5. Nakita Kong Hindi Kailanman Umalis ang Pag-ibig ng Diyos
Noong 1997, nagsimula akong manampalataya sa Panginoon dahil sa isang karamdaman, at hindi nagtagal, bumuti ang kondisyon ko. Labis akong nagpapasalamat sa biyaya ng Panginoon. Noong tagsibol ng 2003, nalaman ko na nagbalik na ang Panginoong Jesus, at Siya ang Makapangyarihang Diyos. Sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, naunawaan ko na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at na ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang huling yugto ng gawain, ang gawain ng paghatol. Lahat ng tumatanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at nalilinis ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay maaaring iligtas ng Diyos at makapasok sa Kanyang kaharian. Kaya tinanggap ko ang Makapangyarihang Diyos at aktibong inilaan ang sarili ko sa pangangaral ng ebanghelyo. Bagama’t sinubukan akong pigilan ng pamilya ko, kinutya ako ng mga kapitbahay ko, at sinundan ako ng malaking pulang dragon at tinangkang arestuhin, sa tuwing naiisip ko kung paano pinagaling ng Diyos ang karamdaman ko at ang napakagandang hantungan na ipinangako Niya sa tao, pakiramdam ko ay sulit na sulit ang pagtitiis sa kaunting hirap na ito.
Sa isang iglap, unang bahagi na ng 2021, at nagdidilig ako ng mga baguhan sa iglesia. Noong panahong iyon, madalas akong makaranas ng kumikirot na pananakit sa aking puson. Noong una, hindi ko ito gaanong pinansin at inisip kong nilamig lang ako dahil sa malamig na panahon. Pero pagdating ng katapusan ng Hunyo, lalong lumala ang sakit, at madalas nang may dugo sa ihi ko, kaya isinugod ako ng pamilya ko sa ospital. Pagkatapos ng pagsusuri, seryosong sinabi ng doktor, “Bakit hindi ka nagpatingin agad? Ang matris mo ay kasinlaki ng sa sampung-linggong buntis, at puno ito ng mga bukol. Hindi lang ito dugo sa ihi; pagdurugo ito ng matris. Hindi maganda ang sitwasyon. Kailangan mong maoperahan kaagad.” Nang marinig ko ito, bigla akong natulala. “Paano nangyari ito?” naisip ko. “Ginagawa ko naman ang tungkulin ko sa lahat ng panahong ito. Dapat mayroon akong proteksyon ng Diyos!” Pag-uwi ko, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, alam kong may pahintulot Mo ang pagkakasakit kong ito, pero natakot ako sa mga sinabi ng doktor. Pakiusap, gabayan Mo ako para maunawaan ko ang mga layunin Mo.” Naalala ko ang isang linya mula sa mga salita ng Diyos, “Maniwala na tiyak na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat.” Kaya binuksan ko ang kompyuter ko at hinanap ang siping iyon ng mga salita ng Diyos: “Huwag mainip para sa mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na tiyak na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos, sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at panlalansi ni Satanas. Huwag masiraan ng loob. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng panloob na hadlang mo” (Pagbabahagi ng Diyos). Habang pinagninilayan ko ang Kanyang mga salita, unti-unting napanatag ang puso ko. Alam kong tiyak na may mga layunin ang Diyos sa pagkakasakit kong ito. Kahit hindi ko pa ito naiintindihan, alam kong dapat akong manalangin, maghanap, at maghintay sa gabay ng Diyos. Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa aking kapalaran. Naglalabas ng mga diagnosis ang mga doktor batay sa kanilang kaalaman at karanasan, pero hindi ko puwedeng hayaang takutin ako ng mga salita nila. Kailangan kong manalig sa Diyos. Nang maisip ko ito, hindi na ako natakot. Noong unang bahagi ng Hulyo, inoperahan ako para tanggalin ang aking matris, mga obaryo, at mga fallopian tube. Sinabi sa akin ng doktor, “Napakasuwerte mo. Benign ang resulta ng pathology report.” Tahimik akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko. Pagkatapos magpahinga nang mahigit dalawampung araw, nagsimula uli akong gumawa ng aking tungkulin.
Akala ko, tapos na ang karamdaman, pero wala akong kamalay-malay, simula pa lang pala ito. Dahil tatlong malalaking operasyon na ang pinagdaanan ko sa buhay ko—pagtanggal ng gallbladder, appendectomy, at ngayon, hysterectomy—hindi nagtagal ay nagsimula akong magdusa sa sunod-sunod na komplikasyong dulot ng natapos na operasyon. Isang gabi noong unang bahagi ng Agosto, bigla akong nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan, at isinugod ako ng pamilya ko sa ospital. Ang diagnosis ay bowel obstruction. Agad na nagpasok ng tubo ang mga doktor para alisin ang laman ng sikmura ko at linisin ang mga bituka ko. Nairita ng tubo ang lalamunan ko, kaya nagsuka ako nang walang tigil. Bukod dito at sa hindi matiis na pananakit ng tiyan, ni hindi man lang ako makaupo o makahiga. Ang buong paghihirap, na tumagal nang isang buong araw at gabi, ay tuluyang umubos sa lakas ko. Pagkatapos, alas-onse ng gabi kinabukasan, inatake ako ng isa na namang bugso ng napakatinding sakit. Nang makita kung gaano ako kaputla, mabilis na naghanap ng doktor ang asawa ko. Ibinunyag ng CT scan na may butas ang bituka ko at maraming likido sa aking tiyan, kaya kailangan ng agarang operasyon. Noong oras na iyon, malapit na akong himatayin sa sakit, umaagos ang luha at pawis sa mukha ko. Paulit-ulit, dumaing ako sa puso ko, “Diyos ko, iligtas Mo ako! O Diyos…” Habang nagdidilim ang malay, sumagi sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Maniwala na tiyak na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat” (Pagbabahagi ng Diyos). Hindi ko alam kung gaano katagal ang lumipas bago ako gisingin sa yugyog ng isang doktor, nagtatanong, “Kumusta ka na? Paano ka nakatulog?” Noon ko lang napagtanto na sa gitna ng ganoong matinding paghihirap, nakatulog pala talaga ako. Dahil huli na para makontak ang isang surgeon, pinabalik na lang nila ako sa aking silid para maobserbahan. Sa hindi inaasahan, nakatulog ako nang mahimbing hanggang pasado alas-siyete kinaumagahan. Nang dumating ang doktor para tingnan ako, sinabi niya sa nagtatakang itsura, “Malinaw na ipinakita sa CT scan na may likido sa tiyan mo. Paanong naging maayos ang kondisyon mo ngayon?” Sa puso ko, paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos. Makalipas ang isang linggo, pinalabas na ako ng ospital.
Dahil sa bile reflux na dulot ng pagtanggal sa gallbladder ko, madalas na bloated at humahapdi ang sikmura ko. Matindi ang sakit sa dibdib at likod ko, at maghapon akong hindi makakain o makatulog nang maayos. Nagpunta ako sa iba’t ibang ospital at sinubukan ang maraming tradisyonal na gamot-Tsino, pero walang nakatulong. Lumala rin ang insomnia ko; minsan ay hindi talaga ako makatulog buong gabi. Habang pinanonood ko ang sarili kong mangayayat araw-araw, namuhay ako sa palagiang pagkabalisa at pag-aalala. “Kung magpapatuloy ito, magagawa ko pa kaya ang tungkulin ko?” naisip ko. “Kung hindi ako makakakain o makatutulog, mamamatay ba ako? At kung mamamatay ako, paano pa ako maliligtas?” Hindi ko maiwasang medyo magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. “Ginawa ko ang tungkulin ko sa hirap at ginhawa sa lahat ng taon ng pananalig ko. Kahit na may sakit ako nang mahigit isang taon, hindi ako tumigil sa paggawa ng tungkulin ko. Bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Ginagamit kaya ng Diyos ang karamdamang ito para ibunyag at itiwalag ako?” Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos habang lumuluha, “O Diyos, napakahina ko. Nag-aalala ako na baka hindi ko matupad nang maayos ang tungkulin ko, at lalo pa akong natatakot na kapag namatay ako, hindi na ako maliligtas. O Diyos, isinasamo ko sa Iyo na gabayan ako, nang sa gayon ay makahanap ako ng landas ng pagsasagawa sa Iyong mga salita.” Pagkatapos ay nakita ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag dumadapo ang karamdaman, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Paano sila dapat pumili? Hindi dapat malubog ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila dapat pag-isipan ang mga posibilidad at mga landas para sa kanila sa hinaharap. Sa halip, habang mas nalalagay sa ganitong mga panahon at ganitong mga espesyal na sitwasyon at konteksto ang mga tao, at habang mas nalalagay sila sa ganitong mga biglaang paghihirap, mas higit nilang dapat hanapin at hangarin ang katotohanan. Sa ganitong paraan lamang na hindi masasayang at na magkakabisa ang mga sermon na iyo nang narinig noon at ang mga katotohanan na iyo nang nauunawaan. Habang mas nalalagay ka sa ganitong mga paghihirap, mas lalong dapat mong bitiwan ang sarili mong mga ninanasa at magpasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng ganitong uri ng sitwasyon at pagsasaayos ng mga kondisyon na ito para sa iyo ay hindi para malubog ka sa mga emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi ito upang masubok mo ang Diyos kung pagagalingin ka ba Niya kapag ikaw ay nagkasakit, nang sa gayon ay malaman ang katotohanan ng usapin; isinasaayos ng Diyos ang mga espesyal na sitwasyon at kondisyong ito para sa iyo upang matutunan mo ang mga praktikal na aral sa gayong mga sitwasyon at kondisyon, makamit mo ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at upang mas malinaw at tumpak mong malaman kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at nararamdaman man ito ng mga tao o hindi, tunay man nila itong namamalayan o hindi, dapat silang magpasakop at huwag lumaban, huwag tumanggi, at lalong huwag subukin ang Diyos. Maaari kang mamatay anu’t anuman, at kung lalabanan, tatanggihan, at susubukin mo ang Diyos, malinaw na agad kung ano ang iyong kalalabasan. Sa kabaligtaran, kung sa kaparehong mga sitwasyon at kondisyon ay magawa mong hanapin kung paano dapat magpasakop ang isang nilalang sa mga pangangasiwa ng Lumikha, hanapin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at kung anong mga tiwaling disposisyon ang dapat mong malaman sa mga sitwasyon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, at maayos kang makapagpatotoo upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ito ang dapat mong gawin. Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi para iparanas sa iyo ang lahat ng aspekto ng pagkakasakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga abala at paghihirap na idinudulot ng sakit sa iyo, at ang samu’t saring damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na maunawaan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman ang mga tiwaling disposisyon na iyong nahahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matutuhan mong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magawa mong manindigan sa iyong patotoo—ito ay lubhang mahalaga. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga pagnanais at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, paghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na pagnanais sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong sariling saloobin sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang para sa iyo na inihanda ng Diyos ang mga sitwasyon ng karamdaman o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko. Ang layunin ng Diyos sa pagpapahintulot na dumapo sa akin ang karamdamang ito ay hindi para malugmok ako sa pighati, pagkabalisa, at pag-aalala, kundi para hanapin ko ang katotohanan, matuto ng mga aral, at matuklasan ang tiwaling disposisyon na naibunyag ko. Ito ay para din subukin kung mayroon ba akong tunay na pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraang taon o higit pa ng aking pagkakasakit, sinubukan ko ang lahat ng uri ng pagpapagamot—tradisyonal na gamot-Tsino, Kanluraning gamot, at mga katutubong lunas. Nakapagpatingin na ako sa mga sikat na doktor at espesyalista, pero hindi na nga bumuti ang kondisyon ko, lalo pa itong lumala. Namuhay ako sa isang kalagayan ng pighati, pagkabalisa, at pag-aalala, natatakot na habang lumalala ang karamdaman ko ay hindi ko na magagawa ang tungkulin ko, at lalo pang natatakot na kung mamamatay ako, hindi na ako magagawang maligtas. Nasaktan at nanghina ang puso ko, at nawalan ako ng pananalig sa Diyos. Dati, kapag nagkakasakit ako at nakikita ko ang proteksyon at biyaya ng Diyos, labis akong nagpapasalamat sa Kanya. Pero ngayong malubha na ang karamdaman ko at hindi ko makita ang Kanyang biyaya at mga pagpapala, naghinala ako na ginagamit ng Diyos ang karamdaman ko para ibunyag at itiwalag ako. Sinubukan ko pa ngang gamitin ang aking pagtalikod at pagdurusa sa loob ng mga taon ng pananampalataya ko bilang puhunan para makipagtawaran sa Kanya, nagrereklamo kung bakit hindi Niya ako pinoprotektahan. Sa totoo lang, ginagamit ng Diyos ang karamdamang ito para ibunyag ang mga karumihan sa pananalig ko, at para ipaunawa sa akin ang sarili kong katiwalian, at makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa pagkaunawa sa masisidhing layunin ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi. Lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “O Diyos, handa akong ipagkatiwala ang sarili ko sa Iyong mga kamay at magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos. Nawa ay gabayan Mo ako.”
Sa sumunod na panahon, nagpatuloy ako sa pag-inom ng tradisyonal na gamot-Tsino, pero hindi pa rin bumuti ang kondisyon ko. Pakiramdam ko ay parang nasusunog ang sikmura ko, at sa sobrang pagduduwal ay hindi ako makakain. Nananakit ang buong katawan ko, at sa gabi, umaasa lang ako sa mga gamot na pampatulog para makatulog man lang ng dalawa o tatlong oras. Kalaunan, hindi ko na nga magawa ang tungkulin ko, hindi ko pa magawang makasabay sa mga pagtitipon. Noong Hulyo 2023, iminungkahi ng iglesia, batay sa aking kondisyon, na pansamantala kong itigil ang buhay iglesia para magpahinga at magpagaling sa bahay. Labis akong nagdalamhati. “Gaano man ako nahirapan dati, nagtiis ako at nagpursigi sa tungkulin ko, sa pag-aakalang pagagalingin ako ng Diyos,” naisip ko. “Pero ngayon, ni hindi ko magawang makadalo sa mga pagtitipon. Makapagpapatotoo pa ba ako? Hindi ba’t naghihintay na lang ako na itiwalag ng Diyos?” Gumuho na ang huling pag-asa ko. Noong araw na iyon, umuwi ako, dumapa sa kama, at humagulhol na lang. Naisip ko kung paanong ang mga kapatid sa paligid ko ay pawang malulusog at nakadadalo sa mga pagtitipon at nakagagawa ng kanilang mga tungkulin nang normal. Maging ang ilang walang pananampalataya ay malulusog. Bakit palagi akong dinadapuan ng karamdaman?
Sa pagtatapos ng Agosto, naospital na naman ako dahil sa bowel obstruction. Noong panahong iyon, ang araw-araw na pananakit ng tiyan, sikmura, at likod ko ay nagdulot sa akin ng hindi matiis na matinding paghihirap. Halos hindi ako makakain ng kahit ano, kaya nakadepende ako sa suwero ng protina at glucose para sa nutrisyon. Mabilis akong nabawasan ng mahigit 20 kilo. Huminto sa pagtatrabaho ang asawa ko para samahan ako sa ospital, minamasahe ang likod ko araw-araw. Ilang beses, naramdaman kong tumulo ang mga luha niya sa likod ko. Alam kong malamang na bilang na ang mga araw ko. Sa gabi, kapag hindi ako makatulog, bumabalik sa isip ko ang mga eksena mula sa dalawampung taon kong pananalig. Pinagbawalan ako ng asawa ko na manampalataya sa Diyos at tinakot pa ako ng diborsyo, pero hindi ako nakipagkompromiso. Kinutya, nilibak, at ininsulto ako ng mga tao sa mundo, pero hindi ako umurong. Tinugis at inusig ako ng malaking pulang dragon, pero hindi ako nawalan ng pananalig. Akala ko makikita ng Diyos kung paano ako tumalikod at nagdusa sa nagdaang mga taon at poprotektahan ako ng Diyos hanggang sa pinakahuli, papahintulutan akong makita ang mga karilagan ng kaharian. Hindi ko kailanman naisip na ang kinakaharap ko ngayon ay posibleng ang katapusan na ng buhay ko. Nadurog ang puso ko at hindi ko maiwasang isipin, “Pagkatapos ng lahat ng pagdurusang iyon, kailangan ko pa ring mamatay sa huli. Kung alam ko lang na ganito ang kahihinatnan, bakit pa ako nagsimulang manampalataya sa Diyos?” Sa loob ng ilang araw, nakahiga ako sa kama sa ospital, hindi nananalangin o nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang tanging naiisip ko lang ay mga imahe ng kung ano ang nangyayari pagkatapos ng kamatayan. Partikular kong naisip kung paanong ang espirituwal na mundo ay nababalot ng madilim at malagim na hamog, napakadilim na hindi mo makikita ang kamay mo kahit ilapit mo sa iyong mukha, wala man lang pamilyang makakasama sa iyo, at nanginginig ako sa takot. Isang araw, dumalaw sa ospital ang kapatid kong lalaki at ang asawa niya. Nang makita akong payat na payat at nanghihina, sinabi ng kapatid ko na may luha sa mga mata, “Huwag kang sumuko. Kailangan mong mas manalangin at umasa sa Diyos!” Ang mga salita niya ay pinuno ako ng pagkakonsensiya at pagkabalisa. Naisip ko, “Mula nang magkasakit ako, kapag nagpapakita sa akin ng biyaya at mga pagpapala ang Diyos, pinasasalamatan ko Siya at nararamdaman kong napakabuti ng pananampalataya sa Diyos. Pero ngayon na malapit na akong mamatay, nagsisimula na akong magreklamo laban sa Kanya at pinagsisisihan ko pa ang aking pananalig. Ito ay pagkakanulo sa Diyos!” Sa loob ng panahong iyon, nakasuwero ako nang mahigit sampung oras araw-araw. Pagsapit ng ikasiyam na araw, magang-maga na ang dalawa kong braso kaya hindi na nila ako makabitan pa ng suwero, kaya wala akong pagpipilian kundi ang lumabas na ng ospital. Pagkauwi sa bahay, paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, sa pagharap sa kamatayan, ang puso ko ay puno ng matinding takot at kawalan ng magawa, at ng mga maling pagkaunawa, mga reklamo, at di-makatwirang mga paghingi sa Iyo. O Diyos, pakiusap, gabayan Mo ako na makilatis ang sarili kong katiwalian at maunawaan ang Iyong mga layunin.”
Habang nakasandal sa kama, binuksan ko ang kompyuter ko at nakita ko ang mga salita ng Diyos: “Sa isip ng lahat, ang tanging bagay na naiisip nila ay ang lahat ng biyaya, pagpapala, at pangako na ipinagkakaloob ni Jehova sa mga tao, ngunit hindi nila kailanman naiisip—o hindi nila nakikinita—kung anong uri ng eksena ang mangyayari kapag inalis ni Jehova ang lahat ng bagay na ito sa kanila. Ang lahat ng sumasampalataya sa Diyos ay handa lamang na tanggapin ang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako ng Diyos, at handa lamang tanggapin ang Kanyang kabaitan at awa. Ngunit walang naghihintay o naghahanda na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang Kanyang mga pagsubok at pagpipino, o ang Kanyang pagkakait, at walang isa mang tao ang naghahandang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang Kanyang pagkakait, o ang Kanyang mga sumpa. Normal ba o hindi normal ang relasyong ito sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? (Hindi normal.) Bakit mo nasabing hindi normal ito? Ano ang kulang dito? Ang kulang dito ay hindi taglay ng mga tao ang katotohanan. Ito ay dahil napakaraming kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, palagi silang nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, at hindi nila inaayos ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—kaya’t malaki ang posibilidad na magkakaroon ng mga problema. Sa partikular, nananampalataya lamang ang mga tao sa Diyos para sila ay pagpalain. Nais lamang nilang makipagkasundo sa Diyos, at humingi ng mga bagay mula sa Kanya, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan. Napakamapanganib nito. Sa sandaling makatagpo sila ng isang bagay na salungat sa kanilang mga kuru-kuro, agad silang magkakaroon ng mga kuru-kuro, hinaing, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, na maaari pa ngang umabot sa pagtataksil sa Kanya. Malubha ba ang mga kahihinatnan nito? Anong landas ang tinatahak ng karamihan ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? Bagama’t maaaring nakapakinig na kayo sa napakaraming sermon at pakiramdam ninyo ay marami na kayong naunawaan na katotohanan, ang totoo ay tinatahak pa rin ninyo ang landas ng pananampalataya sa Diyos para lamang makinabang hangga’t nais” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (11)). “Si Job ay tunay ngang isang taong may pananalig. Nang pagpalain siya ng Diyos, nagpasalamat siya sa Diyos. Nang disiplinahin siya ng Diyos at alisin sa kanya ang lahat ng mayroon siya, nagpasalamat pa rin siya sa Diyos. Matapos maranasan ang mga bagay-bagay hanggang sa pinakadulo, nang tumanda na siya at kinuha na ng Diyos ang lahat ng kanyang ari-arian at mga anak, paano tumugon si Job? Hindi lang siya hindi nagreklamo, kundi nagawa niyang itakwil si Satanas, at pinuri niya ang Diyos mula sa kanyang puso, idinakila ang pangalan ng Diyos, at nagpatotoo sa Kanya. … Madalas sabihin ng mga tao, ‘Lahat ng ginagawa ng Diyos ay kapaki-pakinabang sa mga tao at naglalaman ng Kanyang mabubuting layunin.’ Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Pero kaya mo ba itong tanggapin? Kapag pinagpapala ka ng Diyos, kaya mo itong tanggapin, pero kaya mo ba itong tanggapin kapag binabawi Niya? Hindi mo kaya, pero kaya ni Job. Tinanggap niya ang pahayag na ito bilang katotohanan—hindi ba’t mahal niya ang katotohanan? Kinuha ng Diyos ang lahat ng kanyang ari-arian, na nagdulot sa kanya ng napakalaking kawalan, at tinamaan din siya ng isang malubhang karamdaman. Pero ang pahayag na ito na sinabi niya, ‘Tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at naglalaman ng mabubuting layunin ng Diyos,’ ay nagpapatunay na lubos niyang naunawaan sa kanyang puso na ang lahat ng mayroon siya ay ipinagkaloob ng Diyos. Dahil mismo sa naunawaan niya na ito ang katotohanan, gaano man kalaking pasakit ang dinanas niya, wala siyang reklamo at nagawa pa rin niyang purihin ang Diyos. Anuman ang sabihin ng kanyang asawa, nagawa niyang manindigan sa kanyang patotoo at dakilain ang Diyos sa kanyang puso. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi nating mahal ni Job ang katotohanan. Higit pa rito, anuman ang paraan na ginamit ng Diyos para subukin siya, nagawa niyang tumanggap at magpasakop nang walang reklamo. Maging nang kinuha ni Satanas ang kanyang ari-arian at sinubukang patayin siya, o pinahirapan siya ng mga pigsa—na lahat ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao—paano tumugon si Job? Nagreklamo ba siya tungkol sa Diyos? Hindi siya nagsalita ng kahit isang salita ng reklamo tungkol sa Diyos, bagkus ay sinabi niya na ang pangalan ng Diyos ay dapat dakilain. Pinatutunayan nito na kayang magpasakop ni Job sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at pinatutunayan din na mahal ni Job ang katotohanan, at mahal ang katarungan at pagiging matuwid. Sa kanyang puso, sinabi niya, ‘Napakamakatarungan ng Diyos sa mga tao at napakatuwid! Tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos!’ Dahil dito, nagawa niyang purihin ang Diyos. Sinabi niya, ‘Anuman ang gawin ng Diyos, hindi ako magrereklamo. Sa paningin ng Diyos, ang mga nilikha ay mga uod lamang. Paano man ako tratuhin ng Diyos ay ayos lang at may katwiran.’ Naniniwala siyang tama at positibo ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Gaano man kalaki ang kawalan sa kanyang ari-arian, gaano man karaming paghihirap ang kanyang hinarap o gaano man karaming pasakit ang tiniis niya, hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos, at nagawa pa rin niyang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Isa itong pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagkakilala sa Sarili ay Mahalaga sa Paghahangad ng Katotohanan). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, lubos akong napahiya! Sa pananaw ko, ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol lang sa pagtanggap ng biyaya at mga pagpapala mula sa Kanya. Hindi ko kailanman naisip na isang araw ay daranas ako ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, o ng mga pagsubok at pagpipino, lalo nang hindi ko sinangkapan ang sarili ko ng katotohanan bilang paghahanda sa pagharap sa paghatol ng Diyos. Bagama’t saulado ko ang mga karanasan ni Job at kayang-kaya kong bigkasin mula sa memorya ang mahahalagang salitang sinabi niya noong nanindigan siya sa kanyang patotoo, doktrina lang ang lahat ng naunawaan ko. Naranasan ni Job ang mga pagsubok ng Diyos dahil may takot siya sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nawala sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at mga anak, at ang kanyang katawan ay napuno ng nagnanaknak na mga sugat. Kinutya siya ng kanyang asawa at nilibak ng kanyang mga kaibigan, pero nanatili pa rin siyang matatag sa kanyang integridad. Sa kanyang matinding pagdurusa, mas gugustuhin pa niyang isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan kaysa magreklamo laban sa Diyos o talikuran ang pangalan ng Diyos. Itinuring niya ang, “Tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at naglalaman ng mabubuting layunin ng Diyos” bilang pinakamataas na katotohanang dapat isagawa. Basta’t mula ito sa Diyos, mabuti man o masama, kaya niyang tanggapin ito at magpasakop. Sa kanyang pananalig, pagpapasakop, at pagkatakot sa Diyos, tinalo niya si Satanas at nagpatotoo nang matunog para sa Diyos. Sa doktrina, alam ko na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at naglalaman ng Kanyang mabubuting layunin, pero nang dalhin ako ng aking matagal na karamdaman sa bingit ng kamatayan, ganap na nabunyag ang tunay kong tayog. Sinimulan kong bilangin ang sarili kong mga merito, nagrereklamo kung bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos, at pinagsisihan ko pa nga ang aking pananalig at lahat ng tinalikuran at ginugol ko. Kapag pinagpapala ako ng Diyos, puno ako ng pasasalamat sa Kanya, pero kapag kontra sa mga kuru-kuro ko ang ginawa Niya, nakikipagtalo ako at kumokontra sa Kanya. Wala talaga akong konsensiya at katwiran; walang-wala akong pagkatao! Pagkatapos ay nagpatirapa ako sa lupa at nanalangin sa Diyos, “O Diyos, Ikaw ang Lumikha, at ako ay isang nilikha. Anuman ang gawin Mo, hindi ako dapat magkaroon ng anumang reklamo o sapilitang humingi sa Iyo. O Diyos, handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.”
Sa sumunod na ilang araw, sinimulan kong ayusin ang mga dapat kong ayusin. Inimpake ko ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at sinabi ko sa isang sister kung saan ko inilagay ang mga iyon. Nanalangin din ako at naghanap kung paano haharapin nang tama ang kamatayan. Nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ganito mo dapat tingnan ang usapin ng kamatayan. Ang lahat ay haharap sa kamatayan sa buhay nila, ibig sabihin, ang kamatayan ang kakaharapin ng lahat sa dulo ng kanilang paglalakbay. Ngunit, may iba’t ibang kalikasan ang kamatayan. Isa rito ay, sa oras na pauna nang inorden ng Diyos, nakumpleto na ng mga tao ang sarili nilang mga misyon at tinutuldukan na ng Diyos ang kanilang pisikal na buhay, kaya nagwawakas na ang kanilang pisikal na buhay, bagama’t hindi ito nangangahulugang tapos na ang kanilang buhay. Kapag ang isang tao ay wala nang laman, tapos na ang kanyang buhay—ganito ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang anyo ng pag-iral ng iyong buhay pagkatapos ng kamatayan ay nakasalalay sa kung paano mo tinrato ang gawain at mga salita ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay pa—ito ay napakahalaga. Ang anyo ng iyong pag-iral pagkatapos ng kamatayan, o kung ikaw ba ay iiral o hindi, ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan habang ikaw ay nabubuhay pa. Kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag nahaharap ka sa kamatayan at sa lahat ng uri ng karamdaman, ang iyong saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng pagrerebelde, pagsalungat, at pagtutol sa katotohanan, at pagdating ng oras ng katapusan ng iyong pisikal na buhay, sa paanong paraan ka iiral pagkatapos ng kamatayan? Tiyak na iiral ka sa ibang anyo, at tiyak na hindi magpapatuloy ang iyong buhay. Sa kabaligtaran, kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag may kamalayan ka sa laman, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay isang saloobin ng pagpapasakop at katapatan at mayroon kang tunay na pananalig, kung gayon, kahit na matapos ang iyong pisikal na buhay, ang iyong buhay ay patuloy pa rin na iiral sa ibang anyo sa ibang mundo. Ito ang depinisyon ng kamatayan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napanatag ako nang husto. Lahat ay kailangang humarap sa kamatayan, pero ang kalikasan ng kamatayan ng bawat tao at ang kanilang kinalabasan pagkatapos ay lubhang magkakaiba. Kung babalik sila sa harap ng Lumikha o bababa sa impiyerno kasama ni Satanas ay depende sa kanilang saloobin sa Diyos at sa katotohanan noong sila ay nabubuhay pa. Naisip ko ang talata sa Bibliya na nagsasabing, “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). May takot si Job sa Diyos at umiwas siya sa kasamaan sa buong buhay niya. Sa gitna ng mga pag-atake at pagpapahirap ni Satanas, nanindigan siya sa kanyang patotoo para sa Diyos, na nagdulot ng kaaliwan sa puso ng Diyos. Sa harap ng kamatayan, nagawa ni Job na magpasakop mula sa kanyang puso. Kalmado at payapa ang kanyang isipan, walang anumang pag-aalala o takot. Noon ko naunawaan na hindi ang kamatayan mismo ang nakatatakot. Ang nakatatakot ay ang mamuhay nang hindi hinahangad o nakakamit ang katotohanan, namumuhay pa rin ayon sa tiwaling disposisyon at mga satanikong pilosopiya, at naghihimagsik at nilalabanan pa rin ang Diyos. Gaano man kahaba ang gayong pisikal na buhay o gaano man ito kaginhawa, pansamantala lamang ito, at pagkatapos ng kamatayan, kailangan pa ring pumunta sa impiyerno para maparusahan. Pero kung habang nabubuhay, kayang hangarin ng isang tao ang katotohanan at magkamit ng katotohanan bilang kanyang buhay, isabuhay ang realidad ng pagkakaroon ng takot at pagpapasakop sa Diyos tulad ng ginawa ni Job, at manindigan sa kanyang patotoo para ipahiya si Satanas, kung gayon, kahit mamatay pa ang kanyang pisikal na katawan isang araw, isa pa rin siyang taong sinasang-ayunan ng Diyos. Sa pagharap sa kamatayan, ang tanging naibunyag ko ay mga maling pagkaunawa, mga reklamo, at di-makatwirang mga paghingi sa Diyos. Puno ako ng paghihimagsik at paglaban sa Kanya. Kahit na magpatuloy pa akong mabuhay, kung hindi magbabago ang tiwali kong disposisyon, matitiwalag at maparurusahan pa rin ako sa huli.
Kalaunan, nagsimula akong magnilay. Matapos danasin ang halos tatlong taon ng pagkakasakit, napakarami kong naibunyag na paghihimagsik at maling pagkaunawa sa Diyos. Kahit alam kong tama ang lahat ng ginagawa Niya at dapat akong magpasakop, nang maharap sa kamatayan, hindi ko pa rin magawang magpasakop, anuman ang mangyari. Kaya ko pa ngang makipagtalo sa Diyos at kumontra sa Kanya. Anong aspekto ng tiwali kong disposisyon ang nagdulot nito? Isang araw, nakita ko ang mga salita ng Diyos: “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at mayroon silang napakalaking kumpiyansa na matamo ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga intensyon at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita sa kanila ang tunay nilang katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga interes, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang intensyon ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasunduan, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong intensyon, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung pagbabatayan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong nagpaparoo’t parito kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng determinasyon nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na may makuha sila. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin para lamang magkamit ng mga pagpapala at gantimpala. Kung walang magandang kinalabasan, walang mga gantimpala o pagpapala, hindi mananampalataya sa Diyos ang isang anticristo, lalo nang hindi magdurusa para sa kanyang tungkulin. Lahat ng ginagawa ng isang anticristo ay para subukang makipagtawaran sa Diyos, delusyonal na umaasang ipagpalit ang maliit na halaga para sa malalaking pagpapala. Pinagnilayan ko ang aking sarili. Matapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos at malaman ang Kanyang mga pangako at pagpapala, at na ang mga tao ay maaaring makapasok sa kaharian ng langit at magkamit ng buhay na walang hanggan, naging aktibo ako sa pangangaral ng ebanghelyo at paggawa ng aking tungkulin. Gaano man ako sinubukang pigilan ng aking pamilya, gaano man ako kinutya o ininsulto ng mga nasa paligid ko, o kahit noong inusig ako ng malaking pulang dragon, hindi ako umurong. Kahit noong ako ay pinahihirapan ng sakit at hindi makakain o makatulog, nagpursigi ako sa aking tungkulin. Pero nang lumala ang sakit ko at hinarap ko ang banta ng kamatayan, nagreklamo ako kung bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos at pinagsisihan ko pa nga ang mga taon ko ng pagtalikod at paggugol sa sarili, at pinagsisihan ang aking pananalig. Ang tanging naibunyag ko ay paghihimagsik at pagkakanulo sa Diyos. Naisip ko si Pablo. Nilakbay niya ang buong Europa para mangaral ng ebanghelyo, at nagdusa siya nang labis at nagbayad ng malaking halaga, pero ang kanyang pagdurusa at ang halagang binayaran niya ay para lamang magkamit ng mga pagpapala at isang korona. Sinabi niya, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ginamit ni Pablo ang kanyang pagdurusa at ang halagang binayaran niya bilang mga alas para subukang makipagtawaran sa Diyos, hayagang sumisigaw laban sa Diyos. Ang ibig niyang sabihin ay batay sa kung ano ang kanyang ginugol at nakamit, kailangang bigyan siya ng Diyos ng mga gantimpala, isang korona, at isang magandang hantungan; kung hindi, hindi magiging matuwid ang Diyos. Ang disposisyong naibunyag ko ay katulad ng kay Pablo. Batay sa aking mga kilos, nararapat akong mamatay, pero pinahintulutan pa rin ako ng Diyos na mabuhay. Ito ay isang pagkakataon para makapagsisi ako, isang gawa ng dakilang awa at biyaya ng Diyos.
Dati akong naniniwala na kahit makaranas ako ng pag-uusig, kapighatian, o nakamamatay na sakit, basta’t makapanatili ako sa aking tungkulin, magkakaroon ako ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos at magagawa kong manatiling buhay at maliligtas ako. Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong lubhang katawa-tawa ang pananaw na ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa huli, kung magtatamo man ng kaligtasan ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang pamamatnugot, huwag isaalang-alang ang kanilang hinaharap at kapalaran, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Matuwid at banal ang Diyos, at ito ang mga pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang mga pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na ang pagkakaligtas ay hindi ang pagkapit sa panlabas na pagsasasagawa ng paggampan sa aking tungkulin. Ang mahalaga ay ang hangarin at kamtin ang katotohanan sa panahon ng paggawa ng tungkulin upang makamit ang isang pagbabago sa disposisyon, at matuto ng mga aral sa iba’t ibang kapaligirang inihanda ng Diyos, magawang magpasakop sa Diyos at magpasailalim sa Kanyang mga pamamatnugot tulad ni Job. Sa gayon lamang maaaring matugunan ng isang tao ang mga kalipikasyong kailangan para maligtas at manatiling buhay. Gumawa ako ng isang panata sa aking panalangin. Anuman ang kalabasan ko, handa akong maging isang nilikha na may katwiran. Kung pahihintulutan pa rin ng Diyos na mabuhay ako, handa akong magsimulang muli, bitiwan ang aking intensyon na magkamit ng mga pagpapala, at huwag nang sumubok na makipagtawaran sa Diyos. Gagawin ko ang aking tungkulin para makamit ang katotohanan at masuklian ang pag-ibig ng Diyos. Kung inorden ng Diyos na ang buhay ko ay dapat nang matapos sa puntong ito, handa akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Pagkatapos niyon, bumuti nang husto ang kalagayan ko. Bagama’t hindi pa rin gumagaling ang karamdaman ko, at masakit ang buong katawan ko sa halos lahat ng oras, at kung minsan ay hindi pa nga gaanong malinaw ang isip ko, payapa ang puso ko. Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, handang ilagay ang aking buhay at kamatayan sa Kanyang mga kamay. Magpapasakop ako sa anumang Kanyang papamatnugutan.
Pagkatapos niyon, lalo pang bumagsak ang kalusugan ko. Napapaduwal ako kahit sa isang sipsip ng tubig at sumusuka ako. Ni wala akong lakas para maglakad. Ang pinakamalinaw kong naaalala ay ang gabi ng Setyembre 18. Biling-baligtad ako buong gabi, hindi makatulog. Pagsapit ng bukang-liwayway, nilagnat ako, at hindi na matiis ang sakit sa buong katawan ko. Tahimik akong nanalangin sa puso ko, “O Diyos, sa tingin ko ay hindi na ako magtatagal. Bagama’t marami akong ayaw iwanan, ako ay isang nilikha. Mabuhay man ako o mamatay, magkaroon man ako ng magandang kinalabasan at hantungan o hindi, ang tanging hiling ko ay makapagpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang Makapangyarihang Diyos ay isang napakamakapangyarihang manggagamot!” “Ang salita ng Diyos ay makapangyarihang gamot! Ipinapahiya nito ang mga diyablo at si Satanas! Ang pag-unawa sa salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng suporta. Mabilis na kumikilos ang Kanyang salita para iligtas ang ating puso! Iwinawaksi nito ang lahat ng bagay at pinapayapa ang lahat” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Oo, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat. Ang buhay at kamatayan ay nasa isang kaisipan lamang ng Diyos. Kaya ng mga doktor na gumamot ng mga karamdaman, pero hindi nila kayang magligtas ng buhay. Ang Diyos ang tanging sandigan ko, at sa pamumuhay lamang sa Kanyang mga salita makasusumpong ng kapayapaan ang aking espiritu. Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, nakatulog ako nang hindi namamalayan. Iyon ang kaisa-isang pagkakataon sa loob ng mahigit dalawang taon na nakatulog ako nang hindi umiinom ng gamot na pampatulog, at nakatulog ako nang halos apat na oras. Pagkagising ko, gumaan nang husto ang isipan ko, at nabawasan nang malaki ang sakit. Isa iyong pakiramdam na napakasarap at hindi mailarawan sa salita. Kalaunan, may nangyari pang mas mahimala. Isang gabi pagkatapos ng hapunan, tinulungan ako ng asawa ko na maglakad-lakad sa ibaba nang makasalubong namin ang isang babaeng halos kaedad ko. Tumingin siya sa akin at nagtanong, “Ale, bakit hinang-hina ka?” Ikinuwento sa kanya ng asawa ko ang kondisyon ko. Sabi niya, “Mayroon akong kaibigan na ganitong-ganito dati. Nagpagamot siya sa isang maliit na ospital sa malapit, at ngayon ay magaling na siya.” Kinabukasan, dinala ako ng asawa ko sa ospital na iyon. Sa ilang dosenang yuan lang ng Kanluraning gamot, gumaling ang sakit ko. Makalipas ang isang buwan, normal ko na uling ginagawa ang aking tungkulin. Makalipas ang limang buwan, nabawi ko ang 20 kilong nawala sa akin. Ang mga kapatid ko at ang mga walang pananampalataya na nakakikilala sa akin ay pare-parehong sinabi na isa itong himala. Malinaw kong nalalaman sa puso ko na lahat ng ito ay awa at biyaya ng Diyos, at mga kamangha-manghang gawa ng Diyos. Sa pag-iisip kung gaano ako naging mapaghimagsik dati, na palaging sinusubukang makipagtawaran sa Diyos at nililinlang Siya sa aking tungkulin, tunay na hindi ako karapat-dapat na magtamasa ng gayong dakilang biyaya mula sa Diyos. Na ako ay buhay pa ngayon at nakagagawa ng aking tungkulin ay napakalaking awa at pag-ibig ng Diyos para sa akin. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso, at pinahahalagahan ko ang katangi-tanging pagkakataong ito na gawin ang aking tungkulin.
Bagama’t nagtiis ng kaunting pagdurusa ang aking laman habang dinaranas ko ang karamdamang ito, ang nakamit ko ay isang walang-katumbas na yaman. Naunawaan ko na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi tungkol sa pagkakamit ng mga pagpapala o pakinabang, kundi tungkol sa paghahangad sa katotohanan upang malinis. Ang pagsunod sa Diyos at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ay aking responsabilidad, at ang pagkakamit ng pagpapasakop at pagkakaroon ng takot sa Diyos ang layon na dapat kong hangarin. Sa pamamagitan ng karanasang ito, lubos kong naunawaan na “Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at ang Kanyang mabubuting layunin ay tiyak na nakapaloob dito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ito ang katotohanan, at ito rin ay isang katunayan! Ang karanasang ito ang pinakamahalagang yaman ng aking buhay. Ito ay espesyal na pag-ibig ng Diyos, isang kakaibang uri ng pag-ibig. Salamat sa Diyos!