39. Kung Bakit Hindi Ko Magawang Tanggapin Nang Kalmado ang Aking Tungkulin

Ni Mo Ran, Tsina

Noong Nobyembre 29, 2023, napili ako bilang superbisor para sa gawaing nakabatay sa teksto. Nang marinig ko ang balitang ito, talagang nabagabag ako. Hindi ko maiwasan nang magpabalik-balik sa isipan ko ang mga alaala noong superbisor pa ako. Kapag may lumilitaw na mga paglihis at problema sa gawain, ang sister na nakikipagtulungan sa akin ay aktibong hinanap ang mga sanhi at gumawa ng paraan para malutas ang mga iyon, pero hindi ko kailanman naharap nang tama ang mga bagay na ito. Sa tuwing may lumilitaw na mga problema, iniisip kong dahil iyon sa mahina kong kakayahan at kawalan ng kapabilidad sa gawain, pero hindi ko kailanman sinuri ang mga paglihis at pagkukulang sa mga problemang lumitaw, at lalong hindi ako nagsikap na pagnilayan kung paano itatama at lulutasin ang mga iyon. Pakiramdam ko palagi, medyo nakahihiya na napakaraming problemang lumilitaw sa tungkulin ko, at hindi ko maiwasang mamuhay sa negatibong kalagayan at palagi kong gustong takasan ang tungkulin ko. Kung tutukuyin pa ng mga lider ang mga problema ko, lalo pa akong magiging negatibo. Dahil matagal na akong namumuhay sa kalagayan ng pagiging negatibo at pagpapakatamad, maraming problema sa gawain ang hindi nalutas sa tamang oras, at hindi ako nakapagbigay ng tunay na tulong sa mga kapatid. Maraming beses nang nakipagbahaginan ang mga lider tungkol sa kalagayan ko, pero hindi ko pa rin ito mabago, at sa huli, lubha nitong naapektuhan ang gawain, at natanggal ako. Kahit na natanggal ako, para akong nakahinga nang maluwag. Pero ngayon, gusto na naman nila akong maging superbisor, hindi ba’t nangangahulugan iyon na mamumuhay na naman ako sa parehong masakit at kahiya-hiyang paraan gaya ng dati? Talagang ayoko nang maging superbisor uli! Bukod doon, pakiramdam ko ay hindi talaga ako nagtataglay ng kakayahan para maging isang superbisor. Nakita ko na ang maraming lider, manggagawa, at superbisor ay mga taong may mahusay na kakayahan, malakas na kapabilidad sa gawain, at mataas ang episyensiya sa kanilang gawain, samantalang pakiramdam ko, ako iyong tipo ng tao na may mahinang kakayahan at mababa ang episyensiya, at na talagang hindi ako angkop na maging isang superbisor. Sa ngayon, sa tungkulin ko bilang miyembro ng pangkat, may nakikita akong ilang resulta at medyo napapanatili ko pa ang aking pagpapahalaga sa sarili, pero ang pagiging superbisor ay nangangahulugang pag-ako ng mabigat na gawain at pagsasaalang-alang ng lahat ng aspekto. Sa pangkaraniwan kong abilidad, pakiramdam ko, gaano man ako magsikap, hindi ko pa rin ito magagawa nang mahusay, at sa huli, matatanggal lang din ako uli. Magiging isa na naman iyong masakit na kabiguan, at ano na lang ang magiging tingin sa akin ng mga kapatid? Sasabihin kaya nilang wala talaga akong kuwenta? Sa tuwing naiisip ko ang mga ito, gusto kong tanggihan ang tungkuling iyon, pero pakiramdam ko rin na sa pagtanggi ko sa aking tungkulin, mabibigo ko ang Diyos. Lalo na, dahil iisa lang ang superbisor para sa gawaing nakabatay sa teksto sa panahong ito, at sa sobrang bigat ng gawain, hindi talaga ito kakayanin ng isang tao, sinabi ng lider na naapektuhan na ang gawain. Dahil nagsanay na ako sa mga tungkuling nakabatay sa teksto sa loob ng maraming taon at naging superbisor na ako noon, medyo pamilyar na ako sa iba’t ibang aytem ng gawain, kaya kung hindi ko tatanggapin ang tungkuling ito ngayon, talagang hindi ako magiging karapat-dapat na tawaging miyembro sa sambahayan ng Diyos. Pero kung papayag nga ako pagkatapos ay hindi ko naman kakayanin ang gawain, hindi ba’t mawawala nang tuluyan ang aking katayuan at pagpapahalaga sa sarili? Dahil sa mga iniisip na ito, lalo akong nakaramdam ng pagkasikil at pasakit, at pakiramdam ko ay nasa gitna ako ng nag-uumpugang bato. Ibinuhos ko sa Diyos ang tunay kong kalagayan, “O Diyos, dumating sa akin ngayon ang tungkuling ito bilang isang superbisor, at alam kong ito ay pagtataas at biyaya Mo, pero palagi kong nararamdaman na kulang ako sa kakayahan para maging isang superbisor, at takot na takot ako na pagkatapos kong maging superbisor uli, haharap ako sa iba’t ibang problema at sa huli ay maiipit na naman sa katayuan at pagpapahalaga sa sarili, na hindi na makakawala pa. O Diyos, hinihiling ko na bigyan Mo ako ng pananalig at ng determinasyong magpasakop.”

Kalaunan, mabigat ang loob na pumunta ako sa isang pagtitipon. Ang lider, nang malaman ang kalagayan ko, ay naghanap ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para sa akin: “Na sa isang banda, ang layon ng Diyos sa paghahanda ng mga kapaligiran para sa tao ay para hayaan ang mga tao na maranasan ang iba’t ibang bagay sa napakaraming paraan, para matuto ng mga aral mula sa mga ito, para makapasok sa iba’t ibang katotohanang realidad na nakapaloob sa salita ng Diyos, para pagyamanin ang mga karanasan ng mga tao, at para tulungan silang makapagtamo ng isang mas komprehensibo at iba’t ibang aspekto ng pagkaunawa sa Diyos, sa kanilang sarili, sa kanilang kapaligiran, at sa sangkatauhan. Sa kabilang banda naman, gusto ng Diyos na panatilihin ng mga tao ang isang normal na ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng paghahanda ng ilang natatanging kapaligiran at pagsasaayos ng ilang espesyal na aral para sa kanila. Sa ganitong paraan, mas mapapadalas ang paglapit ng mga tao sa Kanya, sa halip na namumuhay sila sa isang kalagayan na wala silang kinikilalang Diyos, sinasabi nilang naniniwala sila sa Diyos, pero kumikilos naman sa paraan na walang kaugnayan sa Diyos o sa katotohanan, na hahantong sa gulo. Samakatwid, sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos, sa katunayan, may pag-aatubili at pasibong dinadala ng Diyos Mismo ang mga tao sa Kanyang harapan. Ipinapakita nito ang masisidhing layunin ng Diyos. Kapag mas kulang ang iyong pag-unawa sa isang partikular na bagay, mas dapat kang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos at nagpipitaganang puso, at madalas kang lumapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang mga layunin at ang katotohanan. Kapag hindi mo nauunawaan ang mga bagay-bagay, kailangan mo ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, kailangan mong hilingin sa Diyos na higit na gumawa sa iyo. Ang mga ito ang masisidhing layunin ng Diyos. Kapag mas lumalapit ka sa Diyos, mas lalong mapapalapit ang puso mo sa Diyos. At hindi ba totoo na kapag mas malapit ang puso mo sa Diyos, mas lalong mananahan dito ang Diyos? Kapag mas nasa puso ng isang tao ang Diyos, mas nagiging mabuti ang kanyang paghahangad, ang landas na kanyang tinatahak, at ang kalagayan ng kanyang puso(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mga sitwasyong inihanda ng Diyos, lahat iyon ay para matuto tayo ng mga aral at magkamit ng katotohanan. Sa pagbabalik-tanaw noong superbisor pa ako noon, dahil nagpakita ako ng maraming paglihis at pagkukulang sa tungkulin ko, at hindi natugunan ang banidad ko, madalas akong maging negatibo. Hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan para lutasin ang tiwaling disposisyon ko. Ang lagi ko lang iniisip ay kung ano ang iisipin sa akin ng mga kapatid, at kung mamaliitin ba nila ako. Palagi kong gustong takasan ang tungkulin ko, at naging negatibo ako at nagpakatamad, walang ginagawang anumang aktuwal na gawain. Sa huli, naantala ang gawain, at hindi umunlad ang buhay ko kahit kaunti. Lahat ng ito ay resulta ng hindi ko paghahanap sa katotohanan sa loob ng mahabang panahon. Sa pagbabalik-tanaw noong hindi pa ako superbisor, inakala kong mahusay ako sa lahat ng aspekto, at wala akong tunay na pagkaunawa sa sarili ko. Mula nang maging superbisor ako, maraming paglihis at problema ang nalantad sa tungkulin ko, at maraming beses akong pinungusan. Lahat ng ito ay nagtulak sa aking pagnilayan ang aking katiwalian at mga kakulangan, at lumapit sa harap ng Diyos para hanapin ang katotohanan. Kung mahaharap ko lang ang aking mga kakulangan at pagkukulang, mas mananalangin sa Diyos, at hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo, magagawa kong matutunan ang mga aral sa lahat ng aspekto. Biyaya ito ng Diyos. Pero hindi ako marunong magpasalamat, at palagi kong gustong iwasan ang tungkulin ko at naging iresponsable ako. Kahit matapos matanggal, wala akong naramdamang kahit katiting na konsensya o pagsisisi. Sa halip, itinuring ko itong isang uri ng kaginhawahan. Talagang binigo ko ang Diyos! Pero hindi ako inayawan ng Diyos, at sa halip ay binigyan ako ng isa pang pagkakataong magsanay, nais Niyang masangkapan ko pa ang sarili ko ng katotohanan at mas mabilis na umunlad sa buhay. Pero manhid ako at hangal, at hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos. Nag-alala ako na malantad na naman ang mga kakulangan ko at mamaliitin ako ng iba, kaya ayaw kong gawin ang tungkulin ko bilang isang superbisor. Talagang binigo ko ang masusing layunin ng Diyos. Ang pagkatanto sa mga bagay na ito ay nagparamdam sa akin ng kaunting konsensya at pagkakautang sa Diyos.

Medyo mas naunawaan ko ang layunin ng Diyos at tinanggap ko ang tungkulin bilang isang superbisor. Pero hindi ko pa rin maiwasang mag-alala at mabahala. Natakot akong hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko, mapahiya sa lahat ng paraan, at matanggal uli tulad ng dati. Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, sa anumang kaso, dapat kang magkaroon ng ganitong saloobin: ‘Dahil ibinigay sa akin ang gawaing ito para gawin, dapat ko itong seryosohin, dapat kong alalahanin ito, at dapat kong gamitin ang buong puso at lakas ko para gawin ito nang maayos. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para gampanan iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magiging pabasta-basta tungkol dito. Kung may lumitaw na problema sa gawain, dapat kong akuin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gawin nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Matapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa akin. Hindi Niya hinihingi sa akin na gumawa ng anumang dakilang gawain na higit sa kakayahan at abilidad na taglay ko, at hinihiling lang Niya na magkaroon ako ng tapat na puso at gawin ang lahat ng makakaya ko para matupad nang maayos ang tungkulin ko. Sapat na ito para mapalugod ang Diyos. Bagama’t hindi ko pa rin masisiguro na kaya kong pasanin ang tungkulin ng isang superbisor, kailangan kong magkaroon man lang ng saloobin na gawin ang lahat ng makakaya ko para matupad nang maayos ang tungkulin ko. Abot-kamay ko ito. Napagtanto ko na ang dati kong pagkabigo na gampanan nang maayos ang tungkulin ko ay hindi dahil sa wala akong kakayahan, kundi dahil patuloy akong namuhay sa isang kalagayan ng pagtukoy sa sarili, na palaging gustong umatras. Wala akong pagpapahalaga sa pasanin para sa tungkulin ko, at kapag may lumitaw na mga problema, hindi ako agad lumalapit sa harap ng Diyos para magnilay, at hindi ko sinusuri kung bakit naganap ang mga paglihis at problemang ito, ni hindi ko pinagnilayan kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon. Ang tanging iniisip ko sa araw-araw ay ang sarili kong katayuan at pagpapahalaga sa sarili. Sa ganoong klaseng saloobin, paano ko posibleng maayos na matutupad ang tungkulin ko? Nang mapagtanto ko ito, nakita ko na ang aking banidad, pagpapahalaga sa sarili, at pag-aalala sa katayuan ang pinakamalalaking hadlang sa aking tungkulin.

Kaya, nagsimula akong magnilay, “Bakit sa tuwing nasasangkot ang katayuan at pagpapahalaga sa sarili, hindi ko maiwasang malugmok sa maling kalagayan?” Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kumpara sa mga ordinaryong tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nakapaloob sa kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o ang lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang layong hinahangad nila sa buong buhay nila. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo—at dahil lang dito kaya nila isinasaalang-alang ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Kung kaya’t para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan; ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang makamit ang katotohanan at buhay(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na itinuturing ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan bilang buhay nila mismo, at bilang layon na hinahangad nila sa buong buhay nila. Anuman ang gawin o sabihin nila, ang tanging isinasaalang-alang nila ay ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Ito ang diwa ng isang anticristo. Sa pagbabalik-tanaw, malakas na talaga ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan mula pa noong bata ako, at palagi akong namumuhay ayon sa mga satanikong lason na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Lubos kong pinahalagahan kung paano ako tinitingnan ng iba. Noong nasa ikaapat na baitang ako, pinili ako ng guro ko para sumali sa isang math Olympiad. Pero hindi naging kasingtaas ng sa ibang mga estudyante ang iskor ko, at labis akong napahiya. Pagkatapos niyon, nagdahilan ako at huminto sa pag-aaral. Nakita ng guro ko na hindi naman talaga ganoon kababa ang mga grado ko at naisip niyang sayang kung hihinto ako, kaya sadya siyang pumunta sa bahay ko para hikayatin ako. Saka lang ako bumalik sa pag-aaral. Noong ikapitong baitang, minsan, mali ang sagot ko sa isa sa mga tanong ng guro, at nagtawanan ang buong klase. Labis akong napahiya at hindi na ako bumalik sa paaralan. Matapos kong matagpuan ang Diyos, ganoon pa rin ako. Dahil hindi natugunan ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, namuhay ako sa isang negatibong kalagayan at ginusto kong isuko ang tungkulin ko. Noong superbisor pa ako, maraming pagkukulang ko ang nalantad, at talagang napahiya ako, kaya palagi kong gustong iwasan ang tungkulin ko at hindi ako nagsikap man lang na lutasin ang mga problemang puwede namang malutas. Nagpakatamad ako at naging negatibo sa tungkulin ko, at sa huli, naantala ko ang gawain ng iglesia at natanggal ako. Sa pagkakataong ito, ayaw kong maging superbisor dahil din sa natatakot akong hindi makagawa ng aktuwal na gawain at matanggal na naman, at natakot akong masaktan na naman ang pagpapahalaga ko sa sarili. Para maiwasang maliitin, palagi kong gustong tanggihan ang tungkuling ito. Palagi kong isinasaalang-alang ang aking reputasyon at katayuan, nang hindi iniisip kahit katiting ang gawain ng iglesia. Ako ay talagang makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao! Ang isang taong nagtataglay ng pagkatao, kapag nahaharap sa isang tungkulin, ay walang pakialam kung magdadala man sa kanya ng katanyagan ang tungkuling ito o kung anong mga paghihirap ang maaari niyang harapin. Basta’t ito ay isang bagay na hinihingi ng gawain ng iglesia, aasa sila sa Diyos at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para gawin ang kanilang bahagi. Pero palagi akong nalulugmok sa mga alalahanin para sa reputasyon at katayuan, at sa sandaling makaranas ako ng ilang kabiguan sa tungkulin ko, nalulubog ako sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob. Palagi kong gustong tanggihan at iwasan ang tungkulin ko. Sa bagay na ito, hindi ba’t kinokontra ko ang Diyos? Nakita ko na ang paghahangad ng katayuan at kasikatan ay hahantong lamang sa paglaban ko sa Diyos at pagsalungat sa Kanyang disposisyon, at na sa bagay na ito, tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Kung magpapatuloy ako sa paghahangad ng reputasyon at katayuan, hinding-hindi ko magagampanan nang maayos ang tungkulin ko, at kasusuklaman at ititiwalag lang ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, masyadong abala ang puso ko sa katayuan at kasikatan. Ayoko nang maghimagsik pa laban sa Iyo. Anuman ang kakayahan ko, handa akong gawin ang lahat ng makakaya ko para matupad nang maayos ang tungkulin ko, upang maaliw ang Iyong puso.”

Sa paghahanap ko, natuklasan kong palagi pala akong nagtatago ng maling pananaw. Inakala ko na para maging isang superbisor, kailangang magtaglay ng mahusay na kakayahan at maging mahusay sa paggawa; kung hindi, hindi kalipikado ang isang tao na maging superbisor. Pero hindi ko kailanman hinanap kung tama ba talaga ang pananaw kong ito. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng kabuuang gawain ng sambahayan ng Diyos, siyempre, kung mayroong mas maraming tao na may mahusay na kakayahan, magiging mas madali nga ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, may isang kondisyon: sa sambahayan ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang sarili Niyang gawain, at hindi gumagampan ang mga tao ng isang mapagpasyang papel. Samakatwid, kung mahusay, katamtaman, o mahina man ang kakayahan ng mga tao ay hindi nagtatakda sa mga resulta ng gawain ng Diyos. Ang pinakahuling mga resulta na makakamit ay isinasakatuparan ng Diyos. Ang lahat ay pinapangunahan ng Diyos; ang lahat ay ang gawa ng Banal na Espiritu(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). “Mataas man o mababa ang kakayahan mo at gaano man karami ang talento mo, kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, kahit saang posisyon ka ilagay, hindi ka magiging angkop na gamitin. Sa kabaligtaran, kung limitado ang iyong kakayahan at mga abilidad, pero nauunawaan mo ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, kabilang na ang mga katotohanang prinsipyong dapat mong maunawaan at maarok sa loob ng saklaw ng gawain mo, at nalutas na ang iyong mga tiwaling disposisyon, ikaw ay magiging isang tao na naaangkop na gamitin(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). “Ang abilidad ng isang tao na gampanan nang mahusay ang kanyang tungkulin ay hindi lamang nakasalalay sa kanyang kakayahan, kundi pangunahin sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin, sa kanyang karakter, kung mabuti o masama ang kanyang pagkatao, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Ito ang mga ugat na isyu. Kung ang iyong puso ay nasa iyong tungkulin, kung ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya at kumikilos ka nang buong-puso, kung may seryoso at masinop kang saloobin sa pagganap sa iyong tungkulin, kung masigasig at masikap ka; ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos, at sinisiyasat ng Diyos ang lahat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na hindi nakaayon sa katotohanan ang pananaw ko kahit kaunti, na anumang gawain sa sambahayan ng Diyos ay ginagawa mismo ng Diyos, at hindi kakayahan ng isang tao ang nagtatakda ng lahat. Kung magagampanan ba natin nang maayos ang ating tungkulin ay pangunahing nakadepende sa ating saloobin sa tungkulin, kung mayroon ba tayong maingat at responsableng puso, at kung kaya ba nating kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may mga kaloob at kakayahan ang isang tao, pero wala siyang pagpapahalaga sa pasanin o responsabilidad sa kanyang tungkulin, at kapag tinutukoy ng mga kapatid ang kanyang mga problema, tumatanggi siyang tanggapin ang mga ito at hindi pinagninilayan o sinusuri ang mga ito, kung gayon kahit na may mga kaloob at kakayahan siya, hindi niya magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, at hindi siya pagpapalain o gagabayan ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung karaniwan ang kakayahan ng isang tao ngunit nasa tamang lugar ang kanyang puso, at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang masigasig at responsable, at kapag tinutukoy ng mga kapatid ang kanyang mga paglihis at pagkukulang ay kaya niyang tanggapin at itama ang mga bagay na ito, kung gayon ay makakamit pa rin niya ang ilang resulta sa kanyang tungkulin. Naisip ko ang isang sister na dati kong kilala. Karaniwan lang ang kakayahan niya, pero pagkatapos mahalal bilang isang lider, nagkaroon siya ng pagpapahalaga sa pasanin sa kanyang tungkulin, ginawa niya ang kanyang gawain nang masigasig at praktikal, at nakamit niya ang medyo magagandang resulta sa kanyang tungkulin, at kalaunan, iniangat siya para humawak ng mas malaking gawain. Mayroon ding isang sister na nakipagtulungan sa akin noon, na may mahusay na kakayahan, pero nang tukuyin ng lider ang mga problema at paglihis sa kanyang gawain, hindi lang niya tinanggihan na tanggapin ang mga iyon kundi nangatwiran pa siya at tumangging magpasakop. Bilang resulta, nawala sa kanya ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi niya nakilatis ang anumang problema, at walang nakamit na mga resulta sa kanyang tungkulin, at sa huli, natanggal siya. Mula sa mga katunayang ito, nakita ko na kung magagampanan ba nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin ay hindi lang talaga sa kakayahan niya nakasalalay, at na ang susi ay nasa kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, at sa saloobin niya sa kanyang tungkulin.

Kalaunan ay nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sapat na ang kakayahan, mga kaloob, at mga talentong ibinigay sa iyo ng Diyos—sadyang hindi ka lang kontento, hindi tapat sa tungkulin mo, hindi mo alam kung saan lulugar, gusto mo laging magsabi ng mga ideyang matatayog pakinggan at magpakitang-gilas, sa huli ay nagiging palpak ang iyong mga tungkulin. Hindi mo pa nagagamit ang kakayahan, mga kaloob, at talentong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, hindi ka pa nagsikap nang husto, at hindi ka nagkamit ng anumang mga resulta. Bagaman napakaabala mo, sinasabi ng Diyos na para kang hangal, hindi isang taong marunong lumugar at nakatuon sa mga wastong gampanin niya. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao Samakatwid, anuman ang iyong mga plano at layon, kung sa huli ay hindi mo gagawin ang tungkulin mo nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos nang buong puso mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo, batay sa likas na kakayahan, mga kaloob, mga talento, mga abilidad, at iba pang mga kondisyon na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, kung gayon, hindi tatandaan ng Diyos kung ano ang ginawa mo, at hindi mo gagawin ang tungkulin mo, kundi sa halip, ang gagawin mo ay kasamaan(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). “Una, gamitin nang husto ang likas at umiiral na mga kaloob, abilidad, at kalakasan na ibinigay ng Diyos sa iyo, pati na ang mga teknikal o propesyonal na kasanayan na nagagawa mong matamo at makamit, at huwag kang magpigil. Kung napalugod mo ang Diyos sa usapin ng lahat ng bagay na ito at nadarama mo na kaya mo pa ring maabot ang mas matatayog na antas, tingnan mo kung aling mga teknikal o propesyonal na kasanayan ang kaya mong mapabuti o magawan ng panibagong tagumpay, sa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng kakayahan mo. Maaari kang patuloy na matuto at bumuti batay sa kaya mong matamo gamit ang sarili mong kakayahan. … kung nagagawa mo ang iyong tungkulin nang buong puso, buong lakas, at buong isipan, sa abot ng iyong makakaya, at mayroon kang taos na puso, kung gayon, ikaw ay kasinghalaga ng ginto sa harap ng Diyos. Kung hindi mo kayang magbayad ng halaga at wala kang katapatan sa paggawa ng iyong tungkulin, kahit na ang iyong mga likas na kondisyon ay mas mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao, hindi ka mahalaga sa harap ng Diyos, ni hindi ka kasinghalaga ng isang butil ng buhangin(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Ipinabatid sa akin ng mga salita ng Diyos na anuman ang kakayahan na mayroon ang isang tao, basta’t ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa abot ng kanyang makakaya, nang buong lakas at isip, at mayroon siyang mataos na puso, ang gayong tao ay mas mahalaga pa kaysa ginto sa mga mata ng Diyos. Ang kakayahang ibinigay sa akin ng Diyos ay sapat na talaga, at kaya ko ring maarok ang ilang prinsipyo tungkol sa gawaing nakabatay sa teksto, at karaniwan, hindi naman sa wala akong landas kapag sinusubaybayan ko ang gawain. Ang isyu ay iyong hindi ko nagawang harapin nang wasto ang mga pagkukulang ko, palagi kong ikinukumpara ang sarili ko sa mga may mas mahusay na kakayahan at mga kaloob, at hindi ko kailanman itinuon ang puso ko sa kung paano magampanan nang maayos ang tungkulin ko. Ngayong ginagampanan ko na uli ang tungkulin ng isang superbisor, lubos kong pahahalagahan ang tungkuling ito at gagawin ko ito nang buong puso at isip. Hindi ko na ito maaaring tratuhin nang may pagkanegatibo.

Dahil nagbago na ang saloobin ko, sa sumunod na paggawa ko ng aking tungkulin, nanalangin ako sa Diyos na panatilihing kalmado ang puso ko sa harap Niya. Kapag maingat kong sinusuri ang mga sermon, nakahahanap ako ng ilang problema, at nakakukuha ako ng ilang pakinabang sa pag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan kasama ang aking mga kapatid. Kapag may lumitaw na mga paglihis at problema sa gawain, na naglalantad sa marami kong pagkukulang, napapahiya pa rin ako at medyo nagiging negatibo, at naiisip ko pa ngang umatras, at sa mga ganoong pagkakataon, iniisip ko ang mga nakaraan kong kabiguan. Dati, palagi akong nalulugmok sa mga alalahanin para sa katayuan at pagpapahalaga sa sarili, at kapag may lumilitaw na mga problema hindi ako aktibong nagsusuri ng mga paglihis at pagkukulang, palaging nagiging negatibo at umaatras, at bilang resulta, nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu. Ayoko nang mahulog muli sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong makalabas sa pagkanegatibo. Kasabay nito, ipinagtapat ko rin ang aking kalagayan sa mga lider at sa aking mga kapatid, at lahat sila ay nakipagbahaginan sa akin at pinalakas ang loob ko. Tinulungan at sinuportahan din ako ng mga lider, tinutukoy ang mga problema sa kung paano ko ginagawa ang aking tungkulin. Pinagnilayan ko kung paano nagsimula ang mga problemang ito, at natuklasan kong ang ilan ay sanhi ng aking pabayang saloobin, at ang ilan naman ay lumitaw dahil hindi ko naarok ang mga prinsipyo, kaya sinuri at iwinasto ko ang mga problemang ito. Kung minsan, kapag napakaraming bagay na dapat kong asikasuhin, susulatan ako ng mga lider at tutulungan akong matutunang alamin kung ano ang dapat unahin, at matapos isaayos nang makatwiran ang aking oras sa ganitong paraan, nagampanan ko nang normal ang aking tungkulin. Pagkaraan ng ilang panahon, medyo bumuti rin ang mga resulta sa gawaing nakabatay sa teksto. Ngayon, mahigit kalahating taon na akong superbisor, at bagama’t marami akong pagkukulang at kakulangan, at marami pa ring problema sa gawain, sa pamamagitan ng naranasan ko sa pagkakataong ito, tunay kong nararamdaman na ang gawain sa sambahayan ng Diyos ay pinananatili ng Banal na Espiritu. Kapag binibitawan ko ang mga personal na interes at ginagampanan ko ang aking tungkulin nang masigasig, natatanggap ko ang gawain at patnubay ng Banal na Espiritu, at nakakamit ko rin ang ilang resulta sa aking tungkulin. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 38. Nang Mabalitaan Kong Kritikal ang Kalagayan ni Mama

Sumunod: 43. Ang Natutuhan Ko Mula sa Paglilinang sa Iba

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito