58. Mga Alalahanin Habang Nagsusulat ng Ebalwasyon

Ni Wu Xin, Tsina

Noong 2021, nang isinasagawa ng iglesia ang gawain ng pag-aalis, natuklasan ko na kapag ang lider ng distrito, si Li Jing, ay may napapansing nagbubunyag ng tiwaling disposisyon—tulad ng pagiging mapagmataas at mapagmagaling, makasarili, mapagsaalang-alang sa laman, o mahilig makipagtalo—hindi siya nakikipagbahaginan para tulungan sila, at pinaaalis niya sila nang walang pirmadong pagsang-ayon ng mahigit 80% ng mga miyembro ng iglesia. Kinukumpiska rin niya ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Lahat ng kapatid ay namumuhay sa takot. Nag-alala rin ako para sa sarili kong kalagayan. Alam kong medyo mapagmataas ang disposisyon ko, at wala akong pasanin sa aking tungkulin. Minsan, nagpapakita pa nga ako ng pagsasaalang-alang sa aking laman at pabasta-basta. Sa paraan ng pag-iimbestiga ni Li Jing sa mga tao, naisip ko na anumang oras ay puwedeng ako na ang isunod. Minsan, nagtapat ako kay Li Jing tungkol sa kalagayan ko, at sinabi niya, “Hakbang ito sa gawain ng Diyos. Kailangang maranasan ng lahat na mapaalis. Walang silbi ang matakot!” Nang marinig ko ang sinabi niya, naramdaman kong may mali. Sa panahon na gumagawa ang Diyos at inililigtas Niya ang sangkatauhan, lahat ay magbubunyag ng ilang tiwaling disposisyon. Pero hangga’t kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at kaya niyang magsisi at magbago, puwede pa siyang iligtas. Hindi tinitingnan ng Diyos ang panandaliang pagbubunyag ng katiwalian ng isang tao; sinusukat at inilalarawan Niya sila batay sa kanilang palagiang pag-uugali at sa kanilang kalikasang diwa. Ang mga palaging nanggagambala at nanggugulo sa iglesia, na gumagawa ng maraming kasamaan at ayaw magsisi—ang diwa nila ay diwa ng isang masamang tao, at dapat silang paalisin at itiwalag. Hindi naaayon sa mga prinsipyo na paalisin ang isang tao dahil lang sa panandaliang pagbubunyag ng katiwalian! Pero pagkatapos ay naisip ko: “Tutal, hindi naman ako gumagawa ng ganoong klaseng tungkulin, kaya hindi ko nauunawaan ang marami sa mga prinsipyo. Kung basta-basta ako magsasalita, baka ako na ang sunod na imbestigahan. Paano kung mapaalis ako? Matatapos na ang paglalakbay ko sa pananalig kapag nagkagayon. ‘Mas kakaunti ang gulo, mas mainam’; ‘Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan.’ Kung paano ito pangasiwaan ni Li Jing at ng iba pa ay problema na nila; wala itong kinalaman sa akin. Basta hindi ako maimbestigahan, sapat na sa akin iyon.” Kaya, hindi ako umimik. Mula noon, sa tuwing may nagbabanggit tungkol sa pagpapaalis ng mga tao, iniiwasan ko ang paksa, takot na takot na kapag may nasabi akong mali ay ako na ang maging puntirya ng imbestigasyon.

Isang araw, nakatanggap ako ng sulat mula kay Li Jing na humihiling sa akin na magsulat ng ebalwasyon tungkol kay Wang Yu batay sa ilang pagpapamalas ng isang taong hindi naghahangad ng katotohanan na binuod niya sa sulat. Medyo nagulat ako nang mabasa ko iyon. Mahigit tatlong taon akong nakipagtulungan kay Wang Yu. Palagi siyang napaka-aktibo sa kanyang tungkulin at mayroon ngang medyo mapagmataas na disposisyon, pero hindi niya kailanman nilimitahan ang sinuman o ginulo ang gawain ng iglesia. Bakit siya iniimbestigahan? Hindi ko talaga maintindihan. Inatasan ako ng liham na isulat ang tungkol sa mga pagpapamalas ni Wang Yu ng hindi paghahangad sa katotohanan, kabilang ang hindi pagtanggap ng pagpupungos, pagiging mahilig makipagtalo, at pagprotekta sa sarili niyang mga interes. Sinabi rin doon na hindi ako puwedeng magsulat tungkol sa anupaman. Naisip ko, “Lahat naman ay nagbubunyag ng ganitong mga uri ng katiwalian sa ilang antas. Kung susulat ako ng ebalwasyon batay lang dito, magiging lubos itong negatibo. Hindi tama iyon! Hindi ba’t dapat ang ebalwasyon ay batay sa personal mong nakita, isang obhetibo at patas na salaysay ng mga kalakasan at kahinaan ng isang tao? Bakit mga kahinaan lang niya ang pinapasulat sa akin at hindi ang mga kalakasan niya? Mukhang hindi maganda ang impresyon ng lider kay Wang Yu. Nanganganib talaga siyang mapaalis sa pagkakataong ito.” Sa pag-iisip nito, nagsimula akong mag-alala para kay Wang Yu. Paulit-ulit kong binasa ang sulat, sa isip-isip ko, “Si Li Jing ang pangunahing sumusubaybay sa gawaing ito. Siya ang lider ng distrito, at isa lang akong ordinaryong mananampalataya. Wala akong panama sa kanya. Hindi ako puwedeng gumawa ng gulo sa ganitong kritikal na panahon. Mas mabuti pang isulat ko na lang ito.” Pero nang magsimula akong magsulat, natigilan ako. Naisip ko kung paanong kapag pinupungusan si Wang Yu, minsan ay nagiging depensibo siya at sumasagot, pero pagkatapos, nagagawa niyang hanapin ang katotohanan, pagnilayan ang sarili niya, at magkamit ng kaunting kaalaman sa sarili. Nagpapakita rin siya ng kaunting pagbabago at pagpasok, at karaniwan niyang pinoprotektahan ang mga interes ng iglesia. Hindi ba’t lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan? Pero gusto lang ni Li Jing na isulat ko ang tungkol sa mga pagpapamalas ng hindi niya paghahangad ng katotohanan. Paano ko isusulat iyon? Pagkatapos ay naisip ako: “Kilalang mabuti ni Li Jing si Wang Yu. Hinihiling ba niya sa akin ang impormasyong ito dahil may natuklasan siyang problema sa kanya? Bakit nga ba siya mag-iimbestiga tungkol sa kanya? Napakakaunti ng nauunawaan ko sa katotohanan, mahina ang pagkilatis ko, at hindi naman talaga tumpak ang perspektiba ko. Mabuti pang hindi ko basta-basta ibigay ang opinyon ko. Isa siyang nakatataas na lider; mas marami na siyang hinarap na isyu at mas marami nang nakasalamuhang tao. Baka iba ang anggulo ng pagtingin niya sa mga bagay kaysa sa akin. Bukod pa rito, paano kung may masabi akong hindi tumpak? Sasabihin ni Li Jing, ‘Napakatagal mo nang nananampalataya sa Diyos pero hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Napakatagal mo nang nakikipagtulungan kay Wang Yu pero wala ka man lang kahit kaunting pagkilatis? Napakagulo ng isip mo!’ Sa ngayon, iniimbestigahan ni Li Jing ang sinumang nagbubunyag ng katiwalian. Kung makita niyang magulo ang isip ko at wala akong pagkilatis, iimbestigahan din kaya niya ako? Hindi ba’t manganganib ako kapag nagkagayon? Puwede akong mapaalis anumang oras, at masisira ang pagkakataon kong maligtas. Kailangan kong mag-ingat! Ang pinakaapurahang bagay sa ngayon ay ingatan ang sarili ko at huwag basta magsalita ng opinyon. Kung malalantad ko ang sarili kong mga problema at mapaalis ako, wala akong mabuting kalalabasan.” Kaya, sinubukan kong alamin kung paano isusulat ang tungkol sa mga pagpapamalas ni Wang Yu ng hindi paghahangad sa katotohanan, tulad ng hinihiling sa sulat. Pero habang nagsusulat ako, mas lalo kong naramdaman na nagbubunyag lang si Wang Yu ng ilang katiwalian, at nagnilay siya at nakilala niya ang kanyang sarili pagkatapos. Huminto ako sa kalagitnaan, iniisip ko, “Ang mga isinusulat kong ito ay hindi mga pagpapamalas ng hindi niya paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t pagkontra lang ito kay Li Jing?” Kaya, nakipagkompromiso ako at nagsulat pa nang kaunti tungkol sa mga pagbubunyag ng katiwalian ni Wang Yu. Pero pagdating sa dulo, kung saan kailangan kong sabihin ang sarili kong pananaw, nag-atubili na naman ako. “Kung sasabihin kong hindi hinahangad ni Wang Yu ang katotohanan, labag iyon sa konsensiya ko. Ang pagsupil sa aking konsensiya at hindi pagsasabi ng totoo ay magiging isang pagsalangsang sa harap ng Diyos! Pero kung sasabihin kong hinahangad niya ang katotohanan, magiging iba iyon sa pananaw ni Li Jing. Kung bubuo siya ng opinyon tungkol sa akin at pagkatapos ay iimbestigahan ako, manganganib ako. Mas mabuting ingatan ko ang sarili ko at huwag masangkot dito.” Kaya, isinulat ko ang mga salitang: “Hindi ko siya makilatis.” Naisip ko, “Kung hinahangad ba ni Wang Yu ang katotohanan o hindi, na kay Li Jing na ang pagsusuri at pagpapasya. Hindi ako basta bubuo ng mga kongklusyon.” Noong panahong iyon, inisip ko pa na napakatalino ko. At nang ganoon-ganoon lang, isinumite ko ang ebalwasyon. Hindi nagtagal, tinanggal si Wang Yu sa kanyang tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo sa hindi malamang mga dahilan. Noong panahong iyon, nakita ko na medyo negatibo siya at hindi masyadong nagsasalita. Medyo hindi ako mapalagay, pero naisip ko, “Hindi naman dahil sa ebalwasyon ko lang kaya nangyari ito,” kaya hindi ko pinagnilayan ang sarili kong problema.

Pagkaraan ng ilang panahon, isang nakatataas na lider ang dumating para imbestigahan ang sitwasyon sa gawain ng pag-aalis. Nalaman nila na may ilang kapatid na pinaalis dahil lang sa pagbubunyag ng ilang katiwalian, at resulta pala ito ng arbitraryo at sutil na pagkilos ng lider ng distrito na si Li Jing at ng mga namamahala sa gawain ng pag-aalis, hindi ayon sa mga prinsipyo. Pagkatapos ng beripikasyon, ang mga kapatid na ito na maling pinaalis ay tinanggap pabalik sa iglesia. Tungkol naman kay Li Jing, wala siyang pinagsisihan sa ginawa niya at nakipagtalo pa at sinubukang pangatwiranan ang kanyang mga kilos. Sa huli, tinukoy siya bilang isang anticristo at pinatalsik. Tinanggal din ang ilan sa mga tauhan na responsable sa gawain ng pag-aalis. Pagkatapos bumalik ni Wang Yu sa iglesia, gumanap siya ng tungkuling nakabatay sa teksto. Sa isang pagtitipon, ibinahagi ni Wang Yu ang kanyang pagkaunawang batay sa karanasan mula sa panahong iyon. Sinabi niya na noong una niyang mapansin na nagbago ang saloobin sa kanya ng mga kapatid, alam niyang iniimbestigahan siya. Ang isipin na pagkatapos ng napakaraming taon ng pananalig ay nahaharap na siya ngayon sa pagpapaalis, na malapit nang matapos ang kanyang paglalakbay sa pananalig, ay nagparamdam sa kanya ng lubos na kawalan ng pag-asa, pasakit, at pagpapahirap. Hindi siya makakain o makatulog. Pero alam niya na ang pagharap sa gayong sitwasyon ay hindi nagkataon lamang, at handa siyang magpasakop, matuto ng kanyang mga leksyon, at pagnilayan at kilalanin ang sarili. Pagkatapos, nagnilay siya sa ilan sa sarili niyang mga pagpapamalas ng hindi pagtanggap sa katotohanan at pagkakaroon ng mapagmataas na disposisyon. Sinabi niya na dati, iniisip niya na mas marami siyang nagagawang tungkulin kaysa sa iba, na mas marami siyang nauunawaang katotohanan kaysa sa kanila, at palagi niyang nararamdaman na magaling siya. Minamaliit pa nga niya ang mga kapatid kapag nakakakita siya ng mga paglihis sa kanilang mga tungkulin. Sinabi niya na kung hindi siya tinanggal sa kanyang tungkulin sa pagkakataong ito, hinding-hindi niya tunay na mapagninilayan ang kanyang sarili. Naramdaman niyang dahil sa pagiging labis na tiwali at mapaghimagsik, kahit na mapaalis siya, iyon ay pagiging matuwid ng Diyos, at hindi siya dapat magreklamo…. Pagkarinig sa kanyang pagbabahagi, matagal akong hindi mapakali at nakaramdam ako ng paninisi sa sarili. Tinanong ko ang sarili ko, “Hindi ba’t may pananagutan din ako sa pagdurusa ni Wang Yu sa panahong ito? Paano ako kumilos sa bagay na ito? Bakit hindi ko isinulat ang tunay kong mga iniisip? Bakit ko isinulat ang mga salitang, ‘Hindi ko siya makilatis?’ Bakit wala akong pagpapahalaga sa katarungan? Paano inilalarawan ng Diyos ang ganitong uri ng pag-uugali?” Sa sandaling naisip ko ang mga bagay na ito, parang tinutusok ng karayom ang puso ko. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, malinaw kong alam na si Wang Yu ay hindi isang taong hindi naghahangad ng katotohanan, pero hindi ko malinaw na ipinahayag ang aking pananaw. Anong tiwaling disposisyon ang kumokontrol sa akin? O Diyos, pakiusap, gabayan Mo ako na makilala ang aking sarili.”

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na lubos na nakaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May mga mapagpalugod ng mga tao sa bawat iglesia. … Ang mga taong ito ay hindi naghahangad sa katotohanan; ang gusto lang nila ay mamuhay nang magaan, nag-iimbot ng kaginhawahan sa laman. Masyado silang makasarili at tuso. Marami bang gayong tao sa lipunan? Anumang pampolitikang partido ang nasa kapangyarihan, kahit sino ang nasa posisyon, sila ay gustong-gusto ng mga tao, mahusay nilang napapamahalaan ang kanilang mga ugnayang panlipunan, at namumuhay sila nang komportable; kahit anong kilusang pampolitika ang lumitaw, hindi sila naiipit dito. Anong uri ng mga tao ito? Ang mga ito ang pinakamapanlinlang, pinakatuso na mga tao, kilala bilang ‘mga tusong tao’ at ‘mga matandang ahas.’ Namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nang wala ni katiting na prinsipyo. Kung sino man ang nasa kapangyarihan, iyon ang kanilang nilalapitan, binobola, ipinagdiriwang nila ang kabutihan nito. Wala silang ibang ginagawa kundi ipagtanggol ang mga nakatataas sa kanila, at hindi nila kailanman sinasalungat ang mga ito. Gaano man kalaki ang kasamaang ginagawa ng mga nakatataas sa kanila, hindi nila ito sinasalungat ni sinusuportahan, kundi itinatago nila ang kanilang mga iniisip sa kanilang kaibuturan. Gustong-gusto sila ng mga tao kahit sino pa ang nasa kapangyarihan. Gusto ni Satanas at ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao. Bakit gusto ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao? Dahil hindi nila sinisira ang mga gawain ng mga diyablong hari at hindi sila nagiging banta sa mga ito. Walang prinsipyo ang ganitong uri ng tao at walang batayan sa kanilang sariling asal, at walang integridad at dignidad; sumusunod lamang sila sa mga kalakaran ng lipunan at yumuyukod sa mga diyablong hari, umaayon sa mga panlasa ng mga ito. Hindi ba’t mayroon ding gayong mga tao sa iglesia? Maaari bang maging mga mananagumpay ang gayong mga tao? Mabubuting sundalo ba sila ni Cristo? Mga saksi ba sila sa Diyos? Kapag nagpapakita ng kanilang kapangyarihan ang mga masamang tao at anticristo at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, makakaya bang tumindig ng gayong mga tao at makipaglaban sa kanila, ilantad, kilatisin, at itakwil sila, itigil ang kanilang masasamang gawa at magpatotoo sa Diyos? Tiyak na hindi. Ang mga tusong tao na ito ay hindi iyong mga gagawing perpekto o ililigtas ng Diyos. Hindi sila kailanman nagpapatotoo sa Diyos o hindi nila kailanman itinataguyod ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Sa nakikita ng Diyos, ang mga taong ito ay hindi iyong mga sumusunod o nagpapasakop sa Kanya, kundi mga taong bulag na gumagawa ng gulo, mga miyembro ng pangkat ni Satanas—sila ang mga ititiwalag Niya kapag natapos na ang Kanyang gawain. Hindi pinahahalagahan ng Diyos ang gayong mga sawing-palad. Wala sila ng katotohanan o buhay; sila ay mga hayop at diyablo; hindi sila karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos at sa pagtatamasa ng pagmamahal Niya. Kaya, madaling isinasantabi at itinitiwalag ng Diyos ang mga gayong tao, at dapat na maagap silang paalisin ng iglesia bilang mga hindi mananampalataya. … Pinapasok ng mga ganitong uri ng tao ang sambahayan ng Diyos upang manood lamang ng nakakasabik na kaganapan at bulag na gumagawa ng gulo. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad; wala man lang silang simpatya para sa mabubuting tao na pinipinsala ng masasamang tao. Pinakaangkop na tawagin ang mga gayong tao na mga diyablo at Satanas. Kung ilalantad ng isang taong may pagpapahalaga sa katarungan ang masasamang tao, hindi man lang sila papalakpak o susuporta sa mga ito. Kaya, huwag kailanman pagkatiwalaan ang mga taong ito; sila ay mga tusong tao, mga balimbing, mga matandang ahas. Hindi sila mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos kundi mga alipin ni Satanas. Hindi kailanman maliligtas ang mga taong ito, at ayaw sa kanila ng Diyos; ito ang malinaw na pagnanais ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (19)). Isinisiwalat ng Diyos na ang mga taong madaya ay hindi sinsero sa sinuman; sila ay tuso at mapanlinlang, at eksperto sila sa pagtingin kung saang direksyon ang ihip ng hangin. Wala silang mga prinsipyo o pinakamababang pamantayan sa kanilang sariling asal at hindi sila mapagkakatiwalaan. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag kailanman pagkatiwalaan ang mga taong ito; sila ay mga tusong tao, mga balimbing, mga matandang ahas. Hindi sila mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos kundi mga alipin ni Satanas. Hindi kailanman maliligtas ang mga taong ito, at ayaw sa kanila ng Diyos; ito ang malinaw na pagnanais ng Diyos.” Talagang tumagos sa puso ko ang mga salitang ito. Naramdaman kong ganoon mismo akong uri ng tao. Sa pagninilay sa sarili ko, nakita ko na matapos paalisin ni Li Jing ang mga kapatid na iyon na nagbunyag lang ng ilang katiwalian, nagsimula akong mag-alala na baka ako rin ay mapaalis balang araw. Kaya nagsimula akong tingnan kung sa aling direksyon umiihip ang hangin. Malinaw kong nakita na hindi sinusunod ni Li Jing ang mga prinsipyo sa pagpapaalis ng mga tao, at nagkaroon ako ng mga pagdududa sa aking puso nang marinig ko ang mga maling kaisipan na ikinakalat niya. Gayumpaman, kumilos ako na parang duwag, nagtatago sa aking talukab at hindi hinuhusgahan kung ano ang tama o mali. Iniiwasan ko pa nga ang paksa at maingat akong nananahimik sa tuwing may naririnig akong nag-uusap tungkol sa gawain ng pag-aalis. Nang hilingin sa akin ni Li Jing na isulat ang ebalwasyon ni Wang Yu, sa halip na isulat ang mga katunayan ng sitwasyon ayon sa pagkakaunawa ko sa mga ito batay sa mga prinsipyo, sinubukan kong hulaan ang opinyon ni Li Jing tungkol sa kanya. Natakot ako na kung iba ang pananaw ko sa kanya, iimbestigahan din ako. Kaya pinili ko ang gitnang landas, nagsulat ng ilang mabuting bagay at ilang masamang bagay, inilalarawan lamang ang takbo ng mga pangyayari nang hindi ipinapahayag ang sarili kong pananaw. Alam na alam ko na hindi dapat puntiryahin si Wang Yu para paalisin, at alam kong hindi sinusunod ni Li Jing ang mga prinsipyo sa pag-iimbestiga at pagpapaalis ng mga tao. Pero nagpalakas ako sa makapangyarihan, kumikilos ayon sa mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon” at “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili.” Para protektahan ang sarili ko, pinili ko ang gitnang landas, sinisikap na huwag makasakit o mapasama ang loob ninuman, at sinabi ko na lang na hindi ko siya makilatis. Sa ganoong paraan, kung mali ang pagpapaalis kay Wang Yu, responsabilidad iyon ni Li Jing, at wala itong kinalaman sa akin. Napakatuso ko! Hindi ba’t isa lang akong taong tuso? Sa isang bagay na kasingsimple ng pagsulat ng ebalwasyon, piniga ko ang utak ko sa pagsisikap na palugurin ang lahat. Napakatuso at napakamapanlinlang ko! Para maiwasan ang anumang kawalan sa sarili kong mga interes, minanipula ko ang isip ng iba at gumamit ako ng mga panlalansi, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nasa isip ko, at sa halip ay nagsasabi ng mga malabo at hindi malinaw na bagay. Paano iyon naiiba sa pagsasalita ni Satanas? Naisip ko kung paano tinanong ng Diyos si Satanas: “Saan ka nanggaling?(Job 1:7). Pagkatapos ay sumagot si Satanas, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik-manaog doon” (Job 1:7). Ang sagot ni Satanas sa tanong ng Diyos ay hindi malinaw, kaya imposibleng maunawaan ang totoo rito. Ganoon din ako. Malinaw kong alam na hinahangad ni Wang Yu ang katotohanan at naisulat ko pa ang ilan sa kanyang mga pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, pero nagsabi pa rin ako ng mga hindi malinaw at malabong bagay tulad ng “Hindi ko siya makilatis.” Napakatuso at napakamapanlinlang ko! Habang mas nagninilay ako, mas lalo akong nasusuklam sa sarili ko. Labis akong nahiya at napahiya na hindi ko magawang tingnan si Wang Yu.

Sa aking mga espirituwal na debosyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga huwad na lider na partikular na nauugnay sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilan ding huwad na lider na may kaunting kakayahan at nakakagawa ng kaunting gawain, at may kaunting kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng pangangasiwa sa bawat uri ng tao. Gayumpaman, takot silang mapasama ang loob ng mga tao, kaya kapag natutuklasan nila ang masasamang tao at mga anticristo na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, hindi sila naglalakas-loob na ilantad, pigilan, o limitahan ang mga ito. Namumuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, at nagbubulag-bulagan sila sa mga usaping pakiramdam nila ay walang kinalaman sa kanila. Wala talaga silang pakialam kung ano ang mga resulta ng gawain ng iglesia, o kung gaano naaapektuhan ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; iniisip nilang walang kinalaman sa kanila ang mga gayong bagay. Kaya, sa panahon ng pamumuno ng gayong huwad na lider, hindi napapanatili ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, at hindi napoprotektahan ang mga tungkulin at buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi ito kaso kung saan hindi magawa ng mga huwad na lider ang gawain nila dahil mahina ang kakayahan nila; ito ay dahil mababa ang pagkatao nila, at wala silang konsensiya at katwiran, kaya hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Sa anong paraan nagiging huwad ang mga huwad na lider? Wala silang konsensiya at katwiran ng pagkatao; samakatwid, sa panahon ng paggawa nila bilang lider, hindi talaga nalulutas ang isyu ng masasamang tao at mga anticristo na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Labis na napipinsala ang ilang kapatid, at ang gawain ng iglesia ay nagdurusa rin ng malalaking kawalan. Kapag napapansin ng ganitong uri ng huwad na lider ang isang problema, kapag nakikita nila ang isang masamang tao o anticristong nagdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, alam nila kung ano ang responsabilidad nila, kung ano ang dapat nilang gawin, at kung paano nila ito dapat gawin, pero wala talaga silang ginagawa, at nagkukunwari pa nga silang walang alam, ganap nilang binabalewala ito, at hindi nila inuulat ang usapin sa mga nakakataas sa kanila. Nagpapanggap silang walang alam at walang nakikita, hinahayaan ang masasamang tao at mga anticristo na gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t may problema sa pagkatao nila? Hindi ba’t kauri sila ng masasamang tao at mga anticristo? Anong prinsipyo ba ang kanilang pinanghahawakan bilang lider? ‘Hindi ako nagdudulot ng anumang pagkagambala o kaguluhan, pero hindi ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob, o anumang bagay na makakasakit sa dignidad ng iba. Tukuyin man ako bilang isang huwad na lider, hindi pa rin ako gagawa ng anumang bagay na makapagpapasama ng loob. Kailangan kong ipaghanda ang sarili ko ng daan palabas.’ Anong uri ng lohika ito? Ito ang lohika ni Satanas. At anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t napakatuso at napakamapanlinlang nito? Hindi tapat kahit bahagya man ang gayong tao sa kanyang pagtrato sa atas ng Diyos; palagi siyang tuso at madaya sa pagganap sa kanyang tungkulin, na may napakaraming hindi kanais-nais na kalkulasyon, iniisip ang kanyang sarili sa lahat ng bagay. Hindi man lang niya iniisip ang gawain ng iglesia at walang-wala siyang konsensiya o katwiran. Siya ay lubos na hindi karapat-dapat na maglingkod bilang isang lider ng iglesia. Ang mga gayong tao ay walang kahit katiting na pasanin para sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang iniintindi lang nila ay ang sarili nilang mga interes at pagtatamasa; nakatuon lang sila sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, nang walang anumang pakialam sa kondisyong kinalalagyan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakamakasarili at pinakakasuklam-suklam na tao? Kahit kapag may natutuklasan silang masasamang tao at mga anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila ito binibigyang-pansin, para bang walang kinalaman sa kanila ang mga usaping ito. … Sa huli, tinukoy Ko ang ganitong uri ng tao nang ganito: Maaaring wala siyang malalaking pagkakamali, pero napakatuso at napakamapanlinlang niya; wala siyang inaakong anumang responsabilidad, hinding-hindi rin niya itinataguyod ang gawain ng iglesia—wala siyang pagkatao. Pakiramdam Ko, para siyang isang hayop—dahil sa kanyang pagkatuso, para siyang isang soro. Sinasabi ng mga tao na tuso ang mga soro, pero sa katunayan, ang mga taong ito ay mas tuso pa kaysa sa mga soro(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20)). Sa pamamagitan ng paghahambing ng aking sarili sa mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting kaalaman tungkol sa aking sarili. Bakit ko isinulat sa ebalwasyon na hindi ko siya makilatis? Dahil ba talaga sa hindi ko kaya? Hindi. Malinaw kong nakita na may mga paglihis sa kung paano iniimbestigahan ni Li Jing ang mga tao, at nakita ko rin na si Wang Yu ay nagbubunyag lang ng ilang katiwalian at hindi dapat naging puntirya para sa pag-aalis. Pero natakot ako na ako mismo ay masangkot at maimbestigahan, kaya hindi ako nangahas na magsabi ng totoo. Hindi ako nangahas na magsalita nang maharap sa isang bagay na hindi naaayon sa mga prinsipyo. Wala akong pagpapahalaga sa katarungan. Nakita ko na ang aking kalikasan ay talagang makasarili at kasuklam-suklam, tuso at mapanlinlang, at wala akong anumang konsensiya o katwiran. Naisip ko kung bakit gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Ito ay dahil ang matatapat na tao ay mabait ang puso at matuwid. Sila ay patas at makatarungan sa kanilang mga salita at gawa, mayroon silang pagpapahalaga sa katarungan, hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang sariling mga interes, at hindi sila natatakot sa kapangyarihan o katayuan. Sa mga kritikal na sandali, kaya nilang manindigan upang itaguyod ang mga prinsipyo at ipagtanggol kung ano ang tama. Ang gayong mga tao ay nagtataglay ng pagkatao at ng may-takot-sa-Diyos na puso. Pero wala ni anumang wangis ng isang matapat na tao sa aking mga kilos at pag-uugali. Ang iniisip ko lang ay protektahan ang sarili kong mga interes, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa iba. Nakita kong tinanggal sa tungkulin si Wang Yu at namumuhay sa pasakit, pero nanatili akong walang pakialam, walang kahit katiting na kabaitan o simpatya. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat mong malaman na ang natatamo Ko ay puro at dalisay na ginto, hindi buhangin. Paano makakapanatili ang masasama sa Aking sambahayan? Paano Ko matutulutan ang mga soro na mamuhay bilang mga parasito sa Aking paraiso?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob). Ang Diyos ay banal, at hinding-hindi Niya papayagan ang sinumang may tuso at mapanlinlang na disposisyon na manatili sa Kanyang sambahayan. Noon, hindi ko maintindihan kung ano ang tinutukoy na “mga soro” sa mga salita ng Diyos. Pero ngayon, sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga katunayan, nakita kong ang sarili kong kalikasan ay mapanlinlang at tuso, at na ako mismo ang uri ng taong inilalantad ng Diyos bilang isang “soro.” Saka ko lang nakita ang sarili kong pangit na kaluluwa, na walang anumang katwiran ng tao. Nahiya ako at wala akong mukhang maipakita, at gusto ko na lang na lamunin ako ng lupa. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, nananampalataya ako sa Iyo, pero bigo akong isagawa ang mga salita Mo. Ang mga kilos ko ay nagbigay-kahihiyan sa pangalan Mo. O Diyos, handa akong magsisi at magsabuhay ng isang tunay na wangis ng tao. Pakiusap, gabayan Mo ako.”

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan ko kung paano ko dapat tratuhin ang mga lider at manggagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang lider o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ilantad, salungatin at maaari kang maghayag ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng aktuwal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag; natatakot silang masupil at mapahirapan ng mga huwad na lider at anticristo, kaya hindi sila nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo. Sinasabi nila, ‘Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ilantad o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang manampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ako sa iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. At hindi ba’t mawawalan ng saysay ang aking pananalig?’ Hindi ba katawa-tawa ang gayong pag-iisip? May tunay bang pananalig sa Diyos ang gayong mga tao? Kakatawanin ba ng isang huwad na lider o anticristo ang Diyos kapag pinatalsik ka niya? Kapag pinahirapan at pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, kagagawan ito ni Satanas, at wala itong kinalaman sa Diyos; kapag inaalis o pinatatalsik ang mga tao mula sa iglesia, nakaayon lamang ito sa mga layunin ng Diyos kapag magkasamang nagdesisyon ang iglesia at ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at kapag ang pag-aalis o pagpapatalsik ay lubos na nakaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Paanong ang mapatalsik ng isang huwad na lider o anticristo ay mangangahulugan na hindi ka maliligtas? Pang-uusig ito ni Satanas at ng anticristo, at hindi nangangahulugan na hindi ka maililigtas ng Diyos. Maliligtas ka man o hindi ay depende na sa Diyos. Walang taong kalipikadong magdesisyon kung maaari ka bang iligtas ng Diyos. Dapat malinaw ito sa iyo. At para tratuhin ang pagpapatalsik sa iyo ng isang huwad na lider o anticristo bilang pagpapatalsik ng Diyos—hindi ba ito maling pag-unawa sa Diyos? Maling pag-unawa ito. At hindi lamang ito maling pag-unawa sa Diyos, kundi paghihimagsik din laban sa Diyos. Medyo paglapastangan din ito sa Diyos. … Pinatutunayan nito na hindi ka naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, ipinapakita nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos, na hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kung nagtitiwala ka sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, bakit ka natatakot sa pagganti ng isang huwad na lider o anticristo? Mapagpapasyahan ba niya ang iyong kapalaran? Kung may kakayahan kang makakilala, at natukoy mong salungat ang kanilang mga ikinikilos sa katotohanan, bakit hindi ka makipagbahaginan sa mga taong hinirang ng Diyos na nakauunawa sa katotohanan? May bibig ka naman, kaya bakit hindi ka naglalakas-loob na magsalita? Bakit takot na takot ka sa isang huwad na lider o anticristo? Pinatutunayan nitong duwag ka, walang silbi, isang kampon ni Satanas(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan). Napakalinaw itong sinasabi ng mga salita ng Diyos! Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari; hindi sinumang lider sa anumang antas ang may huling salita. Kung ang mga kilos ng isang lider ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat tayong tumanggap at magpasakop. Pero kung hindi kumikilos ang isang lider ayon sa mga prinsipyo at sa halip ay nilalabag ang katotohanan, dapat nating itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, ilantad at pigilan sila, at tuparin ang sarili nating responsabilidad. Miyembro ako ng sambahayan ng Diyos, at responsabilidad at tungkulin kong protektahan ang mga interes nito. Kapag nakakakita ako ng isang lider na kumikilos laban sa mga prinsipyo, hindi ako dapat tumayo sa isang tabi. Dapat kong itaguyod ang katotohanan at katarungan, taglayin ang lakas ng loob na isagawa ang katotohanan, at tuparin ang aking responsabilidad. Kung hindi, isa lang akong duwag at walang kuwenta. Matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, hindi pa rin ako naniniwala na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Wala akong tunay na pananalig sa Diyos. Nang makita kong pinaaalis ang mga kapatid dahil sa isang panandaliang pagsalangsang o pagbubunyag ng katiwalian, mali kong pinaniwalaan na ang mga lider ang makapagpapasya sa kinabukasan, kapalaran, kalalabasan, at hantungan ng isang tao. Takot na takot ako na kung magiging pabaya ako kahit kaunti, sasamantalahin ni Li Jing ang ilang pagbubunyag ng aking katiwalian at paaalisin ako, na sisira sa aking pag-asa sa kaligtasan. Sinasabi ko lang na nananampalataya ako sa Diyos, pero wala Siyang puwang sa puso ko. Mali kong itinuring ang isang lider bilang ang may kataas-taasang kapangyarihan na nagpapasya sa aking kapalaran, at nakita ko ang kapangyarihan at katayuan bilang mas mataas kaysa sa anupaman. Hindi ko magawang maniwala sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan. Napakahangal ko at napakabulag, ako ay isang taong magulo ang isip! Sa katunayan, walang taong gumagawa ng masama ang makapananatiling matatag sa sambahayan ng Diyos; sa malao’t madali, mabubunyag at matitiwalag sila. Ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Matuwid ang Diyos; hindi Niya gagawan ng mali ang isang mabuting tao, ni hindi Niya palalampasin ang isang masamang tao. Sa sambahayan ng Diyos, sinumang gumagawa ng maraming kasamaan at ayaw tumanggap ng katotohanan, lider man sila o ordinaryong mananampalataya, ay mabubunyag at matitiwalag sa huli. Pero para sa mga naghahangad ng katotohanan, kahit na maling pinaalis sila pansamantala ng mga huwad na lider at anticristo, hindi ibig sabihin na nawala na ang kanilang pag-asa sa kaligtasan. Ito ay dahil ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng katotohanan ay hinding-hindi magtatatwa o lalayo sa Diyos, anuman ang kanilang mga kalagayan. Kahit na mapaalis sila, patuloy silang mananampalataya sa Diyos, gagampanan ang kanilang mga tungkulin, at hahanapin ang katotohanan para matutunan ang kanilang mga leksyon. Sa huli, tatanggapin pa rin sila pabalik sa iglesia. Kahit pa dumating sa kanila ang mga sakuna, mapoprotektahan sila ng Diyos. Nakita ko na ang kalalabasan at hantungan ng bawat tao ay nasa mga kamay ng Diyos at hindi talaga nakadepende sa desisyon ng sinumang lider. Ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng tunay na pagkaunawa at pagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Higit pa riyan, nakita ko kung gaano ako kaaba at kahabag-habag, walang anumang katotohanang realidad. Isang maliit na pangyayari ang lubusang nagbunyag ng kasuklam-suklam kong pagkatao, ipinapakita sa akin kung gaano kababa ang aking karakter, na kaya kong gawin ang ganoong kasuklam-suklam na bagay para sa kapakanan ng sarili kong mga interes. Kinamuhian ko ang sarili ko sa hindi paghahangad ng katotohanan, at sa pamumuhay ayon sa mga satanikong lason nang walang anumang wangis ng tao. Taos-puso akong nanalangin sa Diyos sa pagsisisi, nagpasyang hanapin ang katotohanan at umasal at kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos mula noon.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng mga ‘pagpapamalas’ dito? Maaaring isipin ninyo na ito ay tumutukoy sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao habang gumagawa sila ng mga bagay-bagay, subalit hindi iyon ang aktuwal na tinutukoy nito. Ang mga pagpapamalas dito ay tumutukoy sa kung isinasagawa mo ba o hindi ang katotohanan; kung deboto ka ba o hindi habang ginagawa mo ang iyong tungkulin; ang iyong perspektiba sa likod ng pananampalataya sa Diyos, ang iyong saloobin tungkol sa Diyos, ang iyong kapasyahang dumanas ng mga paghihirap; ang iyong saloobin sa pagtanggap ng paghatol, pagkastigo, at pagpupungos; ang bilang ng malulubhang pagsalangsang na iyong nagawa; at ang lawak kung hanggang saan mo makakamit ang pagsisisi at pagbabago sa huli. Ang lahat ng ito, kapag pinagsama-sama, ang bumubuo sa iyong mga pagpapamalas. Ang mga pagpapamalas dito ay hindi tumutukoy sa kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang naibunyag mo o sa kung gaano karaming masasamang bagay ang nagawa mo, kundi sa kung gaano karaming resulta ang nakamit mo at sa kung gaano kalaki ang totoong pagbabagong napagdaanan mo sa pananalig mo. Kung ang mga kalalabasan ng mga tao ay tinutukoy sa kung gaano karaming katiwalian sa kanilang kalikasan ang naibunyag, walang sinuman ang makakapagkamit ng kaligtasan, sapagkat ang lahat ng tao ay labis na tiwali, may satanikong kalikasan, at lumalaban sa Diyos. Nais ng Diyos na iligtas ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan at magpasakop sa Kanyang gawain. Gaano man karaming katiwalian ang kanilang ibinubunyag, hangga’t kaya nilang tanggapin sa huli ang katotohanan, kamtin ang tunay na pagsisisi, at sumailalim sa tunay na pagbabago, sila ay mga taong iniligtas ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng isang tao hindi sa pagtingin sa kung gaano karaming katiwalian ang ibinubunyag niya, kundi sa pagtingin kung mayroon siyang tunay na pagsisisi at pagbabago pagkatapos itong ibunyag. Gaano man karaming katiwalian ang ibunyag ng isang tao, hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan at tunay na magsisi, maliligtas siya. Inililigtas ng Diyos ang tao hanggang sa pinakaposibleng antas. Bawat isa sa atin ay magbubunyag ng maraming katiwalian habang sumusunod tayo sa Diyos. Kung tutukuyin ng Diyos ang ating mga kalalabasan batay sa dami ng katiwaliang ibinubunyag natin, walang sinuman sa atin ang maliligtas. Hindi ko hinanap ang mga katotohanang prinsipyo nang makaharap ako ng mga bagay-bagay. Sa pagsulat ng ebalwasyon, alam ko na ang pag-uugali ni Wang Yu ay isang pagbubunyag ng katiwalian at na hindi siya dapat naging puntirya ng pag-iimbestiga. Pero natakot akong mapasama ang loob ng lider at hindi ako nangahas na sabihin ang aking pananaw. Alang-alang sa sarili kong mabuting kalalabasan at hantungan, wala akong pakialam kung mabuhay o mamatay ang iba, na nag-iwan ng isang pagsalangsang at mantsa sa harap ng Diyos. Sa pag-iisip sa mga bagay na ito, nagpasya ako sa puso ko na hindi na mamumuhay ayon sa aking mapanlinlang na kalikasan.

Noong panahong iyon, pinagnilayan ko kung paano ko maiwawaksi ang aking tuso at mapanlinlang na tiwaling disposisyon. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na makahanap ng landas ng pagsasagawa. Isang araw, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang taong nananampalataya sa Diyos at tumatahak sa tamang landas sa buhay, kahit papaano ay dapat kang mamuhay nang may dignidad at magkaroon ng wangis ng tao, dapat kang umasal sa paraang itinuturing kang mapagkakatiwalaan at pinapahalagahan ka ng iba, dapat mong gawin ito sa paraang nararamdaman ng iba na may diwa sa iyong karakter at integridad, na tinutupad mo ang lahat ng iyong sinasabi, at na ang iyong salita ay iyong pananagutan. … Ang mga taong may dignidad ay pawang may kaunting personalidad, at minsan ay hindi sila nakakasundo ng iba, ngunit sila ay matatapat, at walang insinseridad o panlilinlang sa kanila. Sa huli, mataas ang tingin ng iba sa kanila, dahil kaya nilang isagawa ang katotohanan, matapat sila, sila ay may dignidad, integridad, at karakter, hindi nila kailanman sinasamantala ang ibang tao, tinutulungan nila ang mga tao kapag nasa alanganin ang mga ito, tinatrato nila ang mga tao nang may konsensiya at katwiran, at hindi nila agad na hinuhusgahan ang mga taong ito. Kapag sinusuri o tinatalakay ang tungkol sa isang tao, tumpak ang lahat ng sinasabi nila, sinasabi nila kung ano ang nalalaman nila at hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi nila alam, hindi sila nagdadagdag ng kuwento, at maaaring magsilbing ebidensiya o sanggunian ang mga salita nila. Kapag sila ay nagsasalita at kumikilos, ang mga taong nagtataglay ng karakter ay may tendensiyang maging praktikal at mapagkakatiwalaan. Walang sinumang nagpapahalaga sa mga taong walang karakter, at walang sinumang nagbibigay-pansin, nagseseryoso, o nagtitiwala sa kanilang mga salita o kilos. Ito ay dahil nagsasabi sila ng napakaraming kasinungalingan at napakakaunting makatotohanang salita, ito ay dahil sa tuwing nakikisalamuha sila sa sinuman o gumagawa ng mga bagay para sa sinuman, wala silang sinseridad at sinusubukan nilang linlangin at lokohin ang taong iyon, at walang sinumang may gusto sa kanila. Nakatagpo na ba kayo ng sinuman na, sa mga mata ninyo, ay mapagkakatiwalaan? Iniisip ba ninyong karapat-dapat kayo sa tiwala ng ibang tao? Mapagkakatiwalaan ba kayo ng ibang tao? Kung may isang taong magtatanong sa iyo tungkol sa sitwasyon ng isang tao, hindi mo dapat suriin o husgahan ang taong iyon ayon sa sarili mong kagustuhan, at ang mga salita mo ay dapat obhetibo, tumpak, at naaayon sa mga katunayan. Dapat kang magsalita tungkol sa anumang nauunawaan mo, at hindi ka dapat magsalita tungkol sa mga bagay na hindi mo makita nang malinaw. Dapat maging makatarungan at patas ka sa taong iyon. Iyan ang responsableng paraan ng pagkilos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao). Sa pagninilay sa Kanyang mga salita, naunawaan ko na ang normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos na isabuhay natin ay isang pagkatao kung saan mayroon tayong integridad, dignidad, nagsasalita batay sa mga katunayan, hindi nagpapalabis o nagbabawas, at responsable sa ating mga kilos. Ang gayong mga tao ay matapat at mabait ang puso, hindi sila kailanman nangmamanipula o nanlalansi, mayroon silang sinserong saloobin sa mga tao at mga bagay-bagay, at mapagkakatiwalaan sila. Mula sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng direksyon kung paano umasal. Alam kong dapat akong magsalita at kumilos nang matapat ayon sa mga hinihingi ng Diyos, upang mapagkatiwalaan ng iba at mapanatag ang kalooban ng Diyos. Kapag kailangan kong ipahayag ang aking pananaw, dapat akong magsalita ng totoo at ipaalam sa iba ang aking mga totoong opinyon at iniisip.

Pagkatapos niyon, nagsimula akong tumuon sa pagpasok sa katotohanan sa aspekto ng pagiging isang matapat na tao sa aking tungkulin. Minsan, tinanong ako ng superbisor tungkol sa sitwasyon ng dalawang miyembro ng aking pangkat, at sinabi na kung hindi sila angkop, kailangang agad na baguhin ang pagkakatalaga ng kanilang tungkulin. Naisip ko, “May ideya rin ang superbisor kung kumusta ang paggawa ng dalawang ito sa kanilang mga tungkulin kamakailan. Kung iba ang pananaw ko sa kanya, hindi ba’t sasabihin niya na kulang ako sa pagkilatis at hindi ko alam kung paano tingnan ang mga tao o mga bagay-bagay? Sasabihin ba niya na mahina ang kakayahan ko at hindi ako angkop na maging lider ng pangkat? Hayaan na nga. Mas mabuting huwag na lang akong magsalita. O baka sabihin ko na lang na hindi ko pa masabi.” Sa sandaling iyon, napagtanto kong sinusubukan ko na namang maging mapanlinlang. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang sa mga nasa itaas ninyo at maglihim sa mga nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na pagtatangka lamang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Pagkatapos magbasa, tahimik akong nanalangin, “O Diyos, ayaw ko nang maging mapanlinlang. Kailangan kong maging matapat na tao, isulat nang totoo kung ano ang nakita ko, at ipahayag ang sarili kong pananaw.” Pagkatapos itong isulat, ipinadala ko ito sa superbisor, at naging lubos na payapa ang puso ko. Mula noon, sa tuwing kailangan kong magsulat ng ebalwasyon, nagsasabi ako ng totoo, matapat na isinusulat ang mga isyung nakita ko at ang sarili kong mga opinyon. Ang pagkakaroon ko ng ganitong kaunting pagbabago at natamo ay bunga ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 57. Binitiwan Ko ang mga Damdamin ng Pagkakautang Ko sa Aking Anak

Sumunod: 59. Hindi Na Ako Nag-aalala na Hindi Magampanan nang Maayos ang Tungkulin Ko sa Aking Pagtanda

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito