51. Noong Hindi Ko Nagawang Manatili sa Tabi ng Aking Ama para Alagaan Siya
Banayad at malamlam ang sikat ng araw sa hapon ng taglamig, lumalagos mula sa bintana papunta sa pasamano na puno ng mga halaman, at sabik na sinasalo ng ilang paso ng mga bulaklak at halaman ang masustansiyang sikat ng araw. Tumanaw si Lan Yu sa bintana, dinarama ang simoy ng kalayaan. Nasentensiyahan siya ng tatlong taon at apat na buwan dahil sa pananampalataya sa Diyos, at kalalaya lang niya. Dalawang beses na ring inaresto ang ate niya, at inaresto rin ang tatay niya at sinentensiyahan ng tatlo at kalahating taon. Paglaya nila, nanatili silang nasa ilalim ng mahigpit na pagsubaybay bilang mga pangunahing target ng gobyerno ng CCP. Mahigit sampung taon na silang hiwa-hiwalay at hindi muling magkasama-sama. Kalaunan, sa tulong ng mga kapatid, nakontak ni Lan Yu ang kanyang tatay, at ang pananabik na kinimkim niya nang mahigit isang dekada ay hindi na niya mapigilan. Sa wakas, makikita na niya ang kanyang tatay na matagal na siyang nangulila! Puno ng pananabik, humangos si Lan Yu papunta sa lugar kung saan sila muling magkikita ng kanyang tatay. Habang malapit na siya sa kanyang destinasyon, sa bintana ng sasakyan, natanaw ni Lan Yu sa di-kalayuan ang isang matandang lalaki na nakatayo sa tabi ng taxi, may takip na maskara ang kalahati ng mukha nito. Pinagmasdang mabuti ni Lan Yu ang matandang lalaki, at bigla, kumunot ang noo niya at nanlalaki ang mga matang tumitig sa matanda— Hindi ba’t iyon ang tatay niya, na hindi niya nakita sa loob ng labing-apat na taon? Sumisilip ang mga puting buhok mula sa ilalim ng kanyang sumbrero, at ang dating matipunong lalaki na naaalala niya ay hindi na gaanong tuwid tumayo. Nakatayo sa gilid ng daan ang payat na lalaki, palinga-linga na parang may hinahanap. Nang lumiko sa kanto at huminto ang kanyang sasakyan, sabik na binuksan ni Lan Yu ang pinto ng sasakyan at nagmamadaling lumapit sa kanyang tatay. Pinigilan niya ang mga luha na malapit nang pumatak at marahang tumawag, “Tay!” Sumagot ang kanyang tatay, “‘Oy!” Mamasa-masa na ang mga mata nito habang sumasagot, niyayaya siya, “Bilis, sakay na sa kotse. Umuwi na tayo.”
Lumubog ang araw sa kanluran, at kinulayan ng pula ng takipsilim ang bawat sulok ng bayan. Unti-unti nang lumalatag ang ginaw ng taglamig, at bagama’t humahaplos ang hangin sa mukha ni Lan Yu, hindi siya nilalamig. Pagpasok sa bahay, dali-daling iniligpit ng tatay niya ang higaan at tinanong si Lan Yu kung ano ang gusto niyang kainin, at nakita niya ang sariling nababalot ng init at kaligayahan. Paglingon niya, bigla niyang nakita ang isang CT scan na nakasabit sa dingding, at pagbukas niya ng pinto ng silid sa loob, napansin niya ang mga supot ng gamot sa mesa. Nahulaan ni Lan Yu na siguro ay may sakit ang kanyang tatay, at hindi niya maiwasang mag-alala. Pagkatapos ng hapunan, nag-usap sina Lan Yu at ang kanyang tatay tungkol sa kanilang mga karanasan sa mga nakalipas na taon, at nalaman niyang dalawang beses nagkaroon ng tuberculosis ang kanyang tatay sa bilangguan. Malubhang nasira ang mga baga nito, at humihingal ito at umuubo sa sandaling magkasipon. Nitong huling dalawang taon, na-diagnose din ito na may mga bato sa apdo. Kamakailan ay umiinom ito ng gamot para kontrolin ang sakit; kung lalala, kakailanganin itong operahan. Dahil sa patuloy na panggigipit ng mga pulis ng CCP, hindi nangahas ang kanyang tatay na kontakin ang mga kapatid sa loob ng mahigit siyam na taon at hindi ito nakapamuhay ng buhay-iglesia, at palihim na lang itong pinadadalhan ng mga kapatid ng pinakabagong mga salita ng Diyos, mga video ng patotoong batay sa karanasan, at iba pa. Habang nakikinig sa pagsasalaysay ng kanyang tatay, labis na nalungkot si Lan Yu. Napakalaki ng tiniis ng kanyang tatay dahil sa pag-uusig ng CCP, at bilang anak nito, wala siyang nagawang kahit ano para dito, pakiramdam niya’y hindi siya naging mabuting anak. Kalaunan, nang malaman ng mga kamag-anak ni Lan Yu na nakalaya na siya sa bilangguan, tumawag sila sa kanya, paulit-ulit siyang hinihimok, “Tumatanda na ang tatay mo, at hindi maganda ang kalusugan niya; kailangan niya ng mag-aalaga sa kanya. Ngayong nakabalik ka na, dapat kang magtrabaho, kumita ng pera, at alagaan siya.” Umalingawngaw sa puso ni Lan Yu ang mga salita ng kanyang mga kamag-anak, at naisip niya, “Pinalaki ako ng tatay ko, at dinala niya rin ako sa harap ng Diyos, at tinuruan akong piliin ang tamang landas sa buhay. Ngayong matanda na siya at may sakit, dapat kong tuparin ang responsabilidad ko bilang anak, samahan siya at kausapin siya, at alagaan siya para maging masaya siya araw-araw.” Pagkatapos ay kumonsulta si Lan Yu sa mga doktor online tungkol sa kondisyon ng kanyang tatay, at nagtrabaho siya nang mabuti para kumita ng pera upang hindi na mag-alala ang kanyang tatay sa kawalan ng sapat na pera para sa gamot at pagpapagamot. Gustong-gusto talaga ni Lan Yu na makasama nang mas matagal ang kanyang tatay, at sa tuwing nakikita niya ang ngiti sa mukha ng kanyang tatay, sumasaya siya.
Isang araw, umuwi si Lan Yu mula sa trabaho, at sinabi ng tatay niya na may dumating na sulat mula sa mga lider. Ang sabi sa sulat, dahil maaaring puntahan at gipitin ng mga pulis si Lan Yu anumang oras habang nasa bahay siya at hindi niya magagawa ang kanyang tungkulin doon, at dahil kailangang-kailangan ng iglesia ng mga tao para sa tungkuling nakabatay sa teksto, umaasa silang aalis siya ng bahay para gawin ang kanyang tungkulin. Pagkabasa ng sulat, nakaramdam si Lan Yu ng magkahalong saya at pag-aalala. Ilang taon na siyang hindi nakagagawa ng tungkulin, at bilang isang nilikha na tumatamasa sa lahat ng ibinigay ng Diyos sa kanya, hindi mapalagay ang kanyang konsensya. Pero hindi mapigilan ni Lan Yu na mag-alala para sa kanyang tatay. Kamakailan, lumala ang sakit ng tatay niya, at araw-araw sumasakit ang apdo nito. Kung aalis siya, sino ang mag-aalaga rito kung kakailanganin nitong operahan isang araw? Kung aalis siya para gawin ang mga tungkulin niya, walang maiiwan para mag-abot dito ng tubig o gamot. Naalala ni Lan Yu na narinig niyang sinabi minsan ng kanyang tatay, “Dahil pinaghahahanap ang ate mo at inaresto ka’t sinentensiyahan, pinuna ako at sinisi ng mga kamag-anak natin, at iniwasan ako ng mga taga-nayon.” Walang mapagsabihan ang kanyang tatay ng sakit na nararamdaman nito, at naging sobrang negatibo nito at nanghina ito na naisipan pa nga nitong magpakamatay. Pero kalaunan, sa pagkaalala sa mga salita ng Diyos, nakaahon ito sa pagkanegatibo. Labis na nag-alala si Lan Yu, iniisip, “Paano kung umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko, at sa pagdurusa niya ay may gawing kahangalan ang tatay ko? Tumatanda na siya at kailangan niya ng mag-aalaga sa kanya; ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kamag-anak at kaibigan ko kung aalis ako ng bahay? Hindi ba’t sasabihin nila na hindi ako mabuting anak at wala akong pagkatao? Pero hindi ko naman magagawa ang tungkulin ko sa bahay. Mula nang makalaya ako sa bilangguan, ilang beses nang tumawag ang mga pulis para hilingin sa akin na mag-ulat sa istasyon at pumirma ng isang pahayag ng pagsisisi.” Sa pag-iisip pa lang sa isang hinaharap na puno ng walang katapusang panggigipit ng pulisya kung saan hindi siya makadadalo sa mga pagtitipon o makagagawa ng kanyang tungkulin, sa huli ay nagpasya si Lan Yu na umalis ng bahay para gawin ang kanyang tungkulin. Pero nang lumabas siya sa kanyang silid-tulugan at nakita ang mahinang anyo ng kanyang tatay sa bintana ng sala, para bang nakikita niya ang kanyang tatay na mag-isa sa bahay pagkaalis niya, na walang kasama. Bumalik siya sa kanyang silid-tulugan, umiiyak habang nananalangin sa Diyos, “O Diyos, gusto ko pong gawin ang tungkulin ko, pero nag-aalala po ako na walang mag-aalaga sa tatay ko. Tumatanda na po ang tatay ko, pero wala ako sa tabi niya para maging mabuting anak sa kanya. Pakiramdam ko po, sa paggawa nito, talagang wala akong pagkatao. O Diyos, napakahirap po ng desisyong ito. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para maunawaan ko ang mga layunin Mo.”
Pagkatapos manalangin, binasa ni Lan Yu ang mga salita ng Diyos: “Kung, batay sa kapaligirang pinamumuhayan mo at sa kontekstong kinalalagyan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at pagganap mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong matapat na pagganap sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang humiwalay sa iyong mga magulang sa panlabas, at hindi mo kailangang talikuran o tanggihan sila sa panlabas. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa pagganap sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananampalataya sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila. Dahil may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dapat mo silang kumustahin pa at bigyan sila ng higit na tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananalig sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang regulasyong ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)). “Magkakaibang bagay ang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang tao; mayroon Siyang mga natatanging hinihingi sa kanila. Ang mga naglilingkod bilang lider at manggagawa ay tinawag ng Diyos, kaya dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos at talikuran ang lahat upang sumunod sa Kanya; hindi nila nagagawang manatili kasama ang kanilang mga magulang at igalang ang mga ito. Isang uri iyon ng sitwasyon. Ang mga regular na tagasunod ay hindi tinawag ng Diyos, kaya maaari silang manatili kasama ng kanilang mga magulang at igalang ang mga ito. Walang gantimpala sa paggawa nito, at wala silang makakamit na anumang pagpapala dahil dito, ngunit kung hindi sila magpapakita ng paggalang sa mga magulang, wala silang pagkatao. Sa katunayan, ang paggalang sa mga magulang ay isa lang uri ng responsabilidad, at malayo ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang siyang pagsasagawa sa katotohanan, ang pagtanggap sa atas ng Diyos ang siyang pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at ang mga tumatalikod sa lahat ng bagay upang gawin ang kanilang mga tungkulin ang siyang mga tagasunod ng Diyos. Bilang buod, ang pinakamahalagang gawaing nasa harapan mo ay ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Iyon ang pagsasagawa sa katotohanan, at isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)). Pinagnilayan ni Lan Yu ang mga salita ng Diyos, at napagtanto niyang ang pagiging mabuting anak sa mga magulang ay isang responsabilidad na dapat nilang tuparin, at na, sa mga pagkakataong hindi nito naaapektuhan ang tungkulin ng isang tao at pinahihintulutan ng sitwasyon, maaaring tuparin ng isang tao ang kanilang mga responsabilidad bilang mabuting anak sa kanilang mga magulang. Gayumpaman, kung hindi pinahihintulutan ng mga kondisyon, kung gayon ay dapat pumili ang isang tao batay sa sitwasyon at sa tungkuling ginagawa niya. Tulad ng ilang kapatid na hindi inaresto ng CCP at hindi pumapasan ng mahahalagang gawain sa iglesia, kaya nilang alagaan ang kanilang mga magulang habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ngunit may ilang taong nahaharap sa pagtugis at pag-uusig mula sa CCP, at hindi nila magagawa ang kanilang mga tungkulin kung hindi sila aalis ng bahay, kaya sa gayong mga sitwasyon, hindi maaaring ang iisipin lang nila ay ang pag-aalaga sa kanilang mga magulang—dapat nilang unahin ang kanilang mga tungkulin. Naisip ni Lan Yu na, bagama’t kaya niyang alagaan ang kanyang tatay sa bahay, palagi siyang gigipitin at pagbabantaan ng mga pulis ng CCP, kaya hindi niya magagawa ang kanyang mga tungkulin sa bahay. May kakulangan ng mga tao para sa tungkuling nakabatay sa teksto, at kailangan niyang isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Bilang mga nilikha, bukod sa kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga magulang, dapat higit na sambahin ng mga tao ang Lumikha at tuparin ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha. Naalala ni Lan Yu na sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin” (Mateo 10:37). Hinihingi ng Diyos na talikuran ng mga tao ang lahat para mapalugod Siya, tulad ng ginawa nina Pedro at Juan. Nagawa nilang magpasyang iwanan ang kanilang mga magulang at mga pagmamahal sa pamilya para sumunod sa Panginoon at ipangaral ang ebanghelyo, at sa mga mata ng Diyos, mayroon silang pagkatao. Dati, inakala ni Lan Yu na ang mga hindi mabuting anak sa kanilang mga magulang ay may pinakamasamang pagkatao, pero ngayon, naunawaan na niya na hindi sinusukat ng Diyos kung may pagkatao ba ang isang tao batay sa kung mabuting anak ba siya sa kanyang mga magulang, kundi batay sa kung nagagawa ba niyang gampanan nang maayos ang kanyang mga tungkulin bilang isang nilikha para mapalugod ang Diyos. Naisip ni Lan Yu kung paano siya nag-atubili at labis na nag-isip nang maharap sa kanyang tungkulin, palaging nag-aalala para sa kanyang tatay, at hindi magawa ang kanyang tungkulin. Pero kahit pa maging isa siyang anak na lubos na pinupuri dahil sa pagiging masunurin, hindi siya magiging tapat sa Diyos, at hindi siya sasang-ayunan ng Diyos. Napagtanto niya na ang pinakamahalaga sa puntong ito ay ang paggawa ng tungkulin ng isang nilikha, at na ito lamang ang kahalagahan ng kanyang buhay. Nang maisaisip ito, nakaramdam ng kalayaan si Lan Yu at naging handang umalis ng bahay para gawin ang kanyang tungkulin.
Tinapos ni Lan Yu ang tatlong buwang muling pagsasama nila ng kanyang tatay, at umalis ng bahay para gawin ang kanyang tungkulin sa ibang lugar. Pero sa kaibuturan ng puso niya, nag-aalala at nababahala pa rin siya para sa kanyang tatay, at nakokonsensya siya, palaging iniisip kung kailan siya makababalik para bumisita. Minsan, umuwi ang isang sister na nakikipagtulungan sa kanya para asikasuhin ang isang bagay, at nang maisip niya kung paano muling makakasama ng sister na ito ang pamilya nito, hindi na mapakali ang kanyang puso. Habang nakatitig ang kanyang mga mata sa kompyuter, napuno ang isip niya ng imahen ng kanyang tatay na nakaupo sa silya at naghihintay sa kanyang pag-uwi. Ginigipit kaya ito ng mga pulis? Kumusta na kaya ang kalagayan nito? Lumala kaya ang sakit nito? Ano na lang ang sasabihin ng mga kamag-anak at kaibigan niya tungkol sa pag-alis niya ng bahay gayong may sakit pa ang tatay niya? Nalulunod ang isipan ni Lan Yu sa ganitong mga isipin, at hindi na siya makatutok sa ginagawa niyang trabaho. Napagtanto niyang mali ang kanyang kalagayan, kaya nanalangin siya sa Diyos. Sa kanyang mga debosyonal, nabasa niya ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi para maiwasan ang responsabilidad mo sa mga magulang mo, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon kang emosyonal na koneksyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, regular silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo ito maaaring gawin. … Sa katunayan, hindi ka suwail na anak. Hindi sa umabot ka na sa punto ng pagiging walang pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya hindi mo nagagawang tuparin ang iyong responsabilidad, kaya hindi ka suwail na anak” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Kapag iniiwan ng mga tao ang kanilang mga magulang para gawin ang kanilang tungkulin dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi ito pagiging masamang anak, dahil ang intensyon nila ay hindi para iwasan ang responsabilidad, kundi para gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Halimbawa, ang mga Kristiyanong iyon sa Kapanahunan ng Biyaya, iniwan nila ang kanilang mga magulang at mga anak upang ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos sa buong mundo, na siyang pinakamakatarungang bagay sa sangkatauhan. Gusto rin ni Lan Yu na maging mabuting anak sa kanyang tatay, at umasang masamahan ang kanyang tatay at matulungan itong gugulin nang mapayapa ang mga taon ng pagtanda nito. Gusto rin niyang magtipon ang kanilang buong pamilya, magbasa ng mga salita ng Diyos, at magbahagi ng kanilang mga pagkaunawang batay sa karanasan. Pero dahil nakatira siya sa isang ateistang bansa na walang kalayaan sa relihiyon, hindi pinahihintulutan ng CCP ang mga tao na manampalataya sa Diyos o lumakad sa tamang landas, at kung mananatili siya sa tabi ng kanyang tatay, hindi niya magagawa ang kanyang tungkulin. Bukod dito, malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, nagsimula na ang malalaking kalamidad, at marami pa ring tao ang hindi tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Tungkulin niyang ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at magdala ng mas maraming tao sa harap ng Diyos, at iba siya sa mga umiiwas sa kanilang mga responsabilidad at ayaw maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Sa pagkaunawa sa mga bagay na ito, hindi na gaanong nabagabag o nalimitahan ang kanyang puso. Kalaunan, sa mga libreng oras niya mula sa paggawa ng tungkulin, sumusulat ng liham si Lan Yu sa kanyang tatay para ikuwento ang kanyang kalagayan. Pagkaraan ng ilang panahon, nakatanggap siya ng sulat mula sa kanyang tatay, na nagsasabing nakahanap ang kanyang pinsan ng reseta para magamot ang mga bato nito sa apdo, at kasalukuyan na nitong iniinom ang ikalawa nitong kurso ng gamot. Mas maliit na ang mga bato sa apdo nito kaysa dati; hindi na kasingsakit ng dati ang nararanasan ng ama, at bumuti na nang husto ang kalagayan nito. Pagkabasa nito, naantig si Lan Yu at napaiyak, at naramdaman niya ang awa at pagpapala ng Diyos.
Minsan, nakikipag-usap si Lan Yu sa isang sister na nagpapatuloy sa bahay, at sinabi ng sister na madalas itong padalhan ng pera ng mga anak nito, at na kapag binibisita ito ng mga anak, binibilhan ito ng mga bagay-bagay. Naisip ni Lan Yu na halos isang taon na siyang malayo sa bahay pero hindi siya makapangahas tumawag sa kanyang tatay o bilhan ito ng damit o mga bitamina dahil sa pag-uusig ng CCP. Bilang isang anak, wala pa siyang nagawa para sa kanyang tatay kahit na matanda na siya. Palagi niyang nararamdaman na may utang na loob siya sa kanyang tatay, at hindi mapalagay ang kanyang puso. Kalaunan, naghanap siya, pinagninilayan kung bakit palagi niyang nararamdaman na may utang na loob siya sa kanyang tatay. Binasa niya ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi nagiging mabuting anak sa kanyang magulang ay isang suwail na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng ganoong mga bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang pagiging mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ko ito susundin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong suwail na anak at tutuligsain ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos tungkol sa ilang prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga namumuhi at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga kuru-kuro ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na nagiging dahilan para hindi mo matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay nasakop na ng mga bagay na ito ni Satanas, kaya nawalan ka na ng kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at nagiging dahilan para mawalan ka ng lakas na iwaksi ang gapos ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga bagay na ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang pagkondena ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, isinasailalim ang sarili mo sa mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling salungatin ang Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba’t kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, natanto niya na mula pagkabata, naimpluwensyahan siya ng mga tradisyonal na ideya na “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat” at “Pinalaki ako ng mga magulang noong bata pa ako, kaya dapat ko silang alagaan sa kanilang pagtanda.” Inakala niya na dahil napakaraming taon ng pagsisikap ang inilaan ng kanyang mga magulang sa pagpapalaki sa kanya, dapat siyang maging mabuting anak sa kanila, at kapag tumanda na ang mga ito, dapat niyang alagaan at samahan hanggang sa kanilang huling sandali, nararamdaman na ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng konsensya. Kaya nag-atubili siyang umalis ng bahay at gawin ang kanyang tungkulin, natatakot na akusahan siyang hindi mabuting anak at walang utang na loob. Nang makitang umuwi ang kanyang katuwang para bisitahin ang mga magulang nito, nainggit si Lan Yu, at habang nalulunod sa pakiramdam ng utang na loob sa kanyang tatay, hindi siya makatutok sa kanyang mga tungkulin. Napagtanto niya na tiyak na ginagamit ni Satanas ang mga tila makatwirang pag-iisip at ideyang ito para iligaw at kontrolin ang mga tao, na nagiging sanhi para isipin lang ng mga tao ang pagsusukli sa kabutihan ng kanilang mga magulang at hindi ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha. Kung magpapatuloy siyang kumapit sa mga tradisyonal na ideyang ito, maloloko at mapipinsala lang siya ni Satanas sa huli, at sa dulo, lalayo siya sa Diyos, ipagkakanulo ang Diyos, at sa huli ay aabandonahin ng Diyos. Talagang napakatuso at napakamapaminsala ni Satanas!
Pagkatapos ay nagbasa pa si Lan Yu ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ng mga paraan ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Dahil hindi ito matatawag na kabutihan, masasabi ba na isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Oo.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit nananatiling hindi natin alam ang mga ito. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man karaming dugo ng kanilang puso ang kanilang iginugugol para sa iyo at gaano kalaking pera man ang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga gusot na ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan niya na ang pagpapalaki ng mga anak ay bahagi ng responsabilidad ng isang magulang at ito ay isang batas at prinsipyong inihanda ng Diyos para sa mga tao. Pinalaki siya ng kanyang tatay at dinala siya sa harap ng Diyos, at ito ang responsabilidad na ibinigay rito ng Diyos. Hindi niya dapat ituring na isang kabutihang-loob ang pagpapalaki at pagtuturo sa kanya ng kanyang mga magulang, ni hindi niya dapat palaging isipin na subukang suklian ito, sa halip, dapat niya itong tratuhin nang tama. Napagtanto rin niya na ang Diyos ang nagsaayos ng kanyang mga magulang at pamilya, at na ang Diyos ang nagbabantay at nagpoprotekta sa kanya. Naalala niya noong siya ay 18 taong gulang. Isang beses, sa daan pauwi mula sa trabaho, bumangga ang kanyang motorsiklo sa isang malaking bunton ng lupa sa gilid ng daan. Umikot siya sa ere at bumagsak nang patihaya sa gitna ng kalsada habang papalapit ang isang malaking trak. Biglang pumreno ang drayber, huminto ilang talampakan lang ang layo bago siya masagasaan. Sa sandaling iyon ng buhay at kamatayan, kahit na nasa tabi niya ang kanyang mga magulang, hindi nila magagawang protektahan siya. Sa likod ng mga pangyayari, ang Diyos ang nag-ingat sa kanya, na nagpahintulot sa kanyang mabuhay. Naisip din niya ang mga taon na ginugol niya sa bilangguan. Tanging pag-aalala lang ang nagawa ng kanyang tatay, pero wala talaga itong kakayahang gawin ang kahit ano. Sa tuwing nakakaramdam siya ng pagkanegatibo at panghihina, naaalala niya ang mga himno ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng gabay ng mga salita ng Diyos, naunawaan niya ang mga layunin ng Diyos at nagkamit ng pananalig. Naranasan niya na ang Diyos lamang ang kanyang tunay na sandigan, at na ang Diyos ang pinakapinagkakautangan niya ng loob, at na dapat siyang magpasakop sa Diyos at tuparin ang kanyang tungkulin upang suklian ang pag-ibig ng Diyos. Kung iisipin lang niya ang pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang nang hindi ginagawa ang kanyang tungkulin, iyon ay pag-uugali ng isang taong walang katauhan. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, nagkaroon siya ng malinaw na landas para sa pagsasagawa sa kanyang puso, at naging handa siyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin upang aliwin ang puso ng Diyos.
Hindi niya namalayan, halos dalawang taon na ang lumipas mula nang huli niyang makita ang kanyang tatay. Paminsan-minsan ay nakatatanggap siya ng mga sulat mula rito, kung saan sinasabi nitong ginigipit pa rin ito ng mga pulis, na nagkasakit ito at umiinom ng gamot, at kung minsan ay nakararamdam ng pagkanegatibo, pagkaligaw, at kalungkutan. Pagkabasa ng mga bagay na ito, medyo nag-aalala at nababahala siya para sa kanyang tatay, ngunit pagkatapos ay maiisip niya ang mga salita ng Diyos: “Nasa mga kamay ng Diyos ang iyong mga magulang, kaya ano pa ba ang dapat ikabahala? Ang anumang pag-aalala na maaaring mayroon ang isang tao ay hindi na kinakailangan. Ang bawat tao ay mamumuhay nang maayos ayon sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos hanggang sa huli, mararating ang katapusan ng kanilang landas, nang walang anumang pagkakaligaw. Kaya, hindi na dapat mag-alala ang mga tao tungkol sa bagay na ito. Ikaw man ay mabuting anak, natupad mo man ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, o kung dapat mo bang suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang—hindi ito mga bagay na dapat mong pag-isipan pa; ang mga ito ay mga bagay na dapat mong bitiwan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Naunawaan niya na nasa mga kamay rin ng Diyos ang kanyang tatay, na anumang sitwasyong mararanasan nito ay isinaayos na lahat ng Diyos, at na ang isinasaayos ng Diyos ay palaging angkop. Naisip ni Lan Yu kung paano na noong nasa bahay siya, dumanas ang kanyang tatay ng matinding pananakit ng apdo, ngunit kahit na nabagabag siya, wala siyang nagawang kahit ano para tumulong. Ang tanging nagawa niya ay paalalahanan ang kanyang tatay na uminom ng gamot, pero wala nang iba pa. Naisip din niya kung paano naging negatibo at mahina ang kanyang tatay, na gusto pa ngang magpakamatay, at nang wala siya sa tabi nito, ang Diyos ang nagbigay-liwanag at gumabay rito upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang umakay at gumabay rito, na nagbigay rito ng pananalig na maranasan ang mga sitwasyong ito. Nakita niya na palaging binabantayan at pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao sa likod ng mga pangyayari, na hindi kailangan ang kanyang mga pag-aalala, at na dapat niyang ipagkatiwala sa Diyos ang kanyang tatay at tumutok na lang sa paggawa ng kanyang tungkulin nang maayos. Nang mag-isip siya sa ganitong paraan, nagawa niyang bitawan ang kanyang mga alalahanin at pag-aalala para sa kanyang tatay. Sa tuwing may oras siya, sumusulat siya ng mga liham sa kanyang tatay, ikinukuwento ang kanyang kalagayan, ibinabahagi ang kanyang mga kamakailang pananaw at mga nakamit, at kapag masama ang kalagayan ng kanyang tatay, nakikipagbahaginan siya rito ng mga salita ng Diyos. Hindi na nalugmok si Lan Yu sa isang kalagayan ng pagkakaroon ng utang na loob sa kanyang tatay; nagawa niyang panatagin ang kanyang puso at tumutok sa kanyang tungkulin. Mula sa kaibuturan ng kanyang puso, nagpasalamat siya sa Diyos para sa Kanyang gabay!