35. Mga Pagninilay sa Hindi Paggawa ng Tunay na Gawain
Noong Mayo 2023, ako ang namamahala sa gawaing pansermon. Sa kalagitnaan ng Oktubre, isa sa mga lider ng grupo ang tinanggal dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, at kalaunan, si Brother Li Zhi ang napili bilang lider ng grupo. Noong panahong iyon, nagpadala ang lider ng isang espesyal na liham para paalalahanan ako, na nagsasabing si Li Zhi ay may pangkaraniwang kakayahan at kulang sa kapabilidad sa gawain, at hiniling sa akin na mas tulungan at alalayan siya. Kaya noong araw ring iyon, sinulatan ko si Li Zhi, ipinakilala ko ang mga partikular na sitwasyon ng mga miyembro ng grupo at ang mga problemang kailangang malutas agad sa grupo, at hiniling ko sa kanya na unahin ang mga gawain nang naaayon. Sumagot si Li Zhi, sinasabing noong una, pakiramdam niya ay hindi sapat ang kanyang kakayahan, na napakarami niyang kakulangan, at kulang siya sa kakayahan para sa tungkulin bilang lider ng grupo, pero pagkatapos niyang basahin ang mga salita ng Diyos, bumuti ang kanyang kalagayan, at nakagawa na siya ng plano para sa mga susunod na gawain. Sa isip-isip ko, “May kaunting buhay pagpasok si Li Zhi. Kahit na kulang ang kanyang kapabilidad sa gawain, basta’t tamang tao siya, hindi dapat katakutan ang mga pagkukulang, at mas matutulungan at maaalalayan ko siya. Pakiramdam ko na kapag naintindihan na niya ang ilang prinsipyo at nagkaroon na siya ng kaunting karanasan sa gawain, magiging maayos din ang lahat.” Pagkatapos niyon, mahigpit kong sinubaybayan ang gawain ni Li Zhi. Natatanggap naman niya ang mga mungkahi na ibinibigay ko sa kanya, at nagbibigay siya ng napapanahong feedback sa mga detalye ng gawain.
Sa loob lang ng mahigit isang buwan, Unti-unting nakahanap si Li Zhi ng tatlong miyembro ng pangkat ng gawaing nakabatay sa teksto, na lahat ay may kakayahan. Medyo natuwa ako, iniisip, “Dati nahihirapan akong makahanap ng mga angkop na tao, pero kararating lang ni Li Zhi ay nakahanap na siya agad ng mga angkop na tao. Mukhang hindi naman pala ganoon kasama ang kapabilidad sa gawain ni Li Zhi.” Naisip ko noong responsable ako sa gawain ng tatlong grupo at sa paglilinang ng mga tao. Noon, araw-araw akong natataranta, pero ngayong medyo gamay na ni Li Zhi ang gawain niya, puwede na akong makapag-relaks nang kaunti. Pagkatapos niyon, hindi ko na gaanong sinubaybayan ang gawain. Kalahating buwan pagkatapos, napansin kong hindi nagpasa ng anumang sermon ang grupong pinamamahalaan ni Li Zhi. Medyo naguluhan ako, “Sabi ni Li Zhi, may kakayahan daw iyong tatlong sister na kasasali lang sa grupo, kung gayon, bakit walang anumang makitang resulta sa mga tungkulin nila? Maaari kayang dahil sa hindi pa nila naaarok ang mga prinsipyong kasisimula pa lang nilang magsanay?” Nang maisip ko ito, sinuri ko ang sitwasyon ng pagsala ng sermon sa grupo, at nakita ko na natutukoy naman ni Li Zhi ang ilang problema sa mga sermon, at wala namang malinaw na mga paglihis sa gawain. Naisip ko, “Dati pa namang mahina ang mga resulta ng gawaing hawak ni Li Zhi. Imposibleng magkaroon agad ng resulta. Baka bumuti rin ito paglipas ng panahon.” Noong mga oras na iyon, naisip ko rin, “Dapat ko pa kayang alamin nang mas malalim?” Pero nang maisip kong kinakailangan kong gumugol ng napakaraming oras para lutasin ang mga problema, kung may problema nga talaga, at mayroon pa akong dalawang grupo na kailangan kong subaybayan ang gawain, naramdaman ko na kung makikisali pa ako sa lahat ng ito, sobrang mapapagod ako! Matapos mag-isip-isip, sa huli ay nagpasya ako na mabuting pang hayaan na lang si Li Zhi ang mag-imbestiga at lumutas nito. Minsan, nalaman ko na isa sa tatlong bagong lipat na sister, si Lu Yuan, ay lumalaban sa mga pangungumusta at pangangasiwa ni Li Zhi, pakiramdam niya ay nasasayang lang ang oras niya sa palagiang pagtatanong tungkol sa pag-usad ng gawain, at ipinapahayag pa niya ang pananaw na ito sa harap ng iba. Alam kong mali ang saloobin niya at makakaapekto ito sa gawaing pansermon, pero hindi ko na inimbestigahan pa nang malalim para subukang lutasin ito, at hiniling ko na lang kay Li Zhi na makipagbahaginan kay Lu Yuan. Kalaunan, nag-ulat si Li Zhi na normal nang ginagawa ni Lu Yuan ang kanyang mga tungkulin, kaya hindi ko na ito muling sinubaybayan pa.
Hindi ko namalayan, kalagitnaan na pala ng Disyembre, at nalaman kong hindi pa rin nakapagpasa ng maraming sermon ang grupong si Li Zhi ang responsable. Napagtanto kong may mali, kaya dali-dali akong sumulat para kumustahin ang sitwasyon kay Li Zhi. Sabi niya ay hindi maganda ang kanyang kalagayan, at sinabi raw ng ilang kapatid na hindi siya nakakagawa ng tunay na gawain o nakakalutas ng mga problemang kinakaharap nila sa kanilang mga tungkulin, at pinag-iisipan na nilang isumbong siya. Noong mga oras na iyon, nabigla ako. Hindi ba’t nakakagawa naman siya ng ilang gawain noong una? Paanong bigla na lang siyang umabot sa puntong isusumbong na siya? Medyo natakot ako. Ang kinahinatnan ng gawain ng grupong ito ay may kaugnayan sa katunayang hindi ako gumawa ng tunay na gawain sa panahong ito. Mayroon akong responsabilidad na hindi ko maiiwasan. Dali-dali akong pumunta sa grupo para alamin ang sitwasyon. Sa gulat ko, naramdaman ni Li Zhi na mahina ang kanyang kakayahan at hindi niya kaya ang maging lider ng grupo, kaya inako niya ang responsabilidad at nagbitiw. Kahit paano sinubukan ng lider na makipagbahaginan at tumulong, wala itong naitulong. Pagkaalis ni Li Zhi, nalaman kong napakaraming problema sa grupong pinamamahalaan niya. Palaging nagbubulalas ng pagkanegatibo si Lu Yuan. Iniisip niya na sinasayang lang ni Li Zhi ang oras niya sa pangangasiwa at pagsusuri sa kanyang gawain, na naging dahilan para hindi masubaybayan ni Li Zhi ang gawaing pansermon, na lubhang nakaapekto sa mga resulta ng gawaing pansermon. Ang tatlong bagong sister na kalilipat lang ay hindi masaway at walang disiplina, at hindi maayos sa kanilang mga tungkulin, at kapag nakakatagpo sila ng mga problema, basta na lang nila itong ipinapasa kay Li Zhi. Pero hindi kailanman binanggit ni Li Zhi ang isyu tungkol sa kanilang saloobin sa kanilang mga tungkulin, ni hindi niya ito iniulat sa mga nakatataas. Hinayaan niya lang ang mga itong iniraraos lang ang mga bagay-bagay. Matapos malaman ang lahat ng ito, natigilan ako. Dinala ni Li Zhi ang gawain sa ganitong punto sa loob lang ng tatlong buwan, at naging lubhang pabaya sa kanilang tungkulin ang mga miyembro ng grupo—wala akong kaalam-alam sa mga isyung ito. Nagdulot ito ng pagkaparalisa sa gawaing pansermon. Nagsisi ako kung bakit hindi ako naging mas masigasig noon! Kalaunan, pinalitan ko ang mga hindi angkop na miyembro sa grupo at nagtalaga ng ilang bagong tauhan, at saka lang unti-unting bumuti ang gawain.
Pagkatapos ng pangyayaring ito, labis akong nakonsensiya. Alam na alam ko na pangkaraniwan lang ang kakayahan ni Li Zhi at hindi mahusay ang kanyang kapabilidad sa gawain, kaya paano ko nagawang bitiwan ang pamamahala at pabayaan ang gawain ng grupong ito? Kung mas binigyan ko lang ng pansin ang pagsubaybay at pagsisiyasat sa gawain, mas maaga ko sanang natuklasan ang mga problema ni Li Zhi, at naiwasan sana ang mga kinahinatnang ito. Ang kinahinatnan ng gawain ay nagbunyag na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain. Noong mga panahong iyon, madalas akong naghahanap at nagbabasa ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga huwad na lider. Sa mga iyon, may isang sipi na partikular na may kaugnayan sa aking kalagayan. Sabi ng Diyos: “Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nagtatanong o sumusubaybay sa mga sitwasyon sa gawain ng iba’t ibang superbisor ng pangkat. Hindi rin sila nagtatanong, sumusubaybay, o nakakaarok sa buhay pagpasok ng mga superbisor ng iba’t ibang grupo at ng mga tauhang responsable sa iba’t ibang mahalagang gawain, pati na rin sa mga saloobin ng mga ito sa gawain ng iglesia at sa mga tungkulin ng mga ito, at sa pananalig sa Diyos, sa katotohanan, at sa Diyos Mismo. Hindi nila alam kung ang mga indibidwal na ito ay sumailalim na sa anumang pagbabago o paglago, at hindi rin nila alam ang tungkol sa iba’t ibang isyung puwedeng umiiral sa gawain nila; sa partikular, hindi nila alam ang epekto ng mga pagkakamali at paglihis na nagaganap sa iba’t ibang yugto ng gawain sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, pati na rin kung ang mga pagkakamali at paglihis na ito ay naitama na. Ganap silang ignorante tungkol sa lahat ng bagay na ito. Kung wala silang nalalaman tungkol sa mga detalyadong kondisyong ito, nagiging pasibo sila tuwing may lumilitaw na mga problema. Gayumpaman, hindi nag-aabala ang mga huwad na lider na harapin ang mga detalyadong isyung ito habang ginagawa ang gawain nila. Naniniwala sila na matapos maisaayos ang iba’t ibang superbisor ng pangkat at maitalaga ang mga gawain, tapos na ang gawain nila—itinuturing na nagawa na nila nang maayos ang trabaho nila, at kung may iba pang problemang lilitaw, hindi na nila problema iyon. Dahil hindi napapangasiwaan, nagagabayan, at nasusubaybayan ng mga huwad na lider ang iba’t ibang superbisor ng pangkat, at hindi nila natutupad ang mga responsabilidad nila sa mga aspektong ito, nagreresulta ito sa pagkakagulo-gulo sa gawain ng iglesia. Pagpapabaya ito ng mga lider at manggagawa sa mga responsabilidad nila. Kayang siyasatin ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao; isa itong abilidad na wala sa mga tao. Samakatwid, kapag gumagawa, kailangang maging mas masikap at maingat ang mga tao, regular na bumisita sa lugar ng gawain para subaybayan, pangasiwaan, at gabayan ang gawain para matiyak ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Malinaw na lubos na iresponsable ang mga huwad na lider sa gawain nila, at hindi nila kailanman pinapangasiwaan, sinusubaybayan, o pinapatnubayan ang iba’t ibang gampanin. Bilang resulta, hindi alam ng ilang superbisor kung paano lutasin ang iba’t ibang isyung lumilitaw sa gawain, at nananatili sila sa papel nila bilang mga superbisor kahit na kulang na kulang ang kakayahan nila para gawin ang gawain. Sa huli, paulit-ulit na naaantala ang gawain at lubos nila itong nagugulo. Ito ang kinahinatnan ng hindi pagtatanong, pangangasiwa, o pagsubaybay ng mga huwad na lider sa mga sitwasyon ng mga superbisor, isang kinalabasang ganap na dulot ng pagpapabaya ng mga huwad na lider sa responsabilidad nila” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3)). Sinasabi ng Diyos na ang mga huwad na lider ay iresponsable sa kanilang mga tungkulin at hindi gumagawa ng tunay na gawain. Pagkatapos nilang pumili ng isang superbisor, iniisip nilang maayos na ang lahat at puwede na silang hindi na makialam. Kaya hindi nila sinisiyasat o inaarok ang mga detalye ng iba’t ibang aytem ng gawain. Hindi man lang nila alam kung talagang may kakayahan ang superbisor o ang mga gumagawa ng tungkulin, o kung naparalisa na ang gawain, na nagdudulot ng malubhang pinsala sa gawain. Ito ay isang tunay na huwad na lider. Ako mismo ang uri ng huwad na lider na tinutukoy ng Diyos. Mula nang mapili si Li Zhi bilang lider ng grupo, nakita kong nakahanap siya ng tatlong miyembro ng pangkat ng gawaing nakabatay sa teksto, at kapag kinakausap ko siya tungkol sa gawain, palaging napakaganda ng saloobin niya. Kaya inakala kong marunong gumawa ng praktikal na gawain si Li Zhi, at mapapanatag ako kung ipagkakatiwala ko sa kanya ang gawain. Naging isa na lang akong tagapangasiwa sa pangalan, hindi pinangangasiwaan o sinusubaybayan ang kanyang gawain. Dahil dito, hindi ko alam na nahihirapan pala si Li Zhi sa kanyang mga tungkulin, at wala rin akong kaalam-alam na pinababayaan ng mga miyembro ng grupo ang kanilang mga wastong gampanin at nagiging pabasta-basta sila sa kanilang mga tungkulin. Alam ko rin na palaging walang resulta ang gawaing pansermon sa kanilang grupo, pero natakot ako na kung aalamin ko ang mga detalye, kakailanganin kong gumugol ng oras at pagsisikap para lutasin ang mga problema, kaya hinayaan ko na lang si Li Zhi na asikasuhin ito. Isa pa, hindi pinayagan ni Lu Yuan na pangasiwaan ng iba ang kanyang gawain at patuloy siyang nagbubulalas ng pagkanegatibo sa grupo. Naging hadlang siya sa gawaing pansermon. Hindi ko inilantad ang kanyang mga isyu kundi hinayaan ko na lang si Li Zhi na asikasuhin ang mga ito, at pagkatapos, hindi ko na sinubaybayan pa ang mga resulta, Nauwi ito sa pananatiling hindi nalulutas ang mga problema, at nabigo si Lu Yuan na gampanan ang isang positibong papel sa grupo, na nakaapekto sa pag-usad ng gawain. Nang makita ito, napagtanto kong isa nga akong huwad na lider. Ang paggawa ko ng aking mga tungkulin ay nag-iwan lamang ng mga pagsalangsang.
Kalaunan, nagnilay-nilay ako, “Ano ang naging dahilan kung bakit labis akong nagtiwala kay Li Zhi?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi kailanman nag-uusisa ang mga huwad na lider tungkol sa mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o hindi nag-aasikaso ng gawain na marapat nilang gawin. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor at tapos na ang usapin, at na pagkatapos ay puwede nang asikasuhin ng superbisor ang lahat ng gawain nang siya lang. Kaya paminsan-minsan lang nagdaraos ng mga pagtitipon ang mga huwad na lider, at hindi nila pinangangasiwaan o kinukumusta ang gawain, at kumikilos sila na parang mga boss na hindi nakikialam. … Hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain nang sila mismo, at hindi rin sila metikuloso tungkol sa gawain ng mga lider ng pangkat at ng mga superbisor—hindi nila ito sinusubaybayan o inuusisa. Ang pananaw nila sa mga tao ay batay lang sa sarili nilang mga impresyon at imahinasyon. Kapag nakakita sila ng isang tao na gumagampan nang maayos sa loob ng isang panahon, iniisip nila na ang taong ito ay mananatiling mahusay magpakailanman, na hindi magbabago ang tao na ito; hindi sila naniniwala sa sinumang nagsasabi na may problema sa tao na ito, at binabalewala nila kapag may nagbababala sa kanila tungkol sa tao na iyon. Sa tingin ba ninyo ay mangmang ang mga huwad na lider? Sila ay mangmang at hangal. Paano sila naging hangal? Basta-basta nilang pinagkakatiwalaan ang isang tao, naniniwala sila na noong mapili ang tao na ito, nanumpa ang tao na ito, at gumawa ng resolusyon, at nanalangin nang tumutulo ang mga luha sa kanyang mukha, kaya nangangahulugan iyon na maaasahan siya, at wala nang anumang magiging isyu sa pangangasiwa niya sa gawain. Walang pagkaunawa ang mga huwad na lider sa kalikasan ng mga tao; mangmang sila sa tunay na sitwasyon ng tiwaling sangkatauhan. Sinasabi nila, ‘Paanong mas sasama ang isang tao kung napili siya bilang isang superbisor? Paanong magagawa ng isang tao na mukhang napakaseryoso at maaasahan na pabayaan ang kanyang gawain? Hindi niya ito magagawa, hindi ba? Puno siya ng integridad.’ Dahil labis na nagtitiwala ang mga huwad na lider sa kanilang sariling mga imahinasyon at damdamin, sa huli ay nawawalan tuloy sila ng kakayahang lutasin sa tamang oras ang maraming problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, at napipigilan silang tanggalin kaagad ang sangkot na superbisor at iayos ang tungkulin nito. Tunay na mga huwad na lider sila. … may nakamamatay na kapintasan ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano inilalantad ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit dapat silang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Ang mga huwad na lider ay masyadong mayabang at nag-aakalang mas matuwid sa iba, hindi ba? Ang iniisip nila ay, ‘Hindi puwedeng nagkamali ako sa paghusga sa tao na ito, wala dapat na maging anumang problema sa taong ito na natukoy ko na angkop; siguradong hindi siya isang tao na nagpapakasasa sa pagkain, pag-inom, at paglilibang, o mahilig sa kaginhawahan at namumuhi sa mahirap na gawain. Siya ay lubos na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Eksperto ka ba? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Mayroon ka bang natatanging kasanayan na iyon? Maaaring makasama mo ang isang tao nang isa o dalawang taon, pero magagawa mo kayang makita kung sino talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kalikasang diwa niya? Kung hindi siya ibinunyag ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasang diwa mayroon siya. At gaano pa kaya ito katotoo kung madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-bastang nagtitiwala sa isang tao ang mga huwad na lider batay sa isang pansamantalang impresyon o sa positibong pagtingin ng isang tao sa kanya, at nangangahas silang ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa gayong tao. Sa bagay na ito, hindi ba’t lubha silang nagiging bulag? Hindi ba’t kumikilos sila nang walang ingat? At kapag ganito sila gumawa, hindi ba’t lubhang nagiging iresponsable ang mga huwad na lider?” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit ako bulag at padalus-dalos na nagtiwala sa mga tao. Ang pinakaugat ay hindi ko nauunawaan ang katotohanan at napakayabang ko, at sinusukat ko ang mga tao ayon sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon. Ipinagpalagay kong kayang gumawa ng isang tao ng tunay na gawain dahil lang saglit siyang nagpakita ng kaunting magandang pagganap. Nagdulot ito na labis akong magtiwala sa mga tao at mapabayaan ang pangangasiwa at pagsubaybay sa gawain. Sa katunayan, pinaalalahanan na ako ng lider na hindi gaanong mahusay ang kakayahan at kapabilidad sa gawain ni Li Zhi, at sinabihan niya akong mas subaybayan ang mga detalye ng gawain at mas gabayan siya sa paggawa nito. Pero dahil nakahanap si Li Zhi ng tatlong miyembro ng pangkat ng gawaing nakabatay sa teksto at napansin niya ang ilang isyu sa mga sermon, binago ko ang pananaw ko sa kanya, iniisip na mayroon siyang kaunting kapabilidad sa gawain at hindi naman gaanong mahina ang kakayahan niya. Pagkatapos niyon, hinayaan ko lang ang kanyang gawain at hindi ako nakialam, na nagresulta sa pagkaantala nito. Noong inalala kong mabuti, napagtanto kong dalawa sa tatlong miyembro ay ibinigay ng lider, at si Li Zhi ay responsable lang sa pagsasaayos ng kanilang mga tungkulin. Hindi sa natuklasan sila ni Li Zhi sa pamamagitan ng sarili niyang paglilinang ng mga tao; Isa pa, ang dahilan kung bakit nakikita niya ang ilang isyu sa mga sermon ay dahil nagsanay siyang sumulat ng mga ito, at naaarok niya ang ilang prinsipyo. Pero pagdating sa paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan, tulad ng paglutas sa mga isyu sa kalagayan ng mga miyembro ng grupo at sa kanilang saloobin sa kanilang mga tungkulin, hindi na niya ito magawa. Hindi ko sinusukat ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at bukod pa roon, nagpapasasa ako sa kaginhawahan at ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga, hindi ko sinubaybayan o ginabayan nang detalyado ang gawain ni Li Zhi. Sa huli, nakapinsala ito sa gawain. Sa pagninilay-nilay rito, nakaramdam ako ng matinding pagkakonsensya at panghihinayang sa puso ko. Napagtanto kong talagang bulag ako sa mata at sa puso.
Pagkatapos, naghanap ako at nagbasa ng mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano gumawa ng aktuwal na gawain. Sabi ng Diyos: “Kahit ano pang mahalagang gawain ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, at kahit ano pa ang kalikasan ng gawaing ito, ang numero uno niyang prayoridad ay unawain at arukin kung kumusta na ang gawain. Dapat naroroon mismo siya upang magsubaybay sa mga bagay-bagay at magtanong, upang siya mismo ang makakuha ng impormasyon. Hindi siya dapat umasa lang sa mga usap-usapan o makinig lang sa mga ulat ng ibang tao. Sa halip, dapat maobserbahan mismo ng kanyang mga mata ang sitwasyon ng mga tauhan, at kung kumusta ang pag-usad ng gawain, at unawain kung anong mga problema ang mayroon, kung may anumang aspekto ba ng gawain ang hindi ayon sa mga hinihingi ng ang Itaas, kung may mga paglabag ba sa mga prinsipyo, kung mayroon bang anumang kaguluhan o pagkagambala, kung kulang ba ang mga kailangang kagamitan o mga nauugnay na materyales sa pagtuturo tungkol sa propesyonal na gawain—dapat alam niya ang lahat ng ito. Kahit gaano pa karaming ulat ang pakinggan niya, o kahit gaano pa karami ang mahinuha niya mula sa mga sabi-sabi, wala sa mga ito ang makakatalo sa personal na pagbisita; mas tumpak at maaasahan kung makikita niya ang mga bagay-bagay sa sarili niyang mga mata. Sa sandaling pamilyar na siya sa lahat ng aspekto ng sitwasyon, magkakaroon siya ng malinaw na ideya sa kung ano ang nangyayari. Lalo nang dapat ay mayroon siya ng isang malinaw at tumpak na pagkaarok sa kung sino ang may mahusay na kakayahan at karapat-dapat na linangin, dahil ito lang ang magpapahintulot sa kanya na tumpak na linangin at gamitin ang mga tao, na siyang napakahalaga para magawa ng mga lider at manggagawa ang gawain nila nang mahusay” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). Sinasabi ng Diyos na para magawa nang maayos ang tunay na gawain, ang susi ay hindi dapat isaalang-alang ang laman at hindi lang basta makinig sa mga ulat ng iba. Dapat tayong personal na makilahok, pumunta mismo sa lugar ng gawain, at unawain ang mga detalye nito. Dapat din tayong personal na makilahok sa paglutas ng mga problema. Kailangan nating subaybayan ang mga resulta ng gawain pagkatapos ng ilang panahon, hindi lang basta ipatupad ito nang walang pagsubaybay, at dapat nating tiyakin na natutuklasan at nalulutas natin ang mga problema. Kaya nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, sinasabing hindi na ako magiging burukrata, at pagkatapos niyon, nagsimula akong magtuon sa paggawa ng detalyadong gawain, personal na nagtatanong tungkol sa ilang isyu at nagsisikap na lutasin ang mga ito. Noong panahong iyon, wala ring resulta ang gawaing pansermon sa grupong pinamamahalaan ni Sister Su Jing, at nang pumunta ako para alamin ang gawain, ang iniuulat niya ay kung paano siya gumawa ng tunay na gawain at kung paano siya nagdusa at nagbayad ng halaga. Sa pakikinig sa kanyang ulat, mukhang maraming ginawa si Su Jing, pero hindi ito tumutugma sa mga resulta ng gawain, kaya sinimulan kong alamin nang detalyado ang gawain. Nalaman kong labis na pinahahalagahan ni Su Jing ang kanyang reputasyon at katayuan, at kapag nag-uulat ng gawain, ang magagandang balita lang ang iniuulat niya at hindi ang masama. Kapag nagtatanong ako tungkol sa mga detalye ng gawain, palagi niyang iniiwasan ang mahahalagang isyu, at pagkatapos ng ilang beses na pagsisiyasat at pagtatanong, nakumpirma kong walang kapabilidad sa gawain si Su Jing, at pagkatapos ay inalis ko siya sa tungkulin. Dahil hindi ako makahanap ng angkop na tao para maging lider ng grupo noong sandaling iyon, ako na mismo ang gumawa ng ilang detalye ng gawain. Sa loob ng dalawang buwan ng aktuwal na pakikilahok at pagsubaybay sa gawain, bumuti ang mga resulta ng gawaing pansermon. Natikman ko ang tamis ng paggawa ng tunay na gawain.
Hindi ko namalayan, Abril na pala. Ang gawain ng tatlong grupong pinamamahalaan ko ay unti-unti nang umuunlad, at mayroon na rin kaming mga kandidato para sa lider ng grupo. Nagpaplano ako sa puso ko, “Sa wakas, nasa tamang landas na ang gawain, at basta’t regular ko itong susubaybayan, magiging maayos na dapat ito, at sa wakas ay makakapagpahinga na ako.” Unti-unti, sa mga ipinapasang sermon na lang ako nakatuon araw-araw, at hindi na ako nagkukusang alamin pa ang mga detalye ng gawain. Isang araw noong Hunyo, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan, kung saan ang brother ay lider ng iglesia, responsable sa gawain ng ebanghelyo. Napakadetalyado niyang gumawa at alam na alam niya ang sitwasyon ng bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ikinumpara ko ang sarili ko sa kanya at napagtanto kong napakalayo ko. Lalo na nitong nakalipas na kalahating buwan, kuntento na lang ako na may naipapasang mga sermon, at hindi ko na inalam ang mga detalye ng gawain ng bawat grupo. Napagtanto kong medyo naging maluwag ako sa aking gawain. Naisip ko na kailangang baguhin ko na agad ang takbo ng mga bagay-bagay. Kalaunan, sinimulan kong suriin ang mga detalye ng gawain ng ilang grupo. Hindi ko namalayan hanggang sa tumingin ako, nagulat ako nang makita ko. Isang grupo ang may napakaraming sermon na hindi pa nasasala, at sa isa pang grupo, bumaba nang husto ang mga resulta ng gawain. Habang mas sinusuri ko, mas marami akong problemang natutuklasan. Galit na galit ako sa sarili ko. Paano akong tumahak muli sa landas ng isang huwad na lider kahit na labag sa loob ko? Nanalangin ako at naghanap, at nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “May isa pang uri ng huwad na lider, na madalas nating napag-uusapan habang nagbabahaginan tungkol sa paksa ng ‘ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.’ May kaunting kakayahan ang ganitong uri, hindi sila mangmang, sa gawain nila, mayroon silang mga paraan at diskarte, at mga plano para sa paglutas ng mga problema, at kapag binigyan sila ng isang piraso ng gawain, kaya nilang isakatuparan ito nang malapit sa mga inaasahang pamantayan. Kaya nilang tuklasin ang anumang mga problema na lumilitaw sa gawain at kaya rin nilang lutasin ang ilan sa mga ito; kapag naririnig nila ang mga problemang iniuulat ng ilang tao, o inoobserbahan nila ang pag-uugali, mga pagpapamalas, pananalita at mga kilos ng ilang tao, may reaksiyon sila sa puso nila, at may sarili silang opinyon at saloobin. Siyempre, kung hahangarin ng mga taong ito ang katotohanan at mayroon silang pagpapahalaga sa pasanin, maaaring malutas ang lahat ng problemang ito. Gayumpaman, hindi inaasahang hindi nalulutas ang mga problema sa gawaing nasa ilalim ng responsabilidad ng ganitong uri ng tao na pinagbabahaginan natin ngayon. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi gumagawa ang mga taong ito ng tunay na gawain. Mahilig sila sa kaalwanan at namumuhi sa mahirap na gawain, gumagawa lang sila ng mga pabasta-bastang pagsisikap sa panlabas, gusto nilang walang ginagawa at tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, gusto nilang utus-utusan ang mga tao, at ibinubuka lang nila nang kaunti ang mga bibig nila at nagbibigay ng ilang suhestiyon, at pagkatapos ay itinuturing nilang tapos na ang gawain nila. Hindi nila isinasapuso ang alinman sa tunay na gawain ng iglesia o sa kritikal na gawaing ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila—wala sila ng ganitong pagpapahalaga sa pasanin, at kahit na paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi pa rin nila isinasapuso ang mga ito. … Ano ang problema ng ganitong uri ng tao? (Masyado silang tamad.) Sabihin ninyo sa Akin, sino ang may malubhang problema: mga taong tamad, o mga taong may mahinang kakayahan? (Mga taong tamad.) Bakit may malubhang problema ang mga taong tamad? (Ang mga taong mahina ang kakayahan ay hindi maaaring maging mga lider o manggagawa, pero maaari silang maging medyo epektibo kapag gumagawa sila ng isang tungkulin na ayon sa kanilang abilidad. Gayumpaman, ang mga taong tamad ay walang nagagawang anumang bagay; kahit na mayroon silang kakayahan, wala itong epekto.) Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Para ibuod ito sa dalawang salita, sila ay walang silbi; para silang may kapansanan. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; kahit na may mahusay silang kakayahan, wala itong silbi. Masyado silang tamad—alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila ito ginagawa, at kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, at bagama’t alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ayaw nilang tiisin ang mga makabuluhang paghihirap na ito—kaya, hindi sila makapagkamit ng anumang katotohanan, at hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila nais na magtiis ng mga paghihirap na dapat tiisin ng mga tao; ang alam lamang nila ay magpakasasa sa kaginhawahan, magtamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at magtamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Iyong mga palaging nagnanais na mamuhay ng buhay ng isang parasito ay mga taong walang konsensiya o katwiran; sila ay mga halimaw, at ang gayong mga tao ay hindi angkop kahit na gumampan ng trabaho. Dahil hindi nila kayang tiisin ang paghihirap, kahit na kapag gumagampan nga sila ng trabaho, hindi nila ito magawa nang maayos, at kung nais nilang makamit ang katotohanan, mas lalong wala silang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang walang silbing tao; ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang halimaw, na wala ni katiting na pagkatao. Dapat itiwalag ang gayong mga tao; ito lang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Sa pagbabasa ng paglalantad ng Diyos sa mga huwad na lider na may kakayahan pero hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, nanginig ang puso ko. Dati, palagi kong iniisip na hindi naman ako masyadong tamad, at hindi ko kailanman iniugnay ang sarili ko sa walang-silbing tao na inilantad ng Diyos, pero sa pagkakataong ito, sa harap ng mga katotohanan, kinailangan kong aminin na ang ugat ng hindi ko paggawa ng tunay na gawain ay dahil sa pagmamahal ko sa kaginhawahan, pagkamuhi sa pagsisikap, pag-iimbot sa kapanatagan, at pagiging sobrang tamad. Sa pagbabalik-tanaw sa panahon na pinangangasiwaan ko ang gawain ng tatlong grupo, sa simula, kaya kong umako ng kaunting responsabilidad, magtiis ng kaunting hirap, at magbayad ng halaga, at nagpakita ng kaunting pag-unlad ang gawain. Pero masyado kong isinasaaalang-alang ang laman ko, at palagi akong natatakot na gumugol ng mas maraming oras at lakas at pagurin ang sarili ko, kaya nang makakita ako ng kaunting resulta sa gawain, lumitaw ang pagnanais ko para sa kaginhawahan, at sinimulan kong ipasa ang gawain sa mga lider ng grupo at palihim na nagpapakasaya sa aking libreng oras. Sa panlabas, mukhang nagtatrabaho ako araw-araw, pero hindi ako gumagawa ng detalyado at tunay na gawain. Alam na alam kong kakasimula pa lang magsanay ni Li Zhi, pero ipinasa ko pa rin sa kanya ang gawain. Alam na alam ko rin na may mga miyembro ng grupo na may mga problema at nangangailangan ng palagiang pagsubaybay at atensyon, pero hindi ko pa rin pinakialaman. Lalo na noong hiniling sa akin ng isang sister na kapareha ko na pangasiwaan ang isang mahinang grupo, lumaban ako sa puso ko at gusto kong pumili ng mas madaling gampanin, at kahit na pumayag ako sa huli, nag-aatubili ako at labag sa aking kalooban. Dahil ito sa pag-iimbot ko sa kaginhawahan, sa mga tungkulin ko, nakatuon lang ako sa pag-iwas sa pagdurusa ng laman at sa pagbabawas ng pagugol ng pag-iisip. Kuntento na ako araw-araw sa pagsala lang ng mga sermon, at ayaw kong pagurin ang aking isip para kusang pag-isipan ang mga problema ng bawat grupo. Nagsimula akong masigasig sa pagganap sa tungkulin ko, pero hindi ko ito naipagpatuloy hanggang dulo, at palagi kong pinipili ang pinakamadaling landas. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng isip para pag-isipan ang mga wastong bagay, pero kailanman ay ayaw kong gamitin ang isip ko o pag-isipan ang mga problema. Isinaayos ng iglesia na gawin ko ang ganito kahalagang tungkulin, pero hindi ko iniisip kung paano magbayad ng halaga para maging epektibo ang gawain. Sa halip, naging iresponsable ako sa aking mga tungkulin para sa kapakanan ng kaginhawahan ng laman. Talagang wala akong konsensiya o pagkatao. Hindi ba’t ako mismo ang uri ng walang-silbing tao na tinutukoy ng Diyos? Kahit hindi ako baldado, hindi ko ibinigay ang lahat ng makakaya ko sa aking mga tungkulin. Kaya ako naging isang walang-silbing tao.
Kalaunan, nagsimula akong mapaisip, “Ano ang maidudulot sa akin sa huli ng palagi kong pag-iimbot sa kaginhawahan ng laman? May kabuluhan ba ang palaging pagpapahalaga ko sa laman?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang laman ng tao ay tulad ng ahas: Ang diwa nito ay ang pinsalain ang kanyang buhay—at kapag ito nga ay ganap na nanaig, masisira ang iyong buhay. Ang laman ay kay Satanas. Palaging may maluluhong pagnanais sa loob nito; palagi itong nag-iisip para sa sarili nito, at palagi itong nagnanais ng kaluwagan at gustong magpakasasa sa kaginhawahan, na walang pagkabalisa at pakiramdam ng pag-aapura, nalulugmok sa katamaran, at kung bibigyang-kasiyahan mo ito hanggang sa isang partikular na punto, sa huli ay lalamunin ka nito. Na ang ibig sabihin, kung bibigyang-kasiyahan mo ito ngayon, hihilingin nito sa iyo na palugurin uli ito sa susunod. Lagi itong may maluluhong pagnanais at mga bagong kahilingan, at sinasamantala ang iyong pagkabuyo sa laman upang lalo mo itong pahalagahan at mamuhay kasama ng mga ginhawa nito—at kung hindi mo ito kailanman malalampasan, sisirain mo ang iyong sarili sa huli” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos). Oo nga, ang laman ay parang ahas; bigyan mo ng daliri, pati kamay ay kukunin. Habang mas binibigyan mo ito ng kasiyahan, mas lalo itong nagiging walang kabusugan, at sa huli, kaya nitong lamunin ang isang tao. Sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, noong personal akong nakilahok sa gawain, kahit medyo pagod ang katawan ko, kaya kong magtuon sa paghahanap sa katotohanan para matugunan ang anumang dumating, at mas madalas akong nanalangin sa Diyos, at mas madalas na nagnilay-nilay sa aking sarili. Ang pinakamahalaga, habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko, naramdaman ko ang gabay ng Diyos, payapa at panatag ang espiritu ko, at normal ang relasyon ko sa Diyos. Pero kapag isinaalang-alang ko ang aking laman, hindi ko na iniisip kung paano tutuparin ang mga tungkulin ko. Sa halip, iniisip ko kung paano ako makakapagpahinga nang mas matagal at kung paano ko mapapahinga ang aking isip, at unti-unti, kapag nakakakita ako ng mga problema, ayaw ko nang asikasuhin ang mga ito at lalong ayaw kong kusang lutasin ang mga ito. Minsan naiisip ko pa, “Bakit ko pa papagurin nang husto ang sarili ko? Bakit kailangang makialam sa lahat ng bagay, papagurin nang husto ang sarili—hindi ba’t kahangalan iyon?” Unti-unti akong nagpadaig sa aking laman, na naging dahilan para maging mas pasibo ako sa aking mga tungkulin, maantala ang gawain, at magkaroon ng mga pagsalangsang. Pagkatapos maunawaan ang mga bagay na ito, ginusto kong maghimagsik laban sa laman ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at gumawa ng tunay na gawain.
Isang araw, sa panahon ng mga debosyonal, nagbasa pa ako ng mas maraming mga salita ng Diyos: “Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumampan sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, magbigay ng anumang palugit, o maghanda ng malulusutan. Kung ikaw ay nagiging maluwag, mapagkalkula o tuso at nagpapakatamad, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin). “Kung talagang may kakayahan ka, tunay mong nauunawaan ang mga propesyonal na kasanayang saklaw ng iyong responsabilidad, at hindi ka isang tagalabas sa iyong propesyon, isang parirala lamang ang kailangan mong sundin, at magagawa mo nang maging tapat sa iyong tungkulin. Aling parirala? ‘Isapuso mo ito.’ Kung isinasapuso mo ang mga bagay-bagay, at isinasapuso mo ang mga tao, magagawa mong maging tapat at responsable sa iyong tungkulin. Madali bang isagawa ang pariralang ito? Paano mo ito isasagawa? Hindi ito nangangahulugan ng paggamit ng iyong mga tainga para makinig, o ng iyong isipan para mag-isip—ibig sabihin nito ay paggamit ng puso mo. Kung tunay na magagamit ng isang tao ang puso niya, kapag may nakita ang mga mata niya na isang tao na ginagawa ang isang bagay, kumikilos sa isang paraan, o may partikular na pagtugon sa isang bagay, o kapag naririnig ng kanyang mga tainga ang mga opinyon o argumento ng ilang tao, sa paggamit ng kanyang puso para pagnilayan at pag-isipan ang mga bagay na ito, papasok sa kanyang isipan ang ilang ideya, pananaw, at saloobin. Ang mga ideya, pananaw, at saloobing ito ay bibigyan siya ng malalim, partikular, at tamang pagkaunawa sa tao o bagay na iyon, at kasabay nito, magpapausbong ito ng mga angkop at tamang paghusga at prinsipyo. Tanging kapag may mga pagpapamalas ang isang tao ng paggamit sa kanyang puso ay nangangahulugan na siya ay tapat sa kanyang tungkulin” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na para magampanan ang mga tungkulin ko at makagawa ng tunay na gawain, dapat ko munang sadyang paghimagsikan ang tiwaling disposisyon ko at isapuso ang mga tungkulin ko. Hangga’t isinasapuso ko ito, matutuklasan ko ang mga problema at malulutas ko talaga ang mga ito. Sa paggawa lang nito ako makagagawa ng mga tungkulin nang may katapatan, at saka lang ito maituturing na paggawa ng tunay na gawain. Kung hindi ko ito isasapuso at ayaw kong pagsikapan nang husto o magbayad ng halaga, hindi ako magsisikap na hanapin ang katotohanan kapag nakakakita ako ng mga problema, at baka hindi ko pa nga matuklasan ang mga problema, lalo na ang lutasin ang mga ito, at sa huli, hindi ko magagampanan ang aking mga tungkulin.
Kalaunan, isa-isa kong kinausap ang sister na kapareha ko tungkol sa mga problema sa grupo. Maingat naming sinuri ang gawain sa grupo at nakakita kami ng ilang paglihis at pagkukulang, at pagkatapos ay sumulat ako ng liham para praktikal na makipag-ugnayan, at unti-unting nalutas ang isyu ng mababang kahusayan sa pagganap ng mga tungkulin sa grupo. Pero alam kong hindi malulutas ang mga gawaing ito sa isang beses lang, na kailangan ang patuloy na pagsubaybay at pangangasiwa, at ito ay isang gawaing kailangang gawin sa mahabang panahon. Minsan, kapag dumarami ang gawain, nagpapakita pa rin ako ng kalagayan ng pagnanais na maging tamad at iwasan ang pagod, pero nagagawa kong maituwid agad ang aking maling kalagayan at paghimagsikan ang aking laman, at gumawa ng tunay na gawain batay sa mga salita ng Diyos. Hindi ko namamalayan, nagsimula nang magpakita ng malilinaw na resulta ang gawaing pansermon sa mga grupong ako ang responsable, at talagang masaya ako. Nakaramdam ako ng kapanatagan sa puso ko habang ginagawa ang mga tungkulin ko sa ganitong paraan.
Matapos maranasan ito, napagtanto kong hindi mahirap gumawa ng tunay na gawain. Kailangan lang isapuso ito. Kapag itinuwid mo ang iyong mga layunin—malayo sa kaginhawahan at kagaanan ng laman, at sa halip ay nakatuon sa mga pagsasaalang-alang kung paano gumawa ng tunay na gawain— mas nakatuon ang iyong puso sa mga tamang bagay, at sa mga tungkulin mo, mararamdaman mo ang gabay ng Diyos, at mas malinaw at tumpak mong makikita ang mga problema. Ang pinakamahalaga, sa pamamagitan ng paggawa ng tunay na gawain, mas marami kang matutuklasang problema, at maaari mong sanayin ang iyong sarili na lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at sa pamamagitan ng paghahanap, mauunawaan mo rin ang isa pang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo. Napagtanto ko na ang paggawa ng tunay na gawain ang landas tungo sa kapayapaan at kapanatagan ng puso. Salamat sa Diyos!