53. Mga Aral na Natutuhan Mula sa Tatlong Beses na Pagkakaaresto

Ni An Xia, Tsina

Noong Mayo 2011, ipinangaral sa akin ng nanay ko ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nalaman ko na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, na ang sangkatauhan ay ginawa rin ng Diyos, at na ang pananampalataya at pagsamba sa Diyos ay ganap na likas at may katwiran para sa mga tao. Matapos magsiyasat nang ilang panahon, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Dahil dinadakip at inuusig ng CCP ang mga mananampalataya sa Diyos, ang tatay, lolo, at lola ko, sa takot na madamay sila, ay palaging tumututol at umuusig sa nanay ko dahil sa pananalig niya, kaya hindi ako naglakas-loob na ipaalam sa pamilya ko ang tungkol sa sarili kong pananampalataya sa Diyos.

Sa pagtatapos ng 2012, inaresto ako dahil sa pangangaral ng ebanghelyo; 19 anyos ako noon. Kahit na walang nahanap na anumang ebidensiya ang mga pulis sa pananalig ko, ilegal pa rin nila akong ikinulong nang 32 oras. Nakalaya lang ako matapos gumamit ng koneksyon ang pamilya ko. Sinundo ako ng lolo at tiyuhin ko. Sa daan, sinabi ng tiyuhin ko, “Nagpakahirap nang husto ang lolo’t lola mo sa pagpapalaki sa iyo, at kailangan pa rin nilang mag-alala sa iyo sa lahat ng oras kahit ganito na ang edad nila. Nang marinig ng lola mo na inaresto ka, balisang-balisa siya na hindi siya makatulog.” Habang tinitingnan ang puting buhok ng lolo ko, kumirot ang puso ko. Pag-uwi ko, nakita ko ang lola at mga tiyahin ko na nakaupo sa looban. Itinuro ako ng lola ko gamit ang nanginginig na daliri at sinabing, “Sabihin mo sa akin, sumusunod ka ba sa nanay mo sa pananampalataya sa Diyos?” Sinabi ng tiyahin ko nang may pang-uuyam, “Puwede bang pagpahingahin mo naman kami at tigilan na ang pagbibigay sa amin ng alalahanin? Pumunta ang mga pulis sa mismong pintuan ninyo. Kahit na hindi ka nahihiya, ako ang nahihiya para sa iyo! Ngayon ay nagdala ka ng kahihiyan sa buong pamilya. Paanong napakawala mong konsiderasyon sa amin?” Sinabi ng lola ko sa nanginginig na boses, “Sa pagkakataong ito, kinailangang gumamit ng koneksyon ng tiyahin at tiyuhin mo para mapalabas ka. Kung hindi, ipinadala ka na sana ng mga pulis sa bilangguan. Hindi ka na puwedeng manampalataya sa Diyos!” Nagsabi rin ang mga tiyahin ko ng ilang bagay na lumapastangan at kumondena sa Diyos. Habang nakikinig sa panenermon nila sa akin, pakiramdam ko ay may nagawa akong malaking pagkakamali at hindi ako makatingin sa kanila. Pakiramdam ko rin ay naagrabyado ako nang husto. Ang pananampalataya sa Diyos ay malinaw na isang mabuting bagay, pero pinagagalitan nila ako na para bang nakagawa ako ng isang karumal-dumal na krimen. Walang humpay akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko. Tapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi inilalaan para sa atas ng Diyos at sa makatarungang kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay mahihiya sa harap ng mga naging martir para sa atas ng Diyos, at lalong mas mahihiya sa harap ng Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Sa isip-isip ko, “Tama, ang buhay ko ay galing sa Diyos. Ang pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo tungkol sa mga salita ng Diyos sa mas maraming tao para matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos—ito ang pinakamakatarungan sa lahat ng bagay! Pero dahil inaresto ako dahil sa pananalig ko at nagdulot ako ng pag-aalala at gulo sa pamilya ko, pakiramdam ko ay nagdala ako sa kanila ng alalahanin at kahihiyan, na para bang may ginawa akong mali. Hindi ko pala talaga natutukoy ang tama sa mali! Ang paniniwala sa Diyos at pangangaral ng ebanghelyo ang pinakamakatarungang gawin. Kailangan kong magkaroon ng sarili kong mga paninindigan pagdating sa pananalig.” Nang maisip ko ito, hindi na ako nalilimitahan.

Makalipas ang ilang araw, nagsimulang magkalat ang CCP ng walang batayang mga tsismis at maling kaisipan sa TV, sa malalaking media outlet, at online para siraang-puri ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nagsimula silang malawakang arestuhin ang mga Kristiyano mula sa Iglesia. Pagkatapos marinig ang walang batayang mga tsismis na ito, sinimulan akong subaybayan ng pamilya ko. Madalas nila akong tawagan para tingnan kung nasaan ako at madalas nila akong subukang kausapin para tumigil sa pananampalataya ko. Sinabi ng lolo ko, “Alam mo ba kung ilan sa mga inaresto sa pagkakataong ito ang nasentensiyahan na? Ang ilan ay nasentensiyahan nang mahigit sampung taon, at naaapektuhan pa nga nito ang mga pamilya nila—nawawalan ng mga subsidyo ang matatanda at hindi makapasok sa eskuwela ang mga bata. Ano ba ang maganda sa pananampalataya sa Diyos? Aarestuhin at sesentensiyahan ka nila kahit ilang taon ka man. Sa bandang hilaga natin, may isang kasing-edad mo na nasentensiyahan ng tatlong taon. Inakala nating lahat na pagpatay ang pinakamalalang krimen at may pinakamabigat na sentensiya, pero ang mga sentensiya para sa pananampalataya sa Diyos ay mas malupit pa kaysa sa pagpatay!” Kalaunan, sa tuwing pumupunta ako sa bahay ng lolo ko, sinasabi niya sa akin paminsan-minsan, “Hindi ka puwedeng manampalataya sa Diyos, maliwanag ba? Hindi mo ba nakita sa TV? Sinasabi nilang kapag nanampalataya ang isang tao sa Makapangyarihang Diyos, magdurusa ang tatlong henerasyon ng pamilya nila dahil doon. Maaapektuhan ang mga trabaho ng mga tiyahin at tiyuhin mo, at magdudulot ito ng gulo sa nakababata mong kapatid na lalaki at babae kapag sinubukan nilang pumasok sa unibersidad. Paanong hindi sasama ang loob nila sa iyo? Sinasabi ko ito sa iyo para sa sarili mong kapakanan!” Naaalala ko na sinabi sa akin minsan ng tiyahin ko, “Wala kang ideya kung gaano kahirap kang alagaan noong bata ka pa. Ilang beses kang nagkasakit at muntik nang mamatay. Ang lola mo ang hindi kailanman umalis sa tabi mo, inaalagaan ka araw at gabi. Ibinuhos niya ang puso’t kaluluwa niya sa iyo. Nagkaroon ka ng malubhang anemia noon at walang dugo sa blood bank. Ang lolo mo ang nagbigay sa iyo ng dugo. Ngayong malaki ka na, magbibigay ka pa rin ba sa kanila ng alalahanin?” Kumirot ang puso ko. Ang lolo at lola ko ang nagpalaki sa akin; inalagaan nila ako at nagsakripisyo sila para sa akin. Ngayon ay malaki na ako, pero nagbibigay pa rin ako sa kanila ng alalahanin. Pakiramdam ko ay lubha akong walang konsensiya. Sa isa pang pagkakataong umuwi ako, sinabi sa akin ng lolo ko, “‘Ang iyong katawan ay ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang.’ Kahit na hindi mo iniisip ang sarili mo, kailangan mong isipin ang pamilya mo. Kung maaresto ka balang araw dahil sa pananalig mo at kailangan mong magdusa sa kulungan, paanong hindi madudurog ang puso namin at malulungkot?” Nang marinig ko siyang sabihin iyon, bumigat ang dibdib ko sa halo-halong emosyon. Pakiramdam ko ay binibigyan ko sila ng napakaraming alalahanin at wala akong pagsasaalang-alang sa nararamdaman nila, na para bang nabalewala ang lahat ng pagsisikap nila sa pagpapalaki sa akin. Nanghina ako nang husto, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, habang lalong nag-aalala ang pamilya ko sa akin, lalo kong nararamdaman na may pagkakautang ako sa kanila. Alam kong mabuti ang pananampalataya sa Iyo, pero sobrang sakit pa rin ng puso ko. Pakiusap, akayin Mo ako!” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala rito ang tao, isang buhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Pagkatapos, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mamuhay sa loob ng pag-orden ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanilang paglaki hanggang sa kanilang pagtanda. Sa panahon ng prosesong ito, walang nakadarama na umiiral at lumalago ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala siya na ang tao ay lumalago sa ilalim ng biyaya ng pagpapalaki ng mga magulang, at na ang sarili niyang instinto sa buhay ang nag-uudyok sa kanyang paglago. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang instinto ng buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng kanyang buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng pag-iral ng buhay niya, at na ang mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, ganap na walang kamalayan ang tao, at sa ganitong paraan niya inaaksaya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala kahit isang tao, na binabantayan ng Diyos sa araw at gabi, ang nagkukusang sumamba sa Kanya. Gumagawa lang ang Diyos sa tao ng wala Siyang anumang inaasahan, ayon sa naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa panaginip nito at biglang matatanto ang halaga at kabuluhan ng buhay, ang halagang ibinayad ng Diyos para sa lahat ng Kanyang ibinigay rito, at ang pananabik ng Diyos na masidhing nag-aasam na manumbalik ang tao sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang buhay ko ay galing sa Diyos. Bagama’t pinalaki ako ng lolo at lola ko, ang Diyos ang laging nagbabantay at pumoprotekta sa akin sa likod ng mga kaganapan. Minsan noong bata pa ako, aksidente akong nakakain ng lason sa daga. Dinala ako ng pamilya ko sa tatlong ospital, pero walang gustong gumamot sa akin; sinabihan lang nila ang pamilya ko na maghanda para sa burol ko. Isang doktor ang lolo ko, pero kahit siya ay walang magawa. Sa wakas, may isang ospital na atubiling pumayag na subukang iligtas ako, at pagkatapos nila akong bigyan ng lunas na pang-emergency, mahimala akong nabuhay. Sa isa pang pagkakataon, nagkaroon ako ng acute intestinal obstruction. Ipinayo ng doktor na huwag itong masahihin, sinasabing lalo lang nitong pasisikipin ang bara. Malapit na akong mangailangan ng operasyon, pero minasahe ng lola ko ang tiyan ko at nagawa nga niyang tanggalin ang bara. Ang dahilan kung bakit buhay at maayos ako ngayon ay ganap na dahil sa kamangha-manghang proteksyon ng Diyos. Dapat akong magpasalamat para sa pagliligtas ng Diyos, sa halip na iukol ang lahat ng ito sa lolo’t lola ko. Nang maunawaan ko ito, hindi ko na naramdamang may pagkakautang ako sa kanila. Makalipas ang isang buwan, nalaman ko na nangangailangan ang iglesia ng mga taong makikipagtulungan sa gawain ng ebanghelyo, kaya nagbitiw ako sa trabaho at ibinuhos ang sarili ko rito.

Noong hapon ng Oktubre 22, 2013, isinumbong ako ng isang masamang tao habang nasa isang pagtitipon at muli akong naaresto. Ikinulong ako nang 15 araw at pinagmulta ng isanlibong yuan. Sinundo ako ng tatay ko. Sa daan pauwi, madilim ang mukha niya, at tahimik siya. Habang lalo siyang tumatahimik, lalo akong natatakot; parang katahimikan bago ang unos. Nanalangin ako sa puso ko, “Diyos ko, hindi ko alam kung ano ang kakaharapin ko. Pakiusap, protektahan Mo ako. Paano man ako atakihin ng pamilya ko, kailangan kong manindigan sa aking patotoo para sa Iyo!” Pagkarating namin sa bahay ng lolo’t lola ko, sinigawan ako ng tatay ko, “Sinabi sa akin ng mga pulis—ang sinasampalatayanan mo ay isang tao lang! Nalinlang kayong lahat, pero sobrang nahuhumaling pa rin kayo!” Galit na galit ako nang marinig ko siyang sabihin iyon, kaya sumagot ako, “Dati kang nananampalataya sa Panginoong Jesus. Hindi ba’t tao rin Siya sa panlabas? Pero mayroon Siyang diwa ng pagka-Diyos at kayang gawin ang gawain ng Diyos.” Itinuro ako ng tatay ko at sinabing, “Nahuhumaling! Talagang nahuhumaling! Sabi ng mga pulis, isa kayong organisasyon …” Pinutol ko ang sasabihin niya, itinanong ko, “Ano ba ang organisasyon? Ang organisasyon ay nilikha ng mga tao; isa itong grupong nakikipagkalakalan para sa sarili nitong mga layunin at interes. Ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay naitatag sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Nagtitipon-tipon lang kami para basahin ang mga salita ng Diyos, sambahin ang Diyos, mag-usap tungkol sa pagkilala sa sarili namin, at magbahaginan tungkol sa mga layunin ng Diyos. Wala itong kinalaman sa isang organisasyon. Ang pagtawag sa iglesia ng Diyos na isang organisasyon ay pagpapalabo lang sa mga konsepto. Iyan ang sasabihin ng isang taong magulo ang isip. Sisiyasatin ito ng isang matalinong tao para sa sarili niya at hindi lang basta bulag na makikinig sa kalokohang ito.” Pero sa gulat ko, itinuro rin ako ng lolo ko at sinabing, “Tumingin ka sa paligid ng nayong ito! Mayroon bang iba pang katulad mo? Nananampalataya sa Diyos sa ganyang kabatang edad! Ganap mo kaming ipinahiya!” Sumabat ang lola at tiyuhin ko, pinapagalitan din ako. Gumiit ang tatay ko, “Mukhang marami kang alam. Gaano katagal ka nang nananampalataya? Saan ang mga pagtitipon ninyo?” Akala ko ay mag-aalala nang husto ang pamilya ko sa akin pagkatapos kong makulong nang kalahating buwan, pero nanlamig ang puso ko sa eksena sa harap ko. Paanong naging ganito ang mga kamag-anak ko na mapagmahal dati? Ang pakiramdam sa bahay ay kasinlamig ng sa kulungan. Dahil lang sa pananampalataya ko sa Diyos, hinihiwalay at pinagtutulungan ako ng sarili kong pamilya. Walang nakakaunawa sa akin, at walang may pakialam sa nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay masyadong mahirap ang landas ng pananalig, at naging sobrang negatibo at mahina ako. Ikinulong ako ng tatay ko sa kuwarto ko araw-araw dahil ikinakahiya niya ako. Nang malaman ng mga tao sa nayon na inaresto ako dahil sa pananalig ko, tumatayo ang ilan sa kanila sa labas ng bahay namin para mangutya at magtsismisan. Sumisigaw pa nga ang ilang pilyong bata, “Nariyan ba ang mananampalataya? Nandito na ang mga pulis!” Isang gabi, sinimulan na naman akong pagalitan ng tatay ko, sinasabing ang buong pamilya ay hindi maiharap ang mukha sa publiko dahil sa akin. Pagkatapos, naupo lang siya sa kuwarto, naninigarilyo sa galit na katahimikan. Maya-maya pa, narinig ko ang pigil na paghikbi niya. Hindi ko pa narinig na umiyak ang tatay ko sa buong buhay ko, at naiyak din ako nang marinig ko siyang umiyak. Naisip ko, “Nagdala ang pananalig ko ng napakanegatibong epekto sa pamilya ko. Napakatanda na ng lolo’t lola ko, at kailangan pa rin nilang mag-alala sa akin. Isa pa, ito na ang pangalawang beses na dinakip ako. Kung patuloy akong magpupumilit sa pananampalataya ko at maaresto ulit ako, paano ito posibleng makayanan ng pamilya ko? Baka dapat ko na lang isuko ang pananalig ko, kumuha ng trabaho at tumuon na lang sa pagkita ng pera, at kahit paano ay gawing panatag ang isip nila.” Nagdulot sa akin ng matinding pasakit ang isiping iyon, at nanalangin ako, “O Diyos, gusto kong manampalataya sa Iyo, pero hindi tumitigil ang pamilya ko sa pag-uusig at paghadlang sa akin, at pakiramdam ko ay sobrang hina ko. Diyos ko, pakiusap, akayin Mo ako!” Pagkatapos manalangin, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pagmamahal sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dumating ang mga bagay na ito sa akin nang may pahintulot ng Diyos. Pagsubok Niya ito sa akin, para makita kung panghahawakan ko nang mahigpit ang pananalig ko at maninindigan ako sa aking patotoo, o makikipagkompromiso kay Satanas. Sa harap ng mga pag-atake ng pamilya ko at tsismis ng mga kapitbahay, at lalo na noong marinig ko ang pag-iyak ng tatay ko, sinisi ko ang pananalig ko sa pagdadala ng pangungutya sa pamilya ko at pagiging dahilan ng pag-aalala nila sa akin. Naisip ko noon na isuko ang pananalig ko—hindi ba’t pakikipagkompromiso iyon kay Satanas? Kung talagang nag-aalala ang pamilya ko tungkol sa pananampalataya ko sa maling bagay, dapat sana ay tinulungan nila akong siyasatin ito at alamin kung ang sinasampalatayanan ko ba ang tunay na daan. Pero inatake lang nila ako nang walang habas. Ang totoo, natatakot lang sila na madamay sila ng pananalig ko at mapinsala ang sarili nilang mga interes. Hindi ko natukoy ang mga motibo nila at nalinlang ako ng kanilang diumano’y pagmamalasakit sa akin. Muntik na akong mahulog sa patibong ni Satanas at magkanulo sa Diyos—napakamapanganib niyon! Paano man ako usigin ng pamilya ko sa hinaharap, kailangan kong manindigan sa aking patotoo para sa Diyos at hindi sumuko sa mga pag-atake ng pamilya ko.

Noong Nobyembre 14, 2013, sapilitan akong dinala ng tatay ko sa pinagtatrabahuhan niya at isinailalim ako sa house arrest. Kapag pumapasok siya sa trabaho, ikinukulong niya ako sa loob ng bahay gamit ang dalawang kandado. Sinubukan ko ang lahat ng paraang naiisip ko para makatakas, pero walang gumana. Isang araw, bumalik ang tatay ko, naupo sa gilid ng kama, at pinagalitan ako, “Tingnan mo ang sarili mo! Napakabata mo pa at dalawang beses ka nang naaresto! Hindi ka ba nahihiya?” Sinabi ko, “Bilang isang mananampalataya sa Diyos, nagbabasa lang ako ng mga salita ng Diyos. Wala akong ginawang masama. Ano ang dapat ikahiya?” Hindi ko inakalang magagalit siya nang husto pagkatapos niyon. Napabalikwas siya, sinakal ako sa leeg, at pinagsasampal ang mukha ko nang paulit-ulit, sumisigaw, “Gusto mong manampalataya? Bubugbugin kita hanggang sa mawala ang pananampalatayang iyan!” Dumudugo nang husto ang ilong ko, pero ayaw niyang tumigil hanggang sa kumatok ang isang kapitbahay sa pinto. Tinitigan niya ako nang masama at umangil, “Kung patuloy kang mananampalataya, patuloy kitang bubugbugin! Bubugbugin kita hanggang sa sumuko ka!” Hindi tumitigil sa pagdurugo ang ilong ko noong oras na iyon. Habang pinapanood ko ang basurahan na mapuno ng mga duguang tisyu, napuno ng matinding sakit ang puso ko. “Nagiging ganito kalupit ang sarili kong ama dahil lang sa nananampalataya ako sa Diyos. Paanong ama ko ito? Isa siyang diyablo!” Dumapa ako sa kama at humagulgol nang matagal, pakiramdam ko ay masyadong mahirap ang manampalataya sa Diyos. Naisip ko, “Kung patuloy akong mananampalataya, hindi na ba matatapos ang pag-uusig na ito? Baka dapat ko na lang sabihin sa kanya na isinuko ko na ang pananalig ko. Puwede akong humanap ng trabaho rito at manampalataya nang palihim. Sa gayon ay titigilan na niya ang pambubugbog sa akin.” Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para maunawaan ko ang Iyong mga layunin.”

Makalipas ang tatlong araw, nakakita ako ng isang lumang cellphone, inilabas ko ang isang memory card na may mga salita ng Diyos na itinago ko, at ipinasok iyon. Binuksan ko ang cellphone at binasa ang mga salita ng Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o magkaroon ng pagkanegatibo sa kanilang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng pagsasagawa. Ngunit sa pangkalahatan, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito. … Ano ang tinutukoy ng pananalig? Ang pananalig ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananalig na binabanggit Ko. Kailangan ng mga tao ang pananalig sa mga panahon ng pagdurusa at sa mga panahon ng pagpipino, at kapag may pananalig sila, sila pagkatapos, ay nahaharap sa pagpipino—hindi maaaring paghiwalayin ang pagpipino at pananalig. Kung paano man gumagawa ang Diyos, at anuman ang iyong kapaligiran, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, hangarin ang kaalaman sa gawain ng Diyos, at hangarin na malaman ang Kanyang mga gawa, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan, ito ay pagkakaroon ng tunay na pananalig, at pinatutunayan nito na hindi ka nawalan ng pananalig sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang taglayin pareho ang determinasyong ito na magdusa at ang tunay na pananalig na ito, at kailangan mo ring magkaroon ng determinasyong maghimagsik laban sa laman. Dapat ay handa kang personal na magdusa at dumanas ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat makaramdam ka rin ng pagsisisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, kaya mong magsisi. Hindi ka dapat magkulang sa alinman sa mga aspektong ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga pamantayang ito, hindi ka magagawang perpekto(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Tinanggap na ba ninyo ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Sinikap na ba ninyong kamtin ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo ay, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at pasisikatin ninyo ang Aking liwanag ng kaluwalhatian sa loob ng buong sansinukob(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 19). Paulit-ulit kong binasa ang mga siping ito. Naisip ko si Job. Noong sinusubok siya, nawala sa kanya ang lahat ng kayamanan at mga anak niya, nabalot ng mga pigsa ang katawan niya, at inatake pa nga siya ng asawa at mga kaibigan niya. Pero hindi kailanman itinatwa ni Job ang pangalan ng Diyos. Sa halip, nagpasakop siya sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, pinuri ang pangalan ni Jehova, at nanindigan sa kanyang patotoo sa gitna ng kanyang mga pagsubok, ipinapahiya si Satanas. Ang tanging tiniis ko ay ang makulong at mabugbog ng tatay ko—kaunting pisikal na pagdurusa lang—at naramdaman ko nang masyadong mahirap at masakit ang manampalataya sa Diyos, at naisip ko pa ngang isuko ang pananalig ko. Hindi ba’t ito ay pagkakanulo sa Diyos at pagyukod kay Satanas? Napakaliit ng pananalig ko sa Diyos! Ang aktibong pagdalo sa mga pagtitipon at paggawa ng tungkulin ko sa komportableng kapaligiran ay hindi nangangahulugang may tunay akong pananalig. Ang tunay na pananalig ay ang makasunod sa Diyos kahit nagdurusa sa masasamang kapaligiran. Dinala ako ng tatay ko sa di-kilalang lugar na ito, inihiwalay ako sa mga kapatid, at binugbog ako—lahat ng ito ay may pahintulot ng Diyos. Ginagamit ito ng Diyos para gawing perpekto ang pananalig ko at ang determinasyon kong magdusa. Pagpapala Niya ito! Nang maunawaan ko ang mga layunin ng Diyos, nanalangin ako, hinihiling sa Diyos na akayin ako para makapanindigan ako sa aking patotoo. Sa loob ng mahigit dalawampung araw na binihag ako ng tatay ko, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa tuwing umaalis siya para magtrabaho. Napalapit nang napalapit ang puso ko sa Diyos, at hindi ko na naramdamang nagdurusa ako.

Mahigit dalawampung araw ang lumipas, dumating ang mga pulis mula sa bayan namin at dinala ako pabalik sa detention center. Sa pagtatapos ng Mayo 2014, sinampahan ako ng CCP ng kasong “paggamit ng isang xie jiao na organisasyon upang pahinain ang pagpapatupad ng batas” at sinentensiyahan ako ng tatlong taong pagkakulong, sinuspinde nang apat na taon sa probasyon. Kinailangang magbayad ng pamilya ko sa mga pulis ng mahigit isandaang libong yuan para mapalaya ako. Sa panahon ng probasyon ko, kailangan kong mag-report sa lokal na opisinang panghukuman linggo-linggo at dapat na makontak ako sa lahat ng oras. Kung hindi nila ako makontak, bibigyan ako ng babala; kapag nakatatlong missed call sila, diretso na akong ibabalik sa kulungan. Bagama’t napalaya na ako, wala akong anumang personal na kalayaan. Ginamit ng tiyuhin ko ang trabaho niya bilang garantiya para sa paglaya ko, at lalo akong inusig nang matindi ng pamilya ko pagkatapos niyon. Kailangan kong sabihin sa kanila ang bawat galaw ko. Minsan, lumabas lang ako nang mahigit tatlong oras at naka-14 na missed call na ang tiyahin ko. Sa gabi, kung matutulog ako nang medyo maaga, papasok ang lola ko para tingnan kung nagdarasal ako at ayaw pa nga niyang ipasara sa akin ang pinto kapag natutulog ako. Sinusundan pa niya ako hanggang sa tindahan ng tiyahin ko kapag pumupunta ako roon para magtrabaho. Sa pagharap sa 24-oras na pagbabantay na ito, naramdaman kong sobrang hina ko at wala akong ideya kung paano makakayanan ito. Madalas akong manalangin, hinihiling sa Diyos na magbukas ng daan para sa akin. Isang araw, papunta sa opisinang panghukuman, nakasalubong ko ang isang sister. Sinabi niya sa akin na ipinagdarasal ako ng lahat ng kapatid at na dapat akong magdasal nang higit pa, at gagabayan ako ng Diyos. Naantig ako nang lubos sa mga salita niya. Lihim din niya akong inabutan ng isang MP5 player at isang memory card na may mga video ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos niyon, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga di-nananampalatayang kamag-anak. Gayunman, para sa Akin, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Dapat kang umasa sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan, at huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na magtagumpay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit Niya ang kapaligirang ito para patatagin ang loob at pananalig ko, para tulungan akong makita nang malinaw ang kabuktutan ni Satanas upang hindi ako sumuko sa impluwensiya nito kundi magamit ko ang karunungan para talunin ito. Kaya nilang kontrolin ang katawan ko, pero hindi nila kayang kontrolin ang puso ko. Patuloy nila akong binabantayan para pigilan ako sa pagdarasal, pero kaya ko pa ring pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos sa puso ko at patahimikin ang puso ko sa harap ng Diyos para lumapit sa Kanya. Unti-unti, hindi na nasisiraan ng loob ang puso ko.

Sa isang pagkakataon, sinabi ko sa pamilya ko na gusto kong kumuha ng self-study exam at bumalik sa dati kong bahay para mamuhay nang mag-isa. Ganoon ako nakatakas sa wakas sa pagbabantay nila. Dahil tatlong beses na akong naaresto dahil sa pananalig ko, lumalayo sa akin ang mga tao sa nayon namin. Minsan, kapag may grupong nag-uusap sa kalye, magwawatak-watak sila sa sandaling dumaan ako. Tinititigan ako ng iba mula sa malayo na para bang isa akong baliw, nagbubulungan at nagtututuro sa likod ko. Ang pamilya ko, dahil ikinakahiya ako, ay ayaw akong kasabay maglakad sa publiko. Pakiramdam ko ay isa akong ganap na itinakwil, tinatanggihan ng lahat, at pakiramdam ko ay labis akong naaagrabyado. Maraming beses akong sumigaw sa puso ko, “Ang ginagawa ko lang naman ay nananampalataya at sumasamba sa Diyos, naghahangad na maging isang taong may konsensiya at katwiran. Ano ang ginawa kong mali? Bakit wala ako ng kahit pangunahing karapatang pantao? Bakit kailangan kong tiisin ang pagtatakwil mula sa pamilya ko at diskriminasyon mula sa mga kapitbahay ko?” Pakiramdam ko ay sobra akong nasusupil at nasasaktan. Noong panahong iyon, madalas akong nananalangin at naghahanap kung paano ko dapat danasin ang kapaligirang ito.

Kalaunan, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos at labis na napalakas ang loob ko. Nalaman ko kung paano ito danasin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon ng Diyos sa lupa sa katawang-tao ay isang napakasakit na bagay, at walang sinumang nakakaunawa sa Kanya. … Ang pangunahing pagdurusang Kanyang tinitiis ay ang mamuhay sa piling ng sangkatauhan na sukdulan ang pagkatiwali, ang pagtitiis ng pangungutya, pag-insulto, panghuhusga, at pagkondena mula sa lahat ng uri ng tao, at gayundin ang pagtugis ng masasamang demonyo at ang pagtanggi at pagkapoot ng mundo ng relihiyon, na nakasusugat sa kaluluwa na hindi magagamot ninuman. Masakit na bagay ito. Inililigtas Niya ang tiwaling sangkatauhan nang may lubos na pagpapasensiya, minamahal Niya ang mga tao sa kabila ng Kanyang mga sugat, at pinakamasakit na gawain ito. Ang malupit na paglaban ng sangkatauhan, pagkondena at paninirang-puri, mga maling paratang, pang-uusig, at ang kanilang pagtugis at pagpatay ang nagiging dahilan para gawin ng katawang-tao ng Diyos ang gawaing ito sa kabila ng malaking peligro sa Kanyang sarili. Sino ang makakaunawa sa Kanya habang dinaranas Niya ang mga pasakit na ito, at sino ang maaaring umalo sa Kanya?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Diwa ni Cristo ay Pagmamahal). Naisip ko ang Panginoong Jesus, na inusig ng gobyerno mula sa sandaling isilang Siya. Nang simulan Niya ang Kanyang gawain, tinuya, kinondena, at nilapastangan Siya, at sa huli ay ipinako sa krus ng mga Pariseo at ng gobyernong Romano. Sa mga huling araw, pumarito ang Makapangyarihang Diyos para gumawa at iligtas ang sangkatauhan, at Siya rin ay kinokondena at pinaghahanap ng gobyerno ng CCP. Labis na nagdurusa ang Diyos para iligtas tayo, pero walang nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa Kanya o nakakaunawa sa Kanya. Ano kaya ang nararamdaman ng puso Niya? Naisip ko rin si Noe. Tinawag siya ng Diyos para buuhin ang arka. Ibinuhos niya ang sarili niyang mga ari-arian sa pagtatayo nito habang ipinararating din ang layunin ng Diyos na si Jehova, sinasabihan ang mga tao na sumakay sa arka. Sinalubong ng pangungutya ang mga kilos niya, pero hindi nanghina o nagreklamo si Noe bilang resulta nito. Nanatili siyang matatag sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Pero heto ako na nagiging sobrang negatibo at miserable dahil lang sa pagharap sa kaunting diskriminasyon at pangungutya dahil sa pagsunod sa Diyos. Napakarupok ko. Wala akong binatbat kumpara kay Noe! Naalala ko rin ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Kayo ay magsipasok sa makipot na tarangkahan: sapagkat maluwang ang tarangkahan, at malapad ang daang patungo sa pagkawasak, at marami ang doon ay nagsisipasok: Sapagkat makipot ang tarangkahan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon(Mateo 7:13–14). Matagal nang sinabi ng Panginoong Jesus na may dalawang landas na maaaring tahakin ang isang tao. Ang isa ay patungo sa maluwang na tarangkahan, ang landas ng paghahangad sa mundo, paghahanap ng mga nakikitang pakinabang gaya ng makalamang kasiyahan, kasikatan, pakinabang, at pera; maraming tao ang lumalakad sa landas na ito. Ang isa naman ay patungo sa makipot na tarangkahan, ang landas ng pananampalataya at pagsunod sa Diyos. Isa itong landas ng pagdurusa, kung saan makakatagpo ka ng panunuya, pangungutya, at maging paninirang-puri at pasalitang pang-aabuso, humaharap sa sunod-sunod na hadlang. Napakakaunting tao ang nakatatahak sa landas na ito. Masyado kong pinahalagahan ang kahihiyan, reputasyon, at katayuan; pasanin ang lahat ng ito sa landas ng pananalig ko. Alam kong kailangan kong bitawan ang lahat ng ito at panghawakan nang mahigpit ang tunay na pananalig sa Diyos para makapagpatuloy at sa huli ay magkamit ng buhay. Isa pa, ang pagkuha ng pagsang-ayon ng mga walang pananampalatayang ito ay ganap na walang kabuluhan at walang halaga. Sa pananalig ko, dapat kong hangarin ang pagtatamo ng katotohanan at ang mapahalagahan ng Diyos. Paano man ako tingnan ng iba, kailangan kong magpursigi sa pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Nang maisip ko ito, hindi na ako nalilimitahan.

Kalaunan, nalaman ko na pumunta ang tatay at lola ko sa pinagtatrabahuhan ko nang mahigit sa isang beses nang lingid sa kaalaman ko para tingnan kung karaniwan akong pumapasok sa trabaho. Pakiramdam ko ay wala akong privacy o mga karapatang pantao kahit kaunti. Minsan, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkilatis tungkol sa pamilya ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting konsensiya ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Iyong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay iyong mga lumalaban sa Diyos, at kahit nagtitiis ng maraming hirap ang gayong mga tao, wawasakin pa rin sila. Iyong lahat ng atubiling tumalikod sa mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi makatiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga pagtatamasa sa laman ay mapaghimagsik sa Diyos, at magiging mga pakay ng pagkawasak. Sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, sila ay wawasakin. Iyong mga may pananalig ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, iyong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at iyong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat iyong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagpaisip sa akin sa mga kapamilya ko na humadlang sa pananalig ko. Nagpatotoo ang nanay ko sa kanila tungkol sa ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, pero walang kahit isa ang naghanap o nagsiyasat dito. Sa sandaling naapektuhan ng pananalig ko ang mga interes nila, ginamit nila ang lahat ng uri ng pamamaraan para usigin ako at hadlangan ang pananampalataya ko sa Diyos, pinapagalitan ako sa ilalim ng pagkukunwaring “ginagawa ang pinakamabuti para sa akin.” Isinailalim nila ako sa house arrest at binugbog ako para pilitin akong ipagkanulo ang Diyos, at hanggang sa araw na iyon, sinusundan at binabantayan pa rin nila ako. Nakita ko na ang kalikasang diwa nila ay namumuhi at lumalaban sa Diyos. Naisip ko si Job, na inatake ng asawa niya sa panahon ng mga pagsubok sa kanya. Hindi siya nagpadala rito o naging negatibo; sa halip, sinaway niya ito bilang isang hangal na babae. May mga prinsipyo si Job sa kung paano niya trinato ang pamilya niya at pinanghawakan niya nang mahigpit ang pananalig niya. Kinailangan kong sundan ang halimbawa niya, itakwil ang mga kapamilya ko na lumalaban sa Diyos, at gumuhit ng malinaw na hangganan sa pagitan ko at nila.

Isang beses, tinawagan ako ng mga pulis, pero hindi ko narinig. Makalipas ang ilang araw, lumapit sa akin ang lolo ko at sinabi, “Bakit hindi mo sinagot ang tawag ng mga pulis? Huwag mong kalimutang sagutin ang telepono mo!” Nakaramdam ako ng matinding hinanakit. Kalaunan, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkilatis sa buktot na diwa ng CCP na lumalaban sa Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa loob ng libo-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, laganap ang pagdurusa dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nag-iimbento ng mga bagay nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Naghari na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay hindi-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa kaya nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Mauunawaan kaya nila kahit kailan ang mga usapin ng mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunod-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nananamsam at nandarambong sila, ganap na silang nawalan ng budhi, sinasalungat nila ang kanilang konsensiya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang tungo sa kawalang-malay. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa buong mundo sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasamaan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko nang mas malinaw ang maladiyablong diwa ng CCP, na mapanlaban sa Diyos. Sa panlabas, iwinawagayway nito ang bandila ng kalayaan sa relihiyon, pero sa realidad, binabaluktot nito ang tama at mali at nagpapakalat ng lahat ng uri ng maling pananampalataya at maling kaisipan para iligaw ang mga mangmang na tao na pumanig dito para atakihin at labanan ang Diyos, at usigin ang mga Kristiyano. Pakay nitong pasamahin ang lahat sa paglaban sa Diyos at pagtungo sa pagkawasak. Ang CCP ay isang diyablo sa lupa, isang kaaway ng Diyos; talagang kasuklam-suklam at buktot ito! Sa loob lang ng tatlong taon ng pananalig, tatlong beses akong naaresto. Kahit pagkatapos kong makalaya, wala akong personal na kalayaan. Ginamit ng CCP ang banta na maaapektuhan ang mga trabaho at benepisyo ng tatlong henerasyon ng mga kapamilya ko para udyukan ang pamilya ko na hadlangan ang pananalig ko. Para sa sarili nilang mga interes, bulag akong inusig ng pamilya ko, kinondena at nilapastangan ang Diyos, at patuloy akong sinundan at sinubaybayan. Iniwasan at diniskrimina rin ako ng mga taganayon dahil naaresto ako. Ang lahat ng ito ay resulta ng pag-uusig ng CCP. Ginamit ng CCP ang bawat pamamaraan para hadlangan ang pananalig ko, pero hindi nito inakala na ang mga ginawa nito ay hindi lang nakatulong sa akin na magkamit ng pagkilatis sa diwa nitong lumalaban sa Diyos kundi pati sa kalikasang diwa ng pamilya ko. Lalo lang nitong pinalakas ang pananalig ko na sumunod sa Diyos. Kayang kontrolin ng CCP ang katawan ko, pero hindi nito kayang kontrolin ang puso ko. Hindi ko isusuko ang pananalig ko o ang tungkulin ko.

Sa pagtatapos ng Mayo 2015, sinamantala ko ang pagkakataon ng paghahatid sa kapatid ko sa bago niyang trabaho para makaalis na sa wakas sa bahay at magawa ang tungkulin ko. Sa sandaling humakbang ako palabas ng bahay, pakiramdam ko ay nakawala ako sa mga gapos; ang katawan at kaluluwa ko ay tunay na malaya. Kung hindi ako binigyan ng pananalig ng mga salita ng Diyos at binigyang-liwanag para maunawaan ang katotohanan, hindi ko kailanman mapagtatagumpayan ang walang humpay na pag-atake ng pamilya ko. Ang Diyos ang umakay sa akin na makawala sa mga gapos ng “pamilya” ko, na nagbibigay sa akin ng pagkakataong magawa na sa wakas ang tungkulin ko. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 52. Hindi Na Ako Mapagpalugod ng Tao

Sumunod: 54. Hindi Ko Na Inirereklamo ang Masamang Kapalaran Ko

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito