57. Binitiwan Ko ang mga Damdamin ng Pagkakautang Ko sa Aking Anak
Mula pagkabata, talagang hinahangaan ko ang nanay ko. Marami siyang tiniis na hirap para sa aming magkakapatid. Sa tuwing nagigising ako sa hatinggabi, nakikita ko siyang nagtatahi ng mga damit na yari sa bulak para sa amin gamit lang ang isang maliit na lampara, at kinabukasan, kailangan pa niyang umakyat sa bundok para magtrabaho sa bukid. Para maalagaan ang buong pamilya, nagkasakit siya sa katatrabaho. Hindi gaanong responsable ang tatay ko, at noong nasa edad nang mag-asawa ang kuya ko, ang nanay ko ang nag-asikaso ng lahat. Lahat ng mga taga-nayon ay pinuri ang nanay ko bilang isang mabuting asawa at ina. Sa puso ko, itinuring kong huwaran ang nanay ko, naniniwalang ang mga ginawa niya ang nagbibigay-kahulugan ng pagiging isang inang pasok sa pamantayan. Nang mag-asawa ako, naging tulad din ako ng nanay ko—inuuna ko sa lahat ng bagay ang asawa’t mga anak ko, at pakiramdam ko, basta’t komportable sila, sulit ang anumang paghihirap sa panig ko. Kapag taglamig, palagi akong gumigising nang maaga, nagsisindi ng kalan, at nagluluto, at hihintayin kong uminit muna ang bahay bago ko gigisingin ang asawa’t mga anak ko para sa almusal. Kapag nakikita kong naaalagaan ko sila nang maayos, talagang kontento na ako. Pinuri ako ng biyenan ko at ng hipag kong mas nakatatanda bilang isang mabuting asawa, at naniniwala rin akong ito ang dapat gawin ng isang babae. Pero hindi inaasahan, kalaunan, biglang nagkasakit ang asawa ko at pumanaw, at sa akin lang bumagsak ang pasanin ng buong pamilya. Nagpasya ako sa sarili ko, “Kailangan kong siguruhing makapagtatapos ng pag-aaral ang mga bata at makapagsisimula ng sarili nilang pamilya.” Kaya, nagsimula ako ng maliit na negosyo sa palengke para suportahan ang pag-aaral ng dalawa kong anak.
Noong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, marami akong naunawaang katotohanan, at nakabangon din ako sa sakit ng pagkawala ng asawa ko. Kalaunan, ginawa ko ang tungkulin ko sa iglesia sa abot ng aking makakaya. Noong 2003, dahil sa pagkakanulo ng isang masamang tao, pumunta sa bahay ko ang lokal na pulisya para arestuhin ako. Mabuti na lang, wala ako sa bahay kaya naiwasan ko ang kapahamakang ito. Para makatakas sa pagkakaaresto ng CCP, kinailangan kong umalis ng bahay para gawin ang tungkulin ko. Labis na nagpahirap sa puso ko ang isiping iiwan ko ang mga anak ko. Maagang pumanaw ang asawa ko, kaya kung aalis ako, ano ang mangyayari sa dalawa kong anak? Disi-otso anyos na ang anak kong lalaki, malapit na sa edad ng pag-aasawa, kaya kung wala ako, sino ang tutulong sa kanyang mag-asawa’t magkapamilya? Pero kung hindi ako aalis, puwede akong arestuhin anumang oras, at hindi ko pa rin sila maaalagaan. Sinabi rin ng anak kong babae, “Ma, mas gugustuhin ko pang iwan mo kami kaysa makita kang maaresto.” Nang makita ko ang maunawain kong anak, lalo pang kumirot ang puso ko, at sa huli, umalis ako ng bahay nang may luha sa aking mga mata. Kahit nakaalis na ako ng bahay, ang puso ko ay palaging nasa dalawa kong anak, at naiisip ko, “Kumusta na kaya sila? May sapat ba silang pera? Makakahanap kaya sila ng trabaho? Sino ang mag-aayos ng kasal ng anak kong lalaki? Maghihinanakit kaya sila sa akin at sasabihing pinabayaan ko sila?” Sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na ito, kumikirot ang puso ko. Pakiramdam ko ay hindi ko natupad ang aking mga responsabilidad bilang isang ina at talagang binigo ko ang aking mga anak. Gusto ko talagang bumalik at alagaan sila, pero takot akong maaresto. Labis na pinahihirapan ang puso ko. Noong panahong iyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sino ang tunay at ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, lubos na nagliwanag ang puso ko. Hindi ba’t mas mabuti kung ipagkakatiwala ko sa Diyos ang mga anak ko kaysa ako ang mag-alaga sa kanila? Nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay, at kung maayos ba ang kalagayan ng dalawa kong anak o hindi ay nasa mga kamay ng Diyos. Nang maisip ko ito, hindi na gaanong sumama ang loob ko.
Habang tumatagal ang panahon na malayo ako sa bahay, nasa bente anyos na ang anak kong lalaki at nasa edad na para mag-asawa, at nag-alala ako kung makapag-aasawa ba siya. Naulila na sa ama ang mga anak ko, at wala pa ako roon para alagaan sila, kaya awang-awa ako sa kanila. Noong 2007, bilang lider ng distrito, tinanggal ako dahil wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin. Nabalitaan ko na nagtatrabaho na pala ang mga anak ko sa siyudad kung saan nakatira ang mga kapatid ko, kaya bumalik ako para makasama sila. Nang makita ako ng anak kong lalaki, napakalamig ng pakikitungo niya at ayaw niya akong kausapin. Sinabi niyang tanging ang pananalig ko sa Diyos ang inisip ko at pinabayaan ko sila. Sobrang nakonsensiya ako at naramdaman kong may katwiran ang hinanakit niya sa akin. Dumating din ang mga nakababata kong kapatid para makita ako. Pinagalitan ako ng kapatid kong lalaki, sinasabing, “Sa lahat ng taon na wala ka, sobrang nahirapan ang mga anak mo. Siguruhin mong hindi ka na uli aalis sa pagkakataong ito. Malalaki na sila ngayon, kaya kailangan mong magmadali at tulungan ang anak mong lalaki na makapag-asawa—iyan ang talagang mahalaga.” Sabi naman ng kapatid kong babae, “Sa mga taon na wala ka, kami ang nag-alala para sa anak mong lalaki at tinulungan pa namin siyang makahanap ng trabaho.” Nang marinig ko iyon, lalo pa akong nakonsensiya at bumigat ang loob ko. Pakiramdam ko ay hindi ako mabuting ina at hindi ko natupad ang aking mga responsabilidad. Kinailangang kumita ng sarili niyang pera ang anak kong lalaki sa edad na disisyete o disi-otso, at ang anak kong babae, kahit maliit at payat, ay gumagawa ng mabibigat na trabaho. Kung nasa bahay lang sana ako, hindi nila kakailanganing magsimulang magtrabaho nang ganoon kaaga. Para makabawi sa pagkukulang ko sa kanila, ginawa ko ang lahat para iluto ang mga paborito nilang pagkain at labhan ang mga damit nila, at anumang magagawa ko para sa kanila, sinusubukan kong gawin sa abot ng aking makakaya. Para makapag-ipon ng pera para sa kasal ng anak kong lalaki, kumuha ako ng trabahong pakyawan na pagtatahi ng damit sa bahay. Nagtatrabaho ako sa gabi at naghahatid ng mga order sa umaga, at sa araw, nakapagdidilig pa rin ako ng mga baguhan, nakadadalo sa mga pagtitipon, at nakagagawa ng tungkulin nang walang abala. Noong 2008, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia, pero noong panahong iyon, labis na nagtatalo ang kalooban ko. Alam kong dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magpasakop, pero nag-alala ako na kakain ng masyadong maraming oras ang pagiging lider at wala nang matitirang oras para kumita ng pera, at kung walang pera at walang bahay, sino ang papayag na magpakasal sa anak kong lalaki? Maagang pumanaw ang asawa ko, kaya bilang isang ina, mas marami akong responsabilidad. Kung hindi ko tutulungan ang anak kong lalaki na mag-ipon ng pera, hindi siya makapag-aasawa— pagkatapos, hindi ba’t tatawagin ako ng iba na isang iresponsableng ina? Nang maisip ko ito, tinanggihan kong akuin ang tungkulin ng isang lider at nagpatuloy sa pagdidilig ng mga baguhan.
Mabilis na lumipas ang panahon, at hindi nagtagal ay 2010 na. Dalawampu’t limang taong gulang na ang anak kong lalaki, at lahat ng kaedad niya ay kasal na, pero siya ay hindi pa rin. Labis akong nababalisa. Bagama’t nagtatrabaho ako para kumita ng pera habang ginagawa ang tungkulin ko, malayo pa rin sa sapat ang perang naipon ko para sa kanyang kasal. Para makapag-ipon pa ng mas maraming pera, kumuha pa ako ng mas maraming trabaho. Habang parami nang parami ang mga baguhang tumatanggap sa gawain ng Diyos, ginagawa ko ang tungkulin ko sa araw at nagtatrabaho hanggang hatinggabi, kaya nabawasan ang oras at lakas ko para sa pagdidilig ng mga baguhan, at bihirang-bihira ko nang pag-isipan kung paano makipagbahaginan ng katotohanan sa paraang makatutulong sa kanilang maitanim sa tunay na daan, at wala akong pagpapahalaga sa pasanín pagdating sa paglutas ng mga paghihirap o problema ng mga baguhan. Dahil nagsisimula akong magtrabaho ng alas-singko ng hapon, kung minsan ay nagtatrabaho ako hanggang hatinggabi o kahit ala-una pa ng madaling araw, at pagkatapos ay kailangan kong ihatid ang mga natapos kong tahiin pagsapit ng alas-kuwatro ng umaga. Kinabukasan, lutang ang isip ko at nalilito ako habang ginagawa ang tungkulin ko. Pagkaraan ng ilang panahon, ang ilan sa mga baguhang dinidiligan ko ay hindi na regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Dahil wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin, sa huli ay tinanggal ako. Sobrang sama ng loob ko. Naisip ko kung paano ko tinanggihan ang tungkulin ng isang lider noon, at ngayon, hindi ko man lang nagawa nang maayos ang pagdidilig sa mga baguhan. Hiyang-hiya ako kahit manalangin man lang sa Diyos. Bagama’t ngayon, na wala nang tungkulin, maaari na akong magtrabaho nang full-time at mag-ipon ng pera para sa anak ko, madilim ang puso ko at hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko.
Noong panahong iyon, nakinig ako ng mga himno habang nagtatrabaho. Sinasabi sa isang himno ng mga salita ng Diyos: “Magbantay! Magbantay! Ang nawalang oras ay hindi na maibabalik kailanman—tandaan ito! Walang gamot sa mundo ang nakapaghihilom sa panghihinayang! Kaya, ano pa ba ang posible Kong masabi sa inyo? Hindi ba karapat-dapat ang Aking salita sa inyong maingat na pagbubulay-bulay, sa inyong paulit-ulit na pagbubulay-bulay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30). Talagang naantig ako sa mga salita ng Diyos. Napakarami at napakataos-puso na ng sinabi ng Diyos, pero bakit napakatigas pa rin ng kalooban ko at ayaw kong magbago? Sa puso ko, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na akayin akong makaalis sa kalagayang ito. Lagi kong tinatanong ang sarili ko, “Kailangan ko bang isuko ang paghahangad sa katotohanan para lang kumita ng pera para sa kasal ng anak kong lalaki?” Naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos?” “Kung sa buhay mo ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras na malapit ka nang mamatay? Kung gayon, bakit ka naniniwala sa Diyos?” Pagkatapos ay natagpuan ko ang dalawang siping ito ng salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Diyos: “Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga duwag na walang gulugod. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat magawa mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti. … Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pagkakasundo ng pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang pagtatamasa. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang ordinaryo at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang ganitong mga tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Sa landas na ito, maraming tao ang makapagsasalita ng maraming kaalaman, ngunit sa oras ng kanilang kamatayan, ang kanilang mga mata ay umaapaw sa mga luha, at kinapopootan nila ang kanilang mga sarili sa pagkakasayang sa isang buong buhay at pagkabuhay hanggang sa katandaan nang para sa wala. Nauunawaan lang nila ang mga doktrina ngunit hindi nila kayang isagawa ang katotohanan o magpatotoo sa Diyos; tumatakbo lang sila paroo’t parito, abalang-abala sila, at kapag naghihingalo na sila, saka lang nila nakikita sa wakas na kulang sila sa tunay na patotoo, na wala silang anumang kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ba’t ito ay masyadong huli na? Bakit hindi mo samantalahin ang araw at hangarin ang katotohanan na iyong minamahal? Bakit maghihintay ka pa hanggang kinabukasan? Kung sa buhay mo ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras na malapit ka nang mamatay? Kung gayon, bakit ka naniniwala sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Nananampalataya Ka sa Diyos). Ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ang huling gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Naabutan ko ito, pero hindi ko pinahalagahan, at pagdating ng araw na matapos ang gawain ng Diyos, kung saka ko pa lang gugustuhing gawin nang maayos ang tungkulin ko, wala nang pagkakataon, at hindi ba’t matitiwalag pa rin ako? Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at pagkakamit ng katotohanan ang pinakadakilang mga bagay sa buhay, at ang mga ito rin ang pinakamakabuluhang mga bagay. Pero ipinagpaliban ko ang tungkulin ng isang lider para lang maging isang mabuting ina, dahil natakot akong baka maantala ng paggawa ng tungkulin ng isang lider ang pagkita ko ng pera para sa anak ko. Ang mga baguhang katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos ay maraming kuru-kuro na kailangang pagbahaginan at lutasin, pero ang tanging inisip ko lang ay kung paano makababawi sa pagbigo ko sa aking anak. Ayaw kong maglaan ng mas maraming oras sa paglutas sa mga problema ng mga baguhan, at iniraraos ko lang ang mga pagtitipon. Naging dahilan ito para hindi na regular na dumalo sa mga pagtitipon ang mga baguhan. Labis kong tinamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng salita ng Diyos, at binigyan din ako ng Diyos ng pagkakataong maligtas— pero ano ang isinukli ko sa Diyos? Maliban sa pagtanggi sa aking tungkulin, naging pabasta-basta at iresponsable rin ako. Saang banda ako nagkaroon ng kahit katiting na pagkatao! Ngayon na nawala na sa akin kahit ang nag-iisang tungkuling mayroon ako, ano pa ang saysay nang mabuhay nang ganito? Sa pamumuhay nang ganito—ginagawa ang tungkulin ko habang sinusubukan ding bigyang-kasiyahan ang mga anak ko, hindi nagiging tapat sa tungkulin ko, at sinusubukang pagsabayin ang dalawa— sa huli, ano ang makakamit ko? Hindi naghihintay kaninuman ang gawain ng Diyos, at kung hindi ko ito hahangarin ngayon, wala na akong ibang pagkakataon. Kailangan kong isantabi ang aking mga pagmamahal at hangarin ang katotohanan. Hindi nagtagal, ipinagpatuloy ko ang aking tungkulin.
Noong 2011, napili ako bilang isang diyakono ng pagdidilig. Noong panahong iyon, medyo nagtatalo pa rin ang kalooban ko. Malaking responsabilidad ang pagiging isang diyakono ng pagdidilig, at mas kakaunti ang oras ko para kumita ng pera para sa anak ko. Gayumpaman, naisip ko rin kung paano ako desperadong kumikita ng pera para sa kasal ng anak kong lalaki nitong mga nakaraang taon— wala akong pasanin para sa aking tungkulin, inantala ko ang gawain ng iglesia, at nagdusa rin ng kawalan ang sarili kong buhay— pero isinaayos pa rin ng iglesia na magawa ko ang gayon kahalagang tungkulin. Hindi na ako puwedeng maghimagsik laban sa Diyos, at kailangan kong gawin ito sa abot ng aking makakaya. Kaya, tinanggap ko ito. Lagi na akong nag-aalala noon pa na baka hindi magawang makapagpakasal ng anak kong lalaki dahil wala kaming pera. Noong 2014, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay-daan sa akin na isantabi ang pag-aalalang ito kahit paano. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag umabot ang isang tao sa hustong edad, naiiwanan na niya ang kanyang mga magulang at nakakapagsarili na, at dito sa puntong ito tunay na nakakapag-umpisang gampanan ng isang tao ang sariling papel, na ang sarili niyang misyon sa buhay ay hindi na malabo at unti-unting nagiging maliwanag. Sa pangalan ay nananatili pa ring may malapit na ugnayan ang isang tao sa sariling mga magulang, subalit dahil ang sariling misyon at ang papel na ginagampanan niya ay walang kinalaman sa sarili niyang ina at ama, nangangahulugan ito na ang malapit na bigkis ay dahan-dahang napapatid habang unti-unting nagsasarili ang isang tao. Mula sa perspektiba ng biyolohiya, hindi pa rin maiiwasan ng mga tao ang umasa sa kanilang mga magulang nang hindi namamalayan, subalit sa patas na pananalita, kapag sila ay malaki na, mayroon na silang mga buhay na ganap na nakahiwalay mula sa kanilang mga magulang, at gagampanan nila ang mga papel na kanilang natanggap nang nagsasarili. Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang responsabilidad ng mga magulang sa buhay ng mga anak nila ay ang panlabas lang na bigyan sila ng isang kapaligiran na kalalakihan nila, at iyon na iyon, sapagkat walang makaiimpluwensiya sa kapalaran ng tao maliban sa paunang pag-orden ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay matagal nang paunang inorden, at kahit pa ang sariling mga magulang ay hindi mababago ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, kanya-kanya ang bawat isa, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kaya, walang magulang ang makahahadlang sa kapalaran sa buhay ng isang tao ni kaunti, at walang mga magulang ng sinuman ang maka-uudyok sa kanya kahit kaunti pagdating sa papel na ginagampanan niya sa buhay. Maaaring sabihin na saanmang pamilya paunang inorden na isilang ang isang tao, at saan mang kapaligiran siya lumaki, ang mga ito ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang misyon niya sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na gampanan nang maayos ang papel niya sa buhay. Kung paano tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon at sa anong uri ng pinamumuhayang kapaligiran niya ginagampanan ang kanyang papel ay ganap na itinatakda ng kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang obhetibong mga kondisyon ang makakaimpluwensiya sa misyon ng isang tao, na paunang inorden ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay umaabot sa hustong pag-iisip ayon sa kanilang partikular na kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na plinano para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga nilalang alang-alang sa paunang pag-orden ng Lumikha, alang-alang sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Labis na pinagliwanag ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Naunawaan ko na ang responsabilidad ko ay ang isilang lamang ang aking mga anak sa mundo, bigyan sila ng isang kapaligiran para lumaki, at palakihin sila hanggang sa hustong gulang. Pero habang lumalaki ang mga bata, ganap na silang may hiwalay na buhay sa kanilang mga magulang. Lahat tayo ay may kanya-kanyang misyon. Isa akong nilikha, at ang obligasyon ko ay tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha, hindi ang palaging mamuhay para sa aking mga anak. Sa mga taon na iyon, nagtrabaho ako nang mabuti para kumita ng pera upang makabawi sa pagkakautang na nararamdaman ko para sa aking anak na lalaki, umaasang matulungan siyang makapag-asawa at makapagsimula ng pamilya, iniisip na sa paggawa lang nito ako makababawi sa kanya. Para kumita ng pera, tinanggihan ko pa nga ang tungkulin ng isang lider at naging iresponsable ako sa pagdidilig ng mga baguhan. Nagdulot ito ng mga kawalan sa aking buhay pagpasok at sa gawain ng iglesia. Ngayon ay naunawaan ko na kung makapag-aasawa man ang anak ko ay hindi nakasalalay sa akin, na ang pagkita ng pera para ibili siya ng kotse o bahay ay hindi gagarantiya nito, at na itinakda na ng Diyos ang pag-aasawa ng anak ko. Hindi ko ito mababago. Naisip ko ang isang kapitbahay: Parehong may kapansanan ang mag-asawa at wala silang bahay o kotse, pero maagang nakapag-asawa at nakapagsimula ng pamilya ang kanilang anak. Mayroon din akong kamag-anak na may milyon-milyong ipon ang pamilya at nagmamay-ari ng parehong kotse at bahay, pero ang kanilang anak, na mahigit 30 na, ay hindi pa rin kasal. Mula rito, nakita ko na hindi kayamanan ang nagpapasya sa pag-aasawa, at na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Nang maunawaan ko ito ay gumaan nang husto ang aking puso, at nagpasya akong gawin nang maayos ang aking tungkulin, na lubusang ipagkatiwala sa Diyos ang pag-aasawa ng aking anak na lalaki, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.
Noong 2017, nagpakasal ang anak kong lalaki at tumira sa pamilya ng kanyang asawa. Hindi humingi ng anumang regalo bago ikasal o gumawa ng anumang kahilingan ang manugang ko. Nagbigay lang ako ng 30,000 yuan sa kanya, at walang pormal na seremonya ng kasal. Nagtipon lang ang mga kamag-anak at kaibigan para kumain, at idinaos ang pagdiriwang sa simpleng paraan. Dapat sana ay masaya ako, pero nakokonsensiya pa rin ako sa aking puso, pakiramdam ko ay hindi ko naorganisa ang isang magarbong kasal para sa aking anak, at nagbigay lang ako ng kakarampot na halaga at hindi ko natupad ang aking mga responsabilidad bilang isang ina, kaya nakaramdam ako ng pagsisisi. Noong 2019, nabuntis ang manugang ko at hiniling niya sa akin na alagaan siya. Noong panahong iyon, responsable ako sa gawaing nakabatay sa teksto ng ilang iglesia, kaya kung pupunta ako para alagaan ang manugang ko, maaantala ang mga tungkulin ko. Pero pagkatapos ay naisip ko kung paanong hindi ako gaanong nakapagbigay sa anak ko sa mga nakaraang taon, Ngayon, nagtatrabaho ang anak ko para kumita ng pera, at naramdaman kong ang pag-aalaga sa buntis kong manugang ay isang bagay na dapat kong gawin, at kung hindi ko mapapagaan ang kanyang pasanin sa pagkakataong ito, bibiguin ko siya. Hindi ba’t tatawagin ako ng mga kamag-anak ko na isang napakairesponsableng ina? Hindi mapalagay ang kalooban ko, at hindi ko maituon ang aking puso sa aking mga tungkulin, na nagdulot ng bahagyang pagbaba sa pagiging epektibo ng pagganap ko sa aking tungkulin. Nalaman ito ng superbisor at pagkatapos ay naghanap siya ng ilang salita ng Diyos na may kaugnayan sa aking kalagayan para sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang lubos na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kompletong makakain tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at makilatis ang ilang bagay, ay iisipin mo, ‘Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin bilang nilikha, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.’ Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging deboto sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng salungatan ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pagsisisi dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na ‘Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae’ ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at mananatili kang gapos ng ganitong uri ng mga kuru-kuro kahit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagama’t maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gawin ang tungkulin mo, nang marahil ay nagpapakita ng kaunting debosyon sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pagsisisi sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, higit pang ninanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao). “Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga kuru-kuro ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na nagiging dahilan para hindi mo matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay nasakop na ng mga bagay na ito ni Satanas, kaya nawalan ka na ng kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at nagiging dahilan para mawalan ka ng lakas na iwaksi ang gapos ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga bagay na ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang pagkondena ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, isinasailalim ang sarili mo sa mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling salungatin ang Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba’t kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao). Inilarawan ng mga salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Ang tradisyonal na ideya ng kulturang Tsino na “Isang mabuting asawa at mapagmahal na ina” ay isang tanikala na iginapos ni Satanas sa mga kababaihan, na nagpapaniwala sa mga tao na ang isang mabuting babae ay dapat mamuhay para sa kanyang asawa at mga anak, at lagi silang unahin, at hangga’t kaya niyang bigyang-kasiyahan ang kanyang asawa at mga anak, gaano man kahirap o nakapapagod ang isang bagay, dapat niya itong gawin, at kung hindi niya ito magawa, hindi siya isang mabuting asawa o mapagmahal na ina, at kukutyain siya ng iba. Mula pagkabata, nakita ko ang nanay ko na nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi para matiyak na komportable ang aming pamilya, at inasikaso rin niya ang mga paghahanda sa kasal ng kuya ko. Lahat ng mga taga-nayon ay pinuri ang nanay ko bilang isang mabuting asawa at ina. Dahil sa impluwensya ng nanay ko, pagkatapos kong mag-asawa, inalagaan kong mabuti ang aking asawa at mga anak. Sinabi ng asawa ko na isa akong ulirang asawa, at sinabi ng mga anak ko na isa akong mabuti at mapagmahal na ina. Pagkamatay ng asawa ko, inako ko na rin ang mga responsabilidad ng isang ama, at nagtrabaho ako nang mabuti para kumita ng pera upang mapag-aral ang mga anak ko, at gaano man kahirap, tiniis ko itong mag-isa. Matapos kong matagpuan ang Diyos, dahil sa pag-uusig ng CCP, napilitan akong umalis ng bahay, at bagama’t ginagawa ko ang aking tungkulin, ang puso ko ay laging nasa mga anak ko, at namuhay ako sa isang kalagayan na nararamdamang may pagkakautang ako sa kanila. Lalo na nang makita kong nasa edad na ng pag-aasawa ang anak kong lalaki, at hindi ko siya masuportahan sa pinansyal, mas lalo kong naramdaman na nabigo ako bilang isang ina. Matapos akong mapili bilang isang lider ng iglesia, alam kong dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, pero natakot akong maantala ang pagkita ko ng pera para sa kasal ng anak ko, kaya tinanggihan ko ang tungkuling ito. Kahit sa pagdidilig ng mga baguhan, wala roon ang puso ko, dahil ang lahat ng pokus ko ay nasa pagkita ng pera para sa aking anak, na naging dahilan para hindi madiligan sa tamang oras ang mga baguhan. Ngayon, sa pagharap sa pag-aalaga sa aking manugang, kahit hindi ako pumunta sa kanya, ang puso ko ay lumayo na sa Diyos. Namumuhay ako sa isang kalagayan na nararamdamang may pagkakautang ako sa aking anak, at wala akong pusong gawin ang aking tungkulin. Nagdulot ito ng pagbaba sa pagiging epektibo ng pagganap ko sa aking tungkulin. Nakatali ako sa tradisyonal na ideya ng pagiging “Isang mabuting asawa at mapagmahal na ina,” kaya sa tuwing nagbabanggaan ang aking tungkulin at ito, ang iniisip ko lagi ay ang hindi biguin ang mga anak ko, at wala akong pakialam kahit kaunti sa mga interes ng iglesia. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos at tinamasa ang napakaraming pagdidilig at pagtutustos ng Kanyang mga salita, pero gumagawa ako ng mga bagay na naghihimagsik at lumalaban sa Kanya. Talagang wala akong anumang pagkatao! Ngayon ko lang naunawaan na ang mga tradisyonal na ideyang ito ng kultura ay mga kasangkapang ginagamit ni Satanas para igapos ang mga tao, na nagiging dahilan para mamuhay lang ako upang makamit ang reputasyon ng pagiging isang mabuting ina, at sa huli ay matiwalag dahil sa pagkabigong tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na matukoy ang masasamang intensyon ni Satanas. Hindi na ako maaaring matali at malimitahan ng tradisyonal na kultura, at kailangan kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos.
Pagkatapos ay nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang ‘Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao’? Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—ang mga ito ay hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos; sadya lang na ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, at ang mga anak natin ay isinilang natin, gayumpaman, ang mga kapalaran nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin sa Diyos na nararapat mong tuparin bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ito ang pangunahing bagay at pangunahing usapin na pinakanararapat na tapusin ng mga tao sa buhay nila. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi tumupad sa mga obligasyon o tungkulin niya sa anumang paraan, isang tumanggap ngunit hindi tumapos sa atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao). Nang mabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, mas nagliwanag ang puso ko. Isa akong nilikha, at ang pagtupad nang maayos sa aking mga tungkulin ay aking responsabilidad. Kung hindi ko magagawa nang maayos ang aking mga tungkulin, hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng pagliligtas ng Diyos. Kahit na isa akong mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ito nangangahulugang isinasagawa ko ang katotohanan, at hindi nito natutugunan ang pagsang-ayon ng Diyos. Dati, namuhay ako ayon sa tradisyonal na kultura, laging nahihirapan sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina at paggawa ng aking mga tungkulin. Pagod na pagod ako sa pisikal at mental, at hindi ko na matiis ang sakit. Ngayon, naunawaan ko na ang layunin ng Diyos. Ang lahat sa buhay ng isang tao ay nagmumula sa Diyos, wala akong utang kaninuman, at ang pinakamalaki kong utang ay sa Diyos. Ang paghahangad lamang sa katotohanan at pagtupad sa aking mga tungkulin ang pinakamakabuluhan. Kaya nanalangin ako sa Diyos, ipinagkakatiwala ang aking manugang sa mga kamay ng Diyos, at pinili ko munang gawin nang maayos ang aking tungkulin. Kalaunan, nalaman kong naging maayos ang lahat sa panganganak ng aking manugang, at hindi rin ako sinisi ng anak ko at manugang ko sa hindi ko pagpunta para alagaan sila. Nagpasalamat ako sa Diyos sa aking puso!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at tinulungan ako nitong maunawaan kung paano natin dapat itrato ang ating mga anak na nasa hustong gulang na. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bilang isang taong sumasampalataya sa Diyos, kung nais mong hangarin ang katotohanan at matamo kaligtasan, kung gayon, ang enerhiya at oras na natitira sa buhay mo ay dapat igugol sa tungkuling ginagawa mo at sa kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos; hindi ka dapat gumugol ng anumang oras sa iyong mga anak. Hindi pag-aari ng iyong mga anak ang buhay mo, at hindi ito dapat gamitin para sa kanilang buhay o pananatiling buhay, o para tugunan ang iyong mga ekspektasyon sa kanila. Sa halip, dapat itong ilaan sa tungkulin at sa ipinagkatiwalang gampanin ng Diyos sa iyo, pati na rin sa misyon na dapat mong tuparin bilang isang nilikha. Dito nakasalalay ang halaga at kabuluhan ng iyong buhay. Kung handa kang mawalan ng iyong sariling dignidad at maging alipin ng iyong mga anak, na mag-alala para sa kanila, at gawin ang lahat para sa kanila upang matugunan ang mga sarili mong ekspektasyon sa kanila, walang kabuluhan at walang halaga ang lahat ng ito, at hindi ito tatandaan. Kung magpapatuloy kang gawin ito at hindi mo bibitiwan ang mga ideya at kilos na ito, nangangahulugan lamang ito na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, na hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan, at na labis kang mapaghimagsik. Hindi mo pinapahalagahan ang buhay o ang oras na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung ang buhay at oras mo ay iginugugol lamang para sa iyong laman at mga damdamin, at hindi para sa tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, ang buhay mo ay walang kabuluhan at walang saysay. Hindi ka karapat-dapat mabuhay, hindi ka karapat-dapat magtamasa ng buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos, at hindi ka karapat-dapat magtamasa ng lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos. Binigyan ka ng Diyos ng mga anak para lang matamasa mo ang proseso ng pagpapalaki sa kanila, para magkamit ka ng karanasan at kaalaman sa buhay mula rito bilang isang magulang, para iparanas sa iyo ang isang bagay na espesyal at pambihira sa buhay ng tao, at pagkatapos, para hayaan ang iyong mga anak na dumami…. Siyempre, ito rin ay upang tuparin ang responsabilidad ng isang nilikha bilang isang magulang. Ito ang responsabilidad na inorden ng Diyos na tuparin mo tungo sa susunod na henerasyon, pati na rin ang papel na ginagampanan mo bilang magulang para sa susunod na henerasyon. Sa isang aspekto, ito ay ang pagdaanan ang pambihirang prosesong ito ng pagpapalaki ng mga anak, at sa isa pang aspekto, ito ay ang pagganap ng papel sa pagpaparami ng susunod na henerasyon. Sa sandaling matupad na ang obligasyong ito, at nasa hustong gulang na ang iyong mga anak, kung sila ba ay magtatagumpay nang husto o mananatiling payak at ordinaryong indibidwal lang ay walang kinalaman sa iyo, dahil ang tadhana nila ay hindi isang bagay na itinatakda mo, ni hindi rin ito pagpili na ikaw ang gagawa, at lalong hindi ikaw ang nagkaloob nito sa kanila—ito ay paunang inorden ng Diyos. Dahil ito ay paunang inorden ng Diyos, hindi ka dapat makialam o makisawsaw sa kanilang buhay o pananatiling buhay. Ang kanilang mga gawi, pang-araw-araw na ginagawa, at saloobin sa buhay, anuman ang mga estratehiya nila para manatiling buhay, anuman ang pananaw nila sa buhay, anuman ang saloobin nila sa mundo, anumang landas ang hangarin nila—wala kang kinalaman sa mga ito. Wala kang obligasyon na magdusa dahil sa pag-ako sa mga usaping ito, at wala ka ring paraan para tiyakin na mamumuhay sila nang masaya araw-araw. Lahat ng iyong pagsisikap sa usaping ito ay hindi kinakailangan. … Kaya, ang pinakamakatwirang saloobin para sa mga magulang pagkatapos lumaki ang kanilang mga anak ay ang matutong bumitiw, ang hayaan ang mga ito na maranasan ang buhay nang mag-isa, ang hayaan ang mga ito na mamuhay nang nakapagsasarili, at na harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang hamon sa buhay nang mag-isa. Kung hihingi sila ng tulong sa iyo at mayroon kang kakayahan at mga angkop na kalagayan para tulungan sila, siyempre, puwede mo silang tulungan at bigyan ng kinakailangang suporta. Gayumpaman, dapat mong maunawaan ang isang katunayan: Anuman ang tulong na ibigay mo, ito man ay pinansiyal o sikolohikal, maaari itong maging pansamantalang tulong lamang, at hindi nito kayang lutasin ang anumang malalaking isyu. Kailangan nilang tahakin ang sarili nilang landas sa buhay, at wala kang obligasyon na pasanin ang anuman sa kanilang mga gawain o kahihinatnan. Ito dapat ang saloobin ng mga magulang pagdating sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na bilang isang nilikha, sa pagtupad lamang sa aking mga tungkulin magkakaroon ng halaga at kabuluhan ang aking buhay. Hindi ako dapat nabubuhay para lang mabigyang-kasiyahan ang aking mga anak, o para lang magbayad ng halaga at maggugol ng sarili ko para sa kanila. Noong maliliit pa ang mga anak ko, inalagaan ko sila nang buong atensyon; nang lumaki na sila, natapos na ang aking mga responsabilidad bilang isang magulang, at dapat ko na silang bitiwan at hayaang maranasan ang buhay. Pagkatapos niyon, kung paano sila dapat mamuhay o kung ano ang kahihinatnan ng kanilang buhay ay wala nang kinalaman sa akin. Dapat akong tumulong kung kaya ko, pero kung hindi, hindi ako dapat makaramdam ng pagkakautang. Dahil ang kapalaran ng isang tao ay itinakda na ng Diyos, hindi mababago ng mga magulang ang kapalaran ng kanilang mga anak. Ngayon, dapat kong ituon ang lahat ng aking lakas sa aking mga tungkulin, sangkapan ang aking sarili ng mas maraming katotohanang prinsipyo para mapunan ang aking mga kakulangan, hangarin ang katotohanan para malutas ang aking mga tiwaling disposisyon, isagawa ang katotohanan, at gawin ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Ito ang nakalulugod sa Diyos.
Matapos itong maranasan, naunawaan ko na kung ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit hindi tinitingnan ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at kung hindi nila ginagamit ang katotohanan para palayain ang kanilang sarili mula sa tradisyonal na kultural na kaisipan ni Satanas, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at mga lason ni Satanas, hindi nila kailanman matatamo ang pagpapalaya. Sa pamumuhay lamang ayon sa mga salita ng Diyos makawawala ang isang tao mula sa mga gapos at paglilimita ni Satanas, at matatamo ang tunay na pagpapalaya at kalayaan. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!