40. Hindi Ako Nagsisisi na Hindi Ako Kumuha ng Entrance Exam sa Graduate School
Mula noong bata pa ako, tinuruan na ako ng mga magulang ko tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral nang mabuti, sinasabing makakukuha lang ako ng magandang trabaho kapag nakakuha ako ng magandang degree, at sa gayon lang ako makapamumuhay sa buong buhay ko nang hindi namomroblema sa pagkain at damit at titingalain ako ng iba. Madalas na ginagawang halimbawa ng tatay ko ang sarili niya, sinasabing siya ang unang nakapasok sa unibersidad sa nayon nila, na nagbigay-daan para makaalis siya sa nayon at makapunta sa lungsod. Ngayon ay nakaupo na siya sa isang opisinang naka-aircon, umiinom ng tsaa, kumikita ng malaking suweldo, at nagtatamasa ng magagandang benepisyo. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa degree niya. Kalaunan, nanampalataya sa Diyos ang nanay ko. Madalas niya akong kuwentuhan ng mga istorya sa Bibliya at pinababasa sa akin ang mga salita ng Diyos. Nalaman kong palaging nasa tabi natin ang Diyos, binabantayan at pinangangalagaan tayo, at nagpapahayag Siya ngayon ng katotohanan upang iligtas tayo. Masayang-masaya ako at handa akong manampalataya sa Diyos. Ibinahagi sa akin ng nanay ko na ang pananampalataya sa Diyos ang pinakamahalagang bagay sa buhay, at dapat ko itong seryosohin. Pero hindi ko maintindihan, at mas sang-ayon ako sa pananaw ng tatay ko na “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito.” Naniwala akong sa pamamagitan lang ng pagkuha ng mas mataas na degree ako magkakaroon ng magandang buhay, mamumukod-tangi sa madla, at kaiinggitan at titingalain: Pag-aaral ang pinakamahalagang bagay sa buhay ko. Ang plano ko sa buhay ay ang makapasok sa unibersidad, pagkatapos ay mag-aral para sa master’s, doctorate, at post-doc, at sa huli ay maging isang propesor, sa gayon ay ako ang magiging pinakakatangi-tangi na tao sa mga kamag-anak at kaibigan ko, at isang huwaran para sa mga anak nila. Pagkatapos ay makapagbibigay-dangal ako sa pamilya ko at mamumuhay ako nang walang pagsisisihan. Mula elementarya, halos tuwing umaga ay gumigising ako sa tunog ng mga English tape, at kapag bakasyon, hindi ako kailanman pinapayagan ng tatay ko na lumabas para maglaro. In-enroll niya rin ako sa tutoring classes tuwing Sabado at Linggo at kapag bakasyon sa taglamig at tag-init. Kahit na pagod na pagod ako, pakiramdam ko ay ito ang dapat kong gawin at sa tuwing gumagawa ako ng isang bagay na nakaaantala sa pag-aaral ko, nakokonsensiya ako.
Para maipasok ako sa mas magandang unibersidad, gumastos nang malaki ang tatay ko para ilipat ako mula sa high school ko sa bayan patungo sa isa sa kabisera ng probinsiya. Sa paaralang ito, kapag nakapasok ka sa listahan ng dalawandaang nangunguna sa paaralan sa mga direct admission exam bawat semestre, puwede kang direktang matanggap sa mga nangungunang unibersidad gaya ng Tsinghua, Peking, at Tongji. Pero hindi madaling makapasok sa paaralang ito; kailangan mong pumasa sa entrance exam. Para makapasok ako sa paaralang ito nang walang aberya, gumastos na naman nang malaki ang tatay ko para i-enroll ako sa one-on-one na pagtu-tutor. May mga klase ako mula sa pagmulat ng mga mata ko sa umaga hanggang sa pagtulog ko sa gabi. Napapanaginipan ko pa ngang binabagsakan ako ng mga formula at letra. Pakiramdam ko ay nasisikil ako at walang magawa, pero ang kaya ko lang gawin para ilabas ang damdamin ko ay umiyak at pagkatapos ay patuloy na sumulong. Sa huli, nakapasok ako sa paaralang iyon, gaya ng gusto ko. Pagkalipat ko, nakita kong talagang matindi ang kompetisyon ng mga estudyante sa paaralang ito. Nagsusumikap ang lahat na makapasok sa listahan ng dalawandaang nangunguna para makasiguro ng puwesto para sa direct admission. Sa ganitong kapaligiran, nakadama ako ng matinding presyur at hindi ako nangahas na magrelaks kahit kaunti. Nagpupuyat ako sa pag-aaral gabi-gabi, hindi nangangahas na matulog bago mag-ala-una o ala-dos ng madaling-araw, at ang tanghaliin nang kaunti ng gising kapag Sabado at Linggo ay parang isang kasalanan. Madalas kong naiisip: Matatapos pa kaya ang nakapapagod na mga araw na ito? Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung hindi ako magsusumikap ngayon at hindi ako makapapasok sa magandang unibersidad, at hahamakin ako sa huli dahil hindi ako nakapasok, mas lalo ko iyong pagsisisihan. Kapag nakapasok na ako sa isang magandang unibersidad, magiging maayos na ang lahat.” Nabuhayan ako ng loob nang maisip ko ito. Pero sa gulat ko, sa isang ordinaryong kolehiyo lang ako nakapasok. Dismayadong-dismayado ako. Partikular akong hiyang-hiya noong nakasalubong ko ang ilang kaklase sa kolehiyong ito na sa bayan lang namin nag-aral at mas mababa ang mga grado kaysa sa akin. “Lumipat pa mandin ako sa magandang hayskul para lang makapasok sa isang magandang unibersidad, pero sa huli, hindi rin ako nakapasok. Malamang ay pinagtatawanan nila ako, sinasabing hanggang dito lang pala ako, at wala naman pala akong ipinagkaiba sa kanila, hindi ba?” Kaya, nagtakda ako ng bagong layon sa buhay: “Hindi man ako nakapasok sa nangungunang unibersidad para sa bachelor’s ko, sisiguruhin kong sa isang nangungunang unibersidad ako papasok para sa master’s ko! Kapag may mas mataas na akong degree, kikilalanin ako ng lahat ng kaibigan at kamag-anak ko. Napakalaking karangalan niyon!” Napuno ako ng motibasyon nang maisip ko iyon. Pagkatapos niyon, sa tuwing may oras ako, pumupunta ako sa silid-aklatan para mag-aral. Nang magkaroon ng mga tutoring class sa eskuwelahan para sa entrance exam sa graduate school, maaga rin akong nagpatala. Noong panahong iyon, dumadalo ako sa mga pagtitipon dalawang beses sa isang linggo. May natututuhan ako sa bawat pagtitipon, at gusto ko rin ang pagdalo. Ang isang sister na kasama kong dumadalo sa mga pagtitipon ay junior schoolmate ko. May matindi siyang pasanin sa tungkulin niya at nahalal pa nga bilang lider ng iglesia. Ginamit niya ang oras niya hangga’t maaari para sa mga pagtitipon at sa tungkulin niya, pero hindi ko magawa. Pakiramdam ko kasi, pag-aaral ang pinakamahalagang bagay sa buhay, kaya inilaan ko ang mas malaking bahagi ng libreng oras ko sa paghahanda para sa entrance exam sa graduate school. Kalaunan, nahalal ako bilang diyakono ng pagdidilig, at nadagdagan din nang kaunti ang bilang ng mga pagtitipong dinadaluhan ko bawat linggo. Masigasig kong tinapos ang bawat tungkuling isinaayos ng lider para sa akin. Gayumpaman, dahil pumapasok pa rin ako sa mga prep class para sa entrance exam sa graduate school, nabawasan ang oras ko para sa tungkulin. Sa mga pagtitipon, kapag may mga problema ang mga kapatid, gusto kong makipagbahaginan para malutas agad ang mga iyon nang sa gayon ay makapagtipid ako ng oras para makapaghanda sa exam. Minsan, kapag patapos na ang pagtitipon, nakikita kong gusto pang ituloy ng mga kapatid ang pagbabahaginan, at gusto ko rin namang makipagtipon nang mas matagal, pero naaalala kong napag-iwanan na ako sa pag-aaral ko para sa araw na iyon, at kung itutuloy ko ang pakikipagtipon, lalo pa akong mapag-iiwanan at makaaapekto ito sa pagpasa ko sa exam, kaya naghahanap ako ng dahilan para makaalis. Pagkatapos, sa puso ko ay sinisisi ko ang sarili ko, pero naiisip ko kung paano ako hahamakin ng iba kapag bumagsak ako sa entrance exam sa graduate school, kaya sinusupil ko ang paninisi sa aking sarili.
Noong Agosto 26, 2016, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Nang ianunsiyo ang resultang ito, magkahalong saya at pag-aalala ang nasa puso ko. Masaya ako dahil ang pagkahalal bilang lider ng iglesia ay nangangahulugang magkakaroon ako ng mas maraming pagkakataong magsanay. Nag-aalala naman ako dahil sa huling anim na buwan ng taon, nasa ikaapat na taon na ako sa unibersidad, at malapit na ang pambansang entrance exam sa graduate school. Maraming taon akong nag-aral nang mabuti para sa exam na ito, at ang huling ilang buwang ito ang kritikal na panahon para sa paghahanda. Kung hindi ako papasa, matatawag akong “failed candidate” o “repeater.” Nakahihiya iyon! Isa pa, ang pagpasok sa graduate school ay isang mahalagang hakbang para makamit ko ang maningning kong layon sa buhay. Kung hindi man lang ako makapapasok sa graduate school, paano pa ako makakukuha ng mas mataas na degree? Para saan pa ang pagpupuyat at pag-aaral ko nang mabuti sa loob ng lahat ng taon na ito? Hindi ba’t para makakuha ng mas mataas na degree? Kung tatanggapin ko ang tungkulin bilang lider ng iglesia sa panahong ito, kakailanganin kong lumahok sa mas maraming gawain ng iglesia, at mawawalan ako ng oras o lakas para maghanda sa entrance exam sa graduate school. Masasabing isinusuko ko na ang kinabukasan ko, at habambuhay kong dadalhin ang titulong “undergraduate” bilang resulta. Ngayon, nagkalat na ang mga graduate ng unibersidad. Wala akong magiging kalamangan sa paghahanap ng trabaho. Kung hindi ako makahahanap ng magandang trabaho, paano ako mamumukod-tangi at makapagbibigay-dangal sa pamilya ko? Ayokong hamakin ako habambuhay, kaya ipinahayag ko na ayaw kong maging lider. Matapos marinig ang mga alalahanin ko, binasahan ako ng mangangaral ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, na umantig sa puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung ikaw ay isang tao na isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na pinapasan mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para sa buhay pagpasok—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, dapat kayong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ibunyag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa di-mabilang na tao bago kayo maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalampas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na paggigiyagis. Kapag naibunyag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa di-mabilang na tao, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na paggigiyagis. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. May ilang tao na ang tanging layunin ay tuparin ang mga salitang ito. Handa ka bang isakripisyo ang sarili mo para sa mga salitang ito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos Para Makamit ang Pagiging Perpekto). Nang basahin ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong ngayon ang kritikal na panahon kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, at ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nila ng kanilang tungkulin. Bilang isang lider, makasasalamuha ko ang mas maraming kapatid at makahaharap ang mas maraming problema. Ang mga problemang ito ay kailangang lutasin lahat sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan, at habang mas marami akong problemang nalulutas, mas maraming katotohanan ang mauunawaan ko. Sa proseso ng paggawa ng tungkulin ko, magbubunyag ako ng maraming tiwaling disposisyon. Sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan, maiwawasto ang mga maling perspektiba sa likod ng paghahangad ko, at unti-unting malulutas ang aking mga tiwaling disposisyon. Ang prosesong ito ay proseso rin ng paglilinis. Kung hindi gagawa ng tungkulin, hindi mo makakamit ang katotohanan, at mawawalan ka rin ng pagkakataong malinis at magtamo ng kaligtasan. Napagtanto kong kung hindi ko sasamantalahin ang pagkakataong ito, at pagdating ng panahong natapos na ang gawain ng Diyos ay hindi ko pa nasasangkapan ang sarili ko ng maraming katotohanan, at hindi pa nagbabago ang tiwali kong disposisyon, sa huli ay mawawasak ako, at huli na ang lahat para magsisi sa panahong iyon. Naisip ko kung paanong sa panahong ito, sa pamamagitan ng pagsasangkap sa sarili ko ng mga katotohanan tungkol sa mga pangitain habang ginagawa ang aking tungkulin, naunawaan ko ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos, ang kabuluhan ng gawain ng paghatol ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkakilala sa gawain ng Diyos. Isa pa, kapag may mga nangyayari sa akin dati, hindi ko alam kung paano pagnilayan ang sarili ko. Lagi kong iniisip na mabuti ang pagkatao ko, at na matapat at mabait ako. Pero sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos at pagbubunyag ng mga katunayan, sa wakas ay nakita kong may mga lihim akong motibo sa pagbabayad ng halaga at paggugol ng sarili, na sinusubukan kong makipagtawaran sa Diyos, at na hindi pala talaga ako isang matapat na tao. Kung hindi ako gumawa ng tungkulin, hindi ko kailanman makakamit ang pagkakilalang ito o matatamo ang mga pakinabang na ito. Noong araw na iyon, nahalal ako bilang lider, at umaasa ang Diyos na mauunawaan ko ang mas maraming katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng aking tungkulin. Nais akong iligtas ng Diyos, pero hindi ko alam ang nakabubuti sa akin. Isinaalang-alang ko lang kung titingalain ba ako ng iba sa hinaharap, at kung mamumukod-tangi ba ako sa madla at makapagbibigay-dangal sa pamilya ko. Gusto kong tanggihan ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos para maperpekto. Talagang napakakitid ng pananaw, napakahangal, at napakamangmang ko! Naalala ko na sa panahong iyon na ginagawa ko ang tungkulin ng pagdidilig, umaasa ang mga kapatid para sa mas maraming pagtitipon at pagbabahaginan, pero ang iniisip ko lang ay ang magmadaling bumalik para maghanda sa mga exam ko, at hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Talagang napakamakasarili ko at walang pagkatao!
Lagi akong naniniwala na ang pagkakaroon ng mataas na pinag-aralan at mas mataas na degree ay gagarantiya sa akin ng magandang kinabukasan at komportableng buhay. Pero mapapanindigan ba talaga ang pananaw na ito? Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Pinipili ng ilang tao ang isang magandang kurso sa kolehiyo at sa huli ay nakakahanap ng kasiya-siyang na trabaho pagkatapos gumradweyt; masasabing nagkakaroon sila ng magandang simula sa landas ng buhay. Natututo at nagiging dalubhasa ang iba sa maraming iba’t ibang kasanayan subalit hindi kailanman nakakahanap ng trabahong angkop sa kanila o ng posisyon para sa kanila, lang hindi sila nakakabuo ng sarili nilang karera; masasabing ang unang hakbang ng mga taong ito sa buhay ay minarkahan ng mga kabiguan at pagsubok, mapanglaw ang kanilang kinabukasan at walang katiyakan ang kanilang buhay. Ang ilan naman ay masigasig na nag-aaral, ngunit palaging napapalagpas ang bawat pagkakataon na makatanggap ng mas mataas na edukasyon; tila tiyak na nakatakdang mabigo sila at hindi kailanman magtatagumpay—masasabing ang pinakauna nilang mga inaasam sa landas ng buhay ay naglahong parang usok. Dahil hindi alam kung ang daan sa hinaharap ay makinis o mabato, nararamdaman nila sa unang pagkakataon kung gaano hindi mahuhulaan ang tadhana ng tao, at sa gayon ay hinaharap nila ang buhay nang may halong pagkasindak at pag-asam. Ang iba ay hindi gaanong nakapag-aral, ngunit nakakasulat sila ng mga aklat, nagkakamit ng kaunting kasikatan. At ang iba naman ay halos ganap na hindi marunong magbasa at magsulat, ngunit kumikita sa pagnenegosyo at sa gayon ay kayang suportahan ang kanilang sarili. … Kung anong trabaho ang pipiliin ng isang tao, paano siya kumikita para mabuhay, kung ang mga pagpiling ginagawa niya ay mabuti o masama—mayroon bang anumang pagpipilian ang mga tao sa mga bagay na ito? Nakabatay ba ang mga ito sa mga pagnanais at desisyon ng mga tao? Karamihan sa mga tao ay nagnanais na magtrabaho nang kaunti at kumita nang malaki, na hindi magpakapagod sa ilalim ng araw at ulan, na manamit nang kagalang-galang, na maging kahanga-hanga saanman sila magpunta, na manguna, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Mayroong gayong ‘perpektong’ mga kahilingan ang mga tao, ngunit kapag ginawa na nila ang kanilang unang hakbang sa landas ng buhay, unti-unti nilang nakikita kung gaano ka-di-perpekto ang tadhana ng tao, at tunay na napagtatanto sa unang pagkakataon na, bagama’t maaaring gumawa ang isang tao ng matatapang na plano para sa kanyang kinabukasan at walang pakundangang magtaglay ng lahat ng uri ng pangarap, walang sinuman ang may abilidad o kapangyarihan na isakatuparan ang sarili niyang mga pangarap, ni ang abilidad na kontrolin ang sarili niyang kinabukasan. Palaging magkakaroon ng agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at ng mga realidad na kinakaharap niya; hindi kailanman magiging ayon sa inilalarawan ng isang tao sa isip ang mga bagay-bagay, at sa harap ng gayong mga realidad, hindi kailanman makakahanap ng kasiyahan o pagkakontento ang mga tao. Mayroon pa ngang ilang tao na paulit-ulit na sumusubok na makaisip ng lahat ng uri ng pamamaraan at tumutuklas ng bawat posibleng daluyan, at gumagawa ng lahat ng uri ng pagsisikap at sakripisyo, para sa kapakanan ng kanilang mga kabuhayan at kinabukasan, at para sa kapakanan ng pagbabago ng kanilang mga kapalaran. Ngunit sa huli, kahit na maisakatuparan nila ang kanilang mga pangarap at pagnanais sa pamamagitan ng sarili nilang pagsusumikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man sila magpunyagi, hindi nila kailanman malalampasan ang kanilang mga tadhana. Anuman ang pagkakaiba sa kanilang mga abilidad at talino, at mayroon man silang determinasyon o wala, ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap ng kapalaran, kung saan hindi sila pinag-iiba sa pagitan ng dakila at hamak, mataas at mababa, marangal at masama. Kung anong trabaho ang ginagawa ng isang tao, kung ano ang ginagawa niya para mabuhay, at kung gaano karaming yaman ang mayroon siya sa buhay ay hindi nakasalalay sa kanyang mga magulang, sa kanyang mga talento, o sa kanyang mga pagsisikap at ambisyon—ito ay nakasalalay sa paunang pag-orden ng Lumikha” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Pagkatapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, napagtanto kong ang uri ng kinabukasan at tadhana ng isang tao ay hindi nakadepende sa kung ano ang major nila o kung anong degree mayroon sila, kundi sa paunang pag-orden ng Diyos. Tiningnan ko ang mga tao sa paligid ko. Marami ang nag-aral nang mabuti at nakakuha ng mas matataas na degree, pero sa huli ay hindi sila nakahanap ng magagandang trabaho. Ang ilan sa mga schoolmate ko ay mababa ang mga grado, pero noong gumradweyt sila, nagkataong sinuwerte sila sa mga reporma sa patakaran at napunta sa magagandang employer. Ang iba pang schoolmate ay nakapasok sa graduate school, pero sa huli, pareho lang ang naging trabaho nila sa mga may associate degree. Isa pa, kung makapapasok ka sa magandang paaralan ay hindi nakadepende sa desisyon mo. Tingnan ninyo ako. Para makapasok sa isang magandang unibersidad, sadya akong lumipat sa magandang hayskul at nagsunog ng kilay sa pag-aaral araw-araw. Akala ko, sa matinding pagsisikap, makapapasok ako sa nangungunang unibersidad, at simula roon, mamumukod-tangi ako sa madla at makapagbibigay-dangal sa pamilya ko. Pero hindi ko inaasahan na sa huli, sa isang ordinaryong kolehiyo lang ako makapapasok. Ganoon din ngayon. Kung itinadhana akong makapasok sa top graduate school, makapapasok ako. Kung hindi ako itinadhana, kahit gaano pa ako magsumikap, hindi ako papasa sa exam. Ang tanging magagawa ko ay magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at danasin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagpapaubaya sa takbo ng mga ito habang ginagawa nang maayos ang tungkulin ko. Nang maisip ko ito, gumaan ang loob ko, at tinanggap ko ang tungkulin bilang isang lider. Pagkatapos maging lider, nakita ko na ang lahat ng bagay sa iglesia, malaki man o maliit, ay kailangang lutasin nang maingat. Maikling panahon pa lang akong nagsasanay at hindi ko pa arok ang mga prinsipyo, at hindi ko alam kung paano pangasiwaan ang maraming bagay. Kaya, kailangan kong magsikap na hanapin ang mga prinsipyo at makipagbahaginan sa mga kapatid. Wala na talaga akong oras o lakas para mag-aral ng mga kaalaman. Kasabay nito, lalo kong naramdaman na ang pagsasaulo ng kaalaman sa teksbuk ay nakababagot at nakauumay, at na walang praktikal na silbi ang kaalamang ito. Lagi kong kailangang pilitin ang sarili ko na sauluhin ang mga bagay na iyon. Pero iba ang paggawa ng tungkulin ko. Ang paggawa ng tungkulin ko ay nakapagbibigay sa akin ng mga praktikal na pakinabang, at napupuno ng galak ang puso ko. Halimbawa, sa pagpapatupad ng gawain ng pag-aalis sa iglesia, kailangan kong hanapin ang katotohanan sa aspekto ng pagkilatis at iugnay ito sa mga ipinamamalas ng mga tao, na nakapagpapahusay sa abilidad kong kumilatis. Madalas din akong makaranas ng mga paghihirap sa paggawa ng gawain ng iglesia. Bumabaling ako sa Diyos para magdasal at maghanap, at tumatanggap ako ng kaliwanagan at gabay ng Diyos. Lumago rin ang pananalig ko sa Diyos. Kahit na hindi ko nakita ang Diyos gamit ang sarili kong mga mata gaya ni Job, nararamdaman kong nasa tabi ko ang Diyos sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, at Siya ang tanging sandigan ko. Panatag na panatag ang puso ko, at ang pakiramdam na iyon ng kasiyahan sa puso ko ay isang bagay na hindi makukuha sa pag-aaral ng kaalaman. Pero sa tuwing bumabalik ako sa unibersidad at nakikita kong abala ang lahat ng kaklase ko sa paghahanda para sa entrance exam sa graduate school, at naririnig ko rin ang mga guro, estudyante, at mga magulang na nag-uusap tungkol sa entrance exam sa graduate school, habang abala naman ako sa gawain ng iglesia at pabawas nang pabawas ang oras ko para maghanda sa exam, nag-aalala ako kung ano ang iisipin nila sa akin. Iisipin kaya nilang hindi ako nagsisikap sa pag-aaral ko at hindi ko inaasikaso ang wasto kong gawain? Pagkatapos, naisip ko kung paanong bata pa lang ako ay nagsisikap na ako nang mabuti para makakuha ng mas mataas na degree. Susuko na lang ba ako nang basta-basta? Kung ganoon ay hinding-hindi na ako magkakaroon ng pagkakataong mamukod-tangi sa madla. Habang iniisip ang mga bagay na ito, hindi pa rin makabitiw ang puso ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, walang tigil akong naghahangad ng mas mataas na degree, at sa puso ko ay gusto ko pa ring kumuha ng entrance exam sa graduate school. Hindi ko ito tuluyang mabitiwan. Gabayan Mo sana akong maunawaan ang katotohanan para hindi ako maapektuhan ng usapin ng entrance exam sa graduate school at magawa ko nang maayos ang tungkulin ko.”
Pagkatapos magdasal, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na may kinalaman sa kasikatan at pakinabang. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa proseso ng pagkuha ng mga tao ng kaalaman, sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng uri ng pamamaraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na tugunan ang kanilang mga pagnanais o adhikain, anong daan ba talaga nais akayin ni Satanas ang mga tao? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na likas at may katwiran. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtatag ng matatayog na adhikain o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga motibasyon, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Kung maisasakatuparan ng isang tao ang sarili niyang mga adhikain, o makapagtatatag ng isang matagumpay na propesyon sa kanyang buhay, hindi ba’t mas maluwalhati iyon na pamumuhay? Sa ganitong paraan, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno kundi magkakaroon din siya ng pagkakataon na mag-iwan ng bakas para sa darating na mga henerasyon—hindi ba’t mabuting bagay ito? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayumpaman, nang may mga masasamang motibo, ay umaakay sa mga tao pababa sa gayong daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay masaya at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman nalalaman na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging sa magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon? Ang ilang tao ay magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay hanggang sa pagbabasa lamang ng mga aklat at pagkatuto ng ilang bagay na hindi mo pa alam upang hindi mahuli sa panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay ng pagkain sa iyong hapag, para sa iyong sariling kinabukasan, o para matustusan ang pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagtitiis sa mga paghihirap na ito ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa kasikatan at pakinabang. Ang kasikatan at pakinabang ay naghihintay para sa kanila sa di-kalayuan, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang sila makakatahak sa daan na magdadala sa kanila sa kasikatan at pakinabang, sa gayon ay magkakamit ng mga bagay na ito. Ang gayong tao ay dapat magdusa ng mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling landas sa hinaharap, para sa kanilang pagtamasa sa hinaharap at upang magkamit ng mas magandang buhay. … Ang mga ideya at pahayag na ito ay nakakaimpluwensiya sa sali’t salinlahi; maraming tao ang tumatanggap sa mga ideyang ito, at sila ay naghahangad, nakikibaka, at handa pa ngang isakripisyo ang kanilang buhay para tuparin ang ‘matatayog na adhikain’ na ito. Ito ang kaparaanan at metodo kung saan ginagamit ni Satanas ang kaalaman para gawing tiwali ang mga tao. Kaya matapos akayin ni Satanas ang mga tao sa landas na ito, nagagawa ba nilang magpasakop at sambahin ang Diyos? At nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at hangarin ang katotohanan? Talagang hindi—dahil nailigaw na sila ni Satanas. Isaalang-alang natin ito ngayon: Sa loob ng kaalaman, mga ideya, at pananaw na ikinintal ni Satanas sa mga tao, naroon ba ang mga katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos at pagsamba sa Diyos? Naroon ba ang mga katotohanan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Naroon ba ang anuman sa mga salita ng Diyos? Mayroon bang anuman sa mga iyon na sa katotohanan? Wala talaga—walang-wala ang mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba’t lubos na kamuhi-muhi ang mga lihim na mapanirang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na kung walang kasikatan at pakinabang, mawawalan ng kabuluhan ang buhay, at hindi na makikita ng mga tao ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Kapag ninais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI).
Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto kong sa panlabas, walang masama sa paghahangad ng kaalaman, pero sa likod nito ay naroon ang masasamang intensyon ni Satanas. Nilikha ng Diyos ang tao. Ganap na likas at may katwiran para sa mga tao na manampalataya at sumamba sa Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin; ang mga ito ay mga positibong bagay. Pero si Satanas, para makipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, ay gumagamit ng kaalaman para iligaw sila, inaakay sila sa landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, itinutulak ang mga tao na ituring ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang bilang isang positibong bagay, nang sa gayon ay gugulin nila ang lahat ng oras at lakas nila para sa kasikatan at pakinabang, at mawala na sa isip nilang gawin ang mga tungkulin nila o sumamba sa Diyos, kaya naman napapalayo sila sa Diyos, ipinagkakanulo ang Diyos, at sa huli ay nilalamon ni Satanas. Naalala ko kung paanong mula noong bata pa ako, tinanggap ko na ang pananaw na itinanim sa akin ng tatay ko, na “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito.” Naniwala akong para hindi hamakin, kailangan kong mag-aral nang mabuti at makakuha ng mas mataas na degree. Alang-alang sa mga entrance exam, araw-araw, mula umaga hanggang gabi, isiniksik ko ang kaalaman sa utak ko na parang isang robot. Pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo ko. Dahil nasisikil at nasasaktan, wala akong paraan para ilabas ang damdamin ko kundi ang umiyak. Ganoon pa man, hindi ko kailanman naisip na sumuko, dahil naniwala akong ang pagtatamo ng kasikatan at pakinabang ay katumbas ng pagkakaroon ng magandang kinabukasan. Ang pagiging bukod-tangi sa madla at pagbibigay-dangal sa pamilya ko ay parang pain na nakabitin sa harap ko, tinutukso akong gugulin ang lahat ng oras at lakas ko. Kalaunan, kahit na dumadalo rin ako sa mga pagtitipon at ginagawa ang tungkulin ko, ang iniisip ko ay kung paano makapagsisingit ng mas maraming oras para sa pag-aaral. Wala sa loob ko ang paglutas sa mga paghihirap at problema ng mga kapatid ko, dahil natatakot akong mauubos nito ang oras ko sa pag-aaral. Inihalal ako ng mga kapatid ko bilang lider, na isang pagkakataong ibinigay ng Diyos para magsanay, para makamit ko ang katotohanan at lumago sa buhay. Pero gusto kong tumanggi. Itinuring ko ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang bilang isang positibong bagay, at handa akong magbayad ng anumang halaga para makuha ang mga iyon. Pero kapag hindi ko nagagawa nang maayos ang tungkulin ko, hindi man lang ako nakokonsensiya. Talagang hindi ko mapag-iba ang tama sa mali! Nakita kong ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang ay maglalayo lang sa akin sa Diyos at magtutulak sa akin na ipagkanulo ang Diyos, at sa huli, lubos na mawawala sa akin ang pagliligtas ng Diyos at lalamunin ako ni Satanas. Sa mga huling araw, ang Diyos ay nagkatawang-tao para magpahayag ng mga salita upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang kritikal na sandali para sa kaligtasan ng tao, pero sinasayang ko ang pinakamagagandang taon ng buhay ko sa pag-aaral ng walang silbing kaalamang ito, pinalalampas ang pinakamagandang pagkakataon para sa pagliligtas ng Diyos. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos at dumating na ang malalaking kalamidad, gaano man karaming kaalaman o pera ang mayroon ako o gaano man katanyag ang pangalan ko, hindi nito maililigtas ang buhay ko. Anong kabuluhan ang mayroon doon? Nang maisip ko ito, napagtanto ko ang seryosong mga kahihinatnan ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at lalo kong naramdaman na ang paghahanda para sa entrance exam sa graduate school ay magsasayang lang ng kabataan ko. Hindi na ako puwedeng malinlang ni Satanas. Kailangan kong isuko ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at maglaan ng mas maraming oras at lakas sa paggawa ng tungkulin ko.
Noong Disyembre 2016, habang palapit nang palapit ang petsa ng exam, tiningnan ko ang mga prep book para sa entrance exam sa graduate school na nasa mesa ko na ilang araw ko nang hindi binubuksan, at nag-aalangan pa rin ang puso ko: “Kukuha ba ako ng exam o hindi? Kung tutuusin, naghirap ako nang mahigit sampung taon. Paano kung pumasa ako? Pero kapag pumasa ako, kailangan ko na namang magsimula ng panibagong yugto ng mahirap na pag-aaral, magkakaroon ng mas maraming hayagan at lihim na tunggalian sa pagitan ng mga kaklase, at walang katapusang paghahangad ng iba’t ibang sertipiko. Maisip ko pa lang, nasisikil na ako at hindi makahinga! Tiyak na mauubos din nito ang oras ko sa paggawa ng tungkulin. Pero kung hindi ako kukuha ng entrance exam sa graduate school, ano ang gagawin ko sa hinaharap? Sobrang pinahahalagahan ng lipunan ngayon ang mga degree. Kung wala akong mas mataas na degree, hindi magiging madali ang paghahanap ng trabaho. Kung tutuusin, kinabukasan ko ang nakasalalay dito!” Habang iniisip ito, nagpabalik-balik ako ng lakad sa study room. Ano ang dapat kong piliin? Naalala ko ang isa sa huling labing-isang hinihingi ng Diyos sa tao: “Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)). Pagkatapos ay binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Yaong mga inaasahan ng tao at hinahangad na matamo ay ang mga paghahangad na umuusbong mula sa kanyang paghahangad na matamo ang maluluhong pagnanasa ng laman, sa halip na ang hantungan na marapat sa tao. Samantala, ang inihanda ng Diyos para sa tao ay ang mga pagpapala at mga pangako na nararapat sa tao sa sandaling siya ay madalisay, na inihanda ng Diyos para sa tao matapos likhain ang mundo, at na hindi nababahiran ng mga pagpili, mga kuru-kuro, imahinasyon o laman ng tao. Ang hantungang ito ay hindi inihahanda para sa isang partikular na tao, kundi ang dako ng kapahingahan ng buong sangkatauhan. At kaya, ang hantungang ito ang pinakaangkop na hantungan para sa sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). “Ngayon na ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon kung kailan sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bayan ng Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon kung kailan ikinaklasipika Ko ang lahat ng nilikha, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang kategorya, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas madaling makamit ang mga resulta. Kung kaya, ang Aking hinihingi pa rin sa iyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa rito, ang malinaw mong makilatis at makita nang may katumpakan ang lahat ng gawaing Aking ginagawa sa iyo, at gugulin ang lahat ng iyong lakas upang ang Aking gawain ay makapagkamit ng mas magagandang resulta. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipagkompetensiya sa isa’t isa, ang paghahanap ng alternatibong plano, o ang paghahanap ng kaginhawahan para sa iyong laman, para maiwasan na maantala ang Aking gawain at na mahadlangan ang iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na protektahan ka, ay maaari lamang magdulot sa iyo ng pagkawasak. Hindi ba’t kahangalan ito para sa iyo? Iyang pinagpapakasasahan mo ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang pasakit na iyong tinitiis ngayon ay ang mismong bagay na nagpoprotekta sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabitag sa mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at upang maiwasang mapunta sa makapal na hamog at hindi na muling makita ang araw kailanman. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili sa kalagitnaan ng paghatol ng dakilang araw” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao). Paulit-ulit kong pinagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, at habang lalo ko itong pinagbubulay-bulayan, lalong nagliwanag ang puso ko. Ang layunin ng Diyos ay para makabalik ang mga tao sa harap ng Lumikha at magawa ang kanilang tungkulin, matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nang sa gayon ay matamo ang magandang hantungan na inihanda ng Diyos para sa kanila. Sa kabaligtaran, ang hinahangad ko—ang pamumukod-tangi sa madla at pagbibigay-dangal sa pamilya ko—sa panlabas ay mukhang umaayon sa mga kapakanan ng laman ko, pero sa diwa, inilalayo ako nito sa Diyos at nagiging sanhi para ipagkanulo ko ang Diyos, at sa huli ay ikawawasak ko. Naisip ko kung paanong ang pamilya naming may apat na miyembro ay pare-parehong nanampalataya sa Diyos noon, pero kalaunan, dahil sa takot na matuklasan ng mga employer nila ang pananampalataya nila sa Diyos at maapektuhan ang kinabukasan nila, unti-unting tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon ang tatay at kapatid kong babae, at sa huli ay tuluyan nang tumigil sa pananampalataya sa Diyos. Kahit na nagkamit sila kalaunan ng mataas na katayuan at magandang materyal na pamumuhay, lagi silang mapagbantay laban sa mga tao, walang tunay na kaibigan, at natatakot na mapagbalakan nang masama; ginugugol nila ang mga araw nila sa pagpapakana at pang-iintriga, sobra-sobrang nag-aalala na hindi na sila makatulog sa gabi. Pinaglaruan at pinahirapan sila ni Satanas, at namuhay nang may matinding pasakit. Ang mga kinahinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan at pakinabang ay nagsilbi ring paalala sa akin na walang idinudulot na benepisyo ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang: isa itong daang walang patutunguhan. Hindi ako puwedeng sumunod sa landas ng kabiguan nila. Dapat kong hangarin na magawa nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at hangarin ang tunay na kinabukasan na inihanda ng Diyos para sa tao. Nang mapag-isipan ito nang maigi, hindi ko na naramdaman ang lamig ng taglamig. Kahit na nagbayad na ako para magparehistro sa entrance exam sa graduate school, at naitalaga na ang examination hall ko, nagpasya akong hindi na kumuha nito, dahil pumasa man ako, hindi ito ang tamang landas sa buhay, at walang kabuluhan ang kasikatang iyon.
Matapos magdesisyon nito, nakaramdam ako ng kaginhawahan sa buong katawan ko. Noong bumalik ako sa eskuwelahan at nakita ang mga schoolmate ko na nag-aalala tungkol sa entrance exam sa graduate school, alam kong si Satanas ang nagpapahirap sa kanila, at hindi na naaakit ang puso ko sa entrance exam sa graduate school. Mula noon, lubos kong inilaan ang sarili ko sa paggawa ng aking tungkulin. Makalipas ang isang taon, na-diagnose ang tatay ko ng late-stage na kanser sa tiyan, at pumanaw siya anim na buwan ang makalipas. Nang makita kong walang silbi ang kaalaman, kasikatan, at pakinabang sa harap ng kamatayan, lalo akong naging tiyak sa puso ko na ang pananampalataya sa Diyos at paghahangad ng katotohanan ang tanging paraan para mabuhay ang mga tao. Ngayon, ginagawa ko ang tungkulin ko nang full-time, malayo sa ingay at alitan ng mundo, at napakapayapa at napakapanatag ng nararamdaman ko sa puso ko. Araw-araw, nakasasalamuha ko ang mga kapatid, at sama-sama kaming gumagawa ng mga tungkulin namin at nagbabahagi tungkol sa katotohanan. Nagtutuon din ako sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkakilala sa sarili kong mga tiwaling disposisyon. Ang mga pakinabang na ito ay hindi kailanman maibibigay sa akin ng ilang taong pag-aaral at pagtatamo ng malaking kasikatan at pakinabang. Nagpapasalamat ako sa gabay ng mga salita ng Diyos dahil tinulutan ako nitong maunawaan kung ano ang tunay na kinabukasan, at makagawa ng matalinong pagpili.