamin. Ang mga taong sobrang sentimental ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Sila ay abala sa laman at sila ay hangal at magulo ang pag-iisip. Kalikasan ng gayong klase ng tao ang maging labis na sentimental, at namumuhay siya ayon sa kanyang mga damdamin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, saka ko lang nakita na nang maharap ako sa pagpapaalis sa tatay at ate ko, gusto kong bumalik para suportahan sila, na ang ugat na dahilan ay na napipigilan ako ng pagmamahal. Pinahalagahan ko ang pagmamahal ko sa pamilya nang higit sa lahat, higit pa nga sa mga katotohanang prinsipyo. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong prinsipyo ng “Mas matimbang ang dugo kaysa tubig,” “Laging magkakasama ang pamilya,” at “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa damdamin?” Nabigo akong kilalanin ang tama sa mali, at nawalan ako ng paninindigan at mga prinsipyo. Sa katunayan, kung hindi ko nauunawaan ang kanilang pag-uugali, puwede sana akong sumulat sa iglesia para linawin ito. Puwede ko rin sanang kilatisin ang kanilang diwa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para makita kung sila ba ay karapat-dapat sa tulong na may pagmamahal. Pero kung hindi sila dapat tulungan, kahit na kapamilya pa sila, hindi ako dapat bulag na magpakita ng kabaitan batay sa pagmamahal. Pero hindi ako nag-isip nang ganoon, at una akong pumanig sa pagmamahal, nalungkot at umiyak para sa kanila, at hindi ako nakapagtuon sa aking tungkulin. Naisip ko pa ngang bumalik para suportahan sila, hindi isinaalang-alang ang panganib. Nang hilingin sa akin ng iglesia na magbigay ng talaan ng kanilang pag-uugali, ang ugnayan lang namin bilang pamilya sa laman ang isinaalang-alang ko, at ang tanging naiisip ko lang ay ang kabaitan nila sa akin. Nabulag ako ng pagmamahal at hindi ko pinrotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at gusto ko pa ngang gumamit ng mga panloloko at panlilinlang para protektahan ang pamilya ko, hindi ko man lang isinaalang-alang kung gaano kalaking pinsala ang idudulot ng pananatili nila sa sambahayan ng Diyos sa gawain ng iglesia . Nakita ko na ang pagmamahal ang kahinaan ko, at na naging balakid at hadlang ito sa pagsasagawa ko ng katotohanan. Umasa ako sa aking pagkagiliw sa laman para tratuhin ang tatay at ate ko nang may konsensiya at pagmamahal, nang hindi ko man lang hinanap ang layunin ng Diyos. Hindi ko alam ang kanilang mga pag-uugali pero gusto ko silang basta na lang tumakbo at suportahan. Hindi ba’t ito ay isang hangal na pagmamahal? Kung bumalik ako sa bahay, hindi lang ako mahuhulog sa tukso ng pagmamahal, kundi magugulo rin ang kalagayan ko, maaantala ang tungkulin ko, at higit sa lahat, dahil sa rekord ko sa pulisya, kung mahuli ako ng malaking pulang dragon, makakaapekto ito sa gawain. Hindi ba’t lilikha ito ng mga pagkagambala at kaguluhan? Nang mapagtanto ito, nakaramdam ako ng takot na hndi mawala-wala, at nagpasalamat ako sa Diyos sa pagbubunyag sa akin, kung hindi, hindi ko sana nakita nang malinaw ang pinsala at mga kahihinatnan ng pamumuhay ayon sa pagmamahal, at mapapahamak na pala ako dahil sa pagmamahal nang hindi ko namamalayan. Kailangan kong bitiwan ang pagmamahal at tratuhin ang pamilya ko ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi na ako puwedeng malungkot pa dahil sa pagpapaalis sa tatay at ate ko sa iglesia, dahil ito ay ganap na pagiging matuwid ng Diyos. Ang mga paltos sa kanilang mga paa ay dahil sa sarili nilang landas, at wala silang ibang masisisi kundi ang kanilang sarili.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Balang araw, kapag naunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, at na pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang tanging nagbubukod sa kanila ay na magkadugo kayo. Kung hindi sila naniniwala sa Diyos, kapareho sila ng mga walang pananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong ugnayan sa laman, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspektong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw sa pangangasiwa sa mga usapin, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung tatasahin mo nang tumpak ang mga aspektong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. … Kapag malinaw mong nakikita ang iyong mga mahal sa buhay, sasabihin mong: ‘Hindi talaga tinatanggap ng nanay ko ang katotohanan; sa totoo lang, tutol siya sa katotohanan at kinasusuklaman niya ito. Sa diwa niya, isa siyang masamang tao, isang diyablo. Ang ama ko ay isang mapagpalugod ng tao, pumapanig sa nanay ko. Hindi niya talaga tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan; hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Batay sa inaasal ng aking nanay at tatay, silang dalawa ay hindi mananampalataya; pareho silang diyablo. Kailangang kong ganap na maghimagsik laban sa kanila, at kailangan kong magtakda ng malilinaw na hangganan sa kanila.’ Sa ganitong paraan, titindig ka sa panig ng katotohanan, at magagawa mo silang tanggihan. Kapag nagawa mong kilatisin kung sino sila, kung anong uri ng tao sila, magkakaroon ka pa rin ba ng mga damdamin para sa kanila? Magigiliw ka pa rin ba sa kanila? Magkakaroon ka pa ba ng relasyon sa laman sa kanila? Hindi na. Kakailanganin mo pa bang pigilan ang iyong mga damdamin? (Hindi na.) Kaya, sa ano ka ba talaga umaasa para malutas ang mga paghihirap na ito? Umaasa ka sa pag-unawa sa katotohanan, sa pag-asa sa Diyos, at sa pagtingala sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago). Mula sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang paraan para bitiwan ang pagmamahal. Pagdating sa mga kapamilya, una, dapat nating makilatis at makita kung sino talaga sila ayon sa mga salita ng Diyos, at kapag nakita na natin ang kanilang mga kalikasang diwa, malalaman natin kung paano sila tratuhin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Para sa mga kapamilya na naghahangad at nagmamahal sa katotohanan, kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan at nagbubunyag sila ng katiwalian, o kung hindi nila makita nang malinaw ang masasamang kalakaran ng mundo at panandaliang maligaw, maaari nating sundin ang mga katotohanang prinsipyo at tulungan sila nang may pagmamahal kung kinakailangan, at ilantad at pungusan sila kung kailangan. Pero kung tutol sila sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at hindi talaga naghahangad ng katotohanan, kung gayon, batay sa mga salita ng Diyos, kapag nakilatis na natin ang kanilang diwa bilang mga hindi mananampalataya, mga kakatwa, at masasamang tao, hindi natin sila maaaring mahalin nang may kahangalan, ni hindi natin sila maaaring basta na lang tulungan o suportahan batay sa pagmamahal. Dapat nating kilalanin ang pagkakaiba ng pag-ibig sa pagkamuhi, mamuhi at itakwil sila sa mga puso natin, at gumuhit ng malinaw na linya sa pagitan natin at nila. Kasabay nito, naunawaan ko rin na bagama’t sa panlabas, mayroon akong kaugnayan sa dugo sa aking ama at ate, at sila ay aking pamilya, ang kanilang mga diwa ay sa diyablo, sila ay mga hindi mananampalataya, hindi sila kabilang sa mga nais iligtas ng Diyos, at hindi sila lumalakad sa parehong landas na tinatahak ko. Nang maunawaan ko ang aspektong ito ng katotohanan, hindi na ako napipigilan ng pagkagiliw.
Matapos maranasan ang usaping ito ng pagpapaalis sa mga kapamilya ko, nagkaroon ako ng pagkilatis tungkol sa mga diwa ng tatay at ate ko, at nakita ko nang malinaw ang mga panganib ng pamumuhay ayon sa pagmamahal. Ang puso ko ay hindi na nagugulo o napipigilan ng pagmamahal, at kaya ko nang patahimikin ang puso ko sa tungkulin ko. Ang pagkakaroon ko ng ganitong pagkaunawa at pagpasok ay bunga lahat ng paggawa ng mga salita ng Diyos sa akin. Salamat sa Diyos!