52. Hindi Na Ako Mapagpalugod ng Tao

Ni Zheng Jin, Tsina

Noong Disyembre 2023, isinaayos ng mga lider na mamahala ako sa gawain ng pagdidilig para sa ilang iglesia. Si Brother Lin Hai ang superbisor. Bukod sa pangangasiwa at pagsubaybay sa gawain namin, responsable rin siya sa gawain ng pagdidilig sa iba pang mga iglesia. Noong nagsisimula pa lang akong makipagtulungan kay Lin Hai, nakita kong may pasanin siya sa tungkulin niya; agad niyang sinusubaybayan at nilulutas ang anumang problema ng mga baguhan. Sa pagtatapos ng Pebrero 2024, nagpadala kami ng isang liham ng komunikasyon sa mga iglesia na tumutugon sa mga karaniwang problema sa mga baguhan, at sumubaybay rin kami para siguraduhing agad na babaguhin ng mga iglesia ang pagtatalaga ng tungkulin ng sinumang tauhan na hindi angkop maging mga tagadilig. Pagkatapos, natuklasan kong hindi lang sa hindi nasubaybayan ni Lin Hai ang pagpapatupad namin ng gawain, kundi hindi rin niya nasubaybayan ang mga iglesiang responsabilidad niya, at hindi nabago sa tamang oras ang pagtatalaga ng tungkulin ng mga tagadilig. Naisip ko, “Baka masama ang pakiramdam niya nitong huli? Tumaas na naman kaya ang presyon ng dugo niya? Baka may iniinda siyang sakit at hindi nagdadala ng pasanin sa tungkulin niya? Siguro dapat ko siyang paalalahanan. Pero kung sasabihin ko ito nang diretsahan, baka sabihin niyang hindi ako nagiging mapagsaalang-alang sa kanya? Isa pa, miyembro lang ako ng pangkat. Kung tutukuyin ko nang direkta ang mga problema niya, mapapahiya kaya siya at magtatanim ng sama ng loob sa akin? Paano kung magkaroon ng tensiyon sa pagitan namin? Nakakailang sigurong makipagtulungan pagkatapos niyon!” Pero naalala ko na nagbahagi ang Diyos na ang magkakatuwang sa gawain ay dapat mangasiwa at magpaalala sa isa’t isa. Parang hindi tama na nakikita ko ang mga problema niya at wala akong sasabihin. Kaya, binigyan ko siya ng listahan ng mga gampaning kailangan niyang subaybayan at ng mga iglesiang kulang sa mga tagadilig, at pinaalalahanan ko siyang subaybayan ang mga iyon. Noong una, gusto ko sana siyang kausapin noon sa kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging pabaya at iresponsable sa tungkulin, pero nag-alala ako na baka sumama ang loob niya kapag sinabi ko iyon at maging mas mahirap para sa aming magkasundo sa hinaharap. Kaya kinumusta ko na lang ang kalusugan niya kamakailan at nakahanap ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa pangangasiwa at pagpapaalala sa isa’t isa ng magkakatuwang sa gawain para ipakita sa kanya. Sa ganitong paraan, malalaman niyang sinusubukan ko lang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi ko siya sadyang pinag-iinitan, para hindi siya magkaroon ng masamang palagay sa akin. Sa gulat ko, sumagot lang si Lin Hai ng dalawang salita, “O sige.” Wala siyang sinabi tungkol sa pagkilala sa sarili niyang mga isyu. Pagkatapos niyon, hindi pa rin niya sinubaybayan ang pagbabago ng pagtatalaga sa tungkulin ng mga tagadilig sa mga iglesia, ni hindi niya sinubaybayan o pinangasiwaan ang gawain namin. Naisip kong banggitin ulit ito, pero naalala ko kung gaano kamapagwalang-bahala ang huling sagot niya. Malamang ay masama ang loob niya. Kung may sasabihin na naman ako, siguradong mas maiinis siya. Walang ibang nagsasalita, kaya kung ako lang ang tumutukoy sa mga isyu niya, magmumukhang lagi ko siyang pinag-iinitan. Ayokong ako ang makapagpasama ng loob niya, kaya pinalampas ko na lang iyon.

Kalaunan, dahil sa pag-aresto ng CCP sa mga Kristiyano, kinailangang magtago ng ilan sa mga tagadilig sa mga iglesiang responsable ako dahil sa mga panganib sa seguridad, at kailangang baguhin ang pagkakatalaga ng tungkulin ng iba na hindi angkop. Pero hindi kami makahanap ng angkop na mga tao para pumalit, na nakaapekto sa gawain. Sa pamamagitan ng pagninilay at pagbubuod, nakita kong dahil ito sa hindi namin karaniwang pinagtutuunan ang paglilinang ng mga tao. Kaya, sumulat ako ng liham ng komunikasyon sa mga iglesia tungkol sa problemang ito, hinihiling sa mga lider at manggagawa na tumuon sa paglilinang ng mga tao para maiwasto nila ang paglihis na ito sa tamang oras. Tapos ipinasa ko ito kay Lin Hai at sa katuwang naming si Sister Wang Dan, para masuri nila kung may anumang problema o kakulangan, para makapagdagdag sila at mapaunlad ito bago ito ipadala sa mga iglesia. Pinaalalahanan ko rin silang sumagot agad para hindi maantala ang gawain. Pero lumipas ang ilang araw at hindi pa rin sumasagot si Lin Hai. Naisip ko, “Anong nangyayari sa kanya? Hindi niya sinusubaybayan ang gawain ng paglilinang ng mga tao, at ngayong naisulat na ang liham, ayaw pa rin niyang magbigay ng opinyon niya. Dapat ba naming ipadala ang liham na ito o hindi? Kung hindi, maaantala ang gawain. Pero kung ipadadala namin, paano kung may hindi angkop sa liham at magdulot ng pagkagambala?” Gusto ko sanang sumulat at tanungin siya kung anong iniisip niya at bakit hindi pa rin siya sumasagot, pero naalala kong hindi siya naging masyadong bukas sa mga mungkahi ko noong huli. Nag-alala ako na ang pagtukoy ulit sa mga isyu niya ay lalo lang makapagpapainis sa kanya at magiging mahirap ang ugnayan namin sa hinaharap, kaya hindi ako nagtanong. Kalaunan, sumagot si Wang Dan na ayos lang ang liham, kaya para hindi maantala ang gawain, ipinadala namin iyon.

Hindi nagtagal, tumindi ang mga pang-aaresto ng CCP. Gumamit sila ng iba’t ibang pamamaraan para tugisin at arestuhin ang mga mananampalataya at nagsimula pa ngang magkalat ng mga dati nang gawa-gawang tsismis para iligaw ang mga tao. Nakipagbahaginan kami sa mga baguhan tungkol sa katotohanan sa aspekto ng pagkilatis at sa katotohanang nauugnay sa mga pangitain, at karamihan sa kanila ay nagkamit ng kakayahang kilatisin ang ilan sa mga walang batayang tsismis. Naisip ko, “Napapaisip ako kung nakipagbahaginan na ang mga tagadilig sa ibang mga iglesia sa mga baguhan tungkol sa katotohanan sa aspekto ng pagkilatis hinggil sa mga walang batayang tsismis na ito. May anumang pagkilatis ba ang mga baguhan sa mga iyon?” Kaya sumulat ako kay Lin Hai, nagmumungkahing atasan niya ang mga tagadilig sa kanyang nasasakupan na suriin ang abilidad ng mga baguhan na kilatisin ang mga walang batayang tsismis. Kung mayroon sa mga baguhan na hindi nakakaunawa, kailangan agaran na makipagbahaginan ng mga tagadilig tungkol sa katotohanang nauugnay sa mga pangitain para maiwasan na ang mga baguhan ay mailigaw ng mga walang batayang tsismis at dumanas ng mga kawalan sa buhay ng mga baguhan. Lumipas ang sampung araw pagkatapos kong ipadala ang liham, at wala pa ring sagot mula kay Lin Hai. Medyo nagagalit na ako. Naisip ko, “Napakahalaga ng gawaing ito. Paanong hindi niya ito sineseryoso?” Gustong-gusto ko sanang tukuyin na hindi siya nagdadala ng pasanin sa tungkulin niya, pero natakot na naman akong sumama ang loob niya, kaya hindi ko sinabi nang diretsahan. Sa halip, malumanay ko siyang tinanong kung natanggap na ba niya ang liham ko at nakipagbahaginan ako tungkol sa kahalagahan ng pagsubaybay sa gawaing ito. Sa gulat ko, sumagot si Lin Hai, “Nakipagbahaginan na ang mga tagadilig tungkol dito noon. Malamang ay naarok na ng mga baguhan ang lahat ng iyon. Hindi na kailangang magsubaybay ulit.” Nang makita kong gumagawa siya ng mga paghusga batay sa mga imahinasyon niya nang hindi talaga sinusubukang unawain ang sitwasyon ng mga baguhan, naramdaman kong talagang nagiging iresponsable siya. Ginusto kong makipagbahaginan sa kanya tungkol sa problemang ito, pero nag-alala ako na kung patuloy kong tutukuyin ang mga isyu niya, magkakaroon siya ng masamang opinyon sa akin. Paano kung magka-ilangan kami? Pero inusig ako ng konsensiya ko dahil nakikita ko ang mga problema niya pero wala akong sinasabi. Maya-maya, naisip ko, “Ikaw ang superbisor, kaya kung magkaaberya, responsabilidad mo iyon. Pinaalalahanan kita, at ikaw ang ayaw makinig.” Pero pagkatapos ay naramdaman kong iresponsable ako sa pag-iisip nang ganoon…. Balisang-balisa ako at hindi mapalagay, at hindi ko mapatahimik ang puso ko para gawin ang tungkulin ko.

Sa pagdurusa ko, nagdasal ako sa Diyos at hinanap ang gabay Niya. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Anumang tungkulin ang ginagampanan mo, mahalaga o karaniwan man ito, kung hindi mo isinasapuso ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo o tinutupad ang iyong responsabilidad, at kung hindi mo ito itinuturing bilang atas ng Diyos, o inaako ito bilang sarili mong tungkulin at obligasyon, palaging ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, kung gayon, magiging problema ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Maaaring Magkaroon ng Landas na Susundin). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong kailangan kong magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad sa tungkulin ko. Superbisor man ako o hindi, basta’t may nakikita akong problema sa gawain ng iglesia, kailangan kong tuparin ang responsabilidad kong ingatan ang gawain ng iglesia. Kung may nakikita akong problema at babalewalain ko iyon, at pabaya at iresponsable ako, pagkabigo iyon na gumampan sa tungkulin. Sa walang habas na pang-aaresto ng malaking pulang dragon sa mga Kristiyano at pagpapakalat ng mga walang batayang tsismis, malaki ang posibilidad na mailigaw ang mga baguhan at umalis sila. Ang pagpapaalala kay Lin Hai na makipagbahaginan pa sa kanila tungkol sa katotohanan sa aspekto ng pagkilatis ay responsabilidad ko. Nang makita kong hindi niya iyon sineseryoso, dapat tinukoy ko na iyon at tinulungan siya agad. Pero natakot akong magkaroon siya ng masamang impresyon sa akin, at natakot akong mapasama ang loob niya at maging mahirap ang ugnayan namin, kaya umasal lang ako na parang isang mapagpalugod ng tao. Nakita ko ang mga problema niya pero hindi ako nangahas na tukuyin ang mga iyon nang diretsahan. Wala akong pagpapahalaga sa responsabilidad at hindi ko iniingatan ang mga interes ng iglesia. Talagang hindi ako karapat-dapat na gumawa ng ganoon kahalagang tungkulin! Nakadama ako ng matinding paninisi sa sarili sa puso ko, kaya sumulat ako ng liham kay Lin Hai para talakayin sa kanya ang pananaw ko. Pagkatapos ay naisip ko na dahil magkaiba ang mga pananaw namin, dapat ko rin itong talakayin sa iba pang mga kapatid na nakikipagtulungan sa amin. Pero nag-atubili na naman ako, nag-aalala, “Kung malalaman ni Lin Hai, sasabihin kaya niyang sinusubukan ko siyang ipahiya? Magkakaroon kaya siya ng masamang impresyon sa akin?” Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “‘Hinding-hindi ako matatakot, hinding-hindi ako uurong, at hinding-hindi ako panghihinaan ng loob!’ Mayroon ba kayong ganitong determinasyon?(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (13)). Pagdating sa mga bagay na kinasasangkutan ng mga interes ng iglesia at ng buhay pagpasok ng ating mga kapatid, hindi ako pwedeng makipagkompromiso o umatras dahil lang sa takot ako sa kung ano ang iisipin ng iba sa akin. Tanggapin man ito ni Lin Hai o hindi, kailangan kong manindigan at ingatan ang mga interes ng iglesia. Kaya naman ipinasa ko ang liham. Pagkatapos, sumagot ang iba ko pang mga katuwang at si Lin Hai, sumang-ayon sila sa pananaw ko. Nakahinga ako nang maluwag sa puso ko.

Pero pagkatapos niyon, hindi pa rin ako nakipagbahaginan kay Lin Hai tungkol sa pabaya niyang saloobin sa tungkulin niya. Nagsimula akong pagnilayan ang sarili ko: Malinaw ko nang nakita ang mga problema ni Lin Hai, pero hindi pa rin ako nangahas na tukuyin ang mga iyon nang diretsahan. Anong mga tiwaling disposisyon ang nakatago sa likod nito? Ipinagdasal ko sa Diyos na gabayan Niya akong maunawaan ang sarili kong mga isyu. Tapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na direktang tumutukoy sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Karamihan sa mga tao ay handang hangarin ang katotohanan at nais na isagawa ang katotohanan, ngunit sa maraming pagkakataon, mayroon lang silang determinasyon at pagnanais na gawin ito; gayumpaman, sa loob-loob nila, hindi pa nagiging buhay nila ang katotohanan. Kaya, kapag nakakaharap ka ng masasamang puwersa na gumugulo at sumasabotahe sa gawain ng iglesia—halimbawa, kapag nahaharap ka sa mga huwad na lider na nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang lumalabag sa mga prinsipyo at hindi gumagawa ng tunay na gawain, o sa masasamang tao at mga anticristo na gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng iglesia at sa gayon ay nagdudulot ng pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos—wala kang lakas ng loob na tumayo at magsalita. Bakit wala kang ganitong lakas ng loob? Dahil ba matakutin ka o hindi mahusay magsalita, o hindi ka ba nangangahas na magsalita dahil hindi mo nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay? Hindi ito dahil sa alinman sa mga bagay na ito; pangunahin itong bunga ng pagkakalimita sa iyo ng iyong mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyon na iyong ibinubunyag ay isang mapanlinlang na disposisyon: Kapag may nangyayari, ang una mong isinasaalang-alang ay ang sarili mong mga interes, ang mga kahihinatnan ng iyong mga kilos, at kung magiging kapaki-pakinabang ba ang mga ito sa iyo. Isa itong mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay isang makasarili at napakababang disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng pamiminsala nila sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako lider, kaya bakit ako makikialam? Walang kinalaman ito sa akin, at hindi ko ito responsabilidad.’ Ang gayong mga kaisipan at salita ay hindi isang bagay na sinasadya mong isipin, kundi nabubuo nang hindi mo namamalayan—ito ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao kapag nahaharap sila sa isang isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyong ito ang iyong mga kaisipan, iginagapos ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang iyong sinasabi. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga alinlangan, at kahit pa magsalita ka, nagpapaligoy-ligoy ka at nag-iiwan ng puwang para makalusot ka, o nag-aatubili kang sabihin ang totoo at sadyang hindi mo sinasabi ang katotohanan. Nakikita ito ng mga taong may pagkilatis, at sa realidad, alam mo rin sa puso mo na hindi mo nasabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na hindi ka nagkamit ng mga resulta, na iniraraos mo lang ito, at na hindi pa nalulutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, subalit mapagmagaling mong sinasabi na natupad mo na ito, o sinasabi mong hindi mo nakita nang malinaw ang mga bagay-bagay noong panahong iyon. Umaayon ba sa mga katunayan ang mga pahayag na ito? Iyan ba talaga ang iniisip mo? Hindi ka ba ganap na nasa ilalim ng kontrol ng iyong mga satanikong disposisyon?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilalantad ng Diyos na namumuhay ang mga tao sa makasarili at mapanlinlang nilang mga tiwaling disposisyon. Kapag nakikita nilang may gumagawa ng isang bagay na lumalabag sa mga prinsipyo, hindi sila nangangahas na tukuyin iyon, isinasaalang-alang lang ang sarili nilang mga interes at hindi man lang iniingatan ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao, kahit pa tinutukoy nila ang problema ng iba, ay nagpapaligoy-ligoy at pinagmumukhang hindi malaki ang problema para iwasang makasakit ng damdamin. Hindi sila dumideretso sa punto, kaya kahit may sabihin sila, wala iyong epekto. Ang inilantad ng mga salita ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Noong panahong iyon, malinaw ko nang nakita na hindi sinusubaybayan o pinangangasiwaan ni Lin Hai ang gawain, at na iresponsable siya at walang dinadalang pasanin sa tungkulin niya. Naantala na nito ang gawain ng pagdidilig at ang buhay pagpasok ng mga baguhan. Dapat ay tinukoy ko iyon para tulungan siyang maituwid ang sitwasyon sa lalong madaling panahon, pero natakot akong masaktan ang pride niya at masira ang ugnayan namin, na magpapahirap sa samahan namin pagkatapos. Kaya, inilista ko lang ang mga gampaning kailangan niyang subaybayan, pero hindi ako kailanman nakipagbahaginan o naghimay sa kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging pabaya sa tungkulin niya. Kalaunan, natuklasan kong hindi tumutuon si Lin Hai sa paglilinang ng mga tao, ni hindi niya talaga sinusuri kung kaya bang kilatisin ng mga baguhan ang mga walang batayang tsismis na ikinakalat ng malaking pulang dragon. Kumikilos lang siya batay sa sarili niyang mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi gumagawa ng anumang totoong gawain kahit kaunti. Gusto ko siyang ilantad sa pagiging iresponsable at sa kawalan niya ng pasanin sa tungkulin niya, pero nag-alala na naman ako na ang paulit-ulit na pagtukoy sa mga isyu niya ay makasasakit sa pride niya at magpapahiya sa kanya. Kung magkakaroon siya ng masamang palagay sa akin, sobrang magkaka-ilangan kami! Para iwasang mapasama ang loob niya, pinili ko na namang manahimik, inaalo pa nga ang sarili ko sa isiping, “Nasabi ko na ang kailangang sabihin. Kasalanan niya kung hindi niya tatanggapin ang mga mungkahi ko. Kung may mangyaring problema, responsabilidad niya iyon, hindi sa akin.” Pero sa realidad, bagama’t nagbanggit ako sa kanya ng ilang problema sa gawain, hindi ko kailanman tinukoy ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paggawa niya ng tungkulin sa ganoong paraan. Bilang resulta, walang pagkaunawa si Lin Hai sa sarili niyang mga problema, hindi siya nagbago, at nanatiling hindi nalulutas ang mga isyu sa gawain ng pagdidilig. Iniraraos ko lang ang gawain, wala talagang nakakamit na totoong epekto. Nang makita kong hindi epektibo ang gawain ng pagdidilig, imbes na isipin kung paano lutasin ang mga problema at ingatan ang gawain ng iglesia, paulit-ulit akong nakipagkompromiso at nagparaya para mapanatili ang ugnayan ko kay Lin Hai. Hindi ko tinutukoy nang malinaw ang mga problema, kahit na ang ibig sabihin niyon ay maaantala nang paulit-ulit ang gawain ng iglesia. Pinapanatili ko ang ugnayan ko sa kanya kahit na masakripisyo ang mga interes ng iglesia. Sa diwa, kumakampi ako kay Satanas at ginagambala ko ang gawain ng iglesia. Labis akong makasarili, kasuklam-suklam, tuso, at mapanlinlang!

Kalaunan, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng karagdagang pagkaunawa sa sarili kong mga problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, pinagtataguan ang isa’t isa, at iniintriga ang isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para manatiling buhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan ang bawat tao ay kinukuha ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan kong itinuring ko pala ang mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, gaya ng “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”—bilang mga prinsipyo ko sa pag-asal. Naniwala ako na para makasundo ang iba, kailangan kong matutong protektahan ang sarili ko. Naisip ko na ang pagtukoy sa mga problema ng iba ay madaling makasakit sa kanila, na magdudulot na magkaroon ako ng kaaway, kaya kahit may nakikita akong problema, hindi ko iyon tinutukoy nang malinaw. Sa ganoong paraan, hindi ko masasaktan ang ugnayan namin o magdudulot ng gulo para sa sarili ko. Ang sinusunod ko pala ay ang mga tuso at mapanlinlang na paraan ng pananatiling buhay at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na itinatanim ni Satanas sa mga tao. Sa pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo, hindi magawang maging bukas ng mga tao sa isa’t isa; lagi silang mapagbantay, nagiging mas peke, tuso, at mapanlinlang. Alam na alam ko na naantala na ni Lin Hai ang gawain ng iglesia dahil sa pagiging pabaya niya at hindi paggawa ng totoong gawain at na dapat tinukoy ko nang malinaw ang mga problema niya para tulungan siyang makilala ang sarili niya. Pero natakot akong masaktan ang pride niya, mapahiya siya, mapasama ang loob niya, at masira ang ugnayan namin, kaya pinili kong makipagkompromiso at umatras. Sa panlabas, parang tinutulungan ko siyang hindi mapahiya at pinapanatili ang kapayapaan, pero hindi ko siya tinutulungan nang sinsero at totoo. Hindi lang ito walang pakinabang sa buhay pagpasok niya, ang mas malala pa, naantala nito ang gawain ng pagdidilig. Hinihingi ng Diyos na maging bukas at matapat tayo sa pakikitungo natin sa ating mga kapatid. Kapag may natuklasan tayong problema sa isang tao, dapat natin itong tukuyin at makipagbahaginan tayo para tulungan siya nang may mapagmahal na puso. Kahit na hindi niya iyon matanggap sa sandaling iyon, basta’t isa siyang taong tumatanggap sa katotohanan, maghahanap at magninilay siya sa sarili niya kalaunan. Kung patuloy siyang tatanggi pagkatapos itong tukuyin, kailangan natin itong iulat sa mga lider sa lalong madaling panahon para maiwasan ang pinsala sa gawain ng iglesia. Ito ang dapat gawin ng isang taong may konsensiya at katwiran, at ito ang pagpapahalaga sa katarungan na dapat taglayin ng isang tao. Gusto ng Diyos ang matatapat at matutuwid na tao at kinasusuklaman ang mga mapanlinlang na tao. Kung patuloy akong magiging mapagpalugod ng tao, at tatahak sa panggitnang daan, kasusuklaman at ititiwalag ako ng Diyos. Nang mapagtanto ito, nakadama ako ng nananatiling takot. Nagdasal din ako sa Diyos, handang magsisi at hindi na mamuhay ayon sa tiwali kong disposisyon.

Kalaunan, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kalinawan sa puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paminsan-minsan, nangangahulugan ang pagkakasundo ng pagtitimpi at pagpaparaya, ngunit nangangahulugan din ito ng paninindigan at pagtataguyod ng mga prinsipyo. Hindi nangangahulugan ang pagkakasundo na ilagay sa kompromiso ang mga prinsipyo upang maging maayos ang mga bagay-bagay, o sikaping maging ‘mapagpalugod ng tao,’ o manatili sa landas ng katamtaman—at lalo nang hindi ito nangangahulugang manuyo ka sa isang tao. Ang mga ito ay mga prinsipyo. Kapag naarok mo na ang mga prinsipyong ito, hindi mo mamamalayan, kikilos at magsasalita ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at maisasabuhay mo rin ang realidad ng katotohanan, at sa ganitong paraan ay madaling makamit ang pagkakaisa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Pakikipagtulungan Nang May Pagkakasundo). “Kung taglay mo ang mga intensiyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo isasagawa ang katotohanan o itataguyod ang mga prinsipyo, at kaya, lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag nahaharap sa mga usapin na may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, hilingin sa Kanya na bigyan ka ng pananalig at lakas, upang maitaguyod mo ang mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, mapanghawakan nang matatag ang posisyong dapat mong panghawakan, maprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at mapigilan na magdusa ng anumang mga kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, pride, at pananaw ng isang mapagpalugod ng tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang may matapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naunawaan ko na ang pagtutulungan nang may pagkakasundo ay hindi tungkol sa pagiging mapagpalugod ng tao o pagtahak sa gitnang daan, ni hindi ito tungkol sa pagpapanatili ng panlabas na pagkakasundo at hindi pagpapasama ng loob ninuman. Sa halip, tungkol ito sa kakayahang itaguyod ang mga prinsipyo at ingatan ang mga interes ng iglesia sa mga bagay na kinasasangkutan ng gawain ng iglesia at ng buhay pagpasok ng ating mga kapatid. Nang makita kong naantala na ang gawain ng iglesia dahil sa kabiguan ni Lin Hai na gumawa ng totoong gawain, kailangan kong makipagbahaginan at tulungan siya nang may pagmamahal. Kung kinakailangan, pwede rin siyang pungusan, at kung hindi pa rin niya iyon tatanggapin, kailangan ko siyang iulat sa mga lider para sa agaran na pagbabago ng pagkakatalaga ng tungkulin o pagtatanggal. Ito ang pagsasagawa ng katotohanan; ito ang tunay na pagmamahal. Pero hawak ko ang baluktot na paniniwala na ang pagtukoy sa mga problema ng superbisor ay pagpuna sa kanyang mga pagkukulang at pagpapahiya sa kanya. Labis na katawa-tawa ng pagkaarok ko! Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na kapag may dumarating na mga bagay sa akin at handa akong maghimagsik laban sa laman ko pero hindi ko iyon mapagtagumpayan, dapat akong magdasal sa Diyos at magsumamo sa Kanya na bigyan ako ng lakas. Kailangan kong tukuyin at ilantad ang kabiguan ni Lin Hai na gumawa ng totoong gawain. Hindi na ako pwedeng maging mapagpalugod ng tao o tumahak sa gitnang daan. Kahit na sumama ang loob niya dahil tinukoy ang mga problema niya, kailangan kong isagawa ang katotohanan. Kaya, sumulat ako kay Lin Hai at inanyayahan siyang makipagkita para sa isang pagtitipon. Bago ko siya pinuntahan, nagdasal ako na gabayan ako ng Diyos upang maisagawa ko ang katotohanan.

Sa pagtitipon, tinukoy ko ang mga problema ni Lin Hai. Noong una, ayaw niya itong tanggapin at sinubukan niyang mangatwiran at ipagtanggol ang sarili niya, at sumabat din ang isa pang brother para kampihan siya. Napagtanto kong pinoprotektahan ng brother na ito si Lin Hai, kaya pinutol ko ang pagsasalita niya at diretsahan siyang inilantad sa pagsubok na ayusin ang gusot. Naging medyo nakakailang ang atmospera, at hindi na maipinta ang mukha ni Lin Hai. Natakot ako na kung magsasalita pa ako, magiging nakakailang ang ugnayan namin, kaya ginusto kong makipagkompromiso at huwag nang ituloy ang usapin. Pero naisip ko kung paanong napinsala na ni Lin Hai ang gawain dahil sa pagiging pabaya at hindi paggawa ng totoong gawain. Ayaw pa nga niya itong tanggapin kapag tinutukoy ang mga problema niya. Kung magpapatuloy ito, magdudulot ito ng mas malaki pang pinsala sa gawain ng iglesia. Naalala ko ang ilang linya mula sa isang himno: “Sa iglesia, manindigan sa inyong patotoo sa Akin at itaguyod ang katotohanan. Ang tama ay tama at ang mali ay mali; huwag malito sa itim at puti. Dapat kayong makipaglaban kay Satanas at dapat ninyong lubusang magapi ito upang sa gayon ay hindi na ito kailanman babangon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Hindi na ako pwedeng maging mapagpalugod ng tao; kailangan kong itaguyod ang mga prinsipyo. Kaya, sa pag-uugnay sa mga salita ng Diyos, tinukoy ko ang mga problema ni Lin Hai at nakipagbahaginan tungkol sa mga kahihinatnan ng hindi pagsuperbisa o pagsubaybay sa gawain, at hindi pagtuon sa paglilinang ng mga tao. Pagkatapos marinig ito, nagbago nang kaunti ang saloobin ni Lin Hai, at ipinahayag niya ang kahandaan niyang tanggapin ito. Sa pagsasagawa lang sa ganitong paraan naging panatag ang puso ko.

Kalaunan, nakita kong hindi pa rin gaanong nagbago si Lin Hai, kaya inilista ko isa-isa ang mga problema niya at iniulat ang mga iyon sa mga lider. Pagkatapos magtipon ng mga ebalwasyon tungkol kay Lin Hai, nakita ng mga lider na mahina ang kakayahan niya, kulang sa kapabilidad sa gawain, at walang dinadalang pasanin sa tungkulin niya. Isa siyang huwad na manggagawa na walang ginagawang totoong gawain at dapat tanggalin. Pagkatapos ay iniangat ako ng mga lider para maging superbisor at hiniling sa aking makipagbahaginan kay Lin Hai at tanggalin siya. Medyo nag-atubili ako. “Kung ilalantad ko ang mga problema niya nang harap-harapan, magtatanim kaya siya ng galit at magkakaroon ng masamang palagay sa akin?” Napagtanto kong lumalabas na naman ang mentalidad ko ng pagiging mapagpalugod ng tao, at naalala ko ang mga salita ng Diyos: “… kahit na ang paggawa nito ay nagpapasama sa loob ng mga tao o nagsasanhi na makastigo ka habang ikaw ay nakatalikod, hindi iyon masyadong mahalaga” Mabilis kong hinanap ang siping iyon para basahin. Sabi ng Diyos: “Kung isa itong pagkilos na naaayon sa mga prinsipyo, kahit na ang paggawa nito ay nagpapasama sa loob ng mga tao o nagsasanhi na makastigo ka habang ikaw ay nakatalikod, hindi iyon masyadong mahalaga; subalit kung isa itong pagkilos na hindi naaayon sa mga prinsipyo, kahit pa sa paggawa nito ay nagkakamit ka ng pagsang-ayon at suporta ng lahat, at nakakasundo mo ang lahat—pero ang isang bagay ay hindi mo ito mapangangatwiranan sa harap ng Diyos—ikaw ay nawalan. Kung pinapanatili mo ang magandang ugnayan sa karamihan, pinapasaya at pinapalugod sila at nakakatanggap ka ng kanilang papuri, pero sinasalungat mo ang Diyos, ang Lumikha, kung gayon ay isa kang dakilang hangal. Kaya, anuman ang gawin mo, dapat malinaw mong maunawaan kung ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo, kung ito ba ay nakalulugod sa Diyos, kung ano ang saloobin ng Diyos dito, kung ano dapat ang maging paninindigan ng mga tao, kung anong mga prinsipyo ang dapat itaguyod ng mga tao, kung paano nagtagubilin ang Diyos, at kung paano mo ito dapat gawin—dapat malinaw muna sa iyo ang tungkol dito(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (24)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, biglang nagliwanag ang puso ko. Sa paggawa ng tungkulin ko, kailangan kong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso at hanapin ang mga layunin ng Diyos at ang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Basta’t umaayon ang isang bagay sa mga katotohanang prinsipyo, kailangan kong magpursigi rito. Basta’t napalulugod ko ang Diyos, hindi mahalaga kung mapasama ko ang loob ng mga tao o may masabi silang masama tungkol sa akin. Kung alam ko ang katotohanan pero hindi ko ito isinasagawa para lang mapanatili ang mga ugnayan ko sa mga tao, kahit na hindi ko mapasama ang loob ng sinuman, kokondenahin ako ng Diyos dahil sa pagsalangsang sa pamamagitan ng hindi pag-iingat sa gawain ng iglesia. Napakahangal niyon! Kaya, pinuntahan ko si Lin Hai para makipagbahaginan, inilantad ang mga pagpapamalas niya ng hindi paggawa ng totoong gawain, at tinanggal siya. Sinabi ni Lin Hai na pagninilayan niya ang sarili niya nang lubusan. Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto kong sa pagsasagawa lang ng katotohanan at pakikipag-ugnayan sa iba ayon sa mga katotohanang prinsipyo makapamumuhay ang isang tao nang may wangis ng tao. Mula ngayon, hindi na ako pwedeng maging mapagpalugod ng tao, pinipinsala ang iba at ang sarili ko.

Sinundan: 51. Noong Hindi Ko Nagawang Manatili sa Tabi ng Aking Ama para Alagaan Siya

Sumunod: 53. Mga Aral na Natutuhan Mula sa Tatlong Beses na Pagkakaaresto

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito