36. Ang Nakamit Ko Matapos Mabulag

Ni Chen Zhuo, Tsina

Noong 2010, ipinangaral sa akin ng asawa ko ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nalaman kong ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at na ipinapahayag Niya ang katotohanan para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Tuwang-tuwa ako at naisip ko, “Mula ngayon, dapat akong taimtim na manampalataya at sumunod sa Diyos. Napakapalad ko kung matatanggap ko ang mga pagpapala at pagliligtas ng Diyos sa mga darating na araw!” Makalipas ang ilang panahon, nagsimula akong magdilig ng mga baguhan sa iglesia, at kalaunan, naging lider ako ng iglesia. Abala ako araw-araw sa pangangasiwa ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at talagang masaya ako, iniisip na basta’t patuloy kong ginagawa ang tungkulin ko sa ganitong paraan, tiyak na magkakamit ako ng kaligtasan. Para mailaan ko ang sarili ko sa aking tungkulin nang full-time, inilipat ko sa isang kamag-anak ang kumikita kong negosyo sa troso.

Noong Enero 2017, inoperahan ang kaliwang mata ko dahil sa retinal detachment, pero hindi naging maayos ang operasyon, kaya 0.1 na lang ang paningin ko. Hindi ko man lang makita nang malinaw ang mga salita, at ang kanang mata ko lang ang nagagamit ko para makakita. Ang orihinal kong plano ay magpaopera ulit pagkalipas ng ilang panahon, pero noong Hunyo, dahil sa pagkakanulo ng isang Hudas, nagsimula ang pulis ng CCP na subukan kaming arestuhin sa lahat ng dako, kaya tumakas kami ng asawa ko papunta sa ibang lugar, at hindi ako nangahas na pumunta sa ospital para magpagamot. Noong panahong iyon, ang tanging nagagawa ko lang ay manatili sa bahay at gumawa ng mga tungkuling nakabatay sa teksto, pero kapag matagal akong nakatingin sa kompyuter, lumalabo ang paningin ko, at talagang nahihirapan akong gawin ang tungkulin ko. Nang makita kong may maayos na paningin ang mga kapatid sa paligid ko, naisip ko, “Sa nakalipas na ilang taong ito, binitiwan ko ang negosyo ko at ginagawa ko ang tungkulin ko sa iglesia, kaya bakit kailangang ako pa ang magkaroon ng sakit sa mata? Naoperahan na rin dati ang kanang mata ko, kaya kung may mangyayaring masama rin dito, anong tungkulin ang magagawa ko? Kung hindi ko gagawin ang tungkulin ko, paano ako maliligtas?” Gusto kong sumugal na pumunta sa ospital para magpagamot, pero natatakot akong maaresto ng CCP, kaya hindi ako nangahas na pumunta. Naisip ko kung paanong nagtiyaga sa kanilang tungkulin ang ilang kapatid matapos silang magkasakit, at kalaunan ay ganap na gumaling. Kung magtitiyaga ako sa tungkulin ko, hindi ba’t kaaawaan din ako ng Diyos at pagagalingin Niya rin ako? Baka gumaling din ang mata ko sa huli? Kaya ipinagpatuloy ko ang paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan.

Noong Mayo 1, 2024, biglang namaga at sumakit nang husto ang kanang mata ko, at nahilo ako at naduduwal. Sa loob ng isang sandali ay wala akong kahit anong makita. Maya-maya, nakaaninag ako ng mga hugis na gumagalaw-galaw sa harap ko, pero hindi ko makita nang malinaw kung saan ako naglalakad. Biglang hindi ko malaman ang gagawin ko, iniisip na, “Anong nangyayari? Mahigit dalawampung taon na ang nakararaan, nagkaroon ako ng retinal detachment surgery sa kanang mata ko. Bumalik na kaya ang dati kong sakit? Sobrang sama nito. Hindi pa gumagaling ang kaliwang mata ko, at ngayon ay hindi na ako makakita gamit ang kanang mata ko. Kung mabulag ang parehong mata ko, wala akong magagawang anumang tungkulin. Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, at sa kritikal na panahong ito, kung hindi na ako makakakita, hindi ba’t mawawalan ako ng silbi? Matitiwalag ba ako?” Nag-alala ako nang husto, at hindi ko alam ang gagawin. Tapos, nakaramdam ako ng sunod-sunod na hapdi at matinding sakit sa kanang mata ko, sumakit talaga ang ulo ko, at nasusuka pa rin ako. Dahil wala nang ibang pagpipilian, sumugal akong pumunta sa ospital para magpa-checkup. Sabi ng doktor, may acute angle-closure glaucoma ako, kaya mataas ang presyon sa mata ko, dilat na dilat ang pupil ko, at may malubhang hyperemia ang mata ko. Sabi niya, ang panlalabo ng paningin ko ay malamang na dahil sa vitreous opacity o pag-alis ng lens sa puwesto. Sinabi niyang kailangan ko raw ma-confine agad, kung hindi ay baka mabulag ang kanang mata ko. Nang marinig ko ito, naisip ko, “Katapusan ko na. Malabo na ang paningin ng kaliwang mata ko, at kung hindi na rin makakita ang kanang mata ko, hindi ba tuluyan na akong mabubulag? Huwag nang banggitin ang paggawa ng mga tungkulin—pati ang pag-aasikaso sa pang-araw-araw na buhay ay magiging problema. Ano na ang gagawin ko kung gayon? Ginagawa ko ang tungkulin ko nang full-time sa iglesia nitong nakalipas na ilang taon, kaya paanong nagkaroon ako ng ganitong klaseng sakit? Kung sakit lang sa likod o sa binti, ayos lang sana; kahit papaano ay hindi niyon maaantala ang tungkulin ko. Pero kung hindi makakita ang mga mata ko at hindi ako makagawa ng tungkulin, hindi ba’t mawawalan ako ng silbi? Paano pa ako maliligtas kung ganito?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nagiging negatibo. Na-ospital ako nang tatlong araw, at sinubukan ng doktor ang iba’t ibang paraan ng paggamot, pero ang presyon sa mata ko ay patuloy na nagbabago-bago, tumataas at bumababa. Hindi makabalik sa normal ang mga pupil ko, at nagdodoble ang paningin ko sa mga bagay, na parang nakasuot ako ng salamin na may gradong 2000. Nasa 0.04 lang ang paningin ko. Sabi ng doktor, wala raw mabisang gamutan sa ngayon, at ang tanging paraan ay magsagawa muna ng puncture surgery. Sa ganitong paraan, makikita niya kung mapapababa ang presyon sa mata, masusuri ang kondisyon ng lens, at saka magpapasya kung magsasagawa ng ikalawang operasyon. Nanlumo ako nang marinig ko ito, at habang nakahiga ako sa kama, kung ano-ano na ang pumasok sa isip ko: “Napakaraming taon na akong tinutugis ng CCP, at binitiwan ko ang negosyo ko para gawin ang tungkulin ko. Kahit isang mata lang ang maayos na gumagana, patuloy kong ginagawa ang tungkulin ko, at nagkaroon ng ilang resulta ang tungkulin ko, kaya bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Maaari kayang hindi pa sapat ang halagang binayaran ko o hindi pa sapat ang paggugol ko ng aking sarili?” Sa doktrina, alam kong dapat akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, pero sa puso ko, umaasa pa rin akong pagagalingin ng Diyos ang mga mata ko. Napakaganda sana kung may mangyaring himala! Kalaunan, may nakita akong kapwa pasyente sa kabilang kama, na inoperahan sa retinal detachment, pero nanatiling mataas ang presyon sa mata niya pagkatapos. Halos wala na ang paningin niya sa parehong mata, kailangan niyang humawak sa balikat ng asawa niya para lang makalakad nang dahan-dahan, at wala nang pag-asang gumaling siya. Dahil dito, nagsimula na naman akong mag-alala kung matutulad ba ako sa kanya. Sinabi sa akin ng anak ko na sabi sa internet, ang pagkawala ng paningin dahil sa glaucoma ay hindi na maibabalik at wala pang lunas sa sakit na ito sa ngayon. Nang marinig ko ito, lalong sumama ang loob ko at nabagabag ako, at nagsimula akong magreklamo, “Napakaraming kapatid ang pinagaling ng Diyos nang magkasakit sila, kaya bakit hindi ako binibiyayaan ng Diyos?” Sadyang sa loob ng puso ko ay hindi ako makapagpasakop, at ayaw ko nang magdasal. Ginugol ko ang mga araw ko nang palaging nagbubuntong-hininga, ayaw kong kumain, at hindi ako makatulog nang maayos. Sa loob ng ilang araw, nabawasan ako ng ilang kilo. Pagkatapos ng ikalawang operasyon, naglagay ang doktor ng artipisyal na lens sa mata ko, at paglabas ko ng operating room, nakaramdam ako ng matinding hapdi at sakit sa mata ko, at sobrang sakit din ng ulo ko. Sobrang taas ng presyon sa mata ko na hindi na ito masukat. Ang tanging nagawa ng doktor ay maglabas ng aqueous humor sa pamamagitan ng hiwa ng operasyon kada kalahating oras at gumamit ng gamot para mapababa ang presyon sa mata. Pero lumipas ang anim na oras, at hindi pa rin bumaba ang presyon sa mata. Sabi ng doktor, napakadelikado nito, na baka mabalewala ang operasyon, at hindi na maisalba ang paningin ko. Sa pag-iisip na baka hindi na ako makakita gamit ang kanang mata ko sa hinaharap, nakaramdam ako ng matinding sakit sa kalooban. Noon lang ako nagsimulang magnilay. Mula nang una akong magkasakit sa mata hanggang sa puntong ito, wala akong saloobin ng pagpapasakop, puro reklamo at maling pagkaunawa lang sa Diyos, at wala akong anumang katwiran na dapat taglayin ng isang taong nananampalataya sa Diyos. Kaya nagdasal ako at ipinagkatiwala ang karamdaman ng mata ko sa mga kamay ng Diyos, handang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos anuman ang mangyari sa mga mata ko. Hindi inaasahan, pagkaraan ng ilang sandali, nakakaaninag na nang kaunti ang mga mata ko, at unti-unting bumalik sa normal ang presyon sa mata ko. Kinabukasan, kahit malabo pa rin ang paningin ko, tumaas ito sa 0.2. Bigla akong napuno ng kagalakan, at dahil alam kong ito ay awa ng Diyos at ang Kanyang pag-unawa sa kahinaan ko, paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko.

Pagkalabas ko ng ospital, tumuloy muna ako sandali sa bahay ng isang kamag-anak para magpahinga at magpagaling. Sa panahong ito, sumulat din ang mga lider, superbisor, at iba pang mga kapatid para magpakita ng pagmamalasakit sa akin, kinukumusta ang kalagayan ko at naghahanap ng mga salita ng Diyos para tulungan at suportahan ako. Binasahan din ako ng asawa ko ng mga salita ng Diyos, at sa mga iyon, may dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nagdarasal ka ba sa Diyos at naghahanap mula sa Kanya kapag nahaharap ka sa karamdaman at pagdurusa? Paano ka ginagabayan at inaakay ng gawain ng Banal na Espiritu? Binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka lang ba Niya? Hindi lang iyon ang Kanyang pamamaraan; susubukin at pipinuhin ka rin Niya. Paano sinusubok ng Diyos ang mga tao? Hindi ba’t sinusubok Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagdudulot ng pagdurusa sa kanila? Kaakibat ng pagdurusa ang mga pagsubok. Kung hindi dahil sa mga pagsubok, paano magdurusa ang mga tao? At kung walang pagdurusa, paano makapagbabago ang mga tao? Kaakibat ng pagdurusa ang mga pagsubok—iyon ang gawain ng Banal na Espiritu(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan). “Kapag dumadapo ang karamdaman, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Paano sila dapat pumili? Hindi dapat malubog ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila dapat pag-isipan ang mga posibilidad at mga landas para sa kanila sa hinaharap. Sa halip, habang mas nalalagay sa ganitong mga panahon at ganitong mga espesyal na sitwasyon at konteksto ang mga tao, at habang mas nalalagay sila sa ganitong mga biglaang paghihirap, mas higit nilang dapat hanapin at hangarin ang katotohanan. Sa ganitong paraan lamang na hindi masasayang at na magkakabisa ang mga sermon na iyo nang narinig noon at ang mga katotohanan na iyo nang nauunawaan. Habang mas nalalagay ka sa ganitong mga paghihirap, mas lalong dapat mong bitiwan ang sarili mong mga ninanasa at magpasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng ganitong uri ng sitwasyon at pagsasaayos ng mga kondisyon na ito para sa iyo ay hindi para malubog ka sa mga emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi ito upang masubok mo ang Diyos kung pagagalingin ka ba Niya kapag ikaw ay nagkasakit, nang sa gayon ay malaman ang katotohanan ng usapin; isinasaayos ng Diyos ang mga espesyal na sitwasyon at kondisyong ito para sa iyo upang matutunan mo ang mga praktikal na aral sa gayong mga sitwasyon at kondisyon, makamit mo ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at upang mas malinaw at tumpak mong malaman kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at nararamdaman man ito ng mga tao o hindi, tunay man nila itong namamalayan o hindi, dapat silang magpasakop at huwag lumaban, huwag tumanggi, at lalong huwag subukin ang Diyos. Maaari kang mamatay anu’t anuman, at kung lalabanan, tatanggihan, at susubukin mo ang Diyos, malinaw na agad kung ano ang iyong kalalabasan. Sa kabaligtaran, kung sa kaparehong mga sitwasyon at kondisyon ay magawa mong hanapin kung paano dapat magpasakop ang isang nilalang sa mga pangangasiwa ng Lumikha, hanapin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at kung anong mga tiwaling disposisyon ang dapat mong malaman sa mga sitwasyon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, at maayos kang makapagpatotoo upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ito ang dapat mong gawin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang masisidhing layunin ng Diyos. Ang layunin ng Diyos ay hindi para mamuhay ako sa mga negatibong emosyon ng pagkabalisa at pagkabagabag, kundi para hayaan akong magdasal, sumandal sa Kanya, at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, upang mula sa bagay na ito, magagawa kong hanapin ang katotohanan, magnilay-nilay, at kilalanin ang sarili ko. Ginamit ng Diyos ang karamdaman ko para linisin ang katiwalian ko, at ito ang Kanyang pagmamahal. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, nagsimula akong magdasal araw-araw, hinihiling sa Diyos na gabayan akong matuto ng aral. Madalas din akong binabasahan ng asawa ko ng mga salita ng Diyos. Unti-unti, hindi na ako gaanong nasisiraan ng loob, at bumuti nang husto ang kalagayan ko. Makalipas ang ilang panahon, bumalik ako sa ospital para sa isa pang checkup, at laking gulat ko, umabot na sa 0.3 ang paningin ko. Kumuha ako ng isa pang pares ng salamin, at nakikita ko na nang medyo malinaw ang mga salita sa kompyuter, at hindi na masyadong apektado ang pagta-type ko.

Pagkatapos, nagsimula akong magnilay, “Sa karamdamang ito, nagbunyag ako ng napakaraming reklamo at maling pagkaunawa—anong aspekto ng tiwaling disposisyon ko ang dapat kong pagnilayan?” Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay palaging hindi matitinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitiwan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung aalisin ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). “Ang pakay ng mga taong ito sa pagsunod sa Diyos ay napakasimple, at ito ay para sa iisang layon: ang mapagpala. Hindi man lang nag-aabala ang mga taong ito na bigyang-pansin ang iba pang bagay na walang kinalaman sa layong ito. Para sa kanila, walang layon na mas lehitimo kaysa sa manampalataya sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa pakay na ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ngayon. Ang kanilang pakay at intensyon ay mukhang lehitimo, dahil habang nananampalataya sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan na abalang-abala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahangad; subalit hindi nila mabago ang pakay ng kanilang pananampalataya sa Diyos. … Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kung bakit ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-natukoy na problema: Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isang ugnayan lamang ng hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang sa magkapamilya sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang paglunok sa galit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang malaking agwat lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong kalakaran? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang ugnayang ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa kagalakan ng pagiging mapalad, walang sinuman ang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at kapangit tingnan ang gayong ugnayan sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Inilantad ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Sa maraming taon ng pananampalataya ko sa Diyos, binitiwan ko ang aking tahanan at karera, nagtiis ng hirap, at gumugol ng sarili, at ang lahat ng ito ay para makamit ko ang mga pagpapala, maligtas, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa pagbabalik-tanaw noong una akong nanampalataya sa Diyos, naniwala ako na basta’t ginagawa ko ang tungkulin ko, tinatalikuran ang mga bagay at ginugugol ang sarili, tiyak na tatanggap ako ng mga pagpapala ng Diyos. Dahil dito, aktibo kong ginawa ang tungkulin ko, at para hindi maantala ang tungkulin ko, binitiwan ko pa ang negosyo ko. Pakiramdam ko ay wala akong kapaguran, at ang tanging layon ko ay ang maghangad ng mga pagpapala. Kalaunan, nagkasakit ang kaliwang mata ko at lumabo ang paningin ko, pero nagpatuloy pa rin ako sa tungkulin ko. Akala ko ay isasaalang-alang ng Diyos ang pagpupursigi ko sa tungkulin ko at pagpapasakop sa Kanya, at dahil doon ay pagagalingin Niya ang mata ko, at bibigyan ako ng magandang hantungan sa hinaharap. Sa gulat ko, hindi lang hindi gumaling ang kaliwang mata ko, nagkaroon din ng glaucoma ang kanang mata ko. Wala na akong makita, at hindi na ako makagawa ng anumang tungkulin. Nang makita kong wala nang pag-asang magkamit ng mga pagpapala, lubos akong nasaktan at labis na nabagabag, at puno ako ng mga maling pagkaunawa at reklamo sa Diyos. Patuloy akong nakikipagtalo sa Diyos sa puso ko at iginigiit na pagalingin Niya ako. Sa pamamagitan ng paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay nakita ko na sinusubukan kong gamitin ang tungkulin ko para makipagtawaran para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit, at na ang relasyon ko sa Diyos ay isa lamang lantad na pansariling interes. Sa lahat ng taon ng paggawa ko ng tungkulin, hindi ko hinangad ang katotohanan, at hindi gaanong nagbago ang tiwali kong disposisyon. Sa likod ng aking pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay ang mga nakatagong pagtatangka na makipagtawaran sa Diyos. Puno ako ng mga paghingi at panlilinlang sa Diyos at wala akong kahit katiting na sinseridad. Kalaunan, nagsimula akong maghanap, “Ano ang ugat ng palagian kong pagnanais ng mga pagpapala sa aking pananalig?”

Sa paghahanap ko, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at adhikain, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang mamalimos ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na ‘ito ang kalikasan ng tao,’ na tama naman. Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na maluluhong pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi at namamalimos ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng mga dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay naging kalikasan na ng tao. Anong problema ang ipinapakita ng masyadong maraming paghingi sa Diyos ng mga tao? Ipinapakita nito na ang mga tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na punto, at sa kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi nila talaga Siya itinuturing na Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos). “Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa mga puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Iyong mga walang pagkatao ay lubos na walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay komportable, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnananais ay nakompromiso o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao, sila ay nagiging mamamatay-tao na malupit ang hitsura, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging tagong panganib?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang palagian kong paghahangad ng mga pagpapala ay nagmula sa pamumuhay ko ayon sa mga satanikong lason na gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain” at “Huwag tumulong kung walang gantimpala.” Lahat ng ginawa ko ay nakatuon sa sarili kong kapakinabangan, at ang kalikasan ko ay labis na sakim at makasarili. Noong una kong tanggapin ang gawain ng Diyos ng mga huling araw, nalaman kong isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang huling yugto ng gawain para iligtas ang sangkatauhan, at na sa pamamagitan lang ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ako magkakaroon ng pagkakataong maligtas at manatili. Itinuring ko itong isang minsan-sa-buhay na pagkakataon, kaya binitiwan ko ang negosyo ko nang walang pag-aalinlangan at piniling gawin ang tungkulin ko nang full-time. Kung hindi dahil sa mga pagpapala at pakinabang, hindi ako magkakaroon ng ganoong sigasig. Sa paglipas ng mga taon, kahit na isang mata lang ang malinaw na nakakakita, nagpatuloy pa rin ako sa tungkulin ko, iniisip na sa paggawa nito, maliligtas ako at magkakaroon ng magandang hantungan. Tinrato ko ang Diyos na parang isang amo, at pagkatapos gumawa ng kaunting tungkulin, walang-kahihiyan akong humingi ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos, iniisip kung paano ako makikinabang sa Diyos. Nang magkasakit ang kanang mata ko at naharap ako sa kinabukasang maging bulag at hindi na makagawa ng anumang tungkulin, inakala kong magiging isa na akong walang silbing tao at matitiwalag. Pakiramdam ko, ang lahat ng taon ng aking pagsisikap at paggugol ay mauuwi lang sa wala, at na ang pag-asa kong magkamit ng mga pagpapala ay mawawasak. Kaya hindi ko talaga ito matanggap at puno ako ng mga maling pagkaunawa at reklamo laban sa Diyos. Kinuwestiyon ko pa kung bakit Niya pinahintulutang dumapo sa akin ang ganitong karamdaman. Ang mga pag-uugali kong ito ay ang mismong inilantad ng Diyos: “Iyong mga walang pagkatao ay lubos na walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay komportable, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnananais ay nakompromiso o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao, sila ay nagiging mamamatay-tao na malupit ang hitsura, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan.” Hindi ko man lang tinrato ang Diyos bilang Diyos sa aking pananalig. Itinuring ko ang tungkulin ko bilang isang bagay na magagamit sa pakikipagtawaran na maipagpapalit ko sa mga pagpapala at pagpasok sa kaharian ng langit. Sa diwa, sinusubukan kong gamitin ang Diyos at magpakana laban sa Kanya, iniisip na magagamit ko ang aking pagbabayad ng halaga at pagsisikap para ipagpalit sa malalaking pagpapala. Paanong mayroon akong anumang pagkatao o katwiran? Nang dumating ang pagsubok na ito, hindi ko inisip kung paano palugurin ang Diyos, at ang inalala ko lang ay ang sarili kong kinabukasan at hantungan. Talagang napakamakasarili at napakakasuklam-suklam ko! Mula nang tanggapin ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, natatanggap ko na ang pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos, at binigyan din ako ng Diyos ng mga pagkakataong gawin ang tungkulin ko, na nagpapahintulot sa akin, sa takbo ng aking tungkulin, na unti-unting maunawaan at makamit ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan. Ang lahat ng ito ay pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa akin, pero itinuring ko ang tungkulin ko bilang tuntungan para magkamit ng mga pagpapala. Talagang nakasusuklam at nakamumuhi ito sa Diyos! Naisip ko ang sinabi ni Pablo, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ginamit ni Pablo ang kanyang pagsisikap at ang halagang binayaran niya para igiit ang korona ng katuwiran mula sa Diyos, sinasabing magiging hindi matuwid ang Diyos kung hindi ito ipagkakaloob ng Diyos sa kanya, at hayagan niyang kinalaban at sinalungat ang Diyos. Sinalungat nito ang disposisyon ng Diyos kaya pinarusahan si Pablo ng Diyos. Hindi ba’t tinatahak ko rin ngayon ang parehong landas ni Pablo? Kung hindi ako magsisisi, mapaparusahan ako sa impiyerno sa huli!

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos at napagtanto kong ang paggawa ng tungkulin ng isang tao ay walang kinalaman sa pagtanggap ng mga pagpapala o pagdanas ng kasawian. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o dahilan. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos! Ang tungkulin ay atas ng Diyos sa tao, at ito ay responsabilidad na hindi matatakasan ng isang nilikha. Hindi dapat magkaroon ng anumang lihim na intensyon o karumihan dito. Katulad lang ng kung paanong ganap na likas at may katwiran para sa mga anak na maging magalang sa kanilang mga magulang, hindi dapat magkaroon ng paghahangad ng pakinabang dito. Bukod dito, kung maliligtas man ang isang tao ay nakadepende sa kung, sa proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin, hinahangad niya ang katotohanan, tinitingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at kung malilinis at mababago ang kanyang tiwaling disposisyon. Kung kaya ng isang taong umasal nang wasto at isagawa ang kanyang mga gampanin nang tapat ayon sa mga hinihingi ng Diyos, lumugar sa posisyon ng isang nilikha at tuparin ang kanyang tungkulin, at gaano man katinding mga pagsubok o pagpipino ang dumating sa kanya, wala siyang kinikimkim na maling pagkaunawa o reklamo, at kaya niyang walang pasubaling magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at sa huli ay makamit ang pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos, kung gayon ang gayong tao ay maliligtas at sa huli ay mananatili. Hindi ito basta’t nakagagawa ng tungkulin ang isang tao, maliligtas na siya kahit hindi nagbago ang kanyang tiwaling disposisyon kahit kaunti—ang pananaw na iyon ay pawang sarili kong kuru-kuro at imahinasyon, at lubos na katawa-tawa. Mula noon, handa akong hanapin ang mga layunin ng Diyos at hangarin ang katotohanan sa lahat ng bagay na dumarating sa akin at tuparin nang maayos ang tungkulin ko para suklian ang pagliligtas ng Diyos. Nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kalagayan ko pagkatapos niyon. Minsan, lumalabo pa rin ang paningin ko pagkatapos magbasa ng mga sermon nang ilang sandali at kailangan kong magpahinga, pero hindi na ako nakakaramdam ng matinding pagdurusa sa puso ko gaya ng dati.

Sa mga debosyonal ko, nagbasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos at nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkaunawa kung paano magsagawa kapag nagkakaroon ng karamdaman. Sabi ng Diyos: “Ang ating pinag-uusapan ay ang pagkakasakit; ito ay isang bagay na mararanasan ng karamihan ng tao sa kanilang buhay. Kaya naman, kung anong uri ng sakit ang dadapo sa katawan ng mga tao sa kung anong oras o edad at kung ano ang magiging kalagayan ng kanilang kalusugan ay pawang mga bagay na isinasaayos ng Diyos at hindi maaaring ang mga tao ang magpasya ng mga bagay na ito; tulad ng kung kailan ipinanganak ang isang tao, hindi sila ang maaaring magpasya nito. Kaya hindi ba’t kahangalan na mabagabag, mabalisa, at mag-alala sa mga bagay na hindi naman ikaw ang makapagpapasya? (Oo.) Dapat ay lutasin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang lutasin, at para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin, dapat nilang hintayin ang Diyos; dapat magpasakop nang tahimik ang mga tao at humingi sa Diyos ng proteksyon—ito ang kaisipang dapat taglayin ng mga tao. Kapag talagang dumating na ang sakit at malapit na ang kamatayan, ang mga tao ay dapat magpasakop at hindi magreklamo o maghimagsik laban sa Diyos o magsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos o ng mga bagay na umaatake sa Kanya. Sa halip, ang mga tao ay dapat na tumindig bilang mga nilikha at danasin at pahalagahan ang lahat ng nagmumula sa Diyos—hindi nila dapat subukan na pumili ng mga bagay para sa kanilang sarili. Maaari itong maging isang espesyal na karanasan na nagpapasagana sa iyong buhay, at hindi naman ito masamang bagay, hindi ba? Kaya naman, pagdating sa pagkakasakit, dapat munang lutasin ng mga tao ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw ukol sa sanhi ng sakit, at pagkatapos ay hindi na sila mag-aalala tungkol dito; bukod dito, ang mga tao ay walang kapangyarihan na kontrolin ang mga bagay na nalalaman o hindi nalalaman, at wala rin silang kakayahang kontrolin ang mga ito, sapagkat lahat ng bagay na ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang saloobin at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mayroon ang mga tao ay ang maghintay at magpasakop. Mula sa pagkaunawa hanggang sa pagsasagawa, ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang paghahangad sa katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). “Kaya, paano ka dapat pumili, at paano mo dapat harapin ang usapin ng pagkakaroon ng karamdaman? Napakasimple nito, at isang landas lang ang dapat sundan: Ang hangarin ang katotohanan. Hangarin ang katotohanan at tingnan ang usapin ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang pang-unawa na dapat mayroon ang mga tao. At paano ka dapat magsagawa? Ikonsidera mo ang lahat ng karanasang ito at isagawa mo ang pang-unawang nakamit mo at ang mga katotohanang prinsipyong naunawaan mo ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at gawin mo ang mga ito na iyong realidad at iyong buhay—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay hindi mo dapat iwanan ang iyong tungkulin. Ikaw man ay may karamdaman o dinaranas na sakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay mabuti ang asal mo sa paggampan mo ng iyong tungkulin nang praktikal. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilikha o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos. May mga taong nagsasabi, ‘Itong mga bagay na sinasabi Mo ay wala gaanong konsiderasyon. May sakit ako at nahihirapan na ako!’ Kung nahihirapan ka, maaari kang magpahinga, at maaari mong alagaan ang iyong sarili at magpagamot ka. Kung nais mo pa ring gampanan ang iyong tungkulin, maaari mong bawasan ang dami ng iyong trabaho at gumanap ka ng naaangkop na tungkulin, isang tungkulin na hindi nakakaapekto sa iyong paggaling. Patutunayan nitong sa puso mo ay hindi mo iniwan ang tungkulin mo, na ang puso mo ay hindi lumayo sa Diyos, na hindi mo itinanggi ang pangalan ng Diyos sa iyong puso, at na hindi mo tinalikuran sa puso mo ang pagnanais na maging isang wastong nilalang. May mga taong nagsasabi, ‘Nagawa ko na ang lahat ng iyan, kaya aalisin ba ng Diyos itong karamdaman ko?’ Aalisin ba Niya? (Hindi naman sa ganoon.) Kung aalisin man ng Diyos ang sakit mo o hindi, kung gagamutin ka man ng Diyos o hindi, ang dapat mong gawin ay ang dapat gawin ng isang nilikha. Kung ang iyong pisikal na kondisyon man ay nagbibigay sa iyo ng kapabilidad na pumasan ng anumang gawain o tinutulutan ka na gawin ang iyong tungkulin, ang iyong puso ay hindi dapat lumayo sa Diyos, at sa puso mo ay hindi mo dapat talikuran ang iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, matutupad mo ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—ito ang katapatan na dapat mong panghawakan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na sa anumang yugto ng buhay nararanasan ng isang tao ang karamdaman o paghihirap, ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at pagsasaayos Niya, at may kabuluhan ang lahat ng ito. Gaya ko—kung hindi dahil sa karamdamang ito sa mata na muntik nang bumulag sa akin, hindi ko sana kailanman nalaman ang kasuklam-suklam kong intensyon na subukang makipagtransaksyon sa Diyos, at lalong hindi ko sana nalaman na tinatahak ko pala ang landas ni Pablo sa buong panahong iyon, at sa huli ay mapaparusahan ako dahil sa paglaban sa Diyos. Bagama’t puno ako ng pighati at pasakit noong panahong iyon, inakay ako nito na magnilay at kilalanin ang sarili ko, at nagkaroon ako ng kaunting paglago sa buhay. Biyaya ng Diyos ang lahat ng ito. Hindi ko sana matututuhan ang mga bagay na ito sa isang maginhawang kapaligiran. Naisip ko rin si Job—may takot siya sa Diyos. Nang harapin niya ang talagang matitinding pagsubok at pagpipino, kinuha ng mga tulisan ang lahat ng pag-aari niya, namatay ang mga anak niya, at nabalot siya ng makikirot na pigsa. Umupo siya sa abo at kinaskas ang kanyang mga pigsa gamit ang isang basag na palayok para maibsan ang sakit, pero hindi siya nagkasala sa kanyang bibig. Kahit noong sinabihan siya ng asawa niya na talikuran ang pangalan ng Diyos, at hinusgahan siya ng tatlo niyang kaibigan, hindi siya nagreklamo sa Diyos. Sinabi pa nga niya, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng kahirapan?” (Job 2:10). Mas ginusto ni Job na sumpain ang sarili niya kaysa tumigil sa pagpapasakop sa Diyos o tumigil sa pagpapasailalim sa pamamatnugot ng Diyos, at sa gayon ay ipahiya si Satanas. Nariyan din si Pedro—nakaranas siya ng daan-daang pagsubok at pagpipino sa loob lang ng pitong taon, at tinahak niya ang landas ng paghahangad sa katotohanan sa buong panahong iyon. Nagtuon siya sa pagninilay at pagkilala sa sarili niya, at hinangad niyang matugunan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay. Sa huli, minahal niya ang Diyos nang sukdulan, at nagpasakop siya hanggang kamatayan. Walang anumang hiningi o hiniling sa Diyos sina Job at Pedro, lalong hindi sila nag-alala kung ano ang magiging kinalabasan nila. Ang tanging inisip nila ay kung paano magpapasakop sa Diyos at paano matutugunan ang Diyos, at sa huli, nanindigan sila sa kanilang patotoo para sa Diyos at lubusang ipinahiya si Satanas. Ang mga taong ito ay pawang halimbawang dapat kong tularan. Nagpasya ako nang matatag: “Hangga’t may pagkakataon pa akong gawin ang tungkulin ko, at hangga’t nakakakita pa ako ng mga salita, nakakapag-type pa ang mga kamay ko, at malinaw ang isip ko, ibibigay ko ang lahat ng makakaya ko sa tungkulin ko. Kahit dumating ang araw na mawala ang paningin ko at hindi ko na magawa ang tungkulin ko, magiging handa pa rin akong magpasakop. Kahit hindi ako nakakakita, puwede akong makinig sa mga pagbasa ng mga salita ng Diyos at pagnilayan ang Kanyang mga salita sa puso ko, at puwede kong ibahagi nang pasalita ang aking pagkaunawang batay sa karanasan sa asawa at mga anak ko, para matulungan nila akong isulat ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Magtutuon din ako sa pagpapatahimik ng sarili ko sa harap ng Diyos para makinig sa Kanyang pagbabahaginan, at gamitin ang mga salita ng Diyos para magnilay at kilalanin ang sarili ko at lutasin ang aking tiwaling disposisyon.” Sa mga sumunod na panahon, nagsusuot ako ng salamin sa pagbabasa para dumalo sa mga pagtitipon at magbasa ng mga salita ng Diyos kasama ang asawa ko. Ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng mga sermon araw-araw, at kapag may oras ako, nagsusulat din ako ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Kapag lumalabo ang mga mata ko pagkatapos tumingin sa kompyuter nang matagal, nagpapatak ako ng gamot sa mata at ipinapahinga ko ang mga mata ko sandali, at kapag nabawasan na ang sakit, ipinagpapatuloy ko ang paggawa ng tungkulin ko. Humigit-kumulang dalawang buwan pagkatapos ng operasyon sa mata ko, pumunta ako sa ospital para sa follow-up, at ginamot ako ng doktor gamit ang laser therapy. Inalis nito nang bahagya ang panlalabo sa vitreous ng mata ko, at nakikita ko na ang malalapit na bagay nang mas malinaw kaysa dati. Hindi ko na kailangan ng salamin sa pagbabasa para makita ang mga teksto sa kompyuter, at nakikita ko na nang malinaw pati ang mas maliliit na letra. Talagang tuwang-tuwa ako at nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko para sa Kanyang biyaya.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko kung gaano ako kamakasarili at kakasuklam-suklam dahil sa pagtatangkang makipagtawaran sa Diyos sa aking pananalig. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko at nagdulot ng kaunting pagbabago sa akin. Taos-puso akong nagpapasalamat sa Diyos!

Sinundan: 35. Mga Pagninilay sa Hindi Paggawa ng Tunay na Gawain

Sumunod: 37. Dapat bang Suklian ng mga Pagpapala ang Pagtalikod at Paggugol para sa Diyos?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito