73. Talagang Mapanganib ang Pagiging Pabaya sa Tungkulin

Ni Scott, USA

Noong Oktubre 2024, ginagawa ko ang tungkulin ko ng pag-eedit ng mga video ng patotoong batay sa karanasan sa ibang wika. Minsan, habang nag-e-edit ako ng isang video, natuklasan kong maraming shot ang hindi maayos ang pagkakadugtong. Tatlong beses kaysa karaniwan ang itatagal ko para pumili ng tamang footage, at kailangan kong patuloy na subukan ang iba’t ibang shot para itugma sa audio. Noong una, matiyaga pa akong nag-edit nang maingat, pero pagdating ng katanghalian, ni kalahati ng karaniwan kong natatapos ay hindi ko pa nagagawang tapusin. Nagsimula na akong mainip, sa isip-isip ko, “Marami-rami ring komplikadong shot ang video na ito. Kung idedetalye ko pa ang pag-edit sa bawat isa, magiging napakabusisi at ubos-oras nito. Nakakapagod talaga! Siguro ay magpapabasta-basta na lang ako ngayon. Kailangan lang nitong maging puwede na. Malamang ay hindi rin naman mapapansin ng mga manonood ang maliliit na problemang ito kapag na-upload na online ang video. Hindi naman malaking problema kung may ilang transition na hindi gaanong suwabe.” Nang maisip ko iyon, sa tuwing may nakikita akong mga shot na mahirap pagdugtungin, basta na lang ako pumipili ng footage at pinagdudugtong-dugtong ang mga iyon. Kahit na nakikita kong hindi masyadong suwabe ang mga transition, pinapanatag ko ang sarili ko, iniisip na “Ayos lang iyan. Puwede na iyan. Malamang ay hindi naman mapapansin ng iba ang maliliit na problemang ito.” Sa gulat ko, pagkatapos kong isumite ang natapos na video, tinukoy ni Brother Brian, na siyang nagrebyu nito, ang mahigit tatlumpung isyu na kailangang baguhin. Noong una, hindi ako makapaniwala. Alam kong naging pabaya ako sa pag-edit ng video na ito, pero hindi ko inakalang ganoon karami ang problema. Maingat kong sinuri ang mga isyung tinukoy niya at napagtanto kong lahat ng puna niya ay angkop. Inabot ako ng kalahating araw para ayusin ang lahat. Nang isusumite ko na sana ulit, nagsimula na naman akong mag-alala, iniisip na, “Inayos ko na ang mga isyu ayon sa mga mungkahi ni Brother Brian, pero baka may iba pang problema? Siguro dapat irebyu ko ulit nang buo para masigurong wala akong nakaligtaan.” Pero naisip ko, “Malapit na ang oras ng pahinga. Kung irerebyu ko pa ito nang buo ngayon, gabi na ako matatapos, at mababawasan ang oras ko ng pahinga. Hayaan mo na. Saka nasuri na rin naman ito ni Brother Brian, kaya sapat na siguro na ayusin lang ang mga problemang nakita niya.” Kaya, pagkatapos gawin ang mga iminungkahing pagbabago, isinumite ko na ito nang diretso. Hindi ko inaasahan na sa pagkakataong ito, ibang tao na ang nagrebyu, si Brother Kirk, at may itinuro na naman siyang pito o walong isyu na dapat ayusin. Nang makita ko ang resulta, napagtanto kong naantala ko ang iskedyul ng pag-upload ng video. Naisip ko, “Kung naglaan lang sana ako ng dagdag na oras kahapon at nirebyu ito nang buo, malamang ay nakita ko na ang mga problemang ito, at nai-upload na sana ang video ngayon ayon sa iskedyul. Ang dahilan kung bakit hindi ito nai-upload sa takdang oras ay dahil naging pabaya ako at hindi ko ito sineryoso.” Dahil dito, medyo sinisi ko ang sarili ko at sinabi ko sa sarili ko na dapat akong maging masipag sa mga pagbabago sa pagkakataong ito at hindi na ako puwedeng maging pabaya. Kaya, pagkatapos ayusin ang mga isyu, nirebyu ko ulit ang buong video. May natuklasan akong ilang parte pa kung saan hindi suwabe ang mga transition, at itinama ko ang mga iyon. Bagama’t nangailangan ito ng dagdag na oras at pagsisikap, napanatag ang loob ko. Sa pagkakataong ito, pagkatapos kong isumite ang video, maayos itong na-upload sa website.

Pagkatapos, habang iniisip kung paano naantala ng pabaya kong saloobin ang pag-upload, nakonsensiya talaga ako. Sa aking mga debosyonal, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Isa itong elemento ng mga tiwaling disposisyon na pangasiwaa ang mga bagay-bagay nang walang galang at iresponsable: Kasalaulaan ang madalas na tawag ng mga tao rito. Sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa, ginagawa nila ito sa puntong ‘tama lang iyan’ at ‘puwede na’; ito ay isang saloobin ng ‘siguro,’ ‘posible,’ at ‘malamang’; ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, nasisiyahan na silang gumawa sa pinakamababang paraan, at nasisiyahan sa pagpapanggap para lang makalusot; wala silang nakikitang dahilan para seryosohin ang mga bagay-bagay o maging metikuloso, at lalong wala silang nakikitang dahilan para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t isa itong elemento ng mga tiwaling disposisyon? Pagpapamalas ba ito ng normal na pagkatao? Hindi. Tama lamang na tawagin itong kayabangan, at lubos na angkop ding tawagin itong walang disiplina—ngunit para tumpak itong mailarawan, ang tanging salitang angkop ay ‘salaula.’ Karamihan ng mga tao ay may kasalaulaan sa loob nila, iba-iba lamang ang antas. Sa lahat ng bagay, nais nilang gawin ang mga bagay-bagay sa pabasta-basta at walang-ingat na paraan, at may bakas ng panlilinlang sa lahat ng ginagawa nila. Dinadaya nila ang iba tuwing may pagkakataon sila, nilalaktawan ang ilang hakbang kapag kaya nila at nagtitipid ng oras kapag kaya nila. Iniisip nila sa kanilang sarili, ‘Hangga’t maiiwasan kong mabunyag, at walang idinudulot na mga problema, at hindi ako pinananagot, magpapanggap ako para malusutan ito. Hindi ko kailangang gumawa ng isang napakahusay na trabaho, masyadong abala iyon!’ Ang gayong mga tao ay hindi kailanman nakabisado ang anumang bagay, at ayaw nilang magsikap o magdusa at magbayad ng halaga sa pag-aaral nila. Gusto lang nilang mababaw na matutunan ang isang paksa at pagkatapos ay tinatawag ang sarili nila na bihasa roon, naniniwala na nagtagumpay sila sa pagkatuto nito, at pagkatapos ay umaasa sila rito upang makaraos lang. Hindi ba’t ganito ang pag-uugali ng mga tao sa ibang mga tao, pangyayari, at bagay? Mabuti ba ang ganitong pag-uugali? Hindi. Sa madaling salita, ito ay ang ‘makaraos lang.’ Ang gayong kasalaulaan ay umiiral sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Ang mga taong may pagiging salanggapang sa kanilang pagkatao ay may pananaw at saloobing ‘makaraos lang’ sa lahat ng bagay na ginagawa nila. Nagagawa ba nang tama ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin? Hindi. Nagagawa ba nila ang mga bagay-bagay nang may prinsipyo? Lalong malamang na hindi(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos ay saka ko lang naunawaan. Kapag palaging walang galang at iresponsable ang saloobin ng mga tao sa mga bagay-bagay, gumagamit ng mga pabaya at mapanlinlang na paraan para lang makaiwas sa abala, ito ay dahil mayroon silang pagiging salanggapang sa kanilang kalooban. Kinamumuhian ng Diyos ang palagiang saloobing ito na iniraraos lang ang mga bagay-bagay kapag ginagawa ang kanilang tungkulin. Inilantad ng mga salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Noong kailangan kong maglaan ng mas maraming oras sa pagpili ng footage para sa video na ine-edit ko, dahil sa tingin ko ay malaking abala ito at gusto ko lang makaiwas sa pagsisikap, basta na lang akong kumuha ng kahit anong shot at pinagdugtong-dugtong ang mga iyon. Kahit na nakikita kong hindi suwabe ang mga transition, ayaw kong ayusin ang mga iyon. Umaasa pa nga akong makakalusot ako kung hindi ito mapapansin ng kapatid na nagrerebyu. Sa huli, maraming problema ang video at naantala ang pag-upload nito dahil sa paulit-ulit na pagrerebisa. Ginagambala at ginugulo ko ang gawaing pangvideo ng iglesia! Sa katunayan, ang pangunahing tungkulin ng isang editor ay pumili ng pinakaangkop na footage at pagkatapos ay gumamit ng ilang pamamaraan para maging suwabe ang daloy ng video. Ito ang pinakapangunahing saloobin at responsabilidad na dapat mayroon ang isang editor. Pero palagi kong sinusubukang makaiwas sa abala, nagpapabasta-basta at nagiging tuso, at hinarap ko ang tungkulin ko nang may pagiging salanggapang, kontento na sa isang hindi pulidong edit na “puwede na.” Kung magpapatuloy ako nang ganito sa katagalan, hindi lang ako mabibigo sa aking tungkulin bilang isang editor, kundi mabubunyag at matitiwalag din ako dahil sa pag-antala sa gawaing pangvideo. Masyadong malubha ang mga kahihinatnan! Nang mapagtanto ko ito, bumigat ang loob ko at labis akong nakonsensiya. Pagkatapos ay nanalangin ako sa Diyos, handang magbago at hindi na tratuhin ang aking tungkulin batay sa aking pagiging salanggapang.

Pagkatapos niyon, naging mas masipag ako nang kaunti sa aking tungkulin. Minsan, nag-e-edit ako ng isang video sa wikang Slovak, at pagkatapos kong isumite ito, tinukoy ng sister na nagrebyu nito ang isang problema sa mga paghinto sa pagitan ng mga linya ng diyalogo. Kalaunan, may natuklasan akong paraan na makalulutas sa isyung ito, kaya sinubukan kong gamitin ito sa aking pag-e-edit. Sa gulat ko, nang isinumite ko ulit ang video, sinabi ng sister na maganda ang pagka-edit at suwabe ang daloy nito. Sobrang saya ko nang marinig ito, at mukhang talagang medyo mapapabuti ng paraang ito ang mga resulta ng aking tungkulin. Gayumpaman, medyo abala na gamitin ang paraang ito; nangangailangan ito ng ilang karagdagang hakbang. Kung ie-edit ko ang bawat video sa ganitong paraan, masyadong malaking abala at mas kakailanganin kong magdusa. Kaya, bumalik ako sa dati kong paraan ng pag-e-edit, at kaya hindi nakapagtataka na maraming problema na naman ang lumitaw. Alam na alam ko na kung mas nagsikap lang ako at naglaan ng kaunting dagdag na oras, maiiwasan sana ang mga problemang ito. Sa pag-iisip nito, labis akong nakonsensiya, “Bakit ba hindi na lang ako mas magsikap sa tungkulin ko at magbayad ng mas malaking halaga? Bakit nagiging pabaya na naman ako?” Naalala ko na inilantad ng Diyos na ang mga taong walang kabutihan ay hindi kayang gawin nang maayos ang anumang tungkulin, kaya hinanap ko ang kabanatang iyon ng mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anong klaseng mga tao ang inililigtas ng Diyos? Masasabi mo na lahat sila ay mga taong may konsensiya at katwiran at kayang tanggapin ang katotohanan, dahil tanging ang mga may konsensiya at katwiran ang nagagawang tumanggap at magpahalaga sa katotohanan, at basta’t nauunawaan nila ang katotohanan, maisasagawa nila ito. Ang mga taong walang konsensiya at walang katwiran ay mga taong walang pagkatao; sa simpleng salita, wala silang kabutihan. Ano ang kalikasan ng walang kabutihan? Ito ay pagiging walang pagkatao, hindi marapat na tawaging tao. … Yaong mga walang kabutihan ay walang pagkatao; paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Hindi sila karapat-dapat na gumampan ng mga tungkulin, at hindi nila magampanan nang maayos ang anumang tungkulin. Ang mga ganitong tao ay hindi karapat-dapat na tawaging tao. Sila ay mga hayop, mga hayop sa anyo ng tao. Ang mga may konsensiya at katwiran lamang ang maaaring humawak sa mga gawain ng tao, maging tapat sa kanilang salita, mapagkakatiwalaan, at maging kalipikado bilang ‘mga matuwid na ginoo.’ Ang terminong ‘mga matuwid na ginoo’ ay hindi ginagamit sa sambahayan ng Diyos. Sa halip, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na maging matapat ang mga tao—ito ang katotohanan. Ang mga matapat na tao lamang ang mapagkakatiwalaan, may konsensiya at katwiran, at karapat-dapat na tawaging tao. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, at ginagampanan ang kanyang mga tungkulin nang pasok sa pamantayan, kung gayon, ang taong ito ay matapat at mapagkakatiwalaan. At yaong mga makakapagkamit ng kaligtasan ng Diyos ay mga matapat na tao. Ang pagiging isang matapat na tao na mapagkakatiwalaan ay hindi tungkol sa iyong mga abilidad o hitsura, at lalong hindi tungkol sa iyong kakayahan, kahusayan, o mga kaloob. Basta’t tinatanggap mo ang katotohanan, kumikilos ka nang may pananagutan, at mayroon kang konsensiya at katwiran at magagawang magpasakop sa Diyos, sapat na iyon. Anuman ang mga kapabilidad na taglay ng isang tao, ang tunay na alalahanin ay na wala siyang kabutihan. Ang isang tao na walang kabutihan ay hindi tao, bagkus ay isang hayop. Ang mga itiniwalag ng sambahayan ng Diyos ay itiniwalag dahil sila ay walang pagkatao at lubos na walang kabutihan. Samakatwid, ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat magawang tanggapin ang katotohanan, at dapat silang maging matatapat na tao, magtaglay man lang ng konsensiya at katwiran, magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, at matupad ang atas ng Diyos. Tanging ang mga taong ito ang makakapagkamit ng pagliligtas ng Diyos; sila ang mga taos-pusong naniniwala sa Kanya at ang mga taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Ito ang mga taong inililigtas ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko. Inililigtas ng Diyos ang mga may konsensiya at katwiran, dahil ang mga taong may konsensiya at katwiran lang ang kayang tumanggap ng katotohanan, magsagawa ng katotohanan, at gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ang mga walang pagkatao, konsensiya, at katwiran ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan; kahit na naiintindihan nila ito, hindi nila ito maisasagawa. Sa mata ng Diyos, ang gayong mga tao ay hindi mga tao kundi mga hayop, at sila ay matitiwalag lamang ng Diyos. Tagos sa puso ko ang paglalantad ng mga salita ng Diyos. Ako mismo ang uri ng taong inilalantad ng Diyos, isang taong walang konsensiya at katwiran. Mahigit isang dekada na akong nananampalataya sa Diyos at nakabasa na ako ng maraming salita Niya tungkol sa debotong paggawa ng tungkulin at hindi pagiging pabaya. Pero ngayon, para lang maiwasan ng laman ko ang kaunting paghihirap, nagpapabasta-basta pa rin ako at nagiging tuso, inaantala ang gawain. Hindi talaga ako isang taong tumatanggap ng katotohanan, ni hindi ako isang taong may konsensiya at katwiran. Ang totoo, kapag nakakaharap ako ng mahihirap na video, puwede ko namang i-edit nang maayos ang mga iyon kung maglalaan lang ako ng mas maraming pagsisikap at oras. Pero ayaw ko ng abala. Para sa sarili kong pisikal na kaginhawahan, basta na lang akong pumipili ng ilang shot at pinagdudugtong-dugtong ang mga iyon. Kahit na nakikita kong hindi suwabe ang mga transition, hindi ko inaayos ang mga ito, na naging dahilan para maibalik ang video para sa mga rebisyon nang maraming beses, na nagpaantala sa pag-usad nito. Malinaw kong alam na may mas magagandang paraan para ayusin ang mga isyu sa video para makamit ang mas magandang resulta, pero dahil takot akong mahirapan ang laman ko, pinili ko ang paraan na nangangailangan ng pinakakaunting pagsisikap, na nagdulot ng mga problema sa video at nag-antala sa proseso dahil sa pabalik-balik na mga rebisyon. Sa totoo lang, hindi naman kailangan ng mataas na teknikal na kasanayan sa pag-e-edit ng video; magagawa ito nang may pag-iingat, kasipagan, at kaunting dagdag na pagsisikap. Pero ni iyon ay hindi ko magawa. Talagang wala akong kahit katiting na konsensiya! Sariling pisikal na kaginhawahan ko lang ang inaalala ko, wala akong kahit katiting na pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia, at hindi ko pinangalagaan ang mga interes ng iglesia kahit kaunti. Sobrang hindi ako mapagkakatiwalaan, walang kabutihan, at walang-wala akong pagkatao! Kung isang responsableng tao ang nag-edit ng video na ito, mabilis sana itong na-upload at nagsimula nang gampanan ang bahagi nito sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo nang mas maaga nang isang araw. Ako ang nag-antala sa pag-upload ng video. Ginagambala at ginugulo ko ang gawaing pangvideo; nilalabanan ko ang Diyos! Kung hindi ako magbabago, sa huli ay itataboy, ibubunyag, at ititiwalag ako ng Diyos. Hindi ako puwedeng magpatuloy nang ganito. Kailangan kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, hangarin na maging isang matapat na tao, tuparin ang aking mga responsabilidad, at gawin ang pinakamakakaya ko para ayusin ang bawat problemang nakikita ko. Nanalangin din ako sa Diyos sa puso ko, “O Diyos, naging pabaya at iresponsable ako sa aking tungkulin. Hindi ko nagawa ang mga bagay na kaya ko namang gawin nang maayos, at naantala ko ang pag-upload ng video. Talagang wala akong konsensiya at katwiran, at hindi ako mapagkakatiwalaan. O Diyos, handa akong magsisi. Kahit na mangahulugan pa ito ng paglalaan ng mas maraming oras at lakas, paghihirap, at pagbabayad ng mas malaking halaga, basta’t makakamit nito ang magagandang resulta, handa akong gawin ito. Kung magiging pabaya ulit ako, nawa’y disiplinahin at ituwid Mo ako.”

Pagkatapos niyon, binago ko ang dati kong maling saloobin sa aking tungkulin. Bagama’t naglaan ako ng dagdag na oras at lakas sa pag-e-edit ng mga video, mas naging suwabe tingnan ang mga na-edit na video, at medyo bumilis ang proseso ng pag-upload. Sa paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan, mas napanatag ang loob ko. Pagkaraan ng ilang panahon, nagpadala ng mensahe ang superbisor na nagsasabing ilang kapatid ang nagkomento na napakasuwabe ang mga video na na-edit ko, at tinanong niya kung mayroon akong anumang magagandang paraan na maibabahagi sa lahat. Labis akong naantig at napaisip nang marinig ko ito. Sinunod ko lang naman ang sinasabi ng Diyos, na maglaan ng mas maraming pagsisikap sa aking tungkulin at magbayad ng mas malaking halaga. Hindi ko inaasahan na gaganda nang husto ang mga resulta ng aking tungkulin. Kalaunan, ibinahagi ko ang aking karanasan at ang paraan ng pag-e-edit sa aking mga kapatid, at nakita nilang lahat na malaking tulong ito.

Sa aking mga debosyonal, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa mga kahihinatnan ng pagiging pabaya. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Upang magampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, napakahalaga na gawin ng mga tao ang kanilang parte; napakahalaga ng lagay ng kanilang mga pag-iisip, at napakahalaga ng kung saan nila itinutuon ang kanilang mga iniisip at ideya. Sinisiyasat at nakikita ng Diyos kung ano ang lagay ng pag-iisip ng mga tao at kung gaano karaming pagsisikap ang ginagamit nila sa panloob habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Napakahalaga na inilalagay ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa kanilang ginagawa. Napakahalagang sangkap ang paggawa nila sa kanilang parte. Tanging kung nagsisikap ang mga tao na walang pagsisihan tungkol sa mga tungkuling kanilang naisagawa at mga bagay na kanilang nagawa, at hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos, na makakikilos sila nang buong puso at lakas. Kung palagian kang nabibigong ilagay ang buong puso at lakas mo sa pagganap sa iyong tungkulin, kung lagi ka na lang pabasta-basta, at nagdudulot ng malalaking kawalan sa gawain, at lubhang nagkukulang sa mga epektong hinihingi ng Diyos, isang bagay lang ang maaaring mangyari sa iyo: Ititiwalag ka. At magkakaroon pa ba ng panahon para magsisi, kung magkagayon? Hindi magkakaroon. Ang mga kilos na ito ay magiging isang walang-hanggang pagsisisi, isang mantsa! Ang pagiging laging pabasta-basta ay isang mantsa, ito ay isang malubhang pagsalangsang—oo o hindi? (Oo.) Dapat magsikap kang isagawa ang iyong mga obligasyon, at ang lahat ng nararapat mong gawin, nang buong puso at lakas mo, dapat ay hindi ka pabasta-basta, o mag-iwan ng pagsisisi. Kung magagawa mo iyan, tatandaan ng Diyos ang tungkuling ginagawa mo. Iyong mga bagay na tinatandaan ng Diyos ay mabubuting gawa. Ano, kung gayon, ang mga bagay na hindi tinatandaan ng Diyos? (Mga pagsalangsang at masasamang gawa.) Maaaring hindi mo tanggapin na masasamang gawa ang mga ito kung inilalarawan ang mga ito nang gayon sa ngayon, ngunit kapag dumating ang araw na may malubha nang kahihinatnan sa mga bagay na ito, at nagdulot ang mga ito ng negatibong impluwensiya, kung gayon ay madarama mo na ang mga bagay na ito ay hindi lamang mga pagsalangsang sa pag-uugali bagkus ay masasamang gawa. Kapag napagtanto mo ito, magsisisi ka, at iisipin sa sarili: ‘Dapat ay pinili ko nang umiwas bago pa nangyari! Kung mas nag-isip at nagsikap pa ako nang kaunti sa simula, naiwasan sana ang kinahinatnang ito.’ Walang makabubura ng walang-hanggang mantsa na ito sa iyong puso, at kung ilalagay ka nito sa permanenteng pagkakautang, magkakaproblema ka. Kaya ngayon ay dapat kang magsikap na ilagay ang iyong buong puso at lakas sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, na gampanan ang bawat tungkulin nang may malinis na konsensiya, walang anumang pagsisisi, at sa isang paraang tinatandaan ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo, huwag maging pabasta-basta. Kung pabigla-bigla kang gumagawa ng mali at isa itong malubhang pagsalangsang, ito ay magiging walang-hanggang mantsa. Kapag nagkaroon ka na ng mga pagsisisi, hindi ka na makakabawi para sa mga ito, at magiging mga permanenteng pagsisisi ang mga ito. Ang dalawang landas na ito ay dapat makita nang malinaw. Alin ang dapat mong piliin, upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos? Ginagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso at lakas, at naghahanda at nagtitipon ng mabubuting gawa, nang walang anumang pagsisisi. Anuman ang gawin mo, huwag kang gumawa ng masama na makagagambala sa pagganap ng iba sa kanilang mga tungkulin, huwag kang gumawa ng anumang labag sa katotohanan at laban sa Diyos, at huwag kang gumawa ng mga bagay na habambuhay mong pagsisisihan. Anong mangyayari kapag ang isang tao ay nakagawa ng napakaraming pagsalangsang? Tinitipon nila ang galit ng Diyos sa kanila sa Kanyang presensya! Kung sumalangsang ka nang sumalangsang, at higit na tumindi ang poot ng Diyos sa iyo, sa huli, ikaw ay parurusahan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Labis akong naantig pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos. Paulit-ulit kong pinagnilayan ang mga salitang ito: “Ang pagiging laging pabasta-basta ay isang mantsa, ito ay isang malubhang pagsalangsang.” At napagtanto ko na sa palaging pagiging pabaya sa aking tungkulin, hindi lang ako nabibigong maghanda ng anumang mabubuting gawa, bagkus ay nag-iipon pa ako ng masasamang gawa. Kung isang araw ay humantong ito sa malulubhang kahihinatnan, ako ay ganap na mabubunyag at matitiwalag. Kung ang mga video na in-edit ko ay direktang na-upload online nang walang sinumang nagsusuri, ang lahat ng problema sa mga iyon ay labis na magbibigay-kahihiyan sa Diyos! Natamasa ko ang napakaraming pagdidilig at panustos ng katotohanan mula sa Diyos, kaya dapat kong tuparin nang maayos ang aking tungkulin at i-edit nang maayos ang mga video. Subalit, ako ay pabaya at iresponsable. May pagkakaiba ba sa pagitan ko at ng mga taong nag-alay ng pilay at bulag na baka, tupa, at kalapati sa Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan? Tinatamasa ko ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos nang hindi iniisip na suklian ang Kanyang pag-ibig, at ang iniaalay ko ay ang pinakamababang uri ng handog. Ito ay mapangahas na panloloko at panlilinlang sa Diyos; ito ay pag-iipon ng poot ng Diyos! Kung magpapatuloy ako nang hindi nagsisisi, sa pinakamababa, aalisan ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin, at kung ito ay malubha, haharapin ko ang kaparusahan ng Diyos. Naisip ko ang isang taong nagngangalang Matias, na palaging pabaya sa kanyang tungkulin. Sa lahat ng kanyang ginawa, sinusubukan lang niyang matapos ito at palaging kailangang itama ng iba ang kanyang mga pagkakamali at ayusin ang kanyang mga kapalpakan, na nagdulot ng seryosong pagkagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Matapos mapungusan nang maraming beses, hindi pa rin siya nagsisi at ipinadala siya sa isang ordinaryong iglesia. Kalaunan ay narinig ko na hindi pa rin siya nagbago roon; huminto pa nga siya sa paggawa ng mga tungkulin, at pinaalis siya sa iglesia sa huli. Sa pag-iisip sa mga kabiguan ng iba, hindi ko maiwasang matakot. Naranasan ko rin na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag. Ang katunayang nakakagawa pa rin ako ng tungkulin sa iglesia ay awa ng Diyos at isang pagkakataon para sa akin na magsisi. Kailangan kong mabilis na hanapin ang katotohanan upang malutas ang aking problema sa pagiging pabaya sa aking tungkulin.

Kalaunan, natagpuan ko ang landas sa mga salita ng Diyos para malutas ang aking pabayang saloobin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, sa katunayan, ginagawa nila ang dapat nilang gawin. Kung ginagawa mo ito sa harap ng Diyos, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nagpapasakop ka sa Diyos nang may pag-uugali ng katapatan at may puso, hindi ba’t mas magiging tama ang saloobing ito? Kaya paano mo dapat gamitin ang ugaling ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? Dapat mong gawing realidad ang ‘pagsamba sa Diyos nang may puso at katapatan.’ Tuwing gusto mong magpabaya at iraos lamang ang gawain, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing naaabala ka o mas ginugustong magpakasaya na lamang, dapat mong isaalang-alang: ‘Sa pagkilos nang ganito, ako ba ay nagiging di-mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsasapuso ko sa paggawa ng aking tungkulin? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong maging deboto? Nabibigo ba akong tuparin ang atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?’ Ganito ka dapat magnilay sa sarili mo. Kung malalaman mo na ikaw ay palaging pabasta-basta sa iyong tungkulin, na wala kang debosyon, at na nasaktan mo ang Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihing, ‘Nadama ko sa sandaling iyon na may mali rito, pero hindi ko ito itinuring na problema; pinahapyawan ko lang iyon nang walang-ingat. Ngayon ko lang natanto na talagang ako ay naging pabasta-basta, na hindi ko natupad ang aking responsabilidad. Talagang wala akong konsensiya at katwiran!’ Natuklasan mo ang problema at nakilala mo nang kaunti ang iyong sarili—kaya ngayon, dapat mong baguhin nang lubusan ang sarili mo! Ang iyong saloobin sa pagganap sa iyong tungkulin ay mali. Nawalan ka ng ingat doon, tulad ng pagkakaroon ng dagdag na trabaho, at hindi mo isinapuso iyon. Kung muli kang pabasta-basta na katulad nito, dapat kang manalangin sa Diyos at hayaan Siyang disiplinahin at ituwid ka. Dapat mayroon kang gayong determinasyon sa paggampan ng iyong tungkulin. Saka ka lamang tunay na makapagsisisi. Makapagbabago ka lamang nang lubusan kapag malinis ang iyong konsensiya at nagbago na ang iyong saloobin sa pagganap mo sa iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Maaaring Magkaroon ng Landas na Susundin). “Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, madalas silang pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Isa ito sa mga pinakaseryosong problema sa lahat. Kung gagampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, dapat muna nilang lutasin ang problemang ito ng pagiging pabasta-basta. Hangga’t may gayong ugali sila na pabasta-basta, hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na nangangahulugang lubhang mahalagang lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta. Paano sila dapat magsagawa? Una, dapat nilang lutasin ang problema sa lagay ng kanilang pag-iisip; dapat nilang harapin nang tama ang kanilang mga tungkulin, at gawin ang mga bagay nang may kaseryosohan at may pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi nila dapat balaking maging mapanlinlang o pabasta-basta. Ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin para sa Diyos, hindi para sa sinumang tao; kung magagawa ng mga taong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, magkakaroon sila ng tamang lagay ng pag-iisip. Higit pa rito, pagkatapos gawin ang isang bagay, dapat suriin ito ng mga tao, at pagnilay-nilayan ito, at kung makadama sila ng kaunting pagkabalisa sa kanilang puso, at matapos ang masusing inspeksyon, napag-alaman nilang may problema nga, dapat silang gumawa ng mga pagbabago; kapag nagawa na ang mga pagbabagong ito, mapapanatag na sila sa kanilang puso. Kapag nababalisa ang mga tao, pinatutunayan nitong may problema, at dapat nilang masusing suriin ang mga nagawa nila, lalo na sa mga mahahalagang yugto. Ito ay isang responsableng saloobin sa pagganap ng tungkulin. Kapag ang isang tao ay makakayang maging seryoso, umako ng responsabilidad, at ibigay ang kanyang buong puso at lakas, magagawa nang maayos ang gawain(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nagliwanag ang puso ko dahil sa mga salita ng Diyos. Alam kong kailangan kong pahalagahan ang pagkakataong gawin ang aking tungkulin at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos habang ginagawa ito. Sa tuwing naiisip kong maging pabaya, kailangan kong manalangin sa Diyos at maghimagsik laban sa aking sarili, nagsusumikap na makamit ang pinakamagagandang posibleng resulta sa aking tungkulin. Bukod dito, kailangan kong magsikap at maging seryoso sa lahat ng aking ginagawa, at hindi umiwas sa abala o pagdurusa para makamit ang magagandang resulta. Pagkatapos niyon, nagsagawa ako alinsunod sa mga salita ng Diyos sa aking tungkulin at in-edit ko ang bawat video nang may pag-iingat. Kapag nakakaharap ako ng mahihirap na video na nangangailangan ng maraming oras para pumili ng footage, at nararamdaman kong malaki itong abala, sadya akong nananalangin sa Diyos para maghimagsik laban sa aking laman, sinusubukan ang aking pinakamakakaya na makahanap ng magandang footage na itutugma. Pagkatapos kong mag-edit, dalawang beses kong nirerebyu ang buong video, itinatama at pinupulido ang bawat problemang mahahanap ko. Madalas ko ring ibinubuod ang mga isyung lumitaw sa aking tungkulin, at kung may anumang hindi ko kayang pangasiwaan, tinatanong ko ang kapatid na nakikipagtulungan sa akin. Sa paglipas ng panahon, medyo bumuti ang aking mga teknikal na kasanayan, mas kaunting isyu na ang tinutukoy ng brother na nagrerebyu ng aking mga video, at maraming video ang direktang na-upload pagkatapos lang ng isang rebyu. Pagkakita sa mga resultang ito, naging napakasaya ko at napanatag ang loob ko.

Kalaunan, may nangyari na sa tingin ko ay isang pagsubok sa akin. Naisumite ko na ang isang video na in-edit ko, pero nang hindi inaasahan, pagkalipas ng dalawang araw, bigla akong pinadalhan ng isang sister ng isang inulit na rekord na audio file. Sinabi niya na may ilang teknikal na isyu sa naunang recording, kaya hindi masyadong maganda ang kalidad ng tunog, at inulit ang pagrekord dito. Kailangan kong ulitin ang pag-edit sa video para itugma sa bagong audio. Noong una, hindi ko matanggap ang balitang ito, iniisip na, “Hindi nga, i-e-edit ulit? Hindi ba’t nangangahulugan iyon na nasayang lang ang halos lahat ng nauna kong trabaho?” Ang isipin pa lang na kailangan kong maglaan ng isa pang kalahating araw sa mga rebisyon ay ayaw ko na; pakiramdam ko ay napakalaki nitong abala. Nagpunta ako sa superbisor para magtanong, at sinabi niya na bagama’t hindi maganda ang kalidad ng naunang audio, katanggap-tanggap pa rin naman, kaya ayos lang kahit hindi ito palitan. Nang marinig ko siyang sabihin iyon, naisip ko, “Sakto! Kung ganoon, hindi ko na kailangang dumaan sa abala ng pag-uulit ng pag-e-edit.” Pagkatapos, ikinumpara ko sa lumang audio ang bagong audio na ipinadala sa akin ng sister at natuklasan kong mas maganda nga talaga ang bago. Sa puntong iyon, nag-alinlangan ako, “Dapat ko bang palitan ang audio o hindi? Kung hindi, makakaiwas ako sa abala, at puwede pa ring ma-upload nang normal ang video, pero maaapektuhan ang kalidad. Inulit na ng sister ang pagrekord ng audio, at ang pagpapalit nito sa luma ay magpapaganda sa mga resulta ng video. Hindi ba’t dapat maglaan ako ng oras para palitan ang audio at ulitin ang pag-edit ng video?” Noong sandaling iyon, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko: “Dapat magsikap kang isagawa ang iyong mga obligasyon, at ang lahat ng nararapat mong gawin, nang buong puso at lakas mo, dapat ay hindi ka pabasta-basta, o mag-iwan ng pagsisisi. Kung magagawa mo iyan, tatandaan ng Diyos ang tungkuling ginagawa mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mga salita ng Diyos ay napapanahong paalala para sa akin. Ang paglalaan ng dagdag na oras para rebisahin ang video na ito ay magbibigay-daan dito na makamit ang mas magandang resulta, at iyon ay isang bagay na makabuluhan at mahalaga. Bukod dito, ang mga video na ito ng patotoong batay sa karanasan ay iingatan nang walang hanggan. Kung makapaglalaan ako ng kaunting oras ngayon para mas mapaganda ang video na ito, kung gayon, dapat kong gawin ang lahat para maging napakaganda nito hangga’t maaari. Iyon ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang aking responsabilidad at hindi mag-iwan ng mga pagsisisi. Sa pag-iisip nito, sinabi ko sa superbisor, “Mas maganda nga talaga ang audio na inulit ang rekord. Mapapabuti ng pagpapalit ng audio ang mga resulta ng video, kaya sulit na maglaan ng dagdag na oras para i-edit ito.” Sumang-ayon ang superbisor. Nang isumite ko ang video pagkatapos itong i-edit ulit gamit ang bagong audio, naramdaman ko ang kakaibang kapanatagan at kasiyahan. Bagama’t ang pagpapalit ng audio at pag-uulit ng pag-edit ay nangailangan ng ilang oras at lakas, ginawa itong sulit at makabuluhan ng pagpapabuti sa mga resulta ng video ng patotoong batay sa karanasan.

Binalikan ko ang lahat ng pagkakataon na naging pabaya ako sa aking tungkulin, kung paanong sa paghahangad ng panandaliang pisikal na kaginhawahan ay naantala ko ang normal na pag-upload ng napakaraming video at nakagawa ng maraming pagsalangsang. Nakaramdam ako ng pagsisisi at pagkakautang. Mula ngayon, hindi na ako puwedeng maging pabaya sa pagtrato ko sa aking tungkulin; dapat kong ibigay ang buong puso ko at lahat ng aking lakas. Kalaunan, sa aking tungkulin, nagsimula akong tumuon sa pagsusuri ng aking saloobin. Minsan kapag nakakaharap ako ng mahihirap na video, lumilitaw pa rin ang pag-iisip na malaki itong abala at ayaw kong magdusa. Pero pagkatapos ay naiisip ko na ito ang aking tungkulin, ang aking responsabilidad, at kailangan kong unahin ang mga resulta at huwag matakot sa abala. Unti-unti, nagawa kong maghimagsik laban sa mga kaisipang ito at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 72. Sa Likod ng Paghahangad na Maging Lider

Sumunod: 74. Paglaya Mula sa Alimpuyo ng Aking Paghahangad ng Pera

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito