7. Ang Pagsunod sa Diyos ang Pinakamagandang Pagpili sa Aking Buhay

Ni Chen Zhan, Tsina

Noong nag-aaral pa ako, kapag nagiging tamad ako sa pag-aaral, sinesermunan ako ng nanay ko, “Tingnan mo ang nakatatanda mong tiyahin; nakapagkolehiyo siya at nakakuha ng matatag na trabaho, kaya hindi niya kailangang problemahin ang pagkain at pananamit. Saanman siya magpunta, nirerespeto at tinitingala siya ng mga tao. Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti ngayon, hindi ka makakapasok sa kolehiyo at matutulad ka sa nakababata mong tiyahin, na nagtatrabaho sa isang pabrika. Mamaliitin ka ng mga tao!” Nainggit ako sa nakatatanda kong tiyahin, at umasang maging katulad niya balang araw, na may kasikatan at pakinabang, at namumuhay ng buhay na kinaiinggitan at tinitingala ng mga tao. Kaya nag-aral ako nang mabuti. Pero hindi ako nakapasa noong unang kumuha ako ng pagsusulit para makapasok sa kolehiyo. Noong panahong iyon, malungkot ang buong mundo ko. Ayokong maliitin ako habambuhay, kaya pinili kong umulit ng taon sa kabila ng presyur. Noon, nag-aaral ako hanggang madaling-araw araw-araw. Dahil sa puspusang pag-aaral, na sinabayan pa ng presyur ng pag-uulit ng taon, naubos ang lakas ng katawan at isipan ko, humina ang resistensya ko, at halos buwan-buwan akong sinisipon. Pero kahit may sakit ako, hindi ako nangahas na magpaalam para lumiban, takot na may makaligtaang anumang mahahalagang punto, na makakuha ng mababang marka sa pagsusulit, at mawalan na naman ng pagkakataong makapagkolehiyo. Noong sumunod na taon, nakapasok ako sa isang unibersidad para sa mga nagsasanay na maging guro. Dumating ang lahat ng kamag-anak at kaibigan para batiin ako, sinasabing, “Kapag nakagradweyt ka na at naging guro, magkakaroon ka ng mataas na katayuan sa lipunan, rerespetuhin ka, at magiging walang alalahanin ang buhay mo!” Talagang naging masaya ako nang marinig kong sabihin nila ito.

Pagkagradweyt, nagsimula akong magturo sa isang sentral na elementaryang paaralan. Para magkaroon ng pangalan sa trabaho, at para pahalagahan ng pamunuan ng paaralan at tingalain ng mga kasamahan ko, gusto kong mamukod-tangi sa una kong pakitang-turo. Nagsimula akong maghanda isang buwan nang maaga. Bawat araw, bukod sa mga regular na klase ko, inubos ko ang lahat ng oras ko sa paghahanap ng mga materyales na may kinalaman sa mga pakitang-turo, pagsangguni sa mga beteranong guro, at pagkatapos ay pagsasaulo ng mga banghay-aralin. Paulit-ulit akong nagsanay sa harap ng salamin araw-araw hanggang sa kaya ko nang ituro ang buong plano mula simula hanggang dulo. Kahit nakakapagod, noong nakita kong panay ang tango ng mga lider ng paaralan bilang pagsang-ayon sa evaluation meeting, biglang nawala ang lahat ng pagod ko. Naisip ko, “Ngayon, nakita na ng pamunuan ng paaralan ang potensyal ko. Sa susunod na semestre, baka hayaan na nila akong hawakan ang mga pakitang-turo para sa subdistrict. Sa gayon, magkakaroon na ako ng mas marami pang pagkakataon na sumikat.” Sa pag-iisip nito, pakiramdam ko ay sulit ang lahat, gaano man ako kapagod. Noong ikalawang semestre, nakuha ko ang pagkakataong magsagawa ng isang pakitang-turo sa sentral na subdistrict, na parehong nagpasabik at nagpakaba sa akin. Kinakabahan ako na kung hindi maganda ang pagtuturo ko, siguradong iisipin ng pamunuan ng paaralan na katamtaman lang ang abilidad ko, at mahirap nang makakuhang muli ng ganoong mga pagkakataon sa hinaharap. Nasasabik ako dahil kung gagalingan ko, magkakaroon ako ng matatag na posisyon sa sentral na paaralan, at baka magkaroon pa nga ng pagkakataong humawak ng mga pakitang-turo sa antas ng distrito o kahit sa lungsod. Napakalaking karangalan niyon! Kaya muli akong metikulosong naghanda, natutulog lang ng tatlo o apat na oras sa isang araw. Pero sa araw ng pagtuturo, dahil sa sobrang kaba, hindi ko naabot ang inaasahan ko sa aking pagtuturo. Gayumpaman, nakatanggap pa rin ako ng malaking pagkilala mula sa pamunuan ng paaralan at sa iba pang mga guro. Sa sandaling iyon, naramdaman ko na gaano man ito kahirap o kanakakapagod, sulit ang lahat. Pakiramdam ko, ganito dapat ang buhay. Kung hindi ko makukuha ang mataas na pagtingin at papuri ng pamunuan ng paaralan at ng mga kasamahan ko, ano pa ang saysay ng pagtatrabaho? Hindi nagtagal, nilapitan ako ng mga lider ng paaralan, sinasabing gusto ng paaralan na pabilisin ang pagsasanay sa akin, at hinihiling na magsilbi rin akong safety officer ng paaralan. Tuwang-tuwa ako sa puso ko, dahil ang trabahong pang-safety ay hindi isang bagay na kayang hawakan ng bawat guro. Kung gagalingan ko, mas lalaki ang tsansa kong makilala bilang isang namumukod-tanging guro sa hinaharap, at mag-iiba rin ang tingin sa akin ng mga kasamahan ko, kaya pumayag ako. Pero wala pang isang buwan matapos kong tanggapin ang tungkulin, pagod na pagod na ako. Nakakatanggap ako ng mga dokumento tungkol sa safety kada ilang araw, at karamihan sa mga iyon ay kailangang ilabas, ipatupad, at iulat. Kailangan ko ring ayusin ang mga materyales mula sa mga nasasakupang paaralan. Bukod pa riyan, responsable rin ako sa sarili kong mga itinuturong asignatura. Araw-araw, abala pa rin ako sa opisina pagkauwi ng mga kasamahan ko, at hindi ako makapagpahinga kahit kapag weekend. Gusto ko sanang humingi ng isa pang guro na makakasama ko sa trabaho, pero noong maalala ko ang sinabi ng punong-guro na kailangang maraming kayang gawin para makilala bilang namumukod-tanging guro sa antas ng distrito o higit pa, isinantabi ko ang isiping iyon. Makalipas ang ilang buwan, naramdaman kong sobrang nakakapagod ang pagtatrabaho nang ganito, pero ayokong sumuko sa kalagitnaan at masabihan ng iba na wala akong kakayahan, kaya pinilit kong magpatuloy. Pagkatapos ng bawat abalang panahon, palagi akong nakakaramdam ng kahungkagan sa puso ko. Naisip kong kailangan kong mag-relax dahil sa sobrang presyur sa trabaho, kaya lumalabas ako kapag weekend para magsaya at kumain ng masasarap na pagkain, at nagbiyahe pa ako sa kanlurang bahagi ng Tsina. Pero pagkatapos kumain at magsaya, hungkag pa rin ang pakiramdam ng puso ko. Kinausap ko ang ilang kaibigan tungkol dito, pero sinabi nilang lahat na masyado lang akong gumagawa ng isyu, na napakaganda ng trabaho at pamumuhay ko, kaya hindi makatwirang makaramdam ako ng kahungkagan. Noong 2007, nang ipangaral sa akin ng nanay ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, na sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pamumuhay ng buhay iglesia, saka lang unti-unting nawala ang pakiramdam ng kahungkagan sa puso ko.

Isang araw habang nagtitipon, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at natagpuan ko ang ugat ng aking kahungkagan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung walang puwang para sa Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. … Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa puso ng tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pangungulila at pagnanais ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang kanyang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ay maaari lamang magdulot ng higit na pagkabagabag sa kanya, at magdulot na ang tao ay umiral sa palagiang kalagayan ng pagkabalisa, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot sa agham at kaalaman, at lalong matakot sa damdamin ng kahungkagan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Napagtanto kong nakakaramdam ako ng kahungkagan dahil hindi ko kilala ang Diyos o hindi ko Siya sinasamba, at walang puwang para sa Diyos sa puso ko. Mula pagkabata, nakatanggap ako ng edukasyong ateista, hindi nalalamang ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos, lalo nang hindi nauunawaan na dapat manampalataya at sumamba ang mga tao sa Diyos. Naniwala ako na ang pagkakaroon ng magandang trabaho at pagtanggap ng mataas na pagtingin at papuri ng iba ay kaligayahan, at para dito, nagpakapagod ako sa pagtatrabaho. Kalaunan, nakuha ko ang pagpapahalaga ng pamunuan ng paaralan at ang mataas na pagtingin ng mga kasamahan ko, pero nagdulot lang ang mga bagay na ito sa akin ng panandaliang kasiyahan; hungkag pa rin ang puso ko. Inakala ko na maaalis ng pagkain, pag-inom, at pagsasaya ang kahungkagan sa puso ko, pero paglipas ng kasiyahan, hungkag pa rin ang pakiramdam ko. Ang totoo, ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at kailangan natin ang panustos ng Diyos para sa ating mga buhay. Sa pagbabalik lang sa harap ng Diyos tayo makakahanap ng kapayapaan at kagalakan. Pagkatapos niyon, madalas na akong dumadalo sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at ginamit ko rin ang libreng oras ko para ipangaral ang ebanghelyo. Naging napakapayapa ng pakiramdam ng puso ko. Pero isang araw, nang maaresto ako, nawasak ang mapayapa kong buhay.

Noong Disyembre 2012, natuklasan ng mga lider ng paaralan ang tungkol sa pananampalataya ko sa Diyos. Nagdulot pa ito ng alarma sa kawanihan ng edukasyon at sa kawanihan ng pambansang seguridad. Kinausap ako ng punong-guro sa loob ng tatlong magkakasunod na araw, gamit ang ateismo at materyalismo para hikayatin akong talikuran ang pananalig ko. Nakipagdebate ako sa punong-guro, nagpapatotoo sa kanya tungkol sa gawain ng Diyos. Nang hindi siya manalo sa debate, sumuko siya sa pagsubok na baguhin ang pag-iisip ko, pero pinagbawalan niya akong ipangaral ang ebanghelyo sa paaralan. Pagkatapos niyon, hindi na isinaayos ng paaralan na dumalo ako sa mga leksyon sa labas, ni hindi ako pinayagang lumahok sa mga aktibidad sa pagtuturo at pananaliksik. Lumayo rin sa akin ang mga kasamahan ko. Labis akong nasaktan at nasiraan ako ng loob dahil hindi na ako pinapahalagahan ng pamunuan ng paaralan, at tinatrato ako bilang kakaiba ng mga kasamahan ko. Kalaunan, naisip ko kung paano sumunod si Noe sa kalooban ng Diyos at ginawa ang arka. Noong panahong iyon, tinawag ng maraming tao si Noe na hangal, pero hindi pinansin ni Noe kung paano siya hinusgahan at siniraan ng mga tao sa paligid niya. Taglay ang simpleng puso, nakinig siya sa mga salita ng Diyos, ginagawa ang arka habang ipinangangaral ang ebanghelyo. Sa huli, nang dumating ang baha, nakaligtas ang pamilya ni Noe na may walong miyembro. Tapos naisip ko kung paanong ang Panginoong Jesus, upang tubusin ang sangkatauhan, ay inusig ng gobyerno, itinakwil at siniraan ng mga tao ng sanlibutan, at ipinako pa sa krus. Sobrang nagdusa ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Ano ba naman ang kaunting pagdurusang tiniis ko? Tinatahak ko ang tamang landas sa buhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos; ito ay makatarungan, at hindi dapat ikahiya. Hindi ko puwedeng hayaang maapektuhan ng malamig na pakikitungo ng iba ang normal na ugnayan ko sa Diyos: Kailangan ko pa ring dumalo sa mga pagtitipon at ipangaral ang ebanghelyo. Pagkatapos niyon, pumasok ako sa trabaho gaya ng dati, at pagkatapos ng klase, dumadalo ako sa mga pagtitipon.

Hindi ko inasahan na isang linggo bago magsimula ang klase noong Agosto 2013, makakatanggap ako ng tawag mula sa punong-guro, sinasabihan akong magturo ng math sa dalawang klase at maging gurong tagapayo rin ng isang klase. Naisip ko, “Paano pa ako magkakaroon ng oras para sa mga pagtitipon at sa tungkulin ko kung ganoon?” Nagtataka akong nagtanong, “Bakit ginawa ang mga pagsasaayos na ito ngayong taon?” Sinabi ng punong-guro, “Sa ganitong paraan, hindi ka na magkakaroon ng oras para manampalataya sa Diyos at dumalo sa mga pagtitipon!” Pinagbantaan din niya ako, “Kung ayaw mong tanggapin ang trabaho sa sentral na paaralan, iaayos kong mapapunta ka sa isang nasasakupang paaralan!” Naisip ko, “Mas madalas sumali sa mga aktibidad ang mga guro sa sentral na paaralan kaysa sa mga nasa nasasakupang paaralan, kaya mas marami silang pagkakataong sumikat. Kung pupunta ako sa isang nasasakupang paaralan, mawawala na sa akin ang pagtratong ito, at mararamdaman ko na mas mababa ako sa mga guro mula sa sentral na paaralan kapag nakita ko sila. Isa pa, ano ang iisipin sa akin ng mga guro sa nasasakupang paaralan? Iisipin ba nilang ibinaba ako sa puwesto dahil masyadong mahina ang abilidad ko? Pero kung mananatili ako sa sentral na paaralan, paano ako magkakaroon ng oras para manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko?” Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, ano ang dapat kong piliin?” Noong sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo mangmang sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang nauna, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang nauna, at ayaw pa nga ninyong bumalik sa pampang; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang nauna; sa pagpili sa pagitan ng alinman sa inyong mga anak, misis, at mister o Ako, pinili ninyo ang nauna; at sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang nauna. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo, talagang namangha Ako. Hindi inaasahan na ang inyong puso ay walang kakayahan na maging malambot. Ang dugo ng puso na ginugol ko sa loob ng maraming taon ay kagulat-gulat na walang idinulot sa akin kundi ang inyong pang-aabandona at kawalan ng gana, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit ngayon ay hinahangad pa rin ninyo ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kalalabasan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Mismo Tapat?). Sa mga huling araw, pangunahing nagpapahayag ang Diyos ng mga salita para linisin at iligtas ang mga tao. Umaasa ang Diyos na makakapaggugol tayo ng mas maraming oras sa pagbabasa ng Kanyang mga salita para maunawaan ang katotohanan, magampanan nang maayos ang ating mga tungkulin, at iwaksi ang ating mga tiwaling disposisyon para magkamit ng kaligtasan. Pero kapag nahaharap sa isang pagpili, ang pinahahalagahan ko ay ang sarili ko pa ring kasikatan at pakinabang, hindi ang buhay ko o kung paano magampanan nang maayos ang tungkulin ko. Sobra ko nang binigo ang Diyos! Kung patuloy akong mananatili sa sentral na paaralan, siguradong makikipag-agawan pa rin ako para sa iba’t ibang karangalan. Sa ganoon kabigat na trabaho, maaapektuhan kahit ang pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, lalo na ang paggawa ng tungkulin ko. Paano pa ako makakapanampalataya sa Diyos kung ganoon? Kung pupunta ako sa isang nasasakupang paaralan, mas magaan ang trabaho, at makakadalo ako sa mga pagtitipon at magagawa ang tungkulin ko nang normal. Kahit na mas kaunti ang personal kong karangalan at maliitin ako ng mga kasamahan ko, mapapahiya lang naman ako; gayumpaman, hindi magdurusa ng kawalan ang buhay ko, at iyon ang pinakamahalaga. Nang maunawaan ito, sinabi ko sa punong-guro, “Pinipili kong pumunta sa isang nasasakupang paaralan.” Galit na galit ang punong-guro kaya ibinaba niya agad ang telepono.

Sa nasasakupang paaralan, nagtuturo ako sa araw at pumupunta sa mga pagtitipon at ginagawa ang tungkulin ko sa gabi. Pagkalipas ng isang taon, dahil mas mataas ang mga marka sa pinal na pagsusulit ng klaseng tinuturuan ko kaysa sa mga nasa sentral na paaralan, inilipat ako ng punong-guro pabalik sa sentral na paaralan. Pero hindi nagtagal ang magagandang panahon. Pumunta ulit sa bahay ko ang kapitan ng Brigada ng Pambansang Seguridad para magtanong tungkol sa pananalig ko. Para hindi ako sundan ng mga pulis at madamay ang mga kapatid, wala akong nagawa kundi tumigil muna sa pagdalo sa mga pagtitipon. Nang walang buhay iglesia, walang tungkulin, sa paglipas ng panahon ay napalayo nang napalayo ang puso ko sa Diyos, at napasabak na naman ako nang wala sa loob sa matinding kompetisyon. Halos laging nananalo ang mga estudyanteng tinuturuan ko ng lahat ng una at ikalawang gantimpala sa mga kompetisyon taon-taon, at laging nasa itaas ang ranggo ng mga marka sa pinal na pagsusulit ng klase namin. Kinilala rin ng punong-guro ang trabaho ko sa mga miting. Hindi lang may magandang atmospera sa pag-aaral ang klaseng tinuturuan ko kundi may maganda ring diwa ang klase, at suportado rin ng mga magulang ang trabaho ko. Sa loob ng dalawang taon pagkatapos bumalik sa sentral na paaralan, bagama’t nakatanggap ako ng mas maraming bulaklak at palakpak kaysa dati, madalas na mabigat at nasasakal ang pakiramdam ng puso ko. Alam kong dahil ito sa inuubos ng trabaho ang masyadong malaking bahagi ng oras at lakas ko, kaya masyadong kaunti ang oras ko para magbasa ng mga salita ng Diyos at malayo ang puso ko sa Diyos. Noong panahong iyon, nakita ko ang maraming kapatid na tumigil sa trabaho at iniwan ang mga pamilya nila para buong-pusong tumuon sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Inggit na inggit ako, at gusto ko ring magbitiw sa trabaho at gawin ang tungkulin ko nang buong puso at isipan. Pero noong akmang isusulat ko na ang liham ng pagbibitiw ko, nakatanggap ako ng maraming pagbati mula sa mga magulang ng mga estudyante ko, na umaasang ipagpapatuloy ko ang pagtuturo sa mga anak nila. Nang makita ang mga ito, nag-alinlangan na naman ang puso ko. “Kung aalis ako, hindi ba’t madidismaya ang mga estudyante ko at ang mga magulang nila? Ano ang iisipin sa akin ng pamunuan ng paaralan at ng mga kasamahan ko? Palagi kaming pinipigilan ng tatay ko na manampalataya sa Diyos, kaming dalawa ng nanay ko, at nakipagdiborsyo pa nga siya sa nanay ko. Kung malalaman niyang aalis ako sa trabaho para gawin ang tungkulin ko nang full-time, siguradong susubukan niya akong pigilan, at baka kailanganin ko ring umalis ng bahay. Nagtrabaho ako nang husto sa loob ng labinsiyam na taon para makuha ang trabahong kinaiinggitan ng iba, at para makuha ang mga tagumpay na mayroon ako ngayon. Naiinggit sa akin ang lahat ng kamag-anak, kaibigan, at kasamahan ko. Kapag nagbitiw ako, mawawala ang trabaho ko, mawawala ang kasikatan at pakinabang ko, at kakailanganin kong isuko ang komportable kong pamumuhay. Ano na lang ang sasabihin ng lahat tungkol sa akin?” Pakiramdam ko ay parang hinihila ang puso ko sa magkabilang panig. Napakasakit niyon. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, alam kong isang mabuting bagay ang paggawa ng tungkulin ko nang full-time, pero hindi ko mabitawan ang trabahong ito. Kung wala sa akin ang mataas na pagtingin at papuri ng mga tao, magiging masaya kaya ang buhay ko? O Diyos, tulungan Mo akong makita nang malinaw ang isyung ito.” Hindi nagtagal, inangat ako ng punong-guro para maging head of finance. Kinapapalooban ang posisyong ito ng maraming pagpupulong at nakakapagod na trabaho. Sa araw, kailangan kong magpunta sa maraming departamento, at sa gabi o kapag weekend, madalas akong makatanggap ng mga tawag na kailangan kong maghatid ng mga materyales, kaya madalas na magkasabay ang oras ng trabaho at tungkulin ko. Sa mga pagtitipon, hindi ko kailanman mapatahimik ang puso ko, laging takot na baka tawagan ako ng pamunuan ng paaralan para sa anumang bagay. Minsan, nasa bahay ako at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kapag tumawag ang pamunuan ng paaralan, ibig sabihin ay kailangan kong lumabas at asikasuhin agad ang isang bagay. Pakiramdam ko napakalayo ng puso ko sa Diyos, at labis na nakakapagod ang buhay ko, pero nag-aalinlangan akong bitawan ang trabaho ko. Madalas akong magdasal, hinihiling sa Diyos na tulungan ako.

Isang araw noong Hunyo 2018, sumakay ako ng elevator paakyat kasama ang mahigit dalawampung kasamahan. Pagkaandar nito, biglang bumagsak ang elevator. Natakot kaming lahat. Na-stuck ang elevator, at nakulong kaming lahat sa loob. Dahil walang hangin na pumapasok sa elevator, maya-maya lang, nagsimula na kaming mahirapang huminga. Hindi ko mapigilang mabalisa. “Paano kung hindi dumating ang maintenance staff? Mamamatay ba ako rito dahil hindi ako makahinga?” Sa sandaling iyon, hindi na mahalaga ang prestihiyo at ang perang idinulot sa akin ng trabaho ko sa pagtuturo. Ang tanging naiisip ko lang ay kung paano makakaligtas. Hindi ko maiwasang maalala kung paanong, sa paglipas ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos, tuwing nasa kahirapan ako, walang magawa, at naliligaw, laging ang Diyos ang nagbubukas ng daan para sa akin, at ginagabayan ako gamit ang Kanyang mga salita, binibigyan ako ng landas na masusundan. Sa pananampalataya sa Diyos, nararanasan ko ang gawain ng Diyos, nakikilala ang awtoridad ng Diyos, at nararamdaman ang mga kamangha-manghang gawa ng Lumikha. Ito ang aking pagpapala. Dapat ay binitawan ko na ang trabaho ko at ginawa ang tungkulin ko nang full-time, pero hindi ko ginawa alang-alang sa pagtamasa ng kasikatan at pakinabang. Ngayon, sa pagharap sa kamatayan, sa wakas ay nakita ko na ang kasikatan, pakinabang, at katayuan ay pawang mga ulap na lumilipas, at talagang walang kabuluhan. Sa sandaling iyon, gusto kong humingi ng tulong sa Diyos, pero hiyang-hiya akong magsalita. “Kaaawaan pa kaya ako ng Diyos? Magkakaroon pa kaya ako ng pagkakataong maghangad ng makabuluhang buhay?” Nagawa ko lang magsabi ng ilang taos-pusong salita sa Diyos, “O Diyos, matapos manampalataya sa Iyo, hindi ko hinangad ang katotohanan nang maayos. Sa pamamagitan lang ng pangyayaring ito ngayon ko biglang naunawaan: Kung wala ang katotohanan, labis akong natatakot at walang magawa kapag dumating sa akin ang kamatayan! O Diyos, mamatay man ako rito ngayon, magpapasakop pa rin ako sa Iyong mga pagsasaayos. Kung makakalabas ako nang buhay, siguradong pag-iisipan kong muli ang buhay ko sa hinaharap.” Sa mismong sandaling iyon, nakita ko ang mga kasamahan ko na nakatalungko na lahat dahil sa kakulangan ng oxygen, pero bigla akong nakaramdam ng sariwang hangin na dumadaloy sa may ilong ko. Nagulat at natuwa ako, alam kong ang Diyos iyon na nagpapakita ng awa sa akin. Nang bumukas ang mga pinto ng elevator, naghiyawan sa tuwa ang mga kasamahan ko, pero puno ng pasasalamat ang puso ko sa Diyos. Alam kong ginamit ng Diyos ang pagkasira ng elevator para pagnilayin ako sa kahulugan at halaga ng buhay.

Kalaunan, nakabasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, at mas naging malinaw ang pagkaunawa ko sa diwa ng kasikatan at pakinabang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay masaya at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman nalalaman na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging sa magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Ngayon, suriin natin: Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang naglalakad-lakad sila nang hakbang-hakbang, nang may labis na paghihirap. … Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na kung walang kasikatan at pakinabang, mawawalan ng kabuluhan ang buhay, at hindi na makikita ng mga tao ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita kong hindi makakapagdulot ng kaligayahan ang kasikatan at pakinabang; sa kabaligtaran, mga kasangkapan ito na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali, gapusin, at kontrolin ang mga tao. Nagtatanim si Satanas ng mga maling kaisipan sa atin, na pinapaniwala tayo nang mali na kapag may kasikatan at pakinabang tayo, nasa atin na ang lahat—na hindi lang tayo makakapagtamasa ng de-kalidad na buhay, kundi titingalain din tayo ng iba. Ipinaparamdam nito sa atin na mahalaga ang ganoong buhay, at na nagdudulot ng kaligayahan ang pamumuhay nang ganito. Bilang resulta, nagsusumikap ang buong lipunan para sa kasikatan at pakinabang. Pero hindi natin alam ang masasamang intensyon ni Satanas na nakatago sa likod ng kasikatan at pakinabang. Sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, kailangan nating gumugol ng maraming oras at lakas, nakikisali sa mga hayagan at lihim na agawan, gumagamit ng maraming taktika, at hindi lang isinasakripisyo ang ating kalusugan kundi tinatalikuran din ang ating konsensiya, dignidad, at integridad. Pagkatapos makuha ang kasikatan at pakinabang, natatamasa nga natin ang isang sandali ng kasiyahan, pero panandalian lang ito. Ang natitira ay puro kahungkagan, sakit, at walang katapusang pait. Kapag dumarating ang Diyos para iligtas tayo at hinihingi sa atin na hangarin ang katotohanan at tahakin ang tamang landas ng buhay, tinatanggihan natin ang katotohanan dahil sa pagkapit natin sa kasikatan, pakinabang, at banidad, pinalalampas ang ating pagkakataon para sa pagliligtas ng Diyos, at sa huli ay mawawasak kasama ni Satanas. Ito ang masamang intensyon ni Satanas ng pagtutulak sa ating hangarin ang kasikatan at pakinabang. Mula pagkabata, sinasabi sa akin ng mga magulang ko ang magkaibang kalagayan ng dalawa kong tiyahin, itinatanim sa akin ang mga kaisipang gaya ng “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad” at “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Naniwala ako na sa pamamagitan lang ng pagpasok sa unibersidad at pagkakaroon ng matatag na trabaho na tinitingala ng mga tao ako magkakaroon ng masayang buhay. Para dito, nag-aral ako nang mabuti. Noong unang beses akong bumagsak sa pagsusulit para makapasok sa kolehiyo, pakiramdam ko ay gumuho ang mundo ko. Para pumasa sa exam, pinili kong umulit ng taon sa kabila ng matinding presyur, palaging balisa ang pakiramdam ko araw-araw. Sagad na ang pagod ng katawan ko, at sobrang pasakit ang nararamdaman ko. Pagkagradweyt sa kolehiyo at nang magsimula na akong magtrabaho, metikuloso kong pinaghahandaan ang bawat pakitang-turo at ginagawang mabuti ang bawat gampaning itinalaga ng pamunuan ng paaralan, madalas na nag-o-overtime para mamukod-tangi sa mahigit isang daang guro, at para purihin at mapansin ng pamunuan ng paaralan at ng mga kasamahan ko. Matapos makatanggap ng papuri mula sa pamunuan ng paaralan at mga kasamahan, bagama’t nagkaroon ako ng katanyagan, pagod na pagod ang katawan at isipan ko, at hungkag ang pakiramdam ng kaluluwa ko. Pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos ng mga huling araw, alam kong maikli na lang ang oras para sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, at na dapat kong hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko nang full-time. Ito ang pinakakapaki-pakinabang sa buhay ko. Pero ang mga satanikong lason na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad” at “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” ay malalim na nakaugat sa puso ko, kaya ayaw kong isuko ang trabaho, kasikatan, at pakinabang ko para hangarin ang katotohanan nang buong puso, at pinahihirapan ako nito hanggang sa pagod na pagod na ako. Sa katunayan, gaano man karaming kasikatan at pakinabang ang mayroon ka, mga ulap na lumilipas lang ang mga ito. Kung hindi makakamit ang katotohanan, mamamatay ang mga tao kapag dumating ang mga sakuna. Gaya na lang ng tsunami sa Indian Ocean noong 2004—ilang tao ang nasawi sa mga bakasyunang paraiso? Kabilang sa kanila ang maraming taong may reputasyon at katayuan. Nang tumama ang sakuna, hindi sila nailigtas ng pera, kasikatan, at pakinabang. Napakaraming katunayan ang nagpapatunay na gaano man kalaki ang kasikatan at pakinabang ng isang tao, hungkag ang lahat ng ito, at maaaring mawala ang buhay sa isang iglap. Kung mananatili akong matigas ang kalooban at hindi magigising, kung hindi ko sasamantalahin ang oras para hangarin ang katotohanan, at sa oras na matapos ang gawain ng Diyos ay hindi ko nasangkapan ang sarili ko ng sapat na katotohanan at hindi nagbago ang disposisyon ko, masasadlak ako sa sakuna, at sa panahong iyon ay huli na ang lahat para magsisi. Ginising ako ng insidenteng ito sa elevator. Kapag tumama ang sakuna, walang sinuman kundi ang Diyos ang makakapagligtas sa akin. Hindi layon ng Diyos na kunin ang buhay ko sa insidenteng ito, kundi ang udyukan akong pagnilayan ang buhay at makita nang malinaw ang pinsalang idinulot sa akin ng kasikatan at pakinabang, para magising ako sa tamang oras at matahak ko ang tamang landas sa buhay.

Kalaunan, tumawag ulit ang kapitan ng Brigada ng Pambansang Seguridad para alamin kung nasaan ako, at sinabi ring may rekord ako sa pulisya, kaya kailangan kong mag-ulat sa kanya tuwing magbibiyahe ako nang malayo. Kapag nalaman nilang nananampalataya pa rin ako sa Diyos, aarestuhin nila ako. Galit na galit ako, at nakita ko rin na hangga’t nagtatrabaho ako sa loob ng sistema ng CCP, mahigpit nila akong magagapos, at hindi ko magagawa ang tungkulin ko kahit kaunti. Lalo nitong pinatibay ang determinasyon kong talikuran ang trabaho ko. Noong bakasyon sa tag-init, ginawa ko ang tungkulin ko kasama ang mga kapatid. Nang walang trabahong gumagapos sa akin, mas naging tahimik ang puso ko, at normal din akong nakakapagbasa ng mga salita ng Diyos at nakakadalo sa mga pagtitipon. Isang araw, tinanong ako ng superbisor kung handa akong gawin ang tungkulin ko nang full-time, at binasahan niya rin ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Habang sinusundan ninyo ang Diyos, inilalayo ang inyong sarili sa mga lugar ng kasalanan, at inilalayo ang inyong sarili sa mga grupo ng masasamang tao, kahit papaano ay hindi patuloy na magdurusa ang inyong puso at isipan sa pagtiwali at pagyurak ni Satanas. Nakarating kayo sa isang piraso ng dalisay na lupain, dumating sa harap ng Diyos. Hindi ba’t isang napakalaking pagpapala nito? Muling isinisilang ang mga tao sa magkakasunod na sali’t salinlahi, hanggang sa kasalukuyan, at gaano karaming tsansa ang mayroon sila? Hindi ba’t tanging ang mga taong ipinanganak sa mga huling araw ang may ganitong pagkakataon? Napakagandang bagay nito! Hindi ito isang kawalan, ito ang pinakamalaking pagpapala. Dapat masayang-masaya ka! Bilang mga nilikha, sa lahat ng nilalang, sa ilang bilyong tao sa mundo, gaano karaming tao ang may pagkakataong makapagpatotoo sa mga gawa ng Lumikha sa kanilang identidad bilang mga nilikha, na magampanan ang kanilang tungkulin at responsabilidad sa gawain ng Diyos? Sino ang may gayong oportunidad? Marami bang taong may gayong oportunidad? Masyadong kakaunti! Ano ang proporsyon? Isa sa sampung libo? Hindi, mas kaunti pa nga! Lalo na kayo na nakagagamit ng inyong mga kasanayan at kaalaman na napag-aralan ninyo para gawin ang inyong tungkulin, hindi ba’t lubos kayong pinagpala? Hindi ka nagpapatotoo tungkol sa isang tao, at ang ginagawa mo ay hindi isang karera—ang Siyang pinaglilingkuran mo ay ang Lumikha. Ito ang pinakamaganda at pinakamahalagang bagay! Hindi ba’t dapat ninyo itong ipagmalaki? (Dapat nga.) Habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, natatamo ninyo ang pagdidilig at pagtustos ng Diyos. Sa gayong napakagandang kapaligiran at pagkakataon, kung wala kayong natatamong anumang mahalagang bagay, kung hindi ninyo nakakamit ang katotohanan, hindi ba kayo magsisisi habangbuhay? Kaya, dapat ninyong samantalahin ang pagkakataon na gawin ang inyong tungkulin, at huwag itong palampasin; masigasig na hangarin ang katotohanan habang ginagawa ang inyong tungkulin, at kamtin ito. Ito ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo, ang pinakamakabuluhang buhay! Walang tao o grupo ng mga tao sa lahat ng nilikha ang mas pinagpala kaysa sa inyong lahat. Para saan nabubuhay ang mga walang pananampalataya? Nabubuhay sila para muling isilang, at para sa kagalakan ng mundo. Para saan kayong lahat nabubuhay? Nabubuhay kayo para gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Napakalaki ng halaga ng gayong buhay!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan ng Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung gusto nating mamuhay nang may halaga at makabuluhang buhay, kailangan nating hangarin ang katotohanan, gawin ang ating tungkulin, at magbasa ng mas maraming salita ng Diyos para maunawaan ang higit pang katotohanan. Sa ganitong paraan lang tayo magkakaroon ng pagkilatis sa mga maling pananampalataya, maling kaisipan, at iba’t ibang pakana ni Satanas, at makakawala sa gapos at kontrol ni Satanas para mamuhay sa liwanag. Ganoon din sa akin. Hindi lang ako nagkaroon ng matinding pagnanais para sa kasikatan at katayuan, kundi nagkaroon din ako ng maraming tiwaling disposisyon gaya ng pagiging makasarili, katigasan ng kalooban, at kayabangan. Kung hindi ko taimtim na binasa ang mga salita ng Diyos at dinanas ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, at mamumuhay pa rin ako sa pasakit at kadiliman. Ang pagbitaw sa trabaho ko ay magbibigay sa akin ng mas maraming oras para gawin ang tungkulin ko, hangarin ang katotohanan para malutas ang katiwalian ko, at mamuhay sa harap ng Diyos. Ang ganitong buhay ang magiging pinakamasaya sa lahat. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Habang sinusundan ninyo ang Diyos, inilalayo ang inyong sarili sa mga lugar ng kasalanan, at inilalayo ang inyong sarili sa mga grupo ng masasamang tao, kahit papaano ay hindi patuloy na magdurusa ang inyong puso at isipan sa pagtiwali at pagyurak ni Satanas. Nakarating kayo sa isang piraso ng dalisay na lupain, dumating sa harap ng Diyos. Hindi ba’t isang napakalaking pagpapala nito?” Naisip ko noon si Pedro. Tinalikuran niya ang lahat para sumunod sa Panginoong Jesus, at hinangad ang katotohanan at pagpapasakop sa Diyos sa buong buhay niya. Matapos dumanas ng daan-daang pagsubok, sa huli ay ginawa siyang perpekto. Ang gayong buhay ang pinakamakabuluhan at pinakamahalaga. Nang maunawaan ito, nagkaroon ako ng pananalig at nagsimulang maghanda para umalis ng bahay upang gawin ang tungkulin ko.

Noong naghahanda na akong isulat ang liham ng pagbibitiw ko, nakatanggap ako ng sertipiko ng pagkakatalaga sa isang senior professional role mula sa kawanihan ng edukasyon ng lungsod. Gamit ang sertipikong ito, matatamasa ko ang sahod at mga benepisyo ng isang senior teacher. Hindi lang ako rerespetuhin sa trabaho, kundi tataas din ang taunang sahod ko nang mahigit sampung libong yuan. Hindi nagtagal, hiniling sa akin ng direktor ng pagtuturo ng paaralan na magsagot ng form para sa parangal na namumukod-tanging guro sa antas ng distrito. Halos hindi ako makapaniwala. Sa mahigit isang daang guro sa paaralan, dalawang slot lang ang mayroon bawat taon. Isa itong karangalan na pinapangarap ng lahat ng guro! Kung hindi ako magbibitiw puwede akong pumunta sa awditoryum ng gobyerno ng distrito para tumanggap ng pagkilala sa Araw ng mga Guro pagkatapos ng ilang araw. Malalathala ang pangalan ko sa diyaryo ng edukasyon ng lungsod, at makakatanggap din ako ng bonus mula sa paaralan. Hawak ang dalawang karangalang ito, siguradong magdadala sa akin ng katanyagan ang susunod na semestre, at sino ang nakakaalam kung ilan pang kasamahan ko ang maiinggit sa akin. Pero napagtanto ko agad na tukso ito ni Satanas. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas, gamit ang iyong pananalig, at pagpapasakop sa Diyos at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, saka lang nito ganap na aabandonahin ang mga atake at akusasyon nito laban sa iyo, at sa puntong iyon, ikaw ay maliligtas at lalaya(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Alam ni Satanas na mahalaga sa akin ang kasikatan at pakinabang, kaya ginamit nito ang dalawang karangalang ito para tuksuhin ako, umaasa nang walang saysay na mapapanatili ako sa trabaho para makipag-agawan sa kasikatan at pakinabang, para mapinsala at kontrolin nito. Laging ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para gapusin ang puso ko at hadlangan ako sa paghahangad sa katotohanan. Hindi na ako puwedeng mahulog ulit sa mga panlalansi nito. Ang pinakamahalaga, ayaw kong palampasin ang pagkakataong ito na minsan lang sa isang milenyo para sa pagliligtas ng Diyos sa mga tao. Kailangan kong tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, ipagkatiwala ang buhay ko sa hinaharap sa Diyos, at hangaring mamuhay nang makabuluhan. Gaya lang ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kung ikaw ay may mataas na katayuan, dakilang reputasyon, saganang kaalaman, napakaraming ari-arian, at suporta ng maraming tao, subalit nananatili kang hindi nagugulo ng mga bagay na ito at humaharap ka pa rin sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang tawag at ang Kanyang atas, at na gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamakatarungan na gawain ng sangkatauhan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Sa mundo, wala nang mas makabuluhan o may halaga kaysa sa paggampan nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha. Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, nagtrabaho ako nang husto at nakuha ang pagpapahalaga ng pamunuan ng paaralan at ng mga magulang, pero hindi ko nagampanan nang maayos ang sarili kong tungkulin o nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, at hungkag pa rin ang puso ko. Ngayon ay nagsimula na ang malalaking sakuna, at hindi naghihintay ang oras. Marami pang tao ang hindi pa nakarinig ng ebanghelyo ng Diyos ng mga huling araw at walang tamang direksyon sa buhay. Kailangan kong magmadali at ipangaral ang ebanghelyo para bigyang-kakayahan ang mas maraming tao na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Ito ang apurahang layunin ng Diyos. Nang maunawaan ito, ipinasa ko ang liham ng pagbibitiw ko sa punong-guro. Gulat na gulat ang punong-guro at sinabing, “Maraming tao ang nag-aagawan para sa titulong ito, pero gusto mo itong isuko. Dapat kang mag-isip nang mabuti! Kung isusuko mo ang ganito kagandang trabaho, paano ka mabubuhay sa hinaharap? Kung dahil ito sa dami ng gawain, babawasan natin ang dami ng gawain mo ngayong taon. Ipapakumpuni ko ang opisina ko at gagawin itong finance office para sa iyo. Umaasa akong mananatili ka at magpapatuloy sa pagtatrabaho.” Nang marinig ang mga salita ng punong-guro, hindi na ako nagdalawang-isip at desidido kong pinili na umalis. Pagkauwi sa bahay, nag-iwan ako ng sulat para sa tatay ko, at pagkatapos ay kinuha ang mga gamit ko at umalis ng bahay para gawin ang tungkulin ko.

Naisip ko kung paanong sa nakalipas na mga taon, hinangad ko ang kasikatan at pakinabang, at nakontento lang sa pananampalataya sa Diyos sa libreng oras ko, hindi masyadong gumagawa ng tungkulin, at alam lang kung paano tamasahin ang biyaya ng Diyos. Wala akong pagkilatis sa aking mga tiwaling disposisyon, sa mga maling pananaw ko, at sa iba’t ibang satanikong lason, at hindi nagbago ang buhay disposisyon ko kahit kaunti. Ngayon, ginagawa ko ang tungkulin ko sa iglesia, at ang madalas na pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagbigay-daan sa akin na maunawaan ang maraming katotohanan. Karaniwan, kapag nagbubunyag ako ng anumang tiwaling disposisyon, tinutukoy ito ng mga kapatid kapag nakikita nila, at nakikipagbahaginan sila sa akin at tinutulungan ako gamit ang mga salita ng Diyos. Nagkamit ako ng kaunting pagkakilala sa sarili, at nagkaroon na rin ng pag-unlad ang buhay ko. Mula sa kaibuturan ng puso ko, nararamdaman kong ang pagsunod sa Diyos ang pinakamagandang pagpili na ginawa ko sa buhay na ito. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 6. Sa Wakas, Naunawaan Ko ang Kahulugan ng mga Pagsubok ng Diyos

Sumunod: 9. Mga Aral na Natutuhan Pagkatapos Mailipat ng Tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito