6. Sa Wakas, Naunawaan Ko ang Kahulugan ng mga Pagsubok ng Diyos
Isang araw noong Hulyo 2024, sinusuri namin ng mga sister na katuwang ko ang mga artikulo, nang biglang sinabi ni Sister Zhen na masama ang pakiramdam niya, nahihilo raw siya at naninikip ang dibdib niya. Sumusuray-suray siya sa upuan niya at parang hihimatayin anumang oras. Noong una, inisip namin na dahil lang iyon sa maalinsangang panahon at sa hindi magandang sirkulasyon ng hangin sa kuwarto. Pero kalaunan, naging mas madalas ang mga atake niya. Kapag malubha na, wala na siyang lakas kahit magsalita, at hinihingal na siya pagkatapos pa lang ng iilang hakbang. Hindi na niya kayang alagaan ang sarili niya sa araw-araw, lalong hindi niya kayang gawin ang tungkulin niya. Nagsimula akong mag-alala, “May malubha kaya siyang sakit?” Pero sa isip-isip ko, “Lahat kami ay gumagawa ng tungkuling nakabatay sa teksto, na napakahalaga. Isa pa, kaya ni Sister Zhen na magtiis ng hirap at magbayad ng halaga sa paggawa ng tungkulin niya, at may nakamit na siyang ilang resulta roon. Siguradong poprotektahan siya ng Diyos at hindi Niya hahayaang magkaroon siya ng malubhang sakit. Pagsubok siguro ito ng Diyos sa kanya. Baka alisin ng Diyos ang sakit niya kapag natuto na siya ng aral.” Pagkatapos ay pumunta si Sister Zhen sa ospital para magpa-checkup. Sinabi ng doktor na normal ang lahat ng resulta ng test niya, pero mabagal ang tibok ng puso niya at mahina ang daloy ng dugo papunta sa puso. Niresetahan siya ng gamot para sa puso at sirkulasyon at sinabihan siyang magpahinga nang husto at alagaan ang sarili. Nang makita ang resulta ng checkup, inakala naming lahat na magiging ayos si Sister Zhen pagkatapos ng kaunting pahinga at pagpapagaling. Walang tigil akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko at lalo akong nakumbinsi na iba tayo sa mga walang pananampalataya: Tayong mga mananampalataya ay may pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at kapag natutunan na natin ang mga aral natin, gagaling ang mga sakit natin. Pero ang hindi inaasahan, pagkatapos bumalik ni Sister Zhen mula sa ospital at makapagpagaling sa loob ng ilang panahon, bumalik ang sakit niya, at mas dumalas pa ang mga atake.
Isang umaga, nagpapahinga siya sa kuwarto niya dahil masama ang pakiramdam niya, nang di mawari siyang nahulog sa kama. Narinig namin ang ingay at nagmadali kaming pumasok sa kuwarto, at nakita namin siyang nakahandusay sa sahig, hindi makagalaw. Mahigpit na nakapikit ang mga mata niya, at hirap na hirap siyang huminga, napakalamig ng mga kamay at paa niya, at naninigas ang mga braso at binti niya, at walang tigil na nanginginig ang buong katawan niya. Parang hindi na siya makahinga at maaari siyang mamatay anumang oras. Sobra kaming natakot. Mabilis na nakahanap ang host sister namin ng mga pildoras para sa puso na mabilis ang epekto at ipinainom sa kanya, at saka lang siya dahan-dahang nagkamalay. Nang binalikan ko ang sandaling iyon, kumabog pa rin ang dibdib ko. Kung medyo bumagal kami nang kahit kaunti sa pagkilos, natatakot akong isipin kung ano kaya ang nangyari. Nang makita si Sister Zhen na nakahiga sa kama, nakadiin ang kamay sa dibdib at nangingiwi ang mukha sa sakit, kumirot ang puso ko. “Paanong nangyari ito? Hindi ba’t sabi ng doktor ay ayos lang siya? Pero halata namang may malubha siyang problema sa puso. Narinig ko na kung malubha ang sakit sa puso, maaaring hindi ka makahinga at bigla ka na lang mamatay. Nasa mga treynta anyos pa lang siya—paanong nagkasakit siya nang napakalubha?” Lalong mahirap nang marinig kong sabihin niya sa akin nang mahina, “Masamang-masama ang pakiramdam ko ngayon, parang titigil ang tibok ng puso ko anumang oras. Kung mamatay ako, kailangan mong sabihin sa nanay ko na huwag magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Anuman ang gawin ng Diyos, matuwid ito….” Pahinto-hinto siya sa pagsasalita, putol-putol at mabilis ang pagsasalita niya. Labis akong natakot nang makita ko siyang ganoon. Noon lang ako nakakita ng isang taong malapit nang mamatay, at sa isang sandali, hindi ko alam kung ano ang sasabihin para aluin siya. Kalaunan, dahil sa pagsasaalang-alang sa kanyang kalusugan, ipinaalam ng lider sa kanyang pamilya ang kanyang kalagayan at hiniling na iuwi siya para magpagaling.
Hindi ko maintindihan ang pagkakasakit ni Sister Zhen. “Isa siyang taos-pusong mananampalataya. Puwersahan siyang pinaalis ng asawa niya sa bahay dahil sa paggawa ng tungkulin, at gumagawa na siya ng mahahalagang tungkulin sa iglesia nitong mga nakaraang taon, nagkamit siya ng ilang resulta. Bakit siya nagkasakit nang napakalubha? Bakit hindi siya pinrotektahan ng Diyos? Kahit na isa itong pagsubok, hindi naman dapat ganito kalubha, hindi ba? Kung mamatay siya, paano siya maliligtas? Naiintindihan ko na nakakaranas ng lahat ng uri ng kasawian ang mga walang pananampalataya at ang mga lumalaban sa Diyos, pero iba si Sister Zhen. Taos-puso siyang nananampalataya sa Diyos. Paanong nangyari sa kanya ang ganito kalubhang kasawian?” Gulong-gulo ang isip ko, at hindi ko maunawaan kung ano ang layunin ng Diyos. Dahil dito, napaisip ako tungkol sa sarili ko. Dati, iniisip ko na dahil mahigit isang dekada na mula nang iwan ko ang pamilya at karera ko para gawin ang tungkulin ko, at palagi akong gumagawa ng mahahalagang tungkulin at may mga nakamit akong resulta, tiyak na maliligtas ako at makakapasok sa kaharian ng Diyos hangga’t nagpapatuloy ako sa paghahangad sa ganitong paraan. Pero dahil sa sitwasyon ni Sister Zhen, bigla kong naramdaman na hindi rin garantisado ang sarili kong kaligtasan. Paano kung isang araw ay biglang sumapit sa akin ang isang malaking kasawian, tulad ni Sister Zhen, o maharap pa nga ako sa kamatayan? Kung mamatay ako, paano ako maliligtas? Hindi ba’t maglalaho lang na parang usok ang lahat ng taon ko ng pagbabayad ng halaga at paggugol ng sarili ko? Nang maisip ko ito, medyo nasiraan ako ng loob. Wala na sa tungkulin ko ang puso ko, at ginagawa ko na lang kung ano ang kaya ko sa bawat araw, kontento na sa basta matapos na lang ang mga gawain. Pakiramdam ko, may pader sa pagitan namin ng Diyos. Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko, “Anong problema sa akin? Bakit mula nang magkasakit si Sister Zhen, hindi ko na mahanap ang motibasyon para sa tungkulin ko?”
Habang naghahanap, napanood ko ang isang video ng patotoong batay sa karanasan na pinamagatang “Masama ba Talaga na Dumanas ng Sakuna?” Dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit doon ang direktang nauugnay sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang ilang tao ay nakakita ng isang taong nakararanas ng mga paghihirap, agad silang nag-iingat sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang sarili sa posisyon ng taong iyon. Sa tuwing nakakakita sila ng isang taong nahaharap sa isang uri ng pagdadalamhati, karamdaman, kapighatian, o kapahamakan, agad nilang inaalala ang kanilang sarili at iniisip na, ‘Kung mangyari ito sa akin, ano ang gagawin ko? Maaari palang maharap pa rin sa mga bagay na ito at magdusa ng mga paghihirap na ito ang mga mananampalataya. Kaya’t ano bang uri mismo ng Diyos Siya? Kung ang Diyos ay lubos na walang konsiderasyon sa mga nararamdaman ng taong iyon, ganoon din ba Niya ako tatratuhin? Ipinapakita nito na hindi maaasahan ang Diyos. Sa anumang lugar at anumang oras, nagsasaayos Siya ng isang hindi inaasahang kapaligiran para sa mga tao, at maaari Niya silang patuloy na ilagay sa mga nakakahiyang sitwasyon, at sa anumang sirkumstansiya.’ Natatakot sila na kung hindi sila mananampalataya, hindi sila magkakamit ng mga pagpapala, ngunit kung patuloy silang mananampalataya, makatatagpo sila ng kapahamakan. Sa ganitong paraan, kapag nananalangin ang mga tao sa harap ng Diyos, basta lang nilang sinasabing, ‘Diyos ko, nakikiusap ako na pagpalain Mo ako,’ at hindi sila naglalakas-loob na sabihing, ‘Diyos ko, hinihiling ko na subukin Mo ako, disiplinahin Mo ako, at gawin Mo ang Iyong kalooban, handa po akong tanggapin ito’—hindi sila naglalakas-loob na manalangin nang ganito. Matapos makaranas ng ilang dagok at kabiguan, nababawasan ang determinasyon at katapangan ng mga tao, at nagkakaroon sila ng ibang ‘pagkaunawa’ sa matuwid na disposisyon ng Diyos, sa Kanyang pagkastigo at paghatol, at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at nakararamdam din sila ng pagiging maingat sa Diyos. Sa ganitong paraan, may isang harang, isang pagkakalayo, sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ayos lang ba na magkaroon ang mga tao ng mga ganitong kalagayan? (Hindi.) Kaya, may tendensiya bang mabuo sa loob ninyo ang ganitong mga kalagayan? Minsan ba ay namumuhay kayo sa mga ganitong kalagayan? (Oo.) Paano dapat lutasin ang gayong mga problema? Ayos lang bang hindi hanapin ang katotohanan? Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan at wala kayong pananalig, magiging mahirap para sa inyo na sundin ang Diyos hanggang sa huli, at madadapa kayo sa tuwing makatatagpo kayo ng mga sakuna at kapahamakan, natural man ito o gawa ng tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (11)). “Ang lahat ng sumasampalataya sa Diyos ay handa lamang na tanggapin ang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako ng Diyos, at handa lamang tanggapin ang Kanyang kabaitan at awa. Ngunit walang naghihintay o naghahanda na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang Kanyang mga pagsubok at pagpipino, o ang Kanyang pagkakait, at walang isa mang tao ang naghahandang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang Kanyang pagkakait, o ang Kanyang mga sumpa. Normal ba o hindi normal ang relasyong ito sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? (Hindi normal.) Bakit mo nasabing hindi normal ito? Ano ang kulang dito? Ang kulang dito ay hindi taglay ng mga tao ang katotohanan. Ito ay dahil napakaraming kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, palagi silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, at hindi nila inaayos ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—kaya’t malaki ang posibilidad na magkakaroon ng mga problema. Sa partikular, nananampalataya lamang ang mga tao sa Diyos para sila ay pagpalain. Nais lamang nilang makipagkasundo sa Diyos, at humingi ng mga bagay mula sa Kanya, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan. Napakamapanganib nito. Sa sandaling makatagpo sila ng isang bagay na salungat sa kanilang mga kuru-kuro, agad silang magkakaroon ng mga kuru-kuro, hinaing, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, na maaari pa ngang umabot sa pagtataksil sa Kanya. Malubha ba ang mga kahihinatnan nito? Anong landas ang tinatahak ng karamihan ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? Bagama’t maaaring nakapakinig na kayo sa napakaraming sermon at pakiramdam ninyo ay marami na kayong naunawaan na katotohanan, ang totoo ay tinatahak pa rin ninyo ang landas ng pananampalataya sa Diyos para lamang makinabang hangga’t nais” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (11)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pinakadahilan kung bakit ako nasiraan ng loob ay dahil may problema sa pananaw ko sa pananampalataya sa Diyos. Nanampalataya ako sa Diyos dahil lang gusto kong makakuha ng mga pagpapala mula sa Kanya. Sa sandaling makita kong walang pag-asang mapagpala, nagkakamali ako ng pagkaunawa sa Diyos at nagrereklamo ako tungkol sa Kanya, at nawawalan ako ng pananalig sa Kanya. Noong unang nagkasakit si Sister Zhen, kahit na medyo nag-alala ako, inisip ko na dahil gumagawa kami ng mahahalagang tungkulin at isa siyang taos-pusong mananampalataya, tiyak na poprotektahan siya ng Diyos at pagagalingin siya. Saka, nang makita sa checkup sa ospital na normal ang lahat ng resulta ng test niya, lalo akong nakasiguro na tapat ang Diyos, at na ang mga taos-pusong gumugugol ng sarili para sa Kanya ay tiyak na makatatanggap ng Kanyang mga pagpapala at proteksyon. Pero nang bumalik ang sakit niya at naharap pa siya sa kamatayan, nagsimula akong magkamali ng pagkaunawa at magreklamo tungkol sa Diyos, “Bakit nangyari sa kanya ang ganito kalubhang kasawian? Bakit hindi siya pinrotektahan ng Diyos?” Naramdaman ko pa nga na ang mga mananampalataya ay walang ipinagkaiba sa mga walang pananampalataya, at walang garantiya ng kaligtasan. Agad kong naisip ang sarili ko, nag-aalala na baka bigla ring may sumapit na kasawian sa akin, tulad ni Sister Zhen. Kung magkasakit ako ng walang lunas at mamatay ako, paano ako maliligtas? Sa sandaling nagsimula akong mag-alala tungkol sa sarili kong kinabukasan at hantungan, lumayo ang puso ko sa Diyos, at naging pasibo at negatibo ako sa tungkulin ko. Nakita ko na gusto ko lang tumanggap ng mga pagpapala at biyaya mula sa Diyos sa pananalig ko sa Kanya. Sa sandaling nawasak ang mga pagnanais ko, hindi ko maiwasang magkamali ng pagkaunawa at magreklamo tungkol sa Kanya, nalugmok pa nga sa pagkasira ng loob at naging pabasta-basta sa tungkulin ko. Pagsalungat ito sa Diyos; pagkakanulo ito sa Kanya! Walang ipinagkaiba ang ugali ko sa mga nasa relihiyosong mundo na gusto lang makinabang hangga’t nais. Kapag pinagpapala ako ng Diyos, punong-puno ako ng sigasig, handang tumalikod at gumugol, at magbayad ng anumang halaga. Pero sa sandaling naglaho ang mga pag-asa kong mapagpala, agad akong nawalan ng gana. Nakita ko na nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon para lang sa mga pagpapala at biyaya, at na isa akong hindi mananampalataya na naroon lang para makinabang hangga’t nais. Nagsimula akong masuklam at mamuhi sa sarili ko. Nakonsensiya rin ako at nakaramdam ng pagkakautang dahil sa labis na maling pagkaunawa ko sa Diyos.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung handa na ang iyong isipan para tumanggap ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at hinanda mo na rin ang isipan mo na dumanas ng sakuna, at kung, gaano man kalaki ang ginugugol mo para sa Diyos at gaano man kalaki ang isinasakripisyo mo sa pagganap ng iyong tungkulin, ay talagang mahaharap ka sa mga pagsubok ni Job, at ipagkakait sa iyo ng Diyos ang lahat ng iyong ari-arian, maging sa puntong malapit nang matapos ang buhay mo, ano ang gagawin mo kung gayon? Paano mo dapat tratuhin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Paano mo dapat tratuhin ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos? Mayroon ka bang tamang pag-unawa at tamang saloobin? Madali bang sagutin ang mga katanungang ito o hindi? Isa itong malaking hadlang na inilagay sa harapan ninyo. Dahil isa itong hadlang at problema, hindi ba’t dapat itong lutasin? (Oo.) Paano ito lulutasin? Madali ba itong lutasin? Ipagpalagay na, pagkatapos manalig sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, makapagbasa ng napakaraming salita ng Diyos, makinig sa napakaraming sermon, at maunawaan ang napakaraming katotohanan, handa ka nang hayaan ang Diyos na pamatnugutan ang lahat, maging pagkakamit ng mga pagpapala man iyon o pagdurusa ng kamalassan. At kung ipagpalagay na, sa kabila ng iyong pagtalikod at paggugol sa iyong sarili, at ng halagang binayaran mo, at ng isang panghabang-buhay na lakas, sa huli, ang tanging makukuha mo bilang kapalit ay ang pagbigkas ng Diyos ng sumpa sa iyo, o pagkakait sa iyo. Kung, magkagayon man, ay hindi ka nagrereklamo, walang sariling mga pagnanais o hinihingi, bagkus ay hinahangad mo lang na magpasakop sa Diyos at magpasailalim sa Kanyang pamamatnugot, at pakiramdam mo, ang pagkakaroon ng kahit kaunting pagkaunawa at kaunting pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay nagbibigay pa rin ng kabuluhan sa iyong buhay—kung may gayon kang tamang saloobin, hindi ba’t magiging madaling lutasin ang ilang paghihirap kapag lumitaw ang mga ito? … Tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas, at pagdating sa sinumang nilikha, ang disposisyon ng Diyos ay pagkaawa at pagmamahal, ngunit naroon din ang pagkamaharlika at pagkapoot. Sa pakikitungo ng Diyos sa bawat tao, ang pagkaawa, pagmamahal, pagkamaharlika, at pagkapoot sa Kanyang matuwid na disposisyon ay hinding-hindi nagbabago. Ang Diyos ay hindi kailanman magpapakita ng pagkaawa at pagmamahal para lamang sa ilang tao, at pagkamaharlika at pagkapoot para lamang sa iba. Hinding-hindi ito gagawin ng Diyos, dahil Siya ay isang matuwid na Diyos, at Siya ay patas sa lahat. Ang pagkaawa, pagmamahal, pagkamaharlika, at pagkapoot ng Diyos ay umiiral para sa sinumang tao. Maaari Siyang magkaloob ng biyaya at mga pagpapala sa mga tao, at magbigay sa kanila ng proteksyon. Kasabay nito, maaari ding hatulan at parusahan ng Diyos ang mga tao, sumpain sila, at alisin ang lahat ng ibinigay Niya sa kanila. Maaaring magbigay ang Diyos sa mga tao, ngunit maaari din Niyang alisin ang lahat sa kanila. Ito ang disposisyon ng Diyos, at ito ang dapat Niyang gawin sa bawat tao. Samakatwid, kung iniisip mo na, ‘Mahalaga ako sa mga mata ng Diyos, ako ang Kanyang kinagigiliwan. Tiyak na hindi Niya matitiis na parusahan at hatulan ako, at tiyak na hindi kakayanin ng puso Niya na kuhain ang lahat ng ibinigay Niya sa akin, upang hindi sumama ang loob ko at hindi ako mabalisa,’ hindi ba’t mali ang ganitong pag-iisip? Hindi ba’t isa itong kuru-kuro tungkol sa Diyos? (Oo.) Kaya, bago mo maunawaan ang mga katotohanang ito, hindi ba’t iniisip mo lang ang magtamasa ng biyaya, awa, at pagmamahal ng Diyos? Bilang resulta, palagi mong nakakalimutan na ang Diyos ay mayroon ding pagkamaharlika at pagkapoot. Bagama’t binibigkas ng iyong mga labi na ang Diyos ay matuwid, at nagagawa mong magpasalamat at magpuri sa Diyos kapag nagpakita Siya sa iyo ng pagkahabag at pagmamahal, labis na sumasama ang loob mo sa tuwing nagpapakita ang Diyos ng pagkamaharlika at pagkapoot sa pagkastigo at paghatol sa iyo. Iniisip mo na ‘Kung hindi lang sana umiral ang gayong Diyos.’ ‘Kung hindi lang sana ang Diyos ang gumawa nito, kung hindi lang sana ako pinupuntirya ng Diyos, kung hindi lang sana ito ang layunin ng Diyos, kung sana ay ginawa na lang ang mga bagay na ito sa iba. Dahil mabait akong tao, at wala akong ginawang masama, at nagbayad ako ng malaking halaga para sa pananampalataya ko sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi dapat maging masyadong walang awa ang Diyos. Dapat akong maging karapat-dapat at kalipikadong magtamasa sa awa at pagmamahal ng Diyos, gayundin sa saganang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Hindi ako hahatulan o parurusahan ng Diyos, at hindi rin kakayanin ng puso Niya na gawin ito.’ Pangangarap lamang ba ito nang gising at maling pag-iisip? (Oo.) Paano ito naging mali? Ang mali rito ay hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang nilikha, bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan. Nagkamali ka nang ihiwalay mo ang iyong sarili sa nilikhang sangkatauhan at ituring ang iyong sarili bilang kabilang sa isang espesyal na grupo o uri ng nilikha, nagbibigay ng espesyal na katayuan sa sarili mo. Hindi ba’t mayabang at mapagmagaling ito? Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Ito ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Talagang hindi” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (11)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ay patas at matuwid sa lahat. Hindi Niya palaging poprotektahan at pagpapalain ang isang tao, ipagtatanggol siya mula sa lahat ng kasawian, dahil lang mahalaga ang kanyang tungkulin o dahil may nagawa siyang ilang espesyal na kontribusyon sa kanyang tungkulin. Pero palagi kong iniisip na sa mga walang pananampalataya lang nangyayari ang mga kasawian o sa mga hindi sinsero sa Diyos at hindi naghahangad ng katotohanan. Naniwala ako na dahil gumagawa si Sister Zhen ng isang mahalagang tungkulin sa iglesia at may nakamit na ilang resulta, dapat sana ay prinotektahan siya ng Diyos mula sa malubhang sakit at kasawian. Ito ay pulos sarili kong kuru-kuro at imahinasyon at talagang hindi naaayon sa katotohanan. Matuwid ang diwa ng Diyos. Pinagpapala man ng Diyos ang mga tao o hinahayaan silang magdusa ng kasawian, palagi Siyang matuwid. Hindi nagkakamali ang Diyos. Ang dapat gawin ng isang nilikha ay ang tumanggap at magpasakop. Ito ang katwirang dapat nating taglayin. Naisip ko ang isang sister na palaging lider, responsable sa ilang mahalagang gampanin. Kalaunan, nagkaroon siya ng malubhang altapresyon at iba pang sakit na naging banta pa sa kanyang buhay. Bagama’t nanghina siya, tumuon siya sa paghahanap ng katotohanan para matutunan ang kanyang mga aral at nagawa niyang magpasakop. Pagkatapos ng karanasang ito, nagkamit siya ng kaunting pagkaunawa sa sarili niyang tiwaling disposisyon at sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nagsulat pa ng isang artikulo tungkol sa kanyang pagkaunawang batay sa karanasan. Ipinahintulot ng Diyos na sumapit sa kanya ang mga karamdaman para linisin ang katiwalian at mga karumihan sa loob niya; ito ay pagliligtas at pagpeperpekto sa kanya ng Diyos, at ito ang karunungan ng gawain ng Diyos. At nariyan si Job. Isa siyang taong may takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Hinayaan ng Diyos na tuksuhin siya ni Satanas: Kinuha ang kanyang mga ari-arian, namatay ang kanyang mga anak, at ang sarili niyang katawan ay nabalot ng masasakit na pigsa. Labis na nagdusa ang kanyang laman, pero hindi siya tumalikod sa Diyos o nagsabi ng kahit isang salita na sumasalungat sa Kanya, at nagbigay siya ng matunog na patotoo sa Diyos. Sa panlabas, tila salungat sa ating mga kuru-kuro na hahayaan ng Diyos na tuksuhin ni Satanas si Job at pagdusahin siya nang labis. Pero ginamit ng Diyos ang mga bagay na ito para magbigay si Job ng matunog na patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas, at nagawang perpekto ang pananalig ni Job. Anuman ang gawin ng Diyos, mabuti ito. Hindi naman talaga masamang bagay para sa mga tao na maharap sa kasawian. Kung magagawa ng mga tao na hanapin ang layunin ng Diyos at matuto ng mga aral, maunawaan ang katotohanan, at malinis, ang masamang bagay ay nagiging mabuting bagay. Dati, iniisip ko na ang pagiging ligtas at maayos ng lahat ng bagay ay mabuting bagay, samantalang ang mga sakuna at kasawian ay masasamang bagay. Ngayon, nakikita ko na baluktot pala ang pananaw kong ito. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay gawain ng paghatol at pagdadalisay. Gumagamit Siya ng lahat ng uri ng pangyayari na hindi naaayon sa ating mga kuru-kuro para subukin at pinuhin tayo, ibinubunyag ang ating mga tiwaling disposisyon at ang mga karumihan sa ating mga intensyon, upang magawa nating makapagnilay at makilala ang ating sarili, hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at iwaksi ang ating mga tiwaling disposisyon para makamit ang pagliligtas ng Diyos. Pero hindi ko naunawaan ang gawain ng Diyos. Sa pananalig ko, hinangad ko lang na maging ligtas at maayos ang mga bagay-bagay, at ang pagtatamasa ng biyaya ng Diyos. Ayaw kong harapin ang mga pagsubok o kasawian. Gaano man karaming taon kong danasin ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan, hinding-hindi ko makakamit ang pagdadalisay o pagbabago. Ngayon, nauunawaan ko na tiyak na may layunin ang Diyos sa likod ng malubhang sakit ni Sister Zhen, at may mga aral na dapat matutunan si Sister Zhen. Kung hindi ko lubos na nauunawaan ang bagay na ito, hindi ko dapat subukang suriin at pag-aralan ito mula sa perspektiba ng tao. Dapat kong hanapin ang katotohanan at ang layunin ng Diyos, at higit sa lahat, hindi ko dapat antalahin ang kasalukuyang tungkulin. Iyon ang katwirang dapat kong taglayin.
Kalaunan, pinagnilayan ko, “Bakit ba ako palaging nasisiraan ng loob simula noong magkasakit si Sister Zhen? Ano ang pinakaugat ng pagkasira ng loob na ito?” Habang naghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa pamilya ng Diyos, sa mga kapatid, gaano man kataas ang iyong katayuan o posisyon, o gaano man kahalaga ang iyong tungkulin, at gaano man kagaling ang iyong talento at mga kontribusyon, o gaano ka man katagal nang nananampalataya sa Diyos, sa mga mata ng Diyos, isa kang nilikha, isang ordinaryong nilikha, at ang mararangal na ranggo at mga titulo na ibinigay mo sa iyong sarili ay hindi umiiral. Kung palagi mong itinuturing ang mga ito bilang mga korona, o bilang kapital na nagbibigay-daan sa iyo na mapabilang sa isang espesyal na grupo o maging isang espesyal na tao, kung gayon, sa paggawa nito, lumalaban at sumasalungat ka sa mga pananaw ng Diyos, at hindi ka katugma ng Diyos. Ano ang magiging mga kahihinatnan nito? Magdudulot ba ito upang tutulan mo ang mga tungkuling dapat gampanan ng isang nilikha? Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang nilikha lamang, pero hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang nilikha. Talaga bang magpapasakop ka sa Diyos sa ganitong pananaw? Lagi kang nangangarap nang gising na, ‘Hindi ako dapat tratuhin ng Diyos nang ganito, hinding-hindi Niya ako puwedeng tratuhin nang ganyan.’ Hindi ba ito lumilikha ng alitan sa Diyos? Kapag kumikilos ang Diyos nang salungat sa iyong mga kuru-kuro, sa iyong mentalidad, at sa iyong mga pangangailangan, ano ang iisipin mo sa puso mo? Paano mo haharapin ang mga kapaligiran na inihanda ng Diyos para sa iyo? Magpapasakop ka ba? (Hindi.) Hindi ka magpapasakop, at tiyak na ikaw ay lalaban, sasalungat, magmamaktol, at magrereklamo, paulit-ulit na maguguluhan dito sa puso mo, iisipin na ‘Pero noon ay pinoprotektahan ako ng Diyos at tinatrato Niya ako nang may kagandahang-loob. Bakit nagbago na Siya ngayon? Hindi ko na kaya pang mabuhay!’ Kaya’t nagsisimula kang magmaktol at magrebelde. Kung, sa bahay, ganyan ang asal mo sa iyong mga magulang, maaaring palampasin ito at wala silang gagawin sa iyo. Ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa sambahayan ng Diyos. Dahil nasa hustong gulang ka na at isa kang mananampalataya, maging ang ibang tao ay hindi na kukunsintihin ang iyong kalokohan—sa tingin mo ba ay pahihintulutan ng Diyos ang gayong pag-uugali? Kukunsintihin ba Niya ang ginagawa mo sa Kanya? Hindi. Bakit hindi? Ang Diyos ay hindi ang magulang mo, Siya ang Diyos, Siya ang Lumikha, at ang Lumikha ay hinding-hindi papayag na ang isang nilikha ay magmaktol at maging hindi makatwiran o mag-alboroto sa harap Niya. Kapag kinakastigo at hinahatulan ka ng Diyos, sinusubok ka, o may inaalis Siya sa iyo, kapag inilalagay ka Niya sa kapighatian, nais Niyang makita ang saloobin ng isang nilikha sa kung paano nito tatratuhin ang Lumikha, nais Niyang makita kung anong uri ng landas ang pipiliin ng isang nilikha, at hinding-hindi ka Niya pahihintulutan na magmaktol at maging hindi makatwiran, o magbigkas ng mga kakatwang pangangatwiran. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, hindi ba dapat isipin ng mga tao kung paano nila dapat harapin ang lahat ng ginagawa ng Lumikha? Una sa lahat, dapat gampanan ng mga tao ang kanilang wastong posisyon bilang nilikha at kilalanin ang kanilang pagkakakilanlan bilang nilikha. Magagawa mo bang kilalanin na isa kang nilikha? Kung magagawa mo ito, dapat mong gampanan ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at kahit na magdusa ka nang kaunti, dapat mong gawin ito nang walang reklamo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang taong may katwiran. Kung sa palagay mo ay hindi ka isang nilikha, bagkus ay ipinagpapalagay mong mayroon kang mga titulo at isa kang importanteng tao, at na isa kang taong may katayuan, isang mahusay na lider, patnugot, editor, o direktor sa pamilya ng Diyos, at na isa kang taong nakagawa na ng mahahalagang kontribusyon sa gawain ng pamilya ng Diyos—kung iyan ang iniisip mo, isa kang lubhang hindi makatwiran at walang kahihiyan na tao na walang pakundangan. Kayo ba ay mga taong may katayuan, posisyon, at halaga? (Hindi kami ganoon.) Kung gayon, ano ka? (Isa akong nilikha.) Tama, isa ka lang ordinaryong nilikha. Sa mga tao, maaaring ipagmalaki mo ang iyong mga kalipikasyon, umasta kang nakatataas, ipagmayabang mo ang iyong mga kontribusyon, o magsalita ka tungkol sa iyong magigiting na kabayanihan. Ngunit sa harap ng Diyos, hindi umiiral ang mga bagay na ito, at hinding-hindi ka dapat magsalita o magmayabang tungkol sa mga ito, o magpanggap na mahusay ka. Magiging magulo ang mga bagay-bagay kung ibibida mo ang iyong mga kalipikasyon. Ituturing ka ng Diyos na lubhang hindi makatwiran at sukdulan sa kayabangan. Masusuklam at mamumuhi Siya sa iyo, at isasantabi ka Niya, at mapapahamak ka kung gayon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (11)). “Hindi matino ang katwiran ng mga anticristo. Gaano man pinagbabahaginan ang katotohanan, at gaano man ito kalinaw na pinagbabahaginan, hindi pa rin nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o kung para saan ba talaga ang pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao. Dahil sa kanilang buktot na disposisyon, dahil sa kanilang buktot na kalikasan, at dahil sa kalikasang diwa ng mga gayong tao, sa loob-loob ay hindi nila matukoy kung ano talaga ang katotohanan at ano ang mga positibong bagay, kung ano talaga ang tama at ano ang mali. Mahigpit nilang pinanghahawakan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanais, itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan, bilang ang tanging mga layon sa buhay, at bilang ang pinakamakatarungang gawain. Hindi nila alam ang katotohanan na kung ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago, sila ay magiging kaaway ng Diyos magpakailanman, at hindi nila alam na hindi nakabatay sa kakayahan, mga kaloob, mga talento, o kapital ng isang tao kung anong mga pagpapala ang ibinibigay ng Diyos sa kanya at kung paano tinatrato ng Diyos ang isang tao, kundi nakabatay ang mga ito sa kung gaano karaming katotohanan ang isinasagawa nila at kung gaano karaming katotohanan ang nakakamit nila, at kung sila ba ay isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ito ang mga katotohanang hindi kailanman mauunawaan ng mga anticristo. Hindi ito kailanman makikita ng mga anticristo, at dito sila pinakahangal. Mula simula hanggang katapusan, ano ang saloobin ng mga anticristo sa kanilang tungkulin? Naniniwala sila na isang transaksiyon ang paggawa ng tungkulin, na kung sino man ang may pinakamaraming iginugugol sa kanilang tungkulin, may pinakamalaking ambag sa sambahayan ng Diyos, at nagtitiis ng pinakamaraming taon sa sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mas malaking tsansa na mapagpala at makakuha ng korona sa huli. Ito ang lohika ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ginagawa ng mga anticristo na layon ng kanilang paghahangad ang pagkakamit ng mga pagpapala. Hindi nila hinahangad ang katotohanan sa kanilang pananalig; gusto lang nilang magkamit ng mga pagpapala. Iniisip nila na hangga’t gumagawa sila ng mahahalagang tungkulin sa sambahayan ng Diyos at may ilang naiaambag, may karapatan silang magkamit ng malalaking pagpapala mula sa Diyos. Napagtanto ko na ang perspektiba sa likod ng aking paghahangad ay kapareho ng sa isang anticristo. Naniwala ako na hangga’t gumagawa ako ng isang mahalagang tungkulin, kayang magtiis ng hirap, magbayad ng halaga, magkamit ng ilang resulta sa aking tungkulin, at maghanda ng sapat na mabubuting gawa, kung gayon, mas malaki ang aking mga ambag, mas pagpapalain ako ng Diyos, at magagawa kong maligtas. Nang magkasakit si Sister Zhen sa pagkakataong ito, at nakita kong lumala ang kanyang kalagayan hanggang sa puntong nanganib ang kanyang buhay, nagkamali ako ng pagkaunawa sa Diyos, at nagreklamo ako tungkol sa Diyos dahil sa hindi pagprotekta kay Sister Zhen. Nag-alala ako na baka ako rin ay biglang magkasakit nang malubha o makaranas ng kasawian tulad ng nangyari kay Sister Zhen, at sa huli ay mawalan ng lahat ng pag-asa sa kaligtasan. Dahil dito, labis akong nasiraan ng loob, at nawalan ako ng lahat ng motibasyon sa paggawa ng aking tungkulin. Ang mga pagpapamalas kong ito ay pakikipagtalo sa Diyos, at pagsalungat sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Talagang kulang ako sa katwiran! Tayo ay mga ordinaryong nilikha lamang, at anuman ang tungkuling ginagawa natin sa iglesia, lahat tayo ay pantay na tinatrato sa mga mata ng Diyos. Pero masyadong mataas ang tingin ko sa aking sarili at hindi ako lumugar sa tama kong posisyon. Dahil palagi kong nararamdaman na gumagawa ako ng isang mahalagang tungkulin, Ginamit ko ito bilang puhunan para humingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos, iginigiit na protektahan Niya ako mula sa mga sakuna at kasawian. Talagang wala akong katwiran kahit kaunti! Nanampalataya ako sa Diyos at ginawa ko ang aking tungkulin hindi para hangarin ang katotohanan upang magkamit ng pagbabago sa aking buhay disposisyon, kundi para magkamit ng mga gantimpala at pagpapala. Hindi ba’t para na rin akong si Pablo sa Kapanahunan ng Biyaya? Kulang sa sinseridad ang pananampalataya ni Pablo sa Diyos; ang kanyang gawain at paggugol ay puno ng kanyang sariling maluluhong pagnanais. Madalas niyang itinataas ang kanyang sarili at ipinagmamayabang ang kanyang mga nagawa sa harap ng iba, ipinagyayabang kung gaano karaming gawain ang kanyang nagawa at kung gaano karaming bunga ang kanyang naibunga para sa Panginoon. Ginamit niya ang mga ito bilang puhunan para humingi ng mga gantimpala at isang korona mula sa Diyos, nagsabi pa nga ng mga salitang walang kahihiyan tulad ng, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos at pinarusahan siya ng Diyos. Ang landas na tinatahak ko ay ang landas ni Pablo. Kung hindi ko agad babaguhin ang mga bagay-bagay at itutuwid ang aking mga intensyon sa paggawa ng aking tungkulin, sa halip ay magpapatuloy sa paghahangad ng mga pagpapala, ititiwalag ako ng Diyos tulad ni Pablo, at mawawala ang aking pagkakataong maligtas.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa uri ng taong sinasang-ayunan at pinapaboran ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Upang magampanan mo ang iyong tungkulin sa isang paraang pasok sa pamantayan, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at ang mga prinsipyo, direksiyon, pinagmulan at ang motibasyon ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?). “Iniisip ng tao na lahat ng nag-aambag sa Diyos ay dapat tumanggap ng gantimpala, at na kapag mas malaki ang ambag, mas natural at tama lang na napapalugod nila dapat ang Diyos. Ang diwa ng pananaw ng tao ay transaksyonal, at hindi siya aktibong naghahangad na gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Para sa Diyos, kapag mas naghahangad ang mga tao na tunay na mahalin ang Diyos at lubos na magpasakop sa Diyos, na nangangahulugan din ng paghahangad na gampanan ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha, lalo nilang nagagawang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang pananaw ng Diyos ay upang hilingin na mabawi ng tao ang kanyang orihinal na tungkulin at katayuan. Ang tao ay isang nilikha, kaya nga hindi dapat magmalabis ang tao sa paghingi ng anuman sa Diyos, at wala na siyang dapat gawin maliban sa gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ang mga hantungan nina Pablo at Pedro ay nasukat ayon sa kung kaya nilang tuparin ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha, at hindi ayon sa laki ng kanilang ambag; ang kanilang mga hantungan ay natukoy ayon doon sa kanilang hinangad sa simula pa lamang, hindi ayon sa kung gaano karaming gawain ang kanilang ginawa, o sa pagtantiya ng ibang mga tao sa kanila. Kaya nga, ang paghahangad na aktibong gampanan ang tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ang landas tungo sa tagumpay; ang paghahangad sa landas ng tunay na pagmamahal sa Diyos ang pinakatamang landas; ang paghahangad ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng isang tao, at paghahangad ng dalisay na pagmamahal sa Diyos, ang landas tungo sa tagumpay. Ang landas na iyon tungo sa tagumpay ang landas ng pagbawi sa orihinal na tungkulin gayundin sa orihinal na anyo ng isang nilikha. Ito ang landas ng pagbawi, at ito rin ang layunin ng lahat ng gawain ng Diyos mula simula hanggang katapusan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, walang mataas, mababa, marangal, o hamak na mga tungkulin. Kung maliligtas ba o hindi ang isang tao ay hindi nakadepende sa kung anong tungkulin ang ginagawa niya o kung may mga naiambag o nakamit ba siya. Ang mahalaga ay kung hinahangad ba niya ang katotohanan at kung nakakamit ba niya ang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon. Napakahalaga nito. Naalala ko ang mga anticristong iyon na nabunyag sa iglesia. Marami sa kanila ay naging mga lider at manggagawa na tumalikod at gumugol nang malaki sa kanilang mga tungkulin noon. Gayumpaman, mali ang landas na kanilang tinatahak. Hindi nila hinanap ang mga katotohanang prinsipyo sa kanilang tungkulin at kumilos sila nang walang ingat, malubhang ginagambala at hinahadlangan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ayaw nilang magsisi paano man sila bahaginan at sa huli ay nabunyag at natiwalag. Sa kabilang banda, may ilang gumagawa ng mga hindi kapansin-pansing tungkulin sa iglesia, ngunit nakatuon sila sa paghahangad ng katotohanan at sa kanilang buhay pagpasok. Hinahanap nila ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng kanilang tungkulin, at lalo silang gumagaling sa paggawa nito habang tumatagal. Ang gayong mga tao ay may pag-asang maligtas. Mula rito, nakita ko na hindi itinatakda ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng isang tao batay sa tungkuling ginagawa nito o sa laki ng kontribusyon nito. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay kung makakamit ba ng isang tao ang katotohanan at kung magbabago ba ang buhay disposisyon ng isang tao. Ito ang pinakamahalaga sa lahat. Dapat kong tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, sundan ang landas ni Pedro, hangarin ang katotohanan upang makamit ang pagbabago sa aking buhay disposisyon, at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Ito ang dapat kong hangarin.
Kalaunan, pinagnilayan ko, “Kapag dumating sa akin ang isang pagsubok, anong saloobin ang dapat kong taglayin para makaayon sa mga layunin ng Diyos?” Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aral na kinakaharap ng bawat isang tagasunod ng Diyos. Ito rin ang pinakamalalim na aral. Kung hanggang saang antas mo nagagawang magpasakop sa Diyos, ganoon kalaki ang iyong tayog, at ganoon kalaki ang iyong pananalig—magkakaugnay ang mga bagay na ito. … Dumaan si Pedro sa napakaraming pagsubok at pagpipino. Isinantabi niya ang lahat ng kanyang mga personal na hinihingi, plano, at pagnanais, at hindi niya hiningi na may anumang gawin ang Diyos. Hindi siya nagkaroon ng mga sarili niyang kaisipan noon, at isinuko niya ang kanyang sarili nang lubos sa Diyos. Inisip niya: ‘Magagawa ng Diyos ang anumang gusto Niyang gawin. Magagawa Niya akong isailalim sa mga pagsubok, magagawa Niya akong ituwid, magagawa Niya akong hatulan o kastiguhin. Magagawa Niyang magpalitaw ng mga sitwasyon para pungusan ako, magagawa Niya akong pinuhin, magagawa Niya akong ihagis sa yungib ng leon o lungga ng mga lobo. Anuman ang gawin ng Diyos, tama ito, at magpapasakop ako sa anumang bagay. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan. Hindi ako magkakaroon ng anumang reklamo o anumang pagpili.’ Hindi ba’t ito ay lubos na pagpapasakop? Iniisip minsan ng mga tao: ‘Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, kaya bakit wala akong nadiskubreng anumang katotohanan sa bagay na ito na ginawa ng Diyos? Tila kahit ang Diyos ay gumagawa ng mga bagay na hindi umaayon sa katotohanan minsan. Nagkakamali rin ang Diyos minsan. Pero kahit ano pa man, ang Diyos ay Diyos, kaya magpapasakop ako!’ Ang ganitong uri ba ng pagpapasakop ay lubos? (Hindi.) Ito ay pagpapasakop na may pinipili; hindi ito tunay na pagpapasakop. … Kapag nananalig sila sa Diyos, dapat manatili ang mga tao sa lugar ng isang nilikha. Anumang oras, nakatago man o nagpakita sa iyo ang Diyos, nadarama mo man ang pagmamahal ng Diyos o hindi, dapat alam mo kung ano ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—dapat mong maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa pagsasagawa. Kung nakakapit ka pa rin sa iyong mga kuru-kuro, na sinasabing, ‘Kung malinaw kong makikita na nakaayon ang bagay na ito sa katotohanan at nakaayon sa aking mga kaisipan, magpapasakop ako; kung hindi malinaw sa akin at hindi ko makumpirma na ang mga ito ay gawa ng Diyos, maghihintay muna ako sandali, at magpapasakop ako kapag natitiyak ko nang gawa ito ng Diyos,’ isang tao ba ito na nagpapasakop sa Diyos? Hindi. Isa itong kondisyunal na pagpapasakop, hindi lubos, ni ganap na pagpapasakop. Hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; hindi umaayon ang pagkakatawang-tao sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at lalong hindi ang paghatol at pagkastigo. Talagang nahihirapan ang karamihan ng tao na tanggapin ito at magpasakop dito. Kung hindi mo kayang magpasakop sa gawain ng Diyos, kaya mo bang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Talagang imposible iyon. Ano ang tungkulin ng isang nilikha? (Ang lumugar sa posisyon ng isang nilikha, tanggapin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyon, iyon ang ugat nito. Hindi ba’t madaling solusyunan ang isyung ito? Ang tumayo sa lugar ng isang nilikha at magpasakop sa Lumikha, ang iyong Diyos—ito ang dapat na lubos na pinaninindigan ng bawat nilikha” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aral Para sa Pagkakamit ng Katotohanan). Tinukoy ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa: Anuman ang kasawian o pagsubok na dumating sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Nang maranasan ni Pedro ang mga pagsubok, anuman ang kapaligirang inihanda ng Diyos o anumang pagdurusa at pagpipino ang tiniis niya, hindi niya kailanman isinaalang-alang ang sarili niyang mga interes at tanging nakatuon sa kung paano palulugurin at mamahalin ang Diyos. Ibinigay pa niya ang kanyang buhay para sa Diyos. Tinandaan ng Diyos ang pagsasagawa ni Pedro, at nakamit ni Pedro ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa kabaligtaran, nang makita kong nagkasakit nang malubha si Sister Zhen, napuno ng mga reklamo at paglaban sa Diyos ang puso ko. Natakot akong baka maharap din ako sa kasawian, at lalo pa akong natakot sa kamatayan. Wala akong pananalig sa Diyos; lalong hindi ako nagpakita ng anumang pagpapasakop. Naisip ko ang pelikulang Ang Aking Nahuling Patotoo. Nang unang arestuhin at brutal na pahirapan ng mga pulis ang bida na si Zhou Xiangming, itinanggi niyang mananampalataya siya dahil sa takot sa kamatayan. Pagkatapos, nagnilay siya at nakilala ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakaramdam ng pagsisisi at paninisi sa sarili, at kinamuhian ang kanyang sarili sa pagiging napakahina at pagtatatwa sa Diyos sa harap ng diyablo. Sa sumunod na sampung taon, tumuon siya sa pagsasangkap sa sarili ng katotohanan. Naunawaan niya ang kahulugan ng mga pagsubok ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Natalos din niya ang buhay at kamatayan at handa siyang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, ipinagkakatiwala ang kanyang buhay sa Diyos. Umaasa lang siya na magkaroon ng pagkakataon balang araw na magpatotoo sa Diyos. Dininig ng Diyos ang kanyang mga panalangin, at kalaunan ay inaresto siyang muli ng malaking pulang dragon. Sa pagkakataong ito, hindi na siya duwag o takot, ni hindi na siya nalimitahan ng kamatayan. Sa halip, inilantad niya ang buktot na diwa ng malaking pulang dragon sa harap ng mga pulis, ipinahihiya si Satanas sa huli. Sa sandaling lumabas siya ng kulungan, may maligayang ngiti sa kanyang mukha. Naniniwala ako na tiyak na inisip niya na ang magawang isugal ang kanyang buhay para magpasakop sa Diyos nang isang beses ay ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay na nagawa niya sa kanyang buhay. Bagama’t hindi pa ako nahaharap sa isang pagsubok mula sa Diyos, dapat akong matuto kay Brother Zhou. Habang tinutupad ang aking tungkulin, dapat akong tumuon sa pagsasangkap sa sarili ng katotohanan at paghahanda ng aking tayog. Kung isang araw ay dumating sa akin ang isang pagsubok mula sa Diyos, sana ay maging tulad ako ni Brother Zhou, ipinagkakatiwala ang lahat-lahat ko sa Diyos, nagpapasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, nagpapatotoo sa Diyos, at nag-aalo sa Kanyang puso.
Makalipas ang ilang panahon, nakatanggap kami ng sulat mula kay Sister Zhen. Ikinuwento niya ang kanyang mga karanasan pagkauwi at ang mga natutunan niya mula sa karanasang ito ng pagkakasakit. Sinabi niya na medyo bumuti ang kanyang kalagayan, ngayon ay gumagawa na siya ng ilang tungkulin sa abot ng kanyang makakaya, at na malulunasan man o hindi ang kanyang karamdaman sa hinaharap, handa siyang umasa sa Diyos para danasin ito at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Nang makita kong nagawa ng aking sister na tanggapin ito sa positibong paraan at matutunan ang kanyang mga aral noong dumaranas siya ng sakit, tunay kong naramdaman na anuman ang mangyari, nasa likod nito ang mabubuting layunin ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang sakit na ito para gawing perpekto si Sister Zhen at para tulutan akong matuto ng mga aral mula rito. Salamat sa Diyos!